Ang Kwento Nating Dalawa

Ganito, humigit-kumulang yung kuwento mo sa akin kung paano mo ako unang ipakilala sa barkada mo, doon sa isang resto bar sa Roxas Boulevard.

 

“Basta, kung sino yung makikita ninyong pamilyar na mukha, siya ang bago kong boyfriend,” sabi mo sa grupo mong tinatawag na G Friends (pinaiksing Ganda Friends). Hindi mo kasi alam kung ano yung magiging reaksyon nila kapag nakita ako. Kaya tinext mo ako ng Punta ka na dito, beb.

 

Kaya ayun, lumabas ako sa pinagtataguang pwesto sa kalapit na bar. Parang slow mo moment sa pelikula nga yata ang eksena ko, hinahawi yung buhok na hinahangin ng hanging galing sa Manila Bay. Sabay ngiti at kaway sa inyo. Parang Mr. Pogi contestant lang. Nakita ko yung hitsura nila, hindi makapaniwala. Nasamid pa nga yata ng iniinom na juice si Monette.

 

“Ano to, joke?” tanong ni Jane na nagtaas ng kilay nang makita ako tapos tumingin ulit sa iyo.

 

”What is this, Pagsy?” nakakunot na natatawa si Monette. “Like hello??? Halos ipagtanggol kita sa mga boss ko na naghihinalang kayo nga nitong si Erwin at sinabi kong hindi ka kumakain ng putik. Tapos, andito ngayon ‘tong kenkoy na to?” dire-diretsong daldal ni Monette, sumasayaw pa ang balikat.

 

“Ahahaha, ahahaha, Akala ko pa naman si Russel, ahahaha,” nakakalokong hirit ni Jaymee. Si Russel na tinutukoy niya ay yung guwapong Marketing Officer ng isang account natin sa kompanya.

 

“Wait, G Friends, okey lang yan, kahit naman ganyan ang hitsura nitong si Erwin, mabait naman yan, eh. Baka kasi natutuwa lang talaga sa kanya ‘tong si Pags,” pagtatanggol, kung pagtatanggol ngang matatawag ang sinabing iyun ni Yeng.

 

Ngiti lang ang isinagot mo sa kanila. Ako naman, natatawa lang din. Kung maka-react yang barkada mo, parang wala ako sa harap nila. Sabagay, nakakakatawa ngang naitago natin sa kanila yung relasyon natin samantalang palagi naman tayong nagkikita-kita sa opisina.

 

Sa isip ko, sinasakal ko na isa-isa ang miyembro ng G Friends. Napaka-feeling maganda talaga ng barkada mo. E, mga ordinaryong mukha lang din naman, nag-aarte-artehan lang para magmukhang sosyal.

 

“Paano nga ba nangyari?” Iisa nilang tanong sa atin na para bang suspek tayo ng isang krimen at sumasalang sa interrogation ng NBI.

 

Kunsabagay, hindi ko sila masisisi. Ikaw kasi yung tipong Crush ng Bayan sa opisina. Sabi ng iba, kamukha mo si Katya Santos. May nagsasabing kahawig mo si Jolina Magdangal, kasi ang kikay-kikay mo. Maamo ang mukha, mahaba ang buhok, maganda ang labi. Sa madaling salita, maganda ka.  Mahilig sa Hello Kitty at pink na bagay. Basta kahit anong bagay, basta pink. Fashionista  ka pa kung manamit. Sumasali ka pa ng beauty contest.

 

Sa kabilang banda, ako naman ang kwelang nerd sa opisina. Sabi nila, kamukha ko raw si Smokey Manoloto. May nagsasabing kahawig ko raw si Jet Li. Minsan, si Fanny Serrano. May kaibigan nga ako, sabi sa akin, kamukha ko raw si Long Mejia, na nakasalamin. Ganyan yung hitsura ko. Malabong ilarawan. Yung tipong kapag tinanong kung pogi ba? Sasagutin ka ng mabait naman. Tapos, tatanungin ulit ng Pogi ba? Sasagutin ulit ng palatawa at matalino. Kung bakit naman kasi parang bara-baranggay kung tumubo ang pimples ko. Malabo pa ang mata ko kaya kailangan kong magsalamin. Binabawi ko na nga lang sa hating Keempee de Leon ang buhok ko eh. Na para namang ang laki ng ipinagbago ng mukha kong kinagigiliwan ng G Friends.

 

**********

Paano nga ba tayo nagsimula?
Parehas tayong galing sa break-up sa kani-kanyang relationship. Nagkalabuan kayo ng boyfriend mong businessman dahil wala siyang oras sa iyo. Biniro nga kita dati na baka may ibang business siya na hindi mo dapat malaman. Minura mo ako noon pero nakita ko natahimik ka pagkatapos.

 

Nagulat na lang ako nang sabihin mo, minsang naglalakad tayo papunta sa sakayan ng dyip na nagising ka na lang na parang tinatanong mo ang sarili mo kung talagang mahal mo pa ba yung tao o nasanay ka lang na parati syang wala. Naghihinayang ka pa sa apat na taon pero naisip mo rin na ano naman ang dahilan para magtagal ka sa isang relasyon na hindi mo na sigurado ang nararamdaman.
Ako naman, nagsawa na sa long distance relationship, kung long distance na matatawag ang Cavite at Quezon City. Sabihin man nilang malapit lang pero ayoko ng set up na isang beses isang buwan lang tayo magkikita. Hindi ko kaya yung sa text at boses lang tayo nagkakaintindihan. Ako yung tipong gusto kong parating nakikita at nakakasama ang taong mahal ko.
Sa madaling salita, parehas tayong broken hearted. At ang teyorya, broken hearted plus broken hearted is equals to possible relationship.
Pero mali sila, hindi naman tayo ganun kadesperado. Ang sa atin ay isang relasyong nabuo hindi dahil parehas tayong basag na nanangangailangan ng ibang tao para muling mabuo.
Nabuo ang TAYO kasi parehas tayong buo. Dumating ang isa’t isa sa tamang  panahon. Kung anong meron tayo ay bunga ng isang matibay na pundasyon. At iyun ay resulta ng pagiging malapit nating magkaibigan.

 

******
Nang magkaroon ng bakante sa HR, binalikan namin ang mga profile ng mga naging OJT sa kumpanya. Bilang isa sa mga senior staff, tinanong ni Sir Titan (HR Manager) ang rekomendasyon ko kung sino ang posibleng kunin ng kumpanya bilang HR Assistant. Binigay ko yung pangalan mo. Hindi dahil sa kung ano pa man, kundi dahil karapat-dapat ka naman talaga base sa ipinakita mong performance bilang trainee. Maagang pumasok. Tsek. Masunurin. Tsek. Madaling matuto. Tsek. Organized. Tsek. Magaling makisama. Tsek na tsek. Nagkataon din siguro na nakita nila iyun sa iyo. Kaya nga, natuwa kami nina Aila at Tere nang kunin ka ng kumpanya.

