Magic

Posted on Agosto 3, 2011

17


Nokia_5110Ganito ko ilarawan kung paano dumating sa buhay ko si Magic: itim na itim, singlaki ng pangkaskas ng yelo, walang resibo, walang kahon, walang manual, walang charger at walang sim card. Isang malupit, isang astig, isang maangas at isang sosyal na sosyal na tantatatan….. Nokia 5510. O, wala bang palakpakan diyan?

Ipinakilala siya sa akin ng kabarkada/kaopisina ko na si Jabs na taga-Fairview din. Napulot daw niya sa fx nang minsang pauwi siya. Aba, di ko alam kung matutuwa ba ako o maaasar nang ako talaga ang una niyang alukin. Naman, nasa hitsura ko ba talaga ang namimili ng pulot na bagay? Pero sa bandang huli… salamat, ‘tol. Sa halagang P1000, nagkaroon ako ng cellphone. Perstaym. Parang first love lang ang pakiramdam. Hehe.

Kaya simula noon, ako’y naging bonafide cellphone user at sumakay sa bagong takbo ng mundo ng komunikasyon. Natutong magpaalala, bumati, makipaglokohan, makipag-away at makitawa sa mga text messages na lumalabas sa inbox. Nag-forward at nagsave ng mga cheesy quotes at corny na mga jokes. Naging sinaunang jejemon na nagte-text ng “San n u, d2 na me? at pumatol sa mga drop calls. Yung tawag na isa-dalawang salita lang ang sasabihin tapos puputulin na yung tawag. Promong nakakaloko lang. Haha.

                                                                                     ******

Nakakonekta sa mga nawawalang kaibigan at kakilala,  nakibalita sa pamilya sa probinsya, nanligaw at nagkasyota. Ito ang bagong agos ng anumang relasyon. Family, Friendship at Romance. Formal o casual. Gaguhan o seryosohan. At least hindi ako napahuli. Earthling pa rin ako at hindi alien.

Naging kasama ko si Magic sa pagtulog at siyang unang gumigising sa umaga. Minsan na ring na-ibato ng kasama dahil sa lakas ng alarm. Naging isang maaasahang partner sa trabaho lalo na kung fieldwork. Nagkaroon ng pantanggal ng bad trip sa traffic dahil sa snake (na ewan ko ba kung bakit di ko magawang makapag level 9) at logic (na feeling ko bobo ako kasi hanggang ngayon, di ko pa rin alam kung pano laruin). Masarap ding isipin na mas madaming nakakabati sa birthday, Valentines, New Year at Pasko na mistulang alarm sa dami ng dumarating na messages.

Pero may mga oras talaga na hindi ko maiwasang ikahiya si Magic.

Imagine yourself interviewing applicants for Nokia models and sales reps habang nasa ibabaw ng mesa mo ang 5110, nagpapakilala at nagmamayabang. Sabi siguro nung iba kong applicants, Ayos din ‘tong taong ‘to a. Naghahanap ng magpo-promote ng latest cellphones ng Nokia samantalang ang gamit niya e pangkaskas ng yelo. Hahaha. Nakakatawa. O kaya makasama ka sa work-with ng isang group head at manliit kapag nilalabas nila ng client niya yung mga cp nila. Parang nabasa ko sa mukha nung client namin yung tanong na, “Excuse me, what’s that? It seems dangerous..” O kaya naman, magkikita-kita kayo ng classmates mo, tapos makikita nila cp mo. Kahit hindi ka magkwento, alam na nila kung magkano sweldo mo. At mas malala, noong mag Account Supervisor ako,  latest cp models ang gamit ng mga subordinates ko. Parang gusto nga nila magjoke ng ganito: Sir, gusto ninyo ambagan kami para sa cp niyo? O kaya naman sir, palit kaya tayo ng sweldo. Ay, ewan ko ba. Bakit nga ba madalas, naikakahon ang pagkatao sa mga bagay na pag-aari ng isang tao? E, ano naman kung 5110 lang ang gamit ko? Hindi porke low end ang cellphone ko e low end na rin ang status ko sa lipunan?

