Ang Aso, Ang Istasyon Ng Tren At Ang Dakilang Paghihintay

Pagkalipas ng ilang taon, bumalik ang balo ni Professor Parker Wilson sa kanyang bayan.

Professor: Hachiko, kapag nawala ako, huwag kang lalapit sa mga taong lasenggo..
Ngunit paglabas niya ng istasyon ng tren, nabigla siya sa kanyang nakita. Nandoon pa rin si Hachiko sa pwesto nito, naghihintay at pinagmamasdan ang mga taong lumalabas ng istasyon. Nagbabakasakaling makita ang pamilyar na mukha ng kanyang panginoon.

Naluluhang lumapit sa kanya ang balo. Hindi makapaniwala. Paano niya ipapaliwanag kay Hachiko na kailanman ay hindi na babalik ang isang patay na? Umupo siya sa tabi nito, at magkasama silang naghintay sa susunod na tren.

Naluha maging ang mamang tindero ng hotdog. Siya man kasi ay saksi sa siyam na taong paghihintay ni Hachiko sa among nagbigay sa kanya ng pagmamahal.

Kung ang pelikulang hanap mo ay puro digmaan, bampira, robot at may malalaking pagsabog, hindi ito para sa yo. Ngunit, kung gusto mo ng pelikulang mamahalin dahil sa kasimplehan at katotohanan at aral, HACHIKO ang irerekomenda ko sa yo. Mahusay at sakto lang ang pagganap ng mga aktor na iisipin na hindi na sila umaarte (lalo na si Richard Gere). Magaling din ang pagganap nung aso, madadala ka ng kanyang mga mata. Pang-Oscars.

Siyangapala, ito ay hango sa totoong buhay ni Hachiko, isang asong Akita na naging inspirasyon sa buong Japan dahil sa katapatan sa kanyang amo. Kaya nga noong mamatay ito pagkatapos ng siyam na taong paghihintay sa kanyang amo, nagpatayo sila sa Shebuya Station ng istatwa niya.

My Sassy Girl

Ilang beses ko nang tinangkang panoorin ang pelikulang ito, pero pawang lahat ay pagtatangka lang. Noong nasa Korea ako, ilang beses na ring pinalabas eto (with subtitle syempre) pero ewan ko ba, parating hindi ako nakakarating man lang sa kalagitnaan. Hindi ko masyado pinapansin. Hindi ko binibigyan ng atensiyon.

Pero nitong nakaraang Eid, fyi, eid yung katapusan ng Ramadan season, isang lingo kaming walang pasok, kaya ayun, dahil sa tinamaan ako ng insomnia, ayun, pinanood ko ang My Sassy Girl. Noong una, parang walang dating sa aken, pero habang tumatagal, dinadala ako ng kwento. Taragis… kainlab-inlab ang pelikulang ito ng mga Koreano. Maganda ang daloy ng istorya. Tamang-tama ang timpla ng humor at drama. sassyKahit nga, isang eksena lang, sulit na para sa isang maikling kwento. Tulad na lang ng 10 things I love about you, o kaya yung ikwento nung matanda ang ginawa nung bidang lalaki na palitan yung puno na tagpuan nila ng bidang babae. Hehehe, para kong pusang kinikilig (bad trip) sa husay ng pagkakahabi ng istorya. Ayos ang mga twist. Sobra. Kaya nga sa lahat ng gustong mainlab, o kung gusto mo ng mga movies na pang-valentines, etong My Sassy Girl ang di dapat mawala sa listahan.

Pagkatapos, naisip ko, oo, minsan nag-iisip ako., hehe. Para palang ako ang pelikulang iyon. O parang ikaw. O ang pagbukadkad ng mga rosas. O ang pagkakatutong lumipad ng agila. O ng pagbabagong-anyo ng paru-paro mula sa caterpillar. O ang pamumunga ng mangga. O ang pagbubuntis.

Naisip ko, ang lahat ay may tamang panahon. Kaya pala hindi ko mapanood sa Korea yung My Sassy Girl, kelangan palang nakahilig sa balikat ko ang bebe ko at hawak ang kamay niya, kahit pa nakatulog siya habang pinanonood ito.. Haay, sarap mainlab….