 

Simula noon, lalo tayong naging malapit. Ako ang nagturo sa iyo ng pasikot-sikot ng trabaho sa departamento natin. Requirement ng kliyente versus CV ng aplikante. Kung paano mag-interview at magsala ng mga tao. Kung paano ipaliwanag ang kontrata at benepisyo. Kung paano mag-organize ng mga events sa kumpanya.

 

Naalala mo tuwing unang Biyernes ng buwan, magkasama tayong naghahanap ng pari para mag-misa sa opisina. Tinutukso nga tayo ni Sir Titan na naghahanap tayo ng pari para magpakasal.

 

Naging constant textmate tayo at nagpalitan ng mga quotes at jokes. Nang magkaroon ng magic yung cellphone kong 5110, ikaw ang pinakamatagal kong kausap sa telepono. Magic kasi nga dalawang linggong unlimited ang tawag sa cellphone ko.

 

Doon ko nalaman na sa kabila ng kakikayan mo, marami rin pala tayong pinagkakasunduan tulad ng musika ni Gary Valenciano na ginagaya ko pa kahit nasa gitna tayo ng kalsada. Natatandaan mo noong minsang nag-bar yung HR team sa Cowboy Grill. Nang kumanta yung babaeng bokalista ng banda, nilapitan ako at pinasasayaw. Ako si engot, mas gusto pang sumayaw lang sa table natin. Tapos noong ikaw yung inaya nung lalaking bokalista, umakyat ka pa sa stage. Niyabangan mo pa ko at tinuksong walang kwentang ka-gimikan.

 

Sabay rin tayong naghahanap ng mga trip nating meryenda – fishball, barbeque, mais, pansit, pati na yung tinapay na binibili pa natin dalawang bloke ang layo sa opisina.

 

Sabay rin tayong umuuwi dahil parehas tayo ng jeep na sinasakyan. Wala ka na kasing nobyong de-kotse. Hindi muna ako bumababa sa kanto ng inuupahan kong apartment dahil sinasamahan pa kitang tumawid ng kalsada para sumakay ulit ng jeep papunta sa lugar ninyo. At kapag nakasakay ka na, parati kong hinihintay na tumingin ka ulit para kumaway. Maliit na bagay yun pero parati kong inaabangan. Tapos, ite-text kita ng ingat. Magre-reply ka naman kapag nasa bahay ka na.

 

Parehas din nga pala tayong mahilig magbasa ng libro. Nagkasundo pa nga tayo na bawat buwan, mamimili tayo ng libro. Mabababaw na libro, to be exact. Magkaiba nga lang tayo ng paborito. Ako, Pugad Baboy. Ikaw naman, yung Pupung. Parehas nating kinukuwestiyon yung level ng pagkahumaling sa mga ganitong libro. Hindi mo makuha yung mga jokes ng Pugad Baboy lalong hindi ko naman makuha ang mababaw na jokes ng Pupung. Pero ganun pa man, tuwing katapusan, magkasama tayong pumupunta sa National Bookstore.

 

Pebrero 14, 2004. Lovapalooza event noon sa Baywalk. Kasama natin ang G Friends, HR team at yung ibang barkada ko sa opisina. Gaya ng dati, magkasabay tayong umuwi. Nagtaxi tayo noon. Biniro ko yung drayber na ihatid tayo doon sa biglang liko. Ihahatid nga talaga tayo ni Manong kung hindi ko binawi yung joke. Binalingan kita, sabi ko, “Sabi sa iyo, e. Papasa tayong mag-syota.” Ang sagot mo sa akin, “Feelers ka talaga.”

 

Feeling. Assuming. Oo, kasi malayo naman talaga ako sa profile ng ex mo na guwapo, konyo at de-kotse. Ako, iba rin naman ang tinitingnan ko sa babae, ang gusto ko matalino, magaling magsulat, simple at hindi maarteng gaya mo. Parang sa trabaho lang natin sa HR, iba yung requirement na hinahanap natin laban sa mga katangiang meron tayo. Misfit para sa isang romantikong relasyon. Kumbaga, ikaw at ako ay talagang magkaibigan lang. Naglagay na tayo ng bakod sa simula pa lang.

 

Pero noong mga panahong iyun, espesyal na ang tingin ko sa iyo. Kumbaga, pinana na ako ni Kupido bago pa man ang Lovapalooza. Yung gabing iyun, may laman yung joke ko, tinantiya ko lang kung paano mo tatanggapin. At iyun nga, Feelers na salita ang isinukli mo.

 

Pero alam mo naman yang pag-ibig na yan, habang pinipigilan, lalong nag-uumalpas na makawala. Kapag lalo mong inililihim, lalong umiigting yung pagnanasang masabi sa taong pinag-uukulan. Kaya nagdesisyon akong sabihin sa iyo. Bahala na.

 

Birthday ko noon, sangkaterbang text ang natanggap ko mula sa mga kaibigan, kapamilya at kakilala. Sumagot ako sa kanilang lahat ng Salamat. Yung sa iyo, ang reply ko…. I love you and I mean it. Wala akong nakuhang sagot.

 

Kinabukasan, nagkuwento ka kay Tere. Iniiisip mo kasi biro lang ulit. Nagkwento ka sa kanya kung ano ba talaga ang meron tayo. Kung ano yung nararamdaman mo at kung ano ang sunod na dapat gawin. Ang payo lang sa iyo ni Tere, Go, Girl.

 

Biyernes noon, pagkagaling sa trabaho, pumunta ulit tayo doon sa Baywalk. Doon sa may fountain, sinabi mo ang sagot mo sa text ko. Para akong nanalo sa lotto. Sinong mag-aakala na ikaw na Crush ng Bayan sa opisina, ang girlfriend ko? Napaniwala ko tuloy ang sarili ko na ampogi-pogi ko pala. Napabilib ko tuloy yung barkada ko pagdating sa babae. May itinitago daw akong anting-anting.

 

Ikaw naman, ayun, kinumpronta ka ni Aila. Huwag na huwag mo daw akong sasaktan. Oo, ganyan ako ka-mahal ng taong yan.

 

Ang totoo, hindi naman natin inilihim ang ating relasyon. Hindi lang nila nahalata kasi nga parati naman tayong magkasama. At kung may magtanong man, sinasabi naman natin kung ano ako sa iyo at kung ano ka sa akin.

 

Bandang huli, natanggap naman ng G Friends ang desisyon mo. Kilala rin naman nila ako sa opisina. Palabiro ako pero seryoso sa trabaho. Alam nila yan dahil ako mismo ang nag-interview sa kanila noong mag-aplay sila ng trabaho sa pinapasukan nating kumpanya. Maaarte lang sila pero mababait naman.

 

At bilang paggalang, pumupunta na rin ako sa bahay ninyo. Salamat at napakabait ng mga magulang at mga kapatid mo. Ipinakilala naman kita sa pamilya ko.

 

**********

 

Tinanong kita kung hindi ka nagsisi dahil walang kotse ang boyfriend mo. Sabi mo, basta parati tayong magkasama sa biyahe.

