Palaisipan

question mark

Bigyan mo ito ng tamang paliwanag.

1. May isang lalaking nakatira sa 15th floor ng isang building. Sa umaga ay wala siyang problema sa elevator papuntang trabaho ngunit pag-uwi niya sa gabi, sa 6th floor siya napipilitang bumaba at mula doon ay aakayatin niya yung hagdanan papuntang 15th floor. Madalas ganito yung ginagawa niya maliban na lang kung may kasabay siya o umuulan. Anong hiwaga kaya mayroon sa 6th floor?

2. Isang araw, inihatid ng doktor ang kanyang teenager na anak sa sasakyan papuntang paaralan. Pagdating niya sa hospital na kanyang pinaglilingkuran, kinailangan niya agad pumunta sa emergency room dahil may teenager na nagkaroon ng car accident. Nagulat ang doktor nang makita niyang anak niya ang nakaratay sa nasabing silid. Bakit hindi man lang nagalusan ang doktor at nagulat pa ito nang makita ang anak?

3. Dalawang mag-ama ang namimingwit sa tabing-ilog isang hapon. Nakahuli sila ng tatlong malalaking isda at yun ang ginawa nilang hapunan, tig-iisang piraso. Paanong nagkasya ang tatlong isda sa dalawang mag-ama?

4. Isang binata ang pumasok sa isang bar at humihingi ng isang basong tubig. Ngunit nabigla ang lahat nang tutukan siya ng baril ng isang mama. Pagkatapos noo’y umalis ang binata at nagpasalamat pa. Bakit siya nagpasalamat sa mama?

Palaisipan. Kapag may kaibigan akong nagbigay ng mga ganitong isipin, pinagagana ko talaga yung utak ko sa lohika ng bawat pangyayari. Pilit kong hinahanapan ng sagot ang tanong na bakit nagkaganun o paano naging posible. May madadaling sagutin dahil nasa kwento na mismo ang sagot, meron din namang ihinihingi ng ilang minuto para mag-isip lalo na kapag may involve na math at may panahon ding maaasar ka dahil hindi mo talaga alam ang sagot. Sirit na nga, e. (at may mga palaisipan na hindi rin alam ng nagtatanong kung anong sagot kaya babalikan ka ng pilosopong tanong na “kaya ko nga sa ‘yo pinapahulaan e.”) Kainis.

Dumarating sa buhay natin yung nagtatanong tayo sa nangyayari sa takbo ng career o ng relasyon na meron tayo sa kasalukuyan. Bakit kaya ganoon, mas magaling naman ako sa kanya, pero bakit siya yung mas mataas ang posisyon sa company? Bakit kaya mas magandang lalaki/babae ako sa kanya pero siya yung mas may magandang lovelife? Bakit ang laki ng sweldo ko, pero hindi ko alam kung saan napupunta? Bakit kaya hindi ako maintindihan ng mga taong parati kong iniintindi?

Sino sa atin yung hindi dumaan sa ganitong pagtatanong? Ang sabi, abnormal ang taong hindi nagtatanong ng ganito sa sarili. Kahit nga mga Christians na tayo, we often ask why bad things happen to good people? And we can’t deny sometimes that we do question GOD. Parang naiisip natin na Life is unfair.

But you know what, those answers, those questions. We can find the answers on the Bible itself.

Ano ba ang sinasabi ng Diyos sa atin.  Sabi sa

Romans 8:28 (NIV)

And we know that all things work together for good to them that love God, to them who are called according to his purpose.

Sabi sa Tagalog:

At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga’y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.

Boom. Ganoon pala yun.

All things work together. Lahat pala yan ay magkakaugnay at umaayon based on God’s design. We can take medicine as an example.

Bago kasi maging gamot ang isang gamot, dumadaan yan sa proseso. Lahat ay akmang akma at tamang tama ang pagkakahalo ng mga chemicals na angkop dito. Dahil kapag napasobra ang isang chemical, lason ang labas nito. Kahit pa nga yung mga gamot na mismo, masama rin ang epekto kung mali o sobra ang pagkakainom o injection. Kaya nga may mga nagiging gulay o napaparalisa kasi nga, na-o overdose.

So ganyan din ang buhay Kristiyano. We all know that we are not free from suffering, from pain, from heartaches. Kahit halughugin natin yung Bible, walang verse na nagsasabing ganyan. The thing is, LAHAT ng pain, happiness, failures and success, all these work together for good. The key word is TOGETHER. Parang kape yan, walang kwenta kapag isa isa mong tinitikman. Subukan mong isubo ang isang kutsarang kape, tapos saka mo isunod ang asukal. Tapos yung creamer. Tapos saka ka uminom ng tubig at lumundag at gumiling-giling. Para kang sira-ulo pag ganoon. Dapat tinitimpla, kinukuha ang lasa para mas masarap.

This is how we are continuously molded by God. Not by happiness alone. Not by success alone. Kasama diyan yung mga times na mababang mababa ka at punung puno ng problema. Kasama diyan yung mga oras na walang wala kang pera at wala ka ring mautangan. These are the experiences which teach us lessons on how we can become better and stronger people, more matured Christians. And in this way, mas nagiging malalim yung outlook natin sa buhay, yung relationship natin sa Diyos.

Ganyan kumikilos ang Diyos sa buhay natin. Minsan pa nga, naso-surpresa tayo on how good our God is. Yung tipong sunod-sunod ang blessings. Minsan naman, sunod-sunod din ang problema. Sabi nga, When it rains, it pours.

Narinig nyo na ba yung phrase na Blessing in Disguise? Eto naman yung mga pangyayari sa buhay natin na akala natin e napaka-malas natin. Pero, yun pala, God has His own reasons on why he allowed those things to happen. There are things na nawawala sa kamay natin. We lose some things or persons na mahalaga sa atin. Tapos mare-realize natin, God just wants to empty our hands so we can grasp bigger things. May mas maganda pala siyang plano. Ganyan kabuti yung Diyos.

Let us remember the life of Joseph the Dreamer. Alam naman natin yung mga pinagdaanan niya, na inapi at ibinenta siya ng mga kapatid niya. Naging alipin at naging bilanggo. Yun pala, he has to experience all those hardships so he can become powerful and fulfill his purpose.

Pero, ngunit, subalit, datapwat…

Sabi ng later part ng verse sa Romans 8:28, to them that love God, to them who are  called according to his purpose.

It means this verse is a promise. Eto yung pangako ng Diyos sa lahat ng tinawag niya at sumusunod sa kanyang mga aral. Our God is a just God. Mahal tayo ng Diyos but that doesn’t mean na ibibigay lang niya yung Good sa atin basta-basta, the condition is we should obey His commandment. We have to work hard for this promise. Para ito sa mga tinawag niya at tumutugon sa Calling na ibinigay niya.

At kung mas lalaliman pa natin ang pag-unawa sa verse na to, ang ibig sabihin pala nito ay hinuhulma tayo ng Diyos to be like Him. All things work together for Good. At ang Good dito ay tumutukoy sa buhay na kawangis niya. Upang pagyamanin pa yung spiritual life natin. Sa Eternal Life with Him. Eto yung totoong kahulugan na nais ipahiwatig sa atin ng Diyos.

When I was in college ako, isang debate sa klase ang naganap. Sabi ng iba kong kaklase, life is what we make it. May punto nga naman. Nasa ating kamay daw yung mga mangyayari sa atin sa bukas. May choice daw tayo kung anong hakbang ang dapat nating gawin, ang daang dapat nating tahakin. May ilan naman akong kaklase na nagsasabing ang lahat ng pangyayari ay nakasulat na. Na kahit sanggol ka pa lang at walang muwang ay mayroon ka ng design na sinusundan. Na lahat ng pangyayari ay hindi aksidente lang o pagkakataon.

In our lives, we will always be bombarded by different challenges. We will always be facing and continuously raise questions. Kasi nga, ang buhay ay isang malaking palaisipan and sometimes, really unfathomable.  And if those times come, when we are in the midst of doubt, try to remember ROMANS 8:28.

Ang Mahiwagang Pluma at ang Paghahanap sa Bagong Daigdig

i

Ang Alamat

Sa lugar na hindi pa naaabot ng kamalayan, lunang mas matayog pa sa kaulapan, isang tunggalian ang nagaganap sa pagitan ng dalawang mistikong nilalang. Isang tunggaliang sila lang din ang nakakabatid ng kadahilanan.

Isang griffin at phoenix ang nagpapambuno sa kalawakan. Nagpaikot-ikot habang sagpang ng phoenix ang leeg ng griffin. Ilang tangkang pagpupumiglas at nakawala ang nilalang na kalahating agila – kalahating leon. Sinunggaban niya ang buntot ng phoenix at ibinaon ang matutulis na kuko sa pakpak nito. Napaigtad ang mistikong ibon at pinilit na kumawala sa bangis ng griffin.  Muli silang nagpaikot-ikot sa himpapawid.

Ngunit sa pagkakataong iyon, bigong makahulagpos ang phoenix kaya’t lalo pang ibinaon ng griffin ang kanyang kuko sa pakpak ng ibon.  Isang matinding sakmal sa dibdib ang kanyang pinakawalan at napaigtad ang phoenix. Bumulwak ang nagniningning na bughaw na likido mula sa katawan nito. Nakita niya ang pagtulo ng malakristal na luha ng ibon. Mahina na ang kanyang kalaban. Hindi na niya maramdaman ang lakas at kapangyarihan ng pinakamalupit niyang katunggali.

