KIMCHI

Hunyo 15, 2008. Incheon Airport, South Korea. Isang oras pa at sasakay na ako sa eroplanong magbabalik sa akin sa bansang Pilipinas. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko. Pananabik, pasasalamat, pagkalungkot at pag-asa. Matagal-tagal rin naman akong hindi nakauwi sa bayang sinilangan at alam kong nasasabik na rin sa akin ang aking pamilya at ang aking kasintahan. Ano kaya ang una kong gagawin?

Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang may lumapit sa akin na matandang lalaki. Kagalang-galang ang hitsura niya sa suot na polo-barong.  Balikbayan din at marahil, naghihintay  ng parehong flight.

“Iho, atleta ka ba? Mukhang nag-uwi ka ng karangalan sa Pilipinas e,” bungad niyang tanong sa akin habang nakatingin sa aking hand carry. Paano ba naman, may dala akong maliit na trophy, may kalakihang stuff toy at plake na nakalagay sa paper bag.

“A, hindi po, Sir” sagot ko agad. “Hindi po sa akin lahat ito. Mga padala po ng mga dati kong kasamahan sa pabrikang pinagtrabahuhan ko. “

“Ganun ba? Kumusta ba naman ang naging buhay mo dito sa Korea? For good ka na ba? At anu-ano ba yang mga dala mo?”

“Masaya na malungkot, masalimuot din po pero sa huli masasabi ko pong napanalunan namin ang mga laban ng buhay dito sa Korea. Itong stuff toy, padala po ng kaibigan kong si Abet sa bunso niya, etong plake, padala ni Kuya Henry sa pamilya niya at eto pong trophy, pabaon po sa akin ng Filipino Community sa Gwangju. At opo, magpo- For Good na nga po.”

“Gusto ko yung ginamit mong salita, laban ng buhay.  O sige, iho tutal naman ay  matagal pa ang oras ng lipad natin. Gusto kong marinig ang kwento mo.”

Tiningnan ko ang relos ko. May oras pa nga para magkwento. Pampalipas-oras din habang naghihintay ng lipad namin. Si Sir naman ay mukhang mabait at naghahanap ng kakwentuhan. Isa pa, gaya ng sabi ko, masaya na malungkot na masalimuot ang naging pakikipagsapalaran namin sa bansa ng kimchi at bakal. Ito ang mga karanasang masarap ikwento sa mga umpukan. At si Sir ang aking unang kahuntahan.

___________________________________________________________

Hunyo 17, 2005. Guwangju. Umuulan ng snow nang dumating kami sa South Korea ni Abet. Tuwang-tuwa nga ako  kasi pangarap ko talagang makarating sa bansang may niyebe. At dahil Pinoy nga, dali-dali kaming nagpakuha ng litrato. Pang-upload sa Friendster.

Parehas kami ng recruitment agency sa Maynila na nagpapadala ng mga manggagawang kailangan ng bansang Korea. Taga-Laguna siya at ako naman ay taga-Batangas. Palibahasa’y parehong Tagalog,  kaya naman nagkapalagayan kaagad kami ng loob. Dati siyang drayber sa Liliw at ako naman ay isang guro sa isang pampublikong paaralan. Kumbaga, mas batak siya sa trabaho kaysa sa akin kaya mas madali siyang natuto sa trabahong sinuong namin. Bakal ang binubuhat namin at inilalagay sa hulmahan ng makinang tagagawa ng pinto ng sasakyan at ng refrigerator. Factory worker. Malayo sa trabahong iniwan ko sa Pilipinas.

May asawa si Abet at may tatlong anak. Hindi raw sapat ang kinikita niya sa pamamasada kaya naisipan niyang mangibang-bansa. Naiintindihan ko naman siya. Ako man ay talagang kinakapos sa pagba-budget ng sweldo. Kaya naman nagkasundo kami sa isang bagay. Iyun ay ang makaipon at makapagbigay ng magandang kinabukasan para sa aming pamilya.

Mabait si Abet. Mahusay magluto at matulungin, lalo na kapag kailangan ko ng tulong sa makinang nakatoka sa akin. Lumalapit naman siya sa akin kapag hindi niya naintindihan ang sinasabi ni Sajangnim namin. Mas marunong kasi ako sa Hanggul kaysa sa kanya. Isa lang ang ayaw ko, ang kanyang mga bisyo. Noong unang sweldo namin, bumili siya kaagad ng suplay ng sigarilyo at soju na gabi-gabi naman niyang tinutungga. Pampaalis-homesick daw.

Lumala pa iyun nang kumuha ng babaeng worker sa aming pabrika. Si Lina, asawa ng isang Koreano at tama lang na sabihin na may angking ganda ng isang Pilipina.  Madali naming nakapalagayang-loob si Lina, palibhasa ay palatawa at bihasa sa Hanggul. Malaking tulong siya sa amin lalo na kapag malalim na Hanggul na ang sinasabi sa amin ni Sajangnim.

Pero sa pagpapalit ng panahon mula sa tagsibol papuntang tag-init, sumibol din ang isang bawal na pag-ibig sa kanilang dalawa. Bagaman noong una’y ayaw nilang aminin, nahalata ko naman iyun sa kanilang tinginan at mga panakaw na usapan. Sinubukan kong kausapin si Abet, sapagkat lumiliban na siya sa pakikipag-chat sa pamilya at madalang na ring tumawag sa Pilipinas. Minsan nga’y narinig ko pa siyang sumigaw sa cellphone ng “WALA AKONG BABAE DITO. WAG KANG MAPAGHINALA”. Nang makita niya ako’y lumayo upang di ko marinig ang usapan nila ng asawa niya. Si Lina naman ay sinubukan ko ring paalalahanan, pero sagot niya, mahal niya si Abet at kaya niyang isakripisyo ang lahat. Naisip ko tuloy, aling sakripisyo ang tama, kaninong sakripisyo ang mali? Dapat ko ba talaga silang intindihin na lang?

