Huling pag-uusap namin sa telepono ng Inay. Mahaba ang aming kuwentuhan, at natatandaan ko ang huli niyang sinabi… Tayo na lang ang walang problema. Pagkatapos ng isang buwan, nabalitaan ko na lang. Wala na daw siya. Wala na ang aking pinakamamahal na Ina.
_____________________________________________________________________________
Katulad ng paborito niyang mga halaman, ang buhay niya ay isang magandang bulaklak ng orchids na nalanta, natuyo at tuluyang nalaglag sa lupa.
Katulad ng paborito niyang kantang Let It Be Me, siya ay isang awiting mayroong katapusan.
Tunay ngang napakasakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Sampung ulit na sakit lalo pa’t ito’y ang ‘yong ina. Sabi nga ng kapatid kong bunso, sana daw kaya niyang dugtungan ang buhay ng Inay. Bakit nga ba naman hindi? Ito’y sa dahilang wala pa sa kalahati ang nabibigay naming sukli sa 58 taon ng kanyang kabutihan at kadakilaan.
Our mother was a paragon of a great mom. Isang salamin ng inang mapagmahal at mapagsakripisyo. Repleksiyon ng isang anghel sa buhay naming magkakapatid. Isang inang handang ibigay ang lahat , handang magtiis ng anumang hirap para sa kanyang minamahal. Isang mahusay na guro ng mabuting pagkatao.Kung sakripisyo lang ang pag-uusapan, mangunguna siya sa listahan. Marami kaming pinagdaanang hirap at alam kong siya ang tunay na nagdadala ng lahat lalo’t higit kapag namomroblema kami sa pinansiyal na bagay. Sabi nga, ay isusubo na lang niya, ibibigay pa niya sa amin. Natatandaan ko pa kung paano siya humikap sa nayon sa paghahanap ng pandagdag sa kakulangan ng aming pamilya. Kahit sa kabila ng aming kahirapan ay todo ang suporta niya sa aming magkakapatid. Kapag kami ay ipinadadala sa ibang school para lumaban, talagang hanap siya kung sino ang pwedeng hiraman ng sapatos, ng damit, ng baril sa CAT, ng costume, ng calculator at napakarami pang iba. Kasama ng aking ama, siya ang nagpunla sa amin ng takot at pananalig sa Diyos. Noon, sama-sama kaming nag-oorasyon at pagkatapos, magdadasal siya para sa bawat isa sa aming magkakapatid. Ang aming altar ay puno ng mga sulat panalangin. At bago kami umalis ng bahay, palagi kaming nagdadasal tapos may pabaon pang panyo ng El Shaddai.
At sa aming pagtatagumpay, hindi niya ito nalilimutang ibalik sa Diyos. Na lahat ng aming kakayahan ay sa Kanya lang nagmumula. Sa mga munting panalo sa laban o achievement na nakamit at kahit sa pagkatalo, damang dama namin ang pagmamalaki sa kanyang puso.
Lahat ng pagtitiis ay kanyang ginawa, kakambal ang pagtuturo ng katipiran. Kung makakarating kayo sa amin, baka hindi niyo mapigilang matawa. Naroon pa hanggang ngayon ang sako-sako ng mga luma at pinagliitang damit. Ayaw na ayaw niyang ipatapon. Ang sabi niya, hindi lahat ng kanyang anak ay masasabing magkakaroon ng magandang buhay. Yaong mga damit na iyon ay maaari pang ipasuot sa aming mga magiging anak. At pati mga plastic, mga sando bag na galing sa palengke. Alam niyo bang nilalabhan pa niya ito tapos ay isasabit para patuyuin.
