TALAMBUHAY NG ISANG TAHANAN

Iniluwal ang isang tahanan

Mula sa pag-iisang dibdib ng mga haligi at yero

Sa pulotgata ng semento at bato

Sa pagniniig ng mga kahoy at pako

Sa yakap ng mga dingding, kindat-silip ng mga bintana at pintong bukas-sarado.

Unang ipinasok ang Bibliya habang nakapila ang bigas, asin at asukal

Ang dalawang pinag-isa’y patnubayan nawa ng Maykapal.

Lumikha ng teatro ang kama, unan at kumot

Nagtanghal ang mga hubad na kaluluwa, saksi ang mga saplot

Sa pagbilog ng buwan, sa paghilab ng tiyan

Nagsayaw ang mga lampin sa sampayan

Yumakap sa mga haligi ang magiting na duyan

Habang tinatanaw ng tsupon sa paminggalan

Ang dalawang pinag-isa’y nadagdagan!

At nadagdagan,

At nadagdagan!

Naging lima ang plato, naging lima ang sepilyo

Lumaki ang kaldero, dumami ang baso

Sumibol ang mga laruan –  manika at trumpo

Umusbong ang mga lapis, papel, bag at libro

Nag-ingay ang kusina, humalakhak ang sala

At ang palikuran, mistulang lansangang abala

Mga naghahabulang tsinelas, kanya-kanyang sukat

Sa bawat sulok ng silid, mga emosyong nagkalat.

Numipis ang pitaka, lumalim ang bulsa

Hanggang sa basagin ang huling alkansiya

Dumaan ang ulan, nagkabutas ang bubong

Nagparamdam ang lindol, nagkaguhit ang sahig

Datapwat ang tahanan ay nanatiling matatag.

Subalit ang tatag ay tuluyang sinubok

Sa pagitan at palitan, ng orasan at kalendaryo

Haligi’y nagkaanay, nalulong sa alak at sigarilyo

At napundi ang ilaw, sa huling pisi’y bumitaw.

Lumipad ang mga pinggan patungo sa sala

Lumipad ang plorera patungo sa kusina

Lumipad ang mga damit patungo sa pintuan

Kasunod ang maletang nagpadausdos sa hagdanan

Ng pangako at sumpa.

Ang dalawang pinag-isa’y muling nahati sa dalawa.

Kailan uuwi si Tatay? ang tanong ng bunso

Mahal po ba siya? ang tanong ng gitna

Kaya n’yo bang magpatawad? Ang tanong ng panganay

Kinapa ang pusong ilang gabing sakbibi ng lungkot at lumbay.

Minasdan ang litrato ng kasal na nakasabit sa dingding

Muling binalikan ang binitawang sumpa.

Habambuhay. Magkapiling.

Iniluwa ng pinto ang amang nakaluhod, tangan ay bulaklak

Tumakbo ang inang agad na yumakap

At muling nasaksihan, Pag-ibig na ganap!

Isa-isang humalik, nagpaalam ang mga taon

Isa-isang nagpakilala, kumupas ang mga mukha sa telebisyon

Ang mga luma at bago

Ang mga dati at uso

At ang mga larawan sa dingding ay saksi ng di maiiwasang pagbabago.

Nadagdag sa pedestal ang mga litratong nakatoga

Kasunod din ang mga larawang naka traje de boda

Lumipas ang panahon

Naglakbay ang karanasan

Naglayag ang buhay.

Lumikha ng sariling kaharian ang panganay

Nagtayo ng sariling palasyo ang gitna

Sumama sa kanyang bana ang bunso

Hanggang ang ingay ay unti-unting nawala

Sa munting tahanang sa kanya rin nagmula

Lumipad na ang mga inakay mula sa pugad

Habang ang dalawang pinag-isa’y naiwang malugod na nakatanaw.

Malungkot ang ngiti ng pustiso sa baso

May luhang pumatak sa salaming may grado

Ang gamot sa tokador ay may pait na anyaya

Habang nakasalampak sa mga tumba-tumba

Magkahawak-kamay na binabalikan

Samu’t saring salamisim, alaala ng nakaraan

Mumunting karanasang hinahagilap ng ulyaning diwa

Hatid ng dapithapon, pira-pirasong gunita.

Panaka-nakang dalaw ng bunga ng mga bunga

Pasilip-silip na bisita ng mga pamilyar na mukha

Kaybilis lumipas ng panahon

Mga kahapon at sandaling kaya sanang isilid sa garapon.

Ang kanyang kariktan na sadyang iniluwal

May pagtatapos na di maiwasang daratal

Mga hiningang hiram, nakatakdang mapigtal

Marami pang bukas, kaya pa bang sagutin ng dasal?

Gayong ang dalawang pinag-isa’y nakatadhana ring magpaalam

Sa isa’t isa at sa tahanang bantayog ng kanilang pagmamahalan.

Muling pagyamanin, nagkasundo ang mga supling

Ang lumang tahanan, muling pagandahin.

Bilang ugat. Bilang pugad.

Bilang kanlungan. Bilang alaala.

Ipinanganganak bang muli ang isang tahanan?

O nagbibihis lang siya ng bagong umaga?

Mula sa pag-iisang dibdib ng mga haligi at yero

Sa pulotgata ng semento at bato

Sa pagniniig ng mga kahoy at pako

Sa yakap ng mga dingding, kindat-silip ng mga bintana at pintong bukas-sarado.

Muling pumasok ang Bibliya habang nakapila ang bigas, asin at asukal

Ang pamilya ng bunso’y pagpalain nawa ng Maykapal.

____________

Lahok na tula para sa Saranggola Blog awards.

Saranggola 336x280

dmci homes logo

JOSEPH, SULAT NI KUYA BAGO KA MAG-ASAWA

Kamusta, ‘Tep? Kailan nga ba tayo huling nag-usap?

Ah, naalala ko na. Noong reunion ng pamilya natin nitong nakaraang Hunyo. Nagkukuwentuhan tayo nina Utoy sa sala, sabi mo, “Kuya,  mag-aasawa na pala ako.” Pagkatapos, iyung sagot ko lang yata, “Bakit sinasabi mo sa akin, ako ga si Ruby?” Natawa si Utoy. Natawa rin ako sa sagot ko. Malamang, hindi iyun ang inaasahan mo. Madalas kasi akong negatibo. Akala mo siguro, bobombahin na naman kita ng mga tanong na, Bakit, ilang taon ka na ga? May ipon ka na ga? Sigurado ka na ga? Di ga’t sabi ko sa iyo dati, magpaaral ka muna ng pamangkin? Akala ko ga, mag-a-abroad ka muna? Alam na ga iyan ng Tatay?

Nakahinga ka siguro nang maluwag dahil alam ko, alam mong minsan (o mas madalas pa nga yata), mas mahirap pang magsabi o magpaalam sa mga kuya at ate mo kaysa sa Tatay. Parang dumadaan sa panel interview. Pasensiya ka na, ganoon lang talaga kami.

Pero kung ganoon kaiksi ang sagot ko sa ‘yo noong gabing iyun, hayaan mo namang kausapin kita sa ganitong paraan. Usapang masinsinan, ‘ika nga. Hindi ko rin kasi maintindihan ang sarili ko kung bakit kengkoy at makulit ako sa personal, pero pagdating sa pagsusulat, sobrang emosyonal. Nabasa mo naman siguro iyung mga sinulat ko sa blog para sa Inay, sa Tatay, kina Ate Lanie, Kuya Erick, Ato, Jess at Utoy. May mga utang pa kong sulatin para kay Ate Cecille, Kuya Onie, Kuya Dennis at Jayson. Ganyan lang talaga ako magsabi ng nararamdaman. Sabi nga ng paborito nating anime hero na si Naruto,  this is my ninja way..

‘Tep, alam mo bang ikaw ang una kong kapatid na niregaluhan? Ganito iyun. Di ba, parehas tayong Marso ipinanganak? March 13 ka, March 10 ako. Walong taon iyung pagitan natin. Nasa ikatlong baitang siguro ako noon, at ewan ko ba, naiinggit ako sa mga kaklase ko kasi tuwing birthdey nila, namimigay sila ng mga kendi sa klase. Gusto ko rin sanang magpa-kendi kahit isang beses lang noong elementarya pero walang sobrang pera ang mga magulang natin para sa ganoong bagay.

Kaya naman, Enero pa lang, nag-ipon na ako. Pero ilang araw bago ang bertdey ko, nag-iba iyung desisyon ko. Hindi na ako magpapakendi, reregaluhan na lang kita. Naalala ko kasi, karga kita sa likod, tapos bibili tayo sa tindahan. Ang dami mong itinuturo, e hindi naman natin kayang bilhin. Puro malalaking chichirya, mahal na tsokolate at kung anu-ano pa. Pumapayag ka naman na tig-pipisong chichirya lang, pero iyung mata mo, nakikita ko talaga na mas gusto mong matikman iyung mga itinuturo mo. Kaya noong dumating iyung bertdey mo, lundag ka nang lundag. Hindi mo maintindihan kung paano mo uubusin ang isang kahong Cloud 9.

Siyanga pala, mahilig ka pa rin bang mag-basketbol? Ang saya siguro kung sina Ato, Jayson, Utoy, ikaw at ako ang magkakasama sa liga. Ang lakas siguro ng koponan natin.  Iyun nga lang, hanggang siguro na lang din iyun. Nakita mo naman na pinilit ko ring maglaro kahit paano, talaga lang yatang hindi para sa akin ang larong ito.

Magkagayon man, hangad kong malaman mo na ang buhay ay para ring basketbol. Tadtad ng paralelismo. At diyan naman ako magaling, hehehe. Sa paliwanagan.

