Si Budong at ang Sarimanok

Posted on Oktubre 6, 2012

0


Maagang gumising ang batang si Budong.

Ngayon kasi ang ikawalong kaarawan niya. At talagang pinananabikan niya ang araw na ito dahil sa matagal na niyang hiling sa mga magulang – isang PSP. Iyun kasi ang uso ngayon.

Pumunta agad siya sa salas kung saan nag-uusap ang kanyang ama at ina.

“Maligayang kaarawan, anak,” bungad ng Nanay niya, “Gusto mo bang makita ang aming regalo?”

“O-opo, Inay,” ngiti ni Budong.

“Halika, anak, puntahan natin sa labas,” aya ng Tatay niya.

Nagtataka man, sumunod na rin siya para makita ang sinasabing regalo.

“Ibon? Ibon ang regalo ninyo?” malungkot niyang wika habang pinagmamasdan ang puting ibon sa kahoy na dinadapuan nito.

“Anak, iyan ang napili naming regalo para mabaling naman sa ibang bagay ang atensyon mo bukod sa pagcocomputer at panonood ng tv. Napapansin kasi naming parati ka na lang sa kuwarto. Hindi ka na rin sumasama sa pamamasyal namin ng Nanay mo. Heto, may isa pa kaming regalo sa ‘yo,” paliwanag ng Tatay niya sabay abot ng tatlong tiket sa palad niya. “Manonood tayo ng Circus sa bayan.”

“Ayoko sa ibon na yan, at hindi ako sasama sa pamamasyal,” sabay tapon ng mga tiket at tumakbo pabalik ng bahay.

Pagpasok sa kuwarto, nagtalukbong kaagad siya ng kumot. Naiinis siya dahil hindi man lang nasunod ang gusto niya. E, sa ayaw niyang mamasyal.

Mas gusto niyang magbabad sa paglalaro ng mga video games. Nalilibang pa siya lalo na kapag nananalo siya samantalang wala naman siyang napapala sa paggala. Nahihilo pa siya sa mahahabang biyahe.

Nasa ganoon siyang pagmamaktol nang biglang–

“Psst, Budong! Budong!”

“Huh? Sino ka?” Nagtaka siya kung saan nanggaling ang tawag na iyun gayong mag-isa lang siya sa kuwarto.

“Budong, andito ako sa bintana,” ulit ng maliit na tinig.

Tumayo si Budong at binuksan ang bintana. Gulat na gulat siya sa kanyang nakita. ANG PUTING IBON NAGSASALITA!

Agad siyang tumakbo pabalik sa kanyang kama at muling nagtalukbong ng kumot. Minamaligno na yata siya.

Pero ang munting ibon ay lumipad papunta sa kanyang kama at hinila ang kumot niya.

Lalong nanlaki ang mata ni Budong nang makita ang pagbabagong-anyo nito. Ang maliit na puting ibon ay naging isang malaking ibon. Halos kasinglaki ng kama niya. May tangan itong isda sa kanyang tuka. Tila may koronang nagniningning. May makukulay at magagandang balahibo. Makintab at nagliliwanag!

“Ako ang SARIMANOK. Narito ako para turuan ka ng aral,” lumapit sa kanya ang ibon.

“Anong pangalan mo? Anong pangalan ng Nanay at Tatay mo? Saan ka nakatira?” Sunod-sunod na tanong sa kanya at natatakot man, sinagot niya rin isa-isa. Baka kasi kainin siya nito kapag hindi siya sumagot.

Pagkatapos, sinakmal siya at inilagay sa likod. Sumigaw siya pero huli na ang lahat. Inilipad na siya ng sarimanok palabas ng bintana ng kuwarto.

“Hu hu hu. Saan mo ko dadalhin? Huwag mo ‘kong kakainin,” pagmamakaawa niya.

“Budong, huwag kang matakot. Kalmado ka lang at tayo’y maglalayag. Marami akong ipapakita sa ‘yo.”  At tuluyan silang pumailanlang sa kalawakan. Lalong humigpit ang hawak ni Budong sa balahibo ng ibon.

