The Veritas Project: Mga Mungkahi Kung Paano Lalabanan Ang Fake News

Pasukin natin ang mundo ni Pekto.

 

Maaga siyang gumising para pumasok sa trabaho. Kaagad niyang hinanap ang cellhone niya. Alas sais pa lang. May oras pa para mag-browse ng facebook. Magugulantang siya sa dami ng masasamang balita. At dahil siya ay isang concerned citizen, nararapat lang na gawin niya ang tama. May pag-aalala niyang tinext ang mga kaibigan niya na i-off ang cellphone mula 10:30 am hanggang 3:00 pm dahil malakas ang cosmic rays sa mga ganitong oras ngayong araw. Sabi ni Kuya Kim, masama raw ito sa kalusugan at pwede pang ikamatay.  Nanginginig ang kamay niyang minessage ang kuya niya sa Qatar dahil nakatututok na raw ang mga missiles ng Saudi papunta sa naturang bansa. Pinayuhan niya ring mag-imbak ng maraming pagkain dahil nagkakaubusan na sa mga grocery. Mapapausal siya ng “Diyos Ko” dahil nabalitaan niya ring napasok na ng mga terorista ang probinsiya nila. Dali-dali niyang tinext ang mga kamag-anak niya na mag-ingat at maging alisto. At lalo siyang magugulat dahil patay na sina Jackie Chan at Vic Sotto. Bakit kailangang sabay pa silang mamatay? Mapapaisip siya, bakit puro masasamang balita na lang ang nangyayari sa mundo?

 

Nag-browse pa siya ng ibang balita. Mabuti na lang at may bagong post ang sinusubaybayang blogger, naireport nito ang mabilis na pagsasaayos ng Marawi pagkatapos ng digmaan. Iba pa rin talagang mamuno si Pangulong Duterte, ang lider na itinuturing ng lahat na best president in the universe. Naalala niya tuloy ang kaibigan niyang si Berto. Nagtatalo kasi sila dahil sa palagay naman nito, mas magaling pa rin daw ang dating Pangulong Ferdinand Marcos dahil naging golden age ang Pilipinas sa pamumuno nito. Ang dahilan naman niya, iba kasi kung suportado ng Bise-Presidente, hindi tulad ni VP Leni na nagpabuntis pa kung kanino at nagra-rally pa kung saan.

 

Lahat ng mga isiping iyan ang naglalaro sa isipan ni Pekto mula paggising habang nag-aayos ng sarili at habang nagbi-biyahe papunta sa opisina. Sinigurado niyang nai-share ang mga ito para maging mulat ang mga tao sa mga pangyayari. Mga ulat na hindi ibinabalita ng biased na media. Tsk, tsk, iba na talaga ang mundo ngayon, napapailing pa siya.

 

Pero lalo siyang napailing nang pagdating niya sa opisina, nakita niyang nakasarado pa ang mga pinto. Alas nuwebe na a. Patay pa ang mga ilaw. Wala pang tao. Ibig sabihin, walang pasok?

 

Naalala niya ang text ni Berto kagabi kaya kinuha niya ang cellphone. Nag-type. “Ulol u, Berto! Your such a fake pipol.” Message sent. At umuwi siya ng bahay nang may namumuong galit sa kaibigan.

 

Siya si Pekto. Isa siyang FNV. Fake News Victim. Huwag natin siyang tularan.

 

*****

Tayo ngayon ay nabubuhay sa tinatawag na digital age. Salamat sa teknolohiya, ang bawat gawain ay isang pindot lang. Ang lahat ng impormasyon ay kayang mapasakamay sa loob lamang ng isang segundo. Ngunit sa kabila nito, ito rin ang panahon na nagsilang ng panibagong kalaban ng mundo.

 

Kaya nitong magpasimula ng hidwaan. Kaya nitong magnakaw ng yaman at panahon. Kaya nitong kumitil ng buhay. Kaya nitong sumira ng pagkatao. Kaya nitong lumikha ng pangamba at kaguluhan, kaya nitong magpaikot ng mundo. Isa siyang hunyango, mapagbalat-kayo. Ito ang Fake News, isang makapangyarihang halimaw sa bagong milenyo.

 

Pero paano nga ba malulunasan ang pagkalat ng lason ng huwad na mga balita?

 

Sa Pilipinas, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) 10951, isang batas na nag-amiyenda sa Revised Penal Code at nagpapataw ng mas mabigat na kaparusahan sa sinumang mapatunayang nagkakalat ng fake news. Umaasa ang lahat na dahil sa naturang batas, mas mapipigilan na ang pagpapakalat ng mga huwad na balita.

 

Kamakailan lang, nagsampa ng kaso si Senator Trillanes laban kay Mocha Uson dahil sa post ng blogger tungkol sa tagong yaman diumano ng senador.