Iyung mga fouls, travelling at iba pang errors sa loob ng court, isipin mong iyan din ang mga malilit na pagkakamali nating nagagawa. Mga mumunting pagkakamali pero kapag naipon na parang foul, may nakalaang kaparusahan. Kaya ang aral diyan, matuto tayong sumunod sa mga batas ng buhay.

Natatandaan ko rin, madalas kayong mag-jogging at magpapakondisyon bago maglaro. Pinaghahandaan ninyo rin talaga ang bawat sabak sa court. Kagaya ng buhay, dapat meron tayong game plan. Kailangang handa tayo sa bawat labang sinusuungan. Handa ang katawan, puso at isip. Pati na rin pala bulsa. Dapat may mga strategy na maaaring ilabas kapag hindi umubra ang ibang play.

Tandaan mong ang isang magaling na koponan ay hindi lang nakadepende sa iisang manlalaro. Diyan pumapasok ang teamwork. Sa kahit anong laro, o kahit sa trabaho, importante ang papel na ginagampanan ng bawat isa. Matutong makisama. Alam mo dapat kung kailan mo ipapasa ang bola, kung kailan ka magsu-shoot o kailan ka tatalon para sa rebound. Ganyan din ang paghawak ng responsibilidad.

Sabi nga, bilog ang bola. Minsan panalo, minsan talo. Ang mahalaga, marunong kang tumanggap ng resulta. Huwag na huwag kang magyayabang kung maging MVP ka sa karera mo. Lalong huwag kang bibitaw kung nakaranas ka naman ng pagkatalo. Tandaan mo, darating at darating ang pagkakataong kakailanganin mong ibigay ang lahat ng makakaya para sa isang championship. Matalo ka man, panalo pa rin sa karanasan. At ang mga karanasang iyan ang magpapatibay sa iyo.

‘Tep, salamat nga pala. Alam mo kasi, noong nag-aaral pa kayo at nasa ibang bansa ako, parati kong dasal, maging maayos ang buhay ninyong mga kapatid ko. Na sana maging inspirasyon sa inyo ang mga pinagdaanan nating hirap para umangat sa buhay. Iyung mga panahong kailangan nating magtinda ng suman sa buong nayon para lang may mabaon. O makinood ng tv sa kahanggan. O kaya naman ay mag-abot ng sulat sa tindahan para mangutang. Salamat at nakinig ka at nakatapos ka ng pag-aaral. Tingnan mo ngayon, nakakatulong ka na rin sa mga gastusin sa bahay.

Hindi ko rin malilimutan nang minsang nagtalo tayo, ipinamukha mo sa akin na Everybody is unique. Matagal ko na iyang alam, pinag-aralan ko pa iyan sa kurso kong Psychology. Pero, iba pala talaga ang dating kapag naisasabuhay kaysa sa nababasa lang. Mahilig kasi akong pangunahan kayo sa mga bagay-bagay. Na dapat ganito gawin, dapat ganoon. Pasensiya naman, gusto ko lang naman ay maging maigi kayo. Iba-iba nga pala tayong magkakapatid. Iba-iba tayo ng diskarte. Naalala ko tuloy ang sabi ng Inay (+), na kahit iisa ang pugad na ating pinagmulan, iba-iba pa rin ang pagkatao natin. Labing-isang anak, labing-isang hilig. Parang itlog yan na parati nating ulam noong mga bata pa tayo. Itlog lang pero iba-iba tayo ng luto. May nilabon (nilaga), may kasaw (scrambled), malasado, buo ang pula (sunny side-up) at sinuam.

Isa pa sa hinahangaan ko sa iyo, yang pagiging one-woman man mo. Ikaw na talaga. Ikaw nga lang yata sa ating magkakapatid na lalaki ang naka-isang girlfriend lang bago magpakasal. Natatandaan mo, parati kitang inuudyukan na humanap ng iba? Hindi dahil ayaw ko kay Ruby. Gusto ko lang maranasan mo na sumubok ng iba. Parati kong tanong sa iyo, hindi ba kayo nagkakasawaan? At natutuwa ako kung paano mo siya ipaglaban. Sa huling tingin ko sa facebook status niya, nakalagay “I may not have all I want in life but I am blessed enough to have all that I need. HAPPY 115th MONTHSARY to us!” Naka-tag sa pangalan mo. Pa-monthsary, monthsary pa kayo, wala na kayo sa high school. Hehehe. Biro lang. Ang totoo, bilib ako sa inyo. Mabibilang na sa daliri ang nagtatagal nang ganyan. Hindi naman siguro kayo aabot sa sampung taon kung hindi ninyo talaga mahal ang isa’t isa. Ibig sabihin, kaya ninyong sakyan ang topak at trip ng bawat isa. Congratulations!!

Siyanga pala, kailan nga ba ang kasal ninyo? Abril ba o Mayo? Malamang hindi ako makakauwi diyan sa Pilipinas. Alam mo naman ang buhay ng mga OFW, nakadepende pa rin sa among dayuhan kung kailan ang bakasyon. Ayos lang ba kung regaluhan ulit kita ng isang kahong Cloud 9? Iisipin pa namin ni Ate Pags mo kung anong wedding gift namin sa inyo. Pero ngayon, may limang bagay akong gustong sabihin sa iyo para mas magaan ang pagsasama ninyo. Alam mo kasi, kahit sampung taon na kayong magkasintahan, may mga bagay pa rin kayong matutuklasan kapag nagsasama na kayo sa iisang bubong. Maniwala ka sa akin.

1. Ang kasal ay isang kasunduan. Sabi sa Bibliya, sa Marcos 10:6-9

Ngunit buhat pa sa pasimula ng paglalang, ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at siya ay makikipag-isa sa kaniyang asawa. Ang dalawa ay magiging isang laman kaya hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.

Ang kasal ay isang sagradong covenant. Kahit anong mangyari, walang iwanan. Kahit anong pagdaanan ninyo, walang aayaw. Sa hirap at ginhawa. Kahit nagkakainisan na kayo, subukan mong balikan iyung mga rason kung bakit ninyo minahal ang isa’t isa. Napanood mo ba iyung pelikulang Fireproof? Mensahe ng pelikula, ang isang fire-proof na buhay-may-asawa ay hindi nangangahulugan na walang darating na sunog o apoy.. kapag dumating iyung mga pagsubok, kayang-kaya ninyong lagpasan lahat.

2. Tag-team kayong mag-asawa. Parang paglalaro natin ng wrestling noong mga bata pa tayo. Magkakampi kayo parati. Huwag mong hahayaang matalo ang kakampi mo, kasi ibig sabihin, talo ka rin. Kapag nanghihina ang isa, dapat handang umalalay ang isa. Huwag na huwag mong hayaang apihin o hamakin ng kahit na sino. Kapag pagod ang isa, nakahanda kang bigyan siya ng lakas. Halimbawa rin dito ang mga gawaing-bahay. Hindi pwedeng ikaw pa rin ang maglalaba pagkatapos magplantsa. Baka ka mapasma. Hehehe. Pwera biro, dapat parati kayong nagtutulungan sa lahat ng bagay.

3. Maging matalino kayo sa paghawak ng pera at kabuhayan. Matuto kayong mag-ipon. Hindi naman ibig sabihin na kapag nag-asawa na kayo, hindi na kayo tutulong sa mga pamilya ninyo. Tumulong kayo pero dapat alamin ang limitasyon. Baka kasi pati pambayad ninyo ng kuryente o pambili ng gatas ng magiging anak, maipautang ninyo pa. Away ang kalalabasan niyan. Outside the kulambo ka pagdating ng gabi. Kapag nangyari yan, balikan mo iyung una kong tip.

4. Parating magpasalamat at magsabi ng “I love you” araw-araw. Purihin mo pa rin ang maliliit na bagay na ginagawa niya sa ‘yo. Balikan ninyo iyung mga panahong parang nagliligawan pa kayo. Iyung parating da best ang ginagawa mo para sa kanya. Da best na pa-pogi at ni ayaw mong sumama ang loob niya. Kumbaga, dapat siya ang numero uno mong prayoridad.

5. Syempre, ang pinakamahalaga, dapat ang Diyos ang parating sentro ng relasyon ninyo. Hinding-hindi kayo maliligaw sa bagong kabanata ng buhay kung Siya ang hahayaan ninyong manguna sa lahat ng inyong plano.

‘Tep, iyan lang muna ang mabibigay kong mga tips sa buhay may-asawa. Iyung iba, ikaw at si Ruby ang makakatuklas ng mga ito. Alam ko namang kakayanin ninyo ang lahat upang makabuo ng isang masayang pamilya. Alam kong ang tahanang itataguyod ninyo ay kakikitaan ng wagas na pagmamahalan ninyo sa isa’t isa.

Noong buhay pa ang Inay, tinanong ko siya dati tungkol sa isang bungkos na mga binalot na tela. Labing-isang pirasong binalot na tela na nakalagay sa garapon. Sagot niya sa akin, nakalagay sa bawat telang iyun ang piraso ng pinutol na pusod nating magkakapatid. Pinagsugpong-sugpong iyon ng tali at inilagay sa garapon. Huling pagkakaalam ko, ibinaon na iyon sa lupa.

Bakit ko ito sinasabi sa iyo ngayon?

Dahil sabi niya, kahit anong mangyari, tayong magkakapamilya pa rin ang magtutulungan. Na dapat mabuklod tayo ng pagkakaisa at pagmamahalan. Ibig sabihin, kung kailangan mo ng tulong o kung ano pa man, andito kaming sampu mong kapatid kasama ang Tatay upang ikaw ay gabayan at damayan sa lahat ng oras.

