Mafi Mushkila

Zawiyah, Libya. Hulyo 2014.

“WHERE IS THE DOCTOR HERE? WE NEED DOCTOR!”

Iniluwa ng salaming pintuan ng ospital ang humahangos na tatlong armadong Arabo. Nakasuot sila ng napakaruming jalabiyyah na hindi maipinta ang kulay, tadtad ng mantsa ng dugo at putik. Akay-akay ng dalawa sa magkabilang gilid ang matandang lalaking balbas-sarado na halos mawalan na ng malay, sapu-sapo ang tiyang may umaagos na dugo.

“WHERE IS THE DOCTOR HERE? WE NEED DOCTOR! WE NEED DOCTOR!”

Paulit-ulit na sigaw ng Arabong may pilat sa noo, iwinawagayway ng duguang kamay ang isang armalite. Samantala, ang nakababatang madungis na Arabo na may tangan ding baril ay garalgal na kinakausap sa Arabic ang may sugat sa tiyan.

Nahihintakutang pumunta sa isang sulok ang ilang mga pasyente at iba pang dinatnan. Dumiretso ang mga armado sa mga nakaputing nars, dalawang Pilipina at isang Indiyano. Napatda ang mga ito lalo na nang tutukan sila ng baril ng Arabong may pilat sa noo.

“GIVE ME THE DOCTOR NOW, OR I WILL KILL YOU ALL!” banta pa nito na nanlilisik ang mata.

“M-my f-fr-friend, c-calm p-please. N-n-n-no d-doc-doctor,” paputol-putol at nanginginig na paliwanag ng Indiyano.

“GIVE ME THE DOCTOR NOW!!!” muling sigaw ng Arabo.

“B-brother, all the doctors have left and only us nurses are here,” lakas-loob at walang gatol na sagot ni Leila. Pinipilit niyang pabagalin ang kabog ng dibdib dahil mukhang walang sinasanto ang mga kaharap. Iyun din naman ang katotohanan. Umalis na ang mga doktor, na halos mga expat sa hospital na iyun. Malamang, umuwi na sa kani-kanilang bansa.

“OKAY, YOU TREAT MY FATHER. IF HE DIE, I WILL KILL YOU,” sabay asinta sa Indiyano. Agad namang tumalima ang tatlong nars. Itinakbo nila sa emergency room ang sugatan. Sa balu-baluktot na English, ikinuwento ng nakababatang Arabo ang nangyari. Nasugatan daw ito sa engkuwentro laban sa kaaway na militia.

Pero nagsisimula pa lang linisin ng mga nars ang sugat ng matandang Arabo, nag-usap muli ang dalawang tulisan sa Arabic. Pagkatapos, tinutukan na naman sila ng lalaking may pilat sa noo.

“You two, come with me,” sabay turo sa dalawang Pinay.

Nagkatinginan si Leila at Anne. Napapikit si Leila. “Lord, heto na naman. Protect us please.” At nagdasal sa isip ang magkaibigan habang atubiling sumama sa tulisan.

**********

Ilang beses na kasi. Apat o limang ulit na ang ganoong tagpo. Mga armadong lalaking kasapi ng iba’t ibang grupo o militia ang papasok sa hospital. Dahil wala na ngang mga doktor, sapilitan silang isasama sa kuta kung saan may mga sugatang kasama. Maglilinis sila ng sugat habang naririnig ang mga putukan sa labas. Magtatanggal sila ng bala sa katawan ng mga tulisan habang niyayanig ng bomba ang paligid. Magtatahi sila ng balat habang may mga nakahandusay sa sahig, may mga batang umiiyak sa tabi ng mga walang-buhay na magulang. “Sister, Mafi Mushkila”. Sasabihin sa kanila ng mga Arabo. Lahat iyun ay kinakaya nila kasabay ng tahimik na panalangin na makawala sa kalunos-lunos na kalagayan.

Subalit, may sasaklap pa pala sa mga nagdaang araw. Mas nakakatakot ang karanasan nila ngayon.  Pagkatapos nilang gamutin ang isang tulisan, isang Arabo ang bigla na lang sumunggab kay Anne. Tinutukan ng swiss army knife ang leeg at nilamas ang suso ng nars. Samantala, ang Arabong may pilat sa noo, humihiyaw at parang nagmumura. Umiiyak sila parehas ni Leila. Nagmamakaawa. Naglalaro sa isip nila kung manlalaban ba o magpapaubaya na lang.

“Sadiq, please.. No.. Allah.. Allah,” pagsusumamo  ni Leila at binanggit pa ang pangalan ng Diyos ng Islam. Tuloy sa paglamas ng suso ang tulisan. Hinalikan pa ang tainga ng umiiyak na dalaga. Dumating ang pinakalider ng militia at bumunot ng baril.

BANG!

Umalingawngaw ang putok ng baril kasabay ng mahabang sigaw ni Anne.

Sabog ang ulo ng bumagsak na manyak na tulisan. Tumilamsik pa ang dugo sa mukha at katawan ng nabastos na nars. Mas lumakas ang panginginig at paghagulhol nito na napasalampak sa sahig. Agad namang niyakap ni Leila ang kaibigan. Napuno ng pula ang puting uniporme nila.

Samantala, umalis ang lider na parang walang nangyari. Bumakat pa ang sapatos sa dugong kumalat sa sahig.

**********

Parang basang sisiw ang magkaibigan nang ihatid ng mga tulisan sa hospital. Agad silang tinanong ng mga kasama sabay abot ng tubig at tinapay (na bigay rin ng ilang Arabong pasyente). Sa pagitan ng mga hikbi, isinalaysay nila ang nangyari. Binalikan ang tagpong ni sa panaginip ay hindi kabalik-balik. Habang inaalo sila ng ilan, dumating ang isang Pinoy na nars. Tuluyang binagsakan sila ng langit at lupa sa isa na namang masamang balita. Binomba na rin daw ang Tripoli Airport, ibig sabihin imposible na ang mga flights papasok at palabas ng Libya.

Sama-sama silang nagmakaawa sa opisina na ibigay ang kanilang mga passport. Nakipagmatigasan pa ang Libyan na supervisor at nakikiusap na huwag umalis dahil kailangang-kailangan sila ng hospital. Subalit, buo ang loob ng mga Pinoy. Di na nila kayang tiisin pa ang kawalang-kasiguruhang kalagayan. Wala na nga yatang pag-asang maging stable pa ang bansang kinaroroonan.

Muling nagtangkang tumawag si Leila sa Philippine Embassy. Mabuti at nakakuha siya ng signal. Humingi siya ng tulong para sagipin ang 14 nars na nakulong sa Az Zawiyah Hemodialysis Hospital. Ang sagot ng nasa kabilang linya, imposible raw. Imposible dahil wala ng madaanan by land. Sarado raw ang mga highway. Wala raw silang helicopter or jetski para gamitin. Napamura ang ibang Pinoy sa narinig. Gaano kasakit ang maipit sa giyera? Higit sa putukan at pagsabog, walang mas sasakit pa sa katotohanang walang sasagip sa kanila. Pinakamasakit na proseso ang maghintay. Maghintay kung alin ang mauuna – si Kamatayan o ang isang Himala.

Kinagabihan, nagpasya sina Leila at Anne. Wala silang choice. Manatili o umalis ng hospital, mamamatay sila. Pero kung may 1% na chance para makauwi, tataya sila sa napakaliit na porsyentong iyun. Inihanda nila ang kani-kaniyang backpack. Passport, cellphone, pitakang may 500 dinar, dalawang pares na damit, dalawang mineral water at tinapay lang ang isinuksok.

Pero mas inihanda nila ang sarili. Suntok man sa buwan ang paglikas, singlaki naman ng araw ang babaunin nilang pananampalataya bukas.

**********

Madaling-araw na pero hindi pa rin humuhupa ang maiitim na usok mula sa nasusunog na oil depot na nagsimula pa kamakalawa. Lakas-loob na lumabas ng hospital ang magkaibigan at sinubukang maghanap ng masasakyan. Kutob at dasal ang pinaiiral habang nagkukubli sa mga gilid ng bahay. Kung tingin nila ay mabait ang drayber ng sasakyan, lumalapit sila. Kung tingin nila ay masama, agad silang dumadapa at nagtatago. Subalit, ang paghahanap ng bayani sa ganitong digmaan ay parang paghahanap ng karayom sa bunton ng dayami.

Isang puting kotse na may drayber na nakajalabiyyah at pasaherong nakaitim na abaya ang nakita nilang papalapit. Patakbo nila itong sinalubong, nakataas ang mga kamay upang ipakitang wala silang dalang armas.

“Please, please help us. Bring us to Philippine Embassy,” pagmamakaawa nila.

“No. Not possible. Big problem,” sunod-sunod ang pag-iling ng drayber.

Lumapit ang dalawa sa tapat ng bintana kung saan nakaupo ang nakaabaya.

“Madam, please help us. Bring us to Philippine Embassy, p-please,” umiiyak na ang dalawa. Tumingin ang Araba sa kasama, nag-usap at nagkasagutan sa Arabic. Nakakunot ang drayber na binuksan ang pinto. Umiiling-iling at paulit-ulit na sinasabing big problem, big problem. Ang magkaibigan ay agad na umupo sa likod ng sasakyan at iniabot ang isang piraso ng papel.

Philippine Embassy, KM 7 Gargaresh Road, Abu Nawas Tripoli, Libya

Dahil sarado ang mga highway, sa mga gilid-gilid na mga kalsada sila dumaan. Pasikot-sikot sa mga sulok at eskinita. Mas tumambad pa sa kanila ang karumal-dumal na kalagayan ng bansa. Mga nagkalat na katawan sa daan. Mga abandonadong gusali. May mangilan-ngilang mukha na sumisilip sa mga wasak na kabahayan. Mistulang mga ghost town.  Sa isip ni Leila, nasaan kaya ang Diyos sa panahon ng giyera? Bakit hinahayaan Niyang mangyari ang mga walang kwentang digmaan?

Pagkatapos ng mahigit dalawang oras, nakarating sila ng Tripoli.

Mahirap mang unawain, alam niya, kumikilos pa rin ang Diyos. Katibayan ang mag-asawang Arabong tumulong sa kanila.

**********

Philippine Embassy. Tripoli, Libya.

Halu-halong mga Pinoy ang dinatnan ng magkaibigan. May mga engineer galing Benghazi, mga office workers galing sa Murqub, mga laborer galing sa Jafara at kung saan-saan pang baladiyat. Iba-ibang mukha pero iisa ang hitsura. Sa mga mata nila makikita ang takot. Sa mga galaw nila masasalamin ang pangamba. Sa mga pag-uusap, naroon ang agam-agam. Lahat sila, iisa ang panalangin. Ang makauwi nang ligtas para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas. Lahat sila’y umaasa na hindi bingi ang Diyos upang pakinggan ang kanilang pakiusap.