Naramdaman ng griffin ang tamis ng tagumpay. Siya na ang maghahari sa daigdig ng mga mahikal na nilalang. Tinanggal niya ang pagkakasakmal sa phoenix. At ang nagapi ay tuluyang nahulog habang nakatingin sa patuloy na lumilipad na griffin sa kalangitan . Bumagsak ang ibon, padausdos mula sa lugar na hindi abot ng kamalayan at matayog na mga ulap.

Ang natalong phoenix ay bumagsak sa isang kabundukan. Nakita ito ng isang batang mangangaso. Natatakot man, nilapitan ng bata ang naghihingalong ibon. Sinubukang painumin ng tubig mula sa sisidlan niyang dala. Ngunit huli na ang lahat, nakatakda na ang katapusan ng mahikal na ibon. Nagliyab sa apoy na hindi nakapapaso ang balahibo ng phoenix. Napatakbo palayo ang bata at nagtago sa isang malagong halaman. Nakita niya mula sa pinagtataguan ang pagkasunog ng ibon hanggang sa ito ay maging bunton ng abo. Aalis na sana siya nang mapansin niyang may bagay na kumikinang sa bunton ng abo. Nilapitan niya iyun sa pag-aakalang isang bagong phoenix ang isisilang. Ngunit, nagulat siya nang matuklasan ang nagliliwanag na makulay na isang piraso ng balahibo ng nasunog na phoenix. At parang may sariling isip ang balahibo, umangat ito at nagsulat sa hangin ng nagliliyab ng mga letra.

GID MUL GABAS SGNAA ISU GNO GIAD PGNA

At bumagsak sa paanan ng batang mangangaso ang balahibo ng phoenix. Nakaukit sa pinakatangkay nito ang naturang mga letra. Nagpasya ang batang iuwi iyun sa kanilang tahanan, lihim sa mga magulang. Simula noon, may kakaibang nangyari sa batang mangangaso. Ang bata ay gabi-gabing dinadalaw ng mga Musa. At sa umaga, nakakalikha siya ng mga bagong obra – tula, awit at kwento gamit ang mahiwagang pluma. Subalit makalipas ang ilang araw, nawalang parang bula ang bata. Sinasabing na-engkanto at napadpad sa ibang daigdig. Naiwan lang sa higaan niya ang nagliliwanag na pluma.

Doon nagsimula ang alamat ng mahiwagang pluma, ang balahibo ng isang phoenix na nagtataglay ng kakaibang mahika. Ito ang alamat na siya ngang nagpasalin-salin sa mga henerasyon, nagkaroon ng iba-ibang bersyon sa iba-ibang panahon.

ii

Ang Tatlong Kaharian

Bago pa man narating ng mundo ang kasalukuyan nitong estado, ang naghaharing sistema ay ang mga kaharian. Sa mga ito, tatlong kaharian ang namumukod-tangi kung ang pagbabatayan ay kapangyarihan at impluwensiya. Ito ang mga kahariang MILITIA, SCIENTIA at ARTIS.

Ang Kahariang Militia ay isang kahariang naniniwala na ang tunay na kapangyarihan ay nakasalalay sa puwersa ng hukbong sandatahan. Pinamumunuan ito ng hari-heneral na naniniwalang ang pagpapalawak ng imperyo ay sa pamamagitan ng pagsakop sa mga mas maliliit at mahihinang mga kaharian sa dahas at madugong pamamaraan. Ang mga lalaki dito ay sinasanay sa pakikidigma at paghawak ng mga sandata gaya ng espada, sibat at kung anu-ano pa. Ang mga babae ay itinuturing na mababang uri – tagasilbi, tagasunod at parausan. Mga barako lang ang may karapatan. Walang lugar ang mahihina at itinataboy palabas ng kaharian. Kaya nga, hindi rin kataka-taka ang kahusayan ng kahariang ito kung taktika at digmaan ang pag-uusapan.

Nilusob nila ang Kahariang Infirmus sa pamamagitan ng taktikang pagpapadala ng mga puta na siyang umakit at nanlansi sa mga kawal ng kalabang kaharian at saka sumugod ang kanilang hukbong pandigma. Nasakop naman nila ang Kahariang Novus sa pamamagitan ng paglalagay ng ahas, alakdan, alupihan, tarantula at iba pang makamandag na mga hayop sa mga tahanan ng taga-Novus matapos makipagkaibigan sa naturang kaharian. Pagkatapos noon ay saka sila umatake sa pamamagitan ng pagpapaulan ng panang may apoy at lason. Ngunit, hindi pa rin nakukuntento ang hari-heneral. Narinig na rin niya ang alamat ng balahibo ng phoenix at ang pagkawala ng batang mangangaso. Alam niya na mayroon pang daigdig na hindi pa natutuklasan. At iyun ang nagtutulak sa kanya upang manakop ng ibang kaharian, nagbabaka-sakaling matagpuan ang maalamat na daigdig.

Ang Kahariang Scientia naman ay kahariang naniniwalang ang kapangyarihan ay nakasalalay sa kaalaman sa agham at teknolohiya. Pinamumunuan ito ng hari-siyentipiko na nagpupuwersa sa buong kaharian upang tumuklas ng bagong bagay o lugar na magpapalawak ng kanilang impluwensiya. Binabandera nito ang kanilang kaalaman sa medisina at astronomiya. Mga henyo lang ang may karapatan sa kahariang ito. Walang lugar ang mga mahihina ang ulo at mabagal matuto. Sila’y pinagtatabuyan palabas ng kaharian.

Tulad ng Kahariang Militia, ilang kaharian na rin ang napasailalim ng dinastiyang ito. Una nilang nasakop ang Kahariang Ignarus matapos ang kasunduang pagagalingin ang hari at ang buong kaharian na noon ay napasailalim ng sumpa ng kakatwang sakit. Ang hindi alam ng mga taga-Ignarus, ang sakit na iyun ay pakana din ng Kahariang Scientia. Nasakop naman nila ang Kahariang Bardus makaraang tulungan nito ang kaharian noong panahon ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pagkain. Ang hindi batid ng Bardus, kagagawan ng Scientia ang pagkatuyot ng kanilang mga pananim. Nilagyan nila ng lason ang lupa nitong sakahan. Isang uri ng pagkain ang noon ay na-imbento ng Scientia at ang hitsura nito ay gaya ng sorbetes ngunit lason pala ang hatid. Iyun ang ikinamatay ng hari at reyna ng Bardus sa piging na dinaluhan din ng hari-syentipiko. Tunay ngang ang pagiging henyo at tuso ng Kahariang Scientia ay kapaki-pakinabang sa kanyang nasasakupan ngunit mapanganib naman sa kanilang mga kalaban.

Patuloy rin ang pagsisikap ng Kahariang Scientia na matuklasan ang Bagong Daigdig. Gusto nilang malaman ang katotohanan sa likod ng alamat ng balahibo ng phoenix at ang pagkawala ng batang mangangaso.  Nariyang mag-imbento sila ng pinakamahusay na kamera at teleskopiyo upang silipin ang mga bituin at kalangitan. Patuloy rin silang nagsasaliksik at nagbabaka-sakaling ang Bagong Daigdig na sinasabi ay yaong paglalakbay sa oras at panahon maliban sa kasalukuyan – pagbalik sa kahapon at pagsilip sa bukas. Ngunit, bigo pa rin sila sa kanilang paghahanap sa maalamat na daigdig.

Ang ikatlong kaharian ay ang Kahariang Artis. Ipinagtataka ng Scientia at Militia ang kapangyarihan ng Artis. Wala itong mahuhusay na mga mandirigma at walang kaalamang kayang magpabagsak ng ibang kaharian. Hiwaga sa kanila ang pagkakaroon ng payak ngunit ma-impluwensyang kaharian. Ni hindi sila nananakop ng ibang mga kaharian, manapa’y sila ang nilalapitan.

Ilang beses na ring tinangkang lusubin ng dalawang makapangyarihang dinastiya ang Kahariang Artis. Nagpadala ng mga puta ang Militia ngunit hindi na bumalik ang mga babaeng bayaran. Ilang mga barakong mandirigma rin ang inutusang lusubin at wasakin ang kalaban ngunit tulad ng mga puta, hindi na nila nabalitaan kung ano ang kanilang kinahinatnan. Tinangka naman ng Scientia na magpadala ng mga taong magkakalat ng sakit sa Kahariang Artis ngunit ang mga ito’y hindi na rin bumalik. Nagpadala rin sila ng sorbetes at kunwaring mga handog ngunit hindi pa rin umubra. Ang hindi alam ng dalawang kahariang ito ay ang katotohanang ang mga itinaboy nilang mahihina at bobong mamamayan ay kinalinga ng Artis at siyang naging susi upang malabanan ang kanilang mga taktika.