O, paano, napapahaba na ang pagkukuwento ko sa iyo. Hanggang sa muli nating pagkikita. Salamat ulit at hayaan mong ako ang unang bumati sa inyo ng “Maligayang Kasal!!” Pagpalain nawa kayo ng Maykapal.

__________

lahok para sa Sanaysay para sa Saranggola Blog Awards 5.

Saranggola 336x280

dmci homes logo

Ano Kaya Ang Sasabihin ng Inay?

1004421_590182264346694_1338491695_nWalong taon. Ganyan ka na pala katagal nawala. Iniisip ko, paano ba namin nakayanan ang bigat? Paano namin nalagpasan yung sakit? Sino ba sa aming magkakapatid ang unang naka-move on? Hanggang kailan umiyak ang Tatay sa gabi? Anong buwan? Anong taon?

Binabalikan ko yung nagdaang walong taong wala ka sa tabi namin. Maraming nangyari, maraming nagbago. At alam mo bang sa bawat pangyayari at okasyong dumating, palagi kong naiisip… Ano kaya ang sasabihin ng Inay? Ano kaya ang sasabihin ng Inay?

Iniisip ko kasi noong una tayong magkaroon ng colored tv, sabi mo, “Naku, parang mahihipo ang mga tao, eh. Nakakatuwa.” Tapos hinipo-hipo mo pa yung screen ng tv.

Minsang nagkukuwenta ka ng budget, iniabot ko sa  iyo yung calculator ni Ate Lanie, sabi mo, hindi ka marunong gumamit at mas madali sa iyong magkwenta kapag sinusulat. Natawa ako sa kainosentehan mo pero mas lumaki ang paghanga ko sa iyo. Hindi dahil magaling kang mag-minus at walang nakakaligtas kahit 25 sentimos. Mas bumilib ako sa iyo kasi napagkasya mo ang 200 piso para sa budget ng malaking pamilya natin.

Natatandaan ko pa kapag may mga ipinapakilala at dinadala kaming magkakapatid ng gf o bf sa bahay, pasimple mo kaming tatanungin sa kuwarto, “Ay, iyan na ga?” Hindi ko alam kung anong isinagot ng iba kong kapatid, pero ako, natawa lang ako sa inyo. “Ang Inay, kabilis mag-isip. Malayo pa ho ang pag-aasawa sa isip ko. Kaliit pa nina Utoy”.

Noong unang beses kong mag-abroad, pinabaunan mo ako ng Bible at panyo ng El Shaddai. Sabi mo, parati akong magdasal. Walong buwan pagkatapos noon, kausap kita sa cellphone, “tayo na lang ang walang problema”.

Tayo na lang ang walang problema. Iyun ang huling linyang naalala kong sinabi mo sa akin. Pagkatapos, hindi ko na muling narinig ang tinig mo.

Maraming nagbago, maraming nangyari. Sa lahat ng iyon, parati kong naiisip… Ano kaya ang sasabihin ng Inay?

Tatlong anak mo pa lang ang may mga asawa noong umalis ka. Ngayon, dalawa na lang ang walang asawa sa labing-isa. Kung nandoon ka kaya sa mga okasyong iyun, ano kaya ang isusuot mo? Ano kaya ang sasabihin mo kapag hiningan ka ng speech? Magdu-duet ba kayo ng Tatay?

Ano kaya ang sasabihin mo sa mga manugang mo? May ibubulong ka pa kaya sa amin sa kuwarto? Paano mo kaya tatanggapin na Born Again na rin ako katulad ng Kuya Dennis? At iyung pangarap mong maging teacher, natupad sa dalawa mong anak. At sinong mag-aakalang yung bunso mo pa ang magiging Cum Laude?

At naku, ang mga apo mo.. pihadong matutuwa ka. Napakahuhusay! Lahat may kanya-kanyang talent. Mga achievers sa school. At lahat mahilig mag videoke. Nasa dugo na nga yata. Hahaha. Tatanungin mo rin kaya ako, katulad ng Tatay kung kailan mo makikita ang apo mo sa akin?

Ano kaya yung kiunha mo sa pahulugan kay Ka Viring?Ano kaya ang sasabihin ng Inay?

Ito yung parati kong tanong sa bawat pangyayari sa ating pamilya. Pero hindi ko man marinig ang sagot mo, nahahanap ko naman iyun sa bawat mukha ng taong nagmamahal sa iyo. Marahil nga, dahil na rin sa mga aral at halimbawang ipinakita mo sa amin noong nabubuhay ka pa.

Nami-miss lang siguro kita kaya ganito ako ngayon.

Pumunta ako sa kwarto ninyo ng Tatay. Binuksan ang aparador at tiningnan ko yung mga dati mong gamit. Yung mga papel at notbuk mong naipon. Andun pa pala ang mga listahan mo ng pahulugan kay Ka Viring. (Nabayaran mo na naman sigurong lahat iyun bago ka nagpaalam.) Tapos binasa ko yung mga sulat mo dati sa Kuya noong nagsisimula pa lang siyang seaman.

Siyanga pala, kung anong maging problema mo, huwag kang mahihiya sa kanilang magtapat. Ang pakikisama mo sa trabaho, laging maingat. Laging magdadasal, ha. Napakalaking tulong nito sa atin. Alam ng Dios ang mga taong nagpapasakop sa Kanya at laging inilalagay ang Kanyang ispiritu at kapangyarihan. Alam mo, ihabilin mo sa kanya ang lahat. Magugulat ka na lamang dahil Siya na ang kikilos para sa iyo. Ito ang nararamdaman namin sa tapat naming paglilingkod. Kaya isini-share ko ito sa iyo para magkaraon ka ng hangarin na maging tapat sa Kanya at manampalataya.

Sulat ng Inay-001

Naluha ako noong mabasa ko iyun. Ganyan parati ang iyong payo sa amin. Ang makisama at magdasal. Huwag kang mag-alala parati naming isasabuhay yung mga paalaala mo.

Anu’t anuman, palagi ka naming aalalahanin at pipiliting maging mga anak na ipinagmamalaki mo. Salamat ulit sa lahat. Mahal na mahal kita.

My Pamangkin’s Reaction to Ina Kapatid Anak Final Episode

Ayoko ng ikwento kung ano ang nangyari sa ending ng Ina Kapatid Anak. I-share ko lang yung reaksyon ng pamangkin ko sa nakakabanas at predictable na ending ng naturang teleserye.

Dalang-dala ang pamangkin ko. (Sabagay, ganitong mga edad na lang siguro yung nauuto sa pare-parehong ending ng mga teleserye. Na.ka.ka.u.may.)

Buti na lang andoon ang Ate Ayen niya para sabihing palabas lang iyun at may mga darating na pulis (sa huling bahagi ng palabas, hahaha).

Sabi ng ilang mga eksperto, dapat daw hindi pinapanood ang mga batang ganitong taon sa mga ganitong eksena. Na-i- stress daw sila sa murang edad. Sus, yan namang mga ekspert na yan, may mga sinusuway din na ibang experts. Ang mahalaga, andun kaming matatanda para ipaliwanag yung mga nangyayari. O mag video. Hihihi.

Eh, yung pamangkin ko, emosyonal yun talaga. Kapag inililipat namin ng channel nung oras na yun, lalong umiiyak. Gusto niya rin yung nagwawala siya, hahaha.

Anyway, natapos na rin ang ilang buwang drama ni Kim Chiu at Maja Salvador.

Yung pamangkin ko, pagkatapos niyang manood. Ayun, nagplay ng song sa piano. (Sus, ano nga ulit sabi ng mga experts?)

Ang S ni Kuya Erick

“Bakit kailangan pa niyang mag-asawa? Hindi na nga niya kayang alagaan ang sarili niya, magdadagdag pa siya ng iisipin?” Sunod-sunod kong tanong kay Ate Lanie habang nanonood kami ng tv.

“E, ganun talaga, kahit paano, gusto niya ring magkaroon ng sariling pamilya. Hindi mo ba naiisip  na minsan, naiinggit din siya sa mga kapatid nating may-asawa.” Tinutukoy niya noon ang mga kapatid ko na may-asawa. Si Ate Cecille, Kuya Onie at Kuya Dennis.

“Yun nga e, sa’n naman siya kukuha ng ipapalamon niya sa magiging pamilya niya. Sa kanya nga lang, kulang pa yung kinikita niya. At saka, wala naman siyang matinong trabaho.”

“E, ano naman? Ano ba tayo dati? At saka, tingnan mo ang iba niyang mga kaibigan, kahit papaano naman, nakakaraos din sila sa buhay.”

“A, ewan. Ang sa akin lang, problema na niya sarili niya, maghahanap pa siya ng problema. Ayusin niya muna kamo yung buhay niya. Isa pa, ano yun, mairaos lang ang buhay? E di parang ipapaulit niya lang sa mga anak niya yung naging buhay niya.”

“Alam mo, minsan, iniisip ko kung graduate ka ba talaga ng Psychology. Hindi naman lahat, kagaya mo. Iba-iba tayo.”

“Oo nga, Kuya. Di ba, sabi nga, Everybody is unique,” sumali na rin sa usapan ang mas nakababata kong kapatid na si Joseph.

“A, ewan ko sa inyo,” At lumabas ako ng bahay para magpalamig.

Matagal na itong debate na ‘to pero malinaw pa rin sa akin yung mga eksenang iyun. Ako laban sa iba kong mga kapatid. Ako laban sa ideya na may kakayahan ang Kuya ko na bumuhay ng pamilya. Minsan, mayabang nga yata ako o dahil takot lang din ako para sa magiging kinabukasan niya at ng pamilya niya kung saka-sakali.

