Ang Mahiwagang Pluma at ang Paghahanap sa Bagong Daigdig

Posted on Pebrero 13, 2013

14


i

Ang Alamat

Sa lugar na hindi pa naaabot ng kamalayan, lunang mas matayog pa sa kaulapan, isang tunggalian ang nagaganap sa pagitan ng dalawang mistikong nilalang. Isang tunggaliang sila lang din ang nakakabatid ng kadahilanan.

Isang griffin at phoenix ang nagpapambuno sa kalawakan. Nagpaikot-ikot habang sagpang ng phoenix ang leeg ng griffin. Ilang tangkang pagpupumiglas at nakawala ang nilalang na kalahating agila – kalahating leon. Sinunggaban niya ang buntot ng phoenix at ibinaon ang matutulis na kuko sa pakpak nito. Napaigtad ang mistikong ibon at pinilit na kumawala sa bangis ng griffin.  Muli silang nagpaikot-ikot sa himpapawid.

Ngunit sa pagkakataong iyon, bigong makahulagpos ang phoenix kaya’t lalo pang ibinaon ng griffin ang kanyang kuko sa pakpak ng ibon.  Isang matinding sakmal sa dibdib ang kanyang pinakawalan at napaigtad ang phoenix. Bumulwak ang nagniningning na bughaw na likido mula sa katawan nito. Nakita niya ang pagtulo ng malakristal na luha ng ibon. Mahina na ang kanyang kalaban. Hindi na niya maramdaman ang lakas at kapangyarihan ng pinakamalupit niyang katunggali.

Naramdaman ng griffin ang tamis ng tagumpay. Siya na ang maghahari sa daigdig ng mga mahikal na nilalang. Tinanggal niya ang pagkakasakmal sa phoenix. At ang nagapi ay tuluyang nahulog habang nakatingin sa patuloy na lumilipad na griffin sa kalangitan . Bumagsak ang ibon, padausdos mula sa lugar na hindi abot ng kamalayan at matayog na mga ulap.

Ang natalong phoenix ay bumagsak sa isang kabundukan. Nakita ito ng isang batang mangangaso. Natatakot man, nilapitan ng bata ang naghihingalong ibon. Sinubukang painumin ng tubig mula sa sisidlan niyang dala. Ngunit huli na ang lahat, nakatakda na ang katapusan ng mahikal na ibon. Nagliyab sa apoy na hindi nakapapaso ang balahibo ng phoenix. Napatakbo palayo ang bata at nagtago sa isang malagong halaman. Nakita niya mula sa pinagtataguan ang pagkasunog ng ibon hanggang sa ito ay maging bunton ng abo. Aalis na sana siya nang mapansin niyang may bagay na kumikinang sa bunton ng abo. Nilapitan niya iyun sa pag-aakalang isang bagong phoenix ang isisilang. Ngunit, nagulat siya nang matuklasan ang nagliliwanag na makulay na isang piraso ng balahibo ng nasunog na phoenix. At parang may sariling isip ang balahibo, umangat ito at nagsulat sa hangin ng nagliliyab ng mga letra.

GID MUL GABAS SGNAA ISU GNO GIAD PGNA

At bumagsak sa paanan ng batang mangangaso ang balahibo ng phoenix. Nakaukit sa pinakatangkay nito ang naturang mga letra. Nagpasya ang batang iuwi iyun sa kanilang tahanan, lihim sa mga magulang. Simula noon, may kakaibang nangyari sa batang mangangaso. Ang bata ay gabi-gabing dinadalaw ng mga Musa. At sa umaga, nakakalikha siya ng mga bagong obra – tula, awit at kwento gamit ang mahiwagang pluma. Subalit makalipas ang ilang araw, nawalang parang bula ang bata. Sinasabing na-engkanto at napadpad sa ibang daigdig. Naiwan lang sa higaan niya ang nagliliwanag na pluma.

Doon nagsimula ang alamat ng mahiwagang pluma, ang balahibo ng isang phoenix na nagtataglay ng kakaibang mahika. Ito ang alamat na siya ngang nagpasalin-salin sa mga henerasyon, nagkaroon ng iba-ibang bersyon sa iba-ibang panahon.

ii

Ang Tatlong Kaharian

Bago pa man narating ng mundo ang kasalukuyan nitong estado, ang naghaharing sistema ay ang mga kaharian. Sa mga ito, tatlong kaharian ang namumukod-tangi kung ang pagbabatayan ay kapangyarihan at impluwensiya. Ito ang mga kahariang MILITIA, SCIENTIA at ARTIS.

