TATLO PARA SA IKATLO

  1. CHOPSTICKS

“Ano na naman, ‘to, ‘Coy?” bungad ko sa naghihintay.

Ngumiti ka lang sabay abot ng menu.

“Coy, wag mo ‘kong daanin sa ngiti. Di ba ikaw na yung nagsabi na hindi pwede? Na ang kutsara para sa tinidor. Ang kaliwa para sa kanan. Ang dami mong references ng pares, Coy, tapos, eto ka nagpaparamdam ulit?”

“Buntis si Claire,” deretso mong sagot na ngumingiti.

“Coy, please lang. Huwag ka ngang ngumiti nang ganyan. At anong kinalaman ko kung buntis dyowa mo. Kukunin mo kong ninong? Siraulo. Tapos uutang ka ng pambili ng gatas, ganun?”

“Hindi ako ang ama,” Ngumiti ka na naman.

Kumunot ang noo ko. “Coy, wag ka ngang ngumiti. Para kang gago.”

“Break na kami. At least, siya yung dahilan,” ngumiti na naman ang mokong. Kumindat pa.

Umiwas ako ng tingin. Kunwaring may hinahanap sa menu. Eyekeng kelegen.

“Pagod na ‘ko masaktan, Coy.”

“Handa na ‘kong sumugal, Vin.” Kinuha mo kamay ko. Inabot yung chopsticks. “Bagong reference ko ng pares.”

Dumating yung order mong sushi at tempura. Kumain tayo. Sadya bang matamis ang wasabi dito?

“Vin, siyangapala, hingin mo mamaya yung chopsticks natin, a. Ipapa-frame ko.”

At. Muli. Akong. Nabihag. Sa. Iyong. Mga. Ngiti.

 

  1. SKETCHPAD

Naluluhang bumalik sa kanyang opisina ang biyudang kongresista mula sa plenary hall kung saan nagdiriwang ang mga kasama sa makasaysayang pagpasa ng SOGIE Bill. Agad niyang binuksan ang drawer ng mesa, kinuha ang sketchpad na parating tinitingnan kapag nag-iisa. May patalim na hinuhugot sa puso niya kapag naaalala ang lahat.

*****

“Sunshine, listen to me, this is just a phase, ganyan din ako noon bago ko nakilala yung daddy mo.”

“Ma, iba ka, iba ako.  Whether you accept it or not, ito ang totoong ako.”

Iyun ang pinakamainit na sagutan nila ng bunsong anak.

Iyun na rin pala ang huli. Huling sulyap at huling pagkukulong nito sa kuwarto. Dahil pagkalipas lang ng isang gabi, malamig na katawan na nito ang yayakapin niya.

Samut-saring isipin ang lumilipad sa diwa niya noon – reputasyon, kandidatura, media, tomboy, suicide.  Hindi niya matandaan kung paano niya hinarap isa-isa.

*****

Inisa-isa niyang binuklat ang mga drawings ng bunso. “Shin, patawad.”

Natigil siya sa pag-iyak nang tumunog ang cellphone niya. Tawag mula sa panganay na babae.

Tiningnan niya ang huling drawing- 2 batang babae sa ilalim ng bahaghari. Bumabalik sa kanya ang lahat.

Samut-saring isipin ang lumilipad sa diwa niya ngayon. Pero bago ang lahat, pipiliin niyang maging mas mabuting ina.

 

  1. IKATLONG PILA

 Sa paraiso, pagkatapos ng mahabang-mahabang panahon, mula nang lumabas sa kawayan sina Malakas at Maganda, ipinatawag ni Bathala ang kanyang mga nilikha. Natuwa siya sa hugis, laki at kulay ng mga tao. Pinapila niya ang mga ito base sa kanyang pagkakaunawa noong una niyang gawa.

Halos magkasinghaba ang Una at Ikalawang Pila. Samantala, may ilang mga nilikha na gumawa ng sariling pila.

Naguluhan at nagtaka si Bathala. Lumapit siya sa mga ito habang ang mga nilalang sa Una at Ikalawang pila ay may iba-ibang reaksiyon – galit, tuwa, pagtanggap at pangungutya.

“Anong kahulugan ng pilang ito?” tanong ni Bathala.

At sila’y may kani-kanyang kasagutan.

“Kami po ang Ikatlo. Mga anak ni Malakas na may kakaibang ganda, mga anak ni Magandang may kakaibang lakas.

“Kami po ay bahaghari – mga kulay na di maikahon sa itim at puti.”

“Kami po ang layang iniluwal mula sa bilanggo naming pagkatao.”

“Patawarin N’yo Kami, Bathala, Hindi po kami nakasunod sa tuwid na daang inyong itinakda. Kami po ay mga linyang namaybay lamang sa kurbada ng mga puso.”

Niyakap sila ni Bathala at saka nagwika,

“Ako si Bathala, Mahal ko ang lahat ng aking nilikha.”

 

___________

Lahok para sa kategoryang Dagli ng Saranggola Blog Awards.

Saranggola 336x280

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s