Kasi ba naman, yung Kuya Erick namin, noong mga panahong iyun ay atat na atat magka-girlfriend. Halos lahat ng kakilala, hiningan na yata ng ka-textmate, magka-girlfriend lang. Yung kaunting kinikita sa pag-aanluwage, talaga namang walang matinong napupuntahan maliban sa lima o anim na daang abot sa mga magulang namin. Ang natitira, hahatiin sa sigarilyo, alak at cellphone load.

Kung ganoon ang nangyayari, masisisi ba nila ako kung mag-isip ako ng ganoon?

*********

Labing-isa kaming magkakapatid. Si Ate Cecille, si Kuya Onie, si Kuya Dennis, si Kuya Erick, si Ate Lanie tapos ako na. Sumunod sa akin si Jess, si Edison, Jayson, Joseph at Julius. Oo, wala pa sa hinagap ang RH Bill at malamang, hindi rin mulat ang mga magulang ko sa Family Planning.

Ice cream vendor ang Tatay at wala namang trabaho ang Inay. At gaya nga ng sinasabi madalas, hikahos man, nakakaraos din naman sa buhay. Utang dito, bayad doon. Hiram dito, sauli doon. Kumbaga, isang kahig, isang tuka.

Kaya nga noon pa man, nabuo na sa isip ko na ayaw ko nang ulitin yung ganoong konsepto sa buhay. Yung makaraos lang. Naiinis ako kapag naririnig ko ang mga kapatid ko na makakaraos din. Para bang sinasabi nila na paulit-ulit lang yung buhay at mahirap abutin ang pangarap. Na para bang nagiging kuntento na sa kung ano lang ang nasa mesa. Gusto kong may maiba. Gusto kong may lechon na nakalagay sa mesa.

Naalala ko ang sabi ng Inay, hindi lang daw apat ang direksyon – hilaga, silangan, kanluran at timog. Labing-isa daw. Kasi nga, labing-isa kaming magkakapatid, kaya labing-isang direksyon ang tatahakin naming daan. May nagtangka. May nagtagumpay. May patuloy din namang tumutulay sa asam na pag-angat.

May mga nakuntento sa makaraos lang na buhay. Siguro, si Kuya Erick iyun para sa akin.

*******

“Kung bakit kasi, hindi ka pa magtrabaho,’ si Kuya Erick, anluwage na noon at nag-aakyat na ng pagkain sa lamesa. “Hindi yung uuwi ka dito at hihingi ka ng pera.”

Tumatak sa akin ang mga salita niyang iyun. Sasagot sana ako, kaya lang, pinili ko na lang na manahimik. Sa kanya rin kasi ako ikukuha ng Inay ng pamasahe pabalik ng Maynila. Graduating student ako noon at umuwi lang ng Batangas para humingi ng allowance. Masakit din yung maipit ka sa sitwasyong mamimili ka kung titigil sa pag-aaral at maghahanap-buhay o magsisikhay makatapos kahit nahihirapan ang pamilya.

“Anong gusto mo? Matulad ako sa ‘yo?” Iyan yung gusto kong ipamukha sa kanya pero sinarili ko lang. Walang patutunguhan ang diskusyon maliban sa agwat ng kalooban. Nilunok ko yung sama ng loob.

Dangan kasi, second year high school lang ang natapos ng Kuya Erick. Mahina daw kasi ang ulo. Narinig ko lang noon sa mga mas nakatatanda. Paliwanag naman ng Inay dati, nagkasakit ng tipus ang Kuya Erick noong bata. Kaya naapektuhan daw yata pati ang pag-uugali. Sa isip ko, siguro nga kaya ganun. Parating paangil sumagot. Parating mainit ang ulo. Parating kakaiba sa gusto namin. Kapag mga ganyang pagkakataon, nagkakatinginan na lang kaming mga mas bata sa kanya. “May S na naman.” S for Sumpong.

Ibang-iba si Kuya Erick sa aming magkakapatid. Yung iba kong kuya at ate, halos lahat, may honor nang magtapos ng high school, tapos siya, ni hindi natapos ang sekundarya. Sa mga kanta, iba rin ang gusto niya, habang nag-aagawan kami sa pop at mga boy band na kanta, si April Boy Regino at Eddie Perigrina ang pinapakinggan. Madalas kaming mag-away noon kasi nga ang lakas niyang magpatugtog ng radyo. Hindi ko rin maalala na sumama siya sa pagsisimba. Para bang ang layo niya sa aming magkakapatid.  At lalo pa niyang inilalayo ang sarili dahil kapag may okasyon sa bahay, mas gusto pa niyang pumunta sa mga barkada niya. Maglalasing, magyo-yosi at halos madaling-araw na umuuwi ng bahay.

Hindi ko rin mahagilap ang rason kung bakit kailangan niyang gawin ang mga bagay na ganoon. Oo nga’t mahirap kami pero hindi naman namin naranasan ang pagkakaroon ng favoritism sa pamilya. Kumbaga, pare-parehas na atensyon ang nakukuha namin sa mga magulang.

*******

Matuling lumipas ang mga taon. At patuloy rin kaming magkakapatid sa kani-kaniyang paglalakbay. Nakatapos ang ilan sa amin sa kolehiyo. Nagkaroon ng trabaho. Nag-abroad ang ilan. Ang Kuya Erick, anluwage pa rin.

Taong 2005 namatay ang Inay dahil sa sakit. 2006 naman nag-asawa si Jess. Sumunod na taon, nag-asawa si Ate Lanie. 2008, nagka-pamilya na rin si Jayson. 2009, sumunod si Edison. 2010, ako naman ang ikinasal. Si Kuya Erick, binata pa rin. At ganun pa rin ang buhay. Wala pa yatang pumapatol sa kanyang mga ka-text.

Kasabay ng pagsulpot ng mga bagong miyembro ng pamilya at pagsibol ng mga bagong magdadala ng lahi at apelyido, nag-iba na rin ang punto ko sa kalagayan ni Kuya Erick. Mas nagmature lang siguro ako o mas lumawak ang karanasan sa buhay.

Ano nga kaya ang nasa isip ni Kuya Erick habang isa-isa kaming umaalis ng pugad at nagtatayo ng sarili naming kaharian? Talaga bang siya ay tatanda nang mag-isa? Sino kaya sa aming magkakapatid ang mag-aalaga sa kanya? Bakit ang iba niyang barkada, halos lahat natagpuan na rin ang kani-kanilang katuwang sa buhay? Siya kaya, kailan? May darating pa nga ba?

*******

Taong 2012, nagbakasyon kaming mag-asawa mula sa Qatar. Pagdating ko sa bahay namin, ipinakilala sa akin si Ate Emmy, asawa “daw” ni Kuya Erick. Simpleng babae. Taga-Iloilo, parehas ng misis ko. Masipag at maasikaso. Napatunayan ko rin naman sa ilang araw na pagtigil ko sa Batangas. Laging malinis ang bahay at masipag siyang magluto. Ni ayaw kaming paghugasin ng pinggan o pahawakin ng walis tambo.

Si Kuya Erick, anluwage pa rin. Pero ngayon, may katulong na sa pagbuo ng buhay niya.

Si Ate Emmy, na nagtiyaga sa kanyang mga kakulangan. Noong walang trabaho si Kuya Erick, kasama siya sa pag-uuling at pagtatanim ng kung anu-anong halaman sa amin. Nitong huli, regular na siyang mananahi sa kalapit-baryo. Kahit paano, sapat naman ang kabuhayan nila at nakakabilib na walang utang sa kapitbahay.

Ganito daw ang istorya ng kanilang pag-iibigan, ayon kay Ate Lanie.

Textmate sina Kuya Erick at Ate Emmy. Nagkapalagayang-loob, nagkahulugan ng loob. Nang araw na nagkita ang dalawa, nagdalawang-isip daw si Ate Emmy. Nagtagal pa nga daw sa CR. Nag-iisip kung tatakasan ang ka-eyeball o itutuloy ang kung ano man ang mayroon sa kanilang dalawa. Pero kapag naiisip naman daw niya ang hitsura ni Kuya Erick. Naaawa daw siya dito. Dahil mabait naman daw kausap si Kuya.

Mabait naman daw si Kuya Erick. Parang iyun ang larawang hindi pumasok sa isip ko. Siguro, dahil parati kong iniisip noon, kakaiba si Kuya Erick. Parating may S.

Nakaka-konsensiyang ibang tao pa ang nagmulat ng katotohanang iyun sa akin. Akong karugtong ng bituka niya ang hindi nakakakilala sa kanya.

At bumalik sa alaala ko ang ilan sa mga bagay na hindi ko nakita ko noon.

Tama, masipag si Kuya Erick at parating naghahanap ng mata-trabaho sa bahay. Hindi kami nauubusan ng panggatong noon dahil umaga pa lang, nangangahoy na siya. Ni hindi ko rin makitang malago ang mga damo sa bakuran namin dahil alaga niya itong tabasin. Wala rin pala siyang reklamo kapag nangungumpay (nangunguha ng damo) noong may alaga kaming baka. Kapag may huhulihing manok o kaya may tulungan sa nayon, siya yung representative ng pamilya.

Takbuhan din pala namin siya kapag kailangan ng project sa school na may kinalaman sa kahoy at lupa. “Kuya, ihanap mo naman ako ng pangposte. Kuya Erick, ikuha mo naman ako ng tuyong tae ng baka. Kuya, ipagpunla mo naman ako ng luya. Kuya, kailangan daw naming magdala ng prutas sa school.” Mga ganyang bagay, talagang maaasahan si Kuya Erick.

Hindi totoong walang favoritism sa pamilya. Favorite ni Kuya Erick si Julius. Kapag sweldo, hindi siya nawawalan ng pasalubong na laruan o pagkain sa aming bunso. At madalas pang bigyan ng dagdag na piso sa baon. Siya rin ang taga-gawa nito ng saranggola.

