Mga Aral Sa Mga Laruan

Posted on Oktubre 6, 2011

6


Nililikha sila mula sa bakal, plastik, kahoy at lata. Pinagyayaman ng pulotgata ng imahinasyon at kaisipan. Binubulungan ng alpabeto ayon sa pangangailangan. Binibinyagan sa pangalang LARUAN. At iniluluwal sa mundo ng kabataan. Sa panahon ng PAGLALARO at paglilibang.

Ano nga bang uri nila ang dumaan sa iyong mga kamay? De-tali. De-motor. De-baterya. De-gulong.

Ilan sa kanila ang nagmarka sa panahon ng iyong kamusmusan? Larong pang-isahan. Pangdalawahan. Pang-maramihan.

Alin sa kanila ang nag-iwan ng latay at aral pagkatapos? Ang bangkang papel sa baha? O ang laruang kotse sa baku-bakong kalsada? O kaya naman ay ang saranggola sa malawak ng papawirin?

Alin sa mga ito ang nagpakilala sa iyo ng salitang kaibigan at kakampi? Kaaway at kalaban?

Anong laro o laruan ang naghubog sa iyong pagkatao? Ng kalakasan at kahinaan. Ng kagalingan at kakulangan.

Aling pagkakataon ang nagpakilala sa iyo sa tunay na mundo? Taya. Burot. Star Player. Miron. Salingpusa. Bangko. Salingkit. Pikon.

Walang hindi sa atin ang naglaro noong panahon ng ating kabataan. Lahat ay nabasa ang likod sa pawis mula sa maghapong habulan. Ang ilan ay nadapa at umuwing bangas ang mukha at may sugat ang tuhod. Ang iba marahil ay napalo ng mga magulang dahil gabi na nang umuwi buhat sa pakikipaglaro sa ibang mga bata sa kalapit-baranggay. O kaya naman ay dahil sa hindi mapatigil na pag-iyak sa kasabikang magkaroon ng mamamahaling laruan. Ilan din ang naniwalang ang kuto at lisa ay dulot ng alikabok sa arawan at ang di pagtulog sa tanghali ay dahilan ng mabagal ng paglaki.

Lahat ng iyan ay kailangang maranasan. Upang maging bahagi ng kabuuan. Upang maging hakbang ng pagkatuto. Sa tunay na kalakaran at sistema ng lipunang ginagalawan. Sa malawak na palaruan ng buhay at totoong laro ng mundo.

Ang tao nga ang lumilikha ng mga laruan. Ang mga laruan naman ay tumutulong sa paghubog sa kanyang pagkatao.

Balikan natin ang mga aral sa bawat kulay, porma, hugis at anyo ng mga laruang ating nakagisnan. Muling sariwain sa kamalayan ang leksyong ibinunga ng paglalaro.

Sa larong bahay-bahayan, natuto tayong gampanang maigi ang papel na ginagampanan. Kung saan ang ama at ina ay mapagmahal at ang mga anak ay masunurin. Ni walang lugar ang pambubugbog at pagbubulyawan at mapapansin ang paggalang sa bawat miyembro. Ganoon din sa larong doktor-doktoran, walang lugar ang panlalamang. Sa larong pulis-pulisan, alam ng bata na hindi siya kawatan.

Ang mga guhit sa patintero at piko ay simbolo ng mga limitasyong dapat nating isaalang-alang. Dapat nating isaisip na lahat ay may hangganan. Mga batas na dapat sundin at igalang.

Sa mga laruang luwad, napagyaman ang ating kaisipan. Na kaya nating bumuo ng mga magagandang obra mula sa simpleng bagay. Gaya ng pagbuo ng pangarap mula sa kawalan. Ang likas na husay ay sinasangkapan ng sipag at tiyaga. Gayundin naman, ang taas ng luksong tinik at Chinese garter ay mga balakid na kaya din nating lusutan. Katulad ng mga hadlang sa mga layuning kailangang pagdaanan.

Nalaman natin sa chess at dama ang konsepto ng pagpaplano. Na kailangan ng maraming alternatibong balak kung sakaling di sumang-ayon ang tadhana. Na minsan, sa buhay at laro, kailangan nating magsakripisyo nang malaki tulad ng pagkawala ng reynang piyesa sa chess. O ang pagpain ng tatlong piyesa para makadama. Dahil alam nating may buti rin itong kapalit. Ang luha ay may tuwa ring kakabit.

