KIMCHI

Posted on Agosto 18, 2011

12


Hunyo 15, 2008. Incheon Airport, South Korea. Isang oras pa at sasakay na ako sa eroplanong magbabalik sa akin sa bansang Pilipinas. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko. Pananabik, pasasalamat, pagkalungkot at pag-asa. Matagal-tagal rin naman akong hindi nakauwi sa bayang sinilangan at alam kong nasasabik na rin sa akin ang aking pamilya at ang aking kasintahan. Ano kaya ang una kong gagawin?

Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang may lumapit sa akin na matandang lalaki. Kagalang-galang ang hitsura niya sa suot na polo-barong.  Balikbayan din at marahil, naghihintay  ng parehong flight.

“Iho, atleta ka ba? Mukhang nag-uwi ka ng karangalan sa Pilipinas e,” bungad niyang tanong sa akin habang nakatingin sa aking hand carry. Paano ba naman, may dala akong maliit na trophy, may kalakihang stuff toy at plake na nakalagay sa paper bag.

“A, hindi po, Sir” sagot ko agad. “Hindi po sa akin lahat ito. Mga padala po ng mga dati kong kasamahan sa pabrikang pinagtrabahuhan ko. “

“Ganun ba? Kumusta ba naman ang naging buhay mo dito sa Korea? For good ka na ba? At anu-ano ba yang mga dala mo?”

“Masaya na malungkot, masalimuot din po pero sa huli masasabi ko pong napanalunan namin ang mga laban ng buhay dito sa Korea. Itong stuff toy, padala po ng kaibigan kong si Abet sa bunso niya, etong plake, padala ni Kuya Henry sa pamilya niya at eto pong trophy, pabaon po sa akin ng Filipino Community sa Gwangju. At opo, magpo- For Good na nga po.”

“Gusto ko yung ginamit mong salita, laban ng buhay.  O sige, iho tutal naman ay  matagal pa ang oras ng lipad natin. Gusto kong marinig ang kwento mo.”

Tiningnan ko ang relos ko. May oras pa nga para magkwento. Pampalipas-oras din habang naghihintay ng lipad namin. Si Sir naman ay mukhang mabait at naghahanap ng kakwentuhan. Isa pa, gaya ng sabi ko, masaya na malungkot na masalimuot ang naging pakikipagsapalaran namin sa bansa ng kimchi at bakal. Ito ang mga karanasang masarap ikwento sa mga umpukan. At si Sir ang aking unang kahuntahan.

___________________________________________________________

Hunyo 17, 2005. Guwangju. Umuulan ng snow nang dumating kami sa South Korea ni Abet. Tuwang-tuwa nga ako  kasi pangarap ko talagang makarating sa bansang may niyebe. At dahil Pinoy nga, dali-dali kaming nagpakuha ng litrato. Pang-upload sa Friendster.

Parehas kami ng recruitment agency sa Maynila na nagpapadala ng mga manggagawang kailangan ng bansang Korea. Taga-Laguna siya at ako naman ay taga-Batangas. Palibahasa’y parehong Tagalog,  kaya naman nagkapalagayan kaagad kami ng loob. Dati siyang drayber sa Liliw at ako naman ay isang guro sa isang pampublikong paaralan. Kumbaga, mas batak siya sa trabaho kaysa sa akin kaya mas madali siyang natuto sa trabahong sinuong namin. Bakal ang binubuhat namin at inilalagay sa hulmahan ng makinang tagagawa ng pinto ng sasakyan at ng refrigerator. Factory worker. Malayo sa trabahong iniwan ko sa Pilipinas.

May asawa si Abet at may tatlong anak. Hindi raw sapat ang kinikita niya sa pamamasada kaya naisipan niyang mangibang-bansa. Naiintindihan ko naman siya. Ako man ay talagang kinakapos sa pagba-budget ng sweldo. Kaya naman nagkasundo kami sa isang bagay. Iyun ay ang makaipon at makapagbigay ng magandang kinabukasan para sa aming pamilya.

Mabait si Abet. Mahusay magluto at matulungin, lalo na kapag kailangan ko ng tulong sa makinang nakatoka sa akin. Lumalapit naman siya sa akin kapag hindi niya naintindihan ang sinasabi ni Sajangnim namin. Mas marunong kasi ako sa Hanggul kaysa sa kanya. Isa lang ang ayaw ko, ang kanyang mga bisyo. Noong unang sweldo namin, bumili siya kaagad ng suplay ng sigarilyo at soju na gabi-gabi naman niyang tinutungga. Pampaalis-homesick daw.

