Ako si Obot, Laking Anus

Posted on Oktubre 14, 2012

9


Kapag binanggit ko ang salitang ANUS, ngingiti ka ba?  Mapapakunot-noo kaya?

E, paano kung sabihin kong ipapakita ko ang aking ANUS, matatawa ka ba? O mapapasabi ka ng “Eww, ang baboy ko naman”?

Anu’t anuman ang reaksyon, hayaan niyong ibahin ko ang kahulugan ng salitang Anus sa inyong mga isipan. Na ang salitang ito ay hindi lang nangangahulugan ng butas ng puwet. Oo, mas malalim pa sa butas ng puwet. Kumbaga, ituturing ko kayong tabula rasa. Isang blangkong papel na pipintahan ko ng tunay na hitsura ng Anus, hindi hiwa, hindi butas, kundi isang obra maestra.

Ang Barangay Anus ay isa sa 33 barangay sa San Jose, Batangas. Napaliligiran ito ng Barangay Lumil sa Silangan, Barangay Lalayat sa hilaga, Barangay Bigain South sa timog at Barangay Sabang sa kanluran. Halagang Php250 at tatlo hanggang apat na oras na biyahe, sakay ng bus mula Maynila hanggang bayan ng San Jose. Pamasaheng sampung piso at bente minuto namang biyahe ng jeep mula sa bayan papunta sa aming barangay. Kung ikaw naman ay nagmamadali o ayos lang magbayad ng Php60, aba, magtraysikel na at nang makarating nang maaga sa Anus mong mahal.

Ala, eh, bay ga nga ANUS ang tawag sa aming baryo? Ganire, are’y kwento ng Mamay.

Sagana sa ANOS ang lugar namin noong unang panahon. Ito ay isang uri ng kawayan na may ngalang agham na Schizostachyum lima. At syempre, kapag sinabing kawayan, maraming pakinabang. Materyales sa paggawa ng bahay at kagamitang pambahay tulad ng papag at upuan. Maaari ring pambakod, panggatong, pamingwit, poste, tagayan at balag sa mga tanim. Pwede ring gamiting patalim o supla. Ngunit dahil sa tigas ng dila ng mga tagarito, ang Anos kung bigkasin ay ANUS na sa kalaunan ay siya ngang tinanggap na paraan ng pagbabaybay at pagsasalita.

Ayon sa pinakahuling datos ng National Census Statistics Office, ang populasyon ng Anus noong 2010 ay 950 katao. Wala pang isang libo, ano? Napakaliit ngang barangay. Subalit, sa maniwala ka’t sa hindi, ang taal na anak ng barangay ay kilala ang 95% na kanayon. Yung 5% ay para sa bahagdang kilala lamang sa mukha, hindi sa pangalan. Nakikilala lamang na anak ni Ka Ganire, hipag ni Ka Gay-un at apo ng Mamay Kuwan. At ang kadalasang apelyido ng mga iyan ay Briones, Limbo, Macaraig, Makalintal, Alday, Esguerra at Perez. Ang sabi nga ng matatanda, aba’y di ga nga’y iisang pisa. Kainaman!

At ang mga pangalan, naku, tila baga, lahat ay may palayaw. Kahit ano pang ganda ng pangalan, mas makikilala ka sa iyong pangalang pang-masa. Parang screen name ng mga artista, hehehe. Kalimitan hango sa hitsura, pero madalas, mas malabo pa sa baha ang mga anekdota sa likod ng mga palayaw. Halimbawa, si Ruel, naging Black, si Michael, naging Bangi at ang kapatid niyang si Roel ay Apoy. Isipin mo na lang ang kulay ng kanilang balat na buong puso naman nilang tinanggap. Si Apoy at Bangi nga ay mga konsehal sa amin, at karamihan sa nakasulat na pangalan sa balota ay Bangi at Apoy. Si Irveen naging Ape, si Jilveen, naging Ige at si Cenen ay Intog. Si Tukang ay si Arthur at si Tala ay Aurelio. Kambal yang mga yan, a. Ang cute na si Popay ay tinawag lang na Popay dahil tatay niya si Popoy (Paul). Isama mo pa kaming magkakapatid, si Edison naging Ato, si Jesielyn naging Baneneng, Si Kuya Roderick naging Tulog at ako (Erwin) ay naging Obot. Si Crizaliz ay Talet, si Glenda ay Iday at si Maritess ay Tikya na nang magdalaga ay ayaw magpatawag sa mga palayaw. Mga dalaga na nga naman, hahaha. Kaya kung maliligaw sa amin, huwag totoong pangalan ang hanapin dahil hindi mo matutukoy ang bahay nina Ago, Labit, Damaso, Apyong, Dubar, Duyi, Budong, Budikdik, Maeng, Bato at Iple.

At kung pakaiisipin, ang mga palayaw na iyan ang parating magpapaalaala ng lupang pinagmulan. May pagkatao kang kakabit na dapat manatiling mapagpakumbaba. Na dapat nakatuntong pa rin sa lupa kahit narating mo na ang ulap.

