Kung Paano Naging Guro Si Gng. Engalan (Repost)

Posted on Disyembre 14, 2011

19


Dati ko pang alam na magiging guro ka.

Dangan kasi, ikaw naman talaga ang naging guro namin noong malilit pa kaming mga kapatid mo. Kasi naman, kapag si Inay ang nagtuturo, maya’t maya siyang tumatayo para tingnan yung niluluto niya o kaya naman magpatahan sa mas maliliit at iyakin pa nating kapatid. Si tatay naman, pagod na siya sa maghapong paglalako ng icecream. Isa pa, medyo madaling mayamot ang tatay kapag hindi ko agad natutunan yung tinuturo niya. Natatandaan ko pa nga, pinalo niya ng patpat yung kamay ko nung malaman niyang nanghuhula lang pala ako sa ABAKADA nung basahin kong bahay ang nakadrowing na kubo. Pero ikaw, matiyaga ka talaga. Para lang tayo noong naglalaro. Kaw yung titser, kaming mga bata sa iyo ang siya mong mga estudyante. Yung blackboard mo ay ang latang dingding natin at ang chalk ay mga uling na kinuha natin sa banggerahan. Kumplikado pa ang dating sa akin ng a-e-i-o-u pero iyun ang naging puhunan ko bago ako nagkinder sa tunay na titser sa kapilya ng nayon.

Dati ko pang alam na magiging guro ka.

Ikaw kasi ang takbuhan ng lahat ng mga nag-aaral na elementarya sa baryo natin. Sa iyo kami nagpapaturo ng assignment at projects mula sa pagbuo ng paragraph using two-word verb, mga math problem, hanggang sa mga drowing sa illustration board. Ikaw rin yung taga-gawa ko dati ng mga talumpati. At ang trainor ko kapag lalaban ako ng declamation, tula at talumpati. Naalala mo ba nung lumaban tayo parehas sa talumpati? Magkaiba tayo ng school at buti na lang magkaiba din tayo ng category. Sa English ka, sa Filipino ako. At nanalo tayo parehas, tapos saka lang natin sinabi sa mga judges at teachers na nandoon na magkapatid tayo. Masayang-masaya tayo noon habang nagkukuwento sa mga Inay at Tatay.

Dati ko pang alam na magiging guro ka.

At magiging pala-kwentong guro. Natatandaan ko nung mga panahong wala pa tayong kuryente at ilawang de-gaas pa ang gamit natin sa gabi. Parati kang nagpapasama noon sa paghuhugas ng plato o kaya naman sa pagpunta sa kasilyas kasi takot ka sa dilim, hehehe. Ang kapalit naman noon ay ang pagkukuwento mo ng mga kuwentong nagpapalikot ng imahinasyon. Sa iyo ko nakilala si Pilandok, si Cinderella, Ang Prinsesa at ang Palaka, si Rapunzel, at ang Mahiwagang Kaldero. Ikaw kaya ang nagbukas sa isip ko na maging palabasa ng mga ganitong kwento para naman pag ako yung nagpapasama sa mas bata nating kapatid, me pambayad ding akong kwento. At kahit nagkaroon na tayo ng kuryente noon, nanatili pa rin ang nakagawian nating kwentuhan sa oras ng paghuhugas ng mga plato sa gabi. Doon siguro nahulma ang aking imahinasyon.

Dati ko pang alam na magiging guro ka.

Sapagkat ang tunay na nagkintal ng mabubuting aral sa iyong pagkatao ay ang karanasang nakuha mo sa malawak na unibersidad ng buhay. Isa kang matatag ng mag-aaral na hindi alintana ang malubak na daan sa tagumpay. Saksi ako kapag nagtitinda ka ng prutas sa recess para ibenta mo sa mga kaklase para naman me pera kang baon. Tuwing bakasyon, lumuluwas ka ng Maynila para magtinda sa bakery ng mayamang kanayon. Naging mananahi ka nga rin pala ng medyas at bonet sa bayan. Nakatapos ka nga nang may karangalan pero kulang pa rin pala iyun para makakuha ka ng matinong scholarship. Natigil ka rin sa pag-aaral tulad ng mga kuya at ate. Pero naging masigasig ka at nagworking student. Naging saleslady sa Megamall, service crew ng Dunkin Donuts at Minute Burger, at cashier sa Bingo Mart. Naalala ko nga ang mga nakaw mong tulog sa classroom bago dumating ang mga prof ninyo. Ako naman ang naging tagasundo mo at tagapaglaba ng uniporme kasi madaling araw ka na umuuwi. Bilib ako sa iyo kasi sa kabila noon, isa ka pa ring mahusay na estudyante. Natatandaan mo ba noong sabay tayong umakyat ng entablado dahil parehas tayong Top College Scholars ng college natin? Ipinagmamalaki kita kasi nakayanan mo pa ring makipagtagisan sa kabila ng kakulangan mo ng oras sa pag-aaral.

Dati ko pang alam na magiging guro ka.

Kahit na nga ba ikaw lang ang hindi kumuha ng review lessons sa batch ninyo, kumpiyansa akong makakapasa ka sa licensure exam ninyo. At noong magturo ka na sa isang public school, lalo kitang hinangaan. Mula sa uling ng kabataan, totoong chalk na ang iyong tangan sa pagtuturo ng Kasaysayan. Hindi na latang dingding ang iyong pisara at tunay na eskwelahan na ang iyong pinaglilingkuran.

Dati ko pang alam na magiging guro ka.

At ako nga ang iyong pinakamahusay na mag-aaral.

Salamat, Ate Lanie. 

____________

para sa pakontes ni gillboard.

 

Posted in: Kwentong Pugad