 

Tinanong mo naman ako kung hindi ako nadismaya dahil hindi ka naman nagsusulat. Sabi ko, ako ang magsusulat ng mga kwentong pagsasaluhan nating dalawa.

 

Ipinaalala mo sa akin ang usapan nating yan nang magdesisyon akong mangibang-bayan sa South Korea. Tatlong taon ang pinirmahan kong kontrata. Samantala, siyam na buwan pa lang yung relasyon natin. Babago pa lang yumayabong. Hindi pa handa sa malalakas na bagyo.

 

“Pero, beb… para sa Nanay ko,” yan ang sagot ko sa iyo. Nasa apartment tayo nang naikwento ko sa iyo na labas-pasok sa hospital yung nanay ko dahil sa sakit sa atay. Kailangang-kailangan namin ng pinansiyal na pangtustos sa pagpapagamot niya. Dagdag pa yung ibang gastusin sa bahay at pang-tuition ng mga kapatid ko.

 

“Pero paano tayo?” tanong mo.

 

“Tayo pa rin,” sagot ko. Yung sagot ko na yan, hindi ko alam kung kaya kong panindigan. Sumagot ako para lang mapanatag ka kahit alam ko sa sarili ko na hindi ako naniniwala sa long distance relationship. Lumabas ako sa ganyang relasyon, sa ganyang relasyon din pala ako papasok.

 

“Alam mo ba yung SM?”

 

Tiningnan kita. Hinawakan ko yung mukha mo. Pambihira, itong kakambal ni Jolina, inaaya ang kapatid ni Long Mejia na magpakasal nang ganun lang? Pambihira.

 

“Beb, huwag tayong magpadalos-dalos ng desisyon. Hindi naman ganun kadali yun. Kailangan nating paghandaan kung papasok tayo sa mas malalim na relasyon.” Pilit kong ipinapaunawa sa iyo ang sitwasyon.

 

Nagalit ka sa akin. Noon nga lang kita nakitang magalit nang husto. Sumakit din ang dibdib ko hindi lang sa bigat ng dinadala ko, kundi dahil sa mga suntok mo. Pinabayaan lang kita. Kahit sa ganoong paraan man lang, mabawasan yung guilt feelings na nararamdaman ko. Hindi ko gustong saktan yung damdamin mo. Hindi ko alam kung gago ba ko o matino. Baka mawala ka sa buhay ko. Baka ikaw na nga yung para sa akin. Hindi na siguro darating sa buhay ko ang isang tulad mo. Makakakita ng kasingganda mo, oo. Mamahalin, siguro. Pero yung mamahalin ako sa kabila ng mga pagkukulang ko, yun ang ikinakatakot ko.

 

Ayokong maging unfair sa iyo. Ayaw kitang itali sa isang relasyong may agam-agam. Paano kung hindi pala ako para sa iyo? Paano kung pagkatapos ng ilang buwan, makakalimutan mo rin pala ako? Paano kung isa lang pala akong joke sa mga relasyon mo at babalik ka na naman sa listahan mo ng ideal guy. Yung hindi lang mabait, guwapo at mayaman pa. At mamahalin ka nang higit pa sa kaya kong ibigay?

 

Pinipigilan mong umiyak noong inihatid mo ako sa agency. Pinipigilan ko ring umiyak. Hindi dapat iyakan yong sitwasyon natin. Baka naman ito yung paraan para mas lalo tayong tumibay. Sabi ko, hindi naman ito goodbye. Magkakahiwalay lang tayo pero hindi tayo maghihiwalay. Walang dapat iyakan.

 

Pag-andar ng bus na magdadala sa amin sa NAIA, nakita kita mula sa bintana, humahagulhol ka. Naantig naman ang puso kong nagkukunwaring bato. Iiwan ko ang babaeng minamahal ko para madugtungan ang buhay ng babaeng nagbigay sa akin ng buhay. Namalayan ko na lang, humihikbi na rin ako. Ang dami kong kinain na prinsipyo nang mahalin kita. Kinain ko yung sinabi kong hindi ako iiyak. Kinain ko yung prinsipyo kong kalokohan ang long distance relationship.

 

Tinanong ako ng katabi ko, “Pare, ano mo yung magandang babae?”

 

“Girlfriend, pare.” Kahit kailan naman talaga, o. Lalo akong napahagulhol.

 

*********

Sabi ng iba, mahirap ang long distance relationship. Sabi ko naman, sa una lang yan, syempre hahanapin mo lahat ng mga bagay na kinasanayan mo. Yung may kasabay kang umuwi, kumain, manood ng sine, gumimik, mamasyal. O yung simpleng kwentuhan lang ng mga walang kakwenta-kwentang bagay. Natural lang yung matulala ka minsan, mag-emo, mapangiti nang mag-isa.

 

Pero kalaunan, nasanay na rin tayo. Buti na lang, isang oras lang ang pagitan ng oras sa Pilipinas at South Korea. Paggising sa umaga, Good morning na text. Sa tanghali, kamusta ang lunch. Sa gabi, konting kwento tapos bye, sweet dreams na. Chat kapag day-off. Wala pang Facebook noon. Paminsan-minsan, may Yahoo e-cards na pinapadala. Naalala mo, kinakantahan pa kita ng mga gawa-gawa kong kanta. Tuluyan ko ng pinangatawanan ang long distance relationship.

 

Walong buwan yung matuling lumipas – emergency. Kinailangan kong umuwi ng Pilipinas. Nawala ang taong dahilan ng pangingibang-bayan ko. Iyun na yata ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko. Saksi ka kung paano ako nanlumo, para saan pa yung pag-aabroad ko. Wala na ang babaeng pag-aalayan ko.

 

Nag-usap tayo, muling tinimbang ang nararamdaman. Salamat naman, ganoon pa rin tayo. Nagtampo ka nga lang sa akin dahil wala akong pasalubong na may tatak na Hello Kitty para sa iyo. Napakamot na lang ako ng ulo, kikay ka pa rin talaga. Pero ang mas mahalaga, isang babae pa rin ang dahilan ng pagsisikap ko sa ibang bansa.

 

Bumalik ako ng Korea. Ilang buwan lang, nagtrabaho ka naman sa Qatar. Mula sa isang oras na pagitan, naging anim na oras ang pagitan nating dalawa. Ayos din naman, naging alarm clock natin ang isa’t isa.

 

Sa kabila ng lahat, buo pa rin tayo. Natapos ang kontrata ko sa Korea, buo pa rin tayo. Nagdesisyon ako na magtrabaho muna sa Pilipinas, doon sa dati nating kumpanya, tayo pa rin. Hanggang magdesisyon ako na sumunod sa iyo sa Qatar at magtrabaho.

 

Sinong mag-aakalang darating tayo sa ganitong panahon?

 

Isang beses, lumapit ka sa akin. Sabi mo, nababasa mo yung blog ko. Paborito mo yung Meteor Shower. Yung kwento nung pumipili ka ng traje de boda.

 

Alam kung ano yung pinakapaborito kong naisulat tungkol sa ating dalawa? Heto yun.

