Fool’s Day

Posted on Marso 13, 2010

1


Anak ng teteng, birthday ko na pala uli. Parang last year lang yun a… Bilis naman talaga ng panahon… sana mag birthday uli ako next year para masaya. Pasensiya na sa mga nagbabasa (merong limang nababayaran), ganito talaga ako pag nagbebertdey… praning, magulo, makulit, wala sa katinuan, corny.

Kung tutuusin, hindi malaking bagay sa aken kung dumarating yung ganitong time. Lalo na nung pulubi pa ako (medyo na lang ngayon) at nag-aaral. As in no big deal. O akala ko lang. Pero ang totoo big deal talaga. Kasi, sa murang edad ko andun na sa isip ko yung maiinggit sa mga classmates kong nagpapamudmod ng kendi sa classroom na parang nangangandidato pag bertdey nila suot ang bagong damit o sapatos tapos magyayabang pa na dalawa ung cake niya. Samantalang ako, kulang na lang sapakin ung magsasabi sa classroom na bertday ko. mapipilitan tuloy akong ngumiti. At ngiti lang talaga ang pwede kong isagot sa lahat ng mangangantiyaw ng MANLIBRE ka naman. Kapag ganun na ang eksena, parang gusto kong hanapin at sapakin yung nagsabing bertday ko nung araw na yun. Anak ng teteng talaga.

Noong grade six ako, sabi ko magpapakendi ako sa birthday ko kahit sa huling taon. Kaya november pa lang nangangaroling na ako.. (oa– bad trip). Hindi ko talaga ginastos yung napamaskuhan ko at nagtipid talaga ako sa baon kong P1.50. Dinadamihan ko na lang kain ko sa almusal para di na ko mag recess. Awa ng Diyos, nakaipon yata ako ng singkwenta pesos, tamang-tama para makabili ng ilang balot ng kendi. PERO, talaga yatang nakatadhana na, na hindi ako makakapagpakendi sa bertdey ko. Mas pinili ko kasing pasayahin yung nakakabata kong kapatid na march 13 naman ang kaarawan. Ibinili ko na lang siya ng mumurahing laruan at ilang makukulay na pagkain. May natirang sampung piso na binili ko naman ng itlog na ulam namin sa binalot (baon) kinabukasan.

Kaya nga, iniisip ko na gastos lang ung pagbebertdey. Kakainis. E wala nga kong panlibre e. Bad trip di ba. Lahat ng babati sa yo, pakanton ka naman. Manlibre ka naman. Gusto kong sigawan ng wala, wala, wala. wala akong pera. Anak ako ng maglulupa!!!

Pero alam mo naman tayo, popular. POPULAR pala. hehehe. May mga FRIENDS… na ewan ko ba, pinipilit na maging kakaiba ung araw na march 10.

Grade 5…. nilibre ako nung barkada ko ng coke at rebisco choco. Tapos binigyan pa nila ko ng singsing.(yung nakikita ko sa palengke na nakababad sa kalamansi). Gusto kong maiyak (oa na naman) kasi nakainom ako ng coke ng hindi pasko o maysakit at yun ang unang birthday gift na natanggap ko. Pagdating ko sa bahay, nagustuhan ng nanay ko yung singsing, binigay ko na lang sa kanya.

Fourth year high school… di ko alam kung sinong nangikil sa mga classmates ko na mag-ambagan. At kung sinong mastermind. Kasi may mga kaklase akong nauna sa bahay namin at nagluto ng pansit. Nagulat na lang ako nang lahat ng kaklase ko gusto pumunta sa bahay e wala naman akong handa. Nag-inuman at nagkasayahan. May mga nagsuka sa daan at mga absent kinabukasan. Iyun ang una kong birthday party. Asteeg.

2nd year college… gaya ng dati, may nagsponsor na namang barkada. me bumili ng fundador. Sa dating tambayan. Nakakatouch na makatanggap ng mga regalong hindi naman kamahalan pero puno ng kahulugan. Ang fundador ay sinundan ng ilang pitsel ng ginpomelo. Ang ending. Bangag kami lahat. Iyun naman ang unang birthday ko na may gf ako pero pagkaraan ng 2 araw, nagbawian din naman dahil sabi ko nga senyo, bangag kami lahat. Hindi si kupido ung naimbitahan ko, si san miguel.

—optional basahin (eto rin ung birthday na umattend ako ng scholars’ recognition day. Galeng ni lord kasi ganda ng gift niya sa ken. Nag top daw ako sa university. Naman. medyo ayos lang ung mga prof ko nung time na un. Tinanggap ko ung award pero wala naman akong mahagilap na pamilyar na mukha. Walang pamilyar na palakpak. Mag-isa lang ako. Nag-iisa. Naglalakbay sa gitna ng dilim. Lagi na lang akong nadarapa ngunit heto bumabangon pa rin… Heto ako ngayon, basang basa sa ulan, walang masisilungan, walang malalapitan.

Iyun nga, natanim sa isip ko na gastos lang ang magcelebrate ng birthday. Sa halip na maging masaya ako noon e halos maghimutok ung kalooban ko kung bakit di ko kayang maglibre. Kaya nung medyo hindi na ko pulubi, at medyo kumikita na ko kahit papano, sinusubukan kong maghanda o kaya naman makisabay ng party sa ibang celebrant para mas masaya o mas tamang sabihing mas mura. Haha, Kuripot ba ko?

Anak ng tipaklong, tumatanda na pala talaga ko. Iniiisip ko tuloy, me nasayang ba ko na taon? O kaya pwede bang pabalik naman minsan ang pagbilang ng age? Kapag ganito kasing mga panahon, lalong nagiging kumplikado ang galaw ng mundo mo. Sobrang daming iniisip. sobrang daming plano. O kaya naman bumalik ako sa panahon noong elementary pa ko… baka sakaling makapagpakendi na ako. At least yun lang ung iniisip ko. Simple lang at hindi kumplikado.