Hanggang nagsanib-puwersa ang Scientia at Militia. Nakarating sa kanila – salamat sa ilang matapat na mga espiya – ang mas malaking lihim ng Kahariang Artis.

iii

Ang Susi

Pagpupugay sa Sining – ito naman ang pundamental na paniniwala ng Kahariang Artis. Naniniwala silang ang lahat ng bagay ay may angking kagandahan at lalong tumitingkad sa malikhaing pagpapahayag.

At ngayong taon, muli nilang ipinagdiriwang ang Pagsilang ng Phoenix. Isang anwal na tradisyon kung saan pararangalan ng hari (na isa ring alagad ng sining bilang pintor at manunulat) ang mga bagong kaluluwang nagpatingkad sa kani-kanilang larangan. Ngunit ang taong ito’y natatangi dahil sa kanilang mga panauhin – ang hari-heneral ng Militia at ang hari-siyentipiko ng Scientia. Hatid ng dalawang hari ang mungkahing nagnanais na makipagkasundo para sa mas matibay na ugnayan ng tatlong kaharian.

Unang sumabak ang mga babaeng Mananayaw na nakasuot ng maskara at makikinang na mga kasuotan. Inaliw nila ang buong kaharian sa kanilang husay sa paggalaw at pag-indayog. Sumasabay sa ritmo ang bawat kilos.

Sumunod na nagbigay-aliw ang mga nakamaskara ring mga Musikero. Mga grupo ng kalalakihang koro na may bitbit na kaniya-kaniyang instrumento – may alpa, may tambol at kung anu-ano pa. Hindi rin magkamayaw sa palakpakan ang mga tao sa kanilang makalangit na mga harana.

Pumasok na rin ang grupo ng mga Manunulat at mga alagad ng Literatura. Ipinagmalaki nila ang kauna-unahang peryodiko ng kaharian na isa ring kalipunan ng mga naisulat na tala, tula, sanaysay, talumpati ng mga hari, kwentong-bayan at mga alamat. Nagkaroon pa sila ng balagtasang tumutukoy kung alin ang mas makapangyarihan – ang sandatahan, ang sining o ang siyensiya na lubos na nagpapukaw ng interes ng tatlong hari.

Pagkatapos, pumasok naman sa tanghalan ang ilang kabataang may dalang makukulay na bagay na tila sorbetes. Napatayo ang hari ng Scientia. Hindi yata’t ihahain sa kanila ang pagkain (o lason) na kanilang likha.

Ngunit ang mga iyun pala ay palabas lang. Huwad na mga sorbetes. Kawangis lang pala. Dalawang nakabalabal na mga babae ang naglakad sa gitna kung saan may nakalagay na malalaking tapayan. Tinanggal ng mga ito ang kaniya-kanyang balabal. Tumambad sa kanilang harapan ang magagandang katawan ng mga babae. Kita ang kuyukot at malulusog na suso. Sabi nga’y kita ang kaluluwa. Lumapit sila sa tapayan at may kinuha. Buhay na mga ahas! Ipinulupot nila sa kanilang katawan at pumusturang akala mo ay istatwa.

Iyun ang hinihintay ng mga kabataan. Lahat ay naglabas ng gamit sa pagpipinta at ang mga pinturang ginamit ay mga kulay ng sorbetes. Lahat ay nakatutok habang kanya-kanyang guhit ang mga kabataan. Iba-ibang interpretasyon. May larawang animo’y diwata at may pakpak. May makulay. Mayroong payak. Mayroon din namang mahirap ipaliwanag. Masigabong palakpakan ang ibinigay sa kanila ng buong kaharian.

Isang dula naman `ang sumunod na itinanghal. Ang kwento ng buhay ng isang puta na naging asawa ng panganay na prinsipe ng Kahariang Artis. Halos maiyak ang lahat sa galing umarte ng bawat tauhan sa naturang dula. Pagkatapos ng dula ay saka pumasok ang mag-asawang prinsipe at prinsesa. Nakakabighani ang ganda ng naturang prinsesa na dati ay puta lamang ng Kahariang Militia.

Lalong ikinakunot-noo ng hari ng Militia at Scientia ang sumunod na mga pangyayari. Inalis ng mga kasali sa palabas ang kanilang mga maskara. At nalaman nilang ang mga ito nga ang mga taong itinaboy nila palabas ng kani-kanilang kaharian.

Natapos ang mga pagpapakitang-gilas ng mga bagong alagad ng Sining. Tumayo ang hari ng Artis at may isinenyas sa mga kawal. Pagkatapos, pumasok ang isang batang lalaking nakadamit-mangangaso. Sapo sa kanyang mga kamay ang isang kahon at ibinigay sa hari.

“Muli, binabati ko ang lahat sa isang napakagandang pagtatanghal. Tayo ang mga phoenix na isinisilang – mga bagong alagad ng sining. Nawa’y patuloy kayong dalawin, pukawin ng inyong mga Musa. Nawa’y patuloy na gisingin nito ang natutulog nating mga diwa at ipagbunyi ang kagandahan ng buhay sa masining na paraan.”

Iniangat ng hari ng Artis ang kahon at binuksan. Bumungad sa kanila ang nakakasilaw at nagniningning  na pluma.

“ANG MAHIWAGANG PLUMA!!!”  bulalas ng haring-heneral ng Militia.

“ANG BALAHIBO NG PHOENIX!!!” bulalas ng haring-siyentipiko ng Scientia.

Iyun ang pagkakataong hinihintay ng dalawang bisitang hari. Kaagad na tinutukan ng hari ng Militia ng matalim na balaraw ang leeg ng hari ng Artis. Inagaw naman ng hari ng Scientia ang tangang pluma ng hari ng Artis. Nagulat na lang ang mga taga-Artis sa nangyari nang tutukan din sila ng mga espada ng kasamang mga tauhan ng dalawang hari. Hindi sila makapalag lalo pa at nasa kamay ng mga ito ang buhay ng minamahal nilang pinuno.

“Totoo nga ang alamat. Nandito pala ang mahiwagang pluma,” ngumingising sigaw ng hari ng Scientia at binasa nito ang nakasulat na mga letra.

GID MUL GABAS SGNAA ISU GNO GIAD PGNA

 “Sa akala niyo ba’y kayo lang ang makikinabang sa hiwaga ng pluma?” Nanlilisik ang mata ng hari-militar habang pinaglalaruan ng balaraw ang mukha ng hari ng Artis.

“At akala ninyo ba’y hindi namin matutuklasan ang isinasaad ng pluma?” At binasa nga ng hari-syentipiko ang nakasulat. Lalo nitong napatunayan ang pagiging pantas nang basahing….

ANG PLUMA ANG SUSI SA BAGONG DAIGDIG

 Mga hangal, hindi ninyo nauunawaan ang lahat!” sigaw ng hari ng Artis.

“Ikaw ang hangal,” bulyaw ng hari ng Militia. “Ngayong alam na namin ang inyong lihim, dalhin mo kami ngayon sa Bagong Daigdig.”

Umiling-iling ang hari ng Artis.

“Naaawa ako sa inyo,” wika nito at kinuha ang pluma. “Iyun lang ba ang pakay ninyo? Mangako kayong walang sasaktan sinuman dito sa kaharian at dadalhin ko kayo sa Bagong Daigdig.”

Pagkatapos noo’y naglakad ang tatlong hari palayo sa tanghalan. Naiwan ang mga taong hindi makapaniwala sa nangyayari.

Tinunton ng tatlong hari ang lihim na daan. Parang yungib sa mga kuweba. Hindi lubos maisip ng dalawang tusong hari na may ganitong lugar na nakatago sa kaharian ng Artis. Narating nila ang isang pintuang may larawan ng phoenix. Kinuha ng hari ng Artis ang pluma at isinalpak sa isang bahaging may ukit na balahibo. Bumukas ang pintuan.

Madilim ang loob na kanilang pinasukan. Halos wala silang makita. Sinindihan ng hari ng Artis ang isang lampara at kagyat na itinapon sa sahig. Unti-unti, lumakad ang apoy sa daang disenyo, pabilog sa buong lugar. Napuno ng liwanag ang buong paligid. At tumambad sa kanila ang isang malawak na koleksyon ng mga bagay na may kinalaman sa Sining.

Iba’t ibang larawan ng kalikasan, tao, hayop, mga sayaw, pagtitipon at kung anu-ano pa. Punong-puno ng kulay. Mga nililok na kasangkapan na kakikitaan ng mataas na antas ng disenyo. Mga upuan, lampara, lamesang yari sa sari-saring materyal. May mga alahas at mga lumang kasuotan. May mga bunton ng aklat na halu-halong nakasalansan sa isang gilid.

Lubos na namangha ang dalawang hari. Hindi makapaniwalang ang mumunting mga bagay ay kakikitaan ng husay at galing na mga disenyo. Para nga silang napunta sa kakaibang daigdig. Sa daigdig ng Sining.

May ipinakitang malaking libro ang hari ng Artis. Binuksan niya iyun.

“Mga kapwa ko hari, ako’y may ipagtatapat sa inyo,”simula niya.

“Ang Alamat ng Balahibo ng Phoenix at ang Bagong Daigdig ay isa lamang sa mga alamat na sinulat ng unang hari ng Artis. Iyun ay isa lang sa mga bunga ng malikhain niyang pag-iisip. Iyun ay kwento lamang na nagbubukas ng ibang daigdig,” nangingiti nitong pahayag.

