AKO ANG TINIG NG PILIPINO

Mabuhay! Ako ang Tinig ng Pilipino.

Ako ang Tinig ng Kasaysayan. Ang sigaw ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa Inang Bayan.  Ang taginting at ingaw ng tabak ni Bonifacio at ang ingay at talas ng panulat ni Rizal.

Ako ang Tinig ng Karangalan. Ang sigaw ng pagmamalaki ng mga atletang nagmarka ng mapa sa larangan ng palakasan. Ang tuwa ng mga alagad ng Sining at Siyensyang nag-ukit ng kasaysayan. Ang ngiti ng mga Pilipinang nag-uwi ng korona sa timpalak-kagandahan. Ako ang Tinig na pagmamay-ari ng lahing kayumanggi!

Ako ang Tinig ng Manggagawa. Ang usal ng mga OFW na construction worker, DH, inhinyero, nars at doktor saan mang panig ng mundo. Ang boses ng tindera sa palengke, call center agents, guro, magsasaka, mangingisda, maging ng mga de-kurbatang alipin ng mga dambuhalang kompanya. Ang tinig ng Pilipinong  nag-aalay ng dugo’t pawis para sa kinabukasan ng pamilya.

Ako ang Tinig ng Pakikibaka. Ang boses ng mga raliyista sa kalsada at tungayaw ng mga nagbabanggaang-puwersa. Ako ang Tinig ng mga walang Tinig, na inaapi, inaabuso at tinatapakan. Ako ang bulyaw – mula sa pinaghuhugutang hinagpis, daing at hikbi  sa tanikala ng kahirapan at kawalang –pag-asa.

Ako ang Tinig ng Pagbabago.  Ang Tinig ng EDSA na nagpatalsik ng mga mapang-abusong rehimen. Ang Tinig sa husgado na nagsakdal sa mga tiwaling pulitiko. Ang boses ng masang unti-unting nagigising sa usaping panlipunan. Ako ang text, video at blog, ang mata at tainga ng sambayanan laban sa sinumang lalabag at magsasamantala sa aking lahi, sa aking karapatan, sa aking pagkatao, sa aking pagka-Pilipino.

Ako ang TINIG ng PILIPINO. Dadaan ang araw, ako’y mamamalat, mamamaos, mababasag. Marahil, dulot  ng sakit at sakunang dulot ng kalikasan at gawa ng tao. Darating ang araw, ako’y sintunado at wala sa tono, marahil, dulot ng bulok na sistema, ng suliraning pulitikal at pang-ekonomiya. Magkagayunman, hindi ako mawawala. Mananahimik man pansamantala, sapagkat kailangan. Baka may bulong sa sariling hindi naririnig. At pagkatapos, saka muling manggigising.

Sapagkat. Ako ang TINIG ng PILIPINO. Malaya. May pagmamalaki. May pag-asa. Patuloy na aawit para sa Pagbabago tungo sa kaunlaran nitong Inang Bayan.

 _____________

Lahok para sa KM3 ni J. Kulisap.

Advertisements

48 thoughts on “AKO ANG TINIG NG PILIPINO

  1. Lubos ang aking pagkakaunawa sa tinig na ipinaparating mo dito sa iyong akda. Kailanma’y hindi mawawala ang tinig ng Pilipino. Maaaring mamaos sabi mo nga pero hindi maglalaho dahil ito ay ang buhay na magpapaigting sa pagkakaisa ng bawat Pilipino dito man o saan mang sulok ng mundo kung saan may Pilipino.

    Maraming salamat sa patuloy na pagtangkilik sa KM. Mabuhay ka!

  2. Congrats, kapatid! Ire ga ang piyesang nanalo? O, ha, paano ba ‘yan, walang-wala? ^^ Wala man lang pa-kape dine? Ay, sus… At wala ring bagong posts, kainaman… ^^

    Huwag gay-on… Masamang ugali iyong may mga nadating ay wala man laang maialok, as in. Kailanga’y pirming may nakalagang kape, aba ay… Paano pag may nasinsay, maglalaga laang ng mga lumang kwento? Ay, maski pa tuusin mo…^^ hello, LL! 😉

    1. salamat po ulit…

      oo nga e, nakakahiya nga pag gay-on.. inisip ko nga, bakit kaya si Saliw,ang sipag magpost? At hindi lang basta-basta post a… lahat worth-reading at punumpuno ng kaalaman.. pahingi nga ako ng sipag.. at galing na din, hehehe.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s