Ang Kahariang Militia ay isang kahariang naniniwala na ang tunay na kapangyarihan ay nakasalalay sa puwersa ng hukbong sandatahan. Pinamumunuan ito ng hari-heneral na naniniwalang ang pagpapalawak ng imperyo ay sa pamamagitan ng pagsakop sa mga mas maliliit at mahihinang mga kaharian sa dahas at madugong pamamaraan. Ang mga lalaki dito ay sinasanay sa pakikidigma at paghawak ng mga sandata gaya ng espada, sibat at kung anu-ano pa. Ang mga babae ay itinuturing na mababang uri – tagasilbi, tagasunod at parausan. Mga barako lang ang may karapatan. Walang lugar ang mahihina at itinataboy palabas ng kaharian. Kaya nga, hindi rin kataka-taka ang kahusayan ng kahariang ito kung taktika at digmaan ang pag-uusapan.

Nilusob nila ang Kahariang Infirmus sa pamamagitan ng taktikang pagpapadala ng mga puta na siyang umakit at nanlansi sa mga kawal ng kalabang kaharian at saka sumugod ang kanilang hukbong pandigma. Nasakop naman nila ang Kahariang Novus sa pamamagitan ng paglalagay ng ahas, alakdan, alupihan, tarantula at iba pang makamandag na mga hayop sa mga tahanan ng taga-Novus matapos makipagkaibigan sa naturang kaharian. Pagkatapos noon ay saka sila umatake sa pamamagitan ng pagpapaulan ng panang may apoy at lason. Ngunit, hindi pa rin nakukuntento ang hari-heneral. Narinig na rin niya ang alamat ng balahibo ng phoenix at ang pagkawala ng batang mangangaso. Alam niya na mayroon pang daigdig na hindi pa natutuklasan. At iyun ang nagtutulak sa kanya upang manakop ng ibang kaharian, nagbabaka-sakaling matagpuan ang maalamat na daigdig.

Ang Kahariang Scientia naman ay kahariang naniniwalang ang kapangyarihan ay nakasalalay sa kaalaman sa agham at teknolohiya. Pinamumunuan ito ng hari-siyentipiko na nagpupuwersa sa buong kaharian upang tumuklas ng bagong bagay o lugar na magpapalawak ng kanilang impluwensiya. Binabandera nito ang kanilang kaalaman sa medisina at astronomiya. Mga henyo lang ang may karapatan sa kahariang ito. Walang lugar ang mga mahihina ang ulo at mabagal matuto. Sila’y pinagtatabuyan palabas ng kaharian.

Tulad ng Kahariang Militia, ilang kaharian na rin ang napasailalim ng dinastiyang ito. Una nilang nasakop ang Kahariang Ignarus matapos ang kasunduang pagagalingin ang hari at ang buong kaharian na noon ay napasailalim ng sumpa ng kakatwang sakit. Ang hindi alam ng mga taga-Ignarus, ang sakit na iyun ay pakana din ng Kahariang Scientia. Nasakop naman nila ang Kahariang Bardus makaraang tulungan nito ang kaharian noong panahon ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pagkain. Ang hindi batid ng Bardus, kagagawan ng Scientia ang pagkatuyot ng kanilang mga pananim. Nilagyan nila ng lason ang lupa nitong sakahan. Isang uri ng pagkain ang noon ay na-imbento ng Scientia at ang hitsura nito ay gaya ng sorbetes ngunit lason pala ang hatid. Iyun ang ikinamatay ng hari at reyna ng Bardus sa piging na dinaluhan din ng hari-syentipiko. Tunay ngang ang pagiging henyo at tuso ng Kahariang Scientia ay kapaki-pakinabang sa kanyang nasasakupan ngunit mapanganib naman sa kanilang mga kalaban.

Patuloy rin ang pagsisikap ng Kahariang Scientia na matuklasan ang Bagong Daigdig. Gusto nilang malaman ang katotohanan sa likod ng alamat ng balahibo ng phoenix at ang pagkawala ng batang mangangaso.  Nariyang mag-imbento sila ng pinakamahusay na kamera at teleskopiyo upang silipin ang mga bituin at kalangitan. Patuloy rin silang nagsasaliksik at nagbabaka-sakaling ang Bagong Daigdig na sinasabi ay yaong paglalakbay sa oras at panahon maliban sa kasalukuyan – pagbalik sa kahapon at pagsilip sa bukas. Ngunit, bigo pa rin sila sa kanilang paghahanap sa maalamat na daigdig.