“Ang Daigdig ng IMAHINASYON,” patuloy niya, “iyan ang Bagong Daigdig na tinutukoy sa alamat. Ang lugar kung saan ang lahat ay nagiging posible. Ang lugar kung saan makalilikha ng mundong sarili mo, malaya at makulay. Ang mayamang imahinasyon ng Tao ay walang hanggan, walang katapusan. At diyan natin makukuha ang kasiyahan sa buhay. Ang imahinasyon ang magbibigay-kulay at magbibigay-ganda sa lahat ng bagay na ating nadarama at nakikita. Ang daigdig ng imahinasyon kung saan maaaring magtagpo ang katotohanan at ilusyon. Ang kasaysayan at mahika. Iyan ang Daigdig na nais niyang marating nating lahat.”

“Ngunit ang pluma, ang balahibo ng phoenix – “ sabad ng dalawang hari.

“Ang phoenix ay bahagi ng alamat. Ang plumang ito ay ordinaryong balahibo ng ibon, lamang ay pinadesinyuhan ko sa isa ring alagad ng sining,” nakangiti ang hari ng Artis. At kinuha niya ang dalawang kahong kawangis ng kahong dala-dala ng bata kanina sa tanghalan. Binuksan niya ang mga iyun at ibinigay sa dalawang hari ang dalawang kawangis na pluma.

“Kunin ninyo ito, bilang alaala ng aming kaharian. Ang pluma ay sumisimbolo ng susing magbubukas sa bagong daigdig. Nawa’y dalawin kayo ng mga Musa ng Sining at hayaang pagyamanin ang inyong kaharian.”

Natawa sa kanilang mga sarili ang hari-heneral at hari-siyentipiko sa katotohanan. Nabulag sila ng kanilang kahangalan. Kung saan-saan nila hinanap ang inaakala nilang Bagong Daigdig gayong sa sarili din pala nila matatagpuan.

At bumalik silang tatlo sa tanghalan na nagtatawanan. Samantala, ang mga tao’y lalo pang naguluhan sa pangyayari at nahawa na rin sa kasiyahan ng mga hari ng Militia, Scientia at Artis.

At mula nga noon ay naging mayabong ang ugnayan na namagitan sa sandatahan, agham at sining. Ito ang ugnayang humubog at patuloy na humuhubog sa ating kasalukuyang daigdig.

_____________

Ito ang aking lahok para sa Bagsik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy.

Ang S ni Kuya Erick

“Bakit kailangan pa niyang mag-asawa? Hindi na nga niya kayang alagaan ang sarili niya, magdadagdag pa siya ng iisipin?” Sunod-sunod kong tanong kay Ate Lanie habang nanonood kami ng tv.

“E, ganun talaga, kahit paano, gusto niya ring magkaroon ng sariling pamilya. Hindi mo ba naiisip  na minsan, naiinggit din siya sa mga kapatid nating may-asawa.” Tinutukoy niya noon ang mga kapatid ko na may-asawa. Si Ate Cecille, Kuya Onie at Kuya Dennis.

“Yun nga e, sa’n naman siya kukuha ng ipapalamon niya sa magiging pamilya niya. Sa kanya nga lang, kulang pa yung kinikita niya. At saka, wala naman siyang matinong trabaho.”

“E, ano naman? Ano ba tayo dati? At saka, tingnan mo ang iba niyang mga kaibigan, kahit papaano naman, nakakaraos din sila sa buhay.”

“A, ewan. Ang sa akin lang, problema na niya sarili niya, maghahanap pa siya ng problema. Ayusin niya muna kamo yung buhay niya. Isa pa, ano yun, mairaos lang ang buhay? E di parang ipapaulit niya lang sa mga anak niya yung naging buhay niya.”

“Alam mo, minsan, iniisip ko kung graduate ka ba talaga ng Psychology. Hindi naman lahat, kagaya mo. Iba-iba tayo.”

“Oo nga, Kuya. Di ba, sabi nga, Everybody is unique,” sumali na rin sa usapan ang mas nakababata kong kapatid na si Joseph.

“A, ewan ko sa inyo,” At lumabas ako ng bahay para magpalamig.

Matagal na itong debate na ‘to pero malinaw pa rin sa akin yung mga eksenang iyun. Ako laban sa iba kong mga kapatid. Ako laban sa ideya na may kakayahan ang Kuya ko na bumuhay ng pamilya. Minsan, mayabang nga yata ako o dahil takot lang din ako para sa magiging kinabukasan niya at ng pamilya niya kung saka-sakali.

Kasi ba naman, yung Kuya Erick namin, noong mga panahong iyun ay atat na atat magka-girlfriend. Halos lahat ng kakilala, hiningan na yata ng ka-textmate, magka-girlfriend lang. Yung kaunting kinikita sa pag-aanluwage, talaga namang walang matinong napupuntahan maliban sa lima o anim na daang abot sa mga magulang namin. Ang natitira, hahatiin sa sigarilyo, alak at cellphone load.

Kung ganoon ang nangyayari, masisisi ba nila ako kung mag-isip ako ng ganoon?

*********

Labing-isa kaming magkakapatid. Si Ate Cecille, si Kuya Onie, si Kuya Dennis, si Kuya Erick, si Ate Lanie tapos ako na. Sumunod sa akin si Jess, si Edison, Jayson, Joseph at Julius. Oo, wala pa sa hinagap ang RH Bill at malamang, hindi rin mulat ang mga magulang ko sa Family Planning.

Ice cream vendor ang Tatay at wala namang trabaho ang Inay. At gaya nga ng sinasabi madalas, hikahos man, nakakaraos din naman sa buhay. Utang dito, bayad doon. Hiram dito, sauli doon. Kumbaga, isang kahig, isang tuka.

Kaya nga noon pa man, nabuo na sa isip ko na ayaw ko nang ulitin yung ganoong konsepto sa buhay. Yung makaraos lang. Naiinis ako kapag naririnig ko ang mga kapatid ko na makakaraos din. Para bang sinasabi nila na paulit-ulit lang yung buhay at mahirap abutin ang pangarap. Na para bang nagiging kuntento na sa kung ano lang ang nasa mesa. Gusto kong may maiba. Gusto kong may lechon na nakalagay sa mesa.

Naalala ko ang sabi ng Inay, hindi lang daw apat ang direksyon – hilaga, silangan, kanluran at timog. Labing-isa daw. Kasi nga, labing-isa kaming magkakapatid, kaya labing-isang direksyon ang tatahakin naming daan. May nagtangka. May nagtagumpay. May patuloy din namang tumutulay sa asam na pag-angat.

May mga nakuntento sa makaraos lang na buhay. Siguro, si Kuya Erick iyun para sa akin.

*******

“Kung bakit kasi, hindi ka pa magtrabaho,’ si Kuya Erick, anluwage na noon at nag-aakyat na ng pagkain sa lamesa. “Hindi yung uuwi ka dito at hihingi ka ng pera.”

Tumatak sa akin ang mga salita niyang iyun. Sasagot sana ako, kaya lang, pinili ko na lang na manahimik. Sa kanya rin kasi ako ikukuha ng Inay ng pamasahe pabalik ng Maynila. Graduating student ako noon at umuwi lang ng Batangas para humingi ng allowance. Masakit din yung maipit ka sa sitwasyong mamimili ka kung titigil sa pag-aaral at maghahanap-buhay o magsisikhay makatapos kahit nahihirapan ang pamilya.

“Anong gusto mo? Matulad ako sa ‘yo?” Iyan yung gusto kong ipamukha sa kanya pero sinarili ko lang. Walang patutunguhan ang diskusyon maliban sa agwat ng kalooban. Nilunok ko yung sama ng loob.

Dangan kasi, second year high school lang ang natapos ng Kuya Erick. Mahina daw kasi ang ulo. Narinig ko lang noon sa mga mas nakatatanda. Paliwanag naman ng Inay dati, nagkasakit ng tipus ang Kuya Erick noong bata. Kaya naapektuhan daw yata pati ang pag-uugali. Sa isip ko, siguro nga kaya ganun. Parating paangil sumagot. Parating mainit ang ulo. Parating kakaiba sa gusto namin. Kapag mga ganyang pagkakataon, nagkakatinginan na lang kaming mga mas bata sa kanya. “May S na naman.” S for Sumpong.

Ibang-iba si Kuya Erick sa aming magkakapatid. Yung iba kong kuya at ate, halos lahat, may honor nang magtapos ng high school, tapos siya, ni hindi natapos ang sekundarya. Sa mga kanta, iba rin ang gusto niya, habang nag-aagawan kami sa pop at mga boy band na kanta, si April Boy Regino at Eddie Perigrina ang pinapakinggan. Madalas kaming mag-away noon kasi nga ang lakas niyang magpatugtog ng radyo. Hindi ko rin maalala na sumama siya sa pagsisimba. Para bang ang layo niya sa aming magkakapatid.  At lalo pa niyang inilalayo ang sarili dahil kapag may okasyon sa bahay, mas gusto pa niyang pumunta sa mga barkada niya. Maglalasing, magyo-yosi at halos madaling-araw na umuuwi ng bahay.

