Mafi Mushkila

Posted on Nobyembre 9, 2016

1


Zawiyah, Libya. Hulyo 2014.

“WHERE IS THE DOCTOR HERE? WE NEED DOCTOR!”

Iniluwa ng salaming pintuan ng ospital ang humahangos na tatlong armadong Arabo. Nakasuot sila ng napakaruming jalabiyyah na hindi maipinta ang kulay, tadtad ng mantsa ng dugo at putik. Akay-akay ng dalawa sa magkabilang gilid ang matandang lalaking balbas-sarado na halos mawalan na ng malay, sapu-sapo ang tiyang may umaagos na dugo.

“WHERE IS THE DOCTOR HERE? WE NEED DOCTOR! WE NEED DOCTOR!”

Paulit-ulit na sigaw ng Arabong may pilat sa noo, iwinawagayway ng duguang kamay ang isang armalite. Samantala, ang nakababatang madungis na Arabo na may tangan ding baril ay garalgal na kinakausap sa Arabic ang may sugat sa tiyan.

Nahihintakutang pumunta sa isang sulok ang ilang mga pasyente at iba pang dinatnan. Dumiretso ang mga armado sa mga nakaputing nars, dalawang Pilipina at isang Indiyano. Napatda ang mga ito lalo na nang tutukan sila ng baril ng Arabong may pilat sa noo.

“GIVE ME THE DOCTOR NOW, OR I WILL KILL YOU ALL!” banta pa nito na nanlilisik ang mata.

“M-my f-fr-friend, c-calm p-please. N-n-n-no d-doc-doctor,” paputol-putol at nanginginig na paliwanag ng Indiyano.

“GIVE ME THE DOCTOR NOW!!!” muling sigaw ng Arabo.

“B-brother, all the doctors have left and only us nurses are here,” lakas-loob at walang gatol na sagot ni Leila. Pinipilit niyang pabagalin ang kabog ng dibdib dahil mukhang walang sinasanto ang mga kaharap. Iyun din naman ang katotohanan. Umalis na ang mga doktor, na halos mga expat sa hospital na iyun. Malamang, umuwi na sa kani-kanilang bansa.

“OKAY, YOU TREAT MY FATHER. IF HE DIE, I WILL KILL YOU,” sabay asinta sa Indiyano. Agad namang tumalima ang tatlong nars. Itinakbo nila sa emergency room ang sugatan. Sa balu-baluktot na English, ikinuwento ng nakababatang Arabo ang nangyari. Nasugatan daw ito sa engkuwentro laban sa kaaway na militia.

Pero nagsisimula pa lang linisin ng mga nars ang sugat ng matandang Arabo, nag-usap muli ang dalawang tulisan sa Arabic. Pagkatapos, tinutukan na naman sila ng lalaking may pilat sa noo.

“You two, come with me,” sabay turo sa dalawang Pinay.

Nagkatinginan si Leila at Anne. Napapikit si Leila. “Lord, heto na naman. Protect us please.” At nagdasal sa isip ang magkaibigan habang atubiling sumama sa tulisan.

**********

Ilang beses na kasi. Apat o limang ulit na ang ganoong tagpo. Mga armadong lalaking kasapi ng iba’t ibang grupo o militia ang papasok sa hospital. Dahil wala na ngang mga doktor, sapilitan silang isasama sa kuta kung saan may mga sugatang kasama. Maglilinis sila ng sugat habang naririnig ang mga putukan sa labas. Magtatanggal sila ng bala sa katawan ng mga tulisan habang niyayanig ng bomba ang paligid. Magtatahi sila ng balat habang may mga nakahandusay sa sahig, may mga batang umiiyak sa tabi ng mga walang-buhay na magulang. “Sister, Mafi Mushkila”. Sasabihin sa kanila ng mga Arabo. Lahat iyun ay kinakaya nila kasabay ng tahimik na panalangin na makawala sa kalunos-lunos na kalagayan.