Lumala pa iyun nang kumuha ng babaeng worker sa aming pabrika. Si Lina, asawa ng isang Koreano at tama lang na sabihin na may angking ganda ng isang Pilipina.  Madali naming nakapalagayang-loob si Lina, palibhasa ay palatawa at bihasa sa Hanggul. Malaking tulong siya sa amin lalo na kapag malalim na Hanggul na ang sinasabi sa amin ni Sajangnim.

Pero sa pagpapalit ng panahon mula sa tagsibol papuntang tag-init, sumibol din ang isang bawal na pag-ibig sa kanilang dalawa. Bagaman noong una’y ayaw nilang aminin, nahalata ko naman iyun sa kanilang tinginan at mga panakaw na usapan. Sinubukan kong kausapin si Abet, sapagkat lumiliban na siya sa pakikipag-chat sa pamilya at madalang na ring tumawag sa Pilipinas. Minsan nga’y narinig ko pa siyang sumigaw sa cellphone ng “WALA AKONG BABAE DITO. WAG KANG MAPAGHINALA”. Nang makita niya ako’y lumayo upang di ko marinig ang usapan nila ng asawa niya. Si Lina naman ay sinubukan ko ring paalalahanan, pero sagot niya, mahal niya si Abet at kaya niyang isakripisyo ang lahat. Naisip ko tuloy, aling sakripisyo ang tama, kaninong sakripisyo ang mali? Dapat ko ba talaga silang intindihin na lang?

**********

Tuluyang nawala si Abet sa landas na dapat niyang tahakin. Kinalimutan ang tanging layunin niya ng pangingibang-bansa. Ako naman, natutong gumala at mamangha sa ganda ng Korea. Sinubukan kong makipagkilala sa iba pang Pinoy sa Guwangju. Naghanap din ako ng simbahan. Kailangan ko kasi ng pagkukunan ng lakas.  Ang totoo kasi, nanghihinayang rin ako sa aking karera. Hindi naman ito ang buhay na gusto ko, dangan nga lang at ako lang talaga ang inaasahan sa pamilya. Labas-masok sa ospital ang nanay ko dahil sa sakit sa atay. May kapatid rin akong pinapaaral sa kolehiyo kaya kailangan talagang kumayod. Pati ang relasyon sa kasintahan, nasakripisyo.

Sa bus papuntang Geumnamno (kung saan makikita ang simbahan), doon ko nakilala si Kuya Henry. Medyo may edad na, pandak at sunog ang kulay. Palakwento si Kuya Henry. Humanga nga ako sa kanya sa dami ng dalang litrato ng pamilya. Puno ng pagmamalaki at pananabik. Marami siyang baong istorya. Kesyo sampung taon na siya dito, kesyo matanda na nakapag-asawa kaya sa edad na singkwenta ay may mga anak pa sa elementarya, kesyo naloko dati ng recruiter, kesyo  lahat ng kamag-anak ay nangungutang sa kanya, kesyo ganito sa Korea kaya maunlad, kesyo TNT siya kaya palipat-lipat ng trabaho, kesyo ganito, kesyo ganyan. Nakarating kami sa simbahan at kesyo nga matagal na, isa siya sa mga opisyal ng Filipino Community sa Gwangju.

Isa iyun sa magandang nangyari sa akin, ang makasapi sa isang samahang layunin ay pagbukludin ang mga Pilipino sa banyagang lugar. Nakakatuwa nga dahil mas naramdaman kong Pilipino ako dito sa malayong lugar. Paano ba naman, dito ako natututong magsayaw ng tinikling at pandanggo sa ilaw na parating patok sa mga paligsahan ng bansa sa International Community Day. Sumali rin ako sa choir ng simbahan. Sumama sa mga field trip at festival sa Korea. Lumahok sa mga komite ng Liga ng Palaro at mga seminar na ibinibigay ng simbahan. Kahit  paano, muling umangat ang tingin ko sa sarili sa kabila ng pagtalikod ko sa aking propesyon. Kahit paano, umandar pa rin ang utak ko, hindi puro katawan lang. Masarap ding ipagmalaki ang lahing kayumanggi sa mga hindi kalahi. Iyun kasi ang unang itinuro ng samahan. Ang maging Pilipino at ipakilala sa mga Koreano at iba pang lahi ang kagalingan at kabutihan ng Pinoy.

