ANG MGA SUPERHERO SA BAYAN NG LAONG LAAN

Posted on Nobyembre 8, 2016

0


Sa lahat ng bayang nilikha ni Dakilang Bathala, katangi-tangi para sa kanya ang bayan ng Laong Laan. Pinagpala niya ang naturang lugar ng tatlong bundok, apat na ilog at labimpitong palayan.  Biniyayaan niya ang kalangitan nito ng dalawampung buwan at labinlimang araw na nagpapalitan alinsunod sa panahon ng anihan.

Masayang namumuhay ang mga naninirahan dito na kung tawagin ay Kayumanggi. Masipag magtanim ang mga magsasaka at magaling manghuli ng lamang-dagat ang mga mangingisda. Mahusay magpaputi ng damit ang mga tagalaba at masarap magluto ang mga tagaluto.

Dahil sa kasaganaan ng Laong Laan, maraming maliliit na diyos ang gustong manakop sa bayan. Hangad nilang mapasakamay ang pinakamagandang bayan sa sanlibutan.

Minsang umalis si Dakilang Bathala sa Laong Laan para bisitahin ang iba pang bayan, nakakuha ng pagkakataon ang diyos na si Katam. Dumating sa bayan ang matabang lalaking malaki ang tiyan, sakay ng makulimlim na ulap.

“Ako ang diyos na si Katam, ako ang siyang magiging bagong hari ng Laong Laan. Huwag kayong mag-alala, ipinapangako ko sa inyong hindi kayo mapapagod. Hindi ninyo na kailangan magbanat ng buto,” at sa isang iglap, ang buong bayan ay napalibutan ng makulimlim na ulap at napasailalim sa ispiritu ng katamaran.

Walang bumangon para magsaka. Walang bumangon para mangisda. Walang bumangon para maglaba. Walang bumangon para magluto.

Nakarating kay Dakilang Bathala ang pangyayari. Ngunit dahil abala pa sa kanyang ibang tungkulin, agad niyang sinugo ang alagad niyang superhero na si Super Sikhay, isang dalagang may sampung kamay.

“Ako si Super Sikhay, kakampi ng kasipagan, kalaban ng katamaran,” sigaw ng bagong dating sakay ng ipu-ipo.

At ang dalawa’y naglaban sa kalawakan. Nagpakawala si Super Sikhay ng malalakas na ipu-ipo laban sa makakapal at maiitim na ulap ni Katam. Lahat ng Kayumanggi ay nanood sa kanilang labanan. Maging ang mga buwan at araw ay naging saksi ng tagisan ng kanilang kapangyarihan.

Nanalo si Super Sikhay laban kay Katam. Muling nagliwanag ang kalawakan ng Laong laan at naitaboy ang madidilim na ulap.

Ang mga Kayumanggi ay bumangon mula sa mahabang paghiga at muling nagbalik sa kanilang ginagawa. Sa tulong ni Super Sikhay na may sampung kamay, muling nagsaka, nangisda, naglaba at nagluto ang buong Laong Laan.

Ngunit, pagkaraan lamang ng limang buwan, muling inatake ang naturang bayan.

“Ako si Lang-alam, ako ang siyang magiging bagong hari ng Laong Laan. Huwag kayong mag-alala, ipinapangako ko sa inyong hindi ninyo na kailangang mag-aral at matuto ng kung anu-ano pa,” sigaw ng lalaking parating nakatingala at naglalaway, sakay ng isang lumilipad na malaking papel.

Nagpakawala si Lang-alam ng mga blangkong papel na tumapal naman sa noo ng mga tao. At sila ay napasailalim sa ispiritu ng kamangmangan.

Ang mga magsasaka ay gumamit ng sagwan sa pagbubungkal ng lupa habang ang mga mangingisda ay gumamit ng araro sa pamamangka. Ang mga tagalaba ay gumamit ng sandok sa paglalaba at ang mga tagaluto ay gumamit ng palu-palo sa pagluluto.

Walang nag-isip. Walang nagtanong. Kahit si Supersikhay ay walang nagawa.