Maayos at mabilis ang aksyon ng mga staff sa embahada. Walang segundong hindi busy ang telepono sa pagsagot ng mga tawag. May mga nagbibigay ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan. May nag-aasikaso ng mga travel documents para sa higit dalawang daang OFW na naghihintay ng aksyon mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Kahit pansamantala, nakadama ng kaligtasan ang mga kumanlong, nakasilay ng kahit kaunting pag-asa. Para kay Leila, mas maayos na dito kaysa sa Al Zawiyah. Pinagdarasal na lang niya ang mga naiwan sa hospital na makipagsapalaran din, katulad ng ginawa nila ni Anne.

Pagkalipas ng tatlong araw, nagkaroon sila ng de-briefing tungkol sa repatriation plans. Hinati sila sa mga batches na susubukang umuwi. Pinaliwanag sa kanila ng labor attache ang planong pagtawid gamit ang daan sa Egypt. Lahat nakatutok sa mapa ng Libya at white board na magdidikta ng magiging kapalaran nila. Ipinakita ang mga crucial points at mga strategy sa bawat conflict. Ang pagkain at tubig na dadalhin. Ang pagsusuot ng diaper sa biyahe. Kailangang maging kalkulado ang mga salita at galaw. Wala silang kakampi kundi mga sarili. Ang bawat kilos ay sugal na may mapait at mabigat na taya. Hindi iyun pananakot. Mapait at mabigat na taya. Iyun ay paghahanda.

Dahil walang kasiguruhan ang komunikasyon, binibigyan sila ng pagkakataong makausap ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Mistulang last words ng nahatulan ng death penalty. Sa dalawampung minuto, sasabihin ang lahat ng pamamaalam. Lahat ng mga bilin. Lahat ng paghingi ng tawad. Lahat ng kabiguan ng pangarap. Huling mahal kita, Itay. Huling mahal kita, Inay. Huling I miss you, anak. Huling I love you, mahal. Huling. Mahal. Kita. ANG SAKIT-SAKIT SA KALOOBAN. Mabigat sa dibdib ang mga salitang binibitawan. Parang mga bombang inihuhulog ng langit direkta sa gusali ng puso. Magpapakabait kayo. Magtutulungan kayo. Magdarasal kayo. Na nawa ay magkita pa. NA NAWA AY BUMUHOS NG HIMALA.

Pagkaalis ng unang batch, nagsimula silang mag-prayer vigil. Nagbasa ng Koran ang mga Muslim. Nag-praise and worship ang mga Born Again Christian. Nagrosaryo ang mga Katoliko. Kumatok sa lahat ng santo maging ang mga Pilipinong noon lang tatawag sa Diyos.

Pagkatapos ng mahigit sampung oras, muli silang nagkaroon ng de-briefing. Nakatanggap sila ng balita na may pinugutan ng ulo sa unang batch ng 45 Pinoy. Nanlumo ang mga nakikinig. Napasigaw ang karamihan. Napasuntok sa upuan ang ilan. May hinimatay pang isang kabayan.

Mabilisang Plan B ang inilatag para sa pangalawang batch. 45 lalaki at dalawang babae – sina Leila at Anne. Ibang ruta ang tatahakin nila. Sa Tunisia sila dadaan. Nagdalawang-isip pa si Anne kung tutuloy dahil parang sila na mismo ang naghahatid ng mga sarili sa hukay. Pinalakas ni Leila ang loob ng kaibigan. Kailangan nilang sumuong at ihanda ang kalooban sa mangyayari. Kailangan nilang makaalis ng Libya ASAP. Sa ganitong digmaan, kahit ang panahon ay hindi nila kakampi.

Pinapalakas niya ang loob ng kaibigan pero sa kaibuturan ng puso niya, unti-unti na rin siyang nilalamon ng takot. Gumagapang ang karuwagan sa buo niyang katauhan. Handa na nga ba siya?

Alas onse ng gabi, tumawag siya sa Pilipinas at nakausap ang mga magulang at kapatid. Parang ang haba na parang ang iksi ng dalawampung minuto. Humingi siya ng tawad. Iyak. Kausap niya ang nanay niya. Hikbi. Nagsasalita ang tatay niya. Hagulhol. Nagpaalam siya sa kapatid. Tungayaw. Hindi niya alam kung paano lumabas ang mga salita sa nagsisikip niyang dibdib. Lumilipad ang kanyang ulirat. Wala siyang hinangad noon kundi mapaayos ang kanilang bahay. Wala siyang ninais noon kundi mapatapos ng pag-aaral ang kapatid. Wala siyang inasam noon kundi magkaroon ng konting puhunan. Wala siyang pinangarap noon kundi mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.

Ngayong sandali, wala siyang ipinagdarasal kundi ang huwag matapos ang dalawampung minuto. Na sana tumigil sandali ang oras. Na sana huminto ang patak ng segundo. Dahil wala siyang gagawin kundi pakinggan ang tinig ng mga taong karugtong ng hininga niya.

Subalit, sadyang traydor ang panahon. Tapos na ang oras. Ang mga tinig ay alaala na lamang.

**********

Alas sais ng umaga sila umalis sa embahada. Lulan ng abuhing bus, magkatabi sila sa upuan ni Anne. Hinawakan niya ang kamay nito. Malamig at basa sa pawis. Umiiyak ito pero walang luhang dumadaloy. “Bes, sorry,” malat ang boses na yumakap sa kanya. Yinakap niya ang kaibigan.

Si Anne kasi ang nag-aya sa kanya na mag-apply sa agency sa Maynila. 60,000 pesos plus accomodation ang offer sa mga nars na maha-hire para sa rehabilitation ng Libya pagkatapos ng Libyan Civil War. Inakala ng lahat na magkakaroon na ng political stability ang naturang bansa matapos mapabagsak ng National Transitional Council militants (sa tulong ng North Atlantic Treaty Organization) ang rehimen ni Muammar Gaddafi. Pero wala pa silang isang taon sa Az Zawiya Hemodialysis Hospital, muling namayani ang kaguluhan dulot ng mga magkakaribal na militia at jihadist groups na nagnanais pamunuan ang bansa.

Pagkalipas ng pitong oras, inabisuhan sila ng drayber na may checkpoint. Kaagad tumakbo sa bahaging likuran ng bus ang dalawa. Binalaan kasi sila ng embahada na baka dukutin sila at pagsamantalahan. Mabuti na lang at maliliit ang biyas nila kaya nagkasya sa ilalim ng upuan. Tinakpan sila ng ilang gamit ng mga kasama.

Habang nakahiga sa sahig, narinig ni Leila ang mga estrangherong yabag at boses. Binibilang niya ang tibok ng puso niya. Gusto niyang damhin ang bawat pintig at bawat pulso. Hindi niya alintana ang magkahalong amoy ng pawis at ihi ng katawan. Binibilang niya ang mga gunita. Totoo palang kapag nasa bingit ni Kamatayan, babalik sa isip ang nakaraan. Parang black and white na flashback sa mga pelikula. Ang panahon ng kabataan niya sa Bauan. Ang pag-aaral niya sa Lyceum. Ang pagpasa niya ng board exam. Ang tamis ng relasyon at sakit ng break-up sa una niyang boyfriend. Ang pagtatrabaho niya bilang volunteer nurse sa Batangas Provincial Hospital. Pati na ang tagpong inihatid siya ng pamilya sa NAIA. Lumilipad isa-isa ang mukha ng mga taong naging bahagi ng buhay niya. Parang dahong napipilas sa puno, tinatangay ng hangin palayo.

Nakarinig siya ng putok ng baril. Isa. Dalawa. Kinagat niya ang labi para hindi mapasigaw. Bawal gumalaw. Bawal gumawa ng kahit anong ingay. Parang tumigil ang kanyang paghinga. Kung mamamatay man siya ngayon, parang sanggol siyang magbabalik sa Maylikha. Naka-fetal position. Walang dala maliban sa katawang natigib ng paghihirap ng digmaan.

Narinig niya ang papalapit na mga yabag at boses papunta sa likuran ng bus. Tumapat sa pwesto nila.

Handa na siya. Ipinikit ang basang-basang mata. Umusal ng dasal.

**********

Pilipinas. Agosto 2014.

Ganito ang headline ng mga pahayagan noong panahong iyun:

DFA confirms Filipina nurse, abducted, raped in Libya – Inquirer

Pinoy, Dinukot, Pinugutan sa Libya – Philstar

May Passport o Wala, OFWs sa Libya, Ililikas– Remate

***

Ganito naman ang pahayag ng DFA Secretary sa press conference sa Malacañang:

“The President has this policy that nobody gets left behind. We are trying to pull out as many people as possible.”

Kaugnay iyun ng lumalalang conflict sa Libya at pag-akyat sa Crisis Alert Level 4 ng naturang bansa. Ibig sabihin, mandatory repatriation program na ang isinusulong para sa libu-libong OFW naipit sa giyera. Inilalatag din ang planong pag-arkila ng barko para sunduin pa ang mga stranded na kababayan.

***

Ganito naman ang balita sa mga tv stations:

“Parang bangungot po ang nangyari sa amin. Halos 24 oras kaming nagbiyahe using Tunisia way. Sa bawat checkpoint, hinihingan kami ng pera. Yung iba, kinukuha po ang mga pagkain at tubig. Kapag hindi kami nagbigay, nagpapaputok po sila ng baril. Nakakatakot po talaga. ‘Kala ko nga po, di na kami makakatapak dito sa Pilipinas,” kwento ng isang evacuee na kabilang sa ikalimang batch ng distressed OFW na lumapag sa NAIA. Ipinapakita pa sa reporter ng ABS-CBN ang mga kuhang larawan at video ng mga pagsabog.

“Nagpapasalamat po kami sa Embassy, sa DFA na nag-asikaso ng mga travel documents namin sa Tunisia,” saad ng isang may-edad na evacuee habang kinakapanayam ng GMA reporter. “Ang problema lang po namin ay kung anong trabaho ang naghihintay sa kagaya namin dito sa Pilipinas.”

Tinapos ng GMA reporter ang naturang ulat sa mas malumanay at seryosong tempo.

“Ngayong nakauwi na ang mga kababayan natin mula sa digmaan sa Libya, isang panibagong giyera na naman ang kanilang susuungin. Digmaan ng kahirapan, digmaan ng malabong kinabukasan sa sariling bayan.”

**********

Bauan, Batangas. Pebrero 2015.

“BES, BES! NAKARYAN KA GA, BES?”

Iniluwa ng kalawanging gate ng isang lumang bahay ang humahangos na balingkinitang dalaga. Nakasuot ito ng maiksing shorts at pulang damit na may tatak na Somebody in Qatar Loves Me. Sumisigaw ang dalaga habang tangan sa kaliwang kamay ang isang cellphone. Patakbong pumasok ng bahay at nadatnan ang kaibigang natutulog sa sofa.

“LEILA!!!”pasigaw na bati nito. “Gumising ka na diyan, nasa Tunisia na tayo, hahaha,”dagdag pang biro.