Magkaibang paglalayag na ang tinahak namin ni Abet. Nilamon na siya ng prinsipyong hindi ko maintindihan. Nakipaghiwalay na sa asawa. Nagpapadala na lang ng sustento sa mga anak. Ang nakakalungkot pa, si Lina, hindi na rin umuuwi sa kanila at tumira na rin sa accommodation namin. Hindi ko alam kung batid ni Sajangnim ang relasyon nila pero yung iba naming katrabahong Koreano, madalas akong tanungin tungkol sa kanila. Hindi na lang ako umiimik.

Ngunit  si Kuya Henry, nalaman niya agad sa unang araw pa lang niya sa pabrika namin. Inirekomenda ko kasi siya nang minsang marami kaming trabaho pero kulang ng tao. Nagtangka din siyang kausapin sina Abet at Lina pero wala ding nangyari. Nandoon ako noong paliwanagan niya at basahan ng Bibliya ang dalawa pero wala pa rin. Muntik pang magsuntukan si Kuya Henry at Abet kung hindi lang ako pumagitna.

Muling umulan ng niyebe. Muling sumibol ang mga punla. Muling namulaklak ang mga bulaklak at halaman. At muling nagtaglagas. Nakatapos sa Grade six na balediktoryan ang panganay na anak ni Kuya Henry. Umalis si Lina sa pabrika pero nagbalik din pagkatapos hanapin ni Abet at ni Sajangnim. Ako naman, halos gumuho ang pangarap nang malaman kong nakabuntis ang pinapaaral kong kapatid. Pero, gaya ng payo ni Kuya Henry, pinag-aral ko pa rin, tutal isang semestre na lang. Kami pa rin ng kasintahan ko, bagaman hindi maiwasan ang alitan ay patuloy na humahawak sa pangakong walang lokohan.  Salamat sa chat, tawag at e-mail. Nagpatuloy ang daloy ng buhay gaya ng pagkatututo namin ng pagkain ng kimchi. Naisip ko, ang buhay pala, parang kimchi. May anghang pero may sustansiya. Noong una, masama sa panlasa pero kapag nakasanayan, hinahanap na rin ng dila. Nasasama sa sistema, sa daloy, sa pintig, sa pulso, sa dugo. Maanghang pero magpapatibay ng sarili.

**********

Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Nasa kasagsagan kami ng pagtatrabaho. Lahat nakatutok sa kanya-kanyang makina. Halos hindi nga kami nagkakarinigan sa ingay ng bakal at bagsak ng mga makina. Subalit, natigagal ang lahat ng isang sigaw. Malakas at may sakit na sigaw. AAHHHH, ANG KAMAY  KOOOOO… Sigaw iyon ni Abet. Si Kuya Henry ang unang tumakbo sa pwesto niya. Nagloko pala ang makina niya. Nakita ko kung paano nagkulay-suka ang mukha ni Kuya Henry. Puno ng dugo ang kamay ni Abet. Mabilis niyang pinatay ang makina at agad itinakbo si Abet sa opisina na agad ding dinala sa ospital. Tiningnan ko ang makina ni Abet. ANDUN ANG ISANG DALIRI AT DUROG-DUROG NA LAMAN. MARAMING DUGO AT MAY PUNIT NA TELA NG GUWANTES.  Nanlambot ako. Nanghina. Napaupo sa isang tabi. Tumakbo ako sa likod ng pabrika. Nagsuka. Pagbalik ko sa loob, hinimatay naman daw si Lina. Nasa opisina at sinusubukang pabalikin ang diwa. Pinahinto na kami ng trabaho ng araw na iyon. Hindi ako makatulog kinagabihan. Bumabalik sa isip ko ang daliri. Ang sakit. Ang makina. Ang sigaw ni Abet. Hindi pala malayong mangyari sa amin ang nangyari sa kanya. Sakripisyo, buhay, kaligtasan. Malaki  talaga ang isinusugal namin kapalit ng inaasam na kaunlaran.

Natigil si Abet sa ospital. Noong dumalaw kami ni Kuya Henry, nakabenda pa ang kanang kamay. Putol na daw ang isa niyang daliri. Nakita ko sa mukha niya ang kaguluhan. Ang kawalang katiyakan. Blangko kung tumingin. Umiyak siya at paulit-ulit na inuusal na iyun daw ang karma niya. Pinaliwanagan namin siya na may plano sa kanya ang Diyos. Ayaw niyang tanggapin iyon. Malupit daw pala ang Diyos. Iba kung maningil. Ganoon pa man, binigyan namin siya ng Bibliya. Sabi ko, basahin niya kapag handa na ang puso niya at kung kailangan niya ng sagot sa mga tanong.

