P! (Repost)

Posted on Disyembre 14, 2011

24


Dahil wala akong oras para magsulat nang matino, heto muna ang unang kwentong naisulat ko noong estudyante pa ako sa PUP. At oo, isinali ko din to sa pakontes sa iskul namin.

____________________________________________________________________________________________

Putang-ina o walang pamagat!

Nabigla pa rin ako sa isinagot niya. Sa aming maikling pagkakakilala, nalaman kong talagang lagaan ng masasamang salita ang bibig ng mga tulad niya. Hindi na sana ako nagulat nang pabiro ko siyang tanungin na kung sakaling isulat ko ang buhay niya, ano yung gusto niyang pamagat. At ‘yun nga ang isinagot niya.

Alam mo, hindi pwede yung ganun, sabi ko, imposibleng maimprenta.

Bakit? dahil ba masyadong bulgar? Kaya nga pamagat e, para madaling malaman ang kabuuan, giit niya habang nagbibilang ng mga barya sa palad niya.

Pwede namang iba a. pagpipilit ko.

Gago ka pala e. Kaya nga, mabuti pang huwag mo na lang lagyan ng pamagat. Duwag ka pala e.

Sa totoo lang, madaling ipaliwanag kung bakit ang PUTANG-INA at iba pang katulad nito’y tila memoryadong bulaklak sa dila ng mga batang lansangan. Kasindaling intindihin kung bakit Oh my Gosh at iba pang ekspresyong sosyal ang kakabit sa pagsasalita ng mga pasosyal na mga kolehiyala. Ang PUTANG-INA ay isang paglalabas-galit, isang pagpapahayag kung sino ang batang kalsadang katulad ni Budot.

Nakilala ko si Budot ilang araw matapos kaming bigyan ng propesor namin sa Contemporary Social Problem ng special report tungkol sa mga problema ng bansa. Natawa tuloy ako sa bulong ng kaklase na sa dami raw ng problema ng lipunan, kahit tig-iisa kaming topic, kulang ang isang klase ng 30 mag-aaral. Oo nga naman!

Ang grupo ko ang nakakuha ng paksang problema sa mga batang lansangan. Napagkasunduan namin na hiwa-hiwalay kami sa pag-iinterview. May sa Cubao, sa Recto, sa Quiapo, napakaraming lugar. Kahit saan mo ibaling ang mga mata mo, ang mga batang lansangan ay tila bahagi na ng pang-araw-araw na tanawin sa Maynila. Mga batang sa murang edad ay delikado, tuso at mapanganib na mundo ang kinalakhan.

Sa Sta. Mesa ako natoka. Dito sa maingay at abalang lansangan ng Magsaysay, hindi mahirap hanapin ang mga tulad ni Budot. Sira-sira ang mga damit. Marurungis. Nanlilimahid ang katawan. Akala ko, madali lang makakakuha ng impormasyon sa kanila. Pero ang hirap pala. Masyado silang maiilap na tulad ng mga ilang na hayop sa gubat. Mahirap hulihin. Takot sa mga tao. Sa tuwing lalapit ako upang kausapin sila, isa-isa silang naglalayuan.

Dalawang araw pa ang lumipas. Sa wakas, mukhang may nakita na akong pwedeng kapanayamin. Matapos kong bigyan ng tinapay ang isang grupo ng mga streetchildren malapit sa Fernando’s, tinanong ko kung pwede silang kausapin sandali. Tulad ng dati, isa-isa silang naglalayuan maliban sa isang batang sa tantiya ko ay sampung taong gulang. Nakasuot siya ng napakaruming sando at shorts na sa karungisan ay di mo malaman kung anong kulay. Malamlam ang kanyang mga mata at may pilat sa kanang bahagi ng noo. Gusot at tila dikit-dikit ang mga buhok. Parang ilang araw nang hindi naliligo.

Putang-ina! sabi ko na nga ba’t may kapalit ang kupal na tinapay na to, parang walang anumang sinabi niya iyun habang kumakain ng tinapay. Natural ang dating.

Iyun ang una niyang Putang-ina na narinig ko. Hindi na sana ako nagulat dahil alam ko namang ganun ang likas nilang ugali. Pero iba pa rin yung narinig mo at isang bata pa ang nagmumura sa yo. Medyo napahiya ako sa sinabi niya. Ang kapal nga naman ng mukha ko, kunwa’y tutulong pero may hihingin palang pabor.