 

Para Sa Iyo

 

Walang kasawaan. Walang kapaguran. Walang hangganan.

 

Ganito kita mamahalin. Hindi ako magsasawa sa aso’t pusa nating pagtatalo sa araw-araw, dahil alam kong pagkatapos nito’y maglalambingan naman tayo. Hindi ako mapapagod sa pag-unawa sa mga mood swings mo at pagiging OC mo. Walang hangganan dahil ang pagmamahal ko sa iyo ay walang kinikilalang panahon maliban sa magpakailanman.

 

Pagkakaibigan. Diyan tayo nagsimula. Kaya naman umasa kang ako pa rin ang magiging bestfriend mo, numero unong fan at una ring kritiko. Kahit wala na tayong mga ngipin, asahan mong pupunuin ko pa rin ng halakhak at tawanan ang ating maghapon.

 

Respeto. Pag-unawa. Pagtitiwala. Iyan naman ang iaalay ko. Igagalang bilang kabiyak ng puso. Iingatan bilang karugtong ng buhay. Aalagaan bilang katuwang sa pagbuo ng pangarap nating dalawa. Walang iwanan. Walang lokohan.

 

Ang araw na ito ay simula ng bagong kabanata. Salamat. Sabay tayong matututo. Sabay tayong maglalakbay. Hawak-kamay. Magkasalo. Mag-asawa.

 

Mahal kita, beb. Mahal na mahal.

 

Iyan ang wedding vows ko noong kasal natin noong Disyembre 2010. At gaya ng pangako ko, patuloy akong magsusulat ng mga karanasang pagsasaluhan nating dalawa.

 

______

Lahok na Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards.

Saranggola 336x2802dmcitgeek2dp2peba2imove2kw

Kung Paano Ko Sinorpresa Ang Aking Asawa Noong Balentayms

Oo, ako na ang late magpost. Bawal bang tamarin? Me rules ba? Me rules? O, e di me rules.. Parang Vice Ganda attitude lang, no? Ahihihi. Uso?

Paalala: Ang susunod na kuwento ay sobrang makeso. Pinapayuhang maglagay sa tabi ng sabong panligo o panghugas ng plato habang nagbabasa. Pero wag magbabasa ng kamay dahil baka makuryente. Ilagay lang sa tabi. Hindi ko rin kasalanan kung masuka kayo kaya naman, magdala na rin ng basurahan habang nag-uumpisa nang maging corny ang inaamag na blogbahay na ito.

Game.

————-

Bisperas ng Balentayms.

Bebe ko: Beb, baka naman magdala ka pa ng bulaklak a..hihi (Tamang parinig)

Ako: Sus, wag na, mag-asawa na naman tayo, e.. (Tamang pambasag ng romance, hihihi)

Bebe ko: To naman, dapat kahit mag-asawa tayo, nililigawan mo pa rin ako. (Nakanguso na at nakakunot)

Ako: Ang dami kayang gastusin, yung tuition ng mga bata, gatas ni baby at bayad sa school bus.. May field trip pa si Junjun. (Nakakunot na rin)

Bebe ko: Beb, WALA PA TAYONG ANAK. Baliw.

Ako: Hihihi. Kaya nga gagawa, e. ‘Lika nga. (Ngising Paquito Diaz lang..)

Bebe ko: Hmp. Diyan ka lang magaling. Sa mga kalokohan.

Ako: Ano yun, compliment ba yun? hehe. Tenk yu. Ako na..

—————

Balentayms.

Hmm. Busy kami parehas sa pagba-browse ng mga pics sa fb ng ma kaibigang kung saan-saan nagpalipas ng Happy Puso Day. Pagandahan ng bulaklak. Pasosyalan ng date. Hindi ko matandaan kung nagbatian ba kami. Ganun nga yata pag mag-asawa na.

————–

Happy Valentines Day, bebe ko! d kc kita nbati khapon ng maayos. i super love u. thank u sa lahat. 4 understanding d monster in me. 4 sticking with me despyt my flaws. 4 obeying all my utos. 4 making  me happy always. i love u so much.

Sender: My Life +9745504xxxx    Received: 8:30:36 am  15-02-2012

i still love u no matter what. Thanks for keeping up with my kakulitan. Thanks for the happiness.

From: @Bebe Ko:) Feb 15 2012 09:00AM

Ako si @Bebe Ko:) at siya si My Life. Mga text yan noong a-kinse. At nauna siyang magtext. Ako na. Ampogi-pogi ko. Ahihihi.

At doon ko lang naisip na this is the right time para isurpresa yung misis ko. Ang hirap kasi sa babaeng yun. Masyadong nag-eexpect. Ang hirap tuloy i-surprise. Lalo pa nga siyang nainis kasi yung kapatid niyang walang bf, me mga flowers na inuwi galing school, tapos siya wala. Idagdag pa yang mga posts sa facebook. Parang galit nga yata siya noong Balentayms e..

Ang totoo, talagang gusto niya pa rin ng bulaklak at ang mas totoo, gusto ko rin naman siyang bigyan..

Nauna akong dumating sa bahay. Kaya ginawa ko na ang plano ko. Naglagay ako ng isang chocolate sa kama. Nilagyan ko ulit ng Post-it Note. Nakalagay, simpleng I LOVE YOU at HAPPY VALENTINES DAY! Pwede na siguro yun.

15 minutes nang dumating siya galing sa opisina. Nang makita niya yung chocolate.

Bebe kong naging monster: ANO TO?

Ako na masikreto: Chocolate. Galing sa office. Happy Valentines. (with matching pa-swabeng salubong-kiss)

Bebe kong naging monster: HA!!? SIRA-ULO KA.. ANO ‘TO LOKOHAN? ITO LANG AKO SA YO? CHOCOLATE, BIGAY PA NG IBANG TAO? (At ibinato niya sa akin yung tsokolate.)

Ako na masikreto: Ito naman, it’s the thought that counts… ‘kaw, ha.. nagiging materialistic ka na.. hindi dapat ganun..

Bebe kong naging monster: HMP. UTOT MO. NAIINIS AKO SA YO.

Ako na masikreto: Para bulaklak, naiinis ka na. Ambabaw mo naman.

Bebe kong naging monster: SIRAULO KA. DAPAT DI MO NA KO BINIGYAN NIYAN. GALING PA SA IBANG TAO. (Naiiyak na at naiinis na talaga)

Ako na masikreto: Arte mo. Magpalit ka na nga ng pambahay. (Sabay labas ng kuwarto. Walk out yata ang tawag dun.)

Pumunta ako ng sala. Nanood ng tv. After 20 minutes, lumabas si Bebe ko.

Bebe ko: Kainis ka.. (May dalang pulang box ng chocolate)

Ako: Hehehe. Nakita mo na pala.

Bebe ko: Hmp. Pinaiyak mo pa ko. Kaasar ka.

Ako: Syempre, kasama yun sa plano. Galing ko umarte, ‘no?

Bebe ko: Hihi. Payakap nga. Pakiss na rin.. Love mo ko talaga.