Nang bumalik kami sa pabrika, wala na si Lina. Nakonsensiya rin siguro. Kinausap naman namin ni Kuya Henry si Sajangnim tungkol sa bayad sa ospital, insurance at sweldo ni Abet habang nasa ospital. Walang matinong maisagot sa amin. Wala daw sweldo. Yung sa ospital lang daw ang sagot ng kumpanya. Itatanong pa daw nila ang tungkol sa insurance. Sinabihan pa si Kuya Henry na huwag makialam.

Kinagabihan, binulabog kami sa pagtulog ni Sajangnim. Pinapalayas si Kuya Henry. Ibinato pa sa kanya ang suweldo at nagbantang isusuplong sa Immigration. Nahabag ako sa hindi makataong pagtaboy kay Kuya Henry. Walang nagawa si Kuya. Ganoon naman daw talaga ang buhay ng TNT. Parang basahan kang itatapon kapag hindi kailangan. Umalis siya nang gabing iyun na hindi ko alam kung saan patutungo.

**********

Ilang linggo pa ang lumipas, pukpukan ang naging trabaho namin sa pabrika. May mga bagong tao sa kumpanya pero mga Koreano na. Sinubsob ko na lang ang sarili sa trabaho. Natakot din ako, baka kasi maulit yung nangyari kay Abet kaya naman doble-dasal ako sa pwesto ko. Nasa kalagitnaan ako ng trabaho nang makatanggap ako ng tawag sa Pilipinas. Si Tatay ang nasa kabilang linya, at para akong binuhusan ng malamig na tubig sa ibinalita niya. Patay na daw si Inay. Bakit ganun? Noong huling tawag ko sa Inay, sabi niya kami na lang daw ang walang problema. Iyun pala, parang paramdam niya na rin. Masakit isiping wala na ang taong isa sa dahilan ko ng pangingibang-bansa. Marami pa akong pangarap para sa kanya. Hindi ko pa nasusuklian ang kabutihan niya bilang ina. Ang sakit-sakit sa kalooban. Iyun na siguro ang pinakamapanglaw na araw para sa akin.

Hindi ako pinayagan ng kumpanya na makauwi kahit halos maglupasay ako sa pagmamakaawa. Ano pa daw magagawa ko e patay na nga? Gusto kong magmura. Gusto kong ipamukha sa kanila na gusto kong makita ang nanay ko kahit sa huling pagkakataon. Pero ako ay dayuhang tangan sa leeg ng aking amo. Wala akong magawa kundi ang magdasal. Magdasal na maunawaan ako ng pamilya ko. Ng Nanay ko. Nang gabing iyun, inialay ko lahat sa Panginoon lahat ng sakit na nararamdaman ko.

Marahil nang gabing iyun, nagdarasal din si Kuya Henry. Kung saang lupalop na naman siya mamamasukan para may maipadala sa Pilipinas. Kung saan muling magsisimula ng pagpapaalipin. Marahil,  nang gabing iyun, nagdarasal din si Abet. Kung paano siya babangon. Kung paano siya papatawarin ng pamilya niya. Kung paano niya haharapin ang mundo na putol ang isang daliri. Nang gabing iyun, bumaha marahil ng luha. Ng panalangin. Ng pagtitiwala. Ng hinanakit. Ng kahinaan. Ng kalakasan. Ng pag-asa.

**********

Mayo 20, 2008. Filipino Community Day. Isa ang araw na ito sa pinakamahalagang araw sa aming mga Pilipino sa Gwangju. Pista iyun upang itampok ang lutong Pinoy, kagalingan at talento, sining at kultura ng lahing kayumanggi. Araw din iyun ng pagpili ng Natatanging Pinoy sa Gwangju. At nagagalak ako dahil ang napili ay hindi iba sa akin. Si Kuya Henry, ang kauna-unahang TNT na pinarangalan ng Filipino Community. Lalo akong humanga sa kanya nang ikuwento ng tagapagpakilala ang kabayanihan ni Kuya Henry. Na si Kuya Henry ay may pusong handang tumulong. Siya lang ang TNT na matapang na pupunta sa Immigration para tulungan ang mga nahuling mga kababayan na TNT din. Katuwiran niya, hindi siya paghihinalaan dahil nga malakas ang loob niya na tumapak ng opisina nila. Na si Kuya Henry ang tumulong sa isang kababayan na binugbog ng mga kabataang Koreano. Na si Kuya Henry ang naglapit sa mga battered wives na Pinay na asawa ng mga Koreano sa tamang ahensya ng pamahalaan. Bumilib ako sa kanya sa kanyang talumpati na HINDI HADLANG ANG PAGIGING TNT PARA TUMULONG. PARA PATUNAYANG MAGALING ANG LAHING PILIPINO.

