Ang S ni Kuya Erick

Posted on Enero 26, 2013

4


“Bakit kailangan pa niyang mag-asawa? Hindi na nga niya kayang alagaan ang sarili niya, magdadagdag pa siya ng iisipin?” Sunod-sunod kong tanong kay Ate Lanie habang nanonood kami ng tv.

“E, ganun talaga, kahit paano, gusto niya ring magkaroon ng sariling pamilya. Hindi mo ba naiisip  na minsan, naiinggit din siya sa mga kapatid nating may-asawa.” Tinutukoy niya noon ang mga kapatid ko na may-asawa. Si Ate Cecille, Kuya Onie at Kuya Dennis.

“Yun nga e, sa’n naman siya kukuha ng ipapalamon niya sa magiging pamilya niya. Sa kanya nga lang, kulang pa yung kinikita niya. At saka, wala naman siyang matinong trabaho.”

“E, ano naman? Ano ba tayo dati? At saka, tingnan mo ang iba niyang mga kaibigan, kahit papaano naman, nakakaraos din sila sa buhay.”

“A, ewan. Ang sa akin lang, problema na niya sarili niya, maghahanap pa siya ng problema. Ayusin niya muna kamo yung buhay niya. Isa pa, ano yun, mairaos lang ang buhay? E di parang ipapaulit niya lang sa mga anak niya yung naging buhay niya.”

“Alam mo, minsan, iniisip ko kung graduate ka ba talaga ng Psychology. Hindi naman lahat, kagaya mo. Iba-iba tayo.”

“Oo nga, Kuya. Di ba, sabi nga, Everybody is unique,” sumali na rin sa usapan ang mas nakababata kong kapatid na si Joseph.

“A, ewan ko sa inyo,” At lumabas ako ng bahay para magpalamig.

Matagal na itong debate na ‘to pero malinaw pa rin sa akin yung mga eksenang iyun. Ako laban sa iba kong mga kapatid. Ako laban sa ideya na may kakayahan ang Kuya ko na bumuhay ng pamilya. Minsan, mayabang nga yata ako o dahil takot lang din ako para sa magiging kinabukasan niya at ng pamilya niya kung saka-sakali.

Kasi ba naman, yung Kuya Erick namin, noong mga panahong iyun ay atat na atat magka-girlfriend. Halos lahat ng kakilala, hiningan na yata ng ka-textmate, magka-girlfriend lang. Yung kaunting kinikita sa pag-aanluwage, talaga namang walang matinong napupuntahan maliban sa lima o anim na daang abot sa mga magulang namin. Ang natitira, hahatiin sa sigarilyo, alak at cellphone load.

Kung ganoon ang nangyayari, masisisi ba nila ako kung mag-isip ako ng ganoon?

*********

Labing-isa kaming magkakapatid. Si Ate Cecille, si Kuya Onie, si Kuya Dennis, si Kuya Erick, si Ate Lanie tapos ako na. Sumunod sa akin si Jess, si Edison, Jayson, Joseph at Julius. Oo, wala pa sa hinagap ang RH Bill at malamang, hindi rin mulat ang mga magulang ko sa Family Planning.

Ice cream vendor ang Tatay at wala namang trabaho ang Inay. At gaya nga ng sinasabi madalas, hikahos man, nakakaraos din naman sa buhay. Utang dito, bayad doon. Hiram dito, sauli doon. Kumbaga, isang kahig, isang tuka.

Kaya nga noon pa man, nabuo na sa isip ko na ayaw ko nang ulitin yung ganoong konsepto sa buhay. Yung makaraos lang. Naiinis ako kapag naririnig ko ang mga kapatid ko na makakaraos din. Para bang sinasabi nila na paulit-ulit lang yung buhay at mahirap abutin ang pangarap. Na para bang nagiging kuntento na sa kung ano lang ang nasa mesa. Gusto kong may maiba. Gusto kong may lechon na nakalagay sa mesa.

Naalala ko ang sabi ng Inay, hindi lang daw apat ang direksyon – hilaga, silangan, kanluran at timog. Labing-isa daw. Kasi nga, labing-isa kaming magkakapatid, kaya labing-isang direksyon ang tatahakin naming daan. May nagtangka. May nagtagumpay. May patuloy din namang tumutulay sa asam na pag-angat.