Pagkatapos ng paglipad sa mala-bulak na mga ulap, ibinaba siya ni Sarimanok sa bakuran ni Tikyo Tikbalang, isang nilalang na anyong tao pero may ulo ng kabayo. Naabutan pa nila itong kumakanta.

“Si Mang Tikyo ay mayro’ng zoo, A, E, I, O, U

Maraming hayop nandito. A, E, I, O, U.”

At totoo ngang maraming alagang hayop si Tikyo. May giraffe, leon, ahas, unggoy, buwaya at mga ibon. Mas maganda pala ang mga ito kaysa sa mga larawan at sa napapanood niya sa TV. Ikinuwento pa ni Mang Tikyo kung paano ang mga ito alagaan. Naalala tuloy ni Budong nang tumanggi siya kay Notnot na mamasyal sa zoo. Sayang, masaya din pala ang karanasan.

Matapos malibot ang zoo ni Tikyo Tikbalang, muli silang lumipad ng Sarimanok. Bumaba sila sa isang punso at bumungad sa kanila ang isang maliit at matandang tao. May mahabang balbas at mahabang buhok. Patula itong nagsalita.

“Magandang araw sa inyo, itoy aking bati, sa mga naritong may ngiti sa labi.

Halina’t pumasok sa aking gusali, makita, mamasdan, yaman nitong lahi.”

At ang punso ay naging isang malaking gusali. Pumasok sila sa loob at ipinakita sa kanila ng nuno sa punso ang mga banga, damit at ilan pang lumang kagamitan. Isinalaysay din nito ang kuwento ng bawat bagay na halos ilang daang taon na ang nakararaan. Naalala niya tuloy ang hindi niya pagsama sa klase sa pagpunta sa museum. Marami rin pala siyang matutunan!

Muli silang lumipad ni Sarimanok. Maya-maya, nakaramdam siya ng pagkahilo, parang nasusuka. Ang sabi ng ibon, normal daw iyun sa isang bata. Mawawala daw iyun sa pagtanda. Inabutan siya nito ng sisidlan at doon siya dumuwal. Pagkatapos, binigyan siya nito ng puting bulaklak. Inamoy niya ito at guminhawa kaagad ang kanyang pakiramdam.

Hanggang sa nakarating sila sa isang baybayin kung saan naroon ang mga sirena na masayang naglalangoy. Gusto niyang matutong lumangoy.

“Maaari ba akong makisaya?” bati niya.

“Oo naman, halika at maglangoy tayo,” sabay-sabay nilang wika. Tinuruan siyang maglangoy ng ilan habang kumakanta ang iba.

“Ang paglangoy ay parang paglipad.

Isipin mong sakay ka ng ulap.

Kamay ikampay, paa’y ipadyak.

Iduduyan ka ng alon ng dagat.”

Ilang sandali pa’y natuto na siyang maglangoy! Masarap pala. Naisip niya, sasama na siya sa mga pinsan sa beach sa susunod na bakasyon.

Sunod nilang pinuntahan ang kaharian ng mga duwende. Nadatnan nila ang mga ito na masayang nagkakantahan habang nagtatrabaho.

Hay-ho! Hay-ho! Magbanat ng buto (Hay-ho!)

Hay-ho! Hay-ho! Tayo’y magtrabaho. (Hay-ho!)

Natuwa siyang pagmasdan ang mga ito. May naghahalo sa kaldero. May naghihiwa ng mga rekado. May nagbabalot ng kung anu-ano.

“Budong, tikman mo ang luto nila,” aya sa kanya ni Sarimanok.

At kumain nga sila ng maraming kendi at tsokolate. Masarap at matamis. Tuwang-tuwa talaga si Budong. Nakakakain din pala ng masasarap na pagkain kapag namamasyal. Naalala niya, may field trip sa pagawaan ng ice cream ang klase nila sa susunod na buwan, naku, talagang sasama siya.

Gabi na nang lumabas sila sa kaharian ng mga duwende. Sumakay siya kaagad kay Sarimanok at muling lumipad sa himpapawid.

