MV Logos Hope: Ang Barko Ng Aking Bisyo


Sabi ko sa misis ko, isa lang talaga yung bisyo ko sa buhay, bukod sa syempre sa mahalin siya nang todo-todo (haha, gumaganun) ay ang pagbabasa. At adik talaga ako dito, maski pambalot ng tinapa o balat ng kendi o vandal sa mga pader, basta may nakita akong letra, tiyak na makukuha ang atensyon ko. Ewan ko ba, masaya talaga akong nakakakita ng mga bagay na pwedeng basahin, na basura man o hindi, ay kapupulutan ng ideya na pwede ko rin namang isaksak sa utak ko for future reference o ibasura na lang din.

Ang Barko ng Aking Bisyo

Kaya naman nang malaman kong nandito sa Qatar ang MV Logos Hope, talagang hindi ako mapakali hanggat hindi ako nakakapunta sa pinakamalaking floating book fair sa buong mundo. Yung schedule ng pagpirmi nila dito ay Pebrero 22-28 at nakakatuwa dahil tatlong araw na lang nang malaman ko ito. At nakakainis dahil fully-booked na ang mga araw na iyun. Ikaw na ang maging artista, hehehe.

Nang medyo maisingit ko naman sa schedule namin, punta kami kaagad sa Corniche kung saan nakadaong ang naturang barko. Lamang ay mahabang-mahaba ang pila na parang audition lang ng papasok sa Bahay ni Kuya, nainis ako kasi di ko alam kung makakasakay pa kami ngayong 2011. Pakiramdam ko kasi, mukhang aabutan kami ng World Cup 2022 sa haba ng pila. Pramis. Nagkataon pang nagutom bigla si Kumander, nag-alangan na akong tumuloy pa sa Logos. Mas pinili ko siyempre ang kapakanan ng bebe ko, bukod syempre sa takot kong maging monster siya kapag gutom na gutom. Hehe. Ang nangyari, sa Souq Waqif kami natuloy at hindi sa barkong pinapangarap ko. Kainis…?

Buti na lang, nag- extend sila ng ilang araw pa dito sa Doha Port. Yahooo!!

At nito ngang kamakalawa, natuloy din kami sa barko ng aking bisyo. Tuwang-tuwa ako syempre dahil makakabili na naman ako ng libro. At madami rin akong nalaman sa barkong ito.

Alam ninyo bang walang sweldo ang mga taong nagtatrabaho sa bapor na ito? Kasi naman, mga misyonaryo sila. Layon nilang makapaghatid ng wisdom, love at hope sa buong mundo. Kahanga-hanga, di ba? Gusto ko rin sanang maging ganoon  kung hindi ko lang naalala yung nakakahilong karanasan ko sa pagsakay ng Roro. hehehe. O para magandang pakinggan, iba siguro ang calling ko. Amen po ba, Papa Jesus?

Dalawang riyal nga pala ang ticket. Ayoko ko na mag convert sa peso kahit pa 11.85 taymis 2 lang. At ang mga libro? Unit  din ang unit ng presyo nila. Kasi nga naman, iba-ibang bansa ang pinupuntahan nila. Dito sa Qatar, ang 100 unit ay 10 riyal. So 100 dibay -dibayd 10 is ekwals to… 10?

Mga batang Indian na pumipili ng babasahin.

Hindi lang yun. Mayroon ding visual presentation, ang kwento tungkol sa Alibughang Anak na nagtuturo sa atin kung paano maging  matalino sa pagpili ng mga choices sa buhay. Mayroon din silang International Cafe na nagbebenta ng cookies, kape, cheese bread, at juices. Wag mo kong tanungin kung bakit tinawag na international yung cafe nila o kung bakit hindi ko nagustuhan ang cheese bread nila. Libro ang ipinunta ko doon.

 

Nakakatuwa ding malaman na madami pa ring mga tao na mahihilig sa libro. At doble ang tuwa ko kapag nakakakita ng mga batang mahilig magbasa. Kapag ako nagkaanak, pagbabasa at pagkahilig sa libro ang isa sa mga una kong ituturo sa kanya. Books before Facebook.

Heto nga pala ang nabili ng aking mahal na kumander. Talagang kinakarir ang buhay-may-asawa.

Ang Mga Bagong Kaibigan ng Aking Asawa

 

At heto naman ang mga naibigan kong libro. Kasalanan ko bang maging bata ulit?