Gayundin, itinuro niya sa amin ang kababaang loob at pagpapahalaga sa kapwa. Parati niyang sinasabi na huwag na huwag kaming magyayabang at lalaki ang ulo anuman ang aming marating. Magpakababa at makisama sa lahat ng tao. Nakakatuwang alalahanin kapag gumagawa siya ng sulat. Pareho ng beginning sentence kapag nangungutang o naniningil. Laging mayroong “kahiya-hiya man sa iyo.” Hinding hindi namin siya narinig na nakipagmataasan ng boses sa ibang tao. Kapag masama ang loob niya, magagalit siya pero hindi niya ipinapakita hanggat maaari’y kokontrolin tapos mamaya’y mananalangin. At siya pa mismo ang lalapit sa taong may sama ng loob sa kanya.
Kaya hindi kataka-taka kung bakit maraming kaibigan ang Inay. Itanong ninyo yang sa mga kapitbahay, kumare, kumpare, maging mga kabataan o kaklase ng simuman sa aming magkakapatid. Siya ang paboritong kahuntahan ng mga matatanda sa aming nayon. Kapag may anumang pagkain sa amin ay hindi pwdeng hindi niya padadalhan ang mga kapitbahay.
Ang Inay ay talagang napakahilig sa paghahalaman. Hindi ko matandaan na nawalan ng halamang namumulaklak sa aming bakuran. Umaga’t hapon ay alagang diligin, tanggalan ng tuyong dahon. Lahat ng mga basyong lata at mga lalagyan ay pupunlaan ng mga pananim. At kapag may nagagandahan sa kanyang halaman at humihingi, ito ay kanyang ipinagbubuhay maging orchids, dwarf santan, donya luz, donya aurora, sitsiritsit at maging halaman na hindi namin alam ang pangalan.
She was a brave fighter. Ilan taon din niyang pinaglabanan ang kanyang karamdaman. Hindi dumaraing ng anumang sakit. Pilit itinatago ang nararamdaman upang kami ay hindi na mag-alala pa. Sa katunayan, ilang araw bago siya nagpaalam, nakipagkuwentuhan pa siya tulad ng dati niyang ginagawa.
Bilang asawa, saksi kaming magkakapatid sa walang katumbas na pagmamahalan nila ng Tatay. Pag kami ay nagkukuwentuhan, isasalaysay niya kung paano sila nagkaibigan ng aking ama. Kung paano niya ipagmalaki ang katangian nito. Palagi siyang nasa likod upang sumuporta sa desisyon at gawain ng tatay sa barangay man o sa El Shaddai.
GLORIA, gloria, kung anong kahulugan mayroon sa pangalan niya, iyon din ang masasalamin sa kanyang pagkatao. Kaluwalhatian, puspos na kaligayahan, ang glorya ng buhay namin na kanyang minahal at patuloy na mamahalin.
Masasabi kong maikli ngunit makabuluhan ang buhay ng aking ina. Maikli sapagkat kung pinagkalooban pa siya ng ilan pang mga taon, napakarami pa niyang pwedeng ialay sa mundo at sa buhay naming kanyang kapamilya. Ngunit ito’y makabuluhan sapagkat sa loob ng 58 taon, nakapag iwan siya ng mga pamanang pinagsikapan niyang ikintal sa aming puso na magpapatuloy habang kami ay nabubuhay at maipapasa rin namin sa aming mga magiging anak.
Batid kong masaya na siya sa kanyang panibagong paglalakbay. Lumaki kami nang ayon sa itinuro nila sa amin ng tatay. Sa 58 taon, hindi lang 11 beses siyang umakyat sa stage upang magsabit ng medalya sa kanyang mga anak. Sa bawat pag-akyat niya ay repleksiyon ng kanyang pagiging mabuting ina. Maganda na rin ang buhay ng bawat isa sa amin. May mga pagsubok na darating pero alam naming gabay pa rin namin siya sa aming ginagawa.
“you will always be a special part of me… you will always be a special memory… i will cherish wonderful moments you have given me… you are in my heart… wherever i will be…”
Inay, mamimiss namin lahat lahat sa inyo. Ang simpleng kwentuhan sa kuwarto ninyo, ang pag aalaga ninyo sa amin kapag kami’y may sakit, ang ngiti ninyo sa aming pagdating, at ang pakikinig at manaka-nakang pag awit sa videoke.