Nakarating kay Dakilang Bathala ang pangyayari. Ngunit dahil abala pa sa kanyang ibang tungkulin, agad niyang sinugo ang alagad niyang superhero, si Punong-Dunong, isang matandang lalaking may tungkod at may alagang kuwago.

“Ako si Punong-Dunong, kakampi ng karunungan, kalaban ng kamangmangan,” sigaw ni Punong-Dunong habang sakay ng lumilipad na higanteng aklat na ang mga pahina’y mistulang mga pakpak.

At ang dalawa’y naglaban sa kalawakan. Nagpakawala ang superhero ng mga titik mula sa tungkod papunta sa mga blangkong papel na itinatapon ni Lang-alam. Ang mga papel ay naging mga pahina, nagdikit-dikit at naging mga aklat.

Samantala, ang kuwago naman ang siyang nagtanggal sa mga blangkong papel na nasa noo ng mga tao. Tanging ang mga buwan at araw ang siyang naging saksi ng tagisan ng kanilang kapangyarihan.

Nanalo si Punong-Dunong sa kanilang labanan. Naitaboy nito si Lang-alam sakay ng punit-punit na malaking papel.

Ang mga Kayumanggi ay tila nagising mula sa isang mahabang pagtulog at muling nagbalik sa kanilang ginagawa.

Sa tulong ni Punong-Dunong, muling nag-isip ang mga tao sa Laong Laan. Muling nagsaka ang mga magsasaka gamit ang araro. Muling nangisda ang mga mangingisda gamit ang kanilang sagwan. Muling naglaba ang mga tagalaba gamit ang palu-palo. Muling nagluto ang mga tagaluto gamit ang sandok.

Ngunit, pagkaraan lang ng limang buwan, muling inatake ang naturang bayan.

Isang dambuhalang dragon na may tatlong ulo ang nagpadilim sa buong Laong Laan. Sa kaliwang ulo ng dragon ay nakatayo si Poot, isang pandak na lalaki na may dalang gitara. Sa kanang ulo ay nakatindig si Ganid, isang lalaking kuba na may dalang trumpeta. Sa gitnang ulo ng dragon, nakaupo naman ang balingkinitang bruha na si Ruwak. Sila ang magpipinsang diyos na balita sa buong bansa dahil sa kanilang kapangyarihan.

“Kami ang Itim na Magpipinsan,” sabay-sabay na sigaw ng mga ito. “Simula ngayon, kami na ang maghahari dito. Amin ang lahat ng bundok, amin ang lahat ng ilog at mga palayan. Amin ang Laong Laan.”

Takot na takot ang mga Kayumanggi lalo na nang magbuga ng apoy ang dragon. Nasunog nito ang mga bundok at palayan. Nasunog din nito ang mga bangka at araro. Nasunog din ang ilang kabahayan maging ang imbakan ng ani ng buong bayan.

Lumikha ng nakaririnding musika ang magpipinsan. Kumanta si Ruwak habang tumugtog ng mga instrumento sina Ganid at Poot. Nang marinig ito ng mga Kayumanggi, biglang nagbago ang kanilang mga ugali. Ang ilan ay naging magagalitin at nanira ng mga gamit. Ang iba’y nag-agawan sa mga natitirang pagkain at kagamitan. Ang ilan ay naging mga duwag at mahina ang loob.

At ang Laong Laan ay naging bayang watak-watak. Hindi nagtutulungan. Hindi nagdadamayan. Napuno ng sigawan, inggitan, awayan at iyakan ang buong bayan.

Pagkatapos maghasik ng lagim ang dragon, nagutom ito at hinabol ang mga buwan at araw sa kalangitan. Nagtago ang mga ito sa makakapal na ulap ngunit naabutan sila ng dragon. Kinain ng dragon na may tatlong ulo ang walong buwan at walong araw.

Nakarating kay Dakilang Bathala ang pangyayari. Ngunit dahil abala pa siya sa kanyang ibang tungkulin, agad niyang sinugo ang natitira niyang mga alagad, ang mag-anak na superhero. Ito ay kinabibilangan nina Kalasag, Bigkis at Kid Hinahon.

