Tag-araw (Repost)

Posted on Disyembre 14, 2011

19


Lagi kitang iuugnay sa tag-araw. Ang pamumulaklak ng mga halaman ay larawan ng kamay mong may hawak na rosas nang batiin mo ang iyong ina sa kanyang kaarawan. Ang halakhak ng mga batang naghahabulan ay ang iyong halakhak sa pangunguha natin ng mga prutas sa looban ng Ka Simo. Ang init ng araw, ang maaliwalas na kalangitan, ang mga ulap, ang Flores de Mayo, ang saranggola. Ang larawan ng tag-araw ay larawan ng aking bunso.

Puputok pa lang ang Mayo nang dumating ka sa buhay namin. Wala kaming pagsidlan ng kaligayahan sapagkat ikaw ang kasagutan ng sampung taong panalangin. Salamat na lamang at napapayag kami ng Ka Santi na  magsayaw sa Ubando. Ikaw ay talagang hulog ng Langit!

Isinunod kita sa aking pangalan. Roberto Jr. Ipinagyayabang kita sa lahat. Andun ako sa una mong pagdapa, pag- upo at paghakbang.  Gayundin, nang sambitin mo ang Mama at Papa na talagang musika sa aming pandinig. Mabilis ang iyong pag-unlad at lagi kong sinasabi sa lahat ng kahuntahan, ikaw ay lalaking matalino, mabait at makisig na bata.

Hindi naman ako nagkamali. Ikaw ay lumaking masiyahin at masiglang bata. Nasa kindergarten ka nang magsalita ka ng Ingles na  “A parrot can tot” at  “A bird kengkay”. Maraming natutuwa sa iyong kakulitan. Natatandaan ko rin nang maging Constantino ka  ng Flores de Mayo ng tag-araw na iyon. Ikaw ay aking anak!!

“Papa, Marunong ka hong gumawa ng saranggola? Gusto ko hong magpalipad ng saranggola, e.’ bungad mo sa akin isang umaga ng tag-araw.

“Aba, oo naman, anak. Sige, halika, gawa tayo ng saranggola. Tapos, samahan pa kitang magpalipad.” At pumunta tayo sa likod-bahay. Gamit ang papel, pisi, pandikit at patpat, naigawa kita ng saranggola sunod sa saranggolang ginagawa ko rin nung kasinggulang kita. Simula noon, magkasama tayong nagpapalipad ng saranggola. Tuwang tuwa ka kapag matayog ang lipad ngunit nayayamot kapag sumasabit sa puno ang ating saranggola. Ikaw ay ako noong walong taong gulang.

Naisip ko, ang pagpapalipad ng saranggola ay para ding pagpapalaki ng anak. Ang saranggola ay ang anak sa kanyang paglalayag sa malawak na mundo, ang kamay na humahawak ng pisi ay ang mga magulang na gumagabay sa mga anak kapag malakas ang hangin. Ang kamay na muling nagtataas sa saranggola upang muling lumipad sa kabila ng kabiguan. Kamay na umaagapay upang di makawala at maligaw sa kalawakan ng buhay.

Dalawang tag-araw pa ang lumipas, ilang saranggola na rin ang ating nasira at napalipad. Natuto ka  ring magpalipad nang hindi ako ang kasama kundi ang iyong mga kaibigan. Ayos  lang iyon sa akin, ikaw ay isang bata.

Ngunit may bagyo rin palang dumarating kahit sa tag-araw. Bagyong kailangang harapin nang buong tatag ng ating pamilya. Bagyong susubok sa pagkatao namin ng Mama mo. Bagyong huhulma ng kapalaran mo.

Nagsimula iyon nang minsang ginising mo kami dahil umiiyak ka sa sakit ng ulo. Inalo at pinainom ka ng gamot ng iyong ina. Nakatulog ka pa nga sa pagitan naming mag-asawa.

