PAULIT-ULIT, PAIKA-IKA

Hindi ko malilimutan ang araw ng pagpapakilala ng bago naming kaklase. Kumpara kasi sa ibang kababata, kakaiba ang kanyang pagkilos at pagsasalita.

Ganito siya nagpakilala.

“Ako po si Ricky. Siyam na taong gulang,” pambungad niyang salita habang nagkakamot ng ilong, kumikindat at kinikilig.

“Mula po kami sa Maynila,” sabay kamot ng ilong, pagkindat at pagkilig, “Pero, simula po ngayon, dito na kami titira sa probinsya.”

Nagtawanan ang buong klase namin. Ngayon lang kasi kami nakakita ng batang paulit-ulit ang ginagawa.

Pinaupo siya ng guro namin sa bandang likuran at lalo akong nagtaka sa kanyang ginagawa.

Maya’t maya siyang nagkakamot ng ilong, kumikindat at kinikilig kahit hindi na siya nagsasalita.

Tatanungin ko sana kung bakit, pero ako ay nahiya.

*******

Lumipas ang mga araw, walang batang nakipagkaibigan sa kanya. Pero maraming bata ang tumitingin kay Ricky, pagkatapos sila ay magbubulungan at magtatawanan.

Magsusulat si Ricky. Magkakamot ng ilong.

Magbabasa si Ricky. Kikindat ng mata.

Magbibilang si Ricky. Kikilig ang balikat.

Hindi rin siya inaayang maglaro man lang. Mahirap nga sigurong kalaro ang batang paulit-ulit na nagkakamot ng ilong, kumikindat at kinikilig.

 *******

Dumaan pa ang mga linggo, habang may pagsusulit kami isang umaga.

Si Ricky ay may bago na namang ginawa.

Bigla siyang sumipol, sumigaw ng wohoo at hahaha.

Muling nagtawanan ang klase at nagtaka.

Si Ricky ay sumipol, sumigaw ng wohoo at hahaha.

Paulit-ulit. Maya’t maya. Paulit-ulit. Maya’t maya.

Hanggang lapitan siya ng guro at pinalabas ng silid-aralan. Sa aming pagsusulit, isa raw siyang kaabalahan. Dinala siya sa lilim ng isang puno at doon niya tinapos ang pagsusulit habang sumisipol at sumisigaw.

*******

Lumipas ang mga buwan, habang gumagawa kami ng seatwork isang umaga.

Si Ricky ay may bago na namang ginawa.

Tinapik-tapik niya ang kanyang lamesa. Paulit-ulit. Maya’t maya.

Hanggang hindi nakatiis ang kanyang katabi. Kumunot ang noo at saka yamot na nagsabi,

“Ano ka ba, Ricky, nakakainis ka na. Bumalik ka na lang kaya ng Maynila?”

Napahiya si Ricky. Pero patuloy pa rin sa kanyang ginagawa.

“Pasensya ka na pero hindi ko talaga sinasadya.”

Tinapik-tapik niya ang lamesa. Paulit-ulit. Maya’t maya.

At halos lahat ng kaklase ko ay sabay-sabay na nagwika, “Ang kulit-kulit. Nakakainis. Nakakayamot. Nakakairita.”

At noon nga nagsimula ang panunukso ng ibang bata sa kanya. Ginagaya nila ang mga ikinikilos ni Ricky pati ang pagsipol at pagsigaw ng wohoo at hahaha.

Paulit-ulit din nilang pinagtatawanan ang paulit-ulit na kakatwang galaw ni Ricky.

Noon din ako nagkaroon ng lakas ng loob na lumapit sa kanya. Alam ko kung gaano kalungkot ang ganung pakiramdam.

“Hayaan mo na sila, masasanay ka rin sa panunukso nila,” nahihiyang payo ko sa kanya.

*******

Subalit, isang araw, hindi pumasok si Ricky. Wala na kaming kaklaseng nagkakamot ng ilong, kumikindat at kinikilig.

Dumaan pa ang isang araw, hindi pa rin pumasok si Ricky. Wala na kaming kaklaseng tumatapik ng lamesa.

Dumaan pa ang isang araw, pero hindi pa rin pumasok si Ricky. Wala nang sumisipol, sumisigaw ng wohoo at hahaha habang nagkaklase.

At ang buong klase ay bumalik sa dating gawi.

*******

Muli akong naging sentro ng tukso at katatawanan.

Ako nga pala si Arman, isang bata ring may kapansanan. Hindi kasi pantay ang aking mga paa. Sa paglalakad, ako ay paika-ika. Sa takbuhan, ako raw ang pinakalampa. Ito ang dahilan kung bakit ako madalas mag-isa at nahihiya.

At noon ko naalala ang iba pang ginawa ni Ricky.