**********

Tuluyang nawala si Abet sa landas na dapat niyang tahakin. Kinalimutan ang tanging layunin niya ng pangingibang-bansa. Ako naman, natutong gumala at mamangha sa ganda ng Korea. Sinubukan kong makipagkilala sa iba pang Pinoy sa Guwangju. Naghanap din ako ng simbahan. Kailangan ko kasi ng pagkukunan ng lakas.  Ang totoo kasi, nanghihinayang rin ako sa aking karera. Hindi naman ito ang buhay na gusto ko, dangan nga lang at ako lang talaga ang inaasahan sa pamilya. Labas-masok sa ospital ang nanay ko dahil sa sakit sa atay. May kapatid rin akong pinapaaral sa kolehiyo kaya kailangan talagang kumayod. Pati ang relasyon sa kasintahan, nasakripisyo.

Sa bus papuntang Geumnamno (kung saan makikita ang simbahan), doon ko nakilala si Kuya Henry. Medyo may edad na, pandak at sunog ang kulay. Palakwento si Kuya Henry. Humanga nga ako sa kanya sa dami ng dalang litrato ng pamilya. Puno ng pagmamalaki at pananabik. Marami siyang baong istorya. Kesyo sampung taon na siya dito, kesyo matanda na nakapag-asawa kaya sa edad na singkwenta ay may mga anak pa sa elementarya, kesyo naloko dati ng recruiter, kesyo  lahat ng kamag-anak ay nangungutang sa kanya, kesyo ganito sa Korea kaya maunlad, kesyo TNT siya kaya palipat-lipat ng trabaho, kesyo ganito, kesyo ganyan. Nakarating kami sa simbahan at kesyo nga matagal na, isa siya sa mga opisyal ng Filipino Community sa Gwangju.

Isa iyun sa magandang nangyari sa akin, ang makasapi sa isang samahang layunin ay pagbukludin ang mga Pilipino sa banyagang lugar. Nakakatuwa nga dahil mas naramdaman kong Pilipino ako dito sa malayong lugar. Paano ba naman, dito ako natututong magsayaw ng tinikling at pandanggo sa ilaw na parating patok sa mga paligsahan ng bansa sa International Community Day. Sumali rin ako sa choir ng simbahan. Sumama sa mga field trip at festival sa Korea. Lumahok sa mga komite ng Liga ng Palaro at mga seminar na ibinibigay ng simbahan. Kahit  paano, muling umangat ang tingin ko sa sarili sa kabila ng pagtalikod ko sa aking propesyon. Kahit paano, umandar pa rin ang utak ko, hindi puro katawan lang. Masarap ding ipagmalaki ang lahing kayumanggi sa mga hindi kalahi. Iyun kasi ang unang itinuro ng samahan. Ang maging Pilipino at ipakilala sa mga Koreano at iba pang lahi ang kagalingan at kabutihan ng Pinoy.

Magkaibang paglalayag na ang tinahak namin ni Abet. Nilamon na siya ng prinsipyong hindi ko maintindihan. Nakipaghiwalay na sa asawa. Nagpapadala na lang ng sustento sa mga anak. Ang nakakalungkot pa, si Lina, hindi na rin umuuwi sa kanila at tumira na rin sa accommodation namin. Hindi ko alam kung batid ni Sajangnim ang relasyon nila pero yung iba naming katrabahong Koreano, madalas akong tanungin tungkol sa kanila. Hindi na lang ako umiimik.

Ngunit  si Kuya Henry, nalaman niya agad sa unang araw pa lang niya sa pabrika namin. Inirekomenda ko kasi siya nang minsang marami kaming trabaho pero kulang ng tao. Nagtangka din siyang kausapin sina Abet at Lina pero wala ding nangyari. Nandoon ako noong paliwanagan niya at basahan ng Bibliya ang dalawa pero wala pa rin. Muntik pang magsuntukan si Kuya Henry at Abet kung hindi lang ako pumagitna.

Muling umulan ng niyebe. Muling sumibol ang mga punla. Muling namulaklak ang mga bulaklak at halaman. At muling nagtaglagas. Nakatapos sa Grade six na balediktoryan ang panganay na anak ni Kuya Henry. Umalis si Lina sa pabrika pero nagbalik din pagkatapos hanapin ni Abet at ni Sajangnim. Ako naman, halos gumuho ang pangarap nang malaman kong nakabuntis ang pinapaaral kong kapatid. Pero, gaya ng payo ni Kuya Henry, pinag-aral ko pa rin, tutal isang semestre na lang. Kami pa rin ng kasintahan ko, bagaman hindi maiwasan ang alitan ay patuloy na humahawak sa pangakong walang lokohan.  Salamat sa chat, tawag at e-mail. Nagpatuloy ang daloy ng buhay gaya ng pagkatututo namin ng pagkain ng kimchi. Naisip ko, ang buhay pala, parang kimchi. May anghang pero may sustansiya. Noong una, masama sa panlasa pero kapag nakasanayan, hinahanap na rin ng dila. Nasasama sa sistema, sa daloy, sa pintig, sa pulso, sa dugo. Maanghang pero magpapatibay ng sarili.