Hindi naman sa ganun, kaya lang… wala akong maisip na magandang dahilan. Sukol na kasi ako. Oo nga naman, di ko naman gagawin to kung hindi dahil sa reporting namin.

O, akala ko ba, may itatanong ka?

Iyun ang simula ng pagkakakilala namin ni Budot. Sa una, hindi ko alam kung paano ko ibabato sa kanya ang mga tanong. Dagdagan pa ng walang kasanayan sa mga ganung sitwasyon. At ang mas matindi, ang makipag-usap ka sa isang batang parang bulkan ang galit sa mundo. Nakakasakit sa tenga ang mga isinasabog na mga salita. Pero, mas masakit ang mga isinasabog niyang katotohanan sa lipunan.

Doon ko nalaman ang tunay niyang pangalan. Natural na itago ko iyun ngayon. At ang edad niyang sa tingin ko noong una na sampu, dangan kasi’y maliit siya para sa gulang na 12.

Doon ko nalaman kung paano niya pinuta lahat ng pasanin sa buhay. Kung paano nilintik ang kahirapan. Kung paano pinunyeta ang pambubugbog sa kanya ng tiyuhin. Kung paano niletse lahat-lahat. PUTANG-INA ANG BULAKLAK SA HARDIN NG KANYANG KAMUSMUSAN!!!

Maiksi ang aming naging pag-uusap dahil kailangan pa niyang makipag-unahan sa mga kapwa bata sa pagsalta sa mga nakatigil na dyip. Dala ang basahang puhunan ng buhay.

Kinagabihan, isinulat ko ang nalaman ko sa kanya.

Siya si BUDOT, wala siyang ama. Hindi niya alam kung bakit. Basta, sabi ng nanay niya nung nabubuhay pa ito, na ganun daw minsan ang buhay. Maraming tanong pero walang kasagutan. Di niya maintindihan ang nanay niya. Walong taong gulang siya nang mamatay ito sa sakit. Hindi niya alam kung anong sakit. Basta ramdam niya kung paano ito nahihirapan sa paghinga, sa salit-salit na pag-ubo at ang sakit ng katawan sa maghapong paglalaba. Parang sinasaksak siya sa likod kapag naririnig niya ang ubo ng mahal niyang ina. Hindi ito dumaraing ng kung anong sakit pero ewan kung bakit siya nabibingi. Mahal na mahal niya ang kanyang ina ngunit wala siyang magawa lalo nang mamatay ito kundi ang tumangis nang walang hangga. Ni hindi niya rin alam kung paano ito nailibing.

Nagising na lang siya kinabukasan na kinupkop ng tiyuhin daw niya. At nakakatawa, ang pagkupkop na iyun ang nagtulak sa kanya para mamalimos. Ang pagkupkop na nagdulot sa kanya ng palo, tadyak at mga bugbog. Pagkupkop na nag-iwan sa kanya ng markang di niya malilimutan, ang pilat niya sa noo noong bugbugin siya ng lasenggong tiyuhin nang wala siya maibigay na limos na barya. Pagkupkop na itinuring niya na ring pagkandili sa kanya ni Satanas.

Kinabukasan, pumunta uli ako sa tambayan ng mga batang lansangan. Andun ang mga paslit na nagbabatuhan ng basahan at lata. Naghahabulan na parang mauubusan ng oras. Maging sa paglalaro, andun ang puta. letse at lintik kasabay ng matutuling hakbang ng mga sugatin at galising mga paa. Maya-maya, may dalawang batang nagpapambuno sa isang tabi. Nag-uupakan. Nagbabanatan. Walang iniilagang parte ng katawan. Nakapalibot sa kanila ang ilang batang parang tuwang-tuwa pa sa nangyayari. Nagsisigawan na parang mga asong ulol. Laban, Adik! Upakan mo, Imben. Hahaha. Umiiyak na si Adik. Upak pa!!

Anong magagawa ko sa ganitong sitwasyon? Sisigaw ng tama na? Na masama ang mag-away? Baka tawanan pa nila ako. Sa ugali nila’y magagamot pa ba ng sigaw?

