ALAS SAIS NG HAPON

six-ock

Ang paborito kong kulay ay pula. Ang paborito kong prutas ay mangga. Ang paborito kong pagkain ay spaghetti at pritong manok.  Pero, alam ninyo bang may paborito rin akong oras sa isang araw? Ito ay tuwing alas sais ng hapon.

 

Tinuruan ako ni Nanay kung paano ko malalaman ang alas sais ng hapon sa orasan. Ang mahabang kamay ay nakatapat sa pinakamataas na parte at ang maliit na kamay ng orasan ay nakatapat naman sa pinakamababang bahagi. Isang nakatayo at tuwid na linya. Parang poste sa kalsada.

 

Bago dumating ang oras na iyun, inihahanda ko na ang sarili ko. Kakain na agad ako ng hapunan. Maglilinis na kaagad ako ng katawan. Maghihilamos at magsisipilyo.

 

Alam ninyo ba kung bakit paborito ko ang alas sais ng hapon? Dahil ito ay oras para makausap ko ang Tatay kong nasa kabilang panig ng mundo. Abroad daw ang tawag sa lugar na iyun at chat daw ang tawag kapag kausap namin siya, sabi ni Nanay.

 

Pagsapit ng ganitong oras, bubuksan ni Nanay ang laptop. Magkukuwentuhan sila ni Tatay. Tungkol sa perang padala at mga gastusin. Mga kung anu-anong usapan at bilin. Ako naman ay paminsan-minsang tumitingin kay Nanay habang naglalaro. Nakakatuwa siyang tingnan habang nakikipagkuwentuhan kay Tatay. Hahalakhak. Iiyak. Tapos, tatawa na naman. Tapos, iiyak na naman. At muling hahalakhak. Para rin akong nanonood ng telebisyon.

 

“Robert, anak, halika na. Maupo ka na dito. Kakausapin ka ng Tatay mo,” anyaya sa akin ni Inay pagkatapos nilang mag-usap. Uupo ako sa harap ng kompyuter. Ako naman ang makikipag-usap sa Tatay ko. At lalo akong mamamangha dahil kausap ko na naman ang Tatay ko nasa kabilang panig ng mundo.

Magaling ang Tatay ko. Kahit anong itanong ko sa kanya, parati siyang may sagot.

 

Tatay, bakit po kamay ang tawag sa kamay ng orasan? Wala naman po silang mga daliri?

Kasi, anak, para silang mga kamay na kumakaway at nag-aanyaya sa mga tao para gawin na ang mga dapat gawin sa tamang oras. Kita mo, alam mo ang oras kung kailan tayo magkukuwentuhan.

 

Tatay, bakit po paa ang tawag sa mga paa ng mesa at upuan? Hindi naman po sila naglalakad at tumatakbo?

Kasi, anak, paa rin ang ginagamit sa pagtayo. Gusto mo bang tumakbo at maglakad pa ang mga gamit natin sa bahay?

Naku, hindi na po. At bubunghalit ako ng tawa kapag naiisip ko ang mga naglalakad na mesa at upuan.

 

Tatay, bakit po madilim ang gabi?

E, kasi anak, para malaman ng mga tao na kailangan nilang magpahinga at matulog. Isipin mo na lang kung puro araw, e di hindi ka na titigil sa paglalaro. Naku, pihadong pagod na pagod ka kapag nagkataon.

 

E, bakit po nakapikit ang tao kapag tulog?

E, kasi anak, kapag nakadilat yung mata natin kapag tulog, parati kang maiistorbo sa pagtulog ng mga nakikita mo.

 

Tatay, saging lang po ba ang punong may puso?

Naku, anak. Huwag kang maniwala sa sabi-sabi. Lahat ng puno at halaman ay may puso, kaya dapat alagaan mo sila.  

 

Kaya simula noon, paborito ko na ring alagaan ang mga alagang rosas ni Nanay sa bakuran.

 

Hangang-hanga talaga ako kay Tatay. Laging may handang sagot sa aking kakulitan.

 

Bakit kailangan ko pong uminom ng gatas?

Sabi niya, para ako ay lumakas.

Bakit kailangan ko pong kumain ng gulay?

Sabi niya, para ako ay maging malusog at matalinong bata.

Bakit kailangan ko pong maligo?

Sabi niya, para ako ay bumango at hindi dapuan ng mikrobyo.

Bakit po tuwing alas sais tayo mag-usap?

Sabi niya, iyun daw ang pinakamainam na oras dahil magkaiba ang oras namin. Umaga daw dito, gabi naman doon.

Paano po nangyari iyun? Umaga dito, gabi sa kabilang panig ng mundo?

Sabi niya, bilog kasi ang mundo at umiikot daw ito sa araw. Matututunan ko rin daw iyun kapag nag-aaral na ako.

Bakit kailangan ko pong mag-aral?

Sabi niya, para marami akong matutunan at magkaroon ako ng magandang kinabukasan.

Ano po ang magandang kinabukasan? Bukas na po ba iyun pagkagising ko?

Sabi niya, naku, maraming pagtulog at paggising daw ang kinabukasan. Ang mahalaga, mag-aral akong makabuti para makakuha ng mataas na marka.

Bakit po kailangan ng marka?

Kailangan ang marka para malaman kung nakikinig daw ako sa paaralan.

 

Maraming akong ikinukuwento kay Tatay. Marami rin siyang ikinukuwento.

Ipinapakita niya sa kompyuter ang mga laruan, tsokolate at damit na binili niya para sa akin at kay Nanay. Ikinukuwento ko naman agad ang mga iyun at nagpapasalamat kapag dumating na ang isang malaking kahon na puno ng kung anu-anong mga gamit sa bahay. Dagdag pa niyang kuwento ang pagkakarga niya sa akin noong sanggol pa lang ako. Kapag hindi ko matandaan, ipinapakuha niya sa akin ang mga lumang litrato na magkasama kami. Magkukuwento pa siya tungkol sa akin tulad ng pagtulog ko sa kanyang mga braso at pagpapalit ng lampin ko.