Hindi ko rin mahagilap ang rason kung bakit kailangan niyang gawin ang mga bagay na ganoon. Oo nga’t mahirap kami pero hindi naman namin naranasan ang pagkakaroon ng favoritism sa pamilya. Kumbaga, pare-parehas na atensyon ang nakukuha namin sa mga magulang.

*******

Matuling lumipas ang mga taon. At patuloy rin kaming magkakapatid sa kani-kaniyang paglalakbay. Nakatapos ang ilan sa amin sa kolehiyo. Nagkaroon ng trabaho. Nag-abroad ang ilan. Ang Kuya Erick, anluwage pa rin.

Taong 2005 namatay ang Inay dahil sa sakit. 2006 naman nag-asawa si Jess. Sumunod na taon, nag-asawa si Ate Lanie. 2008, nagka-pamilya na rin si Jayson. 2009, sumunod si Edison. 2010, ako naman ang ikinasal. Si Kuya Erick, binata pa rin. At ganun pa rin ang buhay. Wala pa yatang pumapatol sa kanyang mga ka-text.

Kasabay ng pagsulpot ng mga bagong miyembro ng pamilya at pagsibol ng mga bagong magdadala ng lahi at apelyido, nag-iba na rin ang punto ko sa kalagayan ni Kuya Erick. Mas nagmature lang siguro ako o mas lumawak ang karanasan sa buhay.

Ano nga kaya ang nasa isip ni Kuya Erick habang isa-isa kaming umaalis ng pugad at nagtatayo ng sarili naming kaharian? Talaga bang siya ay tatanda nang mag-isa? Sino kaya sa aming magkakapatid ang mag-aalaga sa kanya? Bakit ang iba niyang barkada, halos lahat natagpuan na rin ang kani-kanilang katuwang sa buhay? Siya kaya, kailan? May darating pa nga ba?

*******

Taong 2012, nagbakasyon kaming mag-asawa mula sa Qatar. Pagdating ko sa bahay namin, ipinakilala sa akin si Ate Emmy, asawa “daw” ni Kuya Erick. Simpleng babae. Taga-Iloilo, parehas ng misis ko. Masipag at maasikaso. Napatunayan ko rin naman sa ilang araw na pagtigil ko sa Batangas. Laging malinis ang bahay at masipag siyang magluto. Ni ayaw kaming paghugasin ng pinggan o pahawakin ng walis tambo.

Si Kuya Erick, anluwage pa rin. Pero ngayon, may katulong na sa pagbuo ng buhay niya.

Si Ate Emmy, na nagtiyaga sa kanyang mga kakulangan. Noong walang trabaho si Kuya Erick, kasama siya sa pag-uuling at pagtatanim ng kung anu-anong halaman sa amin. Nitong huli, regular na siyang mananahi sa kalapit-baryo. Kahit paano, sapat naman ang kabuhayan nila at nakakabilib na walang utang sa kapitbahay.

Ganito daw ang istorya ng kanilang pag-iibigan, ayon kay Ate Lanie.

Textmate sina Kuya Erick at Ate Emmy. Nagkapalagayang-loob, nagkahulugan ng loob. Nang araw na nagkita ang dalawa, nagdalawang-isip daw si Ate Emmy. Nagtagal pa nga daw sa CR. Nag-iisip kung tatakasan ang ka-eyeball o itutuloy ang kung ano man ang mayroon sa kanilang dalawa. Pero kapag naiisip naman daw niya ang hitsura ni Kuya Erick. Naaawa daw siya dito. Dahil mabait naman daw kausap si Kuya.

Mabait naman daw si Kuya Erick. Parang iyun ang larawang hindi pumasok sa isip ko. Siguro, dahil parati kong iniisip noon, kakaiba si Kuya Erick. Parating may S.

Nakaka-konsensiyang ibang tao pa ang nagmulat ng katotohanang iyun sa akin. Akong karugtong ng bituka niya ang hindi nakakakilala sa kanya.

At bumalik sa alaala ko ang ilan sa mga bagay na hindi ko nakita ko noon.

Tama, masipag si Kuya Erick at parating naghahanap ng mata-trabaho sa bahay. Hindi kami nauubusan ng panggatong noon dahil umaga pa lang, nangangahoy na siya. Ni hindi ko rin makitang malago ang mga damo sa bakuran namin dahil alaga niya itong tabasin. Wala rin pala siyang reklamo kapag nangungumpay (nangunguha ng damo) noong may alaga kaming baka. Kapag may huhulihing manok o kaya may tulungan sa nayon, siya yung representative ng pamilya.

Takbuhan din pala namin siya kapag kailangan ng project sa school na may kinalaman sa kahoy at lupa. “Kuya, ihanap mo naman ako ng pangposte. Kuya Erick, ikuha mo naman ako ng tuyong tae ng baka. Kuya, ipagpunla mo naman ako ng luya. Kuya, kailangan daw naming magdala ng prutas sa school.” Mga ganyang bagay, talagang maaasahan si Kuya Erick.

Hindi totoong walang favoritism sa pamilya. Favorite ni Kuya Erick si Julius. Kapag sweldo, hindi siya nawawalan ng pasalubong na laruan o pagkain sa aming bunso. At madalas pang bigyan ng dagdag na piso sa baon. Siya rin ang taga-gawa nito ng saranggola.

At ngayon nga, sinong mag-aakalang isang bagong Kuya Erick ang nakikilala ko.

Hindi na siya nagsisigarilyo ngayon. At hindi na rin siya lasenggo. At kasama na rin siya sa mga okasyon sa bahay.

Nagbabago ang tao katulad din ng pagpapalit ng panahon. Nakakatuwang isipin na nabago ng pag-ibig ang buhay ng kapatid ko. Nakakatuwang isipin na nagbabago din ang pananaw ko. Mas malalim na pag-unawa sa buhay at sa sarili.

Iba na ngayon ang S ni Kuya Erick. S para sa S’werte sa buhay may-asawa. At hangad kong manatili silang maligaya habang buhay.

Tablet

DSCF2632-001

Bumili  ng COBY tablet yung office mate ko. Sale daw kasi. Sabi ko, may nabasa akong ilang review ng tablet at base sa feedback ng mga kakilala,  mabagal ang web browsing at hindi ganun kapulido yung touch screen. Ayun. kinabukasan, sinoli niya rin.

DSCF2634-001

at pagbukas ko ng regalo sa akin ng misis ko….

DSCF2635-001

Ayun. Yung sabi kong panget na tablet, gift pala sa akin ng bebe ko. hahahaha… At hmmm, okay pa naman… kaming mag-asawa…

______________

Eto nga pala yung unang attempt na maglagay ng comic strips. Pasensyahan na ang drowing. Sabi ko nga, unang attempt. Maraming dapat i-improve. At oo, wala akong ruler sa bahay.. hahaha..

2012

Sa likod ng mga bilang at istatiska

Masipat kaya ang halakhak at tuwa

Masilip kaya ang mga kwentong natutulog sa draft

Makita kaya ang mga inaagiw na hinagap?

Masarap sanang bilangin ang nagdaang mga tula

At mga ideyang nawalang parang bula

Matagpuang muli kaya ang nagtampong Musa

Sa gabing ang utak ay napaparalisa

Posts laban sa ibang posts

Tula laban sa sanaysay laban sa kwentong

Laban sa walang kwenta at saysay

Mga blog posts na itinulak sa survey ng pagsilip

Gayong lahat sila ay nagdaan sa

Pare-parehong pagbubuntis ng diwa

Paghilab ng kamalayan

Pag-ire at pagluwal sa mundo ng internet.

Bakit ang lahat ay kailangang idaan sa matematika?

Sa 74,000 silip, salamat

Sa paglipad ng saranggola

Sa pag-agos ng kamalayan

Sa pagtambay sa damuhan

Sa mga dumadalaw na kapwa multo

Sa mga nagpakilala at nakaututang-dila

Salamat na walang hangga

Hanggang sa susunod na taunang ulat

Hanggang sa susunod na paglaya at paglipad.

____________________

Ang dami kong pautot, ang gusto ko lang namang i-share ay ang 2012 report ng blog na ito. Yun lang.

The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2012 annual report for this blog.

Here’s an excerpt:

19,000 people fit into the new Barclays Center to see Jay-Z perform. This blog was viewed about 74,000 times in 2012. If it were a concert at the Barclays Center, it would take about 4 sold-out performances for that many people to see it.

Click here to see the complete report.

Kamao

Panalo pa rin ang pagsuko.

Panalo pa rin ang pagsuko.

Kanina ay ngiti habang sakay ng ulap
Kahapon ay mga bituing nilalaro sa mga palad
Kamakalawa ay taguring walang katulad
Ang kinang, ang tanyag, ang halakhak.

Karamay ang laksang nakiamot sa tagumpay
Ang miron, ang banal, ang panatiko’t walang malay
Lahi at bandilang sa panulukan, winagayway.
Lahat ay sumakay, lahat ay sumabay.
Sa kamaong sumuntok sa suntok-sa-buwang pangarap
Sa tadhanang iginuhit ng bangis, ng liksi, ng tatag, ng tikas
Sa pagbayubay ng mga labang nangyari sa loob at labas ng arena
Naukit ang magiting na bayani, ng de-kalibreng mandirigma
At ang mga araw ng digma, ay mga araw ng paglaya
Ng kalsadang naghahabol, ng mga gawaing buhol-buhol
Iisa ang puso, iisa ang bulong, mga matang nakatutok
Sa gintong kamaong milyon ang kinakabig, hinahakot.

