JOSEPH, SULAT NI KUYA BAGO KA MAG-ASAWA

Posted on Oktubre 15, 2013

4


Kamusta, ‘Tep? Kailan nga ba tayo huling nag-usap?

Ah, naalala ko na. Noong reunion ng pamilya natin nitong nakaraang Hunyo. Nagkukuwentuhan tayo nina Utoy sa sala, sabi mo, “Kuya,  mag-aasawa na pala ako.” Pagkatapos, iyung sagot ko lang yata, “Bakit sinasabi mo sa akin, ako ga si Ruby?” Natawa si Utoy. Natawa rin ako sa sagot ko. Malamang, hindi iyun ang inaasahan mo. Madalas kasi akong negatibo. Akala mo siguro, bobombahin na naman kita ng mga tanong na, Bakit, ilang taon ka na ga? May ipon ka na ga? Sigurado ka na ga? Di ga’t sabi ko sa iyo dati, magpaaral ka muna ng pamangkin? Akala ko ga, mag-a-abroad ka muna? Alam na ga iyan ng Tatay?

Nakahinga ka siguro nang maluwag dahil alam ko, alam mong minsan (o mas madalas pa nga yata), mas mahirap pang magsabi o magpaalam sa mga kuya at ate mo kaysa sa Tatay. Parang dumadaan sa panel interview. Pasensiya ka na, ganoon lang talaga kami.

Pero kung ganoon kaiksi ang sagot ko sa ‘yo noong gabing iyun, hayaan mo namang kausapin kita sa ganitong paraan. Usapang masinsinan, ‘ika nga. Hindi ko rin kasi maintindihan ang sarili ko kung bakit kengkoy at makulit ako sa personal, pero pagdating sa pagsusulat, sobrang emosyonal. Nabasa mo naman siguro iyung mga sinulat ko sa blog para sa Inay, sa Tatay, kina Ate Lanie, Kuya Erick, Ato, Jess at Utoy. May mga utang pa kong sulatin para kay Ate Cecille, Kuya Onie, Kuya Dennis at Jayson. Ganyan lang talaga ako magsabi ng nararamdaman. Sabi nga ng paborito nating anime hero na si Naruto,  this is my ninja way..

‘Tep, alam mo bang ikaw ang una kong kapatid na niregaluhan? Ganito iyun. Di ba, parehas tayong Marso ipinanganak? March 13 ka, March 10 ako. Walong taon iyung pagitan natin. Nasa ikatlong baitang siguro ako noon, at ewan ko ba, naiinggit ako sa mga kaklase ko kasi tuwing birthdey nila, namimigay sila ng mga kendi sa klase. Gusto ko rin sanang magpa-kendi kahit isang beses lang noong elementarya pero walang sobrang pera ang mga magulang natin para sa ganoong bagay.

Kaya naman, Enero pa lang, nag-ipon na ako. Pero ilang araw bago ang bertdey ko, nag-iba iyung desisyon ko. Hindi na ako magpapakendi, reregaluhan na lang kita. Naalala ko kasi, karga kita sa likod, tapos bibili tayo sa tindahan. Ang dami mong itinuturo, e hindi naman natin kayang bilhin. Puro malalaking chichirya, mahal na tsokolate at kung anu-ano pa. Pumapayag ka naman na tig-pipisong chichirya lang, pero iyung mata mo, nakikita ko talaga na mas gusto mong matikman iyung mga itinuturo mo. Kaya noong dumating iyung bertdey mo, lundag ka nang lundag. Hindi mo maintindihan kung paano mo uubusin ang isang kahong Cloud 9.

Siyanga pala, mahilig ka pa rin bang mag-basketbol? Ang saya siguro kung sina Ato, Jayson, Utoy, ikaw at ako ang magkakasama sa liga. Ang lakas siguro ng koponan natin.  Iyun nga lang, hanggang siguro na lang din iyun. Nakita mo naman na pinilit ko ring maglaro kahit paano, talaga lang yatang hindi para sa akin ang larong ito.

Magkagayon man, hangad kong malaman mo na ang buhay ay para ring basketbol. Tadtad ng paralelismo. At diyan naman ako magaling, hehehe. Sa paliwanagan.

Iyung mga fouls, travelling at iba pang errors sa loob ng court, isipin mong iyan din ang mga malilit na pagkakamali nating nagagawa. Mga mumunting pagkakamali pero kapag naipon na parang foul, may nakalaang kaparusahan. Kaya ang aral diyan, matuto tayong sumunod sa mga batas ng buhay.

Natatandaan ko rin, madalas kayong mag-jogging at magpapakondisyon bago maglaro. Pinaghahandaan ninyo rin talaga ang bawat sabak sa court. Kagaya ng buhay, dapat meron tayong game plan. Kailangang handa tayo sa bawat labang sinusuungan. Handa ang katawan, puso at isip. Pati na rin pala bulsa. Dapat may mga strategy na maaaring ilabas kapag hindi umubra ang ibang play.