 

Pero minsan, may mga tanong akong natatagalan si Tatay sa pagsagot.

 

Tatay, hindi po ba kayo kasya sa kahon?

Ngingiti si Tatay tapos biglang magpupunas ng mata. Hindi ako kasya sa kahon, anak.

 

Umiiyak po ba kayo, Tatay?      

Anak, natutuwa lang ako at masaya ka. Nami-miss ka lang ni Tatay.

 

Tatay, nag-oopisina po ba kayo?

Oo, anak, nagtatrabaho si Tatay.

 

Bakit ang tagal po ninyong umuwi? Iyung Tatay ng kalaro ko, nag-oopisina rin pero umuuwi po tuwing gabi.

Mag-iisip ulit si Tatay. Ah, ganun ba. Kasi si Tatay, dito nga sa kabilang panig ng mundo nag-oopisina.  

 

Tatay, bakit diyan po kayo nag-oopisina? Matagal pa po ba kayo uuwi?

Mag-iisip ulit si Tatay. Dito ako nagtatrabaho kasi mas malaki ang suweldo. Para mas maganda ang kinabukasan mo. Di ba gusto mong maging doktor? Tutulungan ka ni Tatay para maging doktor. Para makapasok ka sa magagandang paaralan at mabili ko ang mga pangangailangan mo.

 

At pagkatapos, magpupunas ulit siya ng mata. Umiiyak nga siguro si Tatay.

 

Di bale, Tatay, ako na lang po ang sasakay sa kahon. Tutal, kasyang-kasya ako roon.

 

Pero, kahit ilang beses akong sumuot at makatulog sa loob ng kahon, nagigising lang akong kinakagat ng mga langgam. Naiwan siguro ako ng mamang nagdadala ng mga kahon papunta sa kabilang panig ng mundo.

 

Marami pang alas sais ng hapon ang nagdaan. Ikinuwento ko sa kanya ang mga nakikilala at natututunan ko sa paaralan. Marunong na akong bumasa, sumulat, gumuhit at magbilang. Hindi na lang alas sais ang alam kong oras sa orasan. Mula ala una ng umaga hanggang alas dose ng gabi.

 

Minsan, may takdang-aralin kami kinabukasan. Pinapaguhit kami ng bahay at pamilya ng aming guro. Alas sais na ng hapon, hindi ko pa tapos ang aking iginuguhit. Nagpaturo ako kay Tatay.

 

Naku, anak, parang may kulang sa iginuhit mo.

Hmm, tiningnan ko ang drowing ko. Alam ko na, kulang po ng mga puno. Nalimutan ko, napapaligiran pala ng mga punong-kahoy ang bahay natin. At gumuhit ulit ako.

 

Naku, anak, parang may kulang pa rin sa iginuhit mo.

Hmm, tiningnan ko ulit ang drowing ko. Alam ko na, kulang po si Bantay. At iginuhit ko ang alaga naming aso.

 

Naku, anak, parang may kulang pa rin sa iginuhit mo.

Hmm, tiningnan ko ulit ang drowing ko. May bahay, may bakod, may ulap, may bundok, may mga puno, si Nanay, ako at si Bantay.

 

Kumpleto naman po, Tatay. Ano pa po ba ang kulang?

Naku, anak. Magtatampo sa iyo si Tatay. Isipin mo ulit.

 

Hmm, tiningnan ko ulit ang drowing ko. Naku, tama, may nalimutan nga ako. Gumuhit ako ng isang parihaba at pinatungan ko ulit ng isa pang parihaba. Nilagyan ko ng mukha ng tao ang isang parihaba. Si Tatay, sa laptop, nasa kabilang panig ng mundo.

 

Napahalakhak si Tatay. Napatingin sa akin si Nanay. Tiningnan niya ang drowing ko. Napangiti rin siya. Yinakap ako at nagwikang –

 

“Anak, kahit nasa kabilang panig ng mundo si Tatay, mahal na mahal niya tayo. Ginagawa niya ang lahat para magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Hindi magiging kumpleto ang tahanang ito kung wala ang bawat isa sa atin. Lagi mo iyang tatandaan.”

 

Napatingin ulit ako kay Tatay sa kompyuter.

 

“Anak, may surpresa ako sa iyo. Uuwi na si Tatay sa Pasko. Uuwi na si Tatay sa Disyembre.”

 

Masayang-masaya ako sa narinig ko. Parang tumalon ang puso ko. Magkakaroon na naman ako ng bagong paborito. Ang paborito kong buwan ng taon – ang Disyembre.

 

Uuwi ang mahal kong Tatay sa Disyembre. Mayayakap ko na rin ang aking ama.

____________

(ang larawan ay mula sa yahoo images)

____________

Ito ang aking lahok para sa Kwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards 5.

Saranggola 336x280

dmci homes logo

Ang Project ni MEcoy

Ayun. Magandang araw mga kalipad-isip!

Tagal ko na namang nawala. Mabuti na lang at may nangatok at nagpaalala na kailangan ko na daw mag-update.

Siyanga pala, i-share ko lang yung ginawang project ng isang blogger dun sa isa kong kwento. Nakakatuwa naman na nilagyan niya ng drowing yung kwento at isinalin pa sa English.

Salamat, MECOY!

Yung kwento nga pala na drinowing niya ay ang isinali ko sa Kwentong Pambata ng Saranggola Blog Awards noong nakaraang taon. ANG KAHON AT ANG MGA KWENTO NG MGA LUMANG LARUAN na napiling Ikalawang Karangalan (Blog-galing).

Magaling ang pagkakaguhit niya. At nainggit ako ng konti. Nailarawan niya talaga kung ano yung nasa isip ko. Hindi perpekto ang pagkakasulat niya sa wikang Ingles, gaya rin ng hindi ko pagiging perpekto sa pagsusulat ng Filipino (at English). MINSAN, isa yun sa kagandahan ng paglalakbay at karanasan bilang blogger  o writer. Kumbaga, nagiging tao. Parating may patutunguhang pag-unlad sa larangan. Sabi nga, narinig ko minsan sa mga judges ng Showtime, pag sobrang galing na daw, nagiging boring na.