“Kami ang Super Pamilya. Sa ngalan ni Bathala, lalabanan namin ang inyong kapangyarihan,’ sigaw ng mag-anak habang sakay sa lumilipad na sarimanok.

Ang amang si Kalasag ay isang matipunong lalaki na may hawak na espadang tila kidlat. Ang inang si Bigkis ay isang magandang babae na may hawak na ginintuang lubid. Si Kid Hinahon naman ay isang batang lalaki na may pakpak at may dalang basket ng prutas.

Isang matinding sagupaan ang nangyari sa kalangitan ng Laong Laan. Sa kalawakan ay naglaban ang dragon sakay ang Itim na Magpipinsan at ang sarimanok na sakay naman ang mag-asawang Kalasag at Bigkis.

Samantala, si Kid Hinahon ay lumipad pababa sa mga tao at nagpakain ng mga prutas na nagtatanggal ng sumpa ng magpipinsan.

Nagpatuloy sa pagbuga ng apoy ang dragon habang pasirko-sirko naman sa kalawakan ang sarimanok sa pag-ilag. Naghabulan sila sa kalangitan ng Laong Laan. Papunta sa silangan. Papunta sa kanluran. Sa taas ng mga bundok. Sa ibabaw ng mga ilog.

Nang makakuha ng pagkakataon, lumundag si Kalasag sa katawan ng dragon at kaagad na itinarak ang espadang tila kidlat. Nanghina ang dragon. Nagpaikot-ikot ang sarimanok sa tatlong ulo ng dragon at nagawang igapos ni Bigkis gamit ang ginintuang lubid.

Nagwagi ang Super Pamilya sa kanilang labanan. Naitaboy nila sina Poot, Ganid at Ruwak sakay ng sugatang dragon.

At muling nagliwanag ang kalawakan ng Laong Laan.

Sa wakas, dumating na rin si Dakilang Bathala. Agad na nagpasalamat ang mga Kayumanggi dahil kahit abala ito sa iba niyang gawain, nagpadala siya ng mga superhero upang tulungan ang inaatakeng bayan.

Pinarangalan ni Dakilang Bathala ang kanyang mga alagad na superhero at hinikayat na pagyamanin ang katangian ng mga Kayumanggi.

Si Punong-dunong ay naglinang ng mga guro, inhinyero, doktor, abogado at arkitekto. Parati niyang paalala, ang talino ay ginagamit sa pagsisilbi sa kapwa.

Si Kalasag ang nagsanay sa mga sundalo, pulis at bumbero. Parati niyang paalala, ang tapang ay ginagamit upang ipagtanggol ang mahihina.

Si Super Sikhay ang nagsanay sa mga karpintero, barbero, tagalinis at iba pang mga manggagawa. Parati niyang paalala, anuman ang angking galing, ito ay dapat lakipan ng sipag at tiyaga.

Si Kid Hinahon naman ang nagturo sa mga Kayumanggi na maging mahinahon at disiplinado sa lahat ng ginagawa.

Ipinaalala ni Bigkis sa mga Kayumanggi na ang pagkakaisa ang susi sa tagumpay ng bayan.

Pagkatapos, umalis na rin ang mga superhero at bumalik sa kanilang pinanggalingan.

Mula noon, mas naging maunlad pa ang bayan ng Laong Laan. Bukod sa magsasaka, mangingisda, tagalaba at tagaluto, nakilala na rin ang buong bayan sa iba pang larangan.

Sa palitan ng labindalawang buwan at pitong araw sa kalangitan, lalong minahal ni Dakilang Bathala ang Laong Laan. Ang lahing Kayumanggi na may sipag, talino, tapang, kabaitan at pagkakaisa. At kahit may dumating pang kalaban, ang lahing Kayumanggi na mismo ang siyang magiging superhero ng Laong Laan sa gabay at patnubay ni Dakilang Bathala.

__________

Lahok para sa Kategoryang Kwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards 8.

Saranggola 336x280

Salamat sa mga sponsors

2dmci devicephilippines

2dp  lionhearttv

Posted in: Uncategorized