Para Kay Inay

Posted on Agosto 23, 2009

16


Huling pag-uusap namin sa telepono ng Inay. Mahaba ang aming kuwentuhan, at natatandaan ko ang huli niyang sinabi… Tayo na lang ang walang problema. Pagkatapos ng isang buwan, nabalitaan ko na lang. Wala na daw siya. Wala na ang aking pinakamamahal na Ina.
_____________________________________________________________________________

motherKatulad ng paborito niyang mga halaman, ang buhay niya ay isang magandang bulaklak ng orchids na nalanta, natuyo at tuluyang nalaglag sa lupa.

Katulad ng paborito niyang kantang Let It Be Me, siya ay isang awiting mayroong katapusan.

Tunay ngang napakasakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Sampung ulit na sakit lalo pa’t ito’y ang ‘yong ina. Sabi nga ng kapatid kong bunso, sana daw kaya niyang dugtungan ang buhay ng Inay. Bakit nga ba naman hindi? Ito’y sa dahilang wala pa sa kalahati ang nabibigay naming sukli sa 58 taon ng kanyang kabutihan at kadakilaan.

Our mother was a paragon of a great mom. Isang salamin ng inang mapagmahal at mapagsakripisyo. Repleksiyon ng isang anghel sa buhay naming magkakapatid. Isang inang handang ibigay ang lahat , handang magtiis ng anumang hirap para sa kanyang minamahal. Isang mahusay na guro ng mabuting pagkatao.Kung sakripisyo lang ang pag-uusapan, mangunguna siya sa listahan. Marami kaming pinagdaanang hirap at alam kong siya ang tunay na nagdadala ng lahat lalo’t higit kapag namomroblema kami sa pinansiyal na bagay. Sabi nga, ay isusubo na lang niya, ibibigay pa niya sa amin. Natatandaan ko pa kung paano siya humikap sa nayon sa paghahanap ng pandagdag sa kakulangan ng aming pamilya. Kahit sa kabila ng aming kahirapan ay todo ang suporta niya sa aming magkakapatid. Kapag kami ay ipinadadala sa ibang school para lumaban, talagang hanap siya kung sino ang pwedeng hiraman ng sapatos, ng damit, ng baril sa CAT, ng costume, ng calculator at napakarami pang iba. Kasama ng aking ama, siya ang nagpunla sa amin ng takot at pananalig sa Diyos. Noon, sama-sama kaming nag-oorasyon at pagkatapos, magdadasal siya para sa bawat isa sa aming magkakapatid. Ang aming altar ay puno ng mga sulat panalangin. At bago kami umalis ng bahay, palagi kaming nagdadasal tapos may pabaon pang panyo ng El Shaddai.

At sa aming pagtatagumpay, hindi niya ito nalilimutang ibalik sa Diyos. Na lahat ng aming kakayahan ay sa Kanya lang nagmumula. Sa mga munting panalo sa laban o achievement na nakamit at kahit sa pagkatalo, damang dama namin ang pagmamalaki sa kanyang puso.

Lahat ng pagtitiis ay kanyang ginawa, kakambal ang pagtuturo ng katipiran. Kung makakarating kayo sa amin, baka hindi niyo mapigilang matawa. Naroon pa hanggang ngayon ang sako-sako ng mga luma at pinagliitang damit. Ayaw na ayaw niyang ipatapon. Ang sabi niya, hindi lahat ng kanyang anak ay masasabing magkakaroon ng magandang buhay. Yaong mga damit na iyon ay maaari pang ipasuot sa aming mga magiging anak. At pati mga plastic, mga sando bag na galing sa palengke. Alam niyo bang nilalabhan pa niya ito tapos ay isasabit para patuyuin.

Gayundin, itinuro niya sa amin ang kababaang loob at pagpapahalaga sa kapwa. Parati niyang sinasabi na huwag na huwag kaming magyayabang at lalaki ang ulo anuman ang aming marating. Magpakababa at makisama sa lahat ng tao. Nakakatuwang alalahanin kapag gumagawa siya ng sulat. Pareho ng beginning sentence kapag nangungutang o naniningil. Laging mayroong “kahiya-hiya man sa iyo.” Hinding hindi namin siya narinig na nakipagmataasan ng boses sa ibang tao. Kapag masama ang loob niya, magagalit siya pero hindi niya ipinapakita hanggat maaari’y kokontrolin tapos mamaya’y mananalangin. At siya pa mismo ang lalapit sa taong may sama ng loob sa kanya.

