Iniluwal ang isang tahanan
Mula sa pag-iisang dibdib ng mga haligi at yero
Sa pulotgata ng semento at bato
Sa pagniniig ng mga kahoy at pako
Sa yakap ng mga dingding, kindat-silip ng mga bintana at pintong bukas-sarado.
Unang ipinasok ang Bibliya habang nakapila ang bigas, asin at asukal
Ang dalawang pinag-isa’y patnubayan nawa ng Maykapal.
Lumikha ng teatro ang kama, unan at kumot
Nagtanghal ang mga hubad na kaluluwa, saksi ang mga saplot
Sa pagbilog ng buwan, sa paghilab ng tiyan
Nagsayaw ang mga lampin sa sampayan
Yumakap sa mga haligi ang magiting na duyan
Habang tinatanaw ng tsupon sa paminggalan
Ang dalawang pinag-isa’y nadagdagan!
At nadagdagan,
At nadagdagan!
Naging lima ang plato, naging lima ang sepilyo
Lumaki ang kaldero, dumami ang baso
Sumibol ang mga laruan – manika at trumpo
Umusbong ang mga lapis, papel, bag at libro
Nag-ingay ang kusina, humalakhak ang sala
At ang palikuran, mistulang lansangang abala
Mga naghahabulang tsinelas, kanya-kanyang sukat
Sa bawat sulok ng silid, mga emosyong nagkalat.
Numipis ang pitaka, lumalim ang bulsa
Hanggang sa basagin ang huling alkansiya
Dumaan ang ulan, nagkabutas ang bubong
Nagparamdam ang lindol, nagkaguhit ang sahig
Datapwat ang tahanan ay nanatiling matatag.
Subalit ang tatag ay tuluyang sinubok
Sa pagitan at palitan, ng orasan at kalendaryo
Haligi’y nagkaanay, nalulong sa alak at sigarilyo
At napundi ang ilaw, sa huling pisi’y bumitaw.
Lumipad ang mga pinggan patungo sa sala
Lumipad ang plorera patungo sa kusina
Lumipad ang mga damit patungo sa pintuan
Kasunod ang maletang nagpadausdos sa hagdanan
Ng pangako at sumpa.
Ang dalawang pinag-isa’y muling nahati sa dalawa.
Kailan uuwi si Tatay? ang tanong ng bunso
Mahal po ba siya? ang tanong ng gitna
Kaya n’yo bang magpatawad? Ang tanong ng panganay
Kinapa ang pusong ilang gabing sakbibi ng lungkot at lumbay.
Minasdan ang litrato ng kasal na nakasabit sa dingding
Muling binalikan ang binitawang sumpa.
Habambuhay. Magkapiling.
Iniluwa ng pinto ang amang nakaluhod, tangan ay bulaklak
Tumakbo ang inang agad na yumakap
At muling nasaksihan, Pag-ibig na ganap!
Isa-isang humalik, nagpaalam ang mga taon
Isa-isang nagpakilala, kumupas ang mga mukha sa telebisyon
Ang mga luma at bago
Ang mga dati at uso
At ang mga larawan sa dingding ay saksi ng di maiiwasang pagbabago.
Nadagdag sa pedestal ang mga litratong nakatoga
Kasunod din ang mga larawang naka traje de boda
Lumipas ang panahon
Naglakbay ang karanasan
Naglayag ang buhay.
Lumikha ng sariling kaharian ang panganay
Nagtayo ng sariling palasyo ang gitna
Sumama sa kanyang bana ang bunso
Hanggang ang ingay ay unti-unting nawala
Sa munting tahanang sa kanya rin nagmula
Lumipad na ang mga inakay mula sa pugad
Habang ang dalawang pinag-isa’y naiwang malugod na nakatanaw.
Malungkot ang ngiti ng pustiso sa baso
May luhang pumatak sa salaming may grado
Ang gamot sa tokador ay may pait na anyaya
Habang nakasalampak sa mga tumba-tumba
Magkahawak-kamay na binabalikan
Samu’t saring salamisim, alaala ng nakaraan
Mumunting karanasang hinahagilap ng ulyaning diwa
Hatid ng dapithapon, pira-pirasong gunita.
Panaka-nakang dalaw ng bunga ng mga bunga
Pasilip-silip na bisita ng mga pamilyar na mukha
Kaybilis lumipas ng panahon
Mga kahapon at sandaling kaya sanang isilid sa garapon.
Ang kanyang kariktan na sadyang iniluwal
May pagtatapos na di maiwasang daratal
Mga hiningang hiram, nakatakdang mapigtal
Marami pang bukas, kaya pa bang sagutin ng dasal?
Gayong ang dalawang pinag-isa’y nakatadhana ring magpaalam
Sa isa’t isa at sa tahanang bantayog ng kanilang pagmamahalan.
Muling pagyamanin, nagkasundo ang mga supling
Ang lumang tahanan, muling pagandahin.
Bilang ugat. Bilang pugad.
Bilang kanlungan. Bilang alaala.
Ipinanganganak bang muli ang isang tahanan?
O nagbibihis lang siya ng bagong umaga?
Mula sa pag-iisang dibdib ng mga haligi at yero
Sa pulotgata ng semento at bato
Sa pagniniig ng mga kahoy at pako
Sa yakap ng mga dingding, kindat-silip ng mga bintana at pintong bukas-sarado.
Muling pumasok ang Bibliya habang nakapila ang bigas, asin at asukal
Ang pamilya ng bunso’y pagpalain nawa ng Maykapal.
____________
Lahok na tula para sa Saranggola Blog awards.
sobrang galing! kwento din ito ng pamilya nyo ano?hihihihi
sir rj, salamat po sa parating pagdaan.. tungkol sa tula, naku, hindi naman tungkol sa amin.. Yung emosyon lang siguro ang pagkakatulad gaya ng talambuhay ng maraming tahanan.. (ang labo ko ba? hehehe)
ang sarap basahin at ulit-ulitin… napapangiti ang isip
Sir Edong, kamusta po? Nahihiya po ako sa inyo, hehehe.. Dati pa po akong nagbabasa ng mga gawa mo.. yung inverse tutuldok pa yata yun.. 5 or 4 years ago pa yata. tama ba? Idol ko po kayo, hehehe.
Nagbasa-basa ako ng mga tula mula sa mga kapwa ko kalahok at isa ito sa dalawang pinaka naging paborito ko. Mahusay. Napangiti ako:-)
Salamat po.. Ang pagbisita sa gawa ng ibang mga kalahok ang gagawin ko sa mga susunod na araw.. Salamat sa SBA, nahahasa yung pagiging manunulat nating lahat.. magandang araw po..
Grabe, ang galing, sarap basahin.
Sir, Salamat po sa komento.. Talagang nakakataba ng puso..
hello, lipadlaya… ayiii, very graphic, very passionate, pili at ramdam ang mga salitang ginamit. your akda had me at first lines, ahihi. true, it’s more than putting together the yero and the bubong (umingles?), it is building lives together, storms, quakes and all… yan naman, hihi.. ‘kala mo, me alam, hakhak. ^^
a, basta, inspired writing ito. maraming good luck, kapatid. this is one of your writings at its finest, ahaha. babalik-balikan ko ito, kapatid. babasahin ng paulit-ulit. 🙂
happy weekend, warm regards. taglamig na raw ryan? 🙂