Bakit Si Maya Ang Napili?

Kakatapos lang pumili ng bagong hari ng kagubatan. Tapos na kasi ang panunungkulan ng malakas na si Leon at ng matalinong si Kuwago. Lahat ng hayop, kulisap at ibon sa gubat ay nagkaisa. Si Maya ang kanilang napiling mamumuno sa kanila sa kabila ng kanyang kaliitan. Nagtaka tuloy si Elepante, ang pinakamalaking hayop sa gubat at siya ring pinakamahigpit niyang kalaban.

Tinanong ni Elepante si Baboy Damo.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya kasi tinuruan niya ako ng kalinisan,” tugon naman ni Baboy Damo.

“Pero ikaw ay baboy, ayos lang sigurong magdumi ka,” pangungutyang dagdag ni Elepante.

“Hindi ko nga iniisip dati ang maglinis pero nang minsang kumakain ako ng aking pagkain, nakita niyang madumi ang lugar na aking pinagkainan, tinuka niya ang mga natapong pagkain, at nalinis pa ang aking tahanan. Simula noon, natuto na akong maglinis ng kapaligiran,” paliwanag ni Baboy Damo at si Elepante ay kanyang tinalikuran.

Pero nagtaka pa rin si Elepante. Sunod naman niyang tinanong si Unggoy.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya dahil tinuruan niya akong mag-isip na kahit basura ay may pakinabang pa.” sagot ni Unggoy na naglalambitin pa sa sanga ng isang puno.

“Basura, May pakinabang?” Nalilitong tanong ni Elepante.

“Iyan din ang nasa isip ko dati pero nang minsang sabay kaming kumain ni Maya, napansin kong iniipon niya ang mga patapong uhay ng palay. Gagamitin niya daw iyun sa pagbuo ng kanyang pugad. Siya ang nagsabi sa akin na ang balat ng saging ay pwede palang gawing pataba sa lupa kaya simula noon, ganoon na nga ang aking ginawa,” matalinong sagot ni Unggoy.

Pero nag-isip pa rin si Elepante kung bakit isang maliit na hayop ang kanilang napili. Sunod niyang tinanong si Tipaklong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya kasi mayroon siyang pagpapahalaga sa pag-aaral,” sagot ni Tipaklong.

“Bakit mag-aaral ka pa, sapat na sigurong maglibang ka na lang sa iyong paglundag-lundag sa damuhan,” sabi naman ni Elepante.

“Iyan nga din ang nasa isip ko. Pero minsang tanungin niya ako kung ilang oras ba ako dapat maglaro, hindi ko alam ang isasagot ko. Hindi kasi ako marunong magbilang. Noon ko nalaman na tama si Maya, dapat akong mag-aral upang matutong magbilang at ngayon, marunong na rin akong magsulat at magbasa,” paliwanag naman ni Tipaklong na muling lumundag sa isang damo.

Pero hindi pa rin makumbinse si Elepante. Tinanong niya naman ang matandang Kalabaw.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Si Maya ang aking napili dahil may paggalang siya sa matatanda. Dangan kasi, napikon ako kay Tagak dahil parati siyang kumakanta ng Kalabaw lang tumatanda, Kalabaw lang ang tumatanda. Sinabihan pa akong ang bagal ko na daw kumilos sa bukid. Nag-away kami ni Tagak at si Maya na ang sumakay sa likod ko para tukain ang mga insektong sa aking likod ay nananahan.”

Nag-uusap ang dalawa nang lumapit sa kanila si Tagak.

“Pasensya ka na, Kalabaw sa aking inasta noong isang araw. Kinausap na ako ni Maya at ipinaunawa sa akin ang aking kamalian. Simula ngayon, hindi na kita tutuksuhin sa iyong kalagayan.” Paliwanag ni Tagak.

At nagbati na ang dalawa. Agad sumakay si Tagak sa likod ni Kalabaw at lumakad palayo. Pero ayaw pa ring maniwala ni Elepante. Lumapit siya sa mag-inang usa. Binulungan niya si Usa at tinanong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?

“Napili ko si Maya kasi siya ay matulungin at mapamaraan.” Sagot ni Usa habang pinapatulog ang anak.

“Paano mo naman iyan nasabi?“ dugtong na tanong ni Elepante.

“Alam mo bang noong isang araw ay nilusob tayo ng mga mangangaso, takot na takot kami ng anak ko. Napansin kami ni Maya at ang ginawa niya, ginising niya ang mga natutulog na bubuyog at ipinahabol niya ang mga mangangasong nagkaripasan sa pagtakbo. Salamat talaga kay Maya. Marahil kung hindi dahil sa kanya, wala na kami sa kagubatang ito.”