Nilakbay ang mundo ng mga buwitreng nakabarong
(Gayong di kailangan ng posisyon sa pagtulong)
Tinawid ang kalsadang tinatahak ng mga payaso
At ang kamao’y naging mukha ng musika at telebisyon
Ng samu’t saring patalastas hanggang ang salawal
Ay maging billboard sa EDSA.

Datapwat nadulas, nahulog sa ulap
Mistulang trosong, nabuwal at bumagsak
Hinagkan ang lonang ipinahalik din sa kalaban
Ipinalasap ang lasa ng pait ng karanasan
Na nagpapaalalang lahat ay may hangganan.
Hindi lahat ng oras ay anihan.
Hindi lahat ng panahon ay tag-ulan.
Lahat ay may pagkakataong mapasa-ilalim
Sa siklo at ikot
Sa laro at gulong
Nitong tadhana at kaganapan.

At ang mga kamaong bumibira’t sumusuntok
Ngayon nga ay magkadikit, nakatutop
Sa presensiyang hindi nakikita ng ilan
Sa kapangyarihan at relasyon sa kanilang pagitan

May laban sa sariling arena
May duwelo ang ugat at bunga

Ng tagumpay sa pagsuko

Ng pagsuko ng tagumpay

Upang sa huling tunog ng kampana at dambana
Ang lahat nga ay sadyang nakatalaga
Sa huling tawag ng timbang at husga
Ng saysay ng buhay at halaga
Ng hiningang saglit na pinahiram ng Panginoong Maylikha.

___

larawang hiram sa Yahoo images

Mga Alternatibong Christmas Tree

Nakapagdaragdag ng diwa ng Pasko ang paglalagay ng mga palamuti at dekorasyon

Malamang sa malamang, perpekto ng nakadisplay sa sala ng bahay ninyo ang Christmas Tree sa mga panahong ito. Ano ba ang theme o style nito ngayon? White lahat? O christmas colors talaga na red and green? O baka naman puro ribbon lang ang nakasabit? Recycled materials? Anu’t anuman, sigurado akong tuwang-tuwa ang mga tsikiting sa panonood ng mga kumukuti-kutitap na Christmas lights na nakapaligid sa Chistmas tree ninyo. Iba rin talaga ang sayang hatid nito sa buong sambahayan. At talaga ngang hindi na mapipigilan ang Pasko!

Pero alam ninyo ba dati, doon sa lugar na kinalakhan ko, iba-ibang uri ng Christmas Tree ang ginagawa namin? Wala kasi kaming pambili ng mamahaling puno sa mga mall kaya naghahanap kami ng mas mura at alternatibong bagay para makisali sa magandang tradisyon na ito. Heto ang mga pampalit namin sa magagarang Christmas Tree. Sayang nga lang at wala akong makitang mga picture sa Internet, pero susubukan kong mailarawan nang maigi. Ikukuwento ko rin kung paano namin ginagawa ito dati.

Christmas Tree sa Bilao

  1. Kumuha ng bilao. Pwedeng bago, butas o sira. Basta maayos pa ang kawayang bilog o gilid nito. Huwag lang yaong may nakabilad na mga butong punla ng iyong mamay (lolo).
  2. Lagyan ng maliliit na pako ang gilid nito. Pwede ring aspili. Tiyakin na pantay-pantay ang layo nito sa isa’t isa. Babala, huwag sundutin ng aspili ang mga tumutulong na kapatid/kapitbahay.
  3. Kumuha ng tuwid at makinis na kahoy. Paluin nang mahina ang mga malilikot na mga bata na nakikiusyuso kung ano ang ginagawa mo. Tiyak na lalayo ang mga iyan at magsusumbong kung kanino. Pagkatapos, ipako sa pinakagitna ng bilao ang naturang kahoy. Wala naman sigurong dugo ang kahoy, ano?
  4. Kapag nakatayo na ang kahoy, lagyan din ng mas malaking pako ang pinakatuktok nito.
  5. Kumuha ng sinulid o taling ginagamit sa pag-ga-gantsilyo. Huwag nang hiramin ang taling gagamitin ng kapitbahay na magbibigti. Nakakaistorbo kayo sa isa’t isa. Pumili ng kulay na gusto mo.
  6. Simulang itali ang tali sa maliliit na pako (o aspili) sa gilid ng bilao at ibalik sa pako sa pinakatuktok ng kahoy sa gitna ng bilao. Huwag mag-skip ng pako. Para kang tanga.
  7. Kapag natapos na ang paglalagay ng sinulid. Lagyan ng dayami ang base ng bilao.
  8. Maaari ka ng maglagay ng kahit ano sa loob nito. Pwedeng belen o santa figurines. Hindi pwedeng ilagay ang tv o radyo o alagang pusa, pero kung gusto mo, wala akong magagawa. Malala ka na talaga.
  9. Lagyan ng garland o anumang palamuti ang mga sinulid.
  10. Optional ang paglalagay ng Christmas lights. Kung maglalagay, siguraduhin lang na i-on ito ito lalo na pag may bisita.

Halaman sa Paso na Christmas Tree

  1. Magtanim ng halaman at hintayin itong lumaki. Magbilang ng taon.
  2. Kung kulang na sa panahon, pumili na lang ng pinakamagandang halaman sa bakuran NINYO. Siguraduhin lang na nakatanim ito sa paso o malaking lata. Mas maraming sanga-sanga o dahon, mas maganda. Huwag nang ipilit ang daisy kahit ito ang pinakamaganda ninyong tanim.
  3. Ipasok sa loob ng bahay. Magpatulong kung kailangan. Magpasalamat sa tumulong.
  4. Linisin ang halaman pero huwag na huwag tatanggalin ang dahon. Ang ibig kong sabihin ng paglilinis ay pagtatanggal ng  mga alikabok o lupang kumapit sa mga dahon nito.
  5. Pinturahan ang paso o lata. Inuulit ko PASO ang pipinturahan, hindi ang halaman. Patuyuin.
  6. Lagyan ng garland o anumang palamuti ang halaman.
  7. Optional ang paglalagay ng Christmas lights. Kung maglalagay, siguraduhin lang na i-on ito ito lalo na pag may bisita.

Christmas Tree ala Pobre

  1. Pumunta sa looban. Magdala ng itak o gulok. Luminga-linga sa paligid. Huwag OA na paglinga. Baka akalain ng ibang tao na may gagawin kang masama.
  2. Kapag nakakita ka ng puno ng kape. Masuwerte ka. Mayroon ka ng Christmas Tree. Huwag umiyak sa tuwa.
  3. Pumutol ng sanga ng kape. Siguraduhing walang bunga ang puputulin. Ito kasi ang pinaka-magandang alternatibo at pinakamalapit na hitsura sa mga nabibili sa mall. Pantay-pantay ang malilit na sanga at layer nito gaya ng mga mamahaling Christmas Tree.
  4. Linisin ang sangang pinutol. Baka hindi napansin na may pugad ng ibon. Tanggalin ang pugad at ilagay uli sa puno.
  5. Tanggalin ang dahon. Bahala ka kung lilinisan mo muna ang mga ito bago tanggalin.
  6. Ilagay sa isang lata at lagyan ng lupa para tumayo ang sanga.
  7. Balutan ng lumang diyaryo ang bawat sanga. Puwede ring gamitin ang mga lumang papel, huwag lang textbook sa eskuwela kahit pa isinumpa mo na ang Calculus at Algebra.
  8. Kumuha ng papel de hapon ng kulay na gusto. Isiping mabuti ang sagot kung bakit papel de hapon ang tawag sa papel de hapon.
  9. Balutin ng papel de hapon ang sanga ng kape.
  10. Lagyan ng garland o anumang palamuti ang iyong bagong Christmas Tree. Puwedeng isabit ang mga maliliit na laruan at kendi. Maari rin ang picture ng bawat miyembro ng pamilya. Puwede ring mga tubig na may kulay na nakalagay sa supot ng ice candy.
  11. Optional ang paglalagay ng Christmas lights. Kung maglalagay, siguraduhin lang na i-on ito ito lalo na pag may bisita.

Ke bilao o halaman o sanga ng kape o mamahaling Christmas tree, ang mahalaga ay naisasapuso natin ang tunay na dahilan ng Pasko. At iyun ay ang pag-alaala sa pagsilang ng Manunubos. Adbans Meri Krismas!!!

Ang Project ni MEcoy

Ayun. Magandang araw mga kalipad-isip!

Tagal ko na namang nawala. Mabuti na lang at may nangatok at nagpaalala na kailangan ko na daw mag-update.

Siyanga pala, i-share ko lang yung ginawang project ng isang blogger dun sa isa kong kwento. Nakakatuwa naman na nilagyan niya ng drowing yung kwento at isinalin pa sa English.

Salamat, MECOY!

Yung kwento nga pala na drinowing niya ay ang isinali ko sa Kwentong Pambata ng Saranggola Blog Awards noong nakaraang taon. ANG KAHON AT ANG MGA KWENTO NG MGA LUMANG LARUAN na napiling Ikalawang Karangalan (Blog-galing).