“Anu ga? Agang-aga’y palahaw na,”napabalikwas ng bangon si Leila.

“Tumawag sa akin ang kuya sa Qatar. Hiring daw ngay-on duon ng mga nars. Pumunta daw tayo duon sa agency.”

“Tunay ga iyan,Anne? Baka aku’y kung saan-saan mo na naman yakagin, a.”

“Aba, ay di are ang sagot ni Lord sa ating prayers.”

Sa narinig ay napaluha si Leila. Pagkatapos ng himalang naranasan nila sa Libya, batid niyang may biyayang muling ibibigay ang Diyos. Batid niyang hindi natutulog ang Diyos para kalingain ang Kanyang mga anak.

“Sige, bes, bukas makikipagsapalaran uli tayo.” Hinawakan niya ang kamay ng kaibigan.

At tulad ng dati, singlaki ng araw ang babaunin nilang pananampalataya. Mafi Mushkila, may Diyos silang kasama.

Talasalitaan:

Abaya – kasuotan ng babaing Libyan

Baladiyat – distrito

Jalabiyyah –kasuotan ng lalaking Libyan

Mafi Mushkila – Walang problema

Sadiq – kaibigan

__________________

Para kay Leslie

                                                   

Lahok na Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 8.

Saranggola 336x280

Maraming salamat sa mga sponsors:

2dmci  inquirer  devicephilippines

2dp  lionhearttv

Ang Kwento Nating Dalawa

Ganito, humigit-kumulang yung kuwento mo sa akin kung paano mo ako unang ipakilala sa barkada mo, doon sa isang resto bar sa Roxas Boulevard.

 

“Basta, kung sino yung makikita ninyong pamilyar na mukha, siya ang bago kong boyfriend,” sabi mo sa grupo mong tinatawag na G Friends (pinaiksing Ganda Friends). Hindi mo kasi alam kung ano yung magiging reaksyon nila kapag nakita ako. Kaya tinext mo ako ng Punta ka na dito, beb.

 

Kaya ayun, lumabas ako sa pinagtataguang pwesto sa kalapit na bar. Parang slow mo moment sa pelikula nga yata ang eksena ko, hinahawi yung buhok na hinahangin ng hanging galing sa Manila Bay. Sabay ngiti at kaway sa inyo. Parang Mr. Pogi contestant lang. Nakita ko yung hitsura nila, hindi makapaniwala. Nasamid pa nga yata ng iniinom na juice si Monette.

 

“Ano to, joke?” tanong ni Jane na nagtaas ng kilay nang makita ako tapos tumingin ulit sa iyo.

 

”What is this, Pagsy?” nakakunot na natatawa si Monette. “Like hello??? Halos ipagtanggol kita sa mga boss ko na naghihinalang kayo nga nitong si Erwin at sinabi kong hindi ka kumakain ng putik. Tapos, andito ngayon ‘tong kenkoy na to?” dire-diretsong daldal ni Monette, sumasayaw pa ang balikat.

 

“Ahahaha, ahahaha, Akala ko pa naman si Russel, ahahaha,” nakakalokong hirit ni Jaymee. Si Russel na tinutukoy niya ay yung guwapong Marketing Officer ng isang account natin sa kompanya.

 

“Wait, G Friends, okey lang yan, kahit naman ganyan ang hitsura nitong si Erwin, mabait naman yan, eh. Baka kasi natutuwa lang talaga sa kanya ‘tong si Pags,” pagtatanggol, kung pagtatanggol ngang matatawag ang sinabing iyun ni Yeng.

 

Ngiti lang ang isinagot mo sa kanila. Ako naman, natatawa lang din. Kung maka-react yang barkada mo, parang wala ako sa harap nila. Sabagay, nakakakatawa ngang naitago natin sa kanila yung relasyon natin samantalang palagi naman tayong nagkikita-kita sa opisina.

 

Sa isip ko, sinasakal ko na isa-isa ang miyembro ng G Friends. Napaka-feeling maganda talaga ng barkada mo. E, mga ordinaryong mukha lang din naman, nag-aarte-artehan lang para magmukhang sosyal.

 

“Paano nga ba nangyari?” Iisa nilang tanong sa atin na para bang suspek tayo ng isang krimen at sumasalang sa interrogation ng NBI.

 

Kunsabagay, hindi ko sila masisisi. Ikaw kasi yung tipong Crush ng Bayan sa opisina. Sabi ng iba, kamukha mo si Katya Santos. May nagsasabing kahawig mo si Jolina Magdangal, kasi ang kikay-kikay mo. Maamo ang mukha, mahaba ang buhok, maganda ang labi. Sa madaling salita, maganda ka.  Mahilig sa Hello Kitty at pink na bagay. Basta kahit anong bagay, basta pink. Fashionista  ka pa kung manamit. Sumasali ka pa ng beauty contest.

 

Sa kabilang banda, ako naman ang kwelang nerd sa opisina. Sabi nila, kamukha ko raw si Smokey Manoloto. May nagsasabing kahawig ko raw si Jet Li. Minsan, si Fanny Serrano. May kaibigan nga ako, sabi sa akin, kamukha ko raw si Long Mejia, na nakasalamin. Ganyan yung hitsura ko. Malabong ilarawan. Yung tipong kapag tinanong kung pogi ba? Sasagutin ka ng mabait naman. Tapos, tatanungin ulit ng Pogi ba? Sasagutin ulit ng palatawa at matalino. Kung bakit naman kasi parang bara-baranggay kung tumubo ang pimples ko. Malabo pa ang mata ko kaya kailangan kong magsalamin. Binabawi ko na nga lang sa hating Keempee de Leon ang buhok ko eh. Na para namang ang laki ng ipinagbago ng mukha kong kinagigiliwan ng G Friends.

 

**********

Paano nga ba tayo nagsimula?
Parehas tayong galing sa break-up sa kani-kanyang relationship. Nagkalabuan kayo ng boyfriend mong businessman dahil wala siyang oras sa iyo. Biniro nga kita dati na baka may ibang business siya na hindi mo dapat malaman. Minura mo ako noon pero nakita ko natahimik ka pagkatapos.

 

Nagulat na lang ako nang sabihin mo, minsang naglalakad tayo papunta sa sakayan ng dyip na nagising ka na lang na parang tinatanong mo ang sarili mo kung talagang mahal mo pa ba yung tao o nasanay ka lang na parati syang wala. Naghihinayang ka pa sa apat na taon pero naisip mo rin na ano naman ang dahilan para magtagal ka sa isang relasyon na hindi mo na sigurado ang nararamdaman.
Ako naman, nagsawa na sa long distance relationship, kung long distance na matatawag ang Cavite at Quezon City. Sabihin man nilang malapit lang pero ayoko ng set up na isang beses isang buwan lang tayo magkikita. Hindi ko kaya yung sa text at boses lang tayo nagkakaintindihan. Ako yung tipong gusto kong parating nakikita at nakakasama ang taong mahal ko.
Sa madaling salita, parehas tayong broken hearted. At ang teyorya, broken hearted plus broken hearted is equals to possible relationship.
Pero mali sila, hindi naman tayo ganun kadesperado. Ang sa atin ay isang relasyong nabuo hindi dahil parehas tayong basag na nanangangailangan ng ibang tao para muling mabuo.
Nabuo ang TAYO kasi parehas tayong buo. Dumating ang isa’t isa sa tamang  panahon. Kung anong meron tayo ay bunga ng isang matibay na pundasyon. At iyun ay resulta ng pagiging malapit nating magkaibigan.

 

******
Nang magkaroon ng bakante sa HR, binalikan namin ang mga profile ng mga naging OJT sa kumpanya. Bilang isa sa mga senior staff, tinanong ni Sir Titan (HR Manager) ang rekomendasyon ko kung sino ang posibleng kunin ng kumpanya bilang HR Assistant. Binigay ko yung pangalan mo. Hindi dahil sa kung ano pa man, kundi dahil karapat-dapat ka naman talaga base sa ipinakita mong performance bilang trainee. Maagang pumasok. Tsek. Masunurin. Tsek. Madaling matuto. Tsek. Organized. Tsek. Magaling makisama. Tsek na tsek. Nagkataon din siguro na nakita nila iyun sa iyo. Kaya nga, natuwa kami nina Aila at Tere nang kunin ka ng kumpanya.

 

Simula noon, lalo tayong naging malapit. Ako ang nagturo sa iyo ng pasikot-sikot ng trabaho sa departamento natin. Requirement ng kliyente versus CV ng aplikante. Kung paano mag-interview at magsala ng mga tao. Kung paano ipaliwanag ang kontrata at benepisyo. Kung paano mag-organize ng mga events sa kumpanya.

 

Naalala mo tuwing unang Biyernes ng buwan, magkasama tayong naghahanap ng pari para mag-misa sa opisina. Tinutukso nga tayo ni Sir Titan na naghahanap tayo ng pari para magpakasal.

 

Naging constant textmate tayo at nagpalitan ng mga quotes at jokes. Nang magkaroon ng magic yung cellphone kong 5110, ikaw ang pinakamatagal kong kausap sa telepono. Magic kasi nga dalawang linggong unlimited ang tawag sa cellphone ko.

 

Doon ko nalaman na sa kabila ng kakikayan mo, marami rin pala tayong pinagkakasunduan tulad ng musika ni Gary Valenciano na ginagaya ko pa kahit nasa gitna tayo ng kalsada. Natatandaan mo noong minsang nag-bar yung HR team sa Cowboy Grill. Nang kumanta yung babaeng bokalista ng banda, nilapitan ako at pinasasayaw. Ako si engot, mas gusto pang sumayaw lang sa table natin. Tapos noong ikaw yung inaya nung lalaking bokalista, umakyat ka pa sa stage. Niyabangan mo pa ko at tinuksong walang kwentang ka-gimikan.

 

Sabay rin tayong naghahanap ng mga trip nating meryenda – fishball, barbeque, mais, pansit, pati na yung tinapay na binibili pa natin dalawang bloke ang layo sa opisina.

 

Sabay rin tayong umuuwi dahil parehas tayo ng jeep na sinasakyan. Wala ka na kasing nobyong de-kotse. Hindi muna ako bumababa sa kanto ng inuupahan kong apartment dahil sinasamahan pa kitang tumawid ng kalsada para sumakay ulit ng jeep papunta sa lugar ninyo. At kapag nakasakay ka na, parati kong hinihintay na tumingin ka ulit para kumaway. Maliit na bagay yun pero parati kong inaabangan. Tapos, ite-text kita ng ingat. Magre-reply ka naman kapag nasa bahay ka na.