Ang ikatlong kaharian ay ang Kahariang Artis. Ipinagtataka ng Scientia at Militia ang kapangyarihan ng Artis. Wala itong mahuhusay na mga mandirigma at walang kaalamang kayang magpabagsak ng ibang kaharian. Hiwaga sa kanila ang pagkakaroon ng payak ngunit ma-impluwensyang kaharian. Ni hindi sila nananakop ng ibang mga kaharian, manapa’y sila ang nilalapitan.

Ilang beses na ring tinangkang lusubin ng dalawang makapangyarihang dinastiya ang Kahariang Artis. Nagpadala ng mga puta ang Militia ngunit hindi na bumalik ang mga babaeng bayaran. Ilang mga barakong mandirigma rin ang inutusang lusubin at wasakin ang kalaban ngunit tulad ng mga puta, hindi na nila nabalitaan kung ano ang kanilang kinahinatnan. Tinangka naman ng Scientia na magpadala ng mga taong magkakalat ng sakit sa Kahariang Artis ngunit ang mga ito’y hindi na rin bumalik. Nagpadala rin sila ng sorbetes at kunwaring mga handog ngunit hindi pa rin umubra. Ang hindi alam ng dalawang kahariang ito ay ang katotohanang ang mga itinaboy nilang mahihina at bobong mamamayan ay kinalinga ng Artis at siyang naging susi upang malabanan ang kanilang mga taktika.

Hanggang nagsanib-puwersa ang Scientia at Militia. Nakarating sa kanila – salamat sa ilang matapat na mga espiya – ang mas malaking lihim ng Kahariang Artis.

iii

Ang Susi

Pagpupugay sa Sining – ito naman ang pundamental na paniniwala ng Kahariang Artis. Naniniwala silang ang lahat ng bagay ay may angking kagandahan at lalong tumitingkad sa malikhaing pagpapahayag.

At ngayong taon, muli nilang ipinagdiriwang ang Pagsilang ng Phoenix. Isang anwal na tradisyon kung saan pararangalan ng hari (na isa ring alagad ng sining bilang pintor at manunulat) ang mga bagong kaluluwang nagpatingkad sa kani-kanilang larangan. Ngunit ang taong ito’y natatangi dahil sa kanilang mga panauhin – ang hari-heneral ng Militia at ang hari-siyentipiko ng Scientia. Hatid ng dalawang hari ang mungkahing nagnanais na makipagkasundo para sa mas matibay na ugnayan ng tatlong kaharian.

Unang sumabak ang mga babaeng Mananayaw na nakasuot ng maskara at makikinang na mga kasuotan. Inaliw nila ang buong kaharian sa kanilang husay sa paggalaw at pag-indayog. Sumasabay sa ritmo ang bawat kilos.

Sumunod na nagbigay-aliw ang mga nakamaskara ring mga Musikero. Mga grupo ng kalalakihang koro na may bitbit na kaniya-kaniyang instrumento – may alpa, may tambol at kung anu-ano pa. Hindi rin magkamayaw sa palakpakan ang mga tao sa kanilang makalangit na mga harana.

Pumasok na rin ang grupo ng mga Manunulat at mga alagad ng Literatura. Ipinagmalaki nila ang kauna-unahang peryodiko ng kaharian na isa ring kalipunan ng mga naisulat na tala, tula, sanaysay, talumpati ng mga hari, kwentong-bayan at mga alamat. Nagkaroon pa sila ng balagtasang tumutukoy kung alin ang mas makapangyarihan – ang sandatahan, ang sining o ang siyensiya na lubos na nagpapukaw ng interes ng tatlong hari.

Pagkatapos, pumasok naman sa tanghalan ang ilang kabataang may dalang makukulay na bagay na tila sorbetes. Napatayo ang hari ng Scientia. Hindi yata’t ihahain sa kanila ang pagkain (o lason) na kanilang likha.

Ngunit ang mga iyun pala ay palabas lang. Huwad na mga sorbetes. Kawangis lang pala. Dalawang nakabalabal na mga babae ang naglakad sa gitna kung saan may nakalagay na malalaking tapayan. Tinanggal ng mga ito ang kaniya-kanyang balabal. Tumambad sa kanilang harapan ang magagandang katawan ng mga babae. Kita ang kuyukot at malulusog na suso. Sabi nga’y kita ang kaluluwa. Lumapit sila sa tapayan at may kinuha. Buhay na mga ahas! Ipinulupot nila sa kanilang katawan at pumusturang akala mo ay istatwa.