Magaling ang pagkakaguhit niya. At nainggit ako ng konti. Nailarawan niya talaga kung ano yung nasa isip ko. Hindi perpekto ang pagkakasulat niya sa wikang Ingles, gaya rin ng hindi ko pagiging perpekto sa pagsusulat ng Filipino (at English). MINSAN, isa yun sa kagandahan ng paglalakbay at karanasan bilang blogger  o writer. Kumbaga, nagiging tao. Parating may patutunguhang pag-unlad sa larangan. Sabi nga, narinig ko minsan sa mga judges ng Showtime, pag sobrang galing na daw, nagiging boring na.

Nalungkot lang ako dahil nabawasan yung mga tauhan sa istorya. Nawala sina Kotse-kotsehan at Teddy Bear. Kunsabagay, kasi, sabi ni Mecoy, madalian daw, Tatlong araw lang yata niya ginawa. 100% dapat yung grade na ibibigay ko sa ginawa niya e, pero, naging 97% na lang. 2 puntos para sa dalawang karakter na nawala at isang puntos na kabawasan dahil kahon lang ang nakadrowing dun sa COVER Page. Mas maganda sana kung andun din sa unahan ang mga laruan sa kwento.

Anu’t anuman, saludo ako kay Pareng Mecoy. Kung magawi ka ulit dito, salamat at isang malaking karangalan para sa akin ang maging inspirasyon ng talento mo.. Nawa’y lalo ka pang mahasa at kuminang sa mundo ng sining ng pagguhit at pagsusulat. Kay-inam na kumbinasyon!

Sa apat na sulok ng kahon, nabuo ang huntahan ng mga laruan.

Sagwan Patungo sa Kaunlaran

Sagwan pa, Pinoy! Sagwan pa!!!

Kulang pa ang tulak, bitin pa ang hagod

Huwag mong pansinin ang kalyo mong kamay

Huwag mong isipin ang butas na balangay

Huwag mong dibdibin ang dambuhalang alon.

Sagwan pa, Pinoy! Sagwan pa!!!

Kulang pa ang tulak, bitin pa ang hagod

Ang kalyo mo’y gawing agimat

Ang butas na balangay, gawin mong inspirasyon

Ang dambuhalang alon, gawin mong ilusyon.

Pasasaan ba’t uusad

Pasasaan ba’t aangat

Pasasaan ba’t dadaong din

Sa dalampasigan at lupa

Sa unlad at rangya

Sagwan pa, Pinoy! Sagwan pa!!!

 *********

Habang ginagawa ko yung tula, naisip ko tuloy yung tulang “Like a Molave” ni Rafael Zulueta da Costa noong high school. Ang sarap isapuso. Punong-puno kasi ng pag-asa. Eto yung paborito kong linya at madalas kong hinihiram kapag gumagawa ng talumpati.

Not yet, Rizal, not yet.
The glory hour will come.
Out of the silent dreaming,
From the seven thousand fold silence,
We shall emerge, saying, WE ARE FILIPINOS,
And no longer be ashamed.

Sleep not in peace,
The dream is not yet fully carved.
Hard the wood, but harder the blows.
Yet the molave will stand;
Yet the molave monument will rise.
And gods will walk on brown legs.

**********

Siyangapala, kuha ang litrato noong magbakasyon kami sa Cebu noong Hunyo 2011. Binalak kong isali sa Saranggola Blog Awards pero sa hindi malamang dahilan, nagpasya na akong huwag na lang. Ayun. Magandang araw, at tuloy-tuloy lang ang pagsagwan!!!

Ako si Obot, Laking Anus

Kapag binanggit ko ang salitang ANUS, ngingiti ka ba?  Mapapakunot-noo kaya?

E, paano kung sabihin kong ipapakita ko ang aking ANUS, matatawa ka ba? O mapapasabi ka ng “Eww, ang baboy ko naman”?

Anu’t anuman ang reaksyon, hayaan niyong ibahin ko ang kahulugan ng salitang Anus sa inyong mga isipan. Na ang salitang ito ay hindi lang nangangahulugan ng butas ng puwet. Oo, mas malalim pa sa butas ng puwet. Kumbaga, ituturing ko kayong tabula rasa. Isang blangkong papel na pipintahan ko ng tunay na hitsura ng Anus, hindi hiwa, hindi butas, kundi isang obra maestra.

Ang Barangay Anus ay isa sa 33 barangay sa San Jose, Batangas. Napaliligiran ito ng Barangay Lumil sa Silangan, Barangay Lalayat sa hilaga, Barangay Bigain South sa timog at Barangay Sabang sa kanluran. Halagang Php250 at tatlo hanggang apat na oras na biyahe, sakay ng bus mula Maynila hanggang bayan ng San Jose. Pamasaheng sampung piso at bente minuto namang biyahe ng jeep mula sa bayan papunta sa aming barangay. Kung ikaw naman ay nagmamadali o ayos lang magbayad ng Php60, aba, magtraysikel na at nang makarating nang maaga sa Anus mong mahal.

Ala, eh, bay ga nga ANUS ang tawag sa aming baryo? Ganire, are’y kwento ng Mamay.

Sagana sa ANOS ang lugar namin noong unang panahon. Ito ay isang uri ng kawayan na may ngalang agham na Schizostachyum lima. At syempre, kapag sinabing kawayan, maraming pakinabang. Materyales sa paggawa ng bahay at kagamitang pambahay tulad ng papag at upuan. Maaari ring pambakod, panggatong, pamingwit, poste, tagayan at balag sa mga tanim. Pwede ring gamiting patalim o supla. Ngunit dahil sa tigas ng dila ng mga tagarito, ang Anos kung bigkasin ay ANUS na sa kalaunan ay siya ngang tinanggap na paraan ng pagbabaybay at pagsasalita.

Ayon sa pinakahuling datos ng National Census Statistics Office, ang populasyon ng Anus noong 2010 ay 950 katao. Wala pang isang libo, ano? Napakaliit ngang barangay. Subalit, sa maniwala ka’t sa hindi, ang taal na anak ng barangay ay kilala ang 95% na kanayon. Yung 5% ay para sa bahagdang kilala lamang sa mukha, hindi sa pangalan. Nakikilala lamang na anak ni Ka Ganire, hipag ni Ka Gay-un at apo ng Mamay Kuwan. At ang kadalasang apelyido ng mga iyan ay Briones, Limbo, Macaraig, Makalintal, Alday, Esguerra at Perez. Ang sabi nga ng matatanda, aba’y di ga nga’y iisang pisa. Kainaman!

At ang mga pangalan, naku, tila baga, lahat ay may palayaw. Kahit ano pang ganda ng pangalan, mas makikilala ka sa iyong pangalang pang-masa. Parang screen name ng mga artista, hehehe. Kalimitan hango sa hitsura, pero madalas, mas malabo pa sa baha ang mga anekdota sa likod ng mga palayaw. Halimbawa, si Ruel, naging Black, si Michael, naging Bangi at ang kapatid niyang si Roel ay Apoy. Isipin mo na lang ang kulay ng kanilang balat na buong puso naman nilang tinanggap. Si Apoy at Bangi nga ay mga konsehal sa amin, at karamihan sa nakasulat na pangalan sa balota ay Bangi at Apoy. Si Irveen naging Ape, si Jilveen, naging Ige at si Cenen ay Intog. Si Tukang ay si Arthur at si Tala ay Aurelio. Kambal yang mga yan, a. Ang cute na si Popay ay tinawag lang na Popay dahil tatay niya si Popoy (Paul). Isama mo pa kaming magkakapatid, si Edison naging Ato, si Jesielyn naging Baneneng, Si Kuya Roderick naging Tulog at ako (Erwin) ay naging Obot. Si Crizaliz ay Talet, si Glenda ay Iday at si Maritess ay Tikya na nang magdalaga ay ayaw magpatawag sa mga palayaw. Mga dalaga na nga naman, hahaha. Kaya kung maliligaw sa amin, huwag totoong pangalan ang hanapin dahil hindi mo matutukoy ang bahay nina Ago, Labit, Damaso, Apyong, Dubar, Duyi, Budong, Budikdik, Maeng, Bato at Iple.

At kung pakaiisipin, ang mga palayaw na iyan ang parating magpapaalaala ng lupang pinagmulan. May pagkatao kang kakabit na dapat manatiling mapagpakumbaba. Na dapat nakatuntong pa rin sa lupa kahit narating mo na ang ulap.

Kapag nagtrabaho sa Maynila ang isang kanayon at bumalik, tiyak na tampulan ng tuksuhan kapag gumamit na ng “kasi” at “ba” sa pagsasalita. Kaya, sa pagtuntong sa lupang pinag-ugatan, isuot ang pagkataong pinalaki ng barangay. Lalong ikaw ang dapat na maunang bumati sa nakakasalubong at mangumusta nang kaunti. At kung galing ng ibang bansa, manapa’y magbigay man lang ng isang sabon o isang tsokolate o isang kaha ng sigarilyo sa mga kapitbahay. Tanda iyun ng isang kanayong hindi nakalilimot. Aba’y para nga namang hindi mo na natatandaan ang lahat ng alaalang ibinigay ng maliit na baryo sa iyong pagkatao.