**********

Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Nasa kasagsagan kami ng pagtatrabaho. Lahat nakatutok sa kanya-kanyang makina. Halos hindi nga kami nagkakarinigan sa ingay ng bakal at bagsak ng mga makina. Subalit, natigagal ang lahat ng isang sigaw. Malakas at may sakit na sigaw. AAHHHH, ANG KAMAY  KOOOOO… Sigaw iyon ni Abet. Si Kuya Henry ang unang tumakbo sa pwesto niya. Nagloko pala ang makina niya. Nakita ko kung paano nagkulay-suka ang mukha ni Kuya Henry. Puno ng dugo ang kamay ni Abet. Mabilis niyang pinatay ang makina at agad itinakbo si Abet sa opisina na agad ding dinala sa ospital. Tiningnan ko ang makina ni Abet. ANDUN ANG ISANG DALIRI AT DUROG-DUROG NA LAMAN. MARAMING DUGO AT MAY PUNIT NA TELA NG GUWANTES.  Nanlambot ako. Nanghina. Napaupo sa isang tabi. Tumakbo ako sa likod ng pabrika. Nagsuka. Pagbalik ko sa loob, hinimatay naman daw si Lina. Nasa opisina at sinusubukang pabalikin ang diwa. Pinahinto na kami ng trabaho ng araw na iyon. Hindi ako makatulog kinagabihan. Bumabalik sa isip ko ang daliri. Ang sakit. Ang makina. Ang sigaw ni Abet. Hindi pala malayong mangyari sa amin ang nangyari sa kanya. Sakripisyo, buhay, kaligtasan. Malaki  talaga ang isinusugal namin kapalit ng inaasam na kaunlaran.

Natigil si Abet sa ospital. Noong dumalaw kami ni Kuya Henry, nakabenda pa ang kanang kamay. Putol na daw ang isa niyang daliri. Nakita ko sa mukha niya ang kaguluhan. Ang kawalang katiyakan. Blangko kung tumingin. Umiyak siya at paulit-ulit na inuusal na iyun daw ang karma niya. Pinaliwanagan namin siya na may plano sa kanya ang Diyos. Ayaw niyang tanggapin iyon. Malupit daw pala ang Diyos. Iba kung maningil. Ganoon pa man, binigyan namin siya ng Bibliya. Sabi ko, basahin niya kapag handa na ang puso niya at kung kailangan niya ng sagot sa mga tanong.

Nang bumalik kami sa pabrika, wala na si Lina. Nakonsensiya rin siguro. Kinausap naman namin ni Kuya Henry si Sajangnim tungkol sa bayad sa ospital, insurance at sweldo ni Abet habang nasa ospital. Walang matinong maisagot sa amin. Wala daw sweldo. Yung sa ospital lang daw ang sagot ng kumpanya. Itatanong pa daw nila ang tungkol sa insurance. Sinabihan pa si Kuya Henry na huwag makialam.

Kinagabihan, binulabog kami sa pagtulog ni Sajangnim. Pinapalayas si Kuya Henry. Ibinato pa sa kanya ang suweldo at nagbantang isusuplong sa Immigration. Nahabag ako sa hindi makataong pagtaboy kay Kuya Henry. Walang nagawa si Kuya. Ganoon naman daw talaga ang buhay ng TNT. Parang basahan kang itatapon kapag hindi kailangan. Umalis siya nang gabing iyun na hindi ko alam kung saan patutungo.

**********

Ilang linggo pa ang lumipas, pukpukan ang naging trabaho namin sa pabrika. May mga bagong tao sa kumpanya pero mga Koreano na. Sinubsob ko na lang ang sarili sa trabaho. Natakot din ako, baka kasi maulit yung nangyari kay Abet kaya naman doble-dasal ako sa pwesto ko. Nasa kalagitnaan ako ng trabaho nang makatanggap ako ng tawag sa Pilipinas. Si Tatay ang nasa kabilang linya, at para akong binuhusan ng malamig na tubig sa ibinalita niya. Patay na daw si Inay. Bakit ganun? Noong huling tawag ko sa Inay, sabi niya kami na lang daw ang walang problema. Iyun pala, parang paramdam niya na rin. Masakit isiping wala na ang taong isa sa dahilan ko ng pangingibang-bansa. Marami pa akong pangarap para sa kanya. Hindi ko pa nasusuklian ang kabutihan niya bilang ina. Ang sakit-sakit sa kalooban. Iyun na siguro ang pinakamapanglaw na araw para sa akin.

Hindi ako pinayagan ng kumpanya na makauwi kahit halos maglupasay ako sa pagmamakaawa. Ano pa daw magagawa ko e patay na nga? Gusto kong magmura. Gusto kong ipamukha sa kanila na gusto kong makita ang nanay ko kahit sa huling pagkakataon. Pero ako ay dayuhang tangan sa leeg ng aking amo. Wala akong magawa kundi ang magdasal. Magdasal na maunawaan ako ng pamilya ko. Ng Nanay ko. Nang gabing iyun, inialay ko lahat sa Panginoon lahat ng sakit na nararamdaman ko.

Marahil nang gabing iyun, nagdarasal din si Kuya Henry. Kung saang lupalop na naman siya mamamasukan para may maipadala sa Pilipinas. Kung saan muling magsisimula ng pagpapaalipin. Marahil,  nang gabing iyun, nagdarasal din si Abet. Kung paano siya babangon. Kung paano siya papatawarin ng pamilya niya. Kung paano niya haharapin ang mundo na putol ang isang daliri. Nang gabing iyun, bumaha marahil ng luha. Ng panalangin. Ng pagtitiwala. Ng hinanakit. Ng kahinaan. Ng kalakasan. Ng pag-asa.