Nalungkot lang ako dahil nabawasan yung mga tauhan sa istorya. Nawala sina Kotse-kotsehan at Teddy Bear. Kunsabagay, kasi, sabi ni Mecoy, madalian daw, Tatlong araw lang yata niya ginawa. 100% dapat yung grade na ibibigay ko sa ginawa niya e, pero, naging 97% na lang. 2 puntos para sa dalawang karakter na nawala at isang puntos na kabawasan dahil kahon lang ang nakadrowing dun sa COVER Page. Mas maganda sana kung andun din sa unahan ang mga laruan sa kwento.

Anu’t anuman, saludo ako kay Pareng Mecoy. Kung magawi ka ulit dito, salamat at isang malaking karangalan para sa akin ang maging inspirasyon ng talento mo.. Nawa’y lalo ka pang mahasa at kuminang sa mundo ng sining ng pagguhit at pagsusulat. Kay-inam na kumbinasyon!

Sa apat na sulok ng kahon, nabuo ang huntahan ng mga laruan.

Si Budong at ang Sarimanok

Maagang gumising ang batang si Budong.

Ngayon kasi ang ikawalong kaarawan niya. At talagang pinananabikan niya ang araw na ito dahil sa matagal na niyang hiling sa mga magulang – isang PSP. Iyun kasi ang uso ngayon.

Pumunta agad siya sa salas kung saan nag-uusap ang kanyang ama at ina.

“Maligayang kaarawan, anak,” bungad ng Nanay niya, “Gusto mo bang makita ang aming regalo?”

“O-opo, Inay,” ngiti ni Budong.

“Halika, anak, puntahan natin sa labas,” aya ng Tatay niya.

Nagtataka man, sumunod na rin siya para makita ang sinasabing regalo.

“Ibon? Ibon ang regalo ninyo?” malungkot niyang wika habang pinagmamasdan ang puting ibon sa kahoy na dinadapuan nito.

“Anak, iyan ang napili naming regalo para mabaling naman sa ibang bagay ang atensyon mo bukod sa pagcocomputer at panonood ng tv. Napapansin kasi naming parati ka na lang sa kuwarto. Hindi ka na rin sumasama sa pamamasyal namin ng Nanay mo. Heto, may isa pa kaming regalo sa ‘yo,” paliwanag ng Tatay niya sabay abot ng tatlong tiket sa palad niya. “Manonood tayo ng Circus sa bayan.”

“Ayoko sa ibon na yan, at hindi ako sasama sa pamamasyal,” sabay tapon ng mga tiket at tumakbo pabalik ng bahay.

Pagpasok sa kuwarto, nagtalukbong kaagad siya ng kumot. Naiinis siya dahil hindi man lang nasunod ang gusto niya. E, sa ayaw niyang mamasyal.

Mas gusto niyang magbabad sa paglalaro ng mga video games. Nalilibang pa siya lalo na kapag nananalo siya samantalang wala naman siyang napapala sa paggala. Nahihilo pa siya sa mahahabang biyahe.

Nasa ganoon siyang pagmamaktol nang biglang–

“Psst, Budong! Budong!”

“Huh? Sino ka?” Nagtaka siya kung saan nanggaling ang tawag na iyun gayong mag-isa lang siya sa kuwarto.

“Budong, andito ako sa bintana,” ulit ng maliit na tinig.

Tumayo si Budong at binuksan ang bintana. Gulat na gulat siya sa kanyang nakita. ANG PUTING IBON NAGSASALITA!

Agad siyang tumakbo pabalik sa kanyang kama at muling nagtalukbong ng kumot. Minamaligno na yata siya.

Pero ang munting ibon ay lumipad papunta sa kanyang kama at hinila ang kumot niya.

Lalong nanlaki ang mata ni Budong nang makita ang pagbabagong-anyo nito. Ang maliit na puting ibon ay naging isang malaking ibon. Halos kasinglaki ng kama niya. May tangan itong isda sa kanyang tuka. Tila may koronang nagniningning. May makukulay at magagandang balahibo. Makintab at nagliliwanag!

“Ako ang SARIMANOK. Narito ako para turuan ka ng aral,” lumapit sa kanya ang ibon.

“Anong pangalan mo? Anong pangalan ng Nanay at Tatay mo? Saan ka nakatira?” Sunod-sunod na tanong sa kanya at natatakot man, sinagot niya rin isa-isa. Baka kasi kainin siya nito kapag hindi siya sumagot.

Pagkatapos, sinakmal siya at inilagay sa likod. Sumigaw siya pero huli na ang lahat. Inilipad na siya ng sarimanok palabas ng bintana ng kuwarto.

“Hu hu hu. Saan mo ko dadalhin? Huwag mo ‘kong kakainin,” pagmamakaawa niya.

“Budong, huwag kang matakot. Kalmado ka lang at tayo’y maglalayag. Marami akong ipapakita sa ‘yo.”  At tuluyan silang pumailanlang sa kalawakan. Lalong humigpit ang hawak ni Budong sa balahibo ng ibon.

Pagkatapos ng paglipad sa mala-bulak na mga ulap, ibinaba siya ni Sarimanok sa bakuran ni Tikyo Tikbalang, isang nilalang na anyong tao pero may ulo ng kabayo. Naabutan pa nila itong kumakanta.

“Si Mang Tikyo ay mayro’ng zoo, A, E, I, O, U

Maraming hayop nandito. A, E, I, O, U.”

At totoo ngang maraming alagang hayop si Tikyo. May giraffe, leon, ahas, unggoy, buwaya at mga ibon. Mas maganda pala ang mga ito kaysa sa mga larawan at sa napapanood niya sa TV. Ikinuwento pa ni Mang Tikyo kung paano ang mga ito alagaan. Naalala tuloy ni Budong nang tumanggi siya kay Notnot na mamasyal sa zoo. Sayang, masaya din pala ang karanasan.

