Ikaw Nga, Pag-ibig!

Nakita kita sa magkaibigang nag-unahang magbayad ng pamasahe sa jeep. Nalasahan kita sa lutong adobo ni Nanay. Narinig kita sa awiting ipinamalas ng choir sa simbahan. Naramdaman kita sa sugat na natamo ni Kuya sa pagliligtas sa alagang si Bantay. Naamoy kita sa rosas na ibinigay ng manliligaw ni Ate.

Kilig, pintig, kuryente, kidlat, tibok. Ikaw nga, Pag-ibig!

Saan man, kailan man, ang kapangyarihan mo ang bumabalot sa sanlibutan. Mula sa unang sinag ng araw hanggang sa pagngiti ng buwan, lahat ay sumisimbolo ng iyong kahulugan. Napakalawak ng impluwensya na di kayang ikahon maski ilang libong salita.
Upang ilahad ang kasaysayan. Bigyang katuwiran ang digmaan. Gawing makatotohanan ang pelikula. O ang pagbaba ng Bathala sa lupa.
Kung tutuusin, mahiwaga, malalim at sagrado ang tunay nitong kahulugan. Bawat isa ay may sariling interpretasyon batay sa karanasang idinulot nito. Ekspresyon o pagpaparamdam, hindi depinisyon ang mahalaga.

Sapagkat ang pag-ibig ay regalong ibinigay sa atin simula pa lang sa sinapupunan ng ating ina. Regalong dapat na ipinamamahagi sa mga taong nakapaligid sa atin. Ito ang tanging paraan para mas maunawaan natin ang tunay nitong kahulugan. Katulad niya’y isang di-natutuyong balon kung saan lahat ay may ga-patak na tubig para ipainom sa mga nauuhaw at napapagal.

Unang ibahagi mo ang pag-ibig sa iyong sarili, pagyamanin ang anumang kakayahang taglay mo. Walang limitasyon. Ipamudmod mo ito sa iyong pamilya upang balutin ng respeto at di-mapipigtal na ugnayan ang bawat miyembro nito. Walang kondisyon. Itanim mo ito sa iyong pamayanan, sa paaralan at simbahan upang maging daan ng pagkakaisa. Walang alinlangan. Isunod mo itong ipunla sa iyong bansa at ipangalandakan ang iyong pagmamahal saan mang panig ng mundo.Walang kapalit. Higit sa lahat, ibalik mo ito sa Dakilang Lumikha sapagkat siya ang pinakaugat ng ganitong damdamin. Walang katulad.

Luha, tula, ngiti, awit. Buhay. Kamatayan. Simula at wakas.

Nakita kita sa magkaibigang nag-away sa jeep kahapon dahil sa isang lalaki. Nalasahan kita sa luhang nasahog sa puto ni Nanay nang maghiwalay sila ni Tatay. Narinig kita sa hagulhol ni Kuya nang patayin nila si Bantay dahil naulol ito. Naamoy kita sa hininga ng bagong silang na sanggol ni Ate. Naramdaman kita kanina nang maranasan ko ang unang halik mula sa matagal nang iniibig.
Buhay ka, Pag-ibig!!!

63 comments

  1. Buhay ka pag-ibig. Humihinga, nakakasalamuha.

    Sa kalawakan ng iyong interpretasyon, wala ng depinisyon dahil tama ka..dinadama ito.

    Boss, salamat na muli. Ipinahahatid ko ang mainit kong yakap sayo, free. Express delivery.

  2. Very nice post! ang pagtingin at pagdama sa pagibig ay di lamang sa mala-rosas na pangyayari sa buhay, ngunit pati na rin sa mga malulungkot na pangyayaring nagpapahiwating ng pagmamahal pati na rin ang pagkawala nito…

  3. “naramdaman sa unang halik sa matgl ng iniibig” shaks! ang sarap nun! ehehe. amm napaicp aq, kelan q kya huling naramdman at nakita to?? hmmmm.. ah! last month lng! nung bday q ahihihi..

    nice one!

  4. Wow tlaga nmang pag-ibig oh… Bkit bah hindi ka mawawala sa isipan ko… Pwede bah lau-an muna ako… Nkaka seduce ka eh subra kasing sarap mo…. 😀

    Nakikiraan lng po.. Pde maki friend pa add nman sa blogroll mo sya nga pala na add na kita sa friend list ko… ThNx….

  5. ang ganda.nakatago ang pag ibig sa kapayakan ng mga bagay.ginagawa lang natin itong komplikado kung minsan.anu’t anuman,iyon pa rin ay pag ibig.

    kahanga-hangang akda.

    • hehe. Nahirapan akong maging objective. Kasi naman, me mga baguhan na bloggers na mas umangat sa mga idolo kong bloggers…. yun lang,, hehe..

  6. NADAAN SI YIN. NAGBASA. NAGHANAP NG KAPE. KULISAP MAGBABAYAD KA NG MAHAL. DALHIN MO KO SA TUKTOK NG SUSONG DALAGA.

    NA-RATE KO NA. DI NA KO KOKOMENTO.

    (GANITO LAHAT NG KOMENTO KO SA ENTRIES. ANG IMPORTANTE MABASA AT MAINTINDIHAN KO YUNG KUWENTO AT MA-RATE NG MAAYOS AT MATAPOS BAGO AKO HIMATAYIN SA GUTOM, HAHAHA)

    lipad. Yin. hehe. padaan po.

    • salamat, ms. leemi. touch naman ako,,,,

      buhay na buhay talaga ito. ang kailangan lang natin ay ipakita ito sa lahat ng nakapaligid sa atin.

  7. hello, lipadlaya,

    ang naiibigan ko sa iyong sulatin ay hindi lamang ang lalim at lawak ng nilalaman kundi maging ang magaang paghawak at paghabi mo ng mga salita para ihatid ang isang mabining mensahe.

    tunay na ang pag-ibig ay isang frame of mind, a way of viewing the world, ‘ika nga. and one feels it in the smallest happy or sad details of human life. sometimes one feels it flowing thru or slipping away. no matter, it’s one of the things that make the world go round, sabi.

    maligayang bagong taon… ^^

Mag-iwan ng tugon sa lipadlaya Pindutin ito para bawiin ang tugon.