Ang Alayan Sa Tuklong

Tuhog na bulaklak, sadyang salit-salit

Sa mahal mong noo’y aming ikakapit

Lubos ang pag-asa nami’t pananalig

Kung tatanggapin mo’y lubos na pag-ibig.

Kung alam mo yang tula sa itaas, hindi ko na kailangang ikuwento sa iyo ang lahat. Alam kong ngingiti at magbabalik ang lahat ng alaala ng Alayan. Ngunit, kung hindi naman, malugod kong ikukuwento sa iyo kung gaano kaganda ang tradisyong mayroon kami sa Batangas.

Bago sumapit ang Mayo, ang kapisanan ay maglilibot sa buong barangay para kunin ang kumpletong schedule ng Paalay. Ang buong paalay ay nagsisimula ng Mayo 1 at natatapos sa gabi mismo ng Pista ng Nayon (na idinadaos naman sa unang Sabado ng Hunyo). Kapag kumpleto na ay isusulat sa kartolina ang schedule ng may Paalay o tinatawag din naming may Kaarawan at ipapaskil na sa tuklong o kapilya. At simula na nga ang Paalay o Alayan, ang mahigit isang buwang pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birheng Maria.

Maaga kaming gigising na magkakapatid para mamulaklak. Nag-uunahan kasi ang mga bata sa nayon para makakuha ng pinakamagagandang bulaklak. Umaakyat kami sa mga puno ng karatucha at naglalambitin sa puno ng alibangbang para masungkit ang pinakamagandang bulaklak. Pumupunta rin kami sa masusukal na looban para manguha ng kampupot, na kadalasan ay sinasamahan rin ng pamimitas ng sinegwelas at bayabas. Pag may kapitbhay naman na masipag magtanim ng mga halaman, libreng pumitas basta magpaalam. (Mag-ingat din sa alagang aso dahil may mga asong pasaway at basta na lang nanununggab.) Madalas naming hingin sa kahanggan ay gumamela, bougainvillea, santan, rose at daisy.

Kapag nakapamulaklak na ay ibabad muna sa palangganang may tubig at sa hapon ay tutuhugin na ng tingting ang mga bulaklak. Pagandahan ng bulaklak ang mga bata sa amin.

Kapag sumapit na ang alas-sais o alas siyete ng gabi, magsisimula na ang Alay. Hindi ko na matandaan ang eksaktong paraan ng pag-aalay. Ang natatandaan ko lang ay magsisimula iyun sa pagrorosaryo na pangungunahan ng mamumuno at isang miyembro ng pamilya ng may kaarawan. May panaka-nakang kantahan at ilang dasal sa Latin. Siyempre, ang pinaka-highlight ay ang mismong pag-aalay ng bulaklak.

Luluhod ang mga mag-aalay sa gitna, na parang nakapila papunta sa altar. Kadalasan, una ang mga bata, sunod ang mga tinedyer, pagkatapos ang matatanda, ang may kaarawan at ang huli ay ang mga hermana/hermano. Diyan makikita kung sino ang magkakaibigan at magkakabarkada sa mga bata. Yung iba naman ay magkakapatid o magpipinsan ang magkakatuwang. O kaya naman ay magkaka-team sa liga ng basketbol. At ang mas nakakatuwa, malalaman mo rin kung sino yaong mga nagliligawan at nagkakaibigan sa tuwangan. Diyan sa tuwangan na iyan, naku, usap-usapan agad iyan sa nayon. Aba’y si ano at si ano na pala. Kala ko ga’y nagbibiruan laang ang mga iyan. Iyun pala’y totohanan na.. Ganyan ang mga simpleng usapan ng mga taga-nayon.

Ilang minutong sasagot sa dasal na tulaan. Yung tula sa taas ang pansagot sa tula ring dasal. Susundan iyan ng kantang paulit-ulit. Dapat kabisado mo yung timimg – kung kailan ka tatayo para pumunta sa altar, luluhod at kung kailan ilalagay sa altar yung bulaklak at kung kailan ka uli tatayo para iba naman ang mag-alay. Kadalasan, nakakatawa (sa magandang paraan, ha) yaong mga nagkakamali ng timing. Gayundin, dapat maayos naman ang suot mo. Huwang iyong butas ang damit lalo na ang pundiyo. Yun namang iba’y manghihiram ng tsinelas at nahihiyang masilip ang maitim at maalikabok na talampakan sa butas na tsinelas.

Pagtapos na ang pag-aalay, maiksing dasal ang susunod at siyempre ang ilang mga announcement tulad ng may kaarawan kinabukasan, ang mga schedule ng liga ng basketbol o kaya naman ay ang panawagan sa mga gagawa ng hayte o banderitas para sa Pista.

At kapag tapos na, huwag ka munang aalis sa upuan. Maghintay nang ilang sandali at magbibigay na ng kendi ang may paalay. Yung mga bata, paramihan yan ng mahihingi kaya kung kayo ang may kaarawan, dapat mahaba ang pasensya. Ito rin yung hudyat para ilabas ang handang pakain ng may kaarawan.

Ano ba ang handa ng may paalay o may kaarawan? Depende yan sa ambagan ng may kaarawan na karaniwang magkakapitbahay o magkakamag-anak. Yung iba’y may papansit, pa- juice, pa-kape, pa-tinapay at pa-sopas. Yung iba naman, pakendi lang ay ayos na. Minamarkahan at talagang maraming tao kapag ang may paalay ay yung mayamang kanayon na may-ari ng bakery sa Maynila, o kaya ay yung may pwesto sa palengke sa Laguna, o yung mag-anak ni Kapitan, o kaya yung Paalay ng karatig-nayon. May Paalay din ang mga opisyal ng munisipyo at Sangguniang Baranggay. Yang mga yan pihado ang maghahanda nang todo at tunay na inaabangan ng buong nayon.