Matapos malibot ang zoo ni Tikyo Tikbalang, muli silang lumipad ng Sarimanok. Bumaba sila sa isang punso at bumungad sa kanila ang isang maliit at matandang tao. May mahabang balbas at mahabang buhok. Patula itong nagsalita.

“Magandang araw sa inyo, itoy aking bati, sa mga naritong may ngiti sa labi.

Halina’t pumasok sa aking gusali, makita, mamasdan, yaman nitong lahi.”

At ang punso ay naging isang malaking gusali. Pumasok sila sa loob at ipinakita sa kanila ng nuno sa punso ang mga banga, damit at ilan pang lumang kagamitan. Isinalaysay din nito ang kuwento ng bawat bagay na halos ilang daang taon na ang nakararaan. Naalala niya tuloy ang hindi niya pagsama sa klase sa pagpunta sa museum. Marami rin pala siyang matutunan!

Muli silang lumipad ni Sarimanok. Maya-maya, nakaramdam siya ng pagkahilo, parang nasusuka. Ang sabi ng ibon, normal daw iyun sa isang bata. Mawawala daw iyun sa pagtanda. Inabutan siya nito ng sisidlan at doon siya dumuwal. Pagkatapos, binigyan siya nito ng puting bulaklak. Inamoy niya ito at guminhawa kaagad ang kanyang pakiramdam.

Hanggang sa nakarating sila sa isang baybayin kung saan naroon ang mga sirena na masayang naglalangoy. Gusto niyang matutong lumangoy.

“Maaari ba akong makisaya?” bati niya.

“Oo naman, halika at maglangoy tayo,” sabay-sabay nilang wika. Tinuruan siyang maglangoy ng ilan habang kumakanta ang iba.

“Ang paglangoy ay parang paglipad.

Isipin mong sakay ka ng ulap.

Kamay ikampay, paa’y ipadyak.

Iduduyan ka ng alon ng dagat.”

Ilang sandali pa’y natuto na siyang maglangoy! Masarap pala. Naisip niya, sasama na siya sa mga pinsan sa beach sa susunod na bakasyon.

Sunod nilang pinuntahan ang kaharian ng mga duwende. Nadatnan nila ang mga ito na masayang nagkakantahan habang nagtatrabaho.

Hay-ho! Hay-ho! Magbanat ng buto (Hay-ho!)

Hay-ho! Hay-ho! Tayo’y magtrabaho. (Hay-ho!)

Natuwa siyang pagmasdan ang mga ito. May naghahalo sa kaldero. May naghihiwa ng mga rekado. May nagbabalot ng kung anu-ano.

“Budong, tikman mo ang luto nila,” aya sa kanya ni Sarimanok.

At kumain nga sila ng maraming kendi at tsokolate. Masarap at matamis. Tuwang-tuwa talaga si Budong. Nakakakain din pala ng masasarap na pagkain kapag namamasyal. Naalala niya, may field trip sa pagawaan ng ice cream ang klase nila sa susunod na buwan, naku, talagang sasama siya.

Gabi na nang lumabas sila sa kaharian ng mga duwende. Sumakay siya kaagad kay Sarimanok at muling lumipad sa himpapawid.

Kitang-kita nila ang ganda ng mga bituin sa kalangitan. Napakagandang pagmasdan! Mas maganda pa sa napapanood niya sa tv. Maya-maya, may napansin siyang kumpol ng mga alitaptap. Lumapit sila at lalong namangha sa nakita. Munting mga diwata! Maliliit na babae na parang alitaptap! Nagsasayaw at kumakanta sa himpapawid.

“Ningning ng munting bituin, sana’y kaya kitang abutin.

Sa langit na kaytaas, nagsasabog ng liwanag

Ningning ng munting bituin, sana’y kaya kitang abutin.”

Gusto pa sana niyang manood kaso, gabi na. Inaya na niya si Sarimanok. Baka hinahanap na siya sa bahay.

Nagpalipad-lipad sila sa kalawakan. Lipad dito, lipad doon. Tingin dito, tingin doon.

“Naku, mukhang naliligaw tayo,” pagtatapat ng ibon.

“Ha? Anong gagawin natin ngayon?” takot agad si Budong.

“Huwag kang matakot. Alam ko kung sinong makakatulong sa atin.”

Bumaba sila sa isang malaking puno na nagliliwanag. Iba-ibang kulay at hugis ang mga dahon nito. At ang mga bunga, iba-ibang prutas!

Agad silang sinalubong ng isang engkantadang nakasuot ng puting damit. Napakaamo ng mukha.

“Ikaw pala, Sarimanok. At may kasama ka na namang bagong kaibigan,” wika nito sabay haplos sa ulo ng ibon.

“Kamusta? Nasiyahan ka ba sa pamamasyal sa aming daigdig?” baling ng Engkantada kay Budong.

“O-opo. Marami po akong napuntahan at natutunan,” sagot ni Budong.

“Mabuti kung gayon. Ngayon, alam mo na ang kahalagahan ng pamamasyal. Ang pamamasyal ay pag-aaral din. Marami kang natututunan at natutuklasan habang naglilibang. Nagiging mas makulay ang iyong mga karanasan. Mas maraming magagandang lugar ang puwedeng puntahan sa iyong daigdig at hangad kong mapasyalan mo ang mga iyun,” paliwanag ng Engkantada.

“Hmm, ano nga pala ang maipaglilingkod ko?” tanong ulit ng Engkantada.

“Nawawala po kasi kami. Hindi namin maalala ang daang pauwi sa aking daigdig,” ani Budong.

“Huwag kang mag-alala. Matutulungan kita. Ano ba ang tunay mong pangalan?”

Sinabi ni Budong ang tunay niyang pangalan.

“Anong pangalan ng iyong mga magulang?”

Muli niyang sinagot ang Engkantada.

“Anong kumpletong pangalan ng iyong lugar?”

Ibinigay ni Budong ang kumpletong pangalan ng lugar nila, pati bilang ng kalsada at pangalan ng barangay.