 

Parehas din nga pala tayong mahilig magbasa ng libro. Nagkasundo pa nga tayo na bawat buwan, mamimili tayo ng libro. Mabababaw na libro, to be exact. Magkaiba nga lang tayo ng paborito. Ako, Pugad Baboy. Ikaw naman, yung Pupung. Parehas nating kinukuwestiyon yung level ng pagkahumaling sa mga ganitong libro. Hindi mo makuha yung mga jokes ng Pugad Baboy lalong hindi ko naman makuha ang mababaw na jokes ng Pupung. Pero ganun pa man, tuwing katapusan, magkasama tayong pumupunta sa National Bookstore.

 

Pebrero 14, 2004. Lovapalooza event noon sa Baywalk. Kasama natin ang G Friends, HR team at yung ibang barkada ko sa opisina. Gaya ng dati, magkasabay tayong umuwi. Nagtaxi tayo noon. Biniro ko yung drayber na ihatid tayo doon sa biglang liko. Ihahatid nga talaga tayo ni Manong kung hindi ko binawi yung joke. Binalingan kita, sabi ko, “Sabi sa iyo, e. Papasa tayong mag-syota.” Ang sagot mo sa akin, “Feelers ka talaga.”

 

Feeling. Assuming. Oo, kasi malayo naman talaga ako sa profile ng ex mo na guwapo, konyo at de-kotse. Ako, iba rin naman ang tinitingnan ko sa babae, ang gusto ko matalino, magaling magsulat, simple at hindi maarteng gaya mo. Parang sa trabaho lang natin sa HR, iba yung requirement na hinahanap natin laban sa mga katangiang meron tayo. Misfit para sa isang romantikong relasyon. Kumbaga, ikaw at ako ay talagang magkaibigan lang. Naglagay na tayo ng bakod sa simula pa lang.

 

Pero noong mga panahong iyun, espesyal na ang tingin ko sa iyo. Kumbaga, pinana na ako ni Kupido bago pa man ang Lovapalooza. Yung gabing iyun, may laman yung joke ko, tinantiya ko lang kung paano mo tatanggapin. At iyun nga, Feelers na salita ang isinukli mo.

 

Pero alam mo naman yang pag-ibig na yan, habang pinipigilan, lalong nag-uumalpas na makawala. Kapag lalo mong inililihim, lalong umiigting yung pagnanasang masabi sa taong pinag-uukulan. Kaya nagdesisyon akong sabihin sa iyo. Bahala na.

 

Birthday ko noon, sangkaterbang text ang natanggap ko mula sa mga kaibigan, kapamilya at kakilala. Sumagot ako sa kanilang lahat ng Salamat. Yung sa iyo, ang reply ko…. I love you and I mean it. Wala akong nakuhang sagot.

 

Kinabukasan, nagkuwento ka kay Tere. Iniiisip mo kasi biro lang ulit. Nagkwento ka sa kanya kung ano ba talaga ang meron tayo. Kung ano yung nararamdaman mo at kung ano ang sunod na dapat gawin. Ang payo lang sa iyo ni Tere, Go, Girl.

 

Biyernes noon, pagkagaling sa trabaho, pumunta ulit tayo doon sa Baywalk. Doon sa may fountain, sinabi mo ang sagot mo sa text ko. Para akong nanalo sa lotto. Sinong mag-aakala na ikaw na Crush ng Bayan sa opisina, ang girlfriend ko? Napaniwala ko tuloy ang sarili ko na ampogi-pogi ko pala. Napabilib ko tuloy yung barkada ko pagdating sa babae. May itinitago daw akong anting-anting.

 

Ikaw naman, ayun, kinumpronta ka ni Aila. Huwag na huwag mo daw akong sasaktan. Oo, ganyan ako ka-mahal ng taong yan.

 

Ang totoo, hindi naman natin inilihim ang ating relasyon. Hindi lang nila nahalata kasi nga parati naman tayong magkasama. At kung may magtanong man, sinasabi naman natin kung ano ako sa iyo at kung ano ka sa akin.

 

Bandang huli, natanggap naman ng G Friends ang desisyon mo. Kilala rin naman nila ako sa opisina. Palabiro ako pero seryoso sa trabaho. Alam nila yan dahil ako mismo ang nag-interview sa kanila noong mag-aplay sila ng trabaho sa pinapasukan nating kumpanya. Maaarte lang sila pero mababait naman.

 

At bilang paggalang, pumupunta na rin ako sa bahay ninyo. Salamat at napakabait ng mga magulang at mga kapatid mo. Ipinakilala naman kita sa pamilya ko.

 

**********

 

Tinanong kita kung hindi ka nagsisi dahil walang kotse ang boyfriend mo. Sabi mo, basta parati tayong magkasama sa biyahe.

 

Tinanong mo naman ako kung hindi ako nadismaya dahil hindi ka naman nagsusulat. Sabi ko, ako ang magsusulat ng mga kwentong pagsasaluhan nating dalawa.

 

Ipinaalala mo sa akin ang usapan nating yan nang magdesisyon akong mangibang-bayan sa South Korea. Tatlong taon ang pinirmahan kong kontrata. Samantala, siyam na buwan pa lang yung relasyon natin. Babago pa lang yumayabong. Hindi pa handa sa malalakas na bagyo.

 

“Pero, beb… para sa Nanay ko,” yan ang sagot ko sa iyo. Nasa apartment tayo nang naikwento ko sa iyo na labas-pasok sa hospital yung nanay ko dahil sa sakit sa atay. Kailangang-kailangan namin ng pinansiyal na pangtustos sa pagpapagamot niya. Dagdag pa yung ibang gastusin sa bahay at pang-tuition ng mga kapatid ko.

 

“Pero paano tayo?” tanong mo.

 

“Tayo pa rin,” sagot ko. Yung sagot ko na yan, hindi ko alam kung kaya kong panindigan. Sumagot ako para lang mapanatag ka kahit alam ko sa sarili ko na hindi ako naniniwala sa long distance relationship. Lumabas ako sa ganyang relasyon, sa ganyang relasyon din pala ako papasok.

 

“Alam mo ba yung SM?”

 

Tiningnan kita. Hinawakan ko yung mukha mo. Pambihira, itong kakambal ni Jolina, inaaya ang kapatid ni Long Mejia na magpakasal nang ganun lang? Pambihira.

 

“Beb, huwag tayong magpadalos-dalos ng desisyon. Hindi naman ganun kadali yun. Kailangan nating paghandaan kung papasok tayo sa mas malalim na relasyon.” Pilit kong ipinapaunawa sa iyo ang sitwasyon.

 

Nagalit ka sa akin. Noon nga lang kita nakitang magalit nang husto. Sumakit din ang dibdib ko hindi lang sa bigat ng dinadala ko, kundi dahil sa mga suntok mo. Pinabayaan lang kita. Kahit sa ganoong paraan man lang, mabawasan yung guilt feelings na nararamdaman ko. Hindi ko gustong saktan yung damdamin mo. Hindi ko alam kung gago ba ko o matino. Baka mawala ka sa buhay ko. Baka ikaw na nga yung para sa akin. Hindi na siguro darating sa buhay ko ang isang tulad mo. Makakakita ng kasingganda mo, oo. Mamahalin, siguro. Pero yung mamahalin ako sa kabila ng mga pagkukulang ko, yun ang ikinakatakot ko.

 

Ayokong maging unfair sa iyo. Ayaw kitang itali sa isang relasyong may agam-agam. Paano kung hindi pala ako para sa iyo? Paano kung pagkatapos ng ilang buwan, makakalimutan mo rin pala ako? Paano kung isa lang pala akong joke sa mga relasyon mo at babalik ka na naman sa listahan mo ng ideal guy. Yung hindi lang mabait, guwapo at mayaman pa. At mamahalin ka nang higit pa sa kaya kong ibigay?

 

Pinipigilan mong umiyak noong inihatid mo ako sa agency. Pinipigilan ko ring umiyak. Hindi dapat iyakan yong sitwasyon natin. Baka naman ito yung paraan para mas lalo tayong tumibay. Sabi ko, hindi naman ito goodbye. Magkakahiwalay lang tayo pero hindi tayo maghihiwalay. Walang dapat iyakan.

 

Pag-andar ng bus na magdadala sa amin sa NAIA, nakita kita mula sa bintana, humahagulhol ka. Naantig naman ang puso kong nagkukunwaring bato. Iiwan ko ang babaeng minamahal ko para madugtungan ang buhay ng babaeng nagbigay sa akin ng buhay. Namalayan ko na lang, humihikbi na rin ako. Ang dami kong kinain na prinsipyo nang mahalin kita. Kinain ko yung sinabi kong hindi ako iiyak. Kinain ko yung prinsipyo kong kalokohan ang long distance relationship.

 

Tinanong ako ng katabi ko, “Pare, ano mo yung magandang babae?”

 

“Girlfriend, pare.” Kahit kailan naman talaga, o. Lalo akong napahagulhol.

 

*********

Sabi ng iba, mahirap ang long distance relationship. Sabi ko naman, sa una lang yan, syempre hahanapin mo lahat ng mga bagay na kinasanayan mo. Yung may kasabay kang umuwi, kumain, manood ng sine, gumimik, mamasyal. O yung simpleng kwentuhan lang ng mga walang kakwenta-kwentang bagay. Natural lang yung matulala ka minsan, mag-emo, mapangiti nang mag-isa.

 

Pero kalaunan, nasanay na rin tayo. Buti na lang, isang oras lang ang pagitan ng oras sa Pilipinas at South Korea. Paggising sa umaga, Good morning na text. Sa tanghali, kamusta ang lunch. Sa gabi, konting kwento tapos bye, sweet dreams na. Chat kapag day-off. Wala pang Facebook noon. Paminsan-minsan, may Yahoo e-cards na pinapadala. Naalala mo, kinakantahan pa kita ng mga gawa-gawa kong kanta. Tuluyan ko ng pinangatawanan ang long distance relationship.

 

Walong buwan yung matuling lumipas – emergency. Kinailangan kong umuwi ng Pilipinas. Nawala ang taong dahilan ng pangingibang-bayan ko. Iyun na yata ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko. Saksi ka kung paano ako nanlumo, para saan pa yung pag-aabroad ko. Wala na ang babaeng pag-aalayan ko.

 

Nag-usap tayo, muling tinimbang ang nararamdaman. Salamat naman, ganoon pa rin tayo. Nagtampo ka nga lang sa akin dahil wala akong pasalubong na may tatak na Hello Kitty para sa iyo. Napakamot na lang ako ng ulo, kikay ka pa rin talaga. Pero ang mas mahalaga, isang babae pa rin ang dahilan ng pagsisikap ko sa ibang bansa.

 

Bumalik ako ng Korea. Ilang buwan lang, nagtrabaho ka naman sa Qatar. Mula sa isang oras na pagitan, naging anim na oras ang pagitan nating dalawa. Ayos din naman, naging alarm clock natin ang isa’t isa.

 

Sa kabila ng lahat, buo pa rin tayo. Natapos ang kontrata ko sa Korea, buo pa rin tayo. Nagdesisyon ako na magtrabaho muna sa Pilipinas, doon sa dati nating kumpanya, tayo pa rin. Hanggang magdesisyon ako na sumunod sa iyo sa Qatar at magtrabaho.