Oo nga, ang panahon ng kamusmusan! Magduyan sa sakong isinabit sa sanga ng punongkahoy. Maglaro ng baseball gamit ang bolang yari sa medyas na may lamang retaso ng damit. Magbaril-barilan gamit ang binaling sanga. Mag-jumping rope gamit ang mga baging sa looban. Mag-touching ball gamit ang bolang gawa sa basahan. Magpatintero at piko. Magtumbang-preso at gera-gerahan. Mag-see-saw sa kawayang inipit sa puno ng kape. Salat man sa marangyang laruan, sagana naman sa halakhakan ang kabataan sa aming nayon.

Sa panahon ng kasiyahan tulad ng baysanan (kasalan), birthday o 60th anniversary at panahon ng kalungkutan tulad ng patay (lamay), pasiyam o babang-luksa, asahan mong iisa ang pakiramdam ng barangay. Lahat ay otomatikong tumulong sa may okasyon. Ang mga lalaki ang siyang tagakuha ng kawayan (panggatong at pangposte), tagapatay ng baboy at tagaluto. Sa oras naman ng handaan, ang mga kababaihan ang siyang serbedora at taga-hugas ng pinggan. Sa lahat ng okasyon na yaan, ang mga matatanda’y nakabantay at tagapag-paalaala ng mga kasabihan. Bawal ang ganito, bawal ang ganire. Maglagay ka ng ganito, magsuot ka ng ganire. At ang kabayaran ng lahat ng iyan ay panunulungan naman sa susunod na okasyon.

Bukod sa ganitong mga okasyon, masarap ding bumisita kapag bakasyon (Marso hanggang unang linggo ng Hunyo), Araw ng mga Patay at Pasko sa nayong pinagmulan.

Kapag bakasyon, apat na bagay ang aming inaabangan – ang Alayan, ang pa-kindergarten ni Sir Perez, ang liga ng basketbol at ang Pista ng Nayon. Ang Alayan ay ang gabi-gabing pagdarasal at pag-aalay ng bulaklak sa Birheng Maria. Pagkatapos ng dasal, may nakahandang pagkain, kendi at juice ang may kaarawan (may padasal). Ang liga naman ng basketbol ay sinasalihan ng mga kabataan na hinahati sa apat o limang kulay. Ang mga pintura ng court, uniporme, medalya at tropeyo ay pagtutulungang ipanghingi sa buong barangay para mabili. At pagkatapos ng laro, abala naman ang lahat sa paggawa ng mga hayte (banderitas) at pag-eensayo para sa mga presentation para sa Pista. Kapag Pista kasi, hindi kami makapag-imbita ng artista dahil hindi kaya ng budget. Kaya, kami-kami na lang ang gumagawa ng paraan para mas maging masaya ang kapistahan. Nito ngang huli, nanalo sila Baneneng at ang grupo ng mga kababaihan sa mala-Showtime na contest sa barangay.

At kung itatanong mo kung saan galing ang pondo sa mga kasiyahan sa Pasko at Pista, ganito ‘yan. Uso pa sa amin ang pangangaluluwa kung Araw ng mga Patay at pangangaroling sa Pasko. Iyan ang pagkanta sa bahay-bahay o sa kalapit barangay para makahingi ng limos o donation na siya namang gagamiting pambayad sa musikerong tutugtog sa Araw ng Pista at Santacruzan. At pinag-uusapan na rin ang Santacruzan, aba, ay sama-sama na ring pumunta sa Lipa City para doon magrenta kapag wala ng mahiraman ng mga gown at barong.

Siyanga pala, walang iskul sa aming nayon. Kapag elementarya, sa Barangay Tugtug kami pumapasok at kapag high school, sa Bigain. Lahat iyun, lalakarin namin bitbit ang tsinelas kapag tag-ulan dahil sa putik at puting-puti naman ang mga paa kapag tag-araw dahil sa alikabok. Masaya naman ang paglalakad, lalo pa’t kasama ang mga kaibigan na habang daan ay nangunguha ng bayabas, santol, mangga o kakaw.

Pero bago tumuntong sa totoong paaralan, maiging dumaan muna ang mga paslit sa Kindergarten ni Sir Perez. Sa loob ng isa’t kalahating buwan, tuturuan sila ng pagbasa, pagbilang, mga araw sa isang linggo at mga bahagi ng katawan bago sumabak sa elementarya. Kanya-kanya ring dala ng upuan at abakada. Ang iskul ay ang tuklong (kapilya) mismo.

 “That house belongs to Ka Itok.” Kahit matagal nang patay si Ka Itok.

“A parrot can tot” at “Ang tagalog ng bark ay itlog” kasunod noon ay hagalpakan ng mga kanayong ginagawang libangan ang mga nakatutuwang sandali at pagkakamali ng mga bata. Dangan kasi, hindi maiwasan ang mga batang nagtae, mga batang kumakanta ng mali-maling lyrics at mga batang nagdadala ng notbuk na listahan ng utang ng kanyang ina.

Nakatutuwang malaman na ang napakasimpleng lugar na iyun ang nagsilang naman ng mga bagong sibol na guro, accountant, inhinyero at iba pang propesyunal sa aming nayon.

Wala rin nga pala kaming doktor sa barangay. Ang mayroon kami ay mga albularyo. Mamimili ka kung kanino kina Ka Inggo, Ka Imong at Ka Junior ka magpapabulong at magpapalaway. Magdala ka lang ng bote ng Ginebra o kaya ay isang kilong asukal dahil hindi sila nagpapabayad ng pera. Karaniwang pinapabulungan sa kanila ang sakit sa ulo, ngipin, lagnat, beke, luslos at ibang pang sakit sa katawan. Maghanda ka na rin ng papel at bolpen na susulatan ng orasyong Latin na ipantatapal sa katawan. Nakikipag-usap at nagpapalayas nga rin pala sila ng maligno at duwende. At kung may nawawalang gamit, pwede mo rin silang tanungin para magbigay ng clue, gamit ang bilao at gunting na tinatawag naman na paraan ng pagpipiyon.

Kung tutuusin, mabagal ang pag-unlad ng aming nayon. Kumpleto naman sa pangunahing pangangailangan gaya ng kuryente, sementadong kalsada at patubig. Maliban doon, wala na. Karamihan pa rin ay mga anluwagi ang trabaho ng mga kalalakihan habang ang ilan ay may alagang baboy at baka. May apat na sari-sari store. Hindi ko alam kung may cable o computer na sa lugar namin. Sa kabilang banda, maigi na rin iyun. Nakakatakot ding maging bisita ang sinasabi nilang kaunlaran.

Naalala ko noon, naliligo at naglalaba kami sa ilog na hinati sa tatlong parte – ang Bagong Bitin, ang Malaking Bato at ang Lumang Bitin. Ang dalawang bitin ang lugar ng labahan na mayroon pang bukal. Ang Malaking Bato naman ang siya naming swimming pool. Masaya ang kabataan namin dahil kumbaga, training ground namin iyun sa paglalangoy. Lugar din iyun ng pagpipiknik.

Ang nakakalungkot lang, ipot na ng manok ang dumadaloy dito ngayon. Nakapanghihinayang na nawala ang isa sa pugad ng aming kabataan. Bakit nga kaya may kapalit ang sinasabi nilang kaunlaran? At bakit wala man lang naglabas ng opinyon at pagtutol sa pagtatayo ng poultry farm kung sa ilog pala dadaloy ang ipot ng mga manok? Napakasaklap, nawala ang ilog na naging malaking bahagi ng aming pagkatao.

Walang kaming maipagmamalaking lugar, parada at produkto. Ang mayroon kami ay ang pusong laging nakahandang tumulong sa kanayon. Kung walang kanin at ulam, manghingi lamang ng bahaw at gulay sa kapitbahay. Kung hindi makapunta ng palengke, makisuyo sa kapitbahay ng gustong ipabili. Kung kailangan ng calculator, sapatos, damit, kaldero, palakol at asarol, magsabi lang sa kanayon at kaagad kang may mahihiraman. Basta, maging maingat lang at isoli kaagad para naman sa iba pang nanghihiram.

Wala kaming abogado at pulis ngunit mayroon kaming kapanatagan na wala ang mga tao sa siyudad. Payapa kang makakaalis ng bahay kahit bukas ang mga pintuan at bintana. Ang mga alagang baboy at baka, maaaring ipaubaya muna sa kahanggan. Magbigay lamang ng pasalubong mula sa lugar na pinuntahan.

Malayo man ang marating, makamit man ang pangarap at mapaibig man ng lungsod, hindi ba’t kaysarap bumalik sa isang lugar na nagpanday, nagkalinga at humubog sa iyong pagkatao. Kung saan ang lahat ay parating may alay na ngiti sa isang kanayong nagbabalik. Basta palaging tandaan, na maging kagaya ng kawayang Anos na matayog ngunit nananatiling nakayuko at tumitingin sa lupang kinatitirikan.

Kapag naririnig ko ang salitang Anus, hindi ko maiwasang ngumiti. Dahil bago ang lahat ng depinisyon, ang Anus, para sa akin ay hindi isang hiwa, hindi isang butas, kungdi isang simpleng Paraisong hindi ko pagsasawaang balik-balikan.

____________

Lahok na Blog para sa Saranggola Blog Awards 4.