“Huwag kang mag-alala. Ihahatid ka namin sa iyong daigdig.” Agad inutusan nito ang isang kawal na sakay sa kabayong may sungay at pakpak.

Sumakay muli si Budong sa Sarimanok.  Sinundan nila ang kawal at kabayo hanggang sa makarating sila sa bintana ng kanyang kuwarto.

“Budong, gising na! Nakatulugan mo na naman ang panonood ng tv,” yugyog ng Nanay niya.

“Hmmm, Nay? Birthday ko na po ba?” humihikab niyang tanong.

“Sa isang linggo pa, anak, at huwag kang umasang ibibili ka namin ng PSP,” sagot ng nanay niya.

“Naku, Nay. Iba na lang ang hiling ko. Gusto ko pong mag-alaga ng ibon. At p’wede po ba tayong mamasyal sa birthday ko? Gusto ko pong pumunta ng zoo at museum,” paglalambing niya sa nanay.

“Aba, maganda yata ang gising mo,” nagtatakang tanong ng nanay niya.

“Maganda rin po kasi ang panaginip ko,” sabay ngiti at yakap sa ina.

At mula noon, nahilig na si Budong sa pamamasyal.

______________________

Lahok para sa Saranggola Blog Awards

Ang Kahon at Ang Mga Kwento Ng Mga Lumang Laruan

Isang araw, may isang kayumanggi at walang lamang kahon ang naiwan sa isang sulok ng tindahan. Maya-maya’y may isang lolong nagdikit ng papel sa kahong walang laman. Hindi mabasa ng kahon ang nakasulat pero sabi ng kahon sa sarili, “Salamat at mayroon pa pala akong silbi kahit isang basurahan”. Dati kasi siyang kahon ng sigarilyo.

Dumaan ang ilang araw, isang kasambahay ang naglagay ng isang manikang madumi ang damit at ang dilaw na buhok ay di pantay ang gupit.  Natuwa ang kahon dahil nagkaroon na siya ng laman, isang basurang manika.

“Kumusta, manika?” ang bungad na bati ni Kahon. “Sa hitsura mo’y parang pinaglaruan ka yata ng batang sa iyo’y umampon.”

“Uy, kaibigan. Maigi ngang nandito ako sa loob mo,” sagot ni Manika. “Kung alam mo lang ang aking kwento, pihadong pati ikaw’y manlulumo.”

“Tutal, dalawa lang naman tayo, makikinig ako sa kwento mo,” ngiti ni Kahon.

“O sige. Ako’y isang magandang manika noong una. Gintong mais ang aking buhok at mabango ang damit kong kulay pula. Madami ang sa akin ay nagbakasakali ngunit sabihin nating mayamang bata ang nagmay-ari. Ang hindi ko lang inaasahan, mayroon siyang panget na ugali. Kaming mga laruan ay hindi iniingatan at madalas gawan ng kalokohan. Biruin mong ilublob ako sa putikan at gupitin ang buhok kong ginintuan. Hay, nasayang lang ang aking ganda sa isang batang hindi marunong magpahalaga.”

“Masaklap pala ang iyong sinapit sa isang batang ugali’y malupit,” yun na lang ang sinabi ni Kahon sa kanyang unang bisita.

Ilang araw ang lumipas, may amang naglagay naman ng isang asul na robot sa kahon.

“Kamusta, Robot,” sabay na bati nina Kahon at Manika.

“Hay, eto, nakakahiya na ang hitsura. Bali ang isang kamay at lagyan man ng baterya ay di na gumagana. Ano pa nga ba, isa na akong basura!” dismayadong sagot ni Robot.

“Makikinig kami sa kwento mo, tutal tatlo lang naman tayo,” ang paunlak ni Kahon.

“O, sige. Ganito yun. Ako’y isang robot na modelo ng isang sikat na robot sa telebisyon. Binili ako ng isang mabait na tatay para sa kanyang bunsong anak. Tuwang-tuwa sa akin ang bunso, pero naiinggit naman sa kanya ang panganay na kapatid. Minsang naglalaro si bunso, nakiusap ang kuya niya na hiramin ako pero naging madamot ito. Nainis ang mas matanda kaya bigla akong hinaltak sa kanya. Pinag-agawan nila ako at parehong ayaw magpatalo.”

“Hay, may mga bata talagang dapat dinidisiplina,” sambit ni Manika.

 “Oo nga. Ang nangyari, nahulog ako sa semento, nabali ang kamay at nabasag pa ang lagayan ng baterya. Nang malaman ng ama, pinalo pareho ang dalawang bata at ako’y itinapon na lang. Ang sabi ng ama, kayong dalawa ay dapat nagbibigayan. Itatapon ko na lang ang robot upang kalimutan ang ugaling karamutan. At hindi ako bibili ng anumang laruan, hangga’t di ninyo natututunan ang magbigayan ng anumang kagamitan,” ang malungkot na salaysay ni Robot.

“Sabagay, dapat talagang nagbibigayan ang bawat isa, lalo na sa pamilya,” ang sabi na lang nina Manika at Kahon sa isa’t isa.

Kinabukasan, isang binata naman ang naglagay sa kahon ng isang magara at makintab na itim na kotse-kotsehan.

“Kamusta, Kaibigan,” ang bati nina Manika at Robot, “Maligayang pagdating sa basurahan.”

“Eto, malungkot, ” matamlay na sagot ng bagong dating.

“Ha? Anong ikinalulungkot mo? Sa hitsura mo, ika’y bagong-bago, ano ba ang kwento, kaming tatlo ay makikinig sa ‘yo,” ani Kahon.

“Ganito kasi yun. Hindi bata ang bumili sa akin. Isang binatang mahilig bumili ng laruang sasakyan pero hindi naman niya nilalaruan. Itinatago sa istante, ayaw maalibukan, walang pakinabang. Bumili nang bumili pero pandisplay lang. Hay, gusto kong sabihin sa kanya, ako’y isang laruan. Tanging hiling ko’y may batang ngingiti habang ako’y pinaglalaruan.”

“Pero anong nangyari at napunta ka dito?” tanong ni Manika.

