‘Tol, Bomoto Ka

Posted on Abril 13, 2010

2


‘tol, bomoto ka. Ito ang isang magandang regalo sa atin ng demokrasya. Ito rin ang isa sa mga rare chances na maging pantay sa lipunan ang mayaman at mahirap. Dahil ang bilang ng boto ng isang tambay sa kanto ay katumbas ng isang boto ng isang abogado. Gamitin mo ito hindi lang bilang isang karapatan, kundi bilang isang tungkulin. Oo, dahil nasa kamay mo ang pagpili ng mas maayos na bukas. Yang isang boto mo ang pwedeng magdala sa Pinas sa mas maayos-ayos na kalagayan.

‘tol, bomoto ka. Election precinct lang ang allowed na magkaroon ng kodigo ngunit bawal ang mangopya sa katabi. Sa pag gawa mo ng kodigo, kausapin mo ang iyong konsensiya tulad ng ginagawa mo sa pagbili ng safeguard.Y ung konsensiya mo lang ang tanging makakatulong mo sa pagbuo ng desisyon base sa ibinigay sa iyong impormasyon ng media. Wag kang padala sa sulsol at lalong wag pabili sa suhol. Hindi nila alam ang isusulat mo sa balota kaya mag oo ka lang sa tatay mong nangungulit na iboto mo yung nagbigay sa barangay niyo ng bola ng bastketball o sa nanay mong nakakuha ng libreng bigas at sardinas sa barangay. Isipin mong ang tunay na pulitiko ay di sa panahon ng pangangampanya inaasahan ng mga mamamayan. Alalahanin mo ang nagawa o naiambag niya sa lipunan bago pa man siya magpamudbod ng grasya. Baka kasi galing din yan sa bulsa mo.. sa kaban ng bayan.

‘tol, bomoto ka. Wag kang magreklamo na wala kang pagpipilian. Marami kang choices. Kunsabagay naiintindihan kita kung bakit ka nahihirapang mamili. Sa tagal nga ng panahon ay halos magkakamukha na sila. Buwaya at paru-paro. Pero sinasabi ko sayo, maging matalino ka lang. Makikita mong mayroon pa rin namang pwedeng maging boses mo sa pamahalaan. Oo nga’t walang nakasaad sa konstitusyon na mataas na kwalipikasyon ng mga kandidato, dapat mong isipin na kahit ang isang janitor sa opisina ay hinahanapan ng biodata. Kung ikaw ay may negosyong ipapamahala sa isang tao, kanino mo ito ipagkakatiwala? Ganyan ang pagboto. Moralidad, edukasyon at kakayahan. Ito ang mga bagay na dapat mong isaalang-alang sa pagpili. Isipin mong ikaw ay isang bigating presidente na naghahahanap ng magagaling na taong magpapatakbo ng iyong kumpanya. Bomoto ka at ihalal mo ang sarili mo. Ihalal mo ang taong kaparehas mo ng pananaw at prinsipyo. Isipin mong ang pangalang isusulat mo sa balota ay pseudonym lang ng tunay mong pagkatao.

‘tol, bomoto ka. Kundi man para sa sarili mo, para sa henerasyong nasa likuran mo. Malaki ang epekto ng gagawin mong pagboto kahit sa mga batang hindi pa man naisisilang. kadugtong ng election ngayon ang mangyayari sa bukas. Bomoto ka. At ingatan mo ito. Hindi natatapos ang halalan sa loob ng election precinct. Magbantay ka at maging mapagmasid. Wag mong hayaang may manggulo o magnakaw sa mga balota. Hindi na lang siya simpleng ballot at ballot boxes. Kinabukasan, pag-asa at yaman na iyon na hindi mo dapat ipagwalang bahala.

‘tol, bomoto ka. Muli kang manalig. Muli kang magtiwala. Muli kang umasa. Malay mo, sa pagkakataong ito, marami na tayong naging gising at naging tama.

Posted in: Pulitika