Kaya hindi kataka-taka kung bakit maraming kaibigan ang Inay. Itanong ninyo yang sa mga kapitbahay, kumare, kumpare, maging mga kabataan o kaklase ng simuman sa aming magkakapatid. Siya ang paboritong kahuntahan ng mga matatanda sa aming nayon. Kapag may anumang pagkain sa amin ay hindi pwdeng hindi niya padadalhan ang mga kapitbahay.

Ang Inay ay talagang napakahilig sa paghahalaman. Hindi ko matandaan na nawalan ng halamang namumulaklak sa aming bakuran. Umaga’t hapon ay alagang diligin, tanggalan ng tuyong dahon. Lahat ng mga basyong lata at mga lalagyan ay pupunlaan ng mga pananim. At kapag may nagagandahan sa kanyang halaman at humihingi, ito ay kanyang ipinagbubuhay maging orchids, dwarf santan, donya luz, donya aurora, sitsiritsit at maging halaman na hindi namin alam ang pangalan.

She was a brave fighter. Ilan taon din niyang pinaglabanan ang kanyang karamdaman. Hindi dumaraing ng anumang sakit. Pilit itinatago ang nararamdaman upang kami ay hindi na mag-alala pa. Sa katunayan, ilang araw bago siya nagpaalam, nakipagkuwentuhan pa siya tulad ng dati niyang ginagawa.

Bilang asawa, saksi kaming magkakapatid sa walang katumbas na pagmamahalan nila ng Tatay. Pag kami ay nagkukuwentuhan, isasalaysay niya kung paano sila nagkaibigan ng aking ama. Kung paano niya ipagmalaki ang katangian nito. Palagi siyang nasa likod upang sumuporta sa desisyon at gawain ng tatay sa barangay man o sa El Shaddai.

GLORIA, gloria, kung anong kahulugan mayroon sa pangalan niya, iyon din ang masasalamin sa kanyang pagkatao. Kaluwalhatian, puspos na kaligayahan, ang glorya ng buhay namin na kanyang minahal at patuloy na mamahalin.

Masasabi kong maikli ngunit makabuluhan ang buhay ng aking ina. Maikli sapagkat kung pinagkalooban pa siya ng ilan pang mga taon, napakarami pa niyang pwedeng ialay sa mundo at sa buhay naming kanyang kapamilya. Ngunit ito’y makabuluhan sapagkat sa loob ng 58 taon, nakapag iwan siya ng mga pamanang pinagsikapan niyang ikintal sa aming puso na magpapatuloy habang kami ay nabubuhay at maipapasa rin namin sa aming mga magiging anak.

Batid kong masaya na siya sa kanyang panibagong paglalakbay. Lumaki kami nang ayon sa itinuro nila sa amin ng tatay. Sa 58 taon, hindi lang 11 beses siyang umakyat sa stage upang magsabit ng medalya sa kanyang mga anak. Sa bawat pag-akyat niya ay repleksiyon ng kanyang pagiging mabuting ina. Maganda na rin ang buhay ng bawat isa sa amin. May mga pagsubok na darating pero alam naming gabay pa rin namin siya sa aming ginagawa.

“you will always be a special part of me… you will always be a special memory… i will cherish wonderful moments you have given me… you are in my heart… wherever i will be…”

Inay, mamimiss namin lahat lahat sa inyo. Ang simpleng kwentuhan sa kuwarto ninyo, ang pag aalaga ninyo sa amin kapag kami’y may sakit, ang ngiti ninyo sa aming pagdating, at ang pakikinig at manaka-nakang pag awit sa videoke.

Inay, hinding-hindi namin kayo malilimutan.

Maraming salamat sa lahat-lahat.

Mahal na mahal na mahal na mahal namin kayo…
______________________________________________________________________________________
Binasa sa publiko noong September 25, 2005.
——————
pic from trekearth.com

About these ads