Klasmeyt

Posted on Agosto 24, 2009

5


jigsawGrade 4. MAPE class. Ito yung Music, Arts and Physical Education. Art class namin kasi Miyerkules nung araw na iyun. Masaya sana kaya lang nalimutan kong magdala ng mga kakailanganing gamit para sa activity namin.

Isang nakakahiyang pangyayari para sa isang naghahabol na makasali sa achievers sa klase. Big deal talaga sa akin na nalimutan ko talaga yung assignment na yun. Ginala ko yung mata ko sa apat na sulok ng classroom at nakita ko yung iba kong mga classmate na nagsisimula nang maglabas ng mga pictures para sa sa assignment namin na gumawa ng jigsaw puzzle.

Maya-maya, napansin ko yung isang notebook nung isang kaklase ko na magandang gawing jigsaw puzzle. Napansin din yata niya na wala akong mga gamit para sa araw na iyun. At malamang napansin din niya nakatingin ako sa cover ng notebook niya. Picture ng mga animals sa zoo. Wehehehe. Maganda nga.

Pero hindi naman ako ganun mapagsamantala. Hindi ko siya inuto. Kahit kaya ko siyang utuin. Hehehe. Ngumiti lang ako at inisip kong tanggapin na lang ang kapabayaan ko.

Inayos ko na lang yung mga gamit ko sa bag. Pero ilang minuto lang, lumapit sa akin yung kaklase ko na iyun, ipinatong sa desk ko yung cover ng notebook niya. Ngumiti lang siya at sinabing gamitin ko para sa activity namin.

Hindi ko siya bestfriend at hindi ko siya naging malapit na kaibigan. At hindi rin siya akma para sa depinisyon ng salitang kaibigan. Hindi ko nga matandaan ang buo niyang pangalan. Hindi siya kabilang sa mga outstanding. Mediocre kumbaga. Sa isang sulok lang siya at hindi nag-aalala sa gradong makukuha.

Subalit ng mga oras na iyun, nabaligtad ang mundo. Ako ang mediocre at siya ang bida.

Hindi na kami naging magkaklase dahil naging section 2 na siya ng mga sumunod na taon.

Pero ang ginawa niyang iyun para sa akin ay talagang hindi ko malilimutan. Hinahanap ko yung ganung uri ng tao sa sumunod na 10 taon kong pag-aaral. Wala akong natagpuan. Isa lang yata si Roel.

Kaya salamat sa iyo, classmate! Wala kang katulad!!!
_____________
pic from flicker.com

Posted in: Kwentong Chalk