 

Mga Bagong Mundong Lalakbayin

Sabi nga ng nakaukit sa pinto ng Library sa Thebes (na hindi ko naman napuntahan), MEDICINE FOR THE SOUL. Ang mga libro raw ang siyang gamot sa kaluluwa.. Weeh? Hmm. kunsabagay, mukhang totoo nga. Para kasing… ano e.. ganito yan… medyo mahirap siyang ipaliwanag? Basta ang alam ko, kapag nagbabasa ako, para rin akong naglalakbay sa iba’t ibang mundo, at nakadarama ako ng samu’t saring pakiramdam. Nakapagpapagaan nga ng loob. Masaya na malungkot lalo na kapag nasa huling pahina na ako. Para kasing kapag natapos ko na ang isang libro, tapos na rin ang pisikal naming ugnayan ng libro. At malamang ilang taon ko na uli siyang mahahawakan. At swerte kung malagay siya sa table ko, pero malamang sa Balikbayan box ang sunod niyang kanlungan.

Pero ngayon, ilang gabi muna kaming magniniig ng mga bago kong kaibigan. Ayos!!!

 

Rap Artist? Pwede…

Napasyal uli ako kanina sa Philippine Embassy dito sa Qatar. Nagkaproblema kasi kami doon sa papeles na pinirmahan namin noong isang araw. Mali kasi yung ispeling nung apelyido ng nanay ng bebe ko. Na-Bisaya. Dapat kasi Belicena, ang natipa niya BELICINA. Sorry naman, hindi rin naman kasi namin na-check kasi nga eksayted kaming pumirma ng sekretong papeles na IYUN.

Hehehe. Natatawa/natutuwa ako kay Kabayan. Ang bilis ng andar ng bibig. Hindi naman siya masungit, talaga lang napakabilis niyang magpaliwanag. Kumbaga, Yes or No lang ang tanong. Sasagutin ka niya ng Essay. Oo, ganun siya kalupet. Nanay kaya siya ni GLOC9?

Gusto ko sana siyang biruin nung matapos ko na lahat ng dapat kong gawin doon. (Na kung tutuusin ay nagpa-xerox lang ako ng papel na IYUN.)

“Maam, kapag wala na po kayong career dito sa Embassy, subukan ninyo po kayang mag rap? Sisikat kayo, hehehe.”

Immediate Hiring

Single ka ba at naghahabol na sa kalendaryo? Papayag ka bang magpa-iwan sa tren? Bakit di mo subukang magpa-anunsyo sa diyaryo?

Heto ang isa sa maka-agaw pansin na ads sa Gulf Times dito sa Doha. Akala ko noong una, announcement lang ng mga magpapakasal, yun pala mga naghahanap ng makakasama nila sa buhay. Papatok kaya yung ganitong gimik sa Pilipinas?

Bali-Balita

Ehem. excuse me po.

Narito na ang mga nagbabagang balitang kinalap mula sa apat na sulok ng disyerto.

Yung asawa ng housemate ng kaopisina ko, isang linggo na daw umiiyak. Ang dahilan? Wala pa siyang isang buwan dito sa Qatar nang malaman niyang nakabuntis ang asawa niya sa Pilipinas. Kaya daw pala halos itulak nitong si lalaki itong si babae na mag-abroad, may ginagawa palang kalokohan itong si mokong. At ayon sa ating bubuwit, ang kulasisi nitong mabait na mister ay ang yaya ng kanilang anak. Ayos na yaya, pati si Sir inalagaan…

Yung kaopisina ko muntik na daw mapalayas noong isang buwan sa tinitirhan nitong apartment sa Al Sadd. Isang mainit at humid na gabi ay kinatok sila at pinapalayas ng Arabong may-ari ng inuupahan nila. Ang nangyari kasi tinakbuhan sila nung caretaker ng bahay. Gagong Pinoy yun. Itinakbo yung bayad nila nung buwan na iyon at nag for good na sa Pilipinas. Ang huling balita nila, nasa Bulacan na at nagpapatayo ng bahay at bumili ng bagong sasakyan. Gusto ni Arabong habulin, babayaran niya daw yung pamasahe nung makakapagturo kay buwayang taga Bulacan. Heto pa, hindi na isinumbong sa pulis nung kaopisina ko si Kabayang Hudas dahil ayaw nilang masira ang reputasyon ng Pinoy dito sa Qatar. Hindi naman sila pinalayas nung Arabo dahil wala naman silang kasalanan. Haay,,, may kontak ba kayo sa Abu Sayyaf? hehehe