At habang kumakain, ang mga nag-alay naman ay manonood ng laro ng basketbol at ang ilan naman ay gagawa ng hayte o banderitas. At sa kalagitnaan ng Mayo, magsisimula naman ang praktis ng mga presentation para sa nalalapit na Program ng Pista ng Nayon.

Masaya ang ALAYAN sa tuklong. Parating nandun ang kwentuhan, ang ligawan, ang ngiti ng mga kanayon kasabay ng pag-aalay ng bulaklak bilang pasasalamat at pagpupuri sa Mahal na Birheng Maria.

At kung magagawi ka sa lugar namin sa panahon ng Alayan, huwag kang mag-alala, ihahanap kita ng matutuwangan.

Advertisements

12 comments

  1. ang tradisyong ito ay bahagi na ng buhay ng mga Batangenyo kung kaya’t nagsisilbi itong pagkakilanlan……….mahirap mawala ang ganitong kultura……

  2. ang dami ko ding masayang alaala sa flores de mayo, though parang mas masaya yong sa inyo madami naman ang pagkakapareho sa tradisyon na ginagawa din samin.

    St. Niño kase ang Patron samin kaya ang fiesta sa january. Ang buwan ng mayo tlaga samin ay para sa mga bata na nag-aalay.

    Naalala ko kumpol kumpol din kaming manguha ng bulaklak. Paborito ko ang rosal dahil sobrang bango nito. Tapos dapat paramihan sa grupo kase binibilang yon. isang block ng mga bahay isang grupo kami. hehe!

    Yong kanta namin latin, hanggang ngayon ganun pa din daw ang ginagamit. Parang ganito yong lyrics Beni divine muscoso, hmmm…… Maria, nananana…Maria.. ahahaha! di ko na pala kabisado. Basta parang ganyan. Syncronized ang pagluhod at palakpak ang signal.

    haays! kakamiss.

  3. Parang naglaho na ang Flores de Mayo sa aming nayon. O di kaya’y ako ang lumayo?

    Lahat ng mga kuwento mo dito ay kuwento din ng nayon namin tuwing tagsanit.

    May San Isidro din ba kayo? ‘Yong pag-aalay ng dasal para umulan na at makapagsimulang magsaka sa bukid ang mga ama at ina? Masarap din ang handa ng mga nagpapadasal, ‘yon lang ang inaabangan ko. 🙂

    • sobrang busy, e… patapos na ang alay bago ko ito nabalikan,,,

      naku, yun ang wala kami,,, ang Pista ng San Isidro.. naikwento mo na ba to sa bahay mo?

  4. ala, ano’ng nangyari na sa tuklungan dine? sino’ng may paalay ang masarap ang handa? noong ako’y dumaan no’ng isang araw ay puro pa-kendi pa laang, e… 😉

    ayaw ko ng pasopas at kakainit… tatawagin nyo ako pag nagpa-ice cream ang may paalay.

    marami pang nag-aalay ng lirio at daisy? ahaha, baka puro sta.ana at kampupot, ah-ah… wala na yatang masipag mamulaklak, paano’ng gagawin? 😉

  5. kuya erwin! namiss ko ang mga kwento mo…. lalo na yung mga ganito. naalala ko na naman ang nakaraan. hahaha. lagi kong binabalik balikan ang blog mo… nagbabakasakaling may bago. buti na lang di mo pa rin nalimutan!

    as usual, nag reminisce na naman ako sa post mo. naalala ko na naman ang “Kirye Eleison” at ang “Singkabado Kungsibida… Viva Jesus ng aming pagsinta. Viva Jesus ng aming pag-asa.” (mali ang spelling sure ako). sayang kakaunti ang memories ko ng alayan kasi elem days lang, nung high school eh bihira na kaming mag alay kasi pag fiesta na laang kami nakakauwi. di ko na experience ang labteam = katuwang. di ko rin naexperience gumawa ng banderitas. pero naranasan kong magtuhog ng kampupot na tama ka umaga pa laang eh pinipitas na. tutuhugin sa tingting, ibababad sa bote ng tubig tapos ay tatagpas ng saha ng saging para yun ang pagtatayuan. nakakatuwa din pag may lirio sa bahay ng mga tiya ko… magandang bulaklak… at hindi madaling malanta.

    at ang makulit sa mga handa? may takeout pa! breakfast kinabukasan ang pansit at monay. ganun pa rin kaya ngayon sa atin ang alayan? naiimagine ko ang mga nag aalay ngayon, text na ng text hawak ang celphone. sabi ni Reyna, tinanggal na rin daw ang mga latin songs. puro tagalog na. kakaunti na rin daw ang mga bata at ang mga kabataan.

    • oo nga, yang kirye eleison na yan… hahaha, parang naririnig ko tuloy yung boses ng mga matatanda sa amin..

      at nakakalungkot nga na yung mga ganitong tradisyon yung binabalewala ng mga kabataan ngayon. kainaman na… puro cellphone na laang..

  6. Ang simula ng kanta ay : ” Sa mahal na Birheng pinaghahandugan, kami’y nangangakong maghandog na alay; ng isang bernada, bawat isang araw, na ang magdudulot, yaring mga kamay”.

    Pasok yong chorus na nakasulat sa simula ng artikulong ito

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s