May mga nakuntento sa makaraos lang na buhay. Siguro, si Kuya Erick iyun para sa akin.

*******

“Kung bakit kasi, hindi ka pa magtrabaho,’ si Kuya Erick, anluwage na noon at nag-aakyat na ng pagkain sa lamesa. “Hindi yung uuwi ka dito at hihingi ka ng pera.”

Tumatak sa akin ang mga salita niyang iyun. Sasagot sana ako, kaya lang, pinili ko na lang na manahimik. Sa kanya rin kasi ako ikukuha ng Inay ng pamasahe pabalik ng Maynila. Graduating student ako noon at umuwi lang ng Batangas para humingi ng allowance. Masakit din yung maipit ka sa sitwasyong mamimili ka kung titigil sa pag-aaral at maghahanap-buhay o magsisikhay makatapos kahit nahihirapan ang pamilya.

“Anong gusto mo? Matulad ako sa ‘yo?” Iyan yung gusto kong ipamukha sa kanya pero sinarili ko lang. Walang patutunguhan ang diskusyon maliban sa agwat ng kalooban. Nilunok ko yung sama ng loob.

Dangan kasi, second year high school lang ang natapos ng Kuya Erick. Mahina daw kasi ang ulo. Narinig ko lang noon sa mga mas nakatatanda. Paliwanag naman ng Inay dati, nagkasakit ng tipus ang Kuya Erick noong bata. Kaya naapektuhan daw yata pati ang pag-uugali. Sa isip ko, siguro nga kaya ganun. Parating paangil sumagot. Parating mainit ang ulo. Parating kakaiba sa gusto namin. Kapag mga ganyang pagkakataon, nagkakatinginan na lang kaming mga mas bata sa kanya. “May S na naman.” S for Sumpong.

Ibang-iba si Kuya Erick sa aming magkakapatid. Yung iba kong kuya at ate, halos lahat, may honor nang magtapos ng high school, tapos siya, ni hindi natapos ang sekundarya. Sa mga kanta, iba rin ang gusto niya, habang nag-aagawan kami sa pop at mga boy band na kanta, si April Boy Regino at Eddie Perigrina ang pinapakinggan. Madalas kaming mag-away noon kasi nga ang lakas niyang magpatugtog ng radyo. Hindi ko rin maalala na sumama siya sa pagsisimba. Para bang ang layo niya sa aming magkakapatid.  At lalo pa niyang inilalayo ang sarili dahil kapag may okasyon sa bahay, mas gusto pa niyang pumunta sa mga barkada niya. Maglalasing, magyo-yosi at halos madaling-araw na umuuwi ng bahay.

Hindi ko rin mahagilap ang rason kung bakit kailangan niyang gawin ang mga bagay na ganoon. Oo nga’t mahirap kami pero hindi naman namin naranasan ang pagkakaroon ng favoritism sa pamilya. Kumbaga, pare-parehas na atensyon ang nakukuha namin sa mga magulang.

*******

Matuling lumipas ang mga taon. At patuloy rin kaming magkakapatid sa kani-kaniyang paglalakbay. Nakatapos ang ilan sa amin sa kolehiyo. Nagkaroon ng trabaho. Nag-abroad ang ilan. Ang Kuya Erick, anluwage pa rin.

Taong 2005 namatay ang Inay dahil sa sakit. 2006 naman nag-asawa si Jess. Sumunod na taon, nag-asawa si Ate Lanie. 2008, nagka-pamilya na rin si Jayson. 2009, sumunod si Edison. 2010, ako naman ang ikinasal. Si Kuya Erick, binata pa rin. At ganun pa rin ang buhay. Wala pa yatang pumapatol sa kanyang mga ka-text.

Kasabay ng pagsulpot ng mga bagong miyembro ng pamilya at pagsibol ng mga bagong magdadala ng lahi at apelyido, nag-iba na rin ang punto ko sa kalagayan ni Kuya Erick. Mas nagmature lang siguro ako o mas lumawak ang karanasan sa buhay.

Ano nga kaya ang nasa isip ni Kuya Erick habang isa-isa kaming umaalis ng pugad at nagtatayo ng sarili naming kaharian? Talaga bang siya ay tatanda nang mag-isa? Sino kaya sa aming magkakapatid ang mag-aalaga sa kanya? Bakit ang iba niyang barkada, halos lahat natagpuan na rin ang kani-kanilang katuwang sa buhay? Siya kaya, kailan? May darating pa nga ba?