 

Sinong mag-aakalang darating tayo sa ganitong panahon?

 

Isang beses, lumapit ka sa akin. Sabi mo, nababasa mo yung blog ko. Paborito mo yung Meteor Shower. Yung kwento nung pumipili ka ng traje de boda.

 

Alam kung ano yung pinakapaborito kong naisulat tungkol sa ating dalawa? Heto yun.

 

Para Sa Iyo

 

Walang kasawaan. Walang kapaguran. Walang hangganan.

 

Ganito kita mamahalin. Hindi ako magsasawa sa aso’t pusa nating pagtatalo sa araw-araw, dahil alam kong pagkatapos nito’y maglalambingan naman tayo. Hindi ako mapapagod sa pag-unawa sa mga mood swings mo at pagiging OC mo. Walang hangganan dahil ang pagmamahal ko sa iyo ay walang kinikilalang panahon maliban sa magpakailanman.

 

Pagkakaibigan. Diyan tayo nagsimula. Kaya naman umasa kang ako pa rin ang magiging bestfriend mo, numero unong fan at una ring kritiko. Kahit wala na tayong mga ngipin, asahan mong pupunuin ko pa rin ng halakhak at tawanan ang ating maghapon.

 

Respeto. Pag-unawa. Pagtitiwala. Iyan naman ang iaalay ko. Igagalang bilang kabiyak ng puso. Iingatan bilang karugtong ng buhay. Aalagaan bilang katuwang sa pagbuo ng pangarap nating dalawa. Walang iwanan. Walang lokohan.

 

Ang araw na ito ay simula ng bagong kabanata. Salamat. Sabay tayong matututo. Sabay tayong maglalakbay. Hawak-kamay. Magkasalo. Mag-asawa.

 

Mahal kita, beb. Mahal na mahal.

 

Iyan ang wedding vows ko noong kasal natin noong Disyembre 2010. At gaya ng pangako ko, patuloy akong magsusulat ng mga karanasang pagsasaluhan nating dalawa.

 

______

Lahok na Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards.

Saranggola 336x2802dmcitgeek2dp2peba2imove2kw

Ang Mahiwagang Pluma at ang Paghahanap sa Bagong Daigdig

i

Ang Alamat

Sa lugar na hindi pa naaabot ng kamalayan, lunang mas matayog pa sa kaulapan, isang tunggalian ang nagaganap sa pagitan ng dalawang mistikong nilalang. Isang tunggaliang sila lang din ang nakakabatid ng kadahilanan.

Isang griffin at phoenix ang nagpapambuno sa kalawakan. Nagpaikot-ikot habang sagpang ng phoenix ang leeg ng griffin. Ilang tangkang pagpupumiglas at nakawala ang nilalang na kalahating agila – kalahating leon. Sinunggaban niya ang buntot ng phoenix at ibinaon ang matutulis na kuko sa pakpak nito. Napaigtad ang mistikong ibon at pinilit na kumawala sa bangis ng griffin.  Muli silang nagpaikot-ikot sa himpapawid.

Ngunit sa pagkakataong iyon, bigong makahulagpos ang phoenix kaya’t lalo pang ibinaon ng griffin ang kanyang kuko sa pakpak ng ibon.  Isang matinding sakmal sa dibdib ang kanyang pinakawalan at napaigtad ang phoenix. Bumulwak ang nagniningning na bughaw na likido mula sa katawan nito. Nakita niya ang pagtulo ng malakristal na luha ng ibon. Mahina na ang kanyang kalaban. Hindi na niya maramdaman ang lakas at kapangyarihan ng pinakamalupit niyang katunggali.

Naramdaman ng griffin ang tamis ng tagumpay. Siya na ang maghahari sa daigdig ng mga mahikal na nilalang. Tinanggal niya ang pagkakasakmal sa phoenix. At ang nagapi ay tuluyang nahulog habang nakatingin sa patuloy na lumilipad na griffin sa kalangitan . Bumagsak ang ibon, padausdos mula sa lugar na hindi abot ng kamalayan at matayog na mga ulap.

Ang natalong phoenix ay bumagsak sa isang kabundukan. Nakita ito ng isang batang mangangaso. Natatakot man, nilapitan ng bata ang naghihingalong ibon. Sinubukang painumin ng tubig mula sa sisidlan niyang dala. Ngunit huli na ang lahat, nakatakda na ang katapusan ng mahikal na ibon. Nagliyab sa apoy na hindi nakapapaso ang balahibo ng phoenix. Napatakbo palayo ang bata at nagtago sa isang malagong halaman. Nakita niya mula sa pinagtataguan ang pagkasunog ng ibon hanggang sa ito ay maging bunton ng abo. Aalis na sana siya nang mapansin niyang may bagay na kumikinang sa bunton ng abo. Nilapitan niya iyun sa pag-aakalang isang bagong phoenix ang isisilang. Ngunit, nagulat siya nang matuklasan ang nagliliwanag na makulay na isang piraso ng balahibo ng nasunog na phoenix. At parang may sariling isip ang balahibo, umangat ito at nagsulat sa hangin ng nagliliyab ng mga letra.

GID MUL GABAS SGNAA ISU GNO GIAD PGNA

At bumagsak sa paanan ng batang mangangaso ang balahibo ng phoenix. Nakaukit sa pinakatangkay nito ang naturang mga letra. Nagpasya ang batang iuwi iyun sa kanilang tahanan, lihim sa mga magulang. Simula noon, may kakaibang nangyari sa batang mangangaso. Ang bata ay gabi-gabing dinadalaw ng mga Musa. At sa umaga, nakakalikha siya ng mga bagong obra – tula, awit at kwento gamit ang mahiwagang pluma. Subalit makalipas ang ilang araw, nawalang parang bula ang bata. Sinasabing na-engkanto at napadpad sa ibang daigdig. Naiwan lang sa higaan niya ang nagliliwanag na pluma.

Doon nagsimula ang alamat ng mahiwagang pluma, ang balahibo ng isang phoenix na nagtataglay ng kakaibang mahika. Ito ang alamat na siya ngang nagpasalin-salin sa mga henerasyon, nagkaroon ng iba-ibang bersyon sa iba-ibang panahon.

ii

Ang Tatlong Kaharian

Bago pa man narating ng mundo ang kasalukuyan nitong estado, ang naghaharing sistema ay ang mga kaharian. Sa mga ito, tatlong kaharian ang namumukod-tangi kung ang pagbabatayan ay kapangyarihan at impluwensiya. Ito ang mga kahariang MILITIA, SCIENTIA at ARTIS.

Ang Kahariang Militia ay isang kahariang naniniwala na ang tunay na kapangyarihan ay nakasalalay sa puwersa ng hukbong sandatahan. Pinamumunuan ito ng hari-heneral na naniniwalang ang pagpapalawak ng imperyo ay sa pamamagitan ng pagsakop sa mga mas maliliit at mahihinang mga kaharian sa dahas at madugong pamamaraan. Ang mga lalaki dito ay sinasanay sa pakikidigma at paghawak ng mga sandata gaya ng espada, sibat at kung anu-ano pa. Ang mga babae ay itinuturing na mababang uri – tagasilbi, tagasunod at parausan. Mga barako lang ang may karapatan. Walang lugar ang mahihina at itinataboy palabas ng kaharian. Kaya nga, hindi rin kataka-taka ang kahusayan ng kahariang ito kung taktika at digmaan ang pag-uusapan.

Nilusob nila ang Kahariang Infirmus sa pamamagitan ng taktikang pagpapadala ng mga puta na siyang umakit at nanlansi sa mga kawal ng kalabang kaharian at saka sumugod ang kanilang hukbong pandigma. Nasakop naman nila ang Kahariang Novus sa pamamagitan ng paglalagay ng ahas, alakdan, alupihan, tarantula at iba pang makamandag na mga hayop sa mga tahanan ng taga-Novus matapos makipagkaibigan sa naturang kaharian. Pagkatapos noon ay saka sila umatake sa pamamagitan ng pagpapaulan ng panang may apoy at lason. Ngunit, hindi pa rin nakukuntento ang hari-heneral. Narinig na rin niya ang alamat ng balahibo ng phoenix at ang pagkawala ng batang mangangaso. Alam niya na mayroon pang daigdig na hindi pa natutuklasan. At iyun ang nagtutulak sa kanya upang manakop ng ibang kaharian, nagbabaka-sakaling matagpuan ang maalamat na daigdig.

Ang Kahariang Scientia naman ay kahariang naniniwalang ang kapangyarihan ay nakasalalay sa kaalaman sa agham at teknolohiya. Pinamumunuan ito ng hari-siyentipiko na nagpupuwersa sa buong kaharian upang tumuklas ng bagong bagay o lugar na magpapalawak ng kanilang impluwensiya. Binabandera nito ang kanilang kaalaman sa medisina at astronomiya. Mga henyo lang ang may karapatan sa kahariang ito. Walang lugar ang mga mahihina ang ulo at mabagal matuto. Sila’y pinagtatabuyan palabas ng kaharian.

Tulad ng Kahariang Militia, ilang kaharian na rin ang napasailalim ng dinastiyang ito. Una nilang nasakop ang Kahariang Ignarus matapos ang kasunduang pagagalingin ang hari at ang buong kaharian na noon ay napasailalim ng sumpa ng kakatwang sakit. Ang hindi alam ng mga taga-Ignarus, ang sakit na iyun ay pakana din ng Kahariang Scientia. Nasakop naman nila ang Kahariang Bardus makaraang tulungan nito ang kaharian noong panahon ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pagkain. Ang hindi batid ng Bardus, kagagawan ng Scientia ang pagkatuyot ng kanilang mga pananim. Nilagyan nila ng lason ang lupa nitong sakahan. Isang uri ng pagkain ang noon ay na-imbento ng Scientia at ang hitsura nito ay gaya ng sorbetes ngunit lason pala ang hatid. Iyun ang ikinamatay ng hari at reyna ng Bardus sa piging na dinaluhan din ng hari-syentipiko. Tunay ngang ang pagiging henyo at tuso ng Kahariang Scientia ay kapaki-pakinabang sa kanyang nasasakupan ngunit mapanganib naman sa kanilang mga kalaban.

Patuloy rin ang pagsisikap ng Kahariang Scientia na matuklasan ang Bagong Daigdig. Gusto nilang malaman ang katotohanan sa likod ng alamat ng balahibo ng phoenix at ang pagkawala ng batang mangangaso.  Nariyang mag-imbento sila ng pinakamahusay na kamera at teleskopiyo upang silipin ang mga bituin at kalangitan. Patuloy rin silang nagsasaliksik at nagbabaka-sakaling ang Bagong Daigdig na sinasabi ay yaong paglalakbay sa oras at panahon maliban sa kasalukuyan – pagbalik sa kahapon at pagsilip sa bukas. Ngunit, bigo pa rin sila sa kanilang paghahanap sa maalamat na daigdig.