Tandaan mong ang isang magaling na koponan ay hindi lang nakadepende sa iisang manlalaro. Diyan pumapasok ang teamwork. Sa kahit anong laro, o kahit sa trabaho, importante ang papel na ginagampanan ng bawat isa. Matutong makisama. Alam mo dapat kung kailan mo ipapasa ang bola, kung kailan ka magsu-shoot o kailan ka tatalon para sa rebound. Ganyan din ang paghawak ng responsibilidad.

Sabi nga, bilog ang bola. Minsan panalo, minsan talo. Ang mahalaga, marunong kang tumanggap ng resulta. Huwag na huwag kang magyayabang kung maging MVP ka sa karera mo. Lalong huwag kang bibitaw kung nakaranas ka naman ng pagkatalo. Tandaan mo, darating at darating ang pagkakataong kakailanganin mong ibigay ang lahat ng makakaya para sa isang championship. Matalo ka man, panalo pa rin sa karanasan. At ang mga karanasang iyan ang magpapatibay sa iyo.

‘Tep, salamat nga pala. Alam mo kasi, noong nag-aaral pa kayo at nasa ibang bansa ako, parati kong dasal, maging maayos ang buhay ninyong mga kapatid ko. Na sana maging inspirasyon sa inyo ang mga pinagdaanan nating hirap para umangat sa buhay. Iyung mga panahong kailangan nating magtinda ng suman sa buong nayon para lang may mabaon. O makinood ng tv sa kahanggan. O kaya naman ay mag-abot ng sulat sa tindahan para mangutang. Salamat at nakinig ka at nakatapos ka ng pag-aaral. Tingnan mo ngayon, nakakatulong ka na rin sa mga gastusin sa bahay.

Hindi ko rin malilimutan nang minsang nagtalo tayo, ipinamukha mo sa akin na Everybody is unique. Matagal ko na iyang alam, pinag-aralan ko pa iyan sa kurso kong Psychology. Pero, iba pala talaga ang dating kapag naisasabuhay kaysa sa nababasa lang. Mahilig kasi akong pangunahan kayo sa mga bagay-bagay. Na dapat ganito gawin, dapat ganoon. Pasensiya naman, gusto ko lang naman ay maging maigi kayo. Iba-iba nga pala tayong magkakapatid. Iba-iba tayo ng diskarte. Naalala ko tuloy ang sabi ng Inay (+), na kahit iisa ang pugad na ating pinagmulan, iba-iba pa rin ang pagkatao natin. Labing-isang anak, labing-isang hilig. Parang itlog yan na parati nating ulam noong mga bata pa tayo. Itlog lang pero iba-iba tayo ng luto. May nilabon (nilaga), may kasaw (scrambled), malasado, buo ang pula (sunny side-up) at sinuam.

Isa pa sa hinahangaan ko sa iyo, yang pagiging one-woman man mo. Ikaw na talaga. Ikaw nga lang yata sa ating magkakapatid na lalaki ang naka-isang girlfriend lang bago magpakasal. Natatandaan mo, parati kitang inuudyukan na humanap ng iba? Hindi dahil ayaw ko kay Ruby. Gusto ko lang maranasan mo na sumubok ng iba. Parati kong tanong sa iyo, hindi ba kayo nagkakasawaan? At natutuwa ako kung paano mo siya ipaglaban. Sa huling tingin ko sa facebook status niya, nakalagay “I may not have all I want in life but I am blessed enough to have all that I need. HAPPY 115th MONTHSARY to us!” Naka-tag sa pangalan mo. Pa-monthsary, monthsary pa kayo, wala na kayo sa high school. Hehehe. Biro lang. Ang totoo, bilib ako sa inyo. Mabibilang na sa daliri ang nagtatagal nang ganyan. Hindi naman siguro kayo aabot sa sampung taon kung hindi ninyo talaga mahal ang isa’t isa. Ibig sabihin, kaya ninyong sakyan ang topak at trip ng bawat isa. Congratulations!!

Siyanga pala, kailan nga ba ang kasal ninyo? Abril ba o Mayo? Malamang hindi ako makakauwi diyan sa Pilipinas. Alam mo naman ang buhay ng mga OFW, nakadepende pa rin sa among dayuhan kung kailan ang bakasyon. Ayos lang ba kung regaluhan ulit kita ng isang kahong Cloud 9? Iisipin pa namin ni Ate Pags mo kung anong wedding gift namin sa inyo. Pero ngayon, may limang bagay akong gustong sabihin sa iyo para mas magaan ang pagsasama ninyo. Alam mo kasi, kahit sampung taon na kayong magkasintahan, may mga bagay pa rin kayong matutuklasan kapag nagsasama na kayo sa iisang bubong. Maniwala ka sa akin.

