Ang Pinakamahusay Na Singer Para Sa Akin

Pakinggan natin ang paboritong kanta ng singer na gusto ko.

Wala siyang hits o album na pwedeng maipagmalaki. Wala akong matandaang concert o tv shows man lang na nilabasan. Walang cover sa magazine. Walang fanbase. Walang sariling kanta. Ang tanging mayroon siya,  yung maganda niyang tinig na kapag nagsimula siyang humimig, me mikropono man o wala, titigil ako sandali, mapapamangha at mapapasabing “Siya pa rin ang pinakamusay na singer para sa akin!” At ito ang kanyang kwento:

Bata pa lang siya. Kinakitaan na siya ng angking talento sa pag-awit. Naiinis pa  nga sa kanya ang nakakatanda niyang kapatid. Kasi mas napapansin ng lahat ang boses ng batang ito kesa sa kagalingan ng  kuya niya. Kinder siguro nang magsimula ang rivalry nila, kung may ganoon mang konsepto sa pagitan nila. Kinder si Kuya at dahil likas na pabibo ang batang singer, ayun, isinali siya at ginawang saling-pusa. At sa kanilang pagtatapos, bagaman si Kuya ang napiling First Honor. Mas pinalakpakan ng tao si batang singer nang kumanta ito. Mas lalo tuloy nainis si Kuya nang buhatin si batang singer ng tatay nila. Parang siya talaga ang bida sa pagkakataong iyun.

“Wala ka bang napapansin, sa iyong mga kapaligiran. Kaydumi na ng hangin pati na ang mga ilog natin” Iyan ang unang  kantang naglaban si Kuya at batang singer kalaban din ang isang pinsan niya at iba pang bata noong elementarya sila. Unanimous ang decision ng mga hurado, si batang singer ang nanalo at dinala sa paligsahan kalaban naman ang iba pang mga bata mula sa iba’t ibang paaralan. Tuwang-tuwa ang lahat nang maiuwi niya ang unang pwesto at nagpapansit pa yata ang buong pamilya niya.

Ilang hits na kanta ang dumaan. Ilang kanta ang sumikat-nawala-nirevive. Ilang singers at banda na ang sumikat. Ngunit sa mga iyan, hindi pangalan niya ang naging kakabit. Kung may tagumpay man siya sa larangan ng musika, iyun ay limitado lamang sa mga singing contests na sinalihan niya sa piyesa ng idolo niyang si Celine Dion. Maliban doon, wala na.

Pero sandali, sumikat pala siya. Yun nga lang sa pamilya niya at sa ilang mga taong natulungan niya. Nasa rurok siya noon ng kasikatan nang kumikita na siya at nagtatrabaho sa isang factory sa Laguna. Sikat na sikat siya noon. Parang artista. Kahit anong hilingin ng mga kapatid, naibibigay niya. Nakakatulong na siya sa Tatay at Nanay niya at sa ilang kamag-anak na nangungutang sa kanya. Hindi man siya nakapagkolehiyo, naiangat niya ang kalidad ng buhay ng pamilya niya. Madiskarte kumbaga samantalang ang Kuya naman niya ay mas pinili ang daang pag-aaral sa kolehiyo.

Ilang hits na kanta ang dumaan. Ilang kanta ang sumikat-nawala-nirevive. Ilang singers at banda na ang sumikat. At oo, sumikat na rin ang kanyang bituin, lamang ang kanyang entablado ay  ang pagtulong sa pamilya. Iyon ang kanyang tagumpay.

Ngunit tulad ng lahat ng mga singer o artista, dumarating ang mga pagkakataong magbabagsak sa kanya. Sabi nga nila sa showbizness, hindi pwedeng magsabay ang career at lovelife. Lovelife ang pinili niya.

Umibig ang singer. Umibig ang singer sa taong ni hindi pinangarap ng pamilya niya para sa kanya. Umibig siya sa taong mas mahirap pa sa kanya. Ano nga namang buhay ang haharapin niya? Nagbunga ang kanilang pag-ibig lingid sa kanyang pamilya. Sinubukan niyang lumayo pero hinanap siya ng pamilya niya. Kahit paano, bituin pa rin siya sa pugad na kanyang pinagmulan. At siya’y natagpuan. Tinulungang makabangon, tinulungan siya ng Kuya niya.