Kapag nagtrabaho sa Maynila ang isang kanayon at bumalik, tiyak na tampulan ng tuksuhan kapag gumamit na ng “kasi” at “ba” sa pagsasalita. Kaya, sa pagtuntong sa lupang pinag-ugatan, isuot ang pagkataong pinalaki ng barangay. Lalong ikaw ang dapat na maunang bumati sa nakakasalubong at mangumusta nang kaunti. At kung galing ng ibang bansa, manapa’y magbigay man lang ng isang sabon o isang tsokolate o isang kaha ng sigarilyo sa mga kapitbahay. Tanda iyun ng isang kanayong hindi nakalilimot. Aba’y para nga namang hindi mo na natatandaan ang lahat ng alaalang ibinigay ng maliit na baryo sa iyong pagkatao.

Oo nga, ang panahon ng kamusmusan! Magduyan sa sakong isinabit sa sanga ng punongkahoy. Maglaro ng baseball gamit ang bolang yari sa medyas na may lamang retaso ng damit. Magbaril-barilan gamit ang binaling sanga. Mag-jumping rope gamit ang mga baging sa looban. Mag-touching ball gamit ang bolang gawa sa basahan. Magpatintero at piko. Magtumbang-preso at gera-gerahan. Mag-see-saw sa kawayang inipit sa puno ng kape. Salat man sa marangyang laruan, sagana naman sa halakhakan ang kabataan sa aming nayon.

Sa panahon ng kasiyahan tulad ng baysanan (kasalan), birthday o 60th anniversary at panahon ng kalungkutan tulad ng patay (lamay), pasiyam o babang-luksa, asahan mong iisa ang pakiramdam ng barangay. Lahat ay otomatikong tumulong sa may okasyon. Ang mga lalaki ang siyang tagakuha ng kawayan (panggatong at pangposte), tagapatay ng baboy at tagaluto. Sa oras naman ng handaan, ang mga kababaihan ang siyang serbedora at taga-hugas ng pinggan. Sa lahat ng okasyon na yaan, ang mga matatanda’y nakabantay at tagapag-paalaala ng mga kasabihan. Bawal ang ganito, bawal ang ganire. Maglagay ka ng ganito, magsuot ka ng ganire. At ang kabayaran ng lahat ng iyan ay panunulungan naman sa susunod na okasyon.

Bukod sa ganitong mga okasyon, masarap ding bumisita kapag bakasyon (Marso hanggang unang linggo ng Hunyo), Araw ng mga Patay at Pasko sa nayong pinagmulan.

Kapag bakasyon, apat na bagay ang aming inaabangan – ang Alayan, ang pa-kindergarten ni Sir Perez, ang liga ng basketbol at ang Pista ng Nayon. Ang Alayan ay ang gabi-gabing pagdarasal at pag-aalay ng bulaklak sa Birheng Maria. Pagkatapos ng dasal, may nakahandang pagkain, kendi at juice ang may kaarawan (may padasal). Ang liga naman ng basketbol ay sinasalihan ng mga kabataan na hinahati sa apat o limang kulay. Ang mga pintura ng court, uniporme, medalya at tropeyo ay pagtutulungang ipanghingi sa buong barangay para mabili. At pagkatapos ng laro, abala naman ang lahat sa paggawa ng mga hayte (banderitas) at pag-eensayo para sa mga presentation para sa Pista. Kapag Pista kasi, hindi kami makapag-imbita ng artista dahil hindi kaya ng budget. Kaya, kami-kami na lang ang gumagawa ng paraan para mas maging masaya ang kapistahan. Nito ngang huli, nanalo sila Baneneng at ang grupo ng mga kababaihan sa mala-Showtime na contest sa barangay.

At kung itatanong mo kung saan galing ang pondo sa mga kasiyahan sa Pasko at Pista, ganito ‘yan. Uso pa sa amin ang pangangaluluwa kung Araw ng mga Patay at pangangaroling sa Pasko. Iyan ang pagkanta sa bahay-bahay o sa kalapit barangay para makahingi ng limos o donation na siya namang gagamiting pambayad sa musikerong tutugtog sa Araw ng Pista at Santacruzan. At pinag-uusapan na rin ang Santacruzan, aba, ay sama-sama na ring pumunta sa Lipa City para doon magrenta kapag wala ng mahiraman ng mga gown at barong.

Siyanga pala, walang iskul sa aming nayon. Kapag elementarya, sa Barangay Tugtug kami pumapasok at kapag high school, sa Bigain. Lahat iyun, lalakarin namin bitbit ang tsinelas kapag tag-ulan dahil sa putik at puting-puti naman ang mga paa kapag tag-araw dahil sa alikabok. Masaya naman ang paglalakad, lalo pa’t kasama ang mga kaibigan na habang daan ay nangunguha ng bayabas, santol, mangga o kakaw.

Pero bago tumuntong sa totoong paaralan, maiging dumaan muna ang mga paslit sa Kindergarten ni Sir Perez. Sa loob ng isa’t kalahating buwan, tuturuan sila ng pagbasa, pagbilang, mga araw sa isang linggo at mga bahagi ng katawan bago sumabak sa elementarya. Kanya-kanya ring dala ng upuan at abakada. Ang iskul ay ang tuklong (kapilya) mismo.

