Kamao

Posted on Disyembre 23, 2012

10


Panalo pa rin ang pagsuko.

Panalo pa rin ang pagsuko.

Kanina ay ngiti habang sakay ng ulap
Kahapon ay mga bituing nilalaro sa mga palad
Kamakalawa ay taguring walang katulad
Ang kinang, ang tanyag, ang halakhak.

Karamay ang laksang nakiamot sa tagumpay
Ang miron, ang banal, ang panatiko’t walang malay
Lahi at bandilang sa panulukan, winagayway.
Lahat ay sumakay, lahat ay sumabay.
Sa kamaong sumuntok sa suntok-sa-buwang pangarap
Sa tadhanang iginuhit ng bangis, ng liksi, ng tatag, ng tikas
Sa pagbayubay ng mga labang nangyari sa loob at labas ng arena
Naukit ang magiting na bayani, ng de-kalibreng mandirigma
At ang mga araw ng digma, ay mga araw ng paglaya
Ng kalsadang naghahabol, ng mga gawaing buhol-buhol
Iisa ang puso, iisa ang bulong, mga matang nakatutok
Sa gintong kamaong milyon ang kinakabig, hinahakot.

Nilakbay ang mundo ng mga buwitreng nakabarong
(Gayong di kailangan ng posisyon sa pagtulong)
Tinawid ang kalsadang tinatahak ng mga payaso
At ang kamao’y naging mukha ng musika at telebisyon
Ng samu’t saring patalastas hanggang ang salawal
Ay maging billboard sa EDSA.

Datapwat nadulas, nahulog sa ulap
Mistulang trosong, nabuwal at bumagsak
Hinagkan ang lonang ipinahalik din sa kalaban
Ipinalasap ang lasa ng pait ng karanasan
Na nagpapaalalang lahat ay may hangganan.
Hindi lahat ng oras ay anihan.
Hindi lahat ng panahon ay tag-ulan.
Lahat ay may pagkakataong mapasa-ilalim
Sa siklo at ikot
Sa laro at gulong
Nitong tadhana at kaganapan.

At ang mga kamaong bumibira’t sumusuntok
Ngayon nga ay magkadikit, nakatutop
Sa presensiyang hindi nakikita ng ilan
Sa kapangyarihan at relasyon sa kanilang pagitan

May laban sa sariling arena
May duwelo ang ugat at bunga

Ng tagumpay sa pagsuko

Ng pagsuko ng tagumpay

Upang sa huling tunog ng kampana at dambana
Ang lahat nga ay sadyang nakatalaga
Sa huling tawag ng timbang at husga
Ng saysay ng buhay at halaga
Ng hiningang saglit na pinahiram ng Panginoong Maylikha.

___

larawang hiram sa Yahoo images

Posted in: Tula At Tugma