Natuto tayong sumugal sa mga larong teks at holen. Walang nanalong hindi sumugal. Walang natalong hindi nakabawi. Doon tumimo sa atin ang lakas ng loob, marahil sa pagdedesisyon at pagsuong sa mga mahihirap na sitwasyon.

Natutunan natin sa basketbol ang konsepto ng teamwork. Lahat ng miyembro ay may talento at kasanayang pwedeng iambag sa tagumpay ng bawat laro. May magaling. May masinop. May mapera. May masipag. May maabilidad. Sa koponan, alam natin ang kaya nating iambag.

Sinong mag-aakalang ang isang piyesa ng Lego ay kailangan upang makabuo ng isang kahanga-hangang bagay? Kahit sa pagbuo ng puzzle, mahalagang sangkap kahit ang isang maliit na bahagi. Ang isang mabuting gawi ng isang mamamayan, gaano man kaliit o kalaki ay may epekto sa kabuuan ng  bansa at pamayanan.

Huwag maging tau-tauhan. Sila ang unang nakakaligtaan.

Lalong huwag hangaring maging robot o anumang de-susing laruan. Responsibilidad mong hawakan ang remote ng buhay mo at maghanap ng bateryang magpapaandar sa yo. Lumingon sa kaliwa, andyan ang kasintahan o asawa mo. Sa kanan, mga kaibigan.  Sa itaas, Ang dakilang Lumikha.

Sa pagpapalipad natin ng saranggola, nalaman natin na gaano man kataas ang narating ng guryon, may tali pa ring nagkokonekta sa kanya mula sa ibaba. Ang tali. Ang ugat. Ang pinanggalingan. Ang pusod. Ang pamilya.

Kung maging taya sa laro, sa trabaho o pamilya, nakasalalay sa sarili kung hanggang kailan mo bubunuin ang pagiging taya. Tatlong bagay ang maari mong gawin: gampanan mo nang mabuti ang pagiging taya, humingi ng tulong sa kapuwa o lumikha ng bagong taya.

Huwag kang mapipikon. Lalong huwag kang aayaw. Lahat ng laro ay kailangang tapusin. Mabigat sa puso kung hindi mo alam kung ano ang iskor sa isang bagay na pinagpapaguran. Kahit ang trumpong paikot-ikot lang, may tagal ng pag-ikot na siyang pamantayan. Dahil lahat ng bagay sa mundo ay may kaakibat na panukat. Ang pag-aaral, may grado. Ang trabaho, may sweldo. Kahit sa panliligaw. Basted ka ba o pasado? Ano bang lagay ng buhay mo ngayon? Panalo ba o talo?

Dito naman papasok ang pagtanggap sa mga hamon ng buhay. Itinatak sa atin ng paglalaro ang diwa ng sportsmanship. Ang maluwag na pagtanggap ng pagkatalo at pagiging maginoo ng nanalo.

Sa larong habulan at pagbibisikleta, nalaman nating mas masarap tapusin ang laro kahit na madapa o sumemplang sa kalsada. Hindi mahalaga kung ilang beses bumagsak, ang mahalaga ay ang pagbangon at pagkatutong maging mas maingat sa mga lubak na daan.

Hindi totoo ang salitang GAME OVER. Parang brick game lang yan. Pwede mong ulit-ulitin. Kahit anong level. Kahit anong oras. Ang kagandahan sa buhay, pwede kang magsimula at magbago ng laro. At mamili ng mga bagong kalaro. Yaong makakatulong sa pagkamit ng tagumpay. Parang larong tagu-taguan, iwasan mong magpahuli sa bisyo at masamang kalakaran.

Alalahanin natin ang aral ng bangkang papel sa paglalayag sa tubig. Maging maingat sa paglalakbay. May mga batong sasalpok na siyang magiging dahilan ng ating pagkalunod.

Alalahanin ang mga aral mula sa laruan. Kalayaan. Mayamang Kamalayan. Pagbuo ng pangarap. Huwag maging MISMONG laruan.

Alalahanin ang mga aral mula sa paglalaro. Isabuhay. Isapuso. Pagbibigayan. Pagkakaisa. Pagmamahalan.

Alalahanin ang mga ito habang naglalakbay.

Sapagkat tayo ay nililikha mula sa alikabok at salita. Pinagyayaman ng karanasan at kasaysayan. Binubulungan ng gabay at pangaral. Binibinyagan ng mabuting pangalan at karangalan. At iniluluwal sa mundo ng patuloy ng ebolusyon ng sangkatauhan.

 *************

Lahok na blog para sa Saranggola Blog Awards.

About these ads