**********

Mayo 20, 2008. Filipino Community Day. Isa ang araw na ito sa pinakamahalagang araw sa aming mga Pilipino sa Gwangju. Pista iyun upang itampok ang lutong Pinoy, kagalingan at talento, sining at kultura ng lahing kayumanggi. Araw din iyun ng pagpili ng Natatanging Pinoy sa Gwangju. At nagagalak ako dahil ang napili ay hindi iba sa akin. Si Kuya Henry, ang kauna-unahang TNT na pinarangalan ng Filipino Community. Lalo akong humanga sa kanya nang ikuwento ng tagapagpakilala ang kabayanihan ni Kuya Henry. Na si Kuya Henry ay may pusong handang tumulong. Siya lang ang TNT na matapang na pupunta sa Immigration para tulungan ang mga nahuling mga kababayan na TNT din. Katuwiran niya, hindi siya paghihinalaan dahil nga malakas ang loob niya na tumapak ng opisina nila. Na si Kuya Henry ang tumulong sa isang kababayan na binugbog ng mga kabataang Koreano. Na si Kuya Henry ang naglapit sa mga battered wives na Pinay na asawa ng mga Koreano sa tamang ahensya ng pamahalaan. Bumilib ako sa kanya sa kanyang talumpati na HINDI HADLANG ANG PAGIGING TNT PARA TUMULONG. PARA PATUNAYANG MAGALING ANG LAHING PILIPINO.

Si Abet nga pala, isa din sa natulungan ni Kuya Henry. Nakuha niya ang insurance at tamang bayad mula sa kumpanya namin. Nakabalik na rin siya sa kumpanya at nakapagtrabaho ulit. Nagkabalikan na rin sila ng asawa niya. At higit sa lahat, tinanggap niya sa puso niya na ang Panginoon ang siyang pinakamatibay na sandigan.

Naging guro din ang kapatid ko at may pamilya na. Kapag nakakaluwag, tumutulong din sa pinansyal na pangangailangan ng aming pamilya. May kaunti rin akong naipon, iniisip ko pa kung anong negosyo ang papasukin.  Balak ko sanang bumalik sa pagtuturo, iyun ay kung mabibigyan ng pagkakataon. Naaalala ko minsan ang Inay pero alam ko masaya na siya ngayon. Siyangapala, gugulatin ko ang kasintahan ko sa dala kong singsing kasabay ng pag-aya ng pagpapakasal. Sinong may sabing hindi nagtatagumpay ang long-distance relationship?

Hindi ko malilimutan ang huling gabi ng pagsasama-sama naming tatlo. Dangan kasi, ako lang ang uuwi sa Pilipinas. Si Abet kakauwi ng Pilipinas pagkatapos niyang lumabas ng hospital. Si Kuya Henry naman, TNT pa rin at sabi niya, dalawang taon pa siya sa Korea. Kaysarap isiping natikman man namin ang anghang ng buhay, naging malakas at matatag naman kami pagkatapos. Tatlong taon ng pagkakaibigan, pagdadamayan at paglalayag.

Sa gitna ng pagkain ng rameon at kimchi at pag-inom ng  soju, naluha ako nang basahin ni Kuya Henry ang talata mula sa Mangangaral ng Bibliya.

Ang lahat ng pangyayari ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos.

Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;

Ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbubunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
Ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.

Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
Ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.

Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
Ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.

Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
Ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.

Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
Ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.

Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
Ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.

________________________________________________________________________________

“Sir, Umiiyak po ba kayo?” tanong ko sa matandang lalaking katabi ko.

“Tama ka, napagtagumpayan ninyo nga ang laban ninyo sa Korea. Natutuwa akong nalaman ang iyong kuwento,” nagpapahid ng luha si Sir habang nakangiti.

“Salamat po sa pakikinig,”

“A, wala iyun. Ikinararangal kong nakasabay ka sa flight na ito, teka, ano nga bang pangalan mo?” sabay abot sa kamay ko at nakipagkamay.

“Sir, Luis po. Luis Licaros. Kayo po ba? Mukhang kagalang-galang po kayo e.”

“A, tawagin mo na lang akong Sir Ramon. O paano, oras na pala ng pagpasok sa eroplano natin. Mauna na ako sa iyo, Luis.” At naunang pumasok sa akin si Sir Ramon. Mukhang sa Business class siya e.

Tumayo na rin ako at kinuha ko ang mga dala ko, ang stuff toy na padala ni Abet, ang plake na padala ni Kuya Henry at ang trophy na pabaon ng Filipino Community.

“Pare, hindi mo ba kilala yung kausap mo?” tanong sa akin ng kasunod kong balikbayan.

“Hindi. Ngayon ko nga lang yun nakita e,” sagot ko naman na nakakunot ang noo. “Bakit sino ba yun?”

“Pare, siya yung Ambassador natin dito sa Korea.”

At naisip ko ang una kong gagawin paglapag sa airport. Iyun ay ang isalaysay kung paano ako napunta sa Business class ng eroplano.

___________________________________________________________________

Talasalitaan

Hanggul – wikang Koreano

Kimchi – maanghang na pagkain ng mga Koreano

Rameon – Noodles

Sajangnim – May-ari ng Kumpanya

Soju – alak sa Korea

_________________________________________

Para kay Kuya Henry, sa mga dating kasama sa Korea at sa lahat ng OFW sa buong mundo.

Mga Bagay Na Aking Natutunan at Nalaman Bilang Isang OFW

ofw1Nalaman kong angat ang galing ng Pinoy sa anumang larangan at kinikilala tayo ng ibang lahi dahil sa angking talino at kasipagan.

