ALAS SAIS NG HAPON

Posted on Oktubre 15, 2013

10


six-ock

Ang paborito kong kulay ay pula. Ang paborito kong prutas ay mangga. Ang paborito kong pagkain ay spaghetti at pritong manok.  Pero, alam ninyo bang may paborito rin akong oras sa isang araw? Ito ay tuwing alas sais ng hapon.

 

Tinuruan ako ni Nanay kung paano ko malalaman ang alas sais ng hapon sa orasan. Ang mahabang kamay ay nakatapat sa pinakamataas na parte at ang maliit na kamay ng orasan ay nakatapat naman sa pinakamababang bahagi. Isang nakatayo at tuwid na linya. Parang poste sa kalsada.

 

Bago dumating ang oras na iyun, inihahanda ko na ang sarili ko. Kakain na agad ako ng hapunan. Maglilinis na kaagad ako ng katawan. Maghihilamos at magsisipilyo.

 

Alam ninyo ba kung bakit paborito ko ang alas sais ng hapon? Dahil ito ay oras para makausap ko ang Tatay kong nasa kabilang panig ng mundo. Abroad daw ang tawag sa lugar na iyun at chat daw ang tawag kapag kausap namin siya, sabi ni Nanay.

 

Pagsapit ng ganitong oras, bubuksan ni Nanay ang laptop. Magkukuwentuhan sila ni Tatay. Tungkol sa perang padala at mga gastusin. Mga kung anu-anong usapan at bilin. Ako naman ay paminsan-minsang tumitingin kay Nanay habang naglalaro. Nakakatuwa siyang tingnan habang nakikipagkuwentuhan kay Tatay. Hahalakhak. Iiyak. Tapos, tatawa na naman. Tapos, iiyak na naman. At muling hahalakhak. Para rin akong nanonood ng telebisyon.

 

“Robert, anak, halika na. Maupo ka na dito. Kakausapin ka ng Tatay mo,” anyaya sa akin ni Inay pagkatapos nilang mag-usap. Uupo ako sa harap ng kompyuter. Ako naman ang makikipag-usap sa Tatay ko. At lalo akong mamamangha dahil kausap ko na naman ang Tatay ko nasa kabilang panig ng mundo.

Magaling ang Tatay ko. Kahit anong itanong ko sa kanya, parati siyang may sagot.

 

Tatay, bakit po kamay ang tawag sa kamay ng orasan? Wala naman po silang mga daliri?

Kasi, anak, para silang mga kamay na kumakaway at nag-aanyaya sa mga tao para gawin na ang mga dapat gawin sa tamang oras. Kita mo, alam mo ang oras kung kailan tayo magkukuwentuhan.

 

Tatay, bakit po paa ang tawag sa mga paa ng mesa at upuan? Hindi naman po sila naglalakad at tumatakbo?

Kasi, anak, paa rin ang ginagamit sa pagtayo. Gusto mo bang tumakbo at maglakad pa ang mga gamit natin sa bahay?

Naku, hindi na po. At bubunghalit ako ng tawa kapag naiisip ko ang mga naglalakad na mesa at upuan.

 

Tatay, bakit po madilim ang gabi?

E, kasi anak, para malaman ng mga tao na kailangan nilang magpahinga at matulog. Isipin mo na lang kung puro araw, e di hindi ka na titigil sa paglalaro. Naku, pihadong pagod na pagod ka kapag nagkataon.

 

E, bakit po nakapikit ang tao kapag tulog?

E, kasi anak, kapag nakadilat yung mata natin kapag tulog, parati kang maiistorbo sa pagtulog ng mga nakikita mo.

 

Tatay, saging lang po ba ang punong may puso?

Naku, anak. Huwag kang maniwala sa sabi-sabi. Lahat ng puno at halaman ay may puso, kaya dapat alagaan mo sila.  

 

Kaya simula noon, paborito ko na ring alagaan ang mga alagang rosas ni Nanay sa bakuran.

 

Hangang-hanga talaga ako kay Tatay. Laging may handang sagot sa aking kakulitan.

 

Bakit kailangan ko pong uminom ng gatas?

Sabi niya, para ako ay lumakas.

Bakit kailangan ko pong kumain ng gulay?

Sabi niya, para ako ay maging malusog at matalinong bata.

Bakit kailangan ko pong maligo?

Sabi niya, para ako ay bumango at hindi dapuan ng mikrobyo.

Bakit po tuwing alas sais tayo mag-usap?

Sabi niya, iyun daw ang pinakamainam na oras dahil magkaiba ang oras namin. Umaga daw dito, gabi naman doon.

Paano po nangyari iyun? Umaga dito, gabi sa kabilang panig ng mundo?

Sabi niya, bilog kasi ang mundo at umiikot daw ito sa araw. Matututunan ko rin daw iyun kapag nag-aaral na ako.

Bakit kailangan ko pong mag-aral?

Sabi niya, para marami akong matutunan at magkaroon ako ng magandang kinabukasan.

Ano po ang magandang kinabukasan? Bukas na po ba iyun pagkagising ko?

Sabi niya, naku, maraming pagtulog at paggising daw ang kinabukasan. Ang mahalaga, mag-aral akong makabuti para makakuha ng mataas na marka.

Bakit po kailangan ng marka?

Kailangan ang marka para malaman kung nakikinig daw ako sa paaralan.

 

Maraming akong ikinukuwento kay Tatay. Marami rin siyang ikinukuwento.