 

Kamakailan lang, ipinatawag naman ng Senado ang ilang mga bloggers (Thinking Pinoy at Mocha Uson) kaugnay ng mga posts nila sa kani-kanilang blog.

 

Kamakailan lang, lumantad naman sa publiko si Jover Laurio, ang blogger sa likod ng Pinoy Ako Blog upang bigyan tuldok ang alegasyon ng ibang blogger na si Cocoy Dayao ang may-ari ng blog niya. Inaakusahan din kasi siyang nagpo-post ng mga fake news gayong may mga resibo siya sa kanyang mga bukas na liham.

 

Kamakailan lang, nagpadala si Mocha Uson ng sulat kay Communications Secretary Martin Andanar upang sampahan ng kaso ang taong nagpakalat ng misleading photo na ginamit niya mismo sa sariling blog.

 

Lahat ng mga ito ay may kinalaman sa isyu ng pagpapakalat diumano ng fake news. Ang tanong lang ng bayan ay may malinaw nga bang larawan na nabubuo pagkatapos ng mga pangyayaring ito.

 

May biruan sa amin sa Batangas, “mas malabo pa sa sabaw ng pusit, mas malabo pa sa baha’’. Suskupu Rudy, kasihan nawa tayo ng Greek Goddess of Communication na si Iris!

 

*****

Sa wikang Latin, ang Veritas ay nangangahulugan ng Katotohanan. Kaya naman, malugod kong inilalatag sa inyo ang The Veritas Project na naglalaman ng ilang mga mungkahi kung paano masasawata ang pagkalat ng fake news.

  1. Pagpapakalat ng mga infographics, leaflets at listahan ng mga fake sites sa matataong lugar tulad ng mrt/lrt at mga ads sa mga dyaryo at iba pang babasahin. Mas mainam kung naisulat ang mga ito sa Filipino.
  2. Kung nakagawa ang Kagawaran ng Kalusugan ng mascot ni Yosi Kadiri at ang Philippine National Police ng mascot ni General Bato, mas matatandaan natin ang kampanya laban sa Fake News kung may mascot tayo. Tatawagin nating itong si Kuwago bilang simbolo ng katotohanan.
  3. Magkakaroon ng tour si Kuwago sa buong bansa (paaralan, malls, at iba pa) upang magbigay-impormasyon sa pagpigil ng pagkalat ng fake news. Nawa ay maisingit din ng mga guro ang pagtuturo sa mga kabataan tungkol sa matalinong pagsusuri ng mga balita.
  4. Gumawa ng jingle, yung catchy na kanta, tulad ng mga natatandaan ko pang jingle ng gamot sa sakit sa balat (Hi Ho Hi Ho, Skin Lagot kayo) o yung sa iodized salt (Iodized salt, iodized salt, Mag-iodized salt tayo). Natural, sasayawin ito ni Kuwago para may dating, may recall sa masa.
  5. Alam kong pati mga malalaking media company ay naging biktima rin ng mga ganitong huwad na balita kaya maigi ring magkaroon ng bahagi sa News program nila na Fake News Alert, sa gayon ay magkakaroon ng ideya ang mga tao na hindi lahat ng balita na nababasa, naririnig at napapanood ay totoo. Bahagi ng paghahatid ng katotohan ang pagsisiwalat sa mga peke at nakakalokong balita. Maigi rin kung may documentary ng mga dating nagtatrabaho bilang content writers sa mga fake sites mula recruitment, sweldo kada artikulo, at iba pang detalye. Gayundin, magkaroon ng panayam sa mga taong naging biktima ng fake news.
  6. Iminumungkahi ko rin na magkaroon ng ads ang mga tv stations tungkol sa fake news. Natatandaan ko na may patalastas ang ABS CBN para sa kampanya laban sa droga kung saan mga kabataang artista ang nagsasalita. Isang magandang ideya kung mga news anchors ng bawat istasyon at kasapi ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas ay gagawa ng ganitong kampanya. Kumbaga, sama-sama at nagkakaisang kilos ng lahat ng mga kasapi ng media. Hindi ba’t kaygandang panoorin ang isang patalastas na magkakasama ang mga batikang tagapagbalita ng ABS-CBN2, GMA7, IBC13, PTV4 at ABC5 kasama pa ang mga pamilyar na boses sa radyo?
  7. Sa mga personalidad na may laksa-laksang followers, maisip nawa nila ang paggawa ng video challenge. Yung may impact at social relevance hindi lang dahil sa pagkain ng sobrang anghang na noodles, baby shark (at iba pang sayaw-sayaw challenge) at kung anu-ano pang trend.
  8. Napakahusay na pakulo ang ganitong paligsahan sa mga bloggers. Kung tapos na ang patimpalak, nawa ay maging paraan ito para sa mga blogging alerts/challenges/awards na may mga temang umiikot sa pagiging BAFN = Blogger Against Fake News at mag-tag ng iba pang bloggers na gumawa ng post tungkol dito. Blogging for a cause, ‘ika nga.
  9. Sa mga matatabang utak na kayang gumawa ng mga meme, nawa ay maisip nilang gumawa ng makukulit na mga memes at videos tungkol sa pagsasawata ng pagkalat ng fake news. Sobrang nakakaaliw ang paggamit nila ng mga sikat na tv shows sa Pilipinas.