Ang ikatlong kaharian ay ang Kahariang Artis. Ipinagtataka ng Scientia at Militia ang kapangyarihan ng Artis. Wala itong mahuhusay na mga mandirigma at walang kaalamang kayang magpabagsak ng ibang kaharian. Hiwaga sa kanila ang pagkakaroon ng payak ngunit ma-impluwensyang kaharian. Ni hindi sila nananakop ng ibang mga kaharian, manapa’y sila ang nilalapitan.

Ilang beses na ring tinangkang lusubin ng dalawang makapangyarihang dinastiya ang Kahariang Artis. Nagpadala ng mga puta ang Militia ngunit hindi na bumalik ang mga babaeng bayaran. Ilang mga barakong mandirigma rin ang inutusang lusubin at wasakin ang kalaban ngunit tulad ng mga puta, hindi na nila nabalitaan kung ano ang kanilang kinahinatnan. Tinangka naman ng Scientia na magpadala ng mga taong magkakalat ng sakit sa Kahariang Artis ngunit ang mga ito’y hindi na rin bumalik. Nagpadala rin sila ng sorbetes at kunwaring mga handog ngunit hindi pa rin umubra. Ang hindi alam ng dalawang kahariang ito ay ang katotohanang ang mga itinaboy nilang mahihina at bobong mamamayan ay kinalinga ng Artis at siyang naging susi upang malabanan ang kanilang mga taktika.

Hanggang nagsanib-puwersa ang Scientia at Militia. Nakarating sa kanila – salamat sa ilang matapat na mga espiya – ang mas malaking lihim ng Kahariang Artis.

iii

Ang Susi

Pagpupugay sa Sining – ito naman ang pundamental na paniniwala ng Kahariang Artis. Naniniwala silang ang lahat ng bagay ay may angking kagandahan at lalong tumitingkad sa malikhaing pagpapahayag.

At ngayong taon, muli nilang ipinagdiriwang ang Pagsilang ng Phoenix. Isang anwal na tradisyon kung saan pararangalan ng hari (na isa ring alagad ng sining bilang pintor at manunulat) ang mga bagong kaluluwang nagpatingkad sa kani-kanilang larangan. Ngunit ang taong ito’y natatangi dahil sa kanilang mga panauhin – ang hari-heneral ng Militia at ang hari-siyentipiko ng Scientia. Hatid ng dalawang hari ang mungkahing nagnanais na makipagkasundo para sa mas matibay na ugnayan ng tatlong kaharian.

Unang sumabak ang mga babaeng Mananayaw na nakasuot ng maskara at makikinang na mga kasuotan. Inaliw nila ang buong kaharian sa kanilang husay sa paggalaw at pag-indayog. Sumasabay sa ritmo ang bawat kilos.

Sumunod na nagbigay-aliw ang mga nakamaskara ring mga Musikero. Mga grupo ng kalalakihang koro na may bitbit na kaniya-kaniyang instrumento – may alpa, may tambol at kung anu-ano pa. Hindi rin magkamayaw sa palakpakan ang mga tao sa kanilang makalangit na mga harana.

Pumasok na rin ang grupo ng mga Manunulat at mga alagad ng Literatura. Ipinagmalaki nila ang kauna-unahang peryodiko ng kaharian na isa ring kalipunan ng mga naisulat na tala, tula, sanaysay, talumpati ng mga hari, kwentong-bayan at mga alamat. Nagkaroon pa sila ng balagtasang tumutukoy kung alin ang mas makapangyarihan – ang sandatahan, ang sining o ang siyensiya na lubos na nagpapukaw ng interes ng tatlong hari.

Pagkatapos, pumasok naman sa tanghalan ang ilang kabataang may dalang makukulay na bagay na tila sorbetes. Napatayo ang hari ng Scientia. Hindi yata’t ihahain sa kanila ang pagkain (o lason) na kanilang likha.

Ngunit ang mga iyun pala ay palabas lang. Huwad na mga sorbetes. Kawangis lang pala. Dalawang nakabalabal na mga babae ang naglakad sa gitna kung saan may nakalagay na malalaking tapayan. Tinanggal ng mga ito ang kaniya-kanyang balabal. Tumambad sa kanilang harapan ang magagandang katawan ng mga babae. Kita ang kuyukot at malulusog na suso. Sabi nga’y kita ang kaluluwa. Lumapit sila sa tapayan at may kinuha. Buhay na mga ahas! Ipinulupot nila sa kanilang katawan at pumusturang akala mo ay istatwa.

Iyun ang hinihintay ng mga kabataan. Lahat ay naglabas ng gamit sa pagpipinta at ang mga pinturang ginamit ay mga kulay ng sorbetes. Lahat ay nakatutok habang kanya-kanyang guhit ang mga kabataan. Iba-ibang interpretasyon. May larawang animo’y diwata at may pakpak. May makulay. Mayroong payak. Mayroon din namang mahirap ipaliwanag. Masigabong palakpakan ang ibinigay sa kanila ng buong kaharian.

Isang dula naman `ang sumunod na itinanghal. Ang kwento ng buhay ng isang puta na naging asawa ng panganay na prinsipe ng Kahariang Artis. Halos maiyak ang lahat sa galing umarte ng bawat tauhan sa naturang dula. Pagkatapos ng dula ay saka pumasok ang mag-asawang prinsipe at prinsesa. Nakakabighani ang ganda ng naturang prinsesa na dati ay puta lamang ng Kahariang Militia.

Lalong ikinakunot-noo ng hari ng Militia at Scientia ang sumunod na mga pangyayari. Inalis ng mga kasali sa palabas ang kanilang mga maskara. At nalaman nilang ang mga ito nga ang mga taong itinaboy nila palabas ng kani-kanilang kaharian.

Natapos ang mga pagpapakitang-gilas ng mga bagong alagad ng Sining. Tumayo ang hari ng Artis at may isinenyas sa mga kawal. Pagkatapos, pumasok ang isang batang lalaking nakadamit-mangangaso. Sapo sa kanyang mga kamay ang isang kahon at ibinigay sa hari.

“Muli, binabati ko ang lahat sa isang napakagandang pagtatanghal. Tayo ang mga phoenix na isinisilang – mga bagong alagad ng sining. Nawa’y patuloy kayong dalawin, pukawin ng inyong mga Musa. Nawa’y patuloy na gisingin nito ang natutulog nating mga diwa at ipagbunyi ang kagandahan ng buhay sa masining na paraan.”

Iniangat ng hari ng Artis ang kahon at binuksan. Bumungad sa kanila ang nakakasilaw at nagniningning  na pluma.

“ANG MAHIWAGANG PLUMA!!!”  bulalas ng haring-heneral ng Militia.

“ANG BALAHIBO NG PHOENIX!!!” bulalas ng haring-siyentipiko ng Scientia.

Iyun ang pagkakataong hinihintay ng dalawang bisitang hari. Kaagad na tinutukan ng hari ng Militia ng matalim na balaraw ang leeg ng hari ng Artis. Inagaw naman ng hari ng Scientia ang tangang pluma ng hari ng Artis. Nagulat na lang ang mga taga-Artis sa nangyari nang tutukan din sila ng mga espada ng kasamang mga tauhan ng dalawang hari. Hindi sila makapalag lalo pa at nasa kamay ng mga ito ang buhay ng minamahal nilang pinuno.

“Totoo nga ang alamat. Nandito pala ang mahiwagang pluma,” ngumingising sigaw ng hari ng Scientia at binasa nito ang nakasulat na mga letra.

GID MUL GABAS SGNAA ISU GNO GIAD PGNA

 “Sa akala niyo ba’y kayo lang ang makikinabang sa hiwaga ng pluma?” Nanlilisik ang mata ng hari-militar habang pinaglalaruan ng balaraw ang mukha ng hari ng Artis.

“At akala ninyo ba’y hindi namin matutuklasan ang isinasaad ng pluma?” At binasa nga ng hari-syentipiko ang nakasulat. Lalo nitong napatunayan ang pagiging pantas nang basahing….

ANG PLUMA ANG SUSI SA BAGONG DAIGDIG

 Mga hangal, hindi ninyo nauunawaan ang lahat!” sigaw ng hari ng Artis.

“Ikaw ang hangal,” bulyaw ng hari ng Militia. “Ngayong alam na namin ang inyong lihim, dalhin mo kami ngayon sa Bagong Daigdig.”

Umiling-iling ang hari ng Artis.

“Naaawa ako sa inyo,” wika nito at kinuha ang pluma. “Iyun lang ba ang pakay ninyo? Mangako kayong walang sasaktan sinuman dito sa kaharian at dadalhin ko kayo sa Bagong Daigdig.”

Pagkatapos noo’y naglakad ang tatlong hari palayo sa tanghalan. Naiwan ang mga taong hindi makapaniwala sa nangyayari.

Tinunton ng tatlong hari ang lihim na daan. Parang yungib sa mga kuweba. Hindi lubos maisip ng dalawang tusong hari na may ganitong lugar na nakatago sa kaharian ng Artis. Narating nila ang isang pintuang may larawan ng phoenix. Kinuha ng hari ng Artis ang pluma at isinalpak sa isang bahaging may ukit na balahibo. Bumukas ang pintuan.

Madilim ang loob na kanilang pinasukan. Halos wala silang makita. Sinindihan ng hari ng Artis ang isang lampara at kagyat na itinapon sa sahig. Unti-unti, lumakad ang apoy sa daang disenyo, pabilog sa buong lugar. Napuno ng liwanag ang buong paligid. At tumambad sa kanila ang isang malawak na koleksyon ng mga bagay na may kinalaman sa Sining.

Iba’t ibang larawan ng kalikasan, tao, hayop, mga sayaw, pagtitipon at kung anu-ano pa. Punong-puno ng kulay. Mga nililok na kasangkapan na kakikitaan ng mataas na antas ng disenyo. Mga upuan, lampara, lamesang yari sa sari-saring materyal. May mga alahas at mga lumang kasuotan. May mga bunton ng aklat na halu-halong nakasalansan sa isang gilid.

Lubos na namangha ang dalawang hari. Hindi makapaniwalang ang mumunting mga bagay ay kakikitaan ng husay at galing na mga disenyo. Para nga silang napunta sa kakaibang daigdig. Sa daigdig ng Sining.

May ipinakitang malaking libro ang hari ng Artis. Binuksan niya iyun.

“Mga kapwa ko hari, ako’y may ipagtatapat sa inyo,”simula niya.

“Ang Alamat ng Balahibo ng Phoenix at ang Bagong Daigdig ay isa lamang sa mga alamat na sinulat ng unang hari ng Artis. Iyun ay isa lang sa mga bunga ng malikhain niyang pag-iisip. Iyun ay kwento lamang na nagbubukas ng ibang daigdig,” nangingiti nitong pahayag.