“Ang binata kasi ay sa ibang bansa na maninirahan, pinili niya ang pinakamagaganda niyang laruang-sasakyan upang dalhin sa ibang bayan. At akong hindi napili, heto, napunta sa isang basurahan.”

“Iyan ang isang pinakamasaklap na mangyari sa isang laruan, ang hindi man lang mahawakan ng isang bata,” nanghihinayang na nasabi ni Robot.

Sumunod na araw, isang dalaga ang naglagay ng isang laruang oso sa kahon.

“Maligayang pagdating sa iyo, laruang oso,” sabay-sabay na bati nina Manika, Robot, Kotse-kotsehan at Kahon.

“Uy, marami na pala kayo dito, salamat naman at hindi na ako mag-iisa,” wika ng kadarating na kulay rosas na laruan.

“Apat pa lang naman kaming nagkukuwentuhan, ikaw ba, pwede ka bang kahuntahan?” sambit ni Kahon.

“Aba’y oo naman,  ganito ang aking karanasan. Ako’y isang laruang nagsilbing kaibigan. Isang dalagita ang sa akin ay bumili at mga sikreto niya’y sa akin lang sinasabi. Nakakatuwa naman at ako’y kanyang inalagaan. Ilang taon din kaming naging magkakwentuhan, pero..” napalitan ng lungkot ang mukha ni Laruang Oso.

“O, bakit, akala ko ba’y masaya ang iyong karanasan,” tanong ni Robot.

 “Nagtataka nga ako kung bakit ako inilagay dito. Basta sabi niya sa akin, dalaga na siya. Matanda na raw siya para sa kagaya ko, kung kaya’t ako’y kanyang pakakawalan. Bulong niya’y may makapulot sa aking bata na ituturing din akong kaibigan.”

“Mabuti naman at hindi naman pala masama ang iyong karanasan, may dahilan naman pala ang iyong naging kalaro,” ang sabi ni Kotse-kotsehan.

Lumipas pa ang mga araw at malapit nang mapuno ang kahong dating walang laman na naging basurahan. Parati kasing may naglalagay ng mga kung anu-anong basura sa kanya. Iba-ibang laruan. Iba-ibang kulay. Iba-ibang hugis. May bolang kupas at sombrero ng mangkukulam na butas. May espadang patpat at may lumang trumpo. May laruang bus, gitara at barko. Mayroon pa ngang mga damit ng diwata, nars at sundalo. Lahat ay may mga baong kwento.

Ang huling nagdagdag ng basura ay ang lolong naglagay sa kahon sa isang sulok ng tindahan. Ang kanyang inilagay ay mga bareta ng luwad.

“Uy, may mga kakaibang bagay na nadagdag sa basurahan,” ang bungad ni Manika.

“Kami ay mga basurang laruan, pero kayo ba ay ano?” tanong ni Robot.

“Sabon ba kayong ayaw bumula?” tanong ni Kotse-kotsehan.

“Baka naman kending hindi mabili,” wika ni Robot.

“O kaya tsokolateng luma na at inaamag,” hula naman ng ibang mga laruan.

“Mga kaibigan, kami ng aking mga kasamahan ay maituturing ding laruan,” sagot ni Puting Luwad. “Ang tawag sa amin ay Luwad.”

“Luwad, anong luwad?” nagtataka na din si Kahon.

“Mga simple lang kami kung tutuusin. Isang bulag na bata ang sa amin ay nagmay-ari. Nabulag daw sa paglalaro ng mga walis-tingting. Ang batang bulag ay naging malulungkutin at nawalan ng tiwala sa sarili,” simulang kwento naman ng Berdeng Luwad.

“Mabuti na lang at iniregalo kami sa kanya ng kanyang lolo.  At ang dalawa’y parati na ngang nagsama sa paghulma sa amin ng kung anu-anong hugis. Pati nga kami’y namamangha sa kanilang ginagawa,” nakangiting salaysay naman ni Kahel na Luwad.

“Kami marahil ang naging paraan upang mabuksan ang angking kakayahan ng batang bulag. Dahil nawalan ng paningin, pinagana niya ang kanyang malawak na imahinasyon. Nakabuo siya ng iba-ibang hugis at iba-ibang bagay base sa kanyang nahahawakan. Naging mahusay na mahusay siya at noon lang nanumbalik ang tiwala niya sa sarili. Alam ninyo bang isa na siya ngayong mahusay na alagad ng sining?” pagmamalaki naman ni Lilang Luwad.

“Sining? Ano naman ang sining? Laruan din ba iyun?” tanong ulit ni Kahon.

“Ang Sining ay tumutukoy sa anumang kasanayan kung saan ipinapakita ng isang tao ang kagandahan sa kanyang paligid base sa kanyang nararamdam, nakikita, naririnig, naaamoy, at nararanasan. Alam ninyo bang ang batang bulag ngayon ay isa ng tanyag na iskultor at makata?” nakangiting sabi ni Abong Luwad.

“Nakakabilib naman. Sana ay may makapulot sa atin na mga batang malilibang at matututo sa atin.” Iyun na lang ang nasambit ng mga lumang laruan sa loob ng kahon.

Nasa gayon silang pagkukuwentuhan nang tuluyang isinara ng lolo ang kayumangging kahon. Natakot ang mga laruan dahil alam nilang sa Bundok ng Basura ang kanilang pupuntahan. Sabay-sabay silang nagdasal.

“Sana ay mapulot kami ng mga batang hangad ay kasiyahan  at paglilibang. Mga batang matututo sa amin ng pagkakaibigan at pagbibigayan. Mga batang ngingiti at matutuwa kapag kami ay nahawakan. At nawa’y magmulat sa kanilang imahinasyon upang kuminang ang kanilang mga talento. Mga batang mag-aalaga, mag-iingat, magpapahalaga at magmamahal sa aming mga laruan at ituturing kaming mahalagang parte ng kanilang kabataan.”