Subalit, may sasaklap pa pala sa mga nagdaang araw. Mas nakakatakot ang karanasan nila ngayon.  Pagkatapos nilang gamutin ang isang tulisan, isang Arabo ang bigla na lang sumunggab kay Anne. Tinutukan ng swiss army knife ang leeg at nilamas ang suso ng nars. Samantala, ang Arabong may pilat sa noo, humihiyaw at parang nagmumura. Umiiyak sila parehas ni Leila. Nagmamakaawa. Naglalaro sa isip nila kung manlalaban ba o magpapaubaya na lang.

“Sadiq, please.. No.. Allah.. Allah,” pagsusumamo  ni Leila at binanggit pa ang pangalan ng Diyos ng Islam. Tuloy sa paglamas ng suso ang tulisan. Hinalikan pa ang tainga ng umiiyak na dalaga. Dumating ang pinakalider ng militia at bumunot ng baril.

BANG!

Umalingawngaw ang putok ng baril kasabay ng mahabang sigaw ni Anne.

Sabog ang ulo ng bumagsak na manyak na tulisan. Tumilamsik pa ang dugo sa mukha at katawan ng nabastos na nars. Mas lumakas ang panginginig at paghagulhol nito na napasalampak sa sahig. Agad namang niyakap ni Leila ang kaibigan. Napuno ng pula ang puting uniporme nila.

Samantala, umalis ang lider na parang walang nangyari. Bumakat pa ang sapatos sa dugong kumalat sa sahig.

**********

Parang basang sisiw ang magkaibigan nang ihatid ng mga tulisan sa hospital. Agad silang tinanong ng mga kasama sabay abot ng tubig at tinapay (na bigay rin ng ilang Arabong pasyente). Sa pagitan ng mga hikbi, isinalaysay nila ang nangyari. Binalikan ang tagpong ni sa panaginip ay hindi kabalik-balik. Habang inaalo sila ng ilan, dumating ang isang Pinoy na nars. Tuluyang binagsakan sila ng langit at lupa sa isa na namang masamang balita. Binomba na rin daw ang Tripoli Airport, ibig sabihin imposible na ang mga flights papasok at palabas ng Libya.

Sama-sama silang nagmakaawa sa opisina na ibigay ang kanilang mga passport. Nakipagmatigasan pa ang Libyan na supervisor at nakikiusap na huwag umalis dahil kailangang-kailangan sila ng hospital. Subalit, buo ang loob ng mga Pinoy. Di na nila kayang tiisin pa ang kawalang-kasiguruhang kalagayan. Wala na nga yatang pag-asang maging stable pa ang bansang kinaroroonan.

Muling nagtangkang tumawag si Leila sa Philippine Embassy. Mabuti at nakakuha siya ng signal. Humingi siya ng tulong para sagipin ang 14 nars na nakulong sa Az Zawiyah Hemodialysis Hospital. Ang sagot ng nasa kabilang linya, imposible raw. Imposible dahil wala ng madaanan by land. Sarado raw ang mga highway. Wala raw silang helicopter or jetski para gamitin. Napamura ang ibang Pinoy sa narinig. Gaano kasakit ang maipit sa giyera? Higit sa putukan at pagsabog, walang mas sasakit pa sa katotohanang walang sasagip sa kanila. Pinakamasakit na proseso ang maghintay. Maghintay kung alin ang mauuna – si Kamatayan o ang isang Himala.

Kinagabihan, nagpasya sina Leila at Anne. Wala silang choice. Manatili o umalis ng hospital, mamamatay sila. Pero kung may 1% na chance para makauwi, tataya sila sa napakaliit na porsyentong iyun. Inihanda nila ang kani-kaniyang backpack. Passport, cellphone, pitakang may 500 dinar, dalawang pares na damit, dalawang mineral water at tinapay lang ang isinuksok.

Pero mas inihanda nila ang sarili. Suntok man sa buwan ang paglikas, singlaki naman ng araw ang babaunin nilang pananampalataya bukas.