“Ang Daigdig ng IMAHINASYON,” patuloy niya, “iyan ang Bagong Daigdig na tinutukoy sa alamat. Ang lugar kung saan ang lahat ay nagiging posible. Ang lugar kung saan makalilikha ng mundong sarili mo, malaya at makulay. Ang mayamang imahinasyon ng Tao ay walang hanggan, walang katapusan. At diyan natin makukuha ang kasiyahan sa buhay. Ang imahinasyon ang magbibigay-kulay at magbibigay-ganda sa lahat ng bagay na ating nadarama at nakikita. Ang daigdig ng imahinasyon kung saan maaaring magtagpo ang katotohanan at ilusyon. Ang kasaysayan at mahika. Iyan ang Daigdig na nais niyang marating nating lahat.”

“Ngunit ang pluma, ang balahibo ng phoenix – “ sabad ng dalawang hari.

“Ang phoenix ay bahagi ng alamat. Ang plumang ito ay ordinaryong balahibo ng ibon, lamang ay pinadesinyuhan ko sa isa ring alagad ng sining,” nakangiti ang hari ng Artis. At kinuha niya ang dalawang kahong kawangis ng kahong dala-dala ng bata kanina sa tanghalan. Binuksan niya ang mga iyun at ibinigay sa dalawang hari ang dalawang kawangis na pluma.

“Kunin ninyo ito, bilang alaala ng aming kaharian. Ang pluma ay sumisimbolo ng susing magbubukas sa bagong daigdig. Nawa’y dalawin kayo ng mga Musa ng Sining at hayaang pagyamanin ang inyong kaharian.”

Natawa sa kanilang mga sarili ang hari-heneral at hari-siyentipiko sa katotohanan. Nabulag sila ng kanilang kahangalan. Kung saan-saan nila hinanap ang inaakala nilang Bagong Daigdig gayong sa sarili din pala nila matatagpuan.

At bumalik silang tatlo sa tanghalan na nagtatawanan. Samantala, ang mga tao’y lalo pang naguluhan sa pangyayari at nahawa na rin sa kasiyahan ng mga hari ng Militia, Scientia at Artis.

At mula nga noon ay naging mayabong ang ugnayan na namagitan sa sandatahan, agham at sining. Ito ang ugnayang humubog at patuloy na humuhubog sa ating kasalukuyang daigdig.

_____________

Ito ang aking lahok para sa Bagsik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy.

ANG MGA BINTANA NG KANILANG MGA KALULUWA

“Sa gitna ng dilim, ako’y nakatanaw ng ilaw na kaypanglaw

Halos di ko makita, tulungan mo akong ituro ang daan

Sapagkat ako’y sabik sa aking sinilangan.”

Di mo aakalaing ang ginintuang tinig na iyun ay nagmumula sa isang dalagita sa gilid ng simbahan ng Sta. Barbara. Nakaupo siya sa isang bangkito at may hawak na gitara na parang propesyunal na mang-aawit. Nakasabit naman sa isang tungkod na nakahilig sa pader ang isang maliit na pulang bag na may tatak na “Pinay’s Grocery”. Katabi ng dalagita ang isang matandang babae na walang ngipin. May tangan itong bungkos ng sampaguita na halos kasingkulay na rin ng kanyang buhok.

Ang kumakantang dalagita ay balingkinitan at maipagpapalagay na labindalawa o labintatlong taong gulang. Maayos manamit sa kabila ng hindi maitatangging kahirapan sa buhay. Maamo ang mukha, dangan nga lamang at agaw-pansin ang kanyang mga mata – animo’y parating nagtatago ang mga itim na bilog nito.

Bulag ang dalagitang halos ilang taon na ring nanghaharana sa mga taong paroo’t parito sa naturang bayan.

Pagkatapos niyang kumanta, isang binatilyo ang pumalakpak.

“Ang galing mo talagang kumanta, Lea,” papuri ng kadarating, nakasuot ng school uniform at may sakbit na bag sa likod, “Kapag sumikat ka, huwag mo kaming kalilimutan ni Nanay Mameng, ha?” sabay mano sa matandang babae.

“Salamat, Berting, pero napakalayong mangyari nun,” sagot ni Lea. “Isa pa, sikat na singer na ako dito sa Barbara. At lalong hindi ko iiwan si Nanay,” sabay hagilap sa kamay ng ina.

“Oo nga, ikaw ‘yung star dito sa bayan, hahaha,” hirit ni Berting. “Siyanga pala, ‘Nay Mameng, isasama ko po muna ulit si Lea. Papasyal lang po kami sa burol.” Ang tinutukoy niyang burol ay makikita sa bandang hilaga ng bayan. Isang sakay ng pedicab ang layo mula sa simbahan.

“Ay sus, ano pa nga ba, e tuwing ganitong oras naman ay parati mo ‘yang inaaya,” sagot ng matanda habang nagbibigay ng sukli sa isang aleng bumibili ng sampaguita. “Salamat po, Madam.”

“Basta,” baling ulit kay Berting, “kailangang umuwi kayo bago magdilim.”

“Nay, madilim naman po parati, hihihi,” pagbibiro ni Lea.

Kinuha ni Berting ang tungkod na nakasandal sa pader at iniabot kay Lea. Binitbit ang gitara at ang pulang bag ay iniabot naman sa matanda.

At naglakad sila papunta sa sakayan ng pedicab. Hindi niya maiwasang humanga sa bulag na kababata dahil kabisado nito ang mga kanal at basurahan. Pati ang pag-ilag sa bougainvillea na lumagpas na sa bakod ng bahay ni Mrs. Montero. Kung saan liliko at kung kailan tatawid ng kalsada.

“Ang galing, no? Parang nakakakita ka talaga,” turan ni Berting pagkarating sa burol. Nakaupo sila sa damuhan.

“Natural, simula pagkabata, dinadaanan na natin ‘yung mga ‘yun. Kumbaga, nakarehistro na sila sa utak ko,” wika ni Lea at tumayo sa kinauupuan. Naglakad papunta sa isang puno ng acacia nang hindi gumagamit ng tungkod. “Tingnan mo, kaya kong ituro sa iyo ang bayan natin.”

At itinuro nga ng dalagita isa-isa ang ilang lugar sa kanila. Parang isang maestro ng orchestra na ikinumpas ang direksyon ng munisipyo at eskwelahang pinapasukan niya. Ang bahay ni Don Simeon na dating Mayor ng Sta. Barbara. Ang malawak na palayan. Ang palengke at simbahan. Pati ang lugar kung saan sila nakatira.

Lumapit sa kanya si Berting. Itinaas ang kamay niya hanggang balikat at kinabig pakaliwa. “Iyan naman ang bagong sports complex ng bayan, diyan na gagawin ‘yung mga liga ng basketbol na dati sa kalsada lang.”

“Wow, ang laki naman! Tiyak na maraming dadayo diyan.”

Napangiti si Berting sa pagkakasabi ni Lea ng Ang laki naman. Aakalain mong nakikita talaga ang itinatayong gusali.

Sabagay, ganoon naman talaga ang kababata. Sinusubukang ilarawan ang kanyang paligid. Halimbawa, ang bahay ni Don Simeon, sasabihin nitong mala-palasyo ang bahay. Ang ilang mga bata, sasabihin nitong nakakatuwa ang kakulitan, kahit pa minsan ay silang dalawa na ang pinagtatawanan. Si Father Roy, sasabihin niyang, “Father, parang hindi po tumatanda ang hitsura ninyo.” At ang pari ay gaganti ng kurot sa pisngi. Pati si Miss Cruz, ang dalagang class adviser niya, alam ni Lea kapag ito ang dumaraan dahil sa amoy ng pabango sabay bating “Good morning, Miss Cruz, ang ganda ninyo po talaga” at ang guro ay magbibigay sa kanya ng munting regalo – biscuit o tsokolate.

Ang kawalan ng paningin ay idinaraan sa tamis ng dila.

**************************

Pitong taon pa lang si Berting nang lumipat sila sa Sta. Barbara. Nadestino ang tatay niya sa bayang ito bilang isang pulis. Ayaw namang magpaiwan ng nanay niya sa Maynila. Maayos nga din naman kaysa dalawa-tatlong buwan bago niya makita ang ama.

Unang pagsimba nila sa Sta. Barbara nang makita niya ang batang si Lea. Ang bata pa ang nagtitinda ng sampaguita at ang matanda pa ang kumakanta habang naggigitara sa gilid ng simbahan. Noon pa man, alam na niyang magiging malapit ito sa kanya.

“Nay, parang hindi po yata patas ang Diyos,” inosenteng turan ni Berting pagkarating ng bahay.

“Naku, anak. Huwag mong sasabihin ‘yan,” at hinaplos ng nanay ang ulo ng anak.

“E, kasi po, bakit iba-ibang paningin ang ibinigay Niya. May isa, may dalawa, tapos kanina sa simbahan, bulag ang batang nagtitinda ng sampaguita.”

“Berting, ganito yan. Iisa lang ang pagtingin sa atin ng Diyos. Kumbaga, iba-ibang regalo lang ang ibinibigay Niya sa kanyang mga anak, nasa tao na lang kung paano niya gagamitin ang mga ito,” paliwanag ng Nanay niya.

“Hindi ko naman kayo maintindihan, Nay. Basta paglaki ko, magdodoktor ako para magamot yung mga batang may sakit sa mata,” nangangakong turan ni Berting.

Hindi nga naglaon, naging magkaibigan ang dalawang bata. Iyun nga lang, dahil bulag si Lea, hindi ito nag-aral. Nahirapang makasabay sa mga itinuturo sa klase. Tinutukso rin ng ibang bata dahil sa kakatwang kalagayan. Kaya nang matutong magbilang, pinatigil na rin ni Nanay Mameng.

Pagkagaling sa eskwela, aayain ni Berting si Lea sa pamamasyal. Paborito nilang tambayan ang burol kung saan sila magkukuwentuhan at madalas, si Berting ang bangka. Lahat ng ginagawa at pinupuntahan, detalyadong isinasalaysay sa kaibigan.

Katulad noong magpunta siya sa Enchanted Kingdom. Inilarawan niya ang bawat rides habang kumakain sila ng pasalubong niyang cotton candy. Kinarga pa niya sa likod ang kababata at nagpatakbo-takbo sa burol. Ganoon daw ang pakiramdam kapag sakay ng mga rides. Mabilis at nakakatakot pero masaya na nakakatuwa.

Katulad din noong mag-field trip ang klase nila sa pagawaan ng ice cream. Inaya niya ang kababata sa bahay nila at binigyan ng ice cream. At para mas makatotohanan, binuksan nila ang pintuan ng refrigerator habang kumakain. Tapos, ikinuwento kung paano niya naintindihan ang proseso ng paggawa ng ice cream mula sa mga sangkap at makina pati uniporme ng mga trabahante. Tuwang-tuwa naman si Lea dahil pakiramdam niya, nakarating na rin siya sa pagawaan ng ice cream.  Napagalitan lang sila ng nanay ni Berting dahil malaki raw ang babayaran sa kuryente dahil sa ginawa nila.

