Colored Pencils

Posted on Marso 17, 2012

3


Sabi ng Lolo ko, bawat colored pencils daw ay may kanya-kanyang kwento.

I used to draw when I was a kid.

Gusto ko ngang isipin na mas nauna akong magdrowing kesa magsulat. Ang una kong canvas ay yero. Pupunuin ko ng guhit ng puno, bahay, bundok at tao ang dingding na yero ng bahay namin. Ang gandang tingnan ng drowing ko – ang daming hugis, ang daming kulay, ang daming kwento. Papagalitan ako ng Nanay ko kasabay ng pagpupunas /paglilinis / pagbubura sa aking obra. Kunsabagay, ako lang naman talaga ang nakakakilala ng ginuguhit ko. Sa salita sa amin, guri-guri lang ang mga iyon. Mga walang direksyong linya, walang porma at pattern. Itim lang naman ang kulay na makikita. Uling lang kasi sa kusina ang gamit ko noon.  Dapat pala isinagot ko sa kanya, “Nay, abstract po yan. Abstract.”

Pagkatapos ng yero, lupa naman ang pinagdiskitahan ng makulit kong kamay. Paborito kong libangan ang paghihintay sa Tatay kong sorbetero, at habang hinihintay siya sa pagbabalik galing sa maghapong paglalako, gumuguhit ako sa lupa gamit ang maliliit kong daliri. At sa kalaghatian ng aking pagpipinta, darating siya, hahawak sa kamay niya at magmamano. Itatanong sa akin, “Bakit ang dumi ng kuko mo?” Dapat pala isinagot ko, “Tay, iginawa kita ng portrait.”

Kapag naglalaro kami ng patintero, tisod at piko at biglang bubuhos ang ulan, sabay-sabay kaming guguhit ng araw sa lupa. Pangontra namin iyun sa ulan. At hindi ko alam kung anong mayroong hiwaga, muling magliliwanag at mawawala ang ambong tinatawag naming “dala lang ng talanding panahon.” Mapapansin ng mga kalaro ko, pinakamaganda ang Araw na iginuhit ko. May mata, ilong at labing nakangiti ang araw na ipininta ko sa loob ng kuwadradong hugis ng patintero.

Natatandaan ko rin, lahat ng notebook ko noong nag-aaral ako, may hindi lalagpas sa limang dahon sa likod na puno ng kung anu-anong nilalang na naidrowing ko bunga ng imahinasyon o mas tamang sabihing pagkabagot. Ako ang may pinakamataas na marka sa Arts at opisyal na taga-drowing sa pisara.

Sabi ng Lolo ko, bawat colored pencils daw ay may kanya-kanyang kwento. Regalo niya sa akin noong bata ako.

Natatandaan ko. I used to draw when I was a kid. Hindi ko alam kung bakit ako tumigil sa pagguhit. Tapos, hindi rin pala ako niregaluhan ng lolo ko ng colored pencil. Drowing ko lang din pala sa isip ko ang tagpo at salitang iyun.

Siguro, kaya parati akong nabibighani sa kulay. May kakaibang tawag sa akin ang mga linya at hugis. Parang parating gustong kumawala sa aking dibdib.

Panahon na siguro para muli akong gumuhit.

Posted in: Kwentong Chalk