**********

Madaling-araw na pero hindi pa rin humuhupa ang maiitim na usok mula sa nasusunog na oil depot na nagsimula pa kamakalawa. Lakas-loob na lumabas ng hospital ang magkaibigan at sinubukang maghanap ng masasakyan. Kutob at dasal ang pinaiiral habang nagkukubli sa mga gilid ng bahay. Kung tingin nila ay mabait ang drayber ng sasakyan, lumalapit sila. Kung tingin nila ay masama, agad silang dumadapa at nagtatago. Subalit, ang paghahanap ng bayani sa ganitong digmaan ay parang paghahanap ng karayom sa bunton ng dayami.

Isang puting kotse na may drayber na nakajalabiyyah at pasaherong nakaitim na abaya ang nakita nilang papalapit. Patakbo nila itong sinalubong, nakataas ang mga kamay upang ipakitang wala silang dalang armas.

“Please, please help us. Bring us to Philippine Embassy,” pagmamakaawa nila.

“No. Not possible. Big problem,” sunod-sunod ang pag-iling ng drayber.

Lumapit ang dalawa sa tapat ng bintana kung saan nakaupo ang nakaabaya.

“Madam, please help us. Bring us to Philippine Embassy, p-please,” umiiyak na ang dalawa. Tumingin ang Araba sa kasama, nag-usap at nagkasagutan sa Arabic. Nakakunot ang drayber na binuksan ang pinto. Umiiling-iling at paulit-ulit na sinasabing big problem, big problem. Ang magkaibigan ay agad na umupo sa likod ng sasakyan at iniabot ang isang piraso ng papel.

Philippine Embassy, KM 7 Gargaresh Road, Abu Nawas Tripoli, Libya

Dahil sarado ang mga highway, sa mga gilid-gilid na mga kalsada sila dumaan. Pasikot-sikot sa mga sulok at eskinita. Mas tumambad pa sa kanila ang karumal-dumal na kalagayan ng bansa. Mga nagkalat na katawan sa daan. Mga abandonadong gusali. May mangilan-ngilang mukha na sumisilip sa mga wasak na kabahayan. Mistulang mga ghost town.  Sa isip ni Leila, nasaan kaya ang Diyos sa panahon ng giyera? Bakit hinahayaan Niyang mangyari ang mga walang kwentang digmaan?

Pagkatapos ng mahigit dalawang oras, nakarating sila ng Tripoli.

Mahirap mang unawain, alam niya, kumikilos pa rin ang Diyos. Katibayan ang mag-asawang Arabong tumulong sa kanila.

**********

Philippine Embassy. Tripoli, Libya.

Halu-halong mga Pinoy ang dinatnan ng magkaibigan. May mga engineer galing Benghazi, mga office workers galing sa Murqub, mga laborer galing sa Jafara at kung saan-saan pang baladiyat. Iba-ibang mukha pero iisa ang hitsura. Sa mga mata nila makikita ang takot. Sa mga galaw nila masasalamin ang pangamba. Sa mga pag-uusap, naroon ang agam-agam. Lahat sila, iisa ang panalangin. Ang makauwi nang ligtas para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas. Lahat sila’y umaasa na hindi bingi ang Diyos upang pakinggan ang kanilang pakiusap.

Maayos at mabilis ang aksyon ng mga staff sa embahada. Walang segundong hindi busy ang telepono sa pagsagot ng mga tawag. May mga nagbibigay ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan. May nag-aasikaso ng mga travel documents para sa higit dalawang daang OFW na naghihintay ng aksyon mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Kahit pansamantala, nakadama ng kaligtasan ang mga kumanlong, nakasilay ng kahit kaunting pag-asa. Para kay Leila, mas maayos na dito kaysa sa Al Zawiyah. Pinagdarasal na lang niya ang mga naiwan sa hospital na makipagsapalaran din, katulad ng ginawa nila ni Anne.