Inay, hinding-hindi namin kayo malilimutan.
Maraming salamat sa lahat-lahat.
Mahal na mahal na mahal na mahal namin kayo…
______________________________________________________________________________________
Binasa sa publiko noong September 25, 2005.
——————
pic from trekearth.com
naiyak naman po ako dito.. salamat sa pagbabahagi..
“Sa 58 taon, hindi lang 11 beses siyang umakyat sa stage upang magsabit ng medalya sa kanyang mga anak. Sa bawat pag-akyat niya ay repleksiyon ng kanyang pagiging mabuting ina.”
siguradong sobrang proud sya sa inyo.. iba ang pagmamahal ng isang ina walang katulad..
oo, brad. Naiyak nga uli ako nung ipost ko yan e. Namiss ko na nanay ko…
nabasa ko to dati sa friendster blog mo. tumatak sa isip ko ang plastic na nilalabhan para magamit ulit. ganyan din kami… kala ko nga dati normal un eh. hindi pala.
sobrang touching ng kwento mo. for sure proud na proud sa yo si inay mo.
yap, August kasi yung huling pag-uusap namin.. Namiss ko lang si Inay…
Siguradong pinagmamalaki kayo ng Nanay mo dahil alam niya ang lahat ng mga sakripisyo ay pinahalagahan ng kanyang mga mabubuting anak.
Salamat sa pagbahagi.
nakakaiyak
kakaiyak tlaga.
namiss ko tuloy nanay ko, nawala sya last september 9 2011
.iniwan na kami.. mahal ko yon,,, namatay sya sa sakit
masarap magkaroon ng ina ng gayan ng sa nanay mo. ganyan din ang nanay ko, salamat sa Diyos dahil malakas pa siya. i always cherished all the moments that we have with my mom. i always tell family to extend their patience and understanding to my mom. ang nanay ko ay mag-90 years old na this november 2012. i’m proud of my nanay conching, my mother, my friend, my savior and my first love. thank you Lord for giving us my mother.
Sa likod ng mga kwento para sa mga ina..hindi ko rin mapigilan ang maluha, wlang kapantay ang kanilang pagmamahal….tunay na ilaw ng tahanan..Masasabi ko rin na dakila ang pagmamahal ng aming inay,..Pangalawa siya sa 9 n magkakapatid…pumasok siyang katulong para mkapag aral ang mga kapatid, lhat ng hirap tiniis, at ng mkapag asawa, ndi rin naging maalwan ang buhay niya, lasenggo ang tatay namin, sinasaktan ang inay kapag nalalasing.pero dahil mahal niya ang tatay at kami, lahat tiniis, tumatanggap siya ng labada para kumita ng pera at mapag aral kami…inay miss n miss na kita, kahit matagal ka ng nawalay sa amin, kaylanman ndi kia namin malilimutan ang iyong mga alaala ay lagi sa puso ko…Maligayang Araw ng mga Dakilang Ina…..MAHAL NA MAHAL KITA INAY……
dakila talaga ang mga inay,,, kaya tayo bilang mga anak, parati nating isipin na ibalik ang pagmamahal na para sa kanila… MYMP.
[…] Nawa’y sa patuloy mong paglalayag sa dagat ng buhay ay manatili sa iyo ang mga pangaral ng Inay at Tatay. Ikaw ang kapitan ng buhay mo. Andito kami para laging gumabay sa iyo. Andito kaming sampu […]
napakagandang isipin na aalayan ko rin ng ganyang pananalita ang aking butihing ina
I know, your mom would’ve been so much proud of you if only she could read this. I love it. :’)
ang ganda……..proud na proud xau ang nanay mo,,swerta nya xau at swerte k din sa kanya..
super touching…tnx for sharing…
sna mging inspiration ito sa kabataang tulad ko:))))))
kaya nga mhal n mhal ko ang nanay ko….
salamat sa pagdalaw, naku, dapat talaga mahalin mo nang lubusan ang nanay mo,, ibalik mo sa kanya yung pagmamahal na ibinigay niya sa yo…