Iyun ang hinihintay ng mga kabataan. Lahat ay naglabas ng gamit sa pagpipinta at ang mga pinturang ginamit ay mga kulay ng sorbetes. Lahat ay nakatutok habang kanya-kanyang guhit ang mga kabataan. Iba-ibang interpretasyon. May larawang animo’y diwata at may pakpak. May makulay. Mayroong payak. Mayroon din namang mahirap ipaliwanag. Masigabong palakpakan ang ibinigay sa kanila ng buong kaharian.

Isang dula naman `ang sumunod na itinanghal. Ang kwento ng buhay ng isang puta na naging asawa ng panganay na prinsipe ng Kahariang Artis. Halos maiyak ang lahat sa galing umarte ng bawat tauhan sa naturang dula. Pagkatapos ng dula ay saka pumasok ang mag-asawang prinsipe at prinsesa. Nakakabighani ang ganda ng naturang prinsesa na dati ay puta lamang ng Kahariang Militia.

Lalong ikinakunot-noo ng hari ng Militia at Scientia ang sumunod na mga pangyayari. Inalis ng mga kasali sa palabas ang kanilang mga maskara. At nalaman nilang ang mga ito nga ang mga taong itinaboy nila palabas ng kani-kanilang kaharian.

Natapos ang mga pagpapakitang-gilas ng mga bagong alagad ng Sining. Tumayo ang hari ng Artis at may isinenyas sa mga kawal. Pagkatapos, pumasok ang isang batang lalaking nakadamit-mangangaso. Sapo sa kanyang mga kamay ang isang kahon at ibinigay sa hari.

“Muli, binabati ko ang lahat sa isang napakagandang pagtatanghal. Tayo ang mga phoenix na isinisilang – mga bagong alagad ng sining. Nawa’y patuloy kayong dalawin, pukawin ng inyong mga Musa. Nawa’y patuloy na gisingin nito ang natutulog nating mga diwa at ipagbunyi ang kagandahan ng buhay sa masining na paraan.”

Iniangat ng hari ng Artis ang kahon at binuksan. Bumungad sa kanila ang nakakasilaw at nagniningning  na pluma.

“ANG MAHIWAGANG PLUMA!!!”  bulalas ng haring-heneral ng Militia.

“ANG BALAHIBO NG PHOENIX!!!” bulalas ng haring-siyentipiko ng Scientia.

Iyun ang pagkakataong hinihintay ng dalawang bisitang hari. Kaagad na tinutukan ng hari ng Militia ng matalim na balaraw ang leeg ng hari ng Artis. Inagaw naman ng hari ng Scientia ang tangang pluma ng hari ng Artis. Nagulat na lang ang mga taga-Artis sa nangyari nang tutukan din sila ng mga espada ng kasamang mga tauhan ng dalawang hari. Hindi sila makapalag lalo pa at nasa kamay ng mga ito ang buhay ng minamahal nilang pinuno.

“Totoo nga ang alamat. Nandito pala ang mahiwagang pluma,” ngumingising sigaw ng hari ng Scientia at binasa nito ang nakasulat na mga letra.

GID MUL GABAS SGNAA ISU GNO GIAD PGNA

 “Sa akala niyo ba’y kayo lang ang makikinabang sa hiwaga ng pluma?” Nanlilisik ang mata ng hari-militar habang pinaglalaruan ng balaraw ang mukha ng hari ng Artis.

“At akala ninyo ba’y hindi namin matutuklasan ang isinasaad ng pluma?” At binasa nga ng hari-syentipiko ang nakasulat. Lalo nitong napatunayan ang pagiging pantas nang basahing….

ANG PLUMA ANG SUSI SA BAGONG DAIGDIG

 Mga hangal, hindi ninyo nauunawaan ang lahat!” sigaw ng hari ng Artis.

“Ikaw ang hangal,” bulyaw ng hari ng Militia. “Ngayong alam na namin ang inyong lihim, dalhin mo kami ngayon sa Bagong Daigdig.”

Umiling-iling ang hari ng Artis.

“Naaawa ako sa inyo,” wika nito at kinuha ang pluma. “Iyun lang ba ang pakay ninyo? Mangako kayong walang sasaktan sinuman dito sa kaharian at dadalhin ko kayo sa Bagong Daigdig.”

Pagkatapos noo’y naglakad ang tatlong hari palayo sa tanghalan. Naiwan ang mga taong hindi makapaniwala sa nangyayari.