At ngayon nga, sinong mag-aakalang isang bagong Kuya Erick ang nakikilala ko.

Hindi na siya nagsisigarilyo ngayon. At hindi na rin siya lasenggo. At kasama na rin siya sa mga okasyon sa bahay.

Nagbabago ang tao katulad din ng pagpapalit ng panahon. Nakakatuwang isipin na nabago ng pag-ibig ang buhay ng kapatid ko. Nakakatuwang isipin na nagbabago din ang pananaw ko. Mas malalim na pag-unawa sa buhay at sa sarili.

Iba na ngayon ang S ni Kuya Erick. S para sa S’werte sa buhay may-asawa. At hangad kong manatili silang maligaya habang buhay.

Mga Alternatibong Christmas Tree

Nakapagdaragdag ng diwa ng Pasko ang paglalagay ng mga palamuti at dekorasyon

Malamang sa malamang, perpekto ng nakadisplay sa sala ng bahay ninyo ang Christmas Tree sa mga panahong ito. Ano ba ang theme o style nito ngayon? White lahat? O christmas colors talaga na red and green? O baka naman puro ribbon lang ang nakasabit? Recycled materials? Anu’t anuman, sigurado akong tuwang-tuwa ang mga tsikiting sa panonood ng mga kumukuti-kutitap na Christmas lights na nakapaligid sa Chistmas tree ninyo. Iba rin talaga ang sayang hatid nito sa buong sambahayan. At talaga ngang hindi na mapipigilan ang Pasko!

Pero alam ninyo ba dati, doon sa lugar na kinalakhan ko, iba-ibang uri ng Christmas Tree ang ginagawa namin? Wala kasi kaming pambili ng mamahaling puno sa mga mall kaya naghahanap kami ng mas mura at alternatibong bagay para makisali sa magandang tradisyon na ito. Heto ang mga pampalit namin sa magagarang Christmas Tree. Sayang nga lang at wala akong makitang mga picture sa Internet, pero susubukan kong mailarawan nang maigi. Ikukuwento ko rin kung paano namin ginagawa ito dati.

Christmas Tree sa Bilao

  1. Kumuha ng bilao. Pwedeng bago, butas o sira. Basta maayos pa ang kawayang bilog o gilid nito. Huwag lang yaong may nakabilad na mga butong punla ng iyong mamay (lolo).
  2. Lagyan ng maliliit na pako ang gilid nito. Pwede ring aspili. Tiyakin na pantay-pantay ang layo nito sa isa’t isa. Babala, huwag sundutin ng aspili ang mga tumutulong na kapatid/kapitbahay.
  3. Kumuha ng tuwid at makinis na kahoy. Paluin nang mahina ang mga malilikot na mga bata na nakikiusyuso kung ano ang ginagawa mo. Tiyak na lalayo ang mga iyan at magsusumbong kung kanino. Pagkatapos, ipako sa pinakagitna ng bilao ang naturang kahoy. Wala naman sigurong dugo ang kahoy, ano?
  4. Kapag nakatayo na ang kahoy, lagyan din ng mas malaking pako ang pinakatuktok nito.
  5. Kumuha ng sinulid o taling ginagamit sa pag-ga-gantsilyo. Huwag nang hiramin ang taling gagamitin ng kapitbahay na magbibigti. Nakakaistorbo kayo sa isa’t isa. Pumili ng kulay na gusto mo.
  6. Simulang itali ang tali sa maliliit na pako (o aspili) sa gilid ng bilao at ibalik sa pako sa pinakatuktok ng kahoy sa gitna ng bilao. Huwag mag-skip ng pako. Para kang tanga.
  7. Kapag natapos na ang paglalagay ng sinulid. Lagyan ng dayami ang base ng bilao.
  8. Maaari ka ng maglagay ng kahit ano sa loob nito. Pwedeng belen o santa figurines. Hindi pwedeng ilagay ang tv o radyo o alagang pusa, pero kung gusto mo, wala akong magagawa. Malala ka na talaga.
  9. Lagyan ng garland o anumang palamuti ang mga sinulid.
  10. Optional ang paglalagay ng Christmas lights. Kung maglalagay, siguraduhin lang na i-on ito ito lalo na pag may bisita.

Halaman sa Paso na Christmas Tree

  1. Magtanim ng halaman at hintayin itong lumaki. Magbilang ng taon.
  2. Kung kulang na sa panahon, pumili na lang ng pinakamagandang halaman sa bakuran NINYO. Siguraduhin lang na nakatanim ito sa paso o malaking lata. Mas maraming sanga-sanga o dahon, mas maganda. Huwag nang ipilit ang daisy kahit ito ang pinakamaganda ninyong tanim.
  3. Ipasok sa loob ng bahay. Magpatulong kung kailangan. Magpasalamat sa tumulong.
  4. Linisin ang halaman pero huwag na huwag tatanggalin ang dahon. Ang ibig kong sabihin ng paglilinis ay pagtatanggal ng  mga alikabok o lupang kumapit sa mga dahon nito.
  5. Pinturahan ang paso o lata. Inuulit ko PASO ang pipinturahan, hindi ang halaman. Patuyuin.
  6. Lagyan ng garland o anumang palamuti ang halaman.
  7. Optional ang paglalagay ng Christmas lights. Kung maglalagay, siguraduhin lang na i-on ito ito lalo na pag may bisita.

Christmas Tree ala Pobre

  1. Pumunta sa looban. Magdala ng itak o gulok. Luminga-linga sa paligid. Huwag OA na paglinga. Baka akalain ng ibang tao na may gagawin kang masama.
  2. Kapag nakakita ka ng puno ng kape. Masuwerte ka. Mayroon ka ng Christmas Tree. Huwag umiyak sa tuwa.
  3. Pumutol ng sanga ng kape. Siguraduhing walang bunga ang puputulin. Ito kasi ang pinaka-magandang alternatibo at pinakamalapit na hitsura sa mga nabibili sa mall. Pantay-pantay ang malilit na sanga at layer nito gaya ng mga mamahaling Christmas Tree.
  4. Linisin ang sangang pinutol. Baka hindi napansin na may pugad ng ibon. Tanggalin ang pugad at ilagay uli sa puno.
  5. Tanggalin ang dahon. Bahala ka kung lilinisan mo muna ang mga ito bago tanggalin.
  6. Ilagay sa isang lata at lagyan ng lupa para tumayo ang sanga.
  7. Balutan ng lumang diyaryo ang bawat sanga. Puwede ring gamitin ang mga lumang papel, huwag lang textbook sa eskuwela kahit pa isinumpa mo na ang Calculus at Algebra.
  8. Kumuha ng papel de hapon ng kulay na gusto. Isiping mabuti ang sagot kung bakit papel de hapon ang tawag sa papel de hapon.
  9. Balutin ng papel de hapon ang sanga ng kape.
  10. Lagyan ng garland o anumang palamuti ang iyong bagong Christmas Tree. Puwedeng isabit ang mga maliliit na laruan at kendi. Maari rin ang picture ng bawat miyembro ng pamilya. Puwede ring mga tubig na may kulay na nakalagay sa supot ng ice candy.
  11. Optional ang paglalagay ng Christmas lights. Kung maglalagay, siguraduhin lang na i-on ito ito lalo na pag may bisita.

Ke bilao o halaman o sanga ng kape o mamahaling Christmas tree, ang mahalaga ay naisasapuso natin ang tunay na dahilan ng Pasko. At iyun ay ang pag-alaala sa pagsilang ng Manunubos. Adbans Meri Krismas!!!

Ako si Obot, Laking Anus

Kapag binanggit ko ang salitang ANUS, ngingiti ka ba?  Mapapakunot-noo kaya?

E, paano kung sabihin kong ipapakita ko ang aking ANUS, matatawa ka ba? O mapapasabi ka ng “Eww, ang baboy ko naman”?

Anu’t anuman ang reaksyon, hayaan niyong ibahin ko ang kahulugan ng salitang Anus sa inyong mga isipan. Na ang salitang ito ay hindi lang nangangahulugan ng butas ng puwet. Oo, mas malalim pa sa butas ng puwet. Kumbaga, ituturing ko kayong tabula rasa. Isang blangkong papel na pipintahan ko ng tunay na hitsura ng Anus, hindi hiwa, hindi butas, kundi isang obra maestra.

Ang Barangay Anus ay isa sa 33 barangay sa San Jose, Batangas. Napaliligiran ito ng Barangay Lumil sa Silangan, Barangay Lalayat sa hilaga, Barangay Bigain South sa timog at Barangay Sabang sa kanluran. Halagang Php250 at tatlo hanggang apat na oras na biyahe, sakay ng bus mula Maynila hanggang bayan ng San Jose. Pamasaheng sampung piso at bente minuto namang biyahe ng jeep mula sa bayan papunta sa aming barangay. Kung ikaw naman ay nagmamadali o ayos lang magbayad ng Php60, aba, magtraysikel na at nang makarating nang maaga sa Anus mong mahal.

Ala, eh, bay ga nga ANUS ang tawag sa aming baryo? Ganire, are’y kwento ng Mamay.

Sagana sa ANOS ang lugar namin noong unang panahon. Ito ay isang uri ng kawayan na may ngalang agham na Schizostachyum lima. At syempre, kapag sinabing kawayan, maraming pakinabang. Materyales sa paggawa ng bahay at kagamitang pambahay tulad ng papag at upuan. Maaari ring pambakod, panggatong, pamingwit, poste, tagayan at balag sa mga tanim. Pwede ring gamiting patalim o supla. Ngunit dahil sa tigas ng dila ng mga tagarito, ang Anos kung bigkasin ay ANUS na sa kalaunan ay siya ngang tinanggap na paraan ng pagbabaybay at pagsasalita.