1. Ang kasal ay isang kasunduan. Sabi sa Bibliya, sa Marcos 10:6-9

Ngunit buhat pa sa pasimula ng paglalang, ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at siya ay makikipag-isa sa kaniyang asawa. Ang dalawa ay magiging isang laman kaya hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.

Ang kasal ay isang sagradong covenant. Kahit anong mangyari, walang iwanan. Kahit anong pagdaanan ninyo, walang aayaw. Sa hirap at ginhawa. Kahit nagkakainisan na kayo, subukan mong balikan iyung mga rason kung bakit ninyo minahal ang isa’t isa. Napanood mo ba iyung pelikulang Fireproof? Mensahe ng pelikula, ang isang fire-proof na buhay-may-asawa ay hindi nangangahulugan na walang darating na sunog o apoy.. kapag dumating iyung mga pagsubok, kayang-kaya ninyong lagpasan lahat.

2. Tag-team kayong mag-asawa. Parang paglalaro natin ng wrestling noong mga bata pa tayo. Magkakampi kayo parati. Huwag mong hahayaang matalo ang kakampi mo, kasi ibig sabihin, talo ka rin. Kapag nanghihina ang isa, dapat handang umalalay ang isa. Huwag na huwag mong hayaang apihin o hamakin ng kahit na sino. Kapag pagod ang isa, nakahanda kang bigyan siya ng lakas. Halimbawa rin dito ang mga gawaing-bahay. Hindi pwedeng ikaw pa rin ang maglalaba pagkatapos magplantsa. Baka ka mapasma. Hehehe. Pwera biro, dapat parati kayong nagtutulungan sa lahat ng bagay.

3. Maging matalino kayo sa paghawak ng pera at kabuhayan. Matuto kayong mag-ipon. Hindi naman ibig sabihin na kapag nag-asawa na kayo, hindi na kayo tutulong sa mga pamilya ninyo. Tumulong kayo pero dapat alamin ang limitasyon. Baka kasi pati pambayad ninyo ng kuryente o pambili ng gatas ng magiging anak, maipautang ninyo pa. Away ang kalalabasan niyan. Outside the kulambo ka pagdating ng gabi. Kapag nangyari yan, balikan mo iyung una kong tip.

4. Parating magpasalamat at magsabi ng “I love you” araw-araw. Purihin mo pa rin ang maliliit na bagay na ginagawa niya sa ‘yo. Balikan ninyo iyung mga panahong parang nagliligawan pa kayo. Iyung parating da best ang ginagawa mo para sa kanya. Da best na pa-pogi at ni ayaw mong sumama ang loob niya. Kumbaga, dapat siya ang numero uno mong prayoridad.

5. Syempre, ang pinakamahalaga, dapat ang Diyos ang parating sentro ng relasyon ninyo. Hinding-hindi kayo maliligaw sa bagong kabanata ng buhay kung Siya ang hahayaan ninyong manguna sa lahat ng inyong plano.

‘Tep, iyan lang muna ang mabibigay kong mga tips sa buhay may-asawa. Iyung iba, ikaw at si Ruby ang makakatuklas ng mga ito. Alam ko namang kakayanin ninyo ang lahat upang makabuo ng isang masayang pamilya. Alam kong ang tahanang itataguyod ninyo ay kakikitaan ng wagas na pagmamahalan ninyo sa isa’t isa.

Noong buhay pa ang Inay, tinanong ko siya dati tungkol sa isang bungkos na mga binalot na tela. Labing-isang pirasong binalot na tela na nakalagay sa garapon. Sagot niya sa akin, nakalagay sa bawat telang iyun ang piraso ng pinutol na pusod nating magkakapatid. Pinagsugpong-sugpong iyon ng tali at inilagay sa garapon. Huling pagkakaalam ko, ibinaon na iyon sa lupa.

Bakit ko ito sinasabi sa iyo ngayon?

Dahil sabi niya, kahit anong mangyari, tayong magkakapamilya pa rin ang magtutulungan. Na dapat mabuklod tayo ng pagkakaisa at pagmamahalan. Ibig sabihin, kung kailangan mo ng tulong o kung ano pa man, andito kaming sampu mong kapatid kasama ang Tatay upang ikaw ay gabayan at damayan sa lahat ng oras.

O, paano, napapahaba na ang pagkukuwento ko sa iyo. Hanggang sa muli nating pagkikita. Salamat ulit at hayaan mong ako ang unang bumati sa inyo ng “Maligayang Kasal!!” Pagpalain nawa kayo ng Maykapal.

__________

lahok para sa Sanaysay para sa Saranggola Blog Awards 5.

Saranggola 336x280

dmci homes logo

Posted in: Kwentong Pugad