Pero ganun pa man, inalagaan ko pa rin si Magic. Pina-upgrade ko siya sa Greenhills sa halagang di ko na matandaan. At least, naging kakaiba siya ng konti sa paningin ko. Yung font at mga icon na gumagalaw. Naaliw din ako sa mga ringtone at naging paborito ko ung otso-otso at Ghostbuster. Bumili rin ako ng housing na 3 for P100. Yun nga lang after a day or two, babalik akong muli sa original na casing dahil malaki na ang kalyo ko sa tigas ng keypad.

Hindi ko siya hinayaang mabasa at iningatang huwag mahulog. Pero ang cellphone yata ay parang tao rin na hindi maiwasang bumagsak. Kahit anong gawing pag-iingat, darating talaga yung oras na mapapabagsak talaga siya. Naalala ko pa nung mahulog siya sa mrt. Naghiwa-hiwalay ang keypad, housing  at battery. Pero ayos lang naman pagkatapos, asus, 5110 pa. (yabang no?) Pangmatagalan yata ‘to. Biro ko nga sa iba, lalaban ako ng batuhan ng cellphone.

                                                                                 *****

Dumating yung panahon na akala ko mawawala sa akin si Magic. Minsang pauwi sa Fairview, nakatulog ako sa dyip at hindi namalayang nahulog sa bulsa ko ang iniingatang cp. Nung magising ako, kinapa ko sa bulsa si Magic, baka kasi may nag text pero laking gulat ko nang malamang wala siya. Habang tumatakbo yung dyip, lumilipad din ung isip ko. Parang okay lang, ang galing sa kalsada, sa kalsada din mawawala. At isa pa, baka yun na yung panahon na kelangan ko na siyang palitan. Ngunit sa kabilang banda, parang naririnig ko si Magic na bumulong sa akin ng Andito lang ako, iligtas mo ako. Kaya, tiningnan ko isa-isa yung mga kapwa pasahero, ginamit yung konting Psychology. Sino ba yung kakaiba yung ikinikilos? Hmmm. Napansin ko yung isang mama sa bandang dulo ng dyip na medyo iba yung kilos. Siya yung katabi ko kanina bago matulog. Magalang ko siyang tinanong kung pwede kong makita laman ng bag niya. Pero yung initial reaction niya, nagalit kaagad at nagtaas ng boses. Kaya yun, lalong lumakas ang loob ko na maliligtas ko pa si Magic.

Buti na lang, pareho kaming sa SM Fairview bumaba. Hinabol ko siya at aktong aakbayan. Pero itinulak niya kaagad ako at bumagsak. Sabi ko sa isip ko, babangon ako at dudurugin ko siya. Kahit na medyo di kami match (Mukha kasing barumbado si Manong sa katawan at karakas niya), parang Batista lang siya at ako’y si Palito. Naman. Pero tumayo pa rin ako at sumugod sa kanya at sinubukang makaganti. Pero dehado talaga ko. Buti na lang, nilapitan kami ng referee cum traffic enforcer at dinala sa station nila. Tapos na daw yung laban. Pero wala naman akong narinig na bell. Binuksan nung traffic enforcer yung bag ni manong at nakita kong muli si Magic. Nagpaliwanagan. Nagbangayan. Pinatay ni Manong Traffic Enforcer ang cp ko at binuhay ulit. Nanghingi ng password. Sabi ko, Zero Zero Zero Zero. Apat na zero. Ayun, sa bandang huli, sa akin pa rin si Magic. At muli kaming nagsama sa iba pang mga karanasan.