Ayon sa pinakahuling datos ng National Census Statistics Office, ang populasyon ng Anus noong 2010 ay 950 katao. Wala pang isang libo, ano? Napakaliit ngang barangay. Subalit, sa maniwala ka’t sa hindi, ang taal na anak ng barangay ay kilala ang 95% na kanayon. Yung 5% ay para sa bahagdang kilala lamang sa mukha, hindi sa pangalan. Nakikilala lamang na anak ni Ka Ganire, hipag ni Ka Gay-un at apo ng Mamay Kuwan. At ang kadalasang apelyido ng mga iyan ay Briones, Limbo, Macaraig, Makalintal, Alday, Esguerra at Perez. Ang sabi nga ng matatanda, aba’y di ga nga’y iisang pisa. Kainaman!

At ang mga pangalan, naku, tila baga, lahat ay may palayaw. Kahit ano pang ganda ng pangalan, mas makikilala ka sa iyong pangalang pang-masa. Parang screen name ng mga artista, hehehe. Kalimitan hango sa hitsura, pero madalas, mas malabo pa sa baha ang mga anekdota sa likod ng mga palayaw. Halimbawa, si Ruel, naging Black, si Michael, naging Bangi at ang kapatid niyang si Roel ay Apoy. Isipin mo na lang ang kulay ng kanilang balat na buong puso naman nilang tinanggap. Si Apoy at Bangi nga ay mga konsehal sa amin, at karamihan sa nakasulat na pangalan sa balota ay Bangi at Apoy. Si Irveen naging Ape, si Jilveen, naging Ige at si Cenen ay Intog. Si Tukang ay si Arthur at si Tala ay Aurelio. Kambal yang mga yan, a. Ang cute na si Popay ay tinawag lang na Popay dahil tatay niya si Popoy (Paul). Isama mo pa kaming magkakapatid, si Edison naging Ato, si Jesielyn naging Baneneng, Si Kuya Roderick naging Tulog at ako (Erwin) ay naging Obot. Si Crizaliz ay Talet, si Glenda ay Iday at si Maritess ay Tikya na nang magdalaga ay ayaw magpatawag sa mga palayaw. Mga dalaga na nga naman, hahaha. Kaya kung maliligaw sa amin, huwag totoong pangalan ang hanapin dahil hindi mo matutukoy ang bahay nina Ago, Labit, Damaso, Apyong, Dubar, Duyi, Budong, Budikdik, Maeng, Bato at Iple.

At kung pakaiisipin, ang mga palayaw na iyan ang parating magpapaalaala ng lupang pinagmulan. May pagkatao kang kakabit na dapat manatiling mapagpakumbaba. Na dapat nakatuntong pa rin sa lupa kahit narating mo na ang ulap.

Kapag nagtrabaho sa Maynila ang isang kanayon at bumalik, tiyak na tampulan ng tuksuhan kapag gumamit na ng “kasi” at “ba” sa pagsasalita. Kaya, sa pagtuntong sa lupang pinag-ugatan, isuot ang pagkataong pinalaki ng barangay. Lalong ikaw ang dapat na maunang bumati sa nakakasalubong at mangumusta nang kaunti. At kung galing ng ibang bansa, manapa’y magbigay man lang ng isang sabon o isang tsokolate o isang kaha ng sigarilyo sa mga kapitbahay. Tanda iyun ng isang kanayong hindi nakalilimot. Aba’y para nga namang hindi mo na natatandaan ang lahat ng alaalang ibinigay ng maliit na baryo sa iyong pagkatao.

Oo nga, ang panahon ng kamusmusan! Magduyan sa sakong isinabit sa sanga ng punongkahoy. Maglaro ng baseball gamit ang bolang yari sa medyas na may lamang retaso ng damit. Magbaril-barilan gamit ang binaling sanga. Mag-jumping rope gamit ang mga baging sa looban. Mag-touching ball gamit ang bolang gawa sa basahan. Magpatintero at piko. Magtumbang-preso at gera-gerahan. Mag-see-saw sa kawayang inipit sa puno ng kape. Salat man sa marangyang laruan, sagana naman sa halakhakan ang kabataan sa aming nayon.

Sa panahon ng kasiyahan tulad ng baysanan (kasalan), birthday o 60th anniversary at panahon ng kalungkutan tulad ng patay (lamay), pasiyam o babang-luksa, asahan mong iisa ang pakiramdam ng barangay. Lahat ay otomatikong tumulong sa may okasyon. Ang mga lalaki ang siyang tagakuha ng kawayan (panggatong at pangposte), tagapatay ng baboy at tagaluto. Sa oras naman ng handaan, ang mga kababaihan ang siyang serbedora at taga-hugas ng pinggan. Sa lahat ng okasyon na yaan, ang mga matatanda’y nakabantay at tagapag-paalaala ng mga kasabihan. Bawal ang ganito, bawal ang ganire. Maglagay ka ng ganito, magsuot ka ng ganire. At ang kabayaran ng lahat ng iyan ay panunulungan naman sa susunod na okasyon.

Bukod sa ganitong mga okasyon, masarap ding bumisita kapag bakasyon (Marso hanggang unang linggo ng Hunyo), Araw ng mga Patay at Pasko sa nayong pinagmulan.

Kapag bakasyon, apat na bagay ang aming inaabangan – ang Alayan, ang pa-kindergarten ni Sir Perez, ang liga ng basketbol at ang Pista ng Nayon. Ang Alayan ay ang gabi-gabing pagdarasal at pag-aalay ng bulaklak sa Birheng Maria. Pagkatapos ng dasal, may nakahandang pagkain, kendi at juice ang may kaarawan (may padasal). Ang liga naman ng basketbol ay sinasalihan ng mga kabataan na hinahati sa apat o limang kulay. Ang mga pintura ng court, uniporme, medalya at tropeyo ay pagtutulungang ipanghingi sa buong barangay para mabili. At pagkatapos ng laro, abala naman ang lahat sa paggawa ng mga hayte (banderitas) at pag-eensayo para sa mga presentation para sa Pista. Kapag Pista kasi, hindi kami makapag-imbita ng artista dahil hindi kaya ng budget. Kaya, kami-kami na lang ang gumagawa ng paraan para mas maging masaya ang kapistahan. Nito ngang huli, nanalo sila Baneneng at ang grupo ng mga kababaihan sa mala-Showtime na contest sa barangay.

At kung itatanong mo kung saan galing ang pondo sa mga kasiyahan sa Pasko at Pista, ganito ‘yan. Uso pa sa amin ang pangangaluluwa kung Araw ng mga Patay at pangangaroling sa Pasko. Iyan ang pagkanta sa bahay-bahay o sa kalapit barangay para makahingi ng limos o donation na siya namang gagamiting pambayad sa musikerong tutugtog sa Araw ng Pista at Santacruzan. At pinag-uusapan na rin ang Santacruzan, aba, ay sama-sama na ring pumunta sa Lipa City para doon magrenta kapag wala ng mahiraman ng mga gown at barong.

Siyanga pala, walang iskul sa aming nayon. Kapag elementarya, sa Barangay Tugtug kami pumapasok at kapag high school, sa Bigain. Lahat iyun, lalakarin namin bitbit ang tsinelas kapag tag-ulan dahil sa putik at puting-puti naman ang mga paa kapag tag-araw dahil sa alikabok. Masaya naman ang paglalakad, lalo pa’t kasama ang mga kaibigan na habang daan ay nangunguha ng bayabas, santol, mangga o kakaw.

Pero bago tumuntong sa totoong paaralan, maiging dumaan muna ang mga paslit sa Kindergarten ni Sir Perez. Sa loob ng isa’t kalahating buwan, tuturuan sila ng pagbasa, pagbilang, mga araw sa isang linggo at mga bahagi ng katawan bago sumabak sa elementarya. Kanya-kanya ring dala ng upuan at abakada. Ang iskul ay ang tuklong (kapilya) mismo.

 “That house belongs to Ka Itok.” Kahit matagal nang patay si Ka Itok.

“A parrot can tot” at “Ang tagalog ng bark ay itlog” kasunod noon ay hagalpakan ng mga kanayong ginagawang libangan ang mga nakatutuwang sandali at pagkakamali ng mga bata. Dangan kasi, hindi maiwasan ang mga batang nagtae, mga batang kumakanta ng mali-maling lyrics at mga batang nagdadala ng notbuk na listahan ng utang ng kanyang ina.

Nakatutuwang malaman na ang napakasimpleng lugar na iyun ang nagsilang naman ng mga bagong sibol na guro, accountant, inhinyero at iba pang propesyunal sa aming nayon.

Wala rin nga pala kaming doktor sa barangay. Ang mayroon kami ay mga albularyo. Mamimili ka kung kanino kina Ka Inggo, Ka Imong at Ka Junior ka magpapabulong at magpapalaway. Magdala ka lang ng bote ng Ginebra o kaya ay isang kilong asukal dahil hindi sila nagpapabayad ng pera. Karaniwang pinapabulungan sa kanila ang sakit sa ulo, ngipin, lagnat, beke, luslos at ibang pang sakit sa katawan. Maghanda ka na rin ng papel at bolpen na susulatan ng orasyong Latin na ipantatapal sa katawan. Nakikipag-usap at nagpapalayas nga rin pala sila ng maligno at duwende. At kung may nawawalang gamit, pwede mo rin silang tanungin para magbigay ng clue, gamit ang bilao at gunting na tinatawag naman na paraan ng pagpipiyon.