Nalaman ko ring may bahid ding mantsa ang tingin nila sa atin lalo na sa mga Pilipina.

Natutunan kong igalang ang kultura at paniniwala ng ibang lahi, lalong hindi ito hadlang sa mabuting samahan at pagkakaibigan.

Natutunan kong maging mas makabayan at mas aktibo lalo na kung may Filipino Community sa aking lugar.

Nabatid kong talamak nga ang pakikiapid ng ating mga kababayan dala ng kalungkutan at pangangailangan.

Nalaman ko ding may mga relasyong lalong tumitibay sa kabila ng libong milyang nakapagitan sa dalawang nagmamahalan.

Natutunan kong labanan ang homesickedness sa pamamagitan ng pagsali sa mga organisasyong binuo ng ating mga kababayan.

Natutunan kong maging mas malapit sa Panginoong Maylikha at itaas lahat sa kanya ng bagabag at alalahanin.

Natutunan kong masarap magbigay sa pamilya at kaibigan ngunit dapat alam din natin ang hangganan.

Natutunan ko ding magplano para sa kinabukasan sapagkat naniniwala akong hindi habang panahon ay luntian ang pastulan.

Natutunan kong ang isang tawag sa telepono mula sa minamahal sa Pilipinas ay sapat upang bawasan ang lungkot at pagod.

Nalaman kong isang sugal ang pangingibang-bayan, hindi natin sigurado ang mangyayari sa pagtapak sa ibang lupa.ofw3

Nalaman kong mapagmahal at mapagsakripisyo lahat ng OFW.

Nabatid kong hindi lahat ng OFW ay may kwentong tagumpay, mayroon ding nagtatago sa mga istoryang daig pa ang mga teleserye.

Natutunan kong maging mas independent. Kailangang matutong maglaba, magluto at maglinis ng kuwarto.

Nalaman kong sabik pa rin akong makibalita ng mga nangyayari sa Pilipinas kahit paulit-ulit na krimen, corruption at scandal lang ang laman ng balita.

Natutunan kong hindi lang galing at talino ang kailangan sa pangingibang-bayan, importanteng marunong kang dumiskarte.

Nalaman kong malawak ang posibilidad sa pakikipagkaibigan at pag-iibigan sa dayuhang lugar.

Nalaman kong mas masuwerte ang mga OFW ngayon kaysa sa noon.

Nabatid kong kakaiba pa rin ang sarap ng mga pagkaing Pinoy.

Nabatid kong mahalaga ang ginagampanan ng teknolohiya upang maka-survive ang isang OFW. Salamat sa chat, e-mails, long-distance calls, friendster, blogs, youtube, at facebook.

Nalaman kong iba pa rin ang dating ng mga shows sa Pinas, TFC man o Kapuso.

Natutunan kong magsikreto sa aking pamilya upang hindi sila mag-alala sa Pilipinas.

Nalaman kong mahirap ang malayo sa pamilya lalo na kapag maysakit.

Nalaman kong ang presyo ng Boy Bawang ay pwedeng lumobo ng sampung beses sa ibang bansa.

Nabatid kong sa kabila ng kakulangan ng likas na yaman at yamang-tao ng ibang bansa, maayos naman ang kanilang gobyerno, daan upang umunlad ang mga ito.

Nalaman kong ang pinakamasarap na kabayaran ng paghihirap sa ibang bayan ay malaman mong maayos ang buhay ng mga minamahal sa Pilipinas.

ofw2Nalaman kung kahit ilang taon pa ang itagal mo sa dayuhang lupa, andun pa rin ang pagnanais na makabalik sa lupang pinagmulan.

——-
pics from deviantart.com

Peace sa Kubeta

Naranasan mo na bang magkasagutan kayo ng ka opisina mo dahil sa isang walang kakwenta-kwentang bagay tulad ng stapler? Bad trip no?

Dumating na ba yung time na habang nakaupo ka sa trono at nagdedeposito ng mabahong kayamanan habang kumakanta ng birit na “I don’t wanna miss a thing” e biglang bumukas ang pinto ng cubicle?

At ang walang modong biglang nagbukas ng pinto ay ang nakaaway mo?

Hahaha. Naranasan ko yan sa loob ng isang araw. At parehas kaming natawa. Gago daw ako kasi hindi ako nagsara. Sabi ko naman, gago siya kasi di siya kumatok…

Pero dahil dun nagkabati kami.

See? Kahit sa ganoong mga embarassing moment, me maganda pa ring kalalabasan…. Hahaha.

a.k.a

When i was in college, we coined the term APRUPHOBIA,, eto yung fear dun sa kasindak-sindak at naglalaway na prof namin sa Abnormal Psychology. Pero ala naman ako nito kasi kanang-kamay niya ko. (sipsip? wehehe)

Ganyan kagaling ang mga Pinoy sa pagbibinyag. Kelangan kasi to para mas masaya ang tsismisan sa ofis man o sa skul o kahit sa kanto lang. Hehehe. At jan lumalabas ang pagka-creative natin sa pagbuo ng mga code name.

When i worked sa Kimchiland, pare-parehas ang tunog ng mga pangalan nila na puros Park, Kim at Lee. Kaya ayun, with the power vested upon me ng mga tambay sa kangkungan, nagbinyag kami ng mga Koreano a.k.a. Kurimaw. Eto yung listahan ng mga naging kasama namin sa pagawaan ng kimchi.. FYI, Joa (like/gusto/okay) sila pag maganda ang ugali. Anjoa (dislike/hindi okay) naman kapag panget ang pakikitungo nila sa mga Noypi.