Kitang-kita nila ang ganda ng mga bituin sa kalangitan. Napakagandang pagmasdan! Mas maganda pa sa napapanood niya sa tv. Maya-maya, may napansin siyang kumpol ng mga alitaptap. Lumapit sila at lalong namangha sa nakita. Munting mga diwata! Maliliit na babae na parang alitaptap! Nagsasayaw at kumakanta sa himpapawid.

“Ningning ng munting bituin, sana’y kaya kitang abutin.

Sa langit na kaytaas, nagsasabog ng liwanag

Ningning ng munting bituin, sana’y kaya kitang abutin.”

Gusto pa sana niyang manood kaso, gabi na. Inaya na niya si Sarimanok. Baka hinahanap na siya sa bahay.

Nagpalipad-lipad sila sa kalawakan. Lipad dito, lipad doon. Tingin dito, tingin doon.

“Naku, mukhang naliligaw tayo,” pagtatapat ng ibon.

“Ha? Anong gagawin natin ngayon?” takot agad si Budong.

“Huwag kang matakot. Alam ko kung sinong makakatulong sa atin.”

Bumaba sila sa isang malaking puno na nagliliwanag. Iba-ibang kulay at hugis ang mga dahon nito. At ang mga bunga, iba-ibang prutas!

Agad silang sinalubong ng isang engkantadang nakasuot ng puting damit. Napakaamo ng mukha.

“Ikaw pala, Sarimanok. At may kasama ka na namang bagong kaibigan,” wika nito sabay haplos sa ulo ng ibon.

“Kamusta? Nasiyahan ka ba sa pamamasyal sa aming daigdig?” baling ng Engkantada kay Budong.

“O-opo. Marami po akong napuntahan at natutunan,” sagot ni Budong.

“Mabuti kung gayon. Ngayon, alam mo na ang kahalagahan ng pamamasyal. Ang pamamasyal ay pag-aaral din. Marami kang natututunan at natutuklasan habang naglilibang. Nagiging mas makulay ang iyong mga karanasan. Mas maraming magagandang lugar ang puwedeng puntahan sa iyong daigdig at hangad kong mapasyalan mo ang mga iyun,” paliwanag ng Engkantada.

“Hmm, ano nga pala ang maipaglilingkod ko?” tanong ulit ng Engkantada.

“Nawawala po kasi kami. Hindi namin maalala ang daang pauwi sa aking daigdig,” ani Budong.

“Huwag kang mag-alala. Matutulungan kita. Ano ba ang tunay mong pangalan?”

Sinabi ni Budong ang tunay niyang pangalan.

“Anong pangalan ng iyong mga magulang?”

Muli niyang sinagot ang Engkantada.

“Anong kumpletong pangalan ng iyong lugar?”

Ibinigay ni Budong ang kumpletong pangalan ng lugar nila, pati bilang ng kalsada at pangalan ng barangay.

“Huwag kang mag-alala. Ihahatid ka namin sa iyong daigdig.” Agad inutusan nito ang isang kawal na sakay sa kabayong may sungay at pakpak.

Sumakay muli si Budong sa Sarimanok.  Sinundan nila ang kawal at kabayo hanggang sa makarating sila sa bintana ng kanyang kuwarto.

“Budong, gising na! Nakatulugan mo na naman ang panonood ng tv,” yugyog ng Nanay niya.

“Hmmm, Nay? Birthday ko na po ba?” humihikab niyang tanong.

“Sa isang linggo pa, anak, at huwag kang umasang ibibili ka namin ng PSP,” sagot ng nanay niya.

“Naku, Nay. Iba na lang ang hiling ko. Gusto ko pong mag-alaga ng ibon. At p’wede po ba tayong mamasyal sa birthday ko? Gusto ko pong pumunta ng zoo at museum,” paglalambing niya sa nanay.

“Aba, maganda yata ang gising mo,” nagtatakang tanong ng nanay niya.

“Maganda rin po kasi ang panaginip ko,” sabay ngiti at yakap sa ina.

At mula noon, nahilig na si Budong sa pamamasyal.

______________________

Lahok para sa Saranggola Blog Awards

About these ads
Posted in: Kwentong Pambata