Ano Kaya Ang Sasabihin ng Inay?

1004421_590182264346694_1338491695_nWalong taon. Ganyan ka na pala katagal nawala. Iniisip ko, paano ba namin nakayanan ang bigat? Paano namin nalagpasan yung sakit? Sino ba sa aming magkakapatid ang unang naka-move on? Hanggang kailan umiyak ang Tatay sa gabi? Anong buwan? Anong taon?

Binabalikan ko yung nagdaang walong taong wala ka sa tabi namin. Maraming nangyari, maraming nagbago. At alam mo bang sa bawat pangyayari at okasyong dumating, palagi kong naiisip… Ano kaya ang sasabihin ng Inay? Ano kaya ang sasabihin ng Inay?

Iniisip ko kasi noong una tayong magkaroon ng colored tv, sabi mo, “Naku, parang mahihipo ang mga tao, eh. Nakakatuwa.” Tapos hinipo-hipo mo pa yung screen ng tv.

Minsang nagkukuwenta ka ng budget, iniabot ko sa  iyo yung calculator ni Ate Lanie, sabi mo, hindi ka marunong gumamit at mas madali sa iyong magkwenta kapag sinusulat. Natawa ako sa kainosentehan mo pero mas lumaki ang paghanga ko sa iyo. Hindi dahil magaling kang mag-minus at walang nakakaligtas kahit 25 sentimos. Mas bumilib ako sa iyo kasi napagkasya mo ang 200 piso para sa budget ng malaking pamilya natin.

Natatandaan ko pa kapag may mga ipinapakilala at dinadala kaming magkakapatid ng gf o bf sa bahay, pasimple mo kaming tatanungin sa kuwarto, “Ay, iyan na ga?” Hindi ko alam kung anong isinagot ng iba kong kapatid, pero ako, natawa lang ako sa inyo. “Ang Inay, kabilis mag-isip. Malayo pa ho ang pag-aasawa sa isip ko. Kaliit pa nina Utoy”.

Noong unang beses kong mag-abroad, pinabaunan mo ako ng Bible at panyo ng El Shaddai. Sabi mo, parati akong magdasal. Walong buwan pagkatapos noon, kausap kita sa cellphone, “tayo na lang ang walang problema”.

Tayo na lang ang walang problema. Iyun ang huling linyang naalala kong sinabi mo sa akin. Pagkatapos, hindi ko na muling narinig ang tinig mo.

Maraming nagbago, maraming nangyari. Sa lahat ng iyon, parati kong naiisip… Ano kaya ang sasabihin ng Inay?

Tatlong anak mo pa lang ang may mga asawa noong umalis ka. Ngayon, dalawa na lang ang walang asawa sa labing-isa. Kung nandoon ka kaya sa mga okasyong iyun, ano kaya ang isusuot mo? Ano kaya ang sasabihin mo kapag hiningan ka ng speech? Magdu-duet ba kayo ng Tatay?

Ano kaya ang sasabihin mo sa mga manugang mo? May ibubulong ka pa kaya sa amin sa kuwarto? Paano mo kaya tatanggapin na Born Again na rin ako katulad ng Kuya Dennis? At iyung pangarap mong maging teacher, natupad sa dalawa mong anak. At sinong mag-aakalang yung bunso mo pa ang magiging Cum Laude?

At naku, ang mga apo mo.. pihadong matutuwa ka. Napakahuhusay! Lahat may kanya-kanyang talent. Mga achievers sa school. At lahat mahilig mag videoke. Nasa dugo na nga yata. Hahaha. Tatanungin mo rin kaya ako, katulad ng Tatay kung kailan mo makikita ang apo mo sa akin?

Ano kaya yung kiunha mo sa pahulugan kay Ka Viring?Ano kaya ang sasabihin ng Inay?

Ito yung parati kong tanong sa bawat pangyayari sa ating pamilya. Pero hindi ko man marinig ang sagot mo, nahahanap ko naman iyun sa bawat mukha ng taong nagmamahal sa iyo. Marahil nga, dahil na rin sa mga aral at halimbawang ipinakita mo sa amin noong nabubuhay ka pa.

Nami-miss lang siguro kita kaya ganito ako ngayon.

Pumunta ako sa kwarto ninyo ng Tatay. Binuksan ang aparador at tiningnan ko yung mga dati mong gamit. Yung mga papel at notbuk mong naipon. Andun pa pala ang mga listahan mo ng pahulugan kay Ka Viring. (Nabayaran mo na naman sigurong lahat iyun bago ka nagpaalam.) Tapos binasa ko yung mga sulat mo dati sa Kuya noong nagsisimula pa lang siyang seaman.

Siyanga pala, kung anong maging problema mo, huwag kang mahihiya sa kanilang magtapat. Ang pakikisama mo sa trabaho, laging maingat. Laging magdadasal, ha. Napakalaking tulong nito sa atin. Alam ng Dios ang mga taong nagpapasakop sa Kanya at laging inilalagay ang Kanyang ispiritu at kapangyarihan. Alam mo, ihabilin mo sa kanya ang lahat. Magugulat ka na lamang dahil Siya na ang kikilos para sa iyo. Ito ang nararamdaman namin sa tapat naming paglilingkod. Kaya isini-share ko ito sa iyo para magkaraon ka ng hangarin na maging tapat sa Kanya at manampalataya.

Sulat ng Inay-001

Naluha ako noong mabasa ko iyun. Ganyan parati ang iyong payo sa amin. Ang makisama at magdasal. Huwag kang mag-alala parati naming isasabuhay yung mga paalaala mo.

Anu’t anuman, palagi ka naming aalalahanin at pipiliting maging mga anak na ipinagmamalaki mo. Salamat ulit sa lahat. Mahal na mahal kita.

Advertisements

17 comments

    • naku, ate susan, napakadami ko na yatang utang sa iyo, eh… di pa ako makapag blog hop nang maigi.. di bale, sa mga susunod na araw ay aking lilingilin talaga ang mga kapitbahay.. magandang araw po ulit..

      • ey, ayos lang.. hihi, malamang hahanapan ka na ng apo ng Inay mow, hoho. at liglig talaga? natuwa ako, ngayon ko lang uli nasalubong ang term, hihi. ang narinig ko pa recently – tungtong and magpapabulak. ang tawa ko, haha. happy Sunday… 🙂

  1. naiiyak ako habang binabasa ko to. Pinagpa-pray ko talaga na sana si nanay ko magiging healthy para makita pa nya mga apo nya sakin. Kung makakapag-asawa ba ang nag-iisa nyang anak na babae. haha!

  2. idol , naiiyak ako habang binabasa ko to.

    I cant imagine my life without my mom T_T

    Iniisip ko pa lang di ko na kaya.

    dun sa line mo na: “Ang Inay, kabilis mag-isip. Malayo pa ho ang pag-aasawa sa isip ko. Kaliit pa nina Utoy”.

    akala ko “kaliit pa ni UTOY” hahaha (if you know what i mean) lol

    kala ko maliit pa si “TUTOY”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s