Idirinim Taba – OM naming halimaw kung kumain, hehehe. Minsan joahamnida (joa) minsan anjoa. Kasi ba naman sa miting ng kumpanya, kasama sa agenda ang paggaya niya sa mga pinoy kung tumae gamit ang tabo. Kainis. Pero madalas ding namang maglibre.

Idirinim Payat – OM namin na payatot, kulang sa Vitamins at tahimik. Pa smile smile lang na parang Close Up Commercial Model. Joa

Sakang – Dahil sa kanyang paglalakad, syempre. Tinawag din naming Bart Simpson dahil sa kanyang hitsura. Joa.

Multo – Sajangnim o Manager namin. Para kasi tong multo na bigla-bigla na lang sumusulpot sa likod mo habang nagwowork ka. Parang yung tipong pag silip mo sa ilalim ng table, andun pala siya at pinagmamasdan ang trabaho mo. Joa.

Putok – Pangalan pa lang, lakas na ng dating… Kakahilo… Anjoa.

Renz Verano – dahil naman sa kanyang boses na kakaiba. Joa.

Pilay – Hindi daw pantay ang dinadaanan niya, sabi nung isa kong kasama. Joa.

Poging Init – Hindi siya kewl e. Bad trip ako dito kasi binato ba naman ako ng gunting. Gago. Isinumbong ko ke Multo. Ayun, nagresign. Anjoa. Mani mani.

Palito – Dahil wala siyang project sa Pinas kaya dun na siya sa Korea nagwork, hehehe. Joa

Tabenge – Bisor namin to na tumatabinge ang mukha kapag me nakikitang di kaaya-aya sa singkit niyang mata. sabay tsk. tsk. tsk. Joa naman.

Sundalong Kanin – Eto naman, sa pagkain lang magaling. Yung kanin niya sa pinggan sa lunch, hindi matatalunan ng kambing sa dami. Anjoa.

Eng-eng – Dahil sa kanyang nakakainis na boses. Nakakapunit ng tenga. Joa.

Rosenda – Yung buhok kasi nito hawig ke Rosenda dun sa soap opera ni Claudine. Joa to kasi umiyak pa siya nung umalis ako, hehehe. Isssue…

Babalu – Hindi totoo ang balitang patay na to. Pumunta lang siya sa Korea para magpayaman. Anjoa.

Aswang – Imagine mo na lang hitsura niya. Joa naman.

Vandolph – Tabachinching na ojt namin… sus, walang mata pag tumawa. Joa to.

Inki Park – Eto totoong pangalan, hehehe. Madali lang tandaan kasi. At isa pa, joa to mani mani kasi madalas akong bigyan ng prutas…

Oo, alam ko, yung iba jan mejo foul ang dating. Pero hindi po ako ang nagbinyag sa iba jan a. Si Rosenda, Vandolph, Babalu, Palito, Taba at Payat lang ang mga pakana ko.

Ngayon dito sa buhanginan, isang code name palang ang madalas kong naririnig sa mga Pinoy. Eto ang Pana. Sila yung mga Indian dito sa disyerto.

Iniisip ko lang, me code name din kaya yung ibang mga lahi sa ating mga Pinoy?

Circles

Friendship
In every stage of life, man collects souls around him and places them in a special jar. He needs these souls to laugh with, to cry with, to walk along with his journey. They let him grow into a stronger and better person, each inculcating a lesson or two. These magical souls inspire him to keep on fighting and to keep on holding on for they are just beside him like a platoon of angels ready for some wings if he needed such.
I call these souls BARKADA, a tropa, an inner circle where intimate friendship, belongingness and acceptance reside.

ESTUDYANTE BLUES
I can’t fully remember who gave that name sa grupo namin. All i know was, eto yung pinakapopular na Freddie Aguilar song when we were in grade 6. Lupeet ng samahan namin. Buong section kaming solid. Lahat barkada. And as time passes by, walang nagbabago. We had countless reunion na. We’ve been to tagaytay, a private pool in laguna, a beach somewhere in batangas o kaya naman simpleng galaan lang sa bahay ng lahat ng kaklase. Couldnt imagine what my elementary days would be if it weren’t with these guys: beverly, janet, arnel & ariel & adrian, tommy, jardio, jerrus, dnand, zaldy, leah, ailene, carmi, gayle, welyn, eleonor, xtian, romie, vivian, annie, ape, daman, neil & cris.

BINALOT GANG
Cool ang high school!!! Eto yung panahon ng experiment and firsts. Amidst assignment and hanggang leeg na projects, it was the time of unang buga ng yosi, unang lagablab ng ginebra sa lalamunan, unang pandedekwat ng mga kung anu-anong prutas sa looban, unang panonood ng sine, unang sayawan, unang relationship. Sarap kasama nila melchor, glenda, lea and annalissa. Kasama ko sila during these firsts….

FELLOWSHIP OF WORKSHEET
I survived the accounting world because of my friends.(arcel, debbie, melanie, jovy and lauvy) They were my constant ka-kopyahan ng assignment sa acctg 1 and 2 hehehe. Though 2 sems ko lang silang nakasama, they were able to mark a very important impact in my life. I think, eto ung lowest point of my academic life and am glad they were there.

THE SHIFTEES
We were from different floors and buildings of pup who thought that we were on the wrong bus to our dreams. So we left our classrooms and old texbooks and embraced the school of thoughts of Freud and Adler. Soon, i was able to grasp the same air i was breathing and recollected the pieces of my wounded self. Salamat kila dennis, mhy, mark p, mark v, benzon, badet, mara, kaye, and joanne. Vivid memories were inuman kila dennis, tambay sa south wing, bday parties and outing sa laguna (thanks to biosci requirement).