Ilang linggo ding kumalat sa Facebook yung video sa Operating Room nung Pinay na punong puno ng sugat dulot ng pananaga sa isang bansa dito sa Middle East. Ganito yung kwento, galing sa party yung dalawang Pinay at sumakay sa taxi na Pakistani ang drayber. Nakatulog yata yung dalawa at itong Pakistani nagtawag ng mga kaibigan at pinagtulungang gahasain yung mga kaawa-awang Pinay. Hindi pa nasiyahan, pinagtataga pa ang dalawa. Yung isa namatay dahil tinapyas pa yata yung suso. Yung Pinay na nasa video, nakatakas at nadala sa hospital. Pero pagkaraan ng ilang araw, namatay din. Hinahanap ko yung video, pero wala na. Ipinag-utos yata ng gobyerno doon na huwag ikalat ang mga ganitong pangyayari na makasisira sa imahe ng bansang iyun. Sa mga gumawa nito, ang pinakamataas na antas ng mura ang gusto kong ipahatid sa inyo.

Eto pa, yung kaibigang bading nung kaopisina ko, nawala ng ilang linggo. Iyun pala, isinuplong ng kapwa Pilipino kaya ayun hinuli daw at ikinulong.
Hindi na daw nila nabisita dahil pagkalipas ng ilang araw, ibinalita na sa kanila na patay na yung kaibigan nila. Nag suicide daw. Pero ang nakakapagtaka, nakakuyom ang palad ng biktima at may bakas ng kamay sa leeg. Paging Gus Abelgas, SOCO episode to…

Kung OFW, minsan kalaban mo talaga lahat. Yung mga alalahanin na naiwan sa Pinas gayundin yung kaligtasan mo sa bansang pinuntahan. Minsan tatanungin mo yung sarili mo kung tama ba yung desisyon mo na iwanan ang pamilya para sa mas maginhawang pamumuhay. Mahirap ding magtiwala kung kani-kanino. Mahirap humanap ng totoong kaibigan. Kaya sa lahat ng mga bagong bayani, saludo ako sa lahat ng sakripisyo ninyo. Maging mas maingat at lalong igtingan ang kapit sa Maykapal.

Mga Bagay Na Aking Natutunan at Nalaman Bilang Isang OFW

ofw1Nalaman kong angat ang galing ng Pinoy sa anumang larangan at kinikilala tayo ng ibang lahi dahil sa angking talino at kasipagan.

Nalaman ko ring may bahid ding mantsa ang tingin nila sa atin lalo na sa mga Pilipina.

Natutunan kong igalang ang kultura at paniniwala ng ibang lahi, lalong hindi ito hadlang sa mabuting samahan at pagkakaibigan.

Natutunan kong maging mas makabayan at mas aktibo lalo na kung may Filipino Community sa aking lugar.

Nabatid kong talamak nga ang pakikiapid ng ating mga kababayan dala ng kalungkutan at pangangailangan.

Nalaman ko ding may mga relasyong lalong tumitibay sa kabila ng libong milyang nakapagitan sa dalawang nagmamahalan.

Natutunan kong labanan ang homesickedness sa pamamagitan ng pagsali sa mga organisasyong binuo ng ating mga kababayan.

Natutunan kong maging mas malapit sa Panginoong Maylikha at itaas lahat sa kanya ng bagabag at alalahanin.

Natutunan kong masarap magbigay sa pamilya at kaibigan ngunit dapat alam din natin ang hangganan.

Natutunan ko ding magplano para sa kinabukasan sapagkat naniniwala akong hindi habang panahon ay luntian ang pastulan.

Natutunan kong ang isang tawag sa telepono mula sa minamahal sa Pilipinas ay sapat upang bawasan ang lungkot at pagod.

Nalaman kong isang sugal ang pangingibang-bayan, hindi natin sigurado ang mangyayari sa pagtapak sa ibang lupa.ofw3

Nalaman kong mapagmahal at mapagsakripisyo lahat ng OFW.

Nabatid kong hindi lahat ng OFW ay may kwentong tagumpay, mayroon ding nagtatago sa mga istoryang daig pa ang mga teleserye.

Natutunan kong maging mas independent. Kailangang matutong maglaba, magluto at maglinis ng kuwarto.

Nalaman kong sabik pa rin akong makibalita ng mga nangyayari sa Pilipinas kahit paulit-ulit na krimen, corruption at scandal lang ang laman ng balita.