Kung tutuusin, mabagal ang pag-unlad ng aming nayon. Kumpleto naman sa pangunahing pangangailangan gaya ng kuryente, sementadong kalsada at patubig. Maliban doon, wala na. Karamihan pa rin ay mga anluwagi ang trabaho ng mga kalalakihan habang ang ilan ay may alagang baboy at baka. May apat na sari-sari store. Hindi ko alam kung may cable o computer na sa lugar namin. Sa kabilang banda, maigi na rin iyun. Nakakatakot ding maging bisita ang sinasabi nilang kaunlaran.

Naalala ko noon, naliligo at naglalaba kami sa ilog na hinati sa tatlong parte – ang Bagong Bitin, ang Malaking Bato at ang Lumang Bitin. Ang dalawang bitin ang lugar ng labahan na mayroon pang bukal. Ang Malaking Bato naman ang siya naming swimming pool. Masaya ang kabataan namin dahil kumbaga, training ground namin iyun sa paglalangoy. Lugar din iyun ng pagpipiknik.

Ang nakakalungkot lang, ipot na ng manok ang dumadaloy dito ngayon. Nakapanghihinayang na nawala ang isa sa pugad ng aming kabataan. Bakit nga kaya may kapalit ang sinasabi nilang kaunlaran? At bakit wala man lang naglabas ng opinyon at pagtutol sa pagtatayo ng poultry farm kung sa ilog pala dadaloy ang ipot ng mga manok? Napakasaklap, nawala ang ilog na naging malaking bahagi ng aming pagkatao.

Walang kaming maipagmamalaking lugar, parada at produkto. Ang mayroon kami ay ang pusong laging nakahandang tumulong sa kanayon. Kung walang kanin at ulam, manghingi lamang ng bahaw at gulay sa kapitbahay. Kung hindi makapunta ng palengke, makisuyo sa kapitbahay ng gustong ipabili. Kung kailangan ng calculator, sapatos, damit, kaldero, palakol at asarol, magsabi lang sa kanayon at kaagad kang may mahihiraman. Basta, maging maingat lang at isoli kaagad para naman sa iba pang nanghihiram.

Wala kaming abogado at pulis ngunit mayroon kaming kapanatagan na wala ang mga tao sa siyudad. Payapa kang makakaalis ng bahay kahit bukas ang mga pintuan at bintana. Ang mga alagang baboy at baka, maaaring ipaubaya muna sa kahanggan. Magbigay lamang ng pasalubong mula sa lugar na pinuntahan.

Malayo man ang marating, makamit man ang pangarap at mapaibig man ng lungsod, hindi ba’t kaysarap bumalik sa isang lugar na nagpanday, nagkalinga at humubog sa iyong pagkatao. Kung saan ang lahat ay parating may alay na ngiti sa isang kanayong nagbabalik. Basta palaging tandaan, na maging kagaya ng kawayang Anos na matayog ngunit nananatiling nakayuko at tumitingin sa lupang kinatitirikan.

Kapag naririnig ko ang salitang Anus, hindi ko maiwasang ngumiti. Dahil bago ang lahat ng depinisyon, ang Anus, para sa akin ay hindi isang hiwa, hindi isang butas, kungdi isang simpleng Paraisong hindi ko pagsasawaang balik-balikan.

____________

Lahok na Blog para sa Saranggola Blog Awards 4.

Dear Utoy…

Bente-uno ka na nga pala… Hindi ko namalayan, binatang-binata ka na!

Pero bago ako magbigay ng konting payo (required?), gusto ko sanang balikan natin yung mga panahong bata ka pa at talaga namang bunsong-bunso ka pa namin. Yung panahong ang paboritong tawag namin sa iyo ay Ulyutan (Julius) at Gelembi (Glenn). Sisihin mo ang Inay, hehehe. Siya naman talaga ang nagbinyag ng ganyang palayaw sa iyo.

anong problema, utoy?

Alam mo ba na pinag-aagawan ka naming alagaan noong bata ka pa? Hindi dahil gusto ka talaga naming alagaan. Iyun kasi ang pinakamadaling gawaing-bahay kumpara sa pagwawalis ng paligid ng bahay, paglalaba, pangangahoy, pamamalantsa at kung anu-ano pa. Kapag kasi nag-aalaga ng bata, may permiso na ring gumala sa kalaro o kung saan man pumunta basta kailangang karga-karga ka sa likod. Pero ang hindi ko malilimutan ay noong isama kita sa kapilya (tuklong) at manood ng mga batang nagsisimula pa lang mag-Kinder. Wala kang pakundangang nagpakawala ng mga kinain mo at nagkalat ka ng lagim sa tuklong. Wala pa noong diaper kaya isipin mo na lang yung kahihiyang inabot ko noong araw na iyun. Dali-dali kitang iniuwi sa bahay at sinabihan ang Inay na magpunta sa Kapilya at may misyon siya doon. Pasimple naman kitang sinaktan pag-alis niya, hehehe.

Natatandaan mo ba yung mga panahong may okasyon sa atin, o kahit pupunta lang tayo sa bayan, ako ang nag-aayos ng porma ninyo nina Jayson at Joseph. Nakapila pa kayo para lagyan ko ng gel yung buhok ninyo at susuklayin na parang mga karakter sa Dragon Ball-Z.

Madalas rin pala tayong maglaro ng wrestling o kaya kilitian. Tapos mamayang konti, iyakan na at nagkakapikunan. Sayang, hindi ako natutong magbasketbol. Pakakainin sana kita ng tapal. Hahaha.

Paborito ka rin naming utusan ng pagbili ng Pop o RC na softdrinks kapag kakain na tayo. Wala kang karapatang umangal dahil bunso ka. Madalas rin namang kulang ang sukling iniaabot mo sa amin. Siyanga pala, mahilig ka pa rin ba sa catsup? Naalala ko kasi, catsup pa lang, ulam na sa iyo.  Tapos minsan, share pa tayo sa isang pinggan, akin yung itlog, sa iyo yung catsup.

Natatandaan mo rin ba na parati ka naming tinutukso kay Kulot. Yung totoo, naging kayo nga ba talaga ni Kulot? Bagay kasi kayo, e. Hahaha. At eto pa, inaasar ka pa ni Jayson na may frat kayong mga bata sa atin at ang pang-hazing ninyo ay walis tingting? Tawa kami nang tawa.

Ang hindi ko malilimutan sa iyo ay yung biyak mong ngipin sa unahan at kung paano mo yun itinatago kapag magpapa-picture. Dahilan pala iyun para mawalan ka ng kumpiyansa sa sarili. Ewan ko sa yo, ang bata-bata mo pa, ang dami mo ng issue sa katawan, hahaha. Iyun pala yung rason kung bakit hindi ka masyadong nakikilahok sa mga recitation sa klase o kaya naman parati kang nagtatago sa likuran kapag nagpeperform sa stage. Ang babaw, hahaha. Bakit ba hindi ka kaagad humingi sa akin ng confidence?

Dumating yung pagkakataon na ako rin pala ang magbibigay sa yo ng kumpiyansa. Hihihi. Nakapag-abroad ako sa Korea. At sa pagbubuhat ko ng bakal sa labas ng bansa, napag-usapan namin ni Ate Lanie na lagyan ng bakal yang ngipin mo. Oo, yang ngipin mo ay isinama sa budget sa bahay, tuition fee ni Jayson at Joseph at pagpapagamot sa Inay. Ansabe ng ngipin, mo? Hahaha.

Pero, alam mo natuwa naman ako sa iyo. Kasi naman, tumaas ang marka mo simula nang magkaroon ka ng brace sa ngipin. Para kang rocket  na bumulusok sa kalawakan. May bagong sarili. May bagong pagkatao. Nakakatuwang mula sa mga palakol noong elementary, aba at naging Achiever ka noong high school. Lalo pa nang mapili kang isa sa mga iskolar diyan sa John B. Lacson.

Alam ko, hindi ka man nasamahan ng Inay sa graduation mo noong elementary at high school, pihadong tuwang-tuwa iyun sa kanyang bunso. Sa kanyang pinakamamahal na Gelembi.

Utoy, bente uno ka na! Isang taon na lang at magiging ganap ka ng Seaman. Nawa’y sa patuloy mong paglalayag sa dagat ng buhay ay manatili sa iyo ang mga pangaral ng Inay at Tatay. Ikaw ang kapitan ng buhay mo. Andito kami para laging gumabay sa iyo. Andito kaming sampu mong nakatatandang kapatid.

Alalahanin mo ang mga aral mula sa karanasan naming mga kuya at ate mo. Matuto ka sa mga mali namin at gawin mong inspirasyon yung mga nakita mong tama.  Sa Ate Cecille, matuto kang maging madiskarte. Sa Kuya Onie, tularan mo yung pagiging masinop niya. Kay Kuya Dennis, pagiging organized sa gamit. Kay Kuya Erick, pagpapakumbaba. Kay Ate Lanie, yung dedikasyon sa pag-aaral at trabaho. Kay Jess, yung pagiging maka-Diyos. Kay Edison, yung husay sa pakikisama. Kay Jayson, yung pagka-masayahin. Kay Joseph, yung pagiging one-woman man. Sa akin, bahala ka na, ang dami kaya. hahaha. Yung totoo, gusto kong magsulat ka. Nabasa ko dati yung gawa mo at alam kong may talent ka din dito.

Ikaw na ang malakas ang loob, hahaha.