Buti na lang, tumigil na rin sila sa pag-aaway. Naghiwa-hiwalay na. May ilang nagpatuloy sa paglalaro. Muling nagbatuhan ng basahan at lata. Parang walang nangyari. Tama, ang mga eksenang ganun ay katulad na rin lang ng paglalaro.

Naghintay ako ng ilang oras pero walang Budot na dumating. Nagkasya na lang ako sa pagmamasid kung paano sila mag-unahan sa pagsalta sa mga dyip, magpunas ng mga sapatos at maglabas ng palad sa paghihintay sa pisong ibibigay. Mas masakit, marami ang nagbigay ng malilirip na mga tingin at ang sigaw ng drayber na parang nambubugaw ng aso. Pag-andar ng sasakyan, biglang lumundag ang isang bata at parang natapilok pagbagsak. Saka sumigaw sa papalayong dyipni, PUTANG-INA N’YO!!!!!

Umuwi akong walang nakausap pero maraming natuklasan. Pagdating ko sa bahay, may dalang tape ang mga kagrupo ko. GODZILLA daw. Tama, kailangan ko nga ng break. Masyado na akong kinakain ng report namin. Subalit, nagulat ako nang bumulaga sa screen ay di isang dambuhalang produkto ng industriya ng pelikula. Ang pinapanood ko ay documentary film na tunay na salamin ng lipunan. MINSAN LANG SILA BATA ang pamagat, naglalaman ng mga kaso ng child labor mula Luzon hanggang Mindanao. Minsan lang sila bata ngunit ang kabataan nila’y tila dugong sinisipsip ng linta ng kahirapan. Ito nga ang tunay ng Godzilla ng lipunan.

O ano, kumusta? Andito ako kahapon, hinintay kita, bungad ko sa kadarating na si Budot. Namamaga ang kaliwang mata. Iyun pa rin ang shorts. Nag-iba lang ng damit.

Putang-ina mo!! Isa ka pa, sino bang maysabing pumunta ka?

Galit ang tono niya. Ibang mata ang nakita ko sa kanya. Ang malamlam ng mga mata ay mabalasik. Ang mga kamay at paa ay puno ng mga pasa at sariwang sugat. Nakakaawang tingnan.

Hindi talaga ako sanay na murahin lalo pa’t ang mura niya ngayon ay mas masakit at mas may damdamin.

Pasensya ka na, bawi ko sabay abot ng tinapay. Hinablot niya agad iyun, dali-daling binuksan at kinain. Parang hayop na hayok na hayok sa kapirasong karne. Parang ilang araw nang hindi kumakain.

Maghapon akong binugbog ng demonyo, simula niya kahit may laman ang bibig. Putang-ina niya, e sa konti lang ang nadelihinsya ko e. Mamatay na siya. Putang-ina niya!! Sumabog na ang iyak niya, pati nga ang uhog niyang ayaw pakawalan. Singhot siya nang singhot. Punyeta, siya ang adik!

Tsaka sabi ng demonyo, mana daw ako sa rapist kong ama. Singhot pa rin siya sa uhog. Saka itinapon ang tinapay. Tumakbo. Pumulot ng lata at ibinato sa langit. Saka sumigaw, PUTANG-INAAAAAAAAA!!!!!!!

Naiwan akong parang gustong pumalahaw.

Ilang araw kong hindi nakita si Budot. Malapit na kasi ang reporting namin kaya gusto ko pa siyang tanungin ng ilang bagay. Subalit, walang Budot akong nakutaptapan. Dumating ang araw ng reporting namin. Naging maayos naman ang lahat at nakakuha ang grupo ng mataas na marka.

Pauwi na ko bitbit ang manila paper na ginamit naming visual aids nang mapansin kong nagkukumpulan ang mga tao malapit sa riles ng tren. Nakiusyoso ako at nagtanong. May bata daw na nakitang patay dun sa basurahan. Sinubukan kong sumilip na may matinding kaba sa dibdib. Nagdasal ako.

Kalunos lunos ang batang nakadilat pa ang mata. Bugbog-sarado. Naluha akong kinuha ang visual aids at itinakip sa habag na katawan. Naiyak ako. Napamura. PUTANG-INA! PUTANG-INA! PUTANG-INA!

______________________________________________________________________________________________________

Lahok para sa pakulo ni gillboard.