Natutunan kong hindi lang galing at talino ang kailangan sa pangingibang-bayan, importanteng marunong kang dumiskarte.

Nalaman kong malawak ang posibilidad sa pakikipagkaibigan at pag-iibigan sa dayuhang lugar.

Nalaman kong mas masuwerte ang mga OFW ngayon kaysa sa noon.

Nabatid kong kakaiba pa rin ang sarap ng mga pagkaing Pinoy.

Nabatid kong mahalaga ang ginagampanan ng teknolohiya upang maka-survive ang isang OFW. Salamat sa chat, e-mails, long-distance calls, friendster, blogs, youtube, at facebook.

Nalaman kong iba pa rin ang dating ng mga shows sa Pinas, TFC man o Kapuso.

Natutunan kong magsikreto sa aking pamilya upang hindi sila mag-alala sa Pilipinas.

Nalaman kong mahirap ang malayo sa pamilya lalo na kapag maysakit.

Nalaman kong ang presyo ng Boy Bawang ay pwedeng lumobo ng sampung beses sa ibang bansa.

Nabatid kong sa kabila ng kakulangan ng likas na yaman at yamang-tao ng ibang bansa, maayos naman ang kanilang gobyerno, daan upang umunlad ang mga ito.

Nalaman kong ang pinakamasarap na kabayaran ng paghihirap sa ibang bayan ay malaman mong maayos ang buhay ng mga minamahal sa Pilipinas.

ofw2Nalaman kung kahit ilang taon pa ang itagal mo sa dayuhang lupa, andun pa rin ang pagnanais na makabalik sa lupang pinagmulan.

——-
pics from deviantart.com

Ramadan Kareem

Yahoo!!! Me work na ako dito sa buhanginan. Bale tagakolekta ako ngayon ng mga buhangin tapos gagawin kong kastilyo, yun na lang daw muna yung trabaho ko ngayon. Next month na lang daw ako gagawing manager pag pwede ng ipagbili yung mga nagawa kong kastilyong buhangin. Wehehehe. Ang mahalaga, importante.

Sunday ngayon pero pakiramdam ko Monday. Kasi naman ganitong araw nagsisimula ang trabaho dito. Hmmm, maganda at stable naman yung company. Meron silang 35 branches sa buong Earth. ibig sabihin, me posibilidad akong itapon dun sa branch na walang makulit. Ayokong sabihing gwapo kasi pag yun ang qualification, baka sa Mars ako magwork. Doon lang kasi ako magiging in-demand. Madami ring mga Pinoy kaya hindi masyado dumudugo ang ilong ko kapag kausap sila. Me ibang lahi din pero kaya naman ang amoy. Syempre, kung mabaho sila, ba, mabaho din ako… Ganun ang labanan.

At eto pa, natapat pa ko sa Ramadan. Ito yung buwan na half-day lang yung pasok ko sa buhanginan pero whole day ang bayad. O ha, o ha… Me ganyan ba sa Pinas? So ayun, para lang akong nangapitbahay ng ilang oras tapos, uwi na uli. Sarap kayang matulog o kaya manood ng TFC.. Naabutan ko tuloy ang Kambal na Daga at mga Brothers sa Flower shop. At malapit ko ng makuha ang kanta ni Laarni pag tapos na ang Uma. At kung… (birit dapat yan)

Ramadan ngayon, kaya medyo mahigpit ngayon dito. Bawal ang pork. Por eber pa la tong bawal. Bawal magyosi. Bawal kumain o ngumuya sa daan. Mahilig pa naman akong ngumuya ng laway. Bawal ang masyadong madikit sa bebe ko kasi baka hanapan agad kami ng marriage cert. Bawal din ang magshorts. Bawal ding mag-inom. Bawal ding magseks. Kainis… Hehehe. Wala lang, kunwari apektado ako nito. Bale isang buwang ganito. Hmmm, pwede namang gawin mga yan e. Basta wag lang papahuli o kaya wag talaga sa labas ng bahay. Kasi pag nahuli, back to Pinas ang bagsak. So kelangan, behave muna ko dito.. Pramis. One month lang naman.

Tsk… Tsk…Tsk…

Medyo nakakabadtrip na talaga ang tingin ng ibang lahi sa mga Pinay. Ang baba kasi. Sabi ng bebe ko, kasama raw talaga sa buhay ng mga Pinay yung experience na mabastos dito sa Qatar.