Pagkalipas ng tatlong araw, nagkaroon sila ng de-briefing tungkol sa repatriation plans. Hinati sila sa mga batches na susubukang umuwi. Pinaliwanag sa kanila ng labor attache ang planong pagtawid gamit ang daan sa Egypt. Lahat nakatutok sa mapa ng Libya at white board na magdidikta ng magiging kapalaran nila. Ipinakita ang mga crucial points at mga strategy sa bawat conflict. Ang pagkain at tubig na dadalhin. Ang pagsusuot ng diaper sa biyahe. Kailangang maging kalkulado ang mga salita at galaw. Wala silang kakampi kundi mga sarili. Ang bawat kilos ay sugal na may mapait at mabigat na taya. Hindi iyun pananakot. Mapait at mabigat na taya. Iyun ay paghahanda.

Dahil walang kasiguruhan ang komunikasyon, binibigyan sila ng pagkakataong makausap ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Mistulang last words ng nahatulan ng death penalty. Sa dalawampung minuto, sasabihin ang lahat ng pamamaalam. Lahat ng mga bilin. Lahat ng paghingi ng tawad. Lahat ng kabiguan ng pangarap. Huling mahal kita, Itay. Huling mahal kita, Inay. Huling I miss you, anak. Huling I love you, mahal. Huling. Mahal. Kita. ANG SAKIT-SAKIT SA KALOOBAN. Mabigat sa dibdib ang mga salitang binibitawan. Parang mga bombang inihuhulog ng langit direkta sa gusali ng puso. Magpapakabait kayo. Magtutulungan kayo. Magdarasal kayo. Na nawa ay magkita pa. NA NAWA AY BUMUHOS NG HIMALA.

Pagkaalis ng unang batch, nagsimula silang mag-prayer vigil. Nagbasa ng Koran ang mga Muslim. Nag-praise and worship ang mga Born Again Christian. Nagrosaryo ang mga Katoliko. Kumatok sa lahat ng santo maging ang mga Pilipinong noon lang tatawag sa Diyos.

Pagkatapos ng mahigit sampung oras, muli silang nagkaroon ng de-briefing. Nakatanggap sila ng balita na may pinugutan ng ulo sa unang batch ng 45 Pinoy. Nanlumo ang mga nakikinig. Napasigaw ang karamihan. Napasuntok sa upuan ang ilan. May hinimatay pang isang kabayan.

Mabilisang Plan B ang inilatag para sa pangalawang batch. 45 lalaki at dalawang babae – sina Leila at Anne. Ibang ruta ang tatahakin nila. Sa Tunisia sila dadaan. Nagdalawang-isip pa si Anne kung tutuloy dahil parang sila na mismo ang naghahatid ng mga sarili sa hukay. Pinalakas ni Leila ang loob ng kaibigan. Kailangan nilang sumuong at ihanda ang kalooban sa mangyayari. Kailangan nilang makaalis ng Libya ASAP. Sa ganitong digmaan, kahit ang panahon ay hindi nila kakampi.

Pinapalakas niya ang loob ng kaibigan pero sa kaibuturan ng puso niya, unti-unti na rin siyang nilalamon ng takot. Gumagapang ang karuwagan sa buo niyang katauhan. Handa na nga ba siya?

Alas onse ng gabi, tumawag siya sa Pilipinas at nakausap ang mga magulang at kapatid. Parang ang haba na parang ang iksi ng dalawampung minuto. Humingi siya ng tawad. Iyak. Kausap niya ang nanay niya. Hikbi. Nagsasalita ang tatay niya. Hagulhol. Nagpaalam siya sa kapatid. Tungayaw. Hindi niya alam kung paano lumabas ang mga salita sa nagsisikip niyang dibdib. Lumilipad ang kanyang ulirat. Wala siyang hinangad noon kundi mapaayos ang kanilang bahay. Wala siyang ninais noon kundi mapatapos ng pag-aaral ang kapatid. Wala siyang inasam noon kundi magkaroon ng konting puhunan. Wala siyang pinangarap noon kundi mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.