THESIS CIRCLE OF FIVE
Lanie, jhed, julie, marianne and i were set on our last two challenges before graduation. The main thesis and the experimental thesis. Our nights were filled with brainstorming, argumentation, encoding, nakaw-naps and drums of coffee. It was then when i realized that am a great doctor. hehehe.

BM KADA
Amidst the heat and beat of ISO accreditation of my former office, nabuo ang BM KADA (the pasaway counterpart of BM trada–the accreditation body). A perfect conglomeration of every department in the company. Chepai and ate dally from accounting, evelyn of admin, ricky of operations, ate pretch and jabs from billing, and ako sa hr. Ergo, medyo sinisilip kami ng management that time. Pag may pera, we had our beerstorming sa cowboygrill & baywalk. Pag mejo broke, ginpo sessions were done sa bahay nila ate dally. SOBRANG saya namin noon. A friendship circle with a spice of love, betrayal and competition.

HR SURVIVORSfriends
Freshblood. Corporate jungle. Ganyan ung mundo namin nila tere, pags (beb ko), aila, noel, richard, jonie at robert (?). We felt the same angst, and pang-aalipusta (a bit of exxageration here) from almost everyone. All we had was the bonding that kept us holding on and fighting till we got our own wings of experience to soar and battle into a tougher world of so-called career path.

PINOY BIG BROTHER (season 1-home along the river)
Prior to the popularity of that reality show, that set-up was already existing sa binay street sa makati. 24 hours na kasama ko yung mga officemates ko. Tampuhan, magdamag na kwentuhan, yung task na kunin ung tv nila jonie all the way from cavite , the sariling mundo of rico, the mala-sam milby na si ryan who just stayed in the house for a month or two, love team ni jonie and ricky and the ligaya ng panginoon days with art and norie.

PINOY BIG BROTHER (season 2-the house on the other street of makati)
We left the house along the river and moved to bahay nila kuya edwin. Tatlo na lang ung kasama sa original cast. Rico resigned from acabar, jonie and ricky got married, ryan went back to cebu. So the three remaining housemates (norie, art and ako) went on to live and work with the new cast of ken, lanie, and the kapamilya members (my younger brothers- jayson and edison), ken’s cousin, norie’s ate, lanie’s younger sis plus gf ni art and gf ko.

PRIME BOYS
This one is tougher than the two seasons of bahay ni kuya sa makati. 3 years na kasama ko sila robert, ronald, ariel, mike, james, sandy and richard dito sa korea. Mula paggising hangang sa pagtulog. And the best and worst of everyone and the adjusment mechanisms we have to apply so we can survive the personality differences, firm point of views and the barriers of culture and language. We love each other and we hate each other.

COKE TIGERS
After three years of working in South Korea, i went back to my previous company and worked as Account Supervisor for Coca Cola. I never had difficulty coping up and hitting the demands of our clients since Nash, Angie, Rodel G, Rodel DG, Jerry, Jaymee, Janet and Jun were always there to help me. Though we didn’t have much time for gimmicks because most of them are married, Riot naman talaga pag kami ang magkakasama sa office.

Each circle of souls has distinct mark in my journey. Each tropa continues to inspire me one way or another. Each has its share of conflict and tension, tastes of happiness and loneliness. Right now, I am still collecting souls here in Qatar. I don’t have yet a circle to call my own. I am still in the process. But one thing’s sure, this would be another chapter worth-reading in my book of life.
————-
pics from art.com and flicker.com

Ang Pagtatapos ng Ati-Atihan Festival

Brad, suot na naman ni Boy Singa yung Ati-Atihan Festival.

Iyun ang bulung-bulungan naming magkakasama kapag nakikita namin si Nato. Dangan kasi, ang kulay dalandan niyang t-shirt ay talaga namang kasama na sa araw-araw na nakikita namin sa konjang. Iyun ang paborito niyang isuot, umulan o umaraw, magtag-lagas man o tagyelo. Ang kupas na larawan ng banderitas at mga maskara sa damit na yaon ay di talagang hindi kumikilala ng panahon..

Isa si Nato sa pitong Pinoy na kasama kong nagsugal ng kapalaran sa Korea. Baon ang pangarap na makaahon sa hirap ng buhay sa Pinas. Maayos naman ang samahan naming lahat, datapwat si Nato nga’y itinuring naming kakaiba sa aming pangkat. Mas gusto niya kasing mag-isa. O talaga lang hindi niya trip ang tropa. Tama, yung pangalawang dahilan nga siguro. Hindi namin alam kung bakit.

Kapag lumalabas ang grupo para gumimik, nagpapaiwan lang siya sa kuwarto. Pero ilang sandali lang, makikita din namin siya sa mga norebang na iba ang kasama. Umiinom kami ng soju sa common room namin pero siya, mas gusto pang uminom mag-isa. Naiinis kami pero nasanay na rin. Hindi niya nga gusto ang timpla ng grupo.

Hindi ko masabing matipid si Nato. Namumulot lang kasi siya ng mga gamit na pinagsawaan ng mga Koreano. Tulad ng hanger, o ng kama, o ng jacket na gamit niya pag winter. Sa pagkain naman, sapat na sa kanya ang kimchi para ipang-ulam sa kanin. Pero minsan naman, kung makagasta sa inuman o sa norebang, akala mo walang bukas na naghihintay.

Pero nakakabilib din naman kasi mahal na mahal niya yung asawa niya at anak. Magtitira lang siya ng konting won tapos yung buong sweldo, ipapadala na sa Pinas. Me hinuhulugan daw siyang lupa sa probinsya ng asawa niya. Mahal niya daw ang pamilya niya at ang pagpunta sa norebang ay palipas-oras lang.