*******

Taong 2012, nagbakasyon kaming mag-asawa mula sa Qatar. Pagdating ko sa bahay namin, ipinakilala sa akin si Ate Emmy, asawa “daw” ni Kuya Erick. Simpleng babae. Taga-Iloilo, parehas ng misis ko. Masipag at maasikaso. Napatunayan ko rin naman sa ilang araw na pagtigil ko sa Batangas. Laging malinis ang bahay at masipag siyang magluto. Ni ayaw kaming paghugasin ng pinggan o pahawakin ng walis tambo.

Si Kuya Erick, anluwage pa rin. Pero ngayon, may katulong na sa pagbuo ng buhay niya.

Si Ate Emmy, na nagtiyaga sa kanyang mga kakulangan. Noong walang trabaho si Kuya Erick, kasama siya sa pag-uuling at pagtatanim ng kung anu-anong halaman sa amin. Nitong huli, regular na siyang mananahi sa kalapit-baryo. Kahit paano, sapat naman ang kabuhayan nila at nakakabilib na walang utang sa kapitbahay.

Ganito daw ang istorya ng kanilang pag-iibigan, ayon kay Ate Lanie.

Textmate sina Kuya Erick at Ate Emmy. Nagkapalagayang-loob, nagkahulugan ng loob. Nang araw na nagkita ang dalawa, nagdalawang-isip daw si Ate Emmy. Nagtagal pa nga daw sa CR. Nag-iisip kung tatakasan ang ka-eyeball o itutuloy ang kung ano man ang mayroon sa kanilang dalawa. Pero kapag naiisip naman daw niya ang hitsura ni Kuya Erick. Naaawa daw siya dito. Dahil mabait naman daw kausap si Kuya.

Mabait naman daw si Kuya Erick. Parang iyun ang larawang hindi pumasok sa isip ko. Siguro, dahil parati kong iniisip noon, kakaiba si Kuya Erick. Parating may S.

Nakaka-konsensiyang ibang tao pa ang nagmulat ng katotohanang iyun sa akin. Akong karugtong ng bituka niya ang hindi nakakakilala sa kanya.

At bumalik sa alaala ko ang ilan sa mga bagay na hindi ko nakita ko noon.

Tama, masipag si Kuya Erick at parating naghahanap ng mata-trabaho sa bahay. Hindi kami nauubusan ng panggatong noon dahil umaga pa lang, nangangahoy na siya. Ni hindi ko rin makitang malago ang mga damo sa bakuran namin dahil alaga niya itong tabasin. Wala rin pala siyang reklamo kapag nangungumpay (nangunguha ng damo) noong may alaga kaming baka. Kapag may huhulihing manok o kaya may tulungan sa nayon, siya yung representative ng pamilya.

Takbuhan din pala namin siya kapag kailangan ng project sa school na may kinalaman sa kahoy at lupa. “Kuya, ihanap mo naman ako ng pangposte. Kuya Erick, ikuha mo naman ako ng tuyong tae ng baka. Kuya, ipagpunla mo naman ako ng luya. Kuya, kailangan daw naming magdala ng prutas sa school.” Mga ganyang bagay, talagang maaasahan si Kuya Erick.

Hindi totoong walang favoritism sa pamilya. Favorite ni Kuya Erick si Julius. Kapag sweldo, hindi siya nawawalan ng pasalubong na laruan o pagkain sa aming bunso. At madalas pang bigyan ng dagdag na piso sa baon. Siya rin ang taga-gawa nito ng saranggola.

At ngayon nga, sinong mag-aakalang isang bagong Kuya Erick ang nakikilala ko.

Hindi na siya nagsisigarilyo ngayon. At hindi na rin siya lasenggo. At kasama na rin siya sa mga okasyon sa bahay.

Nagbabago ang tao katulad din ng pagpapalit ng panahon. Nakakatuwang isipin na nabago ng pag-ibig ang buhay ng kapatid ko. Nakakatuwang isipin na nagbabago din ang pananaw ko. Mas malalim na pag-unawa sa buhay at sa sarili.

Iba na ngayon ang S ni Kuya Erick. S para sa S’werte sa buhay may-asawa. At hangad kong manatili silang maligaya habang buhay.

Posted in: Kwentong Pugad