Kapag umaangat ka sa buhay, huwag mong kalimutan kung saan tayo nagsimula para parating nakaapak sa lupa ang iyong mga paa. Huwag na huwag kang magyayabang. Kapag nagtagumpay ka, tandaan mong napakasarap ibahagi niyan sa iba. Pero sa ngayon, ang mahalaga, maging masigasig ka pang lalo sa pag-aaral. Bahala ka kung gusto mong mag-girlfriend sa ngayon pero alam mo dapat ang iyong limitasyon. Isa pa, pag may trabaho ka na, saka mo na lang balikan yung listahan mo ng prospect. Huwag kang masyadong magmadali sa pakikipagrelasyon. Huwag ka rin masyadong magbarkada, hehehe. Bawasan ang gimik para hindi ka kapusin sa budget.

Huwag mong pakawalan ang pagkakataong magtagumpay at umangat. Basta tandaan mo. Pilitin mong matupad ang pangarap mo. Obligasyon mo yan sa sarili mo.

At syempre, dapat una sa listahan ay ang pagdarasal. Kahit nasa barko o nasa classroom ka, parati mo Siyang kausapin. Ialay mo sa Kanya lahat ng takot, pangarap, kasiyahan, pagkabigo at tagumpay mo.

At oo nga pala, iwasan mo na rin ang pagiging Jejemon. Nalimutan kong sabihin sa yo, Jejebuster ako.

O, pa’no, hanggang sa susunod na bonding time na lang natin ituloy ang kuwentuhan.

Happy Birthday na lang ulit mula sa paborito mong Kuya.

Ang Alayan Sa Tuklong

Tuhog na bulaklak, sadyang salit-salit

Sa mahal mong noo’y aming ikakapit

Lubos ang pag-asa nami’t pananalig

Kung tatanggapin mo’y lubos na pag-ibig.

Kung alam mo yang tula sa itaas, hindi ko na kailangang ikuwento sa iyo ang lahat. Alam kong ngingiti at magbabalik ang lahat ng alaala ng Alayan. Ngunit, kung hindi naman, malugod kong ikukuwento sa iyo kung gaano kaganda ang tradisyong mayroon kami sa Batangas.

Bago sumapit ang Mayo, ang kapisanan ay maglilibot sa buong barangay para kunin ang kumpletong schedule ng Paalay. Ang buong paalay ay nagsisimula ng Mayo 1 at natatapos sa gabi mismo ng Pista ng Nayon (na idinadaos naman sa unang Sabado ng Hunyo). Kapag kumpleto na ay isusulat sa kartolina ang schedule ng may Paalay o tinatawag din naming may Kaarawan at ipapaskil na sa tuklong o kapilya. At simula na nga ang Paalay o Alayan, ang mahigit isang buwang pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birheng Maria.

Maaga kaming gigising na magkakapatid para mamulaklak. Nag-uunahan kasi ang mga bata sa nayon para makakuha ng pinakamagagandang bulaklak. Umaakyat kami sa mga puno ng karatucha at naglalambitin sa puno ng alibangbang para masungkit ang pinakamagandang bulaklak. Pumupunta rin kami sa masusukal na looban para manguha ng kampupot, na kadalasan ay sinasamahan rin ng pamimitas ng sinegwelas at bayabas. Pag may kapitbhay naman na masipag magtanim ng mga halaman, libreng pumitas basta magpaalam. (Mag-ingat din sa alagang aso dahil may mga asong pasaway at basta na lang nanununggab.) Madalas naming hingin sa kahanggan ay gumamela, bougainvillea, santan, rose at daisy.

Kapag nakapamulaklak na ay ibabad muna sa palangganang may tubig at sa hapon ay tutuhugin na ng tingting ang mga bulaklak. Pagandahan ng bulaklak ang mga bata sa amin.

Kapag sumapit na ang alas-sais o alas siyete ng gabi, magsisimula na ang Alay. Hindi ko na matandaan ang eksaktong paraan ng pag-aalay. Ang natatandaan ko lang ay magsisimula iyun sa pagrorosaryo na pangungunahan ng mamumuno at isang miyembro ng pamilya ng may kaarawan. May panaka-nakang kantahan at ilang dasal sa Latin. Siyempre, ang pinaka-highlight ay ang mismong pag-aalay ng bulaklak.

Luluhod ang mga mag-aalay sa gitna, na parang nakapila papunta sa altar. Kadalasan, una ang mga bata, sunod ang mga tinedyer, pagkatapos ang matatanda, ang may kaarawan at ang huli ay ang mga hermana/hermano. Diyan makikita kung sino ang magkakaibigan at magkakabarkada sa mga bata. Yung iba naman ay magkakapatid o magpipinsan ang magkakatuwang. O kaya naman ay magkaka-team sa liga ng basketbol. At ang mas nakakatuwa, malalaman mo rin kung sino yaong mga nagliligawan at nagkakaibigan sa tuwangan. Diyan sa tuwangan na iyan, naku, usap-usapan agad iyan sa nayon. Aba’y si ano at si ano na pala. Kala ko ga’y nagbibiruan laang ang mga iyan. Iyun pala’y totohanan na.. Ganyan ang mga simpleng usapan ng mga taga-nayon.

Ilang minutong sasagot sa dasal na tulaan. Yung tula sa taas ang pansagot sa tula ring dasal. Susundan iyan ng kantang paulit-ulit. Dapat kabisado mo yung timimg – kung kailan ka tatayo para pumunta sa altar, luluhod at kung kailan ilalagay sa altar yung bulaklak at kung kailan ka uli tatayo para iba naman ang mag-alay. Kadalasan, nakakatawa (sa magandang paraan, ha) yaong mga nagkakamali ng timing. Gayundin, dapat maayos naman ang suot mo. Huwang iyong butas ang damit lalo na ang pundiyo. Yun namang iba’y manghihiram ng tsinelas at nahihiyang masilip ang maitim at maalikabok na talampakan sa butas na tsinelas.

Pagtapos na ang pag-aalay, maiksing dasal ang susunod at siyempre ang ilang mga announcement tulad ng may kaarawan kinabukasan, ang mga schedule ng liga ng basketbol o kaya naman ay ang panawagan sa mga gagawa ng hayte o banderitas para sa Pista.

At kapag tapos na, huwag ka munang aalis sa upuan. Maghintay nang ilang sandali at magbibigay na ng kendi ang may paalay. Yung mga bata, paramihan yan ng mahihingi kaya kung kayo ang may kaarawan, dapat mahaba ang pasensya. Ito rin yung hudyat para ilabas ang handang pakain ng may kaarawan.

Ano ba ang handa ng may paalay o may kaarawan? Depende yan sa ambagan ng may kaarawan na karaniwang magkakapitbahay o magkakamag-anak. Yung iba’y may papansit, pa- juice, pa-kape, pa-tinapay at pa-sopas. Yung iba naman, pakendi lang ay ayos na. Minamarkahan at talagang maraming tao kapag ang may paalay ay yung mayamang kanayon na may-ari ng bakery sa Maynila, o kaya ay yung may pwesto sa palengke sa Laguna, o yung mag-anak ni Kapitan, o kaya yung Paalay ng karatig-nayon. May Paalay din ang mga opisyal ng munisipyo at Sangguniang Baranggay. Yang mga yan pihado ang maghahanda nang todo at tunay na inaabangan ng buong nayon.

At habang kumakain, ang mga nag-alay naman ay manonood ng laro ng basketbol at ang ilan naman ay gagawa ng hayte o banderitas. At sa kalagitnaan ng Mayo, magsisimula naman ang praktis ng mga presentation para sa nalalapit na Program ng Pista ng Nayon.

Masaya ang ALAYAN sa tuklong. Parating nandun ang kwentuhan, ang ligawan, ang ngiti ng mga kanayon kasabay ng pag-aalay ng bulaklak bilang pasasalamat at pagpupuri sa Mahal na Birheng Maria.

At kung magagawi ka sa lugar namin sa panahon ng Alayan, huwag kang mag-alala, ihahanap kita ng matutuwangan.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Katulad ng araw na lumaban ako sa pagsulat ng sanaysay
Pabaon ang panyo, dasal ang kasabay
Kaya naman umuwi ako sa bahay
Bitbit ang tagumpay.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Tulad ng gabing ako’y nanlulupaypay
Dahil sa trangkasong akin noong taglay
Pinagpray-over ninyo pa nga ako ng Tatay
Kinabukasan, ayun.. ako’y buhay na buhay.

Sa panyo ng El Shaddai, kita’y naaalala
Inabot mo sa akin nang lumuwas ng Maynila
Mag-ingat sa lahat ng makakasalamuha
Mag-igi sa pag-aaral, pahabol mo pang wika.

Sa panyo ng El Shaddai, kita’y naaalala
Sa araw ng pagtatapos, ika’y lumuluha
Sa hirap ng buhay, sinong mag-aakala
Dalawa pa kami ni Ate na nag-abot ng diploma.

Sa panyo ng El Shaddai, kita’y naaalala
Nilagay mo iyun sa aking maleta
At ang tagubiling magbasa ng Bibliya
Nang ako’y mangibang-bansa doon sa Korea.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Nang ako’y bumalik mula sa pagsisikhay
Na mabigyan kayo ng mas maayos na buhay.

Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Na noo’y sa may goiter mong leeg nakalagay
Naaalala kita sa panyo ng El Shaddai
Habang ika’y nakaratay. Walang buhay.
Sumakabilang-buhay.
Na may baong panyo ng El Shaddai.

Naaalala kita, Inay
Ang haplos ng iyong kamay
Ang init ng iyong yakap
Ang boses mong malumanay.

Naaalala kita, Inay
At patuloy kong aalalahanin
Ang pagmamahal mong walang kapantay.
Salamat, Inay
Sa buhay mong sa amin ay inilaan.

Anim na taon na rin pala ang lumipas
Ngunit ang alaala mo
at Pag-ibig namin sa iyo
asahan mong hinding-hindi kukupas…

Maligayang kaarawan, Inay
Mahal na mahal kita…