Ngunit ang pagsakit ng ulo ay naging madalas. Naging mas masakit dahil nakikita kita kung paano magligalig, magwala at magbato ng unan o laruan. Nag-iba ang iyong ugali, naging bugnutin at nawalan ng ganang maglaro at kumain. Naging ibang bata ka sa aking paningin.

Dinala ka namin sa doktor. Hindi niya maibigay sa amin ang saktong sagot at pinayuhang magpunta sa kalapit na bayan kung saan mas may kagamitan daw para malaman ang iyong lagay. Natakot ang iyong Mama at agad na umiyak. Ako naman ay nanghina kaagad. Nangamba kaming baka delikado ang iyong sakit dahil kailangan pa naming magpunta sa mas malaking hospital.

May dahilan ang aming takot. Agad akong kinausap ng doktor nang masinsinan. Hindi ko na narinig ang iba pa niyang paliwanag. Nanlumo na ako. Parang pinagsakluban ng langit at lupa. Paulit ulit sa aking pandinig ang tinuran niya. May brain tumor ang anak ninyo! May brain tumor ang anak ninyo!!!

Hindi ko alam kung paano sumikat-lumubog ang araw. Nakituloy tayo sa Tiyo Isko mo sa Maynila para kumunsulta sa iba pang dalubhasa. Pero gayon din ang resulta. At mas masakit pa, binigyan ka nila ng taning. Sino sila para bigyan ng taning ang aking bunso?

Pinilit kong magpakatatag. Para sa ating pamilya. Para sa iyong ina. Ngunit hindi mo alam, sa cr ako humahagulhol kasabay ang lagaslas ng tubig sa gripo. Parang dinudurog ang puso ko kapag namimilipit ka sa sakit lalo na kapag inuuntog mo ang iyong ulo sa pader. Gusto kong humiyaw nang nagsimulang malagas ang buhok mo epekto ng therapy. Nawala rin ang lupang pinaghirapan kong ipundar upang maipamana sa yo ngunit sa gamot mo nagasta. Lahat ay pinilit kong gawin para maisalba ka.

Nagtampo ako sa Diyos. Nagalit. Nagtanong. Bakit ka Niya ibinigay kung babawiin ka rin kaagad? Bakit ikaw pang musmos at madami bang tag-araw na mararanasan? Bakit ikaw pa na bago pa lang nangagarap? Bakit hindi na lang ako? Bakit ang bunso ko pa?

‘Pa, gusto ko magsaranggola,” paanas mong wika. Nagkatinginan kami ng Mama mo. Mahina na ang katawan mo. Ayaw ka naming mapagod.

“Pa, gusto ko magsaranggola,” muli mong usal. Wala akong magawa kundi kargahin ka kahit balot ka ng kumot. Pinakuha ko sa iyong ina ang huling saranggolang pinalipad mo. Pumunta tayo sa malawak na taniman ng tubo.

Karga ka sa likod, tumakbo ako upang umangat ang saranggola. Tangan ng mahina mong kamay ang pisi. Lumuluhang pinagmasdan tayo ng iyong ina.

Tumaas ang saranggola. Patuloy pa rin ako sa pagtakbo. Basang basa ako ng luha.

Humagulhol ako nang makita kong tuluyang nabitawan mo ang pisi. Dumating na ang panahon mo.

“Maglayag ka anak sa dapat mong puntahan. Tandaan mong mahal na mahal ka namin ng Mama mo. Mahal na Mahal kita.”

Tulad ng pagpapakawala mo sa saranggola, pinaubaya ka na namin ng Mama mo sa Panginoon. Masakit subalit kailangan naming tanggapin. Iyon ang iyong tadhana. Iyon ang huli mong tag-araw.

Palagi kitang iuugnay sa tag-araw. Ang iyong ngiti, ang halakhak, ang ulap, ang langit, ang magagandang bulaklak, ang banderitas, ang Flores de Mayo, ang saranggola sa malawak na kalawakan.

____________

gusto kong manalo sa pakontes ni gillboard.

About these ads