At syempre, ayos na naman ang buto-buto. Baliw, yun ang niluto niya, bulalo. Ahihi.

Kanina kasi bago siya dumating, nilagay ko yung box ng chocolate dun sa wardrobe niya. Nilagay ko din yung bulaklak sa sulok ng bahay na hindi madaling makita. At umubra na naman ang aking pagiging Romantiko. Mission Accomplished.

Sabi nga, kahit mag-asawa na, hindi pa rin dapat nawawala ‘yung elemento ng pagliligawan. Ang mga babae, kahit gaano pa katanda yan, gustong-gusto pa rin na nilalambing at sinusuyo. At iyan ang dapat nating tandaang mga lalaki.

So, paano, pwede na kayong magsabon. Ang keso-keso ko na naman.. yaiiks…

Bertdey giph

Gusto ko sana ipost ‘to na tipong parang komiks strip lang, kaso baka, Pasko na ulit bago ko ito makuwento kaya ganito na lang,,

Mga limang araw bago yung bertdey ko…Nakahiga kami sa kama, hehehe. Parang mga pusang naglalampungan lang sa bubong yung eksena.

Bebe ko: Beb, lapit na birthday mo, a… Ano gusto mo gift?

Ako: Gift? Wag na.. magpakabait ka na lang,, hehehe

Bebe ko: Wag ganun.. To naman,,, ang hirap nun a,,, materyal na bagay na lang…

Ako: Owkies…

Toinks… ganyan lang.. Sabi sa inyo, e… Mas maganda kung Komik Strip ‘tong post na ‘to..

Meteor Shower

Kagabi nga pala, napansin mo ba umulan ng meteor shower? Ha? Hindi mo napansin? O, sige kwento ko sa ‘yo, tutal hindi ko rin naman inaasahan ang biglaang pag-ulan ng ganun kadaming fireworks sa langit.

Pumunta kami sa Emporium para tumingin ng damit niya katulad ng mga araw na hinahatak niya ako para magshopping sa mga may sale na mall. Kasama namin yung bespren niyang lalaki na minsan ko na ring pinagselosan para makakuha ng opinyon mula sa ibang tao. Ang kaibahan nga lang ngayon, hindi ordinaryong damit ang pipiliin niya. Wedding gown. Oo. Traje de boda.

Nang makita ko ang pinareserba niyang gown, ayun, nagsimulang umulan ng meteor shower sa loob ng boutique. Ang iba pumatak dun sa gown na yun. Nagliliwanag. Tumigil sandali ang isip ko sa pag-iisip. Ikakasal na nga pala ko, pagkatapos ng ilan taon ding paghihintay. Ilang taon nga ba? Lima. Partida, apat na taong long distance pa yan.

At sa isip ko, nakita ko yung bebe ko sa damit na yun. Meteor shower. Tapos lumapit ako sa kanya suot ko naman ang napakakating tuxedo. Nagsayaw kami na lumulutang. Meteor shower. Paikot-ikot sa musika. Meteor Shower. Hinalikan ko siya. Meteor shower.

Natigil lang yun nang sabihan ako ng saleslady na lumabas ng boutique. Hindi ko daw dapat makita yung bebe ko habang nagsusukat ng damit. Perstaym yun. Kasi naman, halos lahat ng binibili niyang damit, nakikita ko kapag saglit siyang lumalabas ng fitting room. Babalikan ko sana yung saleslady, “sino ka para paglayuin kami, time and distance nga, hindi kami kinaya, ikaw pa?” Pero syempre, hindi ko naman sinabi yun kasi baka isiping baliw na baliw ako sa bebe ko kahit totoo naman.

Lumabas kami ni Richard ng boutique. Lumayo ako kasi kasabihan ngang sa wedding day lang mismo dapat makita ng groom ang kanyang bride suot ang bridal gown. Pero si Richard, nakita niya. Nakuhaan pa niya ng litrato sa cellphone. Nagliwanag daw si bebe ko. Isasagot ko sana. Meteor Shower.

Umuwi na kami. Umuwi na rin si Richard. Tinanong ko siya kung gusto na niya yung gown. Sabi niya, maganda at simple yung gown. Yun nga lang, pakiramdam daw niya, hindi yun ang personality niya. Gusto niya kikay na maganda. Kaya nagdadalawang-isip siya kung kukunin ba niya ang gown na yun sa Emporium.

Sabi ko naman, “kahit anong isuot mo, basta andun ka sa kasal natin. Iyun ang mahalaga. And besides, huhubarin ko rin yun pagkatapos ng kasal.” Kasabay ng pilyong ngiti.

Sabi niya, “Bastos. Ahihihi.”

Meteor Shower. Meteor Shower. Meteor Shower.

__________

pic from deviantart

Hapi bertdi, my habibi!

Bertdi-bertdi nga pala ng bebe ko noong isang araw.

Pero bago siyempre yan, pinaghandaan ko talaga itong espeysyal na araw niya. Mga one year, hehe. Kaya naman, heto yung naging plano ko. Pupunasan ko yung katawan ko ng paborito niyang chocolate, tapos magtatago ako sa isang medium size na balikbayan box at papakitaan ng Machete moves ko, hehehe. Kaya lang, iniisip ko pa lang yung hitsura ko, ako na yung unang masusuka. Kakulay ko kaya yung chocolate, ang sagwa ko namang tingnan nun. Baka pati langgam, magka-trauma sa tsokolate kaya etong plano na ‘to, e gagawin ko na lang kapag medyo umepekto na ang Likas Papaya soap na aking pinanghihilamos ngayon. Mga ilang buwan pa. Tamang-tama sa Valentines.

Hanap ako nang hanap dito sa malapit na grocery store sa bahay namin kung may magandang Birthday card, kaso naman pang Grade 1 yung mga nandun. Puro may glitters, So Baduy. Eww. Wala na rin akong time pumunta ng mall kasi text na siya nang text kung asan ako. Noong gabi bago yung bertdi-bertdi niya, tinanong ko siya kung gusto niya ng bulaklak. Sabi niya, huwag na lang daw. Kasi ayaw niya ko bigyan ng pambili. Oo, ako na ang pulubi.

Pero, ako ay ipinanganak na karinyoso slash romantiko slash makeso slash pulubi kaya naman naisipan kong magdikit na lang ng mga post-it notes sa kuwarto namin. Sa kabinet niya, sa tuwalya niya, sa drawer niya at sa baso niya. Ang tsutsal ko, hehehe. Natatawa din ako noong ginawa ko ‘to. Promise. Ang corny, corny!!! Ang keso, keso!! Yaiksss….

Paggising niya, sabi ba naman, “anu ba yan, nagkalat ka pa!” Basag.

Pero syempre with matching makalaglag brief na smile at itinuloy ko na rin ng kiss. Yung swabeng kiss na pang-umaga. Ayokong mag-french kiss. Naman, kakagising niya lang kaya… At parehas kaming may pasok sa opisina. Bawal malate.