Malapit nang bumilib si Elepante. Lumapit siya kay Paruparo at nagtanong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Si Maya ang aking napili dahil tinuruan niya akong mahalin ang aking sarili,” sagot ni Paruparo habang palipat-lipat ng lipad sa mga bulaklak.

“Hindi kita maintindihan,” tanong na naman ni Elepante.

“Ganito kasi yun, noong ako ay uod pa lang, sinabi ko sa kanyang ako’y kainin na dahil wala akong silbi sa panget kong kalagayan. Pero hindi niya ako man lang tinuka at sa halip ay pinayuhan na maghintay ng tamang oras. Tingnan mo ako ngayon, isang magandang paruparo. Salamat kay Maya at ako’y kanyang iminulat”

Nagsisimula nang humanga si Elepante. Tinanong niya si Musang.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

Napili ko si Maya kasi may pagpapahalaga siya sa kalikasan,” sagot ni Musang habang nakahiga sa isang ugat ng puno.

“Pero lahat tayo ay nagpapahalaga sa kalikasan.” Sabi naman ni Elepante.

“Oo nga, pero mas nakita ko iyan kay Maya. Minsan kasing kumakain kami ng mangga, hiningi niya sa akin ang buto at inilipad niya ito sa matabang lupa. Sabi niya, kailangan daw itanim uli ang mga iyon upang maging puno ng kinabukasan,” paliwanag ni Musang.

At sa dami ng kanyang napagtanungan, nakumbinsi na rin si Elepante. Kaya naman, lumapit siya kay Maya at binati niya ito.

“Kaibigang Maya, binabati kita. Tunay na ikaw ay karapat-dapat na tularan sapagkat ikaw ay isang mabuting nilalang sa kagubatan.”

“Salamat, Kaibigang Elepante. Lahat tayo ay may magagawa. Kailangan nating magkaisa upang mas maging masaya ang buhay natin dito sa gubat. Hindi hadlang ang murang edad o laki ng katawan upang gumawa ng kabutihan.”

Lalong natuwa ang mga hayop, kulisap at ibon sa kagubatan. Hiningan nila ng isang awit si Maya na agad namang nagpaunlak.

“Twit, Twit, Twit, Twit.

Ako ay isang ibong marikit

Maliit ako pero mabait

Bata man ako’y may magagawa

Iyan ay ang tumulong sa aking kapwa.

Twit, Twit, Twit, Twit.

Mahalin natin ang ating paligid,

Mag-aral, maglaro at umawit.

Mas masaya ang buhay

Kung walang kaaway.

Twit, Twit, Twit, Twit.

At naging maligaya ang buong kagubatan.

Advertisements

16 thoughts on “Bakit Si Maya Ang Napili?

    1. hehe, oo nga no… kelangan para naman matuwa sa akin si kuya jkul… musang? di ko alam yung saktong tagalog or english niyan e… pero alam ko wild cat yun… me ganun sa probinsiya namin e… musta salbehe?

  1. Salbe, kahawig mo ang musang. Endangered na yan.

    Kongrats, mga pulutong ko ang kasama sa kwento. Panalunin na ‘to.

    Ang “maya” bilang karakter ay kinatawan sa mga ordinaryong tao na katulad natin. Maliit pero kapag isang pulutong na ang pinagsama para kumilos, isa itong kahanga-hangang pagkilos.

    Ang pabula, isang payak/simple/hindi na orihinal pero nandun naman ang hatid na kwento. Lumutang ang nais iparating.

    1. ano ba sa english ang musang, Jkul?
      oo nga, kasama ka sa kagubatang iyan, kulisap. Natutuwa ako at nakita mo nang maliwanag ang mensahe ng kwento… kahit maliit, may magagawa… lalo na kapag sama-sama tayo,,,

  2. Napakahusay. Hindi na kailangan ng mga larawan para maipakita ang kulay ng istorya. Words are enough to give color and strength sa story. Madaling ma-visualize ng mga magbabasa lalo na ng mga bata. Nagwagi ang Underdog. Yan ang istoryang patok sa buhay ng mga pilipino.

  3. Binabati kita, ang iyong akda ay napili at napabilang na isa sa mga top 5 finalists ng Saranggola Blog Awards sa kategoryang Kwentong pambata!

    Natutuwa ako na sabihing dalawa sa iyong tatlong inilahok sa Saranggola Blog Awards ay napili ng mga hurado.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s