Ngayong sandali, wala siyang ipinagdarasal kundi ang huwag matapos ang dalawampung minuto. Na sana tumigil sandali ang oras. Na sana huminto ang patak ng segundo. Dahil wala siyang gagawin kundi pakinggan ang tinig ng mga taong karugtong ng hininga niya.

Subalit, sadyang traydor ang panahon. Tapos na ang oras. Ang mga tinig ay alaala na lamang.

**********

Alas sais ng umaga sila umalis sa embahada. Lulan ng abuhing bus, magkatabi sila sa upuan ni Anne. Hinawakan niya ang kamay nito. Malamig at basa sa pawis. Umiiyak ito pero walang luhang dumadaloy. “Bes, sorry,” malat ang boses na yumakap sa kanya. Yinakap niya ang kaibigan.

Si Anne kasi ang nag-aya sa kanya na mag-apply sa agency sa Maynila. 60,000 pesos plus accomodation ang offer sa mga nars na maha-hire para sa rehabilitation ng Libya pagkatapos ng Libyan Civil War. Inakala ng lahat na magkakaroon na ng political stability ang naturang bansa matapos mapabagsak ng National Transitional Council militants (sa tulong ng North Atlantic Treaty Organization) ang rehimen ni Muammar Gaddafi. Pero wala pa silang isang taon sa Az Zawiya Hemodialysis Hospital, muling namayani ang kaguluhan dulot ng mga magkakaribal na militia at jihadist groups na nagnanais pamunuan ang bansa.

Pagkalipas ng pitong oras, inabisuhan sila ng drayber na may checkpoint. Kaagad tumakbo sa bahaging likuran ng bus ang dalawa. Binalaan kasi sila ng embahada na baka dukutin sila at pagsamantalahan. Mabuti na lang at maliliit ang biyas nila kaya nagkasya sa ilalim ng upuan. Tinakpan sila ng ilang gamit ng mga kasama.

Habang nakahiga sa sahig, narinig ni Leila ang mga estrangherong yabag at boses. Binibilang niya ang tibok ng puso niya. Gusto niyang damhin ang bawat pintig at bawat pulso. Hindi niya alintana ang magkahalong amoy ng pawis at ihi ng katawan. Binibilang niya ang mga gunita. Totoo palang kapag nasa bingit ni Kamatayan, babalik sa isip ang nakaraan. Parang black and white na flashback sa mga pelikula. Ang panahon ng kabataan niya sa Bauan. Ang pag-aaral niya sa Lyceum. Ang pagpasa niya ng board exam. Ang tamis ng relasyon at sakit ng break-up sa una niyang boyfriend. Ang pagtatrabaho niya bilang volunteer nurse sa Batangas Provincial Hospital. Pati na ang tagpong inihatid siya ng pamilya sa NAIA. Lumilipad isa-isa ang mukha ng mga taong naging bahagi ng buhay niya. Parang dahong napipilas sa puno, tinatangay ng hangin palayo.

Nakarinig siya ng putok ng baril. Isa. Dalawa. Kinagat niya ang labi para hindi mapasigaw. Bawal gumalaw. Bawal gumawa ng kahit anong ingay. Parang tumigil ang kanyang paghinga. Kung mamamatay man siya ngayon, parang sanggol siyang magbabalik sa Maylikha. Naka-fetal position. Walang dala maliban sa katawang natigib ng paghihirap ng digmaan.

Narinig niya ang papalapit na mga yabag at boses papunta sa likuran ng bus. Tumapat sa pwesto nila.

Handa na siya. Ipinikit ang basang-basang mata. Umusal ng dasal.

**********

Pilipinas. Agosto 2014.

Ganito ang headline ng mga pahayagan noong panahong iyun:

DFA confirms Filipina nurse, abducted, raped in Libya – Inquirer

Pinoy, Dinukot, Pinugutan sa Libya – Philstar

May Passport o Wala, OFWs sa Libya, Ililikas– Remate

***

Ganito naman ang pahayag ng DFA Secretary sa press conference sa Malacañang:

“The President has this policy that nobody gets left behind. We are trying to pull out as many people as possible.”

