Baliktanaw Sa Panahon Ng Kisa, Katsa At Plastik Ng Abono

Mahirap maging mahirap.

Dati, halos dinudurog talaga ang puso ko kapag nakikita ko ang malaking kakulangan sa pinansyal ng aming pamilya. Noon ako nakaramdam ng inggit sa ibang bata na may magagandang gamit at laruan. Kaya ipinangako ko sa sarili ko na gagawin ko lahat makaalis lang sa ganoong buhay.

Pero ano nga ba ang buhay namin noon?

1. Kapag nagsasaing si Inay, parati niya itong nilalagyan ng kisa o ginayat na balinghoy (kamoteng kahoy). Pamparami ng saing.
2. Itlog ang parati naming ulam. Nakakatikim kami ng isda tuwing Linggo. Nilagang manok kapag me lumuwas galing Maynila. Baboy kapag Pista at Pasko. Basag at lunong itlog ang binibili namin dahil mura. At wala man lang kaming ketchup.
3. Ang Mr. Clean na sabon ay hindi lang panglaba, madalas panligo din ito at shampoo.

Sinong may sabing panlaba lang ito?

4. Kaliwa’t kanan ang utang namin noon. May nagsabi pa nga noon sa Inay ng “Bakit di niyo pa patigilin sa pag-aaral ang mga anak niyo kung parati kayong nangungutang?”
5. Mahilig ding manghiram ng gamit ang Inay noon. Calculator, sapatos, damit, rifle para sa CAT, at kung anu-ano pang gamit sa school.
6. Lahat ng nakatatandang kapatid ko (maliban kay Ate Lanie), huminto ng isang taon bago makatapos ng high school. Lahat ng bata kong kapatid at si Ate Lanie, nagpahinga muna ng isa o dalawang taon bago nakapag college. Sa labing-isa, anim lang ang nakapag-aral sa kolehiyo.
7. 50 sentimos lang ang baon namin noon. At nagkikita kami ng kapatid ko sa recess makabili lang ng pisong turon. Minsan, wala talaga.
8. Yung iba kong kapatid, nagtitinda ng prutas o masapan para may baon kinabukasan.
9. Yung kumot namin katsa na kinulayan ng dyobos. Yung unan, mga lumang damit na inilagay sa isang malaking damit. Yung banig, tagpi-tagpi.
kapartner ng skylakes, ang mirinda ay para lang sa may sakit
10. Nakakatikim lang kami ng softdrinks at skyflakes kapag me sakit. Mirinda pa yung peborit namin. Tapos, kakanta si Inay ng paulit ulit na “Keep it away from the baby.” Hahaha. Patago talaga kasi baka makita ng maliliit na kapatid.
11. Dragon lang ang tatak ng tsinelas namin noon. Kahit gusto ko ng rambo, mahal yata yun e. At kapag napigtal yung dahon, reremedyuhan lang yun ng Tatay ng tali. Sana dati pang namimigay si Korina ng tsinelas, hehehe.
12. Wala nga pala kaming payong noon. O hindi sapat ang bilang para sa aming magkakapatid. Igagawa lang kami ng Tatay ng kapote mula sa plastik ng abono.
13. Wala kaming tv at walang radyo. Kawawa talaga kapag kaaway mo yung anak ng may-ari ng tv kasi di ka talaga makakapanood.
14. Wala rin kaming laruan. Natatandaan ko, dati namumulot kami ng mga natapon na laruan sa basurahan ng mayamang kanayon.
15. Nakakasimba lang kami kapag birthday o Pasko o Pista sa Bayan. Sayang ang pamasahe.
16. Hindi ko malilimutan yung araw na pagkatapos naming maglaba sa ilog, kumain kami na asin ang ulam. Awang awa talaga ako sa pamilya ko.

Alam ko, may mas mahirap pa sa amin. Pero, masaklap pa ring maranasan yung mga ganitong sitwasyon. Kaya naman, itong kahirapan na ito ang nagbigay sa amin ng inspirasyon para mangarap ng mas malaki at matayog para sa pamilya. Nakakatuwang isipin na pagkatapos ng maraming taon, medyo malayo na kami sa buhay na kinagisnan. Hindi naman mayaman, pero malayo sa kinagisnang mundo ng kisa, katsa at plastik ng abono.

5 comments

  1. Kwento ko ito.

    Kisa, mas masarap ang kamote kesa sa karlubang (kamoteng kahoy)
    Asin na may tubig, pwede nang lunukin ang kanin.
    Katsa, mayroon din.
    Yang dami nating pagkakapareho. Yano, ako’y napapaiyak mandin naman.

    ay, kumusta ka na? Yanong ige na mandin ng buhay mo ngay-on

    • ganun ba… masarap alalahanin yung mga pinagdaanan. sabi nga nila, mas matamis ang tagumpay kung titingnan mo yung mga sakripisyong pinagdaanan.

      ayos lang, jkul… ayos na ayos…

Mag-iwan ng tugon sa J. Kulisap Pindutin ito para bawiin ang tugon.