1. HINDI LANG ITO KARATULA
Hindi lang karatula ang aking dala-dala:
Ito ay pulso ng masang naiwan sa laylayan
Para sa mga nakaupong gahaman sa kapangyarihan.
Ito ay alingawngaw ng mga tribo sa ilang
Sa pagtaboy sa kanila mula sa lupang kinagisnan.
Ito ay dugo ng mga magsasakang nadilig sa lupa
Umuusal ng reporma, bigas hindi bala.
Ito ay hinagpis ng Inang Kalikasan
Dumadaing sa kabayaran sa paghabol sa kaunlaran.
Ito ay sagisag ng watawat ng bansa
Sumisigaw, nagtatanggol sa kanyang soberanya.
Ito ay tinig ng mga manggagawa
Umaamot ng dagdag sa karampot na kita.
Ito ang hinaing ng lahat ng henerasyon
Sa dekadang suliranin sa transportasyon.
Ito ang plumang hindi papipigil
Sa paglikha ng kasaysayang tumutubos sa hilahil.
Hindi lang karatula ang aking dala-dala:
Ito ay agos ng laya.
Ito ay tula ng mga tanikala.
Ito ay awit ng may piring na madla.
Ito ang himig na nagmumulat.
Ito ang diwang nanggugulat.
Ito ang tabak ng mga panatag.
Ito ang buklod ng mga wasak.
Ito ang sagot sa mga katanungan.
Ito ang tanong sa mga kasagutan.
Ito ay kamalayang nag-iisa.
Ito ang banyuhay na ninanasa.
Ito ang liwayway na tinatamasa.
Ito ang pagbabagong hinahangad.
Ito ang pagbabagong sinasalungat.
Ito ang simbolo ng paghulagpos.
Ito ang kilapsaw ng mapayapang pagkilos.
Ito ay babala ng paparating.
Ito ay batingaw na nanggigising.
Ito ay ningas ng damdamin.
Ito ang sama-samang panalangin sa panahon ng ligalig at dilim.
Sapagkat
Hindi lang karatula ang aking dala-dala:
Bitbit ko ang bunga at aral ng kahapon
Tangan ko ang regalo ng ngayon
Nasa kamay ko ang larawan ng bukas.
Dahil
Hindi lang karatula ang aking dala-dala:
Hawak ko ang mga iniingatang prinsipyo
Mga paniniwalang kumupkop sa aking pagkatao
Mga idolohiyang nag-aapoy sa puso.
Samakatuwid
Hindi lang karatula ang aking dala-dala:
Dala ko ay ako, ang aking pagka-ako
Mula dito hanggang dulo
Ako ang karatula
Ang karatula ay ako.
2. DIGMAAN NG MGA KARATULA
(i)
May digmaan sa pagitan / sa lupon ng karatula
Sanga-sangang kahulugan / iniluwal ng haraya
Sapin-saping kaisipan / may orihinal at hiram
Buhul-buhol na pananaw / kinalat sa sangandaan.
(ii)
May digmaan sa pagitan / sa lupon ng karatula
Pulang dugo ang sinulat / ipinunla ng kaliwa
Dilaw na paniniwalang / inihasik ng kabila
Kayumangging naiipit / naguguluhan sa gitna.
(iii)
Panatikong pipi’t bulag / sa lisya at alibugha
Sanga-sangang kahulugan / iniluwal ng haraya
Sinasambang pulitiko / doble-kara’ng katauhan
May kritikong matatabil / na nagdudunung-dunungan.
(iv)
Sa lansangan ang sumbungan / sa daan ang himagsikan
Taas-noo, hawak-kamay / kapit-bisig na paglaban
Sapin-saping kaisipan / may orihinal at hiram
Sila-sila, tayo-tayo / mga pwersa’t tunggalian.
(v)
Sanggang-dikit ‘pag panalo / Talu-talo pagka talo
Mga tuso at hunyango / kapit-tuko’t balat-kayo
Kumupas na karatula / kinain ng kasakiman
Buhul-buhol na pananaw / kinalat sa sangandaan.
(vi)
Kinalat sa sangandaan / buhul-buhol na pananaw
May orihinal at hiram / sapin-saping kaisipan
Iniluwal ng haraya / sanga-sangang kahulugan
Sa lupon ng karatula / may digmaan sa pagitan.
3. NAGBABAGANG KARATULA
May naisulat na bang antolohiya ng hapis at pasakit
Mga kalunos-lunos na kalagayang sa bayan ay sumapit?
May nalimbag na bang mga kuwento ng kumpol ng mga luha
Mula sa gabing nagluwal ng patay sa kalsada?
Mga katawang bininyagan ng di-makatarungang karatula
Mga kaluluwang itinambal sa bawal na droga
Sa galaw ng mga panginoong huwad na naghukom
Bumulid ng epikong sa kanila ang ayon.
Nagbabaga ang karatulang kumot ng mga bangkay
Nakapapasong dahilan ng pagkakahati ng balangay.
***
May naisulat na bang antolohiya ng mga tula
Ng mga tumpok ng lagot na mga hininga?
Madidilim na mga kabanata ng kinitil na istorya
Ang malupit na berdugo ang naglapat ng lagda.
Kung paanong ang lansangan ay dinilig ng dugo
Kung saan ang mga mata’y binulag ng punglo
Kung bakit ang mga bibig ay binubusalan
Kung kaninong mga tainga ang bingi sa katotohanan
Kung kailan nagbago ang moralidad at lipunan
Patayan na nga ba ang bagong pamantayan?
Itinatambad ng karatula ang nagnanaknak na sugat
Ang nanlaban, ang nag-utos, ang sinulat at sumulat.
***
May nalipon na bang tangis ng mga ina?
May nalikom na bang hinagpis ng mga ama?
May naipon na bang palahaw ng mga anak?
May naibungkos na bang mga pagbabalak?
May natipon na bang panghihinayang?
May naitala na bang pakikialam?
May nakurot na bang mga konsensya?
May nakuha na bang simpatiya?
May lakas ba ng loob na nabubuo?
May tapang na bang pinakukulo?
May nagkalos na ba ng salop ng pagtitimpi?
May nagpigtal na ba ng mga pisi?
May nagputol na ba ng pagsasawalang-bahala?
May nagsindi na ba ng sulo ng pag-asa?
Dahil kung kulang pa…
Dahil kung wala pa…
Panahon na marahil upang tayo ay magpasya.
________
Lahok para sa Saranggola Blog Awards.
Salamat din sa mga sponsors.
</div>