Kaugnay iyun ng lumalalang conflict sa Libya at pag-akyat sa Crisis Alert Level 4 ng naturang bansa. Ibig sabihin, mandatory repatriation program na ang isinusulong para sa libu-libong OFW naipit sa giyera. Inilalatag din ang planong pag-arkila ng barko para sunduin pa ang mga stranded na kababayan.

***

Ganito naman ang balita sa mga tv stations:

“Parang bangungot po ang nangyari sa amin. Halos 24 oras kaming nagbiyahe using Tunisia way. Sa bawat checkpoint, hinihingan kami ng pera. Yung iba, kinukuha po ang mga pagkain at tubig. Kapag hindi kami nagbigay, nagpapaputok po sila ng baril. Nakakatakot po talaga. ‘Kala ko nga po, di na kami makakatapak dito sa Pilipinas,” kwento ng isang evacuee na kabilang sa ikalimang batch ng distressed OFW na lumapag sa NAIA. Ipinapakita pa sa reporter ng ABS-CBN ang mga kuhang larawan at video ng mga pagsabog.

“Nagpapasalamat po kami sa Embassy, sa DFA na nag-asikaso ng mga travel documents namin sa Tunisia,” saad ng isang may-edad na evacuee habang kinakapanayam ng GMA reporter. “Ang problema lang po namin ay kung anong trabaho ang naghihintay sa kagaya namin dito sa Pilipinas.”

Tinapos ng GMA reporter ang naturang ulat sa mas malumanay at seryosong tempo.

“Ngayong nakauwi na ang mga kababayan natin mula sa digmaan sa Libya, isang panibagong giyera na naman ang kanilang susuungin. Digmaan ng kahirapan, digmaan ng malabong kinabukasan sa sariling bayan.”

**********

Bauan, Batangas. Pebrero 2015.

“BES, BES! NAKARYAN KA GA, BES?”

Iniluwa ng kalawanging gate ng isang lumang bahay ang humahangos na balingkinitang dalaga. Nakasuot ito ng maiksing shorts at pulang damit na may tatak na Somebody in Qatar Loves Me. Sumisigaw ang dalaga habang tangan sa kaliwang kamay ang isang cellphone. Patakbong pumasok ng bahay at nadatnan ang kaibigang natutulog sa sofa.

“LEILA!!!”pasigaw na bati nito. “Gumising ka na diyan, nasa Tunisia na tayo, hahaha,”dagdag pang biro.

“Anu ga? Agang-aga’y palahaw na,”napabalikwas ng bangon si Leila.

“Tumawag sa akin ang kuya sa Qatar. Hiring daw ngay-on duon ng mga nars. Pumunta daw tayo duon sa agency.”

“Tunay ga iyan,Anne? Baka aku’y kung saan-saan mo na naman yakagin, a.”

“Aba, ay di are ang sagot ni Lord sa ating prayers.”

Sa narinig ay napaluha si Leila. Pagkatapos ng himalang naranasan nila sa Libya, batid niyang may biyayang muling ibibigay ang Diyos. Batid niyang hindi natutulog ang Diyos para kalingain ang Kanyang mga anak.

“Sige, bes, bukas makikipagsapalaran uli tayo.” Hinawakan niya ang kamay ng kaibigan.

At tulad ng dati, singlaki ng araw ang babaunin nilang pananampalataya. Mafi Mushkila, may Diyos silang kasama.

Talasalitaan:

Abaya – kasuotan ng babaing Libyan

Baladiyat – distrito

Jalabiyyah –kasuotan ng lalaking Libyan

Mafi Mushkila – Walang problema

Sadiq – kaibigan

__________________

Para kay Leslie

                                                   

Lahok na Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 8.

Saranggola 336x280

Maraming salamat sa mga sponsors:

2dmci  inquirer  devicephilippines

2dp  lionhearttv