Bago pa lang siya dito noon. Habang nag-aabang ng taxi, pinarahan siya ng kotse tapos kinausap siya kung gusto niya maki-hitch. Tumanggi yung gf ko tapos binigyan siya ng Calling card nung gagong Arabo at nagsabing bibigyan daw siya ng 300QR pag nagkita sila.

Yung nanay naman niya, dun sa dati niyang work dito.

Arabo: Do you consider me as your friend?

Nanay ni Beb: Hmmm. yes, why?

Arabo: How about this? (sabay turo sa kanyang ba—g)

Tinalikuran na lang daw niya tapos nagresign na lang siya sa work na yun…

Pero kagabi lang, (kaya ko naalala mag post ng ganito) isang family friend yung pumunta sa bahay. Kinuwento niya yung experience niya kahapon. Si Ate A, she’s looking for a job here in Doha.

She was scheduled for an interview at 6pm. Ate A agreed pero kasama yung husband niya. Etong si Arabo, binago yung sched niya at ginawang 3:30pm. So okay na kahit wala yung husband niya kasi me work din naman. Sinundo si Ate A nung Arabo for the interview. Sa kotse, okay naman daw si Arabo kausap. Kinabahan lang siya kasi hindi pala sa opis yung interview. Sa bahay daw muna siya dadalhin kasi 6pm pa resume ng ofis nila. At para daw makapagpahinga muna sila.

Syempre, natakot na si Ate A lalo na nang bumubukas ng yung gate ng bahay. She refused to go inside and planned not to pursue her application. Si Arabo, me tinawagan sa cp niya, Pinoy din. Pinakiusap ke Ate A. At ang advice nung Pinoy. Huwag din siyang sasama sa loob ng bahay. Kaya ayun, nagpahatid na lang daw siya uli pauwi.

Sa kotse…

Arabo: I thought you worked in Saudi. Don’t you have experience sleeping with Arabs there? I thought Filipinas are open-minded. Are you sure, you are a Filipina?

Ate A: Yes, I am a Filipina.

Arabo: So strange, so strange. Maybe you are not Filipina.

Taragis. Ganyan kababa yung tingin nila sa Pinay. Partly, me kasalanan din tayo kasi yung ibang Pinay talaga ganun. Ang tingin sa dayuhan, e dolyar at milking cow.

Magagaling, confident at magaganda ang mga Pinay dito sa Doha. Dumating sana yung time na mabura sa isip nila ang masamang imahe sa Pinay.

Hangin-Buhangin

Kaninang umaga, nang kukunin ko yung sinampay ko, nagulat ako dahil nawawala yung mga brief ko at damit na nilabhan ko pa kahapon… Hmmmm, uso din ba dito sa Qatar yung nakawan ng damit? Anakngtipaklong…

Hinanap ko sa paligid yung damit ko at ayun, nakita ko naman sila na nagkalat sa kalsada at ang aking brief ay inaamoy-amoy pa ng pusang pakalat kalat dito.. Hindi yata mahusay ang pagkakalaba ko, hehehe.

Pero ang totoo, nalimutan ko nga pala na ilang araw nang me SANDSTORM dito kaya tangay talaga yung sinampay ko. Ang Sandstorm nga pala ay malakas na hangin na me kasamang buhangin…

Sabi sa mister wiki, A dust storm or sandstorm is a meteorological phenomenon common in arid and semi-arid regions and arises when a gust front passes or when the wind force exceeds the threshold value where loose sand and dust are removed from the dry surface.

Pero yung sandstorm dito sa Doha e kumbaga utot lang sa ibang lugar. Kasi ba naman, tingnan ninyo sa baba kung paano nilamon ng SANDSTORM ang isang siyudad sa Saudi Arabia…

Nakita ninyo? Anong mararamdam mo pag dumaan to sa bahay ninyo.. sige nga…

Nag-iinit Ka Na Ba?

Okie. Okie. Sa mga nagtatanong kung gaano kainit dito ngayon sa Doha, ganito yun.

42°C
Updated: Jul 30 12:00 p.m. Local Time
UV Index:
N/A N/A
Wind:
From N at 19 km/h
Humidity:
17%
Pressure:
1000.0 mb.
Dew Point:
12°C
Visibility:
0.8 kilometers

Pero syempre, hindi ko rin maintindihan yung mga nakasulat sa taas.
Kaya ganito na lang.

Naranasan mo na bang tumapat dun sa mga makina sa likod ng mga ordinaryong bus sa Pinas?

Sakto. Ganyan kainit dito.