Pagdating niya sa opis, nakita niya sa table niya yung mga gift. Isang paper bag na damit, pants at mga gamit sa paliligo. Kanino kaya yun galing? Hehe, kanino pa syempre, natural, hindi sa akin. Sa mga opismeyts niya. Paano ko nalaman? Simple lang, telepathy. Itinawag niya sa opis namin. Sweet ng mga opismeyt niya no?

Kinagabihan, nagdinner naman kami with my in-laws sa Friday’s. Si bebe ko ang nagbayad. Siya yung me hawak ng kaban ng yaman, no? Basta, masaya kami kasi perstaym na birthday nya na mag-asawa kami. Anong kaibahan? Age syempre. Nagdagdag siya ng year. Sige na nga, basta masaya kasi mag-asawa na kami. Gusto mong malaman? Mag-asawa ka. Hihi.

Nitong Friday kami nagparty-party sa bahay. Piling malalapit na kaibigan lang ang inimbitahan sa Rockstar Party. Sinabay na rin yung bertdi-bertdi nung isa pang barkada. Ayos naman, me invitation pang nalalaman. Salamat sa pinsan ni bebe ko. Hindi ko nga lang nasabihan ng ilang tips at correction. Don’t forget to bring YOU’RE rock star attitude ba naman, hehehe. Dapat YouRs, di ba? Ang dami kaya namin. At no outfit, no entry talaga?

Dumating naman sila with rock star attitude. Parang mga taong grasa lang ang eksena. Yung mga hindi naka black, pinaglaruan ni Richard yung mukha. Ni-drowingan ng star, rock star nga, e.. Paulit-ulit? Yung isang barkada na parang nagkamali lang ng nababaan ng Mrt station, ayun, in-upgrade yung katawang mabilog. Nilagyan ng abs na hindi pantay-pantay.

Bawal sa amin ang uminom ng nakakalasing. Bakit? Madugong talakayan. Kaya, nagkasya na lang kami sa barbican na binili dun sa grocery store na nagtitinda ng birthday card na may glitters. Tapos yung food, leche plan, beef steak, chicken tocino at rice syempre. Muntik ko na malimutan, me spaghetti pala na niluto ng aking kewl na kewl na biyenan.

Party-partey na kami. Parang nasa studio lang ng Showtime. Unkabogable. Ganun. Me sample sample pang kanta sa videoke. Me special number pa na Totoy Bibo na mukhang si Budoy lang yung barkadang nagka-abs nang gabing yun. At nagshowdown pa ang mga babae laban sa mga lalaki.

Paborito kong part yung naglaro kami ng Pinoy Henyo. Muntik pa kami mag-away ni Bebe ko kasi sumagot ako ng PWEDE sa tanong na Nilalagay sa bulsa? E sa naglalagay naman talaga ako ng tootbrush sa bulsa pag papunta sa CR e. Ay sus ginoo, gid. Buti na lang hindi kami nanalo, wala rin palang premyo.

Isa pang game yung Pictionary. Tingnan sa ibaba yung mga drinowing nung mga kalaban namin.

Tao ba to? Action? Mali kayo, MUG yan. Hindi mo ba nakita?                           Umiinom na mama? haha. Simpleng ginawang kumplikado.

 

 

 

Heto pa yung isa,,

 

 

Chopping board? Bote?

Eto yung kwento, habang nagdodrowing yung isang kamay, yung isang kamay nung kalaban namin ay pasimpleng itinuturo ang inuupuan niyang carpet. Nakuha nung kalaban yung CARPET. Sigawan yung grupo nila. Yun pala, CARPENTER yung salita. Hahaha. Ang palusot: hindi daw niya nabasa nang buo yung word. Hahaha.

 

Heto naman ang sa kakampi ko.

 

 

EATING yan. at nakuha ko ang sagot. Ako na. Hahaha.

Pano ko nalaman, e dukdukin ba naman niya nang dukdukin yung                parteng bibig, syempre, talking, speaking, at eating lang yung maisip          mo.

 

Masayang-masaya ang aming party-partey. Umuwi kaming busog ang tiyan sa pagkain at katatawanan.

Nga pala, yung regalo ko kay Beb ko? Hihihi. Eto, gamit ko ngayon, mainit-init pang laptop. Sabi sa yo, e. Isang taon kong pinaghandaan.

 

 

 

MV Logos Hope: Ang Barko Ng Aking Bisyo


Sabi ko sa misis ko, isa lang talaga yung bisyo ko sa buhay, bukod sa syempre sa mahalin siya nang todo-todo (haha, gumaganun) ay ang pagbabasa. At adik talaga ako dito, maski pambalot ng tinapa o balat ng kendi o vandal sa mga pader, basta may nakita akong letra, tiyak na makukuha ang atensyon ko. Ewan ko ba, masaya talaga akong nakakakita ng mga bagay na pwedeng basahin, na basura man o hindi, ay kapupulutan ng ideya na pwede ko rin namang isaksak sa utak ko for future reference o ibasura na lang din.

Ang Barko ng Aking Bisyo

Kaya naman nang malaman kong nandito sa Qatar ang MV Logos Hope, talagang hindi ako mapakali hanggat hindi ako nakakapunta sa pinakamalaking floating book fair sa buong mundo. Yung schedule ng pagpirmi nila dito ay Pebrero 22-28 at nakakatuwa dahil tatlong araw na lang nang malaman ko ito. At nakakainis dahil fully-booked na ang mga araw na iyun. Ikaw na ang maging artista, hehehe.

Nang medyo maisingit ko naman sa schedule namin, punta kami kaagad sa Corniche kung saan nakadaong ang naturang barko. Lamang ay mahabang-mahaba ang pila na parang audition lang ng papasok sa Bahay ni Kuya, nainis ako kasi di ko alam kung makakasakay pa kami ngayong 2011. Pakiramdam ko kasi, mukhang aabutan kami ng World Cup 2022 sa haba ng pila. Pramis. Nagkataon pang nagutom bigla si Kumander, nag-alangan na akong tumuloy pa sa Logos. Mas pinili ko siyempre ang kapakanan ng bebe ko, bukod syempre sa takot kong maging monster siya kapag gutom na gutom. Hehe. Ang nangyari, sa Souq Waqif kami natuloy at hindi sa barkong pinapangarap ko. Kainis…?

Buti na lang, nag- extend sila ng ilang araw pa dito sa Doha Port. Yahooo!!

At nito ngang kamakalawa, natuloy din kami sa barko ng aking bisyo. Tuwang-tuwa ako syempre dahil makakabili na naman ako ng libro. At madami rin akong nalaman sa barkong ito.

Alam ninyo bang walang sweldo ang mga taong nagtatrabaho sa bapor na ito? Kasi naman, mga misyonaryo sila. Layon nilang makapaghatid ng wisdom, love at hope sa buong mundo. Kahanga-hanga, di ba? Gusto ko rin sanang maging ganoon  kung hindi ko lang naalala yung nakakahilong karanasan ko sa pagsakay ng Roro. hehehe. O para magandang pakinggan, iba siguro ang calling ko. Amen po ba, Papa Jesus?