Pangarap niya noong maging singer. Pangarap niya noong magkaroon ng sariling kanta na maalala ng lahat. Pangarap niyang sumikat, makilala at hangaan.

Naglaho ang lahat. Nagbago ang lahat dahil sa isa ring pangarap. Iyun ay ang pagkakaroon ng simpleng buhay kasama ang mahal niya.

jessielyn's little angel

Concert ang performance niya kapag naghehele siya sa dalawa niya ngayong tsikiting. May kilig ang duet nila ng asawa niya tuwing kakanta sila sa videoke. Hawak kamay din sila sa mga hamon ng buhay may-asawa. At lalo pang ginagamit ngayon ang kanyang tinig upang magbigay papuri sa Panginoon sa choir na sinalihan niya.

At muling nagningning ang kanyang bituin!

Jess, ikaw pa rin ang pinakamagaling na singer para sa akin. Andito si Kuya Lipadlaya, parating humahanga.

At kahit hindi kaya ng boses ko, gusto kitang makaduet sa kantang paborito mo.

Ang Aso, Ang Istasyon Ng Tren At Ang Dakilang Paghihintay

Pagkalipas ng ilang taon, bumalik ang balo ni Professor Parker Wilson sa kanyang bayan.

Professor: Hachiko, kapag nawala ako, huwag kang lalapit sa mga taong lasenggo..
Ngunit paglabas niya ng istasyon ng tren, nabigla siya sa kanyang nakita. Nandoon pa rin si Hachiko sa pwesto nito, naghihintay at pinagmamasdan ang mga taong lumalabas ng istasyon. Nagbabakasakaling makita ang pamilyar na mukha ng kanyang panginoon.

Naluluhang lumapit sa kanya ang balo. Hindi makapaniwala. Paano niya ipapaliwanag kay Hachiko na kailanman ay hindi na babalik ang isang patay na? Umupo siya sa tabi nito, at magkasama silang naghintay sa susunod na tren.

Naluha maging ang mamang tindero ng hotdog. Siya man kasi ay saksi sa siyam na taong paghihintay ni Hachiko sa among nagbigay sa kanya ng pagmamahal.

Kung ang pelikulang hanap mo ay puro digmaan, bampira, robot at may malalaking pagsabog, hindi ito para sa yo. Ngunit, kung gusto mo ng pelikulang mamahalin dahil sa kasimplehan at katotohanan at aral, HACHIKO ang irerekomenda ko sa yo. Mahusay at sakto lang ang pagganap ng mga aktor na iisipin na hindi na sila umaarte (lalo na si Richard Gere). Magaling din ang pagganap nung aso, madadala ka ng kanyang mga mata. Pang-Oscars.

Siyangapala, ito ay hango sa totoong buhay ni Hachiko, isang asong Akita na naging inspirasyon sa buong Japan dahil sa katapatan sa kanyang amo. Kaya nga noong mamatay ito pagkatapos ng siyam na taong paghihintay sa kanyang amo, nagpatayo sila sa Shebuya Station ng istatwa niya.

Ala Eh, PagkakaGaling ni Jovit!!!

E, e, e… di ga nama’y kakatapos ko laang manuor ng Pilipinas Got Talent (PIDYITE), kaya ako nama’y talagang napapanganga pa sa bilib. Kainamang husay ga naman ng batang ayown.

Sus, kunwari ka pang di mu alam. Uo, si Jovit Baldovino nga, yung akala mo nuong una’y mamaas maas laang at mimiha miha, aba’y pag narinig mo namang bumanat ng kanta e, pati batang payagak sa kakaiyak ay talaga namang tatahan sa taas ng buses. Simula pa nga laang ng palabas niyang Pidyite na yaan e, nakailang libu ga namang heyts yan sa Yu-tyob. Ako nga’y napaiyak (anay usteng) nung mapanuor ko yung Grand Finals sa TFC e. Sa tv nga’y kala mo’y mag iistampid sa kakahiyaw ang mga tao sa Araneta e lalu na nung banggitin ang pangalan ng pers eyber winner ng Pidyite. Juvit, Juvit, Juvit. hiyaw naman ng kahanggan ko rine.. Halit din naman ang buses e… Tabi nunu, hehehe.