Siyanga pala, Boy Singa ang code name niya. Singa kasi siya nang singa kahit kaharap yung mga Koreano. Naiinis nga kami kasi baka isipin nila na ganun ang mga Pinoy. Naintindihan ko lang siya nang rumelyebo ako sa kanya sa pagwewelding. Masakit sa ilong ang ibinubugang usok buhat sa natutunaw na welding rod. Nakakatulong nga ang pagsinga. Yun nga lang, mukhang hindi na naalis sa sistema ni Nato ang pagsinga kahit hindi na nagwewelding.

Nagpatuloy siya sa pagwewelding, sa pagsinga, sa pag-inom mag-isa ng soju at pagpapadala ng malaking halaga ng pera sa Pinas. Gusto niya pag-uwi niya, me sariling lupa na siya para sa sariling bahay niya.

Anim na buwan bago matapos ang kontrata. Nilapitan ko siya habang umiinom ng soju sa kuwarto. Parang naiiyak.

Sa wakas, natapos ko ng bayaran yung lupa. Naluluha siya sa pagkukuwento.

Ayos pare, yan ang bunga ng mga usok ng welding, hehehe. Biro ko sa kanya.

Kausap ko yung anak ko, marunong na mag-inglis. Tinanong ko kanina kung ano ulam, nangingiti pang kwento ni Nato, sabi niya sa aken FESH…

Muntik na ko matawa, Fesh daw. Pero nakita ko ang saya niya. Proud na ama.

Pero, baka di muna ko umuwi sa Pinas. Baka makapatay lang ako... Biglang nag-iba ang timpla niya..
Ang makati kong asawa, sumama sa ibang lalaki dun sa probinsiya niya…

HA?! Gulat ako sa sinabi niya. Naisip ko agad yung lupa. E, paano yung lupa mo?

Pare, nakapangalan sa malandi kong asawa. Pero, bahala na siya dun. Basta wag niya lang kukunin ang anak ko sa nanay ko. Makakarma din siyang puta siya.
sabay lagok sa huling baso ng soju. Tumayo at nagpaalam na pupunta ng kagi.

Kinabukasan, hindi na kami nagulat nang wala na si Nato sa kuwarto niya. Nag TNT na nga. Konti lang ang naiwang damit at gamit. Kabilang na doon ang paborito niyang damit na nakahanger sa sampayan.

Naisip ko, hindi siya nalalayo sa sinapit ng Ati-Atihan Festival na damit niya. Kupas, at walang kulay. Maiiwan na lang kapag wala ng silbi. Aabandunahin kapag hindi na kailangan ng inaakalang Panginoon.
_____________________________________________________________________________________________

konjang – pabrika
soju – paboritong inumin ng mga Koreano, parang Gin pero mas swabe
kimchi – kilalang pagkain ng mg Koreano, mapula at maanghang
Norebang – videoke room
kagi – tindahan

Lakayisms

Kasamahan ko dati si Lakay dun sa South Korea. Natatawa kasi ako pag kinakausap niya ng inglis yung mga kasama naming Koreano…

Syempre, di ba hindi naman marunong mag-inglis yung mga tao sa kimchiland kaya dumudugo yung ilong nila pag kausap si Lakay.

Tabang Koreano: (Kunwari koreano tong salita) Hoy, lakay, gawin mo na yung trabaho dun. Wag kang aalis hanggat di tapos yun a.

Lakay: What? JUST ONLY ONE ME?

eto pa…
Sabi kasi nung sajangnim namin, kelangan daw alam namin lahat yung pasikot sikot ng trabaho.
Banat ni Lakay,

Yes, yes, we will turn around all the work…

Hahaha. Pero wag ka bilib na bilib sila ke Lakay mag-inglis… Kami namang mga Pinoy, tawa nang tawa sa kanyang mga Lakayisms…

Pavarotti

Actually, matagal na tong kwentong to pero natatawa talaga ko pag naalala ko. Sakay kami noon ng isa kong kaibigan sa bus dun sa Korea.

Ako: Pare, patay na pala si Pavarotti, no?

Parekoy: Yun ba yung leader ng Abu Sayyaf? Buti naman…

Ako: Hindi pare. Siya yong hostage…

Hahaha. Isipin mo na lang kung siya nga ang leader ng Abu. Malamang siya si KA Lucio. Hahaha.

Sala Sa Init, Sala Sa Lamig

Hindi tao ang tinutukoy ko dito, hehehe. Kundi yung tubig na panligo.

Dati kasi, noong nasa Korea ako, medyo nagkakasamaan kami ng loob ng mga kasamahan ko kapag maliligo. Kasi nga, nagkakaubusan ng mainit na Tubig sa tangkeng konektado sa heater. Kaya mo bang maligo kung ang tubig mo ay parang galing sa ref? Tipaklong, ganun kalamig ang tubig dun. Kaya, madalas, mas madami pa ang mainit na ulo kesa sa mainit na tubig dun…. Doon ako nasanay maligo nang limang tabong tubig lang ang gamit.

Ngayon naman, dito sa Qatar, yung tubig naman e sobrang init. Nakakapaso ng ba… lat kapag naliligo. Kainis. Kelangan mo pang magpalamig ng tubig sa timba sa gabi para panligo kinabukasan… At kapag swerteng ginamit ng kasamahan mo yung tubig, pagtitiisan mo talaga yung init kesa naman pumasok nang hindi naliligo.

Buti na lang, sanay akong maligo nang limang tabong tubig lang ang gamit. Hehehe.