Ipinapakita niya sa kompyuter ang mga laruan, tsokolate at damit na binili niya para sa akin at kay Nanay. Ikinukuwento ko naman agad ang mga iyun at nagpapasalamat kapag dumating na ang isang malaking kahon na puno ng kung anu-anong mga gamit sa bahay. Dagdag pa niyang kuwento ang pagkakarga niya sa akin noong sanggol pa lang ako. Kapag hindi ko matandaan, ipinapakuha niya sa akin ang mga lumang litrato na magkasama kami. Magkukuwento pa siya tungkol sa akin tulad ng pagtulog ko sa kanyang mga braso at pagpapalit ng lampin ko.

 

Pero minsan, may mga tanong akong natatagalan si Tatay sa pagsagot.

 

Tatay, hindi po ba kayo kasya sa kahon?

Ngingiti si Tatay tapos biglang magpupunas ng mata. Hindi ako kasya sa kahon, anak.

 

Umiiyak po ba kayo, Tatay?      

Anak, natutuwa lang ako at masaya ka. Nami-miss ka lang ni Tatay.

 

Tatay, nag-oopisina po ba kayo?

Oo, anak, nagtatrabaho si Tatay.

 

Bakit ang tagal po ninyong umuwi? Iyung Tatay ng kalaro ko, nag-oopisina rin pero umuuwi po tuwing gabi.

Mag-iisip ulit si Tatay. Ah, ganun ba. Kasi si Tatay, dito nga sa kabilang panig ng mundo nag-oopisina.  

 

Tatay, bakit diyan po kayo nag-oopisina? Matagal pa po ba kayo uuwi?

Mag-iisip ulit si Tatay. Dito ako nagtatrabaho kasi mas malaki ang suweldo. Para mas maganda ang kinabukasan mo. Di ba gusto mong maging doktor? Tutulungan ka ni Tatay para maging doktor. Para makapasok ka sa magagandang paaralan at mabili ko ang mga pangangailangan mo.

 

At pagkatapos, magpupunas ulit siya ng mata. Umiiyak nga siguro si Tatay.

 

Di bale, Tatay, ako na lang po ang sasakay sa kahon. Tutal, kasyang-kasya ako roon.

 

Pero, kahit ilang beses akong sumuot at makatulog sa loob ng kahon, nagigising lang akong kinakagat ng mga langgam. Naiwan siguro ako ng mamang nagdadala ng mga kahon papunta sa kabilang panig ng mundo.

 

Marami pang alas sais ng hapon ang nagdaan. Ikinuwento ko sa kanya ang mga nakikilala at natututunan ko sa paaralan. Marunong na akong bumasa, sumulat, gumuhit at magbilang. Hindi na lang alas sais ang alam kong oras sa orasan. Mula ala una ng umaga hanggang alas dose ng gabi.

 

Minsan, may takdang-aralin kami kinabukasan. Pinapaguhit kami ng bahay at pamilya ng aming guro. Alas sais na ng hapon, hindi ko pa tapos ang aking iginuguhit. Nagpaturo ako kay Tatay.

 

Naku, anak, parang may kulang sa iginuhit mo.

Hmm, tiningnan ko ang drowing ko. Alam ko na, kulang po ng mga puno. Nalimutan ko, napapaligiran pala ng mga punong-kahoy ang bahay natin. At gumuhit ulit ako.

 

Naku, anak, parang may kulang pa rin sa iginuhit mo.

Hmm, tiningnan ko ulit ang drowing ko. Alam ko na, kulang po si Bantay. At iginuhit ko ang alaga naming aso.

 

Naku, anak, parang may kulang pa rin sa iginuhit mo.

Hmm, tiningnan ko ulit ang drowing ko. May bahay, may bakod, may ulap, may bundok, may mga puno, si Nanay, ako at si Bantay.

 

Kumpleto naman po, Tatay. Ano pa po ba ang kulang?

Naku, anak. Magtatampo sa iyo si Tatay. Isipin mo ulit.

 

Hmm, tiningnan ko ulit ang drowing ko. Naku, tama, may nalimutan nga ako. Gumuhit ako ng isang parihaba at pinatungan ko ulit ng isa pang parihaba. Nilagyan ko ng mukha ng tao ang isang parihaba. Si Tatay, sa laptop, nasa kabilang panig ng mundo.

 

Napahalakhak si Tatay. Napatingin sa akin si Nanay. Tiningnan niya ang drowing ko. Napangiti rin siya. Yinakap ako at nagwikang –

 

“Anak, kahit nasa kabilang panig ng mundo si Tatay, mahal na mahal niya tayo. Ginagawa niya ang lahat para magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Hindi magiging kumpleto ang tahanang ito kung wala ang bawat isa sa atin. Lagi mo iyang tatandaan.”

 

Napatingin ulit ako kay Tatay sa kompyuter.

 

“Anak, may surpresa ako sa iyo. Uuwi na si Tatay sa Pasko. Uuwi na si Tatay sa Disyembre.”

 

Masayang-masaya ako sa narinig ko. Parang tumalon ang puso ko. Magkakaroon na naman ako ng bagong paborito. Ang paborito kong buwan ng taon – ang Disyembre.

 

Uuwi ang mahal kong Tatay sa Disyembre. Mayayakap ko na rin ang aking ama.

____________

(ang larawan ay mula sa yahoo images)

____________

Ito ang aking lahok para sa Kwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards 5.

Saranggola 336x280

dmci homes logo

Posted in: Kwentong Pambata