 

Subalit, aminin man natin o hindi, ang mga nabanggit na mga mungkahi sa itaas ay masyadong ideal, grand o ambisyoso. May papatol ba sa ganyang mga suhestiyon? Makarating kaya sa kanila ang The Veritas Project?

 

  1. Kaya nga, higit sa lahat, sa ating sarili pa rin nagsisimula ang lahat. Nasa ating mga kamay pa rin ang kontrol. Parati kong ginagawang halimbawa na tayong mga tao ay tulad ng buhangin, na pwedeng maging puwing o maging bahagi sa pagbuo. Nasa atin ang pagpili.

 

At kung napili mong maging kabahagi ng responsibilidad, inilalatag ko naman ang pagkakaroon ang konseptong 3M at 3K.

 

*****

Ang 3M ay mga ugaling dapat nating taglayin sa pakikipaglaban sa mga huwad na balita.

 

Una, maging mapanuri. Truth Seeker, sabi nga. Matuto tayong kumilatis beyond face value. Yung mga sa unang tingin ay talaga namang mapupukaw ang interes natin. Di ba ganyan tayo sa serbisyo at produktong pinipili natin? Hindi porke maganda, mabilis at mura ay dapat pasado na sa ating panlasa. Panlabas na anyo lang kumbaga. Bilang matalinong consumer, kalidad pa rin ang hanap natin, hindi ba? Ganyan din dapat ang pagtingin natin sa balita. Iproseso natin ang nababasa, napapanood at napapakinggang balita.

 

Sa pagbibigay-kahulugan nagsisimula ang lahat. Ito ang magtuturo sa atin kung saan tayo lulugar at kung paano tayo magre-react. Parang sa relasyon. Kung hindi ka asawa o bf/gf, bakit ka galit na galit kapag may kasama siyang iba? May label. May limitasyon.

 

Iba ang depinisyon ng balita. Iba ang layunin ng opinyon. Iba ang teritoryo ng satire.

 

  • Balita – ito ang pangyayaring sumasagot sa mga tanong na sino, kailan, paano, saan at bakit. Walang halong bola at kinikilingan. Neutral at objective.

 

Kung naaapektuhan tayo ng balita, huwag tayong magalit sa tunay at lehitimong tagapagbalita. Walang personalan, trabaho lang.

 

  • Opinyon – ito ang palagay, mungkahi o pananaw ng isang tao ukol sa isang tao, bagay at pangyayari.

 

Kung naaapektuhan tayo ng mga nalathalang opinyon, subukan nating tingnan ang kanyang POVs. Baka naman nga may point.

 

  • Satire – ito ang mga artikulo ng pang-uuyam upang magpatawa, maglibang o pumuna ng isang institusyon, sitwasyon o tao gamit ang eksaheradong mga salita, sitwasyon at halimbawa.

 

Kung naaapektuhan tayo ng mga ganitong artikulo, hanapin muna natin sa ating sarili ang nawawalang bahagi nito. Minsan, sense of humor lang talaga ang kailangan natin.

 

Kung nahihirapan pa rin, narito naman ang 3K, ang tatlong salaan ng pagsusuri.

 

  1. Kapani-paniwala – Too good to be true?  Madalas ang mga may kahina-hinalang pamagat ay kahina-hinala namang talaga. Kailan ba naisulat? Gumamit ba ng mga taong matagal ng patay tulad ng komento ni Einstein tungkol sa facebook? Palasak ba ang paggamit ng mga salitang pinaka- tulad ng best president in the universe?
  2.  Kredibilidad– Sino ang nagsulat? Balanse ba o may pagkiling sa isang partido? Sagad-butong paninirang-puri ba o sagad sa buwang pagbubuhat-bangko? Kamusta ang mga dating artikulo? Gumagamit ba ng tamang larawan at bidyo? Tama ba ang gamit ng balarila (grammar) at baybay (spelling)?
  3. Konkreto– Ang artikulo ba ay pwedeng ibangga sa iba pang mga balita? May consistency ba ang mga datos/detalye na maaring ikumpara sa ibang mga source? May mga resibo at sanggunian bang ginamit for cross-checking at validation?