Dalawang riyal nga pala ang ticket. Ayoko ko na mag convert sa peso kahit pa 11.85 taymis 2 lang. At ang mga libro? Unit  din ang unit ng presyo nila. Kasi nga naman, iba-ibang bansa ang pinupuntahan nila. Dito sa Qatar, ang 100 unit ay 10 riyal. So 100 dibay -dibayd 10 is ekwals to… 10?

Mga batang Indian na pumipili ng babasahin.

Hindi lang yun. Mayroon ding visual presentation, ang kwento tungkol sa Alibughang Anak na nagtuturo sa atin kung paano maging  matalino sa pagpili ng mga choices sa buhay. Mayroon din silang International Cafe na nagbebenta ng cookies, kape, cheese bread, at juices. Wag mo kong tanungin kung bakit tinawag na international yung cafe nila o kung bakit hindi ko nagustuhan ang cheese bread nila. Libro ang ipinunta ko doon.

 

Nakakatuwa ding malaman na madami pa ring mga tao na mahihilig sa libro. At doble ang tuwa ko kapag nakakakita ng mga batang mahilig magbasa. Kapag ako nagkaanak, pagbabasa at pagkahilig sa libro ang isa sa mga una kong ituturo sa kanya. Books before Facebook.

Heto nga pala ang nabili ng aking mahal na kumander. Talagang kinakarir ang buhay-may-asawa.

Ang Mga Bagong Kaibigan ng Aking Asawa

 

At heto naman ang mga naibigan kong libro. Kasalanan ko bang maging bata ulit?

 

Mga Bagong Mundong Lalakbayin

Sabi nga ng nakaukit sa pinto ng Library sa Thebes (na hindi ko naman napuntahan), MEDICINE FOR THE SOUL. Ang mga libro raw ang siyang gamot sa kaluluwa.. Weeh? Hmm. kunsabagay, mukhang totoo nga. Para kasing… ano e.. ganito yan… medyo mahirap siyang ipaliwanag? Basta ang alam ko, kapag nagbabasa ako, para rin akong naglalakbay sa iba’t ibang mundo, at nakadarama ako ng samu’t saring pakiramdam. Nakapagpapagaan nga ng loob. Masaya na malungkot lalo na kapag nasa huling pahina na ako. Para kasing kapag natapos ko na ang isang libro, tapos na rin ang pisikal naming ugnayan ng libro. At malamang ilang taon ko na uli siyang mahahawakan. At swerte kung malagay siya sa table ko, pero malamang sa Balikbayan box ang sunod niyang kanlungan.

Pero ngayon, ilang gabi muna kaming magniniig ng mga bago kong kaibigan. Ayos!!!

 

Thunderbolts and Violins

Wala akong pagsidlan ng tuwa noong Araw na iyun.

Parang tumama ako sa lotto kahit hindi naman. Parang nanalo ako sa Palanca kahit hindi naman. Parang naging MVP ako sa basketball kahit hindi naman. Parang naging Best Actor ako sa URIAN kahit hindi naman. Parang nakadiskubre ako ng gamot na magpapagaling sa AIDS kahit hindi naman. Parang pulitikong nanalo sa eleksiyon kahit hindi naman.

Ganito lang siguro ang pakiramdam kapag naiisip mong, sa kabila ng milya-milyang distansya sa pagitan ng dalawang taong nagmamahalan… sa kasalan din pala hahantong ang lahat.

 

Mamaya ko sasabihin kung ilang gives yan...

At hinding-hindi ko pagsasawaang balikan ang sumpaan natin. Oo na, ako na ang iyakin at sorry kung tagalog yung vows ko, mas tagos kasi sa puso e….

Sa Iyo Mula Sa Akin

Walang kasawaan. Walang kapaguran. Walang hangganan.

Ganito kita mamahalin. Hindi ako magsasawa sa aso’t pusa nating pagtatalo sa araw-araw, dahil alam kong pagkatapos nito’y maglalambingan naman tayo. Hindi ako mapapagod sa pag-unawa sa mga mood swings mo at pagiging OC mo. Walang hangganan dahil ang pagmamahal ko sa iyo ay walang kinikilalang panahon maliban sa magpakailanman.

Pagkakaibigan. Diyan tayo nagsimula. Kaya naman umasa kang ako pa rin ang magiging bestfriend mo, numero unong fan at una ring kritiko. Kahit wala na tayong mga ngipin, asahan mong pupunuin ko pa rin ng halakhak at tawanan ang ating maghapon.

Respeto. Pag-unawa. Pagtitiwala. Iyan naman ang iaalay ko. Igagalang bilang kabiyak ng puso. Iingatan bilang karugtong ng buhay. Aalagaan bilang katuwang sa pagbuo ng pangarap nating dalawa. Walang iwanan. Walang lokohan.

Ang araw na ito ay simula ng bagong kabanata. Salamat. Sabay tayong matututo. Sabay tayong maglalakbay. Hawak-kamay. Magkasalo. Mag-asawa.

Mahal kita, beb. Mahal na mahal.

 

Sa Akin Mula Sa Iyo

You are funny, smart, sweet and perfect gentleman. But these are not the qualities that made me fell in love with you. It is the way you love your family… on how you are willing to sacrifice everything for them. Kasi alam ko magiging ganun ka rin sa family natin.

Thank you for loving me for all my kaartehan.. kahit hanggang ngayon hindi mo pa rin maintindihan kung bakit dapat pag blue ang shoes ko, blue din yung bag ko. Thank you for loving me for my kakikayan. kahit hanggang ngayon, you can’t understand anong meron sa pink at patay na patay ako. At kung bakit love na love ko si hello kitty pero takot ako sa pusa. Thank you for eating all the food that i am cooking, kahit sa mga maskipaps kong recipe. Thank you for loving me unconditionally. I never imagine na may magmamahal pala sa akin nang ganito. That’s why i know, you are a gift from God.

I cannot promise that i will stop buying pink and hello kitty stuff. You just have to live with that. I just want you to know that i will be with you always and forever. I will be your best friend, shopping partner, your stylist, your kaasaran and kaangasan. I love you, beb.

 

At oo, umulan nga ng keso ng araw na iyun. Nakakakilig. Nakakainis….

Parang kailangan ko ng tubig at sabon… Ngayon din.

Marriage 101



We had a long colloquy with Pastor Diego one night of October. This was prior to our Big Day at the Philippine Embassy here in Doha.  We just want him to counsel us on our new journey and have some spiritual advice on marriage and building a family. Between sips of brewed coffee and bites of cheese croissants at Coffee Beanery, chit-chats about career and families and his own lovestory (which is a good material for a rom-com  flick) here is a list of what I grasped on that special night.