Tinulungan niya pala akong magbuhat ng iba kong mga gamit. Kapag may nahuhulog akong lapis at papel, siya kaagad ang unang lumalapit. Binigyan niya rin pala ako ng baon niyang juice at sandwich.

Naalala ko si Ricky, hindi lang pala siya batang may ginagawang paulit-ulit. Naalala ko si Ricky, siya ang kaklase kong matulungin at mabait.

*******

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Ricky sa aming paaralan. Kasama niya ang kanyang mga magulang. Pumunta sila sa aming silid-aralan at doon ipinaliwanag ang kanyang kalagayan. Kumonsulta raw sila sa mga espesyalista.

Si Ricky pala ay may karamdaman. Mahirap nga lang tandaan ang katawagan.

Kurot syndrome daw. Mali, Turot syndrome daw. Mali yata. Mahirap bigkasin, mahirap tandaan.

Ah, alam ko na! Tourette syndrome ang tawag sa kanyang kalagayan.

Tic daw ang tawag sa paulit-ulit na ginagawa ng kanyang katawan.

May bahagi raw sa utak ni Ricky na na siyang dahilan ng pagkibot ng mga kalamnan.

Para daw itong pagbahing o paghatsing na mahirap pigilan.

Mayroong tinatawag na motor tics gaya ng pagkakamot ng ilong, pagkindat at pagkilig, pati na rin ang pagtapik o paghampas sa lamesa o upuan.

Mayroon din namang tinatawag na vocal tics gaya ng pagsipol, pagsigaw at pag-uulit ng salita.

Wala raw gamot sa ganoong kapansanan. Ang hiling lang nila ay maunawaan naming magkakaklase na hindi kontrolado ni Ricky ang kanyang ginagawa. At huwag maging dahilan para awayin o tuksuhin namin si Ricky.

Noon ko nalaman na parehas pala kami ni Ricky.

Ako si Arman na kung lumakad ay paika-ika.

Siya si Ricky na paulit-ulit ang ginagawa.

Ang aming kapansanan ay wala pang lunas ngunit hindi naman nakakahawa.

Hindi dapat gawing bagay na katawa-tawa.

Parehas kami ni Ricky, kaya’t kami ay naging magkaibigan.

*******

Pagkalipas naman ng ilang araw, pagkatapos naming umawit ng Lupang Hinirang at manumpa ng Panatang Makabayan, nagsalita ang aming punong-guro. Ipinaalala niya na walang lugar sa aming paaralan ang mang-api ng kapwa at mangutya. At ang mapapatunayan daw niyang nambu-bully ay may katapat na parusa.

Isa pang balita ang kanyang inihatid. Magkakaroon daw ng choir ang aming paaralan. At ang mga mapipili ay aawit sa simbahan. Ang koro ay bukas sa lahat ng batang sa pag-awit ay may kakayahan.

Ikinatuwa ng maraming bata ang naturang panawagan. Mahaba ang pila ng mga batang gustong sumali sa choir ng paaralan. At syempre, sumali rin kaming magkaibigan.

Ako si Arman, paika-ikang naglakad ay umawit ng kantang nagpaindak sa lahat. Kaysaya sa pakiramdam na ako ay matanggap.

Sumunod si Ricky na nagpakilala. Sa bawat pagsasalita ay nagkakamot ng ilong, kumikindat at kinikilig ang balikat.

Paano kaya siya makakaawit nang buo gayang sa bawat pagsasalita ay may paulit-ulit siyang ginagawa?

Namangha ang lahat nang kumanta na si Ricky. Siya kasi ang may pinakamahusay na tinig sa lahat ng batang sumubok umawit. At lalong kahanga-hanga na sa kanyang buong pag-awit, pansamanatalang nawala ang mga kakatwang kilos niyang paulit-ulit.

 *******

Nasasabik ang mag tao sa aming unang pagtatanghal. Lahat kaming miyembro ng choir ay nakasuot ng puting sutana. Hindi nila pansin na di pantay ang aking paa.

Ang napansin nila ay ang husay ng aming pagkanta, lalo na nang mag solo ang aking kaibigan.

Si Ricky na paulit-ulit ay paulit-ulit na pinalakpakan.

Ako ang lubos na nasisiyahan. Natutuwa ako sa mga bagong kaganapan.

Napalitan ng paghanga ang pangungutya sa aming magkaibigan.

*******

Ako si Arman na kung lumakad ay paika-ika.

Siya si Ricky na paulit-ulit ang ginagawa.

May taglay man kaming kapansanang kakatwa,

May angking husay rin naman kaming nagagawa.

 

Paulit-ulit. Maya’t maya. Hangad namin ay pag-unawa.

Paulit-ulit. Paika-ika. May pagkakaibigan kaming nalilikha.

 

_______

Lahok para sa kategoryang Kwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards.

Saranggola 336x280

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s