Pangangaluluwa

Posted on Nobyembre 1, 2009

5


Hindi pa man nauuso ang trick or treat at mga Halloween parties, inaabangan na naming magpipinsan ang pagsapit ng Araw ng Mga Patay. Bukod kasi sa walang pasok, ito yung panahon na pwede kaming magkaroon ng pandagdag sa ipon namin para naman sa nalalapit na Kapaskuhan. Oops, hindi po kami nagbebenta ng mga kandila o bulaklak sa Kamposanto (ito pala yung tawag ng matatanda sa nayon sa sementeryo), at lalong hindi rin kami tagasulat ng pangalan sa nitso. Ang paraan ng pagkita namin sa Undas ay sa pamamagitan ng Pangangaluluwa. Para sa mga laking esteyts o kaya ay tubong Maynila, ang pangangaluwa ay parang karoling sa panahon ng Araw ng mga Patay.

Pwedeng ang grupo ay yung mga kaklase mo na kababaryo mo din, o kaya naman mga kalaro, pero kaming magpipinsan, solid. Ako yung pinakamatanda sa grupo namin kasama ang dalawang nakababatang kapatid at tatlong pinsan. May nakatoka na sa pagsusulat ng mga kanta, panghihiram ng maliit na bag para sa pera (limos), at paggawa ng flashlight. Meron namang talagang flashlight kaya lang ang mga ito ay para sa matatanda o seryosong grupo na nagpa-fund-raising sa aming nayon tulad ng Kapisanan para sa Pista ng Baranggay, mga religious group at ilang mga grupo din ng kabataan. Kaya ang flashlight namin ay yari sa binutasang lata ng gatas, lalagyan ng kandila sa loob at syempre, hawakan para cool. Kapag okay na ang lahat, praktis muna kami ng mga kanta.

At pinag-uusapan na rin lang ang kantang pangkaluluwa, narito ang isang halimbawa. Hindi ko alam kung tama ba ang mga lyrics kasi naman nayntin kopong kopong pa tong mga to.

Maybahay pong maginoo/ Magandang gabi sa inyo
Malayo pa’y sumasainyo/ Humahalimuyak ang bango.
Lakad nami’y dahan-dahan/ Sa pagpasok sa bakuran
Baka dito’y may halaman/ Kung masira ay mahalan.
Anong rikit anong ganda/ Ng nakatirang dalaga
Pa’no kaya ang pagkuha/ Walang kamay kundi paa.
Ang mabuti nating gawin/ Gumawa ng ibong papel
At siya nating padagitin/ Sa granadang nakabitin.
Yaring tapos na, tapos na/ Itong aming kinakanta
Maybahay na sinisinta/ Kami po ay limusan na.

Meron pang ibang kanta tulad ng Maliwanag na Simbo at Kaluluwang Tumatamtam. Hindi ko na sila matandaan. Ito lang yung medyo kabisado ko, kasi naman nakatatak talaga sa isip ko yung kantang mahirap ipaliwanag. Paano pag walang dalaga sa bahay na kinakantahan namin? Bakit gusto naming kunin? Bakit wala kaming kamay? At bakit at paano dadagitin ng ibong papel ang mga Granada?

May mga rules din kami tulad ng bawal tumakbo kapag natatakot lalo na kapag sa mga lugar na masyadong madilim at may mga nakakatakot na kwentong nabuo. Hindi rin kami pumupunta doon sa tumpok ng mga bahay na may naglalamay kasi baka magparamdam sa amin yung namatay. Lalong bawal ang magkwentuhan ng katatakutan. Tuloy ang pangangaluluwa gaano man kaganda ang palabas sa tv. At kung magbigay ng pera ang kanya-kanyang ninong o ninang (na madalas Undas o Pasko lang umuuwi ng baryo), hindi iyun kasama sa koleksyon.

Muntik na kaming habulin ng aso, hahaha. Tapos may nakita kaming matandang babae na nakatayo kung umihi. Nangunguha din kami ng prutas sa daan. Alam din namin yung mga nagpapatay ng ilaw kasi ayaw makantahan o maglimos. Yung limos madalas, itatanong sa amin kung ilan kami kaya ayun, anim na piso lang. Tuwang-tuwa kami kapag nalimusan ng 50 o 20 pesos, isang linggo naming pagkukuwentuhan iyun. Paborito naming kantahan ang mga grupo ng mga nagbabarik o naglalasing, hindi pa kasi uso noon ang videoke kaya kami ang ginagawang libangan.

Pagkatapos naming malibot ang buong nayon, hahatiin namin ang pera. At natatandaan ko pa, akin ang sobrang piso dahil mahirap itong hatiin sa anim. Isa pa, ako ang pinakamatanda. Hehehe. Basta, masayang-masaya kami habang kumakain ng biskit na isinawsaw sa kape. Saka kami magkukuwentuhan ng mga kababalaghan. Kinabukasan, sama-sama kaming pupunta sa kamposanto para dalawin ang puntod ng mga mamay at nanay.

Posted in: Kwentong Pugad