Tinunton ng tatlong hari ang lihim na daan. Parang yungib sa mga kuweba. Hindi lubos maisip ng dalawang tusong hari na may ganitong lugar na nakatago sa kaharian ng Artis. Narating nila ang isang pintuang may larawan ng phoenix. Kinuha ng hari ng Artis ang pluma at isinalpak sa isang bahaging may ukit na balahibo. Bumukas ang pintuan.

Madilim ang loob na kanilang pinasukan. Halos wala silang makita. Sinindihan ng hari ng Artis ang isang lampara at kagyat na itinapon sa sahig. Unti-unti, lumakad ang apoy sa daang disenyo, pabilog sa buong lugar. Napuno ng liwanag ang buong paligid. At tumambad sa kanila ang isang malawak na koleksyon ng mga bagay na may kinalaman sa Sining.

Iba’t ibang larawan ng kalikasan, tao, hayop, mga sayaw, pagtitipon at kung anu-ano pa. Punong-puno ng kulay. Mga nililok na kasangkapan na kakikitaan ng mataas na antas ng disenyo. Mga upuan, lampara, lamesang yari sa sari-saring materyal. May mga alahas at mga lumang kasuotan. May mga bunton ng aklat na halu-halong nakasalansan sa isang gilid.

Lubos na namangha ang dalawang hari. Hindi makapaniwalang ang mumunting mga bagay ay kakikitaan ng husay at galing na mga disenyo. Para nga silang napunta sa kakaibang daigdig. Sa daigdig ng Sining.

May ipinakitang malaking libro ang hari ng Artis. Binuksan niya iyun.

“Mga kapwa ko hari, ako’y may ipagtatapat sa inyo,”simula niya.

“Ang Alamat ng Balahibo ng Phoenix at ang Bagong Daigdig ay isa lamang sa mga alamat na sinulat ng unang hari ng Artis. Iyun ay isa lang sa mga bunga ng malikhain niyang pag-iisip. Iyun ay kwento lamang na nagbubukas ng ibang daigdig,” nangingiti nitong pahayag.

“Ang Daigdig ng IMAHINASYON,” patuloy niya, “iyan ang Bagong Daigdig na tinutukoy sa alamat. Ang lugar kung saan ang lahat ay nagiging posible. Ang lugar kung saan makalilikha ng mundong sarili mo, malaya at makulay. Ang mayamang imahinasyon ng Tao ay walang hanggan, walang katapusan. At diyan natin makukuha ang kasiyahan sa buhay. Ang imahinasyon ang magbibigay-kulay at magbibigay-ganda sa lahat ng bagay na ating nadarama at nakikita. Ang daigdig ng imahinasyon kung saan maaaring magtagpo ang katotohanan at ilusyon. Ang kasaysayan at mahika. Iyan ang Daigdig na nais niyang marating nating lahat.”

“Ngunit ang pluma, ang balahibo ng phoenix – “ sabad ng dalawang hari.

“Ang phoenix ay bahagi ng alamat. Ang plumang ito ay ordinaryong balahibo ng ibon, lamang ay pinadesinyuhan ko sa isa ring alagad ng sining,” nakangiti ang hari ng Artis. At kinuha niya ang dalawang kahong kawangis ng kahong dala-dala ng bata kanina sa tanghalan. Binuksan niya ang mga iyun at ibinigay sa dalawang hari ang dalawang kawangis na pluma.

“Kunin ninyo ito, bilang alaala ng aming kaharian. Ang pluma ay sumisimbolo ng susing magbubukas sa bagong daigdig. Nawa’y dalawin kayo ng mga Musa ng Sining at hayaang pagyamanin ang inyong kaharian.”

Natawa sa kanilang mga sarili ang hari-heneral at hari-siyentipiko sa katotohanan. Nabulag sila ng kanilang kahangalan. Kung saan-saan nila hinanap ang inaakala nilang Bagong Daigdig gayong sa sarili din pala nila matatagpuan.

At bumalik silang tatlo sa tanghalan na nagtatawanan. Samantala, ang mga tao’y lalo pang naguluhan sa pangyayari at nahawa na rin sa kasiyahan ng mga hari ng Militia, Scientia at Artis.

At mula nga noon ay naging mayabong ang ugnayan na namagitan sa sandatahan, agham at sining. Ito ang ugnayang humubog at patuloy na humuhubog sa ating kasalukuyang daigdig.

_____________

Ito ang aking lahok para sa Bagsik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy.