Ang Pagtatapos ng Ati-Atihan Festival

Posted on Agosto 17, 2009

0


Brad, suot na naman ni Boy Singa yung Ati-Atihan Festival.

Iyun ang bulung-bulungan naming magkakasama kapag nakikita namin si Nato. Dangan kasi, ang kulay dalandan niyang t-shirt ay talaga namang kasama na sa araw-araw na nakikita namin sa konjang. Iyun ang paborito niyang isuot, umulan o umaraw, magtag-lagas man o tagyelo. Ang kupas na larawan ng banderitas at mga maskara sa damit na yaon ay di talagang hindi kumikilala ng panahon..

Isa si Nato sa pitong Pinoy na kasama kong nagsugal ng kapalaran sa Korea. Baon ang pangarap na makaahon sa hirap ng buhay sa Pinas. Maayos naman ang samahan naming lahat, datapwat si Nato nga’y itinuring naming kakaiba sa aming pangkat. Mas gusto niya kasing mag-isa. O talaga lang hindi niya trip ang tropa. Tama, yung pangalawang dahilan nga siguro. Hindi namin alam kung bakit.

Kapag lumalabas ang grupo para gumimik, nagpapaiwan lang siya sa kuwarto. Pero ilang sandali lang, makikita din namin siya sa mga norebang na iba ang kasama. Umiinom kami ng soju sa common room namin pero siya, mas gusto pang uminom mag-isa. Naiinis kami pero nasanay na rin. Hindi niya nga gusto ang timpla ng grupo.

Hindi ko masabing matipid si Nato. Namumulot lang kasi siya ng mga gamit na pinagsawaan ng mga Koreano. Tulad ng hanger, o ng kama, o ng jacket na gamit niya pag winter. Sa pagkain naman, sapat na sa kanya ang kimchi para ipang-ulam sa kanin. Pero minsan naman, kung makagasta sa inuman o sa norebang, akala mo walang bukas na naghihintay.

Pero nakakabilib din naman kasi mahal na mahal niya yung asawa niya at anak. Magtitira lang siya ng konting won tapos yung buong sweldo, ipapadala na sa Pinas. Me hinuhulugan daw siyang lupa sa probinsya ng asawa niya. Mahal niya daw ang pamilya niya at ang pagpunta sa norebang ay palipas-oras lang.

Siyanga pala, Boy Singa ang code name niya. Singa kasi siya nang singa kahit kaharap yung mga Koreano. Naiinis nga kami kasi baka isipin nila na ganun ang mga Pinoy. Naintindihan ko lang siya nang rumelyebo ako sa kanya sa pagwewelding. Masakit sa ilong ang ibinubugang usok buhat sa natutunaw na welding rod. Nakakatulong nga ang pagsinga. Yun nga lang, mukhang hindi na naalis sa sistema ni Nato ang pagsinga kahit hindi na nagwewelding.

Nagpatuloy siya sa pagwewelding, sa pagsinga, sa pag-inom mag-isa ng soju at pagpapadala ng malaking halaga ng pera sa Pinas. Gusto niya pag-uwi niya, me sariling lupa na siya para sa sariling bahay niya.

Anim na buwan bago matapos ang kontrata. Nilapitan ko siya habang umiinom ng soju sa kuwarto. Parang naiiyak.

Sa wakas, natapos ko ng bayaran yung lupa. Naluluha siya sa pagkukuwento.

Ayos pare, yan ang bunga ng mga usok ng welding, hehehe. Biro ko sa kanya.

Kausap ko yung anak ko, marunong na mag-inglis. Tinanong ko kanina kung ano ulam, nangingiti pang kwento ni Nato, sabi niya sa aken FESH…

Muntik na ko matawa, Fesh daw. Pero nakita ko ang saya niya. Proud na ama.

Pero, baka di muna ko umuwi sa Pinas. Baka makapatay lang ako... Biglang nag-iba ang timpla niya..
Ang makati kong asawa, sumama sa ibang lalaki dun sa probinsiya niya…

HA?! Gulat ako sa sinabi niya. Naisip ko agad yung lupa. E, paano yung lupa mo?

Pare, nakapangalan sa malandi kong asawa. Pero, bahala na siya dun. Basta wag niya lang kukunin ang anak ko sa nanay ko. Makakarma din siyang puta siya.
sabay lagok sa huling baso ng soju. Tumayo at nagpaalam na pupunta ng kagi.

Kinabukasan, hindi na kami nagulat nang wala na si Nato sa kuwarto niya. Nag TNT na nga. Konti lang ang naiwang damit at gamit. Kabilang na doon ang paborito niyang damit na nakahanger sa sampayan.

Naisip ko, hindi siya nalalayo sa sinapit ng Ati-Atihan Festival na damit niya. Kupas, at walang kulay. Maiiwan na lang kapag wala ng silbi. Aabandunahin kapag hindi na kailangan ng inaakalang Panginoon.
_____________________________________________________________________________________________

konjang – pabrika
soju – paboritong inumin ng mga Koreano, parang Gin pero mas swabe
kimchi – kilalang pagkain ng mg Koreano, mapula at maanghang
Norebang – videoke room
kagi – tindahan