Mamang Sorbetero

Posted on Disyembre 14, 2011

20


Mamang_Sorbetero_by_blue_fusion“Mamang Sorbetero, Tayo’y sumayaw
kalembang mong hawak muling ikaway
batang munti, sa yo’y naghihintay
bigyang ligaya ngayong tag-araw”

Sa tuwing maririnig ko ang kantang Mamang Sorbetero na pinasikat ni Celeste Legaspi, ang unang pumapasok sa isip ko ay ang Mamang Sorbeterong aking kakilala, ang sorbeterong aking nakagisnan at tunay na hinahangaan.

Ganito parati ang kanyang porma. Nakasuot ng t-shirt na manipis, kupas na pantalon, may nakasabit na “Good Morning Towel” sa balikat, nakasombrero at nakasuot ng Dragon na tsinelas. Syempre, parati rin siyang nakangiti habang nililibot at inilalako ang tindang sorbetes sa buong Batangas City.

Grade six lang ang natapos niya pero talagang iginagalang siya sa kanilang nayon. Nahalal pa nga siya ng ilang beses bilang kagawad at talaga namang magaling makisama at palakaibigan.

Mabait na ama ang Mamang Sorbeterong kakilala ko. Kapag may mga nakikita siyang laruan o gamit sa iskul na itinapon ng mayayaman at sa tingin niya ay pwede pa, inuuwi niya ito para sa kanyang mga anak. Natawa pa ako minsan nang magdala siya ng robot na putol ang isang kamay o kaya ay payong na bali ang isang tadyang. Kaya niyang remedyuhan ang mga iyun para sa kanyang mga anak. Todo rin ang suporta niya sa paligsahang sinasalihan ng mga anak. Kasama ang kanyang kabiyak, nililibot nila ang buong baryo para manghiram ng mga gamit sa eskwela.

Noong bata pa ako, sabi ko sa sarili ko… Gusto kong maging kagaya niya. Mahilig kasi ako sa ice cream. Naisip ko na oras-oras o kahit kelan ko gustuhin, makakakain ako nito. Kaya nga, tuwang-tuwa  ako tuwing graduation o fiesta kasi ice cream yung handa namin sa bahay at talaga namang dinadayo kami ng mga tao.

High School na ako nung pakiusapan niya ako na sumama sa pagawaan ng ice cream. Hindi para magresearch kundi para kami ang magdeliver ng mga order na ice cream sa aming baranggay. Nakita ko kung paano ang hirap niya sa trabaho kaya lalo akong humanga sa kanya. Talagang mahal niya ang pamilya niya.

Kaaway niya ang ulan at bagyo. Iyun kasi ang humahadlang sa kanyang trabaho. Naaawa ako sa kanya kapag isang linggo siyang hindi nakapaglako ng ice cream. Kaya kapag ganoong mga panahon, taimtim akong nagdarasal para sumikat ang kaibigan niyang araw.

College na ako pero sorbetero pa rin siya. Noon ko naisip, ayokong maging kagaya niya. Mahirap ang trabaho at kulang ang kinikita para sa pamilya. Maghapong naglalakad sa mga kanto ng Batangas City. Idagdag pa ang matinding init ng araw. Hindi ko kayang gawin ang mga sakripisyo niyang ganoon.

Pagkatapos ko ng college, hindi ko na siya nakitang naglako ng ice cream.  Tumigil na siya dahil medyo may katandaan na. Isa pa, ilang anak na niya kasi ang may trabaho at nakakatulong na sa pagtaguyod ng pamilya. Panahon na rin iyun upang suklian ang kabutihan niya bilang ama.

Alam mo ba kung bakit lubos kong hinahangaan ang Mamang Sorbeterong kakilala ko?

Sapagkat siya ay aking AMA. Siya si Ka Aloy, ang tatay kong sorbetero.

tatay with apos

Si Ka Aloy at ang kanyang mga apo

Posted in: Kwentong Pugad