Tatlong Yugto sa Buhay at Ugnayan Ng Tao At Kalikasan

 

 

Sagip-Kalikasan, Sagip-Kinabukasan

 

 

Unang Yugto: Paghanga

i

Pagsikat ng araw sa dakong Silangan

Iyong makikita biyaya at yaman

Mula kay Bathala, yaring kalikasan

Paraisong handog sa sangkatauhan.

 

ii

Luntian ang bundok at ang kaparangan

Gubat ay sagana sa puno’t halaman

Lambak at talampas, kaygandang pagmasdan

Isa itong obrang di mapapantayan.

 

iii

Singlinaw ng kristal ang tubig sa batis

Kaysarap inumin, malamig, malinis

Ang talon at lawa, sa mata’y pang-akit

Ang ilog at dagat, may pagkaing hatid.

 

iv

Ibong lumilipad dun sa himpapawid

Pati mga hayop sa lupa at tubig

Lahat ng nilalang, malaki’t maliit

Kadugtong ng buhay, kakawing, kadikit.

 

v

Malinis ang hangin, kaysarap langhapin

Wala ring kemikal ang bawat pagkain

Kay ayang mamasyal, kaygandang tanawin

Malusog na buhay ang dulot sa atin.

 

vi

May ngiti ang langit, ulap na busilak

Kalungkutan ay di mo maaapuhap

Simple man ang mundo, Eden man ay payak

Ang kaligayahan ay mahahagilap.

 

vii

Salamat, Bathala, sa mundong nilikha

Kalikasang tunay na kahanga-hanga

Patunay na puso’y lubos ngang dakila

 

 

 

 

 

 

 

Gabayan mo kami sa ‘Yong pagpapala.

 

Ikalawang Yugto: Pagkalugmok

i

Ang tao’y nalulong sa teknolohiya

Masamang epekto’y hindi alintana

Tanging nasa isip, alwan at ginhawa

Pag-unlad, pagsulong, tila makinarya.

 

ii

Naghasik ng lagim, polusyon sa dagat

Dinamita’y gamit, tinakwil ang lambat

Tuluyang kinalbo ang bundok at gubat

Nakatagong yaman, sadyang binulatlat.

 

iii

Usok na  kay itim mula sa pabrika

Buga ng sasakyan, lason sa kalsada

Bombang atomika’t nukleyar nilikha

Naging bunga nito’y dekadang sinumpa.

 

iv

Nagngitngit, nagalit,  Inang Kalikasan

Ito ba ang bayad sa handog niyang yaman?

Dapat nang kalusin, marapat husgahan

Ibalik sa tao, kanyang kasakiman.

 

v

Hindi na nga normal, panahon at klima

El Nino, La Nina, salitang pumuksa

Matinding tagtuyot, gutom na sikmura

Mabangis na ulan, sakit at pagbaha.

 

vi

Pagyanig at lindol, sa bayan gumiba

Bagyo at tsunami, lumunod sa Asya

Pagsabog ng bulkan, sunog sa Europa

Di rin pinaligtas, malalaking bansa.

 

vii

Pagsupil nga ito, sagot sa kawalan

Walang pakundangan sa paglapastangan

Ng tao sa kanyang sariling tahanan

Salinlahing sunod, anong maiiwan?

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ikatlong Yugto: Pagbangon

 

i

Imulat ang diwa, kamalayang himbing

Pakinggan ang tinig, sadyang nanggigising

Dakilang pagkilos, atin ngang tugunin

Sagip-kalikasan, banal na mithiin.

 

ii

Nagkaisang mundo, agad tumalima

Binubugang lason, dapat masawata

Habang may panahon, itama ang gawa

Batang henerasyon, di maging kawawa.

 

iii

Magtanim ng puno, luntiang kilusan

Muling pagandahin, ang kapaligiran

Basura’y ilagay sa tamang tapunan

Nang di maging bikig sa agos ng ulan.

 

iv

Simulang tipirin, lakas-enerhiya

Tubig at dagitab, langis, gasolina

Magbanat ng buto, payak na paggawa

At di palaasa sa teknolohiya.

 

v

Sikaping bawasan bagay na patapon

Linisin, gamitin, basyong lata’t kahon

Mag-aral tuklasin, yamang nakabaon

Iba nilang gamit, hanapin sa bunton.

 

vi

Munting mga hakbang man kung tutuusin

Kung lahat gagawa ating kakayanin

Ating ipamana, sagradong hangarin

Tao-Kalikasan ay mag-inang turing.

 

vii

Hawak-kamay tayong suungin ang bukas

Pangalagaan nga itong yamang likas

Dasal at pagkilos sa mundong ibabaw

Buti’y mamalagi, paglubog ng araw.

 

____________________________

Para sa pakikilahok sa Saranggola Blog Awards ni Sir Bernard. Para na rin sa honeymoon sa Boracay, hehehe. Magustuhan ninyo sana ang mga tula.

Imahe mula sa deviantart.com

Advertisements

26 comments

  1. Isa kang alagad ng Panitikang Pilipino.

    Ang panuntunan sa paggawa ng tula ay nasunod pero ang tuwid na pagpaparating ng mensahe ay siyang pinakamainam na sangkap para maging angat ito sa iba mo pang kalaban.

    Malawak ang nasakop ng iyong tula Sir.

  2. naman! ang galing nito kaibigan!

    sa balangkas at tindig pa lang ng mga tula tunay nga naman na kaabang-abang ang bawat yugto, ang gusto ko dito ay yugtong PAGBANGON

    kasi alam natin na babangon tayo dahil sa ayaw at sa gusto natin ang inang kalikasan ay may ikakabuti pa kung paano tayo humanga sa kanya ng una.

    Magandang mensahe, diretso at higit sa lahat maganda!

    God bless sa kontest sir!

    • oo naman, mahirap talaga gawin to… kasi naman kelangan mo talagang mag isip ng mga salitang sakto sa bilang,kahulugan at tunog para makabuo ng disenteng tula… gudlak sa atin…

  3. napakaganda nito.

    sa tatlong tulang napag dugtong dugtong,walang dudang tunay na makakalikasan ang himig ng puso mo at isip.

    kinararangal kong nakilala ka,at maging taga hanga sa husay mo sa panula’t lalo na sa panulaan,kaibigan!

    • sir duking,,, panalo tayo lahat dito… magmulat pa lang ng kaisipan ng mga mambabasa,yun ang tunay na premyo…

      ako din, natutuwang makilala ang mga taong malulupit pagdating sa pagsulat… inaabangan ko rin parati ang mga posts mo…

  4. ngayon ko lamang nabasa ito. ang ganda ng tugmaan, klasikong istilo ng pagtula at ang mensahe at nilalaman napakaganda. ang hirap pagdugtungin ng tatlong yugto pero nagawa mo pa rin. Ang lawak ng pag-iisip mo hinahangaan kita at ang iyong mga likha. ipagpatuloy ginoo.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s