 “That house belongs to Ka Itok.” Kahit matagal nang patay si Ka Itok.

“A parrot can tot” at “Ang tagalog ng bark ay itlog” kasunod noon ay hagalpakan ng mga kanayong ginagawang libangan ang mga nakatutuwang sandali at pagkakamali ng mga bata. Dangan kasi, hindi maiwasan ang mga batang nagtae, mga batang kumakanta ng mali-maling lyrics at mga batang nagdadala ng notbuk na listahan ng utang ng kanyang ina.

Nakatutuwang malaman na ang napakasimpleng lugar na iyun ang nagsilang naman ng mga bagong sibol na guro, accountant, inhinyero at iba pang propesyunal sa aming nayon.

Wala rin nga pala kaming doktor sa barangay. Ang mayroon kami ay mga albularyo. Mamimili ka kung kanino kina Ka Inggo, Ka Imong at Ka Junior ka magpapabulong at magpapalaway. Magdala ka lang ng bote ng Ginebra o kaya ay isang kilong asukal dahil hindi sila nagpapabayad ng pera. Karaniwang pinapabulungan sa kanila ang sakit sa ulo, ngipin, lagnat, beke, luslos at ibang pang sakit sa katawan. Maghanda ka na rin ng papel at bolpen na susulatan ng orasyong Latin na ipantatapal sa katawan. Nakikipag-usap at nagpapalayas nga rin pala sila ng maligno at duwende. At kung may nawawalang gamit, pwede mo rin silang tanungin para magbigay ng clue, gamit ang bilao at gunting na tinatawag naman na paraan ng pagpipiyon.

Kung tutuusin, mabagal ang pag-unlad ng aming nayon. Kumpleto naman sa pangunahing pangangailangan gaya ng kuryente, sementadong kalsada at patubig. Maliban doon, wala na. Karamihan pa rin ay mga anluwagi ang trabaho ng mga kalalakihan habang ang ilan ay may alagang baboy at baka. May apat na sari-sari store. Hindi ko alam kung may cable o computer na sa lugar namin. Sa kabilang banda, maigi na rin iyun. Nakakatakot ding maging bisita ang sinasabi nilang kaunlaran.

Naalala ko noon, naliligo at naglalaba kami sa ilog na hinati sa tatlong parte – ang Bagong Bitin, ang Malaking Bato at ang Lumang Bitin. Ang dalawang bitin ang lugar ng labahan na mayroon pang bukal. Ang Malaking Bato naman ang siya naming swimming pool. Masaya ang kabataan namin dahil kumbaga, training ground namin iyun sa paglalangoy. Lugar din iyun ng pagpipiknik.

Ang nakakalungkot lang, ipot na ng manok ang dumadaloy dito ngayon. Nakapanghihinayang na nawala ang isa sa pugad ng aming kabataan. Bakit nga kaya may kapalit ang sinasabi nilang kaunlaran? At bakit wala man lang naglabas ng opinyon at pagtutol sa pagtatayo ng poultry farm kung sa ilog pala dadaloy ang ipot ng mga manok? Napakasaklap, nawala ang ilog na naging malaking bahagi ng aming pagkatao.

Walang kaming maipagmamalaking lugar, parada at produkto. Ang mayroon kami ay ang pusong laging nakahandang tumulong sa kanayon. Kung walang kanin at ulam, manghingi lamang ng bahaw at gulay sa kapitbahay. Kung hindi makapunta ng palengke, makisuyo sa kapitbahay ng gustong ipabili. Kung kailangan ng calculator, sapatos, damit, kaldero, palakol at asarol, magsabi lang sa kanayon at kaagad kang may mahihiraman. Basta, maging maingat lang at isoli kaagad para naman sa iba pang nanghihiram.

Wala kaming abogado at pulis ngunit mayroon kaming kapanatagan na wala ang mga tao sa siyudad. Payapa kang makakaalis ng bahay kahit bukas ang mga pintuan at bintana. Ang mga alagang baboy at baka, maaaring ipaubaya muna sa kahanggan. Magbigay lamang ng pasalubong mula sa lugar na pinuntahan.

Malayo man ang marating, makamit man ang pangarap at mapaibig man ng lungsod, hindi ba’t kaysarap bumalik sa isang lugar na nagpanday, nagkalinga at humubog sa iyong pagkatao. Kung saan ang lahat ay parating may alay na ngiti sa isang kanayong nagbabalik. Basta palaging tandaan, na maging kagaya ng kawayang Anos na matayog ngunit nananatiling nakayuko at tumitingin sa lupang kinatitirikan.

Kapag naririnig ko ang salitang Anus, hindi ko maiwasang ngumiti. Dahil bago ang lahat ng depinisyon, ang Anus, para sa akin ay hindi isang hiwa, hindi isang butas, kungdi isang simpleng Paraisong hindi ko pagsasawaang balik-balikan.

____________

Lahok na Blog para sa Saranggola Blog Awards 4.

Posted in: Kwentong Pugad