Mahaba ang nilakbay ng kahon. Ang mga lumang laruan naman ay mistulang mga batang naglalaro sa loob nito. Nag-umpugan. Tumambling. Nagbungguan. Nagpabalentong. Napataas. Napababa. Pabalikwas-balikwas. Bumabali-baligtad.  Nawala sa isip nila ang pag-aalala sa pupuntahang Bundok ng Basura.

Hanggang ang kahon ay nakarating sa isang trak ng puno rin ng mga kahong kagaya niya. At ngayon lang niya nabasa ang nakasulat.

“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan. Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”

At muling napangiti si Kahon. At sa isip niya’y gumuhit ang masayang larawan ng mga batang sabik sa laruan at mga laruang sabik sa pagmamahal ng mga kabataan.

 ++++++++++

Munting lahok sa Kwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards

 

Bakit Si Maya Ang Napili?

Kakatapos lang pumili ng bagong hari ng kagubatan. Tapos na kasi ang panunungkulan ng malakas na si Leon at ng matalinong si Kuwago. Lahat ng hayop, kulisap at ibon sa gubat ay nagkaisa. Si Maya ang kanilang napiling mamumuno sa kanila sa kabila ng kanyang kaliitan. Nagtaka tuloy si Elepante, ang pinakamalaking hayop sa gubat at siya ring pinakamahigpit niyang kalaban.

Tinanong ni Elepante si Baboy Damo.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya kasi tinuruan niya ako ng kalinisan,” tugon naman ni Baboy Damo.

“Pero ikaw ay baboy, ayos lang sigurong magdumi ka,” pangungutyang dagdag ni Elepante.

“Hindi ko nga iniisip dati ang maglinis pero nang minsang kumakain ako ng aking pagkain, nakita niyang madumi ang lugar na aking pinagkainan, tinuka niya ang mga natapong pagkain, at nalinis pa ang aking tahanan. Simula noon, natuto na akong maglinis ng kapaligiran,” paliwanag ni Baboy Damo at si Elepante ay kanyang tinalikuran.

Pero nagtaka pa rin si Elepante. Sunod naman niyang tinanong si Unggoy.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya dahil tinuruan niya akong mag-isip na kahit basura ay may pakinabang pa.” sagot ni Unggoy na naglalambitin pa sa sanga ng isang puno.

“Basura, May pakinabang?” Nalilitong tanong ni Elepante.

“Iyan din ang nasa isip ko dati pero nang minsang sabay kaming kumain ni Maya, napansin kong iniipon niya ang mga patapong uhay ng palay. Gagamitin niya daw iyun sa pagbuo ng kanyang pugad. Siya ang nagsabi sa akin na ang balat ng saging ay pwede palang gawing pataba sa lupa kaya simula noon, ganoon na nga ang aking ginawa,” matalinong sagot ni Unggoy.

Pero nag-isip pa rin si Elepante kung bakit isang maliit na hayop ang kanilang napili. Sunod niyang tinanong si Tipaklong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya kasi mayroon siyang pagpapahalaga sa pag-aaral,” sagot ni Tipaklong.

“Bakit mag-aaral ka pa, sapat na sigurong maglibang ka na lang sa iyong paglundag-lundag sa damuhan,” sabi naman ni Elepante.

“Iyan nga din ang nasa isip ko. Pero minsang tanungin niya ako kung ilang oras ba ako dapat maglaro, hindi ko alam ang isasagot ko. Hindi kasi ako marunong magbilang. Noon ko nalaman na tama si Maya, dapat akong mag-aral upang matutong magbilang at ngayon, marunong na rin akong magsulat at magbasa,” paliwanag naman ni Tipaklong na muling lumundag sa isang damo.

Pero hindi pa rin makumbinse si Elepante. Tinanong niya naman ang matandang Kalabaw.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Si Maya ang aking napili dahil may paggalang siya sa matatanda. Dangan kasi, napikon ako kay Tagak dahil parati siyang kumakanta ng Kalabaw lang tumatanda, Kalabaw lang ang tumatanda. Sinabihan pa akong ang bagal ko na daw kumilos sa bukid. Nag-away kami ni Tagak at si Maya na ang sumakay sa likod ko para tukain ang mga insektong sa aking likod ay nananahan.”

Nag-uusap ang dalawa nang lumapit sa kanila si Tagak.

“Pasensya ka na, Kalabaw sa aking inasta noong isang araw. Kinausap na ako ni Maya at ipinaunawa sa akin ang aking kamalian. Simula ngayon, hindi na kita tutuksuhin sa iyong kalagayan.” Paliwanag ni Tagak.

At nagbati na ang dalawa. Agad sumakay si Tagak sa likod ni Kalabaw at lumakad palayo. Pero ayaw pa ring maniwala ni Elepante. Lumapit siya sa mag-inang usa. Binulungan niya si Usa at tinanong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?

“Napili ko si Maya kasi siya ay matulungin at mapamaraan.” Sagot ni Usa habang pinapatulog ang anak.

“Paano mo naman iyan nasabi?“ dugtong na tanong ni Elepante.

“Alam mo bang noong isang araw ay nilusob tayo ng mga mangangaso, takot na takot kami ng anak ko. Napansin kami ni Maya at ang ginawa niya, ginising niya ang mga natutulog na bubuyog at ipinahabol niya ang mga mangangasong nagkaripasan sa pagtakbo. Salamat talaga kay Maya. Marahil kung hindi dahil sa kanya, wala na kami sa kagubatang ito.”

Malapit nang bumilib si Elepante. Lumapit siya kay Paruparo at nagtanong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Si Maya ang aking napili dahil tinuruan niya akong mahalin ang aking sarili,” sagot ni Paruparo habang palipat-lipat ng lipad sa mga bulaklak.

“Hindi kita maintindihan,” tanong na naman ni Elepante.

