Paglalakbay Pabalik Sa Aking Munting Paaralan

Posted on Hulyo 29, 2009

2


Samahan mo akong maglakbay sa awit ni Noel Cabangon…….

Malayo ang pagkakaiba ng paaralang ito sa ilang paaralang narating ko na. Wala sa kalingkingan kung ganda at istruktura ang magiging batayan.

Walang mataas na pader na nakapaligid dito ngunit alam ng bawat bata kung hanggang saan lang siya dapat maglaro. Sa kanluran ay isang looban ng mga puno ng niyog, kape, saging at iba pang puno. Sa silangan ay bangin kung saan dumaraan ang baha kung tag-ulan at sa mas mababang lugar ay ilang kabahayan at tindahan. Sa likod ay malawak na parang ng kogon, makahiya at ilang damong hindi ko kilala. Sa kanyang harapan ay mayabang ang pagkakatayo ng gate at bakod na hanggang dibdib lang ang taas. Dahil nga walang bakod sa likod, silangan at kanlurang bahagi nito, maaari kang gumamit ng mga short cut kapag huli ka na sa klase. Kalaunan naman ay masasanay ka na sa tipaklong, ibon, ahas at bayawak at sa amoy toyo na daan na madalas paniwalaan naming magkakaklase na teritoryo ng tikbalang.

Hindi nagkakalayo ang hitsura ng mga payak at matatandang mga gusali nito maliban lang sa HE building na palaging bagong pintura at tanging may kurtina. Ang mga dingding ay yari sa kahoy at inaanay, may ilang tinagpian ng yero at nagsilbing drums namin sa pang-umagang ehersisyo. Ang ilang dingding na semento naman ay maraming guhit o crack na tinatakpan ng kartolina ng classroom organization o mapa ng Pilipinas. Ang mga bubong na walang kisame ay nagsasabi ng lagay ng panahon. Kapag tag-araw ay makikita ang bilog-bilog na liwanag sa sahig; sa tag-ulan naman ay ilang tabo o timba ang nagkalat sa paligid. Ilang bata ang nabuslot at nasugatan sa kahoy at butas na sahig. Isa na ako doon nang minsang maghabulan kami sa loob ng silid-aralan.

Ang aming palaruan ay ang malawak na parang sa likuran. Walang swing, walang see-saw, walang slide, walang bola at lalong walang court. Ngunit hindi hadlang ito upang kami’y maging masaya at maglaro. Kung may dalang sipa o garter, sapat na iyun upang punuin ang oras ng paglilibang. Kung wala naman ay maghahabulan o kaya ay gera-gerahan. O maglaro ng Pepsi-Seven-up o piko o patintero o langit-lupa-impyerno sa malilim na lugar. Kung ayaw naming maglaro, magkukuwentuhan o magkakantahan na lang kami sa lilim ng mga punong manggang hindi ko man lang nakitang namunga sa loob ng anim na taon. Dito rin sa field na ito idinaraos ang aming Field day kung saan magpapakitang gilas ang bawat klase gamit ng stick at garter na isang buwang kakabisahin.

Bawat estudyante ay may tungkulin sa araw-araw niyang pagpasok. Sa Lunes ay sa loob ng silid-aralan baon ang pinitas na bulaklak mula sa tahanan. Paborito kong gawain ang pagbubunot ng sahig gamit ang kamay kasabay ang paghahabulan naming magkakaklase na parang bump cars. O kaya naman ay ang magtali ng basahan sa mga paa na parang nag-ii-skating. Sa Martes ay sa hardin, sa Miyerkules ay sa silong o likod ng kuwarto, sa kalsada sa Huwebes at sa pathway naman sa Biyernes. Lahat ng gamit na basahan, bunot at walis tingting ay project din namin o ng nagdaang taon. Ang floorwax at tambo ay mula sa pisong nakolekta sa listahan ng maiingay at kung wala’y magtitiis sa kandilang upos. Kami din ang nagdadala ng matatabang lupa mula sa natuyong tae ng baka at mga halamang ipinupunla sa maliliit na sisidlan. Masaya din kapag araw ng paglilinis ng mga desk dahil sa malapit na ilog kami kumukuha ng tubig at as-is na panglinis ng mga upuan. Lahat ay may nakaatang na tungkulin. Kung tinatamad ka, sa adviser ka magpaliwanag pagkatapos kang isumbong ng group leader mo.

Isang natatanging bagay sa munting paaralang ito ay ang lugar ng kanyang entablado. Palusong iyon kung kaya magandang tingnan ang hagdan-hagdang daan pababa dito. Sa gitna nito ay hagdan din na taniman ng petchay, kamoteng-kahoy o mustasa. At tandang-tanda ko pa, dito rin kami ibinilad sa araw habang naka-squat ng HE teacher namin. Masyado raw kaming maingay at matigas ang ulo. Tumahimik naman kami ngunit pagkatapos ng isang linggo, balik na naman kami sa kaingayan. Ayaw naming magpatalo.

Ang flag ceremony, recess, lunctime at flag retreat ay malalaman sa kalembang ng kampana. At napag-uusapan na rin lang ang recess, wala kaming canteen na istriktong nagtitinda ng mga masusustansyang pagkain. Maliban sa sopas, sopas at sopas, ang gusali nito’y mistulang sari-sari sa kanto na nagtitinda ng Mikmik, Corn Bits, Dingdong, Jolly at Nata de Coco. Bukod dito’y maaari rin kaming mamili sa mga tindera na malayang nakakapasok sa school compound o sa kwarto mismo na may dalang bilao ng nilupak, hotcake o iba pang kakanin. Minsan ay ice candy o palamig na iba-ibang kulay pero iisang lasa. Sa oras ng tanghalian, ang kuwarto rin namin ang aming canteen kung saan nagaganap ang palitan ng ulam sa magkakaibigan. Mas masaya naman kung sasama sa mga kaklaseng malapit ang bahay upang doon magtanghalian. Nakapamasyal ka na, may mainit ka pang sabaw.

Ito ang magandang aspeto ng aking paaralan. Kilala ng bawat isa ang pangalan at barangay na pinanggalingan. Kilala mo pati mga estudyante sa kabilang section maging ang kanilang mga magulang. Lahat kami’y pantay pantay maliban sa baon at uniporme. Wala naman kasi kaming totoong uniform. Lahat kami’y nakatsinelas maliban na lang kung me bisita o Christmas Party.

Kilala rin ng mga guro ang mga magulang na bawat estudyante. At hindi rin lihim ang istilo ng kanilang pagtuturo. May gurong nagbibilad ng estudyante sa araw, may nagpapaalis ng uban, may nagpapaluhod sa harap ng klase, may tamad, may magaling magturo, may lalagnatin kapag walang quiz, may mabait, may namamalo ng daliri kapag mahaba ang kuko sa kamay, may parang nanay, may palautos bumili ng softdrinks, may namimilipit ng tenga, may nanghihila ng patilya, may mahilig magpalaro, may mahilig magpatulog at syempre di mawawala ang nagtitinda ng hopia. Wala namang batas na bawal magreklamo pero ni isa sa amin ay tinanggap ang katotohanang bahagi ito ng munting paaralan. Sila’y guro at dapat irespeto.

Wala kaming library. Walang computer. Walang guidance office. Walang mga gamit sa playground. Walang CR o lababo sa bawat room. Tatlong CR lang sa buong paaralan. At isa lang ang pwedeng gamitin. Walang drinking fountain. Walang guard. Walang janitor. Walang bakod. Walang canteen. Walang wala nga kumpara sa ilang paaralan na nakita at narating ko na. Magkaganun man, hindi namin naramdaman ang kanyang kakulangan. Ang mga ito’y maliit na bagay lang sa dami ng magagandang alaala na aming naranasan sa kanyang bakuran. Pagkakaibigan. Kabataan. Kasiyahan. Kapayakan. Kasimplehan.

Hindi malinaw sa akin ang kalagayan niya ngayon. Balita ko’y ilang gusali na rin ang nadagdag kapalit ng mga gusaling binaklas at binura sa kanyang mapa. Pero magkagayunman, siya’y mananatiling sinapupunan ng alaala ng aking kabataan. Ang Tugtug Elementary School… ang lugar kung saan ako natutong maglaro, magbilang, magbasa, magsulat, magsayaw, umawit at mangarap. Bahagi siya ng aking kabataan at mananatiling bahagi ng aking buhay…