 

Pangalawa, maging mapagmatyag. Maging online police tayo. Kapag may mga nakita tayong kaibigan o kakilala na nagkakalat ng fake news, paalalahanan natin sila. Baka nakakalimot sila at masyado lang nadadala ng emosyon. Rebuke with love. Private message muna baka kasi mag-away pa kayo nang todo. Kung may mga napatunayan tayong fake news, ireport natin yung post o account. May ganyang feature ang mga social media sites. Huwag nang tangkain pang ikalat at ipabasa sa iba.

 

Gayundin, suportahan natin ang mga taong naglalakas-loob na manunog ng mga kilalang tagakalat ng fake news. Sila yung mga taong bumabanat pero may resibo ng mga nagdaang balita at screen shot ng mga naunang pahayag. Kalasag ang katotohanan. Kakampi ang kasaysayan.

 

Pangatlo, maging mapagmahal. Parang ang layo naman. Pero ganito yan, kapag mahal natin ang ating bayan, iwasan natin ang pagkakalat ng basura (fake news) sa internet na nagiging dahilan ng lalong pagkakahahahati-hati, kaguluhan at bangayan. Ayaw naman nating maging bansa tayo ng fake news. Igalang at mahalin natin ang ating mga pinuno, subalit dapat alerto rin tayo sa mga ginagawa nilang kapalpakan lalo na kapag nagbubulid ng kasinungalingan. Mahalin natin sila pero hindi tayo dapat bulag o pipi sa kanilang kamalian. Ang totoong pagmamahal ay may pagtingin sa katotohanan. Sabi nga, ang katapatan natin sa isang pinuno ay natatapos kapag kapakanan na ng bayan ang pinag-uusapan.

 

Isa pa, mahalin natin ang ating sarili. We are what we post on social media. Extensions ng mga sarili natin ang ating mga social media accounts. Kaya think before we click, iiwasan natin ang mga bagay na maaaring sumira sa ating integridad, pagkatao, pamilya at trabaho. Ayaw nating mabansagang panatikong hindi nag-iisip o taong hindi nagtitimbang ng mga bagay-bagay.

 

*****

Minsan, kailangan nating balikan ang mga kinamulatang istorya ng ating kabataan na nagtuturo sa atin ng katotohanan at katapatan.

 

Para sa mga madaling mahikayat ng magaganda at mabulaklak na mga balita, alalahanin natin si Snow White na kumain ng mansanas at napahamak. Ganyan ang mga fake news – may nakaambang panganib.

 

Para sa mga mahilig magkalat ng huwad na balita, maalala nawa natin ang istorya ng The Boy Who Cried Wolf. Dahil sa kakakalat natin ng fake news, darating ang panahon na wala nang maniniwala sa atin. Sabi nga ni Abraham Lincoln, “You can fool all the people some of the time, and some of the people all the time, but you cannot fool all the people all the time. ”

 

Para sa mga lider ng bansa, maalala nawa natin ang kwento ni Pinocchio na humahaba ang ilong kapag nagsisinungaling. Isipin nating mas makapangyarihan ang mabuting gawa kaysa sa buladas ng tampalasang dila. Ang lipunan ay may salamin na ihaharap sa iyo upang bantayan kung magkatugma ang kilos at salita mo.

 

Para sa mga pinunong napapaliligiran ng mga taong nagbibigay ng maling impormasyon (fake news), balikan nawa natin ang istorya ng The Emperor’s New Clothes. Hindi lahat ng sinasabi ng mga adviser, consultant at bloggers ay totoo. Ang iba’y kapit-tuko lang talaga sa pwesto, nagpapabango at nagpapalapad ng papel. Matutong timbangin ang papuri at kritisismo.

 

*****

Ayon kay Buddha, tatlong bagay lang daw ang hindi maaaring itago: ang araw, ang buwan at ang katotohanan.

 

Naniniwala pa rin akong magtatagumpay tayo laban sa halimaw na Fake News. Dahil balutin man sila ng kung anu-anong palabok at pira-pirasong pulot sa internet, lilitaw at mananaig pa rin ang Katotohanan. Veritas vincit, ‘ika nga.

 

___

Lahok para sa Saranggola Blog Awards.

Saranggola 336x280

Salamat sa mga sponsors.

  1. Cultural Center of the Philippines –  http://culturalcenter.gov.ph
  2. Device Philippines – http://device.ph

 

Advertisements

One comment

  1. Masasabi ko na ito ang pinakakumprehensibo sa mga nakita kong lahok para sa espesyal na kategorya ng SBA ngayong taon. Mahusay, at sa tingin ko ay hindi naman sobrang grandiyoso ang mga mungkahi mo, pwedeng-pwedeng gawin kung may magkukusa.

    Thumbs up!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s