1. Marriage is a covenant. It is a sacred relationship that unites two lives into one flesh. As it is written in the Bible. So the LORD God caused a deep sleep to fall upon the man, and he slept. Then He took one of his ribs and closed up the flesh at that place. And the LORD God fashioned into a woman the rib which He had taken from the man and brought her to the man. And the man said, “This is now bone of my bones and flesh of my flesh. She shall be called Woman, because she was taken out of Man.”  For this cause a man shall leave his father and his mother, and shall cleave to his wife and they shall become one flesh. (Ge 2:21, 22, 23, 24)

2. Manage your finances. Plan to have your own house within five years. Logical explanation for this is that, your in-laws will inevitably meddle on how to discipline your offspring. You don’t want your kids to be spoiled by their grannies.

3. Never involve your parents or families on fights. No matter how bad your partner’s family is, he/she will find ways to reason out to defend them. It is because, we will always be a part of that family and it is our instinct to cling on to that truth. And besides, petty quarrels may become worse if it reaches the other side of the fence. As much as possible, solve the conflict within the walls of your house.

4. Help your family but know its parameters. Remember: You have your own family now and it is your top priority. Discuss this first before giving any amount. You might end up sending your money for electric bills.

5. Marriage is teamwork. This is a universal truth especially on household chores. Since both of us are working, we need to have proper assignments on this. Note to her: Just don’t give me the pot or else, it’s gonna be fried egg all your life.

6. A wife must submit to her husband. Haha. This is my fave part. Pastor emphasized the symbol of veil in marriage, that, no matter what happens, the wife should submit to her husband’s authority. Likewise, husband shall be fully responsible for her. She should be supportive for all his decisions. He must be mature enough to handle familial situations.

7. A, Pastor, what would I do if she starts nagging? Hehehe. I really took courage to ask this since I am currently bombarded with nags and mood swings at this wedding prep stage. Am sure though that this will continue through marriage phase. His answer: Just listen. She’d definitely stop when she gets tired. And then, when she’s tired and pacified, give her a hug. That’s it. I dunno, if this’ll work but worth a try though.

8. And most of all, always remember that Love is the only reason why people get married. LOVE, as simple as that. Of course, with God as the center of this relationship, love will always lead us back home, when we are at lost.

These eight-fold lessons will surely be used as we go along this journey. Hope we will be able to be more mature as we unfold life’s mysteries and discoveries together.

And with that, we will always be forever grateful for a humble soul who shared his thoughts on marriage one night of October.

Bubbles And Butterflies (Or The Art of Shortlisting Our Wedding Guest List)

I guess, one of the hardest things in the long list of TO DO for a wedding is creating a guest list for the Big Day. It’s just that we want the whole world to know that we’re tying the knot, and that is the problem. We can’t invite all these people we met in life’s crossroads, for there is no place big enough to cater all of them.  Most importantly we don’t want them to witness not only the wedding, but us feeling awkward when paying the bill. Hehe.  Our wedding coordinator advised us that only those we feel significant in our journey should be there. With this on mind, my beb and I had a long night arguing of who’s who on the list. We became the attorneys of our own circle of kiths and kin.

So, here’s what we did. We marked their names as bubbles and butterflies. Bubbles are those persons whom we see reason why it’s less painful if they were not present on our wedding. Sorry guys, we still love you, but we have to trim down the number of guests. Butterflies are those closest to our hearts, persons we want to share this wonderful occasion with.

We still love bubbles...

Bubble. A high school friend who’s in Malaysia and not sure if she can afford to fly just for the wedding.

Butterfly. Our HR barkada who became our inner source of strength and happiness during our ups and downs of corporate life.

Bubble. A close relative who seems uninterested, despite few e-mail messages. We were actually planning to ask him to be our sponsor.

Butterfly. I have this policy. One member per pamilya. So I am just inviting my mom’s siblings. Bubbles. Not their spouses nor their kids. We’ll just prepare for another handaan in Batangas.

Bubble. One of our previous company’s boss. We adore and respect him so much and we even asked him to be our ninongs when we were just starting to date.

Butterflies. Of course, her Ganda Friends. Her solid clique who finds pang-alilipusta sa akin as lambing. I know, they love me naman, hehehe.

Bubble. A close friend who’s getting married also in December.

Butterflies. If she has her Ganda Friends, I have my BM Kada. It’s such a good way for a reunion also after we separated ways and had lives of our own.

Bubble. College friends who seem living in a distant planet and no way to contact them. No cp number, no Friendster, no FB

Butterflies. I came from a big family. I have 10 siblings plus their partners plus their kids to invite. You do the math and we can occupy half of the reception. So, my beb tries to send her relatives from Iloilo to Tagaytay. Hakot barangay to. Hehehe.

Blue butterflies in a wedding cake

Butterflies. Our bosses in Acabar, the only company which molded us to be professionals before working abroad. Few of them will be our ninongs and ninangs.

Butterflies. Churchmates and friends in Qatar who will spend their vacation in Pinas.

Indeed, it’s difficult to make a list, more difficult when you delete names on the list. At the end of the day, we feel we made the right decision. We know that they will understand us. It will never break the bond we had with them. Our first subo will be for these people who won’t be able to attend our wedding. Love you all.

____________

images from deviantart.com

My Sassy Girl

Ilang beses ko nang tinangkang panoorin ang pelikulang ito, pero pawang lahat ay pagtatangka lang. Noong nasa Korea ako, ilang beses na ring pinalabas eto (with subtitle syempre) pero ewan ko ba, parating hindi ako nakakarating man lang sa kalagitnaan. Hindi ko masyado pinapansin. Hindi ko binibigyan ng atensiyon.

Pero nitong nakaraang Eid, fyi, eid yung katapusan ng Ramadan season, isang lingo kaming walang pasok, kaya ayun, dahil sa tinamaan ako ng insomnia, ayun, pinanood ko ang My Sassy Girl. Noong una, parang walang dating sa aken, pero habang tumatagal, dinadala ako ng kwento. Taragis… kainlab-inlab ang pelikulang ito ng mga Koreano. Maganda ang daloy ng istorya. Tamang-tama ang timpla ng humor at drama. sassyKahit nga, isang eksena lang, sulit na para sa isang maikling kwento. Tulad na lang ng 10 things I love about you, o kaya yung ikwento nung matanda ang ginawa nung bidang lalaki na palitan yung puno na tagpuan nila ng bidang babae. Hehehe, para kong pusang kinikilig (bad trip) sa husay ng pagkakahabi ng istorya. Ayos ang mga twist. Sobra. Kaya nga sa lahat ng gustong mainlab, o kung gusto mo ng mga movies na pang-valentines, etong My Sassy Girl ang di dapat mawala sa listahan.

Pagkatapos, naisip ko, oo, minsan nag-iisip ako., hehe. Para palang ako ang pelikulang iyon. O parang ikaw. O ang pagbukadkad ng mga rosas. O ang pagkakatutong lumipad ng agila. O ng pagbabagong-anyo ng paru-paro mula sa caterpillar. O ang pamumunga ng mangga. O ang pagbubuntis.

Naisip ko, ang lahat ay may tamang panahon. Kaya pala hindi ko mapanood sa Korea yung My Sassy Girl, kelangan palang nakahilig sa balikat ko ang bebe ko at hawak ang kamay niya, kahit pa nakatulog siya habang pinanonood ito.. Haay, sarap mainlab….