Si Abet nga pala, isa din sa natulungan ni Kuya Henry. Nakuha niya ang insurance at tamang bayad mula sa kumpanya namin. Nakabalik na rin siya sa kumpanya at nakapagtrabaho ulit. Nagkabalikan na rin sila ng asawa niya. At higit sa lahat, tinanggap niya sa puso niya na ang Panginoon ang siyang pinakamatibay na sandigan.

Naging guro din ang kapatid ko at may pamilya na. Kapag nakakaluwag, tumutulong din sa pinansyal na pangangailangan ng aming pamilya. May kaunti rin akong naipon, iniisip ko pa kung anong negosyo ang papasukin.  Balak ko sanang bumalik sa pagtuturo, iyun ay kung mabibigyan ng pagkakataon. Naaalala ko minsan ang Inay pero alam ko masaya na siya ngayon. Siyangapala, gugulatin ko ang kasintahan ko sa dala kong singsing kasabay ng pag-aya ng pagpapakasal. Sinong may sabing hindi nagtatagumpay ang long-distance relationship?

Hindi ko malilimutan ang huling gabi ng pagsasama-sama naming tatlo. Dangan kasi, ako lang ang uuwi sa Pilipinas. Si Abet kakauwi ng Pilipinas pagkatapos niyang lumabas ng hospital. Si Kuya Henry naman, TNT pa rin at sabi niya, dalawang taon pa siya sa Korea. Kaysarap isiping natikman man namin ang anghang ng buhay, naging malakas at matatag naman kami pagkatapos. Tatlong taon ng pagkakaibigan, pagdadamayan at paglalayag.

Sa gitna ng pagkain ng rameon at kimchi at pag-inom ng  soju, naluha ako nang basahin ni Kuya Henry ang talata mula sa Mangangaral ng Bibliya.

Ang lahat ng pangyayari ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos.

Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;

Ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbubunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
Ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.

Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
Ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.

Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
Ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.

Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
Ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.

Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
Ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.

Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
Ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.

________________________________________________________________________________

“Sir, Umiiyak po ba kayo?” tanong ko sa matandang lalaking katabi ko.

“Tama ka, napagtagumpayan ninyo nga ang laban ninyo sa Korea. Natutuwa akong nalaman ang iyong kuwento,” nagpapahid ng luha si Sir habang nakangiti.

“Salamat po sa pakikinig,”

“A, wala iyun. Ikinararangal kong nakasabay ka sa flight na ito, teka, ano nga bang pangalan mo?” sabay abot sa kamay ko at nakipagkamay.

“Sir, Luis po. Luis Licaros. Kayo po ba? Mukhang kagalang-galang po kayo e.”

“A, tawagin mo na lang akong Sir Ramon. O paano, oras na pala ng pagpasok sa eroplano natin. Mauna na ako sa iyo, Luis.” At naunang pumasok sa akin si Sir Ramon. Mukhang sa Business class siya e.

Tumayo na rin ako at kinuha ko ang mga dala ko, ang stuff toy na padala ni Abet, ang plake na padala ni Kuya Henry at ang trophy na pabaon ng Filipino Community.

“Pare, hindi mo ba kilala yung kausap mo?” tanong sa akin ng kasunod kong balikbayan.

“Hindi. Ngayon ko nga lang yun nakita e,” sagot ko naman na nakakunot ang noo. “Bakit sino ba yun?”

“Pare, siya yung Ambassador natin dito sa Korea.”

At naisip ko ang una kong gagawin paglapag sa airport. Iyun ay ang isalaysay kung paano ako napunta sa Business class ng eroplano.

___________________________________________________________________

Talasalitaan

Hanggul – wikang Koreano

Kimchi – maanghang na pagkain ng mga Koreano

Rameon – Noodles

Sajangnim – May-ari ng Kumpanya

Soju – alak sa Korea

_________________________________________

Para kay Kuya Henry, sa mga dating kasama sa Korea at sa lahat ng OFW sa buong mundo.