“Ganito kasi yun, noong ako ay uod pa lang, sinabi ko sa kanyang ako’y kainin na dahil wala akong silbi sa panget kong kalagayan. Pero hindi niya ako man lang tinuka at sa halip ay pinayuhan na maghintay ng tamang oras. Tingnan mo ako ngayon, isang magandang paruparo. Salamat kay Maya at ako’y kanyang iminulat”

Nagsisimula nang humanga si Elepante. Tinanong niya si Musang.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

Napili ko si Maya kasi may pagpapahalaga siya sa kalikasan,” sagot ni Musang habang nakahiga sa isang ugat ng puno.

“Pero lahat tayo ay nagpapahalaga sa kalikasan.” Sabi naman ni Elepante.

“Oo nga, pero mas nakita ko iyan kay Maya. Minsan kasing kumakain kami ng mangga, hiningi niya sa akin ang buto at inilipad niya ito sa matabang lupa. Sabi niya, kailangan daw itanim uli ang mga iyon upang maging puno ng kinabukasan,” paliwanag ni Musang.

At sa dami ng kanyang napagtanungan, nakumbinsi na rin si Elepante. Kaya naman, lumapit siya kay Maya at binati niya ito.

“Kaibigang Maya, binabati kita. Tunay na ikaw ay karapat-dapat na tularan sapagkat ikaw ay isang mabuting nilalang sa kagubatan.”

“Salamat, Kaibigang Elepante. Lahat tayo ay may magagawa. Kailangan nating magkaisa upang mas maging masaya ang buhay natin dito sa gubat. Hindi hadlang ang murang edad o laki ng katawan upang gumawa ng kabutihan.”

Lalong natuwa ang mga hayop, kulisap at ibon sa kagubatan. Hiningan nila ng isang awit si Maya na agad namang nagpaunlak.

“Twit, Twit, Twit, Twit.

Ako ay isang ibong marikit

Maliit ako pero mabait

Bata man ako’y may magagawa

Iyan ay ang tumulong sa aking kapwa.

Twit, Twit, Twit, Twit.

Mahalin natin ang ating paligid,

Mag-aral, maglaro at umawit.

Mas masaya ang buhay

Kung walang kaaway.

Twit, Twit, Twit, Twit.

At naging maligaya ang buong kagubatan.

Bakit Ka Lumilipad, Gora Saranggola?

Sa himpapawid ng Baryo Maulap, madalas nagkakasayahan ang lahat ng saranggola sa nayon. Pero ang kasiyahan ay napapalitan ng gulo kapag dumarating ang mayabang na si Gora Saranggola.

“Magsitabi kayo, ako ang hari dito sa kalawakan,” ang sigaw ni Gora sabay ang pagsugod sa mga maliliit at mahihinang saranggola. Tinatawanan pa niya ang mga batang saranggola na hindi pa mataas lumipad.

Pero nagsawa si Gora sa pang-aaway niya sa mga kapwa saranggola. Isang araw, pinilit niyang sumabay sa malakas na hangin para makawala at maputol ang kanyang pisi. Tuwang tuwa si Gora na lumipad sa Kanluran kung saan nakita niya doon si Agila.

“Hoy, panget. Saranggola ka ba?” pagsusungit agad ni Gora.

“Hindi kita papatulan sa iyong kahambugan. Ako ay isang ibon. Lumilipad ako upang maghanap ng pagkain para sa aking mga inakay. Mahal ko sila. E ikaw, bakit ka lumilipad?” sagot ni Agila.

Walang maisagot si Gora kaya lumipad naman siya sa Silangan. Doon niya nakita si Eroplano.

“Hoy, panget. Saranggola ka ba?” pagsusungit agad ni Gora.

“Hindi kita papatulan sa iyong kahambugan. Ako ay isang eroplano. Lumilipad ako para maghatid ng mga pasahero. Mahal ko sila. E, ikaw, bakit ka lumilipad?” sagot ni Eroplano.

Wala na naman naisagot si Gora kaya lumipad naman siya sa Hilaga. Doon ginaganap ang makulay na Kite Festival.

“Mga kapwa makikisig na saranggola, pwede ba akong sumali sa inyong paglalaro?” bungad ni Gora.

“Ha? Saranggola ka nga pero hindi ka karapat-dapat, di hamak na mas malaki at mas maganda kami sa iyo,” sagot ng hugis-spaceship na saranggola.

“Oo nga, isa pa, Lumilipad kami para magbigay ng kasiyahan sa mga kaibigan naming bata. E, ikaw, may kaibigan ka bang bata?” wika naman ng hugis-paruparong saranggola.

Natahimik si Gora. Naalala niya ang batang si Pepito. Si Pepito ang laging nag-aalaga sa kanya pero hindi niya naisip na malulungkot ito sa kanyang pagkawala. Hinahanap kaya siya nito?

Nasa ganun siyang pag-iisip ng lamunin siya ng buhawi ng Timog. Hindi siya makatakas sa paikot-ikot na hangin ng buhawi. Nabali ang kanyang buto at napunit ang kanyang balat. Noon niya lang naisip na pagsisihan ang kanyang kayabangan.

“Mamang Buhawi, nakikiusap po ako sa inyo. Basura na lang po ako ngayon pero nais ko pong bumalik sa Baryo Maulap.” sigaw ni Gora.

Narinig naman siya ni Buhawi. “Humahanga ako sa iyong pagsisisi. Ngunit huli na ang lahat. Hindi ako makakadaan sa iyong tahanan. Dito na lang kita iiwan.”

At iniluwa ni Buhawi si Gora sa isang puno. Agad na gumawa ng paraan si Gora. Nakipagkaibigan at inilipad siya ng hangin ng Timog, Hilaga, Silangan at Kanluran hanggang sa makarating siya sa isang sampayan.

“Inay, Itay, tingnan ninyo, Bumalik ang aking kaibigan,” tuwang tuwang kinuha ni Pepito si Gora sa sampayan. At sa tulong ng kanyang ama, muli nilang inayos ang hitsura ni Gora Saranggola.

Muling nakalipad si Gora sa himpapawid ng Baryo Maulap. Ngunit ngayon, isa na siyang mabait na saranggola. Alam na niya ang dahilan ng kanyang paglipad. Iyun ay bigyan ng kasiyahan ang kaibigang si Pepito.