MV Logos Hope: Ang Barko Ng Aking Bisyo

Posted on Marso 8, 2011

11



Sabi ko sa misis ko, isa lang talaga yung bisyo ko sa buhay, bukod sa syempre sa mahalin siya nang todo-todo (haha, gumaganun) ay ang pagbabasa. At adik talaga ako dito, maski pambalot ng tinapa o balat ng kendi o vandal sa mga pader, basta may nakita akong letra, tiyak na makukuha ang atensyon ko. Ewan ko ba, masaya talaga akong nakakakita ng mga bagay na pwedeng basahin, na basura man o hindi, ay kapupulutan ng ideya na pwede ko rin namang isaksak sa utak ko for future reference o ibasura na lang din.

Ang Barko ng Aking Bisyo

Kaya naman nang malaman kong nandito sa Qatar ang MV Logos Hope, talagang hindi ako mapakali hanggat hindi ako nakakapunta sa pinakamalaking floating book fair sa buong mundo. Yung schedule ng pagpirmi nila dito ay Pebrero 22-28 at nakakatuwa dahil tatlong araw na lang nang malaman ko ito. At nakakainis dahil fully-booked na ang mga araw na iyun. Ikaw na ang maging artista, hehehe.

Nang medyo maisingit ko naman sa schedule namin, punta kami kaagad sa Corniche kung saan nakadaong ang naturang barko. Lamang ay mahabang-mahaba ang pila na parang audition lang ng papasok sa Bahay ni Kuya, nainis ako kasi di ko alam kung makakasakay pa kami ngayong 2011. Pakiramdam ko kasi, mukhang aabutan kami ng World Cup 2022 sa haba ng pila. Pramis. Nagkataon pang nagutom bigla si Kumander, nag-alangan na akong tumuloy pa sa Logos. Mas pinili ko siyempre ang kapakanan ng bebe ko, bukod syempre sa takot kong maging monster siya kapag gutom na gutom. Hehe. Ang nangyari, sa Souq Waqif kami natuloy at hindi sa barkong pinapangarap ko. Kainis…?

Buti na lang, nag- extend sila ng ilang araw pa dito sa Doha Port. Yahooo!!

At nito ngang kamakalawa, natuloy din kami sa barko ng aking bisyo. Tuwang-tuwa ako syempre dahil makakabili na naman ako ng libro. At madami rin akong nalaman sa barkong ito.

Alam ninyo bang walang sweldo ang mga taong nagtatrabaho sa bapor na ito? Kasi naman, mga misyonaryo sila. Layon nilang makapaghatid ng wisdom, love at hope sa buong mundo. Kahanga-hanga, di ba? Gusto ko rin sanang maging ganoon  kung hindi ko lang naalala yung nakakahilong karanasan ko sa pagsakay ng Roro. hehehe. O para magandang pakinggan, iba siguro ang calling ko. Amen po ba, Papa Jesus?

Dalawang riyal nga pala ang ticket. Ayoko ko na mag convert sa peso kahit pa 11.85 taymis 2 lang. At ang mga libro? Unit  din ang unit ng presyo nila. Kasi nga naman, iba-ibang bansa ang pinupuntahan nila. Dito sa Qatar, ang 100 unit ay 10 riyal. So 100 dibay -dibayd 10 is ekwals to… 10?

Mga batang Indian na pumipili ng babasahin.

Hindi lang yun. Mayroon ding visual presentation, ang kwento tungkol sa Alibughang Anak na nagtuturo sa atin kung paano maging  matalino sa pagpili ng mga choices sa buhay. Mayroon din silang International Cafe na nagbebenta ng cookies, kape, cheese bread, at juices. Wag mo kong tanungin kung bakit tinawag na international yung cafe nila o kung bakit hindi ko nagustuhan ang cheese bread nila. Libro ang ipinunta ko doon.

 

Nakakatuwa ding malaman na madami pa ring mga tao na mahihilig sa libro. At doble ang tuwa ko kapag nakakakita ng mga batang mahilig magbasa. Kapag ako nagkaanak, pagbabasa at pagkahilig sa libro ang isa sa mga una kong ituturo sa kanya. Books before Facebook.

Heto nga pala ang nabili ng aking mahal na kumander. Talagang kinakarir ang buhay-may-asawa.

Ang Mga Bagong Kaibigan ng Aking Asawa

 

At heto naman ang mga naibigan kong libro. Kasalanan ko bang maging bata ulit?

 

Mga Bagong Mundong Lalakbayin

Sabi nga ng nakaukit sa pinto ng Library sa Thebes (na hindi ko naman napuntahan), MEDICINE FOR THE SOUL. Ang mga libro raw ang siyang gamot sa kaluluwa.. Weeh? Hmm. kunsabagay, mukhang totoo nga. Para kasing… ano e.. ganito yan… medyo mahirap siyang ipaliwanag? Basta ang alam ko, kapag nagbabasa ako, para rin akong naglalakbay sa iba’t ibang mundo, at nakadarama ako ng samu’t saring pakiramdam. Nakapagpapagaan nga ng loob. Masaya na malungkot lalo na kapag nasa huling pahina na ako. Para kasing kapag natapos ko na ang isang libro, tapos na rin ang pisikal naming ugnayan ng libro. At malamang ilang taon ko na uli siyang mahahawakan. At swerte kung malagay siya sa table ko, pero malamang sa Balikbayan box ang sunod niyang kanlungan.

Pero ngayon, ilang gabi muna kaming magniniig ng mga bago kong kaibigan. Ayos!!!