Kow, babaha ng siomai sa Batang-gas. Pagkakasaya!!!

Nga pala, ari ga ang paburito kong bidyo ni Juvit. Ari’y nuong una siyang sumali sa Pidyiti pidyiti na yaan.

at isa pa uling syanga pala, tatlo nga pala silang Batanggenyo sa palabas na iyun. Si Juvit, si Luis (yung howst) at si Ai-ai (ay gay-on nga). Ayus e… Kainam nga naman!!

Maritess Versus Superfriends

Kung tutuusin, walang pagkakaiba sa pandesal ang inihain ni Bob Ong sa kanyang aklat na ABNKKBSNPL AKo. Masarap at ordinaryo. Ang kanyang karanasan ay karanasan din ng ordinaryong Pinoy sa eskwelahan. Ngunit ang kaibahan kay Bob Ong, inilako niya ang kanyang kuwento sa tamang tambayan, kaya naman pinakikinabangan niya ito ngayon.

Katulad ni Bob Ong, ganyan din si Rex Navarete. Mahilig magkuwento. Ang ikinukuwento niya ay mga ordinaryong karanasan din ng mga Pilipino, o ng mga Pinoy na napadpad sa Amerika. Nakakatuwa at nakakatawang pag-usapan ang mga bagay na nagpapakilala sa ating pagka-Pilipino at kung paano niya ito isinalaysay sa nakakakiliting paraan. Masarap ngang pag-usapan.

Narito ang isa sa pinakapaborito kong likhang video ni Navarete. Ang kalagayan at pakikipagsapalaran ng isang OFW. Ang bawat karakter ay sumisimbolo sa mga karanasan ng isang nangingibang-bayan. Hindi kailangan ng college degree upang basahin ang katotohanang inihahayag ng kanyang obra. Sasakit ang tiyan mo sa kakatawa.

Pagkatapos mong ngumiti at humalakhak, saka ka mag-iisip. May hatid din itong kurot sa pakikipagsapalaran ng mga OFW na hindi katawa-tawa at dapat ipagwalang-bahala.

Pagkain-Bagay-Inumin-Pangyayari

Bigla ko lang naalala, may isang laro pala kami noong kabataan pero hindi ko alam kung sinong nakaimbento.
Ganito yun, maghuhulaan lang kami kung anong commercial ang susunod sa isang currently airing na commercial. Mamimili ka lang sa apat na choices.

1. Pagkain – syempre anjan yung Jollibee, Mc Do, Lydia’s Lechon, Mang Tomas, Catsup

2. Inumin – Coke, Pepsi, San Mig, Red Horse

3. Bagay – eto yung paborito ko kasi madaming commercial like shampoo, toothpaste, sabon, damit

4. Pangyayari – madami din to kasi included yung mga trailer ng pelikula o teaser ng mga shows at concerts.

Pustahan lang naman yan ng tex o holen. Pero madalas, pitikan sa kamay. Madalas nga lang me nagkakapikunan, dahil me malalakas pumitik…

At napag-usapan na rin lang ang commercial, here’s one from Xbox..

Life is short. Play more.
Tama, maiksi nga ang buhay…nawa’y magamit natin ito sa mabuting paraan.
Sa bandang huli, ano nga bang bakas ang ating maiiwan?

Finish Strong….

ALam ko tulad ko, marami ka ring tanong.
ALam ko tulad ko, marami ka ring reklamo.
ALam ko me mga bagay na hindi umaayon sa plano.
ALam ko, minsan gusto mong sumuko.
ALam ko, tulad ko natatakot ka ring mabigo.
ALam ko, tulad ko may takot ka rin sa ‘yong puso
Alam ko, may mga bagay na di natin kontrolado

Pero alam ko….
Kahit paano, umaasa ka pa ring tulad ko….

Tulad ko, sana ma-inspire ka rin ni Nick Vujicic… Wag tayong susuko…