                                                                                                            *****

Kung bakit ko siya tinawag na Magic, ganito yun. Hindi ko alam kung anong nangyari sa Globe. Nagkaroon ako ng unlimited call kahit wala naman akong load nung panahon na yun. Laking tuwa ko, magic talaga. Biruin mo, mula Fairview hanggang dulo ng Gil Puyat, tumatawag ako gamit ang aking 5110. Angas, di ba? Una ko siyempreng tinawagan ang pamilya ko sa Batangas, nangumusta sa kalagayan nila doon at nagpakwento sa buhay ng bawat kanayon, hehe. Hindi ko rin pinalampas at hindi talaga ako nagpapatulog ng mga kaibigan dahil tinatawagan ko sila kahit kalaliman ng gabi para makipag-telebabad. At biglang-bigla, ang dating inaaping cellphone sa opisina namin, naging superstar. Instant celebrity.

Sabi ko sa sarili ko, baka ito na ang paraan para yumaman ako, hehehe. Pero, dahil mabait ako kaya hindi naman ako naging maramot. Share the blessings, ika nga. Ipinahiram ko siya kay Monet para makausap yung asawa niya sa Dubai. Na-super thank you pa nung isoli kinabukasan. Isang gabi siya kay Aila para mangumusta sa nanay niya na OFW din. Natatandaan ko pa, namugto yung mata niya sa sobra sigurong kwentuhan ng drama nila sa pamilya. Si Jon, nakatawag din sa mga kaibigan niya na nasa Europe. Isang gabi din siya kay Tere at isang gabi din kay Pags (na hindi ko pa gf nun). Ang saya-saya, no? Sa loob ng dalawang linggo, sobrang napasaya kami ni Magic. Lalo na ako. Sikat na sikat kami ng 5110 ko. Parang ayaw ko na nga siyang palitan. At parang ayaw ko na ring magload baka kasi bawian ako ng Globe pero nang subukan ko, parang walang nangyari. Magic talaga.

                                                                                 *****

Pero sadya nga yatang maghihiwalay kami ni Magic. Minsang sakay ako sa bus at nakatulog na naman, pagkagising ko… wala na si Magic. Hindi ko na kayang gawin yung ginawa ko sa dyip sa Fairview. Hindi ko na rin marinig yung bulong ni Magic na nagsasabing nandun pa siya at nagpapaligtas. Kaya yun, tinanggap ko na lang sa sarili ko na wala na si Magic. Nakakainis pero sabi ko na naman, okay lang yun kasi sa ganung paraan ko din siya nakilala. Kaya ganun din siguro yung paraan ng pagkawala niya sa buhay ko. Baka naman may iba pang kelangan pasayahin si Magic. May iba pa siyang misyon. At isa pa, ito na nga siguro yung time na kailangan ko na talagang bumili ng bagong cellphone.

Ganito ko ilarawan yung pumalit kay Magic: May box, may charger, may manual at may resibo. Isang malupit, isang astig, isang maangas at isang sosyal na sosyal na tantatatan….. Nokia 5110. O, wala bang palakpak diyan?

OO, isang malaking NA NAMAN. Nokia 5110. Na Naman. Ewan ko ba, Parang sagot lang sa tanong ko sa mga aplikante na, If you were a cellphone, what would you be? Katulad ko siguro yung modelong ito ng Nokia, yung tipong kahit ilang beses bumagsak at mapuno ng problema sa buhay, buo at matatag pa rin. Lalaban pa rin. Susulong pa rin sa buhay. At ito namang pangalawang 5110 ko na ito ang naging daan para maging girlfriend ko si Pags. Hehehe. Friends turned textmates turned lovers.

At kung magic na matatawag yung makapagpasaya ng ibang tao, makatulong sa pamilya at maging faithful sa gf, marahil nga, may ibang klaseng magic nga ako. Pero hindi katulad ng cellphone ko o anumang materyal na bagay sa mundo, yung salamangka na nagagawa ko ay hindi panandalian lang. Habambuhay na magic yung kaya kong ibigay.
________________________________________________________________________________________________

Sinulat ko ito noong 2009. Graduate na ako sa 5110, Nokia X3 na ang gamit ko ngayon. At siyanga pala, asawa ko na si Pags ngayon. Kakaibang Magic, di ba?

pic from telefonguru.hu

About these ads
Posted in: Kwentong Payslip