DAMUHAN AT SINING: ISANG PARALELISMO

Posted on Abril 23, 2012

29


Bagsik ng panitik, sa diwang pinitik
Emosyong ‘dinilig, sa lilok at ukit
Tinig at Aliw-iw, hatid ay pag-ibig
Larawan ng buhay, sa ganda ay tigib.

Kaibigan, hayaan mong ipasyal kita sa damuhan na aking kinagisnan. Maghahabulan tayong parang mga paslit. Maglalaro. Maglilibang. At kapag napagod na’y, sabay nating isasalampak ang pagal na katawan sa bango at sensasyong dulot ng mga mumunting damo sa ating mga balat. Nakahiga, nakatingin sa kalawakan. Magbibilang ng ibong lumilipad, mag-uunahang bigyang ngalan ang mga ulap, at sisipol sa panaka-nakang saranggolang naglalayag.

Sasabihin ko sa iyo. Ang damuhan ay mistulang imahinasyong palaging luntian. Sa umaga ay isang mabining tula ng kabataan. Sa tanghaling tirik ang araw ay kwento ng pagkakaibigan. Sa hapon ay obrang ipininta ng dakilang gulang. At sa gabi ay musikang hatid ng kulisap sa parang.

Ganyan din ang SINING, kaibigan. Palaging may alay na kagandahan. May mutya ang panitikan, may rikit ang arkitektura, may galing ang teatro at pelikula, may ligaya sa musika, may ritmo ang pagsasayaw, may bunyi ang pagpipinta.

Tunay ngang ang Sining ay isang silid-aklatan ng karanasan ng tao mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan. Kagandahang hinding-hindi nauubusan ng rason. Kaligayahang hinding-hindi nasasaid ng panahon.

Pinilakang tabing, lakbay- balintataw
Lukso at indayog, tulang gumagalaw
Teatro, entablado, Sa lipuna’y halaw
Salamin ng buhay, sa mundong ibabaw.

Kaibigan, hayaan mong akayin kita sa damuhang aking kinagisnan. Subalit, huwag kang bibitaw sa aking mga kamay. May nakatagong misteryo ang damuhan. Ikaw ay aking pinaaalalahanan. Baka matisod ka sa batong nakatago sa luntiang damuhan. O masugatan sa bubog. O pupugin ng langgam. Subalit, kung papalarin naman, baka may mapulot kang pera, o hikaw o gintong kwintas kaya.

Uulitin ko sa iyo, ang damuhan ay isang baryang may dalawang mukha. Ang kahulugan nito’y nasa mismong tumitingin. Sa iba, ang damuhan ay masama – makati sa balat, masukal at mapanganib. Lansangan ng mga insekto, kulisap at ahas. Sa ilan, ang damuhan ay mabuti — pastulan ng alagang baka at kalabaw. O lugar ng piknik ng pamilya o magkakaibigan.

Ganyan din ang SINING, kaibigan. Palaging may hiwagang naghihintay sa bukas na isipan. May iba’t-ibang pagpapakahulugan ang mga pantas na utak-galunggong. May sari-saring pananaw ang mga pulubing isip-paham. Isang malaking kabalintuanan. May malignong nakasilip sa maamong mukha. May diwatang nakangiti sa likod ng buwaya. May hindi nakikita ang mata, kung kaya’t kailangang buksan ang diwa. Ano ang katotohanang nais niyang itago? Ano ang kasinungalingang nais isiwalat?

Ano ang iniisip ni Leonardo da Vinci nang iguhit niya ang pamosong ngiti ni Mona Lisa? Paano nailigaw ni Juan Luna sa kanyang Spolarium at ni Franciso Baltazar sa kanyang Florante at Laura  ang mapanuring mata ng mga Kastila? Bakit malaki ang kamay ng Our Lady of EDSA Shrine? Bakit hubo’t hubad, nakadipa at nakatingin sa kalangitan ang UP Oblation? Ano ang kwento sa likod ng Tinikling at Singkil? Sino ang babae sa kantang Huling El Bimbo ng Eraserheads? Anong misteryo ang nakatago sa mga Pyramid ng Egypt? Bakit nga ba nag-debate ang iba’t-ibang kagawaran ng pamahalaan tungkol sa Sining ni Madeo Cruz sa kanyang exhibit sa Cultural Center of the Philippines? Ang sining nga ba ay pagtatangkang pag-alagway sa karaniwang agos, pamantayan at kinalakhan?

Tunay ngang ang Sining ay parang pintuan na sa bawat bukas ay iba-ibang mundo ang bubungad. Bawat bukas ay may hatid na ibang karanasan. Bawat sara ay may handog na ibang kaisipan.

Musa nitong sining, ay damong makulit
Gapasin man ngayon, bukas ay uulit
Mabigyang laya lang, diwang di makipkip
Sisibol, tutubo, yabong di malirip.

Kaibigan, aayain kitang muli sa isang damuhan. Ngunit hindi na sa damuhang aking kinagisnan. Manapa’y samahan mo akong maglakbay sa isang lugar kung saan namumutiktik ang mga damong nagsasabog ng sangkaterbang kaalaman. Isang makabagong damuhan. Isang bagong tambayan sa Panahon ng Internet. Ang mundo ng blogosphere.

Ngunit, ang paglikha ng blog, ay tulad din ng pag-usbong ng makukulit na damo. Maya’t maya ay sumisibol. Harinawang ang mga binhing ito’y may hamog sa uhaw, at hindi tinik ang handog. Ang blogosphere, bilang makabagong damuhan at tambayan ay marami ring masamang damong dapat na iwasan. Maging bayani ka sa parang. Maghasik ng mabuting kaalaman.

Ibubulalas kong muli sa iyo. Ang Sining ay bunga ng malaya, malikot at malikhaing kamalayan. Ang blogosphere ay isang lansangan ng samu’t saring kaisipan. At ang dalawa’y kapagka nagtiyap, hindi baga isang malaking banyuhay. Parang bukang-liwayway. Isang dakilang sangandaan.

Linya, hugis, kulay, Edeng nireplika
Palasyo’t dambana, hinuhang ‘pinunla
Daigdig, hininga – Ang Diyos ang may likha
Sining at kultura – Tao ang may gawa.

Kaibigan, tayo ay mamasyal sa mga bagong tambayan. May mga WordPress blog para sa musika at pelikula, may mga Blogspot blog para sa panitikan at pagsasayaw, may mga blog sa Multiply tungkol sa arkitektura at pagpipinta, May mga naka-dot.com na mga makata, litratista, kwentista, iskultor at iba pang alagad ng sining. Lahat sila’y mumunting damo sa luntiang espasyo ng cyberspace. Sa mundo ng SINING ng BLOGGING. Sa daigdig ng BLOGGING ukol sa SINING.

At kung mangyaring ikaw naman ang dalawin ng iyong Musa, panahon na rin siguro upang lumikha ka ng sarili mong damuhan. At malay mo, yaon ay aking magiging paboritong tambayan.

______________

Lahok para sa “Bagsik ng Panitik” contest ng Damuhan.