Isa sa pinakamasayang araw para kay Lea ay noong isama sila ng pamilya ni Berting sa bakasyon sa Matabungkay. Pupunta raw sila ng dagat kaya naman hindi siya masyadong nakatulog bago ang araw na iyun. Iniisip niya kung ano ang hitsura ng dagat. Sabi ni Berting, para raw isang malaking swimming pool. E, hindi  naman niya alam ang hitsura ng swimming pool. Nagkatawanan tuloy sila.

Kinabukasan, madaling araw sila umalis ng bahay. Alam niya iyun dahil pakiramdam niya, antok na antok pa siya. Matagal silang nagbiyahe at nagpalipat-lipat ng sasakyan. Dinig niya ang ugong ng traysikel, ramdam niya ang pagsisiksikan sa dyip at ang pakiramdan ng unang beses na pagsakay ng bus. Mas mataas at mas maayos ang pagkakaupo. Ninamnam niya ang simoy ng hanging galing sa labas ng bintana ng bus. Nakulitan din siguro sa kanya si Berting dahil sa mga tanong niya lalo pa nang marinig niyang “Ate, bili na kayo ng mani.” “Kuya, juice, tubig, baka nauuhaw kayo.” Ibig sabihin, may nagtitinda sa loob ng sasakyan? Hangang-hanga siya. Sa isip niya, malaking sasakyan ang bus na sinakyan nila. Itatanong pa sana niya kay Berting kung alin ang mas malaki, bus o eroplano kaya lang naramdaman niyang natutulog ang katabi. Kaya nga, lalo niyang napatunayan na maaga silang umalis ng Sta. Barbara.

Pagkarating sa beach, hinila kaagad siya ni Berting. Pinaiwan sa kanya ang sapin sa paa. Ramdam na ramdan niya ang kakaibang lugar na tinatapakan. Malamig at masarap sa paa. Nakakakiliti pala ang buhangin. Masarap maglakad-lakad.

Nakarating sila sa tabing-dagat. Ganoon pala ang dagat, punong-puno ng tubig. Kahit saan siya bumaling, nararamdaman niya, ang daming tubig. Pakiramdam niya, nagtatampisaw siya sa isang malaking batya. Malaking-malaking batya ng tubig.

Matapos magbabad sa dagat, nakaramdam siya ng ginaw. Inaya niyang umahon si Berting na agad namang pumayag. Kinuha sa tabing-dagat ang tungkod at iniabot sa kanya. Naramdaman niya na iniwan siya nito.

“LEA, SUBUKAN MONG TUMAKBO!” sigaw sa kanya ng kababata. Sabi na nga ba, iniwan siya ni Berting. Malayo ang agwat dahil sa lakas ng boses. “BITAWAN MO MUNA ‘YANG TUNGKOD MO!”

“HA, SIGURADO KA? NAKU, PAG NADAPA AKO, HUMANDA KA SA AKIN, BABATUKAN KITA!!!” sigaw din niya.

“PAG NADAPA KA, E, DI, BUMANGON KA AGAD. ANG MAHALAGA, MARANASAN MONG TUMAKBO SA DAGAT!”

Nagdadalawang-isip man, binitawan niya rin ang tungkod. Kinakabahan, paano nga kung madapa siya? Sa kabilang banda, ang pagtakbo ang isa sa pinakamahirap na gawain para sa kanya. Kaya, bahala na, ang mahalaga, maranasan niyang tumakbo.

Binilisan niya ang mga hakbang. Parang yung tibok ng puso niya. Pabilis nang pabilis. Hindi niya alam kung diretso ba yung pagtakbo niya. Basta, takbo lang siya nang takbo. Napapahalakhak siya na parang naiiyak. Halu-halong emosyon. Masarap palang makawala sa tungkod na naging bahagi na ng buhay niya. Ang sarap. Ang gaan sa pakiramdam. Malaya.

Nang biglang may naapakan siyang matigas na bagay. Nawalan siya ng balanse. Parang nahulog siya mula sa kasiyahang naramdaman niya kanina habang tumatakbo. Nadapa siya at naramdaman niyang humalik ang mukha niya sa buhanginan.

“LEA!!!” Sigaw ni Berting na tumatakbo palapit sa kanya. Agad siyang inalalayang tumayo.

“P’we, hindi pala masarap ang buhangin,” sabay dura ng nakaing buhangin at pinipilit tumayo. “Berting, masakit yung kaliwang paa ko.”

“Naku, nasugatan ka, Lea,” malungkot na wika nito, “Pasensya ka na, a. Dapat pala di na kita pinatakbo.”

“Berting, ano ka ba, ngayon ko lang naranasan ang ganoong pakiramdam. Ang sarap palang tumakbo nang walang iniiwasan at iniisip na masasagasaan.” Totoo iyun. Ayos lang na masaktan ang paa niya kahit pa may mainit na likido na lumalabas dito. Alam niya, gagaling naman ang sugat pero ang kasiyahan niya kanina, hindi niya iyun malilimutan.

Tulad ng inaasahan, napagalitan si Berting ng tatay niya. Napaaga tuloy ang uwi nila. Nahihiya siya kay Nanay Mameng dahil masyado niyang itinutulak si Lea sa kanyang kakayahan. Umuwi tuloy itong may benda ang paa.

Habang sakay ng bus pauwi, si Lea naman ang tulog at siya naman ang gising. Iba-ibang tanawin din pala ang di niya napansin kanina. Ang mga matataas na puno ng niyog, ang mga magsasakang nagtatrabaho sa palayan at ang mga tindahan sa bus stop. Narinig din niya ang kwentuhan ng nanay niya at ni Nanay Mameng na nakaupo sa likod nila.

Hindi pala tunay na anak ni Nanay Mameng si Lea. Nakita niya lang daw ito sa taniman ng mga sampaguita. Nakalagay sa isang kahon at inaamoy-amoy ng mga asong kalye. Pagkakita raw kay Lea, nagdalawang-isip pa siya kung kukunin dahil malaking responsibilidad ang kapalit nito, lalo pa nga at kakaiba ang hitsura ng mga mata nito. Pero nanaig naman daw ang awa niya sa bata at nagpasyang ituring na galing sa kanyang sinapupunan. Wala rin namang umako nang ipagtanong niya sa bayan.

Lalo siyang naawa kay Lea. Tiningnan niya ang kababata na nakasandig sa upuan ng bus. Nakapikit pero basa ng luha ang mga mata. Hinawakan niya ang kamay nito. At ipinangako niya sa sarili, kahit anong mangyari, hindi niya iiwan ang kaibigan.

**********************

“Nalalasahan ko ang kulay pula,” Ibinuka ni Lea ang bibig at inilabas ang dila. May isang piraso ng Nips na binili nila sa Pinay’s Grocery. Kulay pula nga!

Napabilib siya sa sarili dahil siya ang nagturo sa kababata ng iba’t ibang kulay. Minsan tama, minsan mali ang mga hula nito, pero malaking bagay na may ideya ito sa mga kulay. Ano ba ang hitsura ng kulay na pula? Sabi niya, katulad ng dugong lumabas sa kanya nang madapa sa buhanginan. Kapag masidhi ang nararamdaman. Ang asul? Katulad ng malawak na beach. Payapa ang kalooban. Kapag berde, ang damuhang tambayan. Ang pakiramdam na malapit sa kalikasan. Ang dilaw, ang kulay at init ng araw. Pag puti, ang kulay ng buhok kapag tumatanda at ang bulaklak ng sampaguita. Mabuti ang tao, maputi ang kalooban. Parang ikaw, Berting, sabi ni Lea. Ang itim? Katulad ng buhangin, katulad ng buhok niya, katulad ng gabi kapag nararamdaman na niya ang pagkaantok. Katulad ng mundo ko, hihihi, dugtong ni Lea na tumatawa pa.

Minsan, dinala niya ang mga krayolang gamit sa eskwela. Tapos, pinagdrowing niya si Lea. Kung anong mahawakang krayola, iguguhit at ikikiskis sa papel. Siya naman, naglagay ng piring sa mata. Sinubukang gumuhit nang hindi ginagamit ang paningin. Ang resulta – hindi naman pangit ang gawa nila. Kakaiba nga lang. Pero, makulay pa rin.

Simula noon, hinabi nila ni Lea ang kani-kanilang kakayahan. Niregaluhan pa niya ito ng isang kahong krayola at mga papel. Siya naman, nagpaturo ng paggigitara kay Nanay Mameng. Bumuo sila ng mundong malayo sa karaniwang bata. Malayo sa panunukso ng ilang kapos sa pang-unawa.

*******************

“Ang galing naman, sana makita ko talaga ang mga drowing mo,” panay ang papuri sa kanya ng dalagita. Nagpaalam kasi siya na pupunta ng Maynila para sa isang paligsahan sa pagguhit. Siya ang kinatawan ng paaralan nila.

“Gusto mong makita ang mga drowing ko? Huwag kang mag-alala, magdodoktor ako para ayusin natin ‘yang mata mo.”

Lumapit sa kanya si Lea, kinapa ang mukha. Pinag-aaralang maigi ang pisngi, mata, ilong at bibig.

”Di man ako makakita, nakikita ko naman ang busilak at puti mong kalooban.”

Pagkatapos ng pitong taon, nakabalik si Berting sa Maynila.  Sa isang sikat na private school ginanap ang pakontes na sinalihan ng humigit-kumulang na tatlumpung estudyante mula sa iba’t ibang bayan at paaralan. Ang paksa ng patimpalak, ANG MUNDO SA MATA NG ISANG KABATAAN.

Natapos ang isang oras, halos lahat ng mga kasali ay nakabuo ng kanya-kanyang obra maestra. Iba-ibang istilo at talagang napakahuhusay. Pagtapat ng mga hurado sa gawa niya, nagtaka sila. Walang mata yung mga taong iginuhit niya! Tiningnan siya ng mga ito, saka ngumiti. May isa pa ngang tumapik sa kanyang balikat sabay sabing kahanga-hanga ka, iho.

Umuulan nang magbiyahe sila ni Miss Cruz pabalik ng Sta. Barbara. Kalong niya ang dalawang kahong pizzang libre ni Miss Cruz. Natutuwa daw siya sa karangalang ibinigay niya sa Sta. Barbara. Habang nakaupo sa airconditioned na bus, ang dami niyang iniisip. Nag-uunahan ang mga kwentong gusto niyang ibahagi kay Lea. Ang matataas at magagandang mga gusali. Ang magagarang shopping malls. Ang abala at nagmamadaling mga tao at sasakyan. Parang ang dami-daming nangyayari sa lansangan. Magulo, nakakatakot, delikado. Parang parating may nakaambang na peligro.

Samantala, pauwi na rin sina Lea at Nanay Mameng galing sa simbahan. Malakas din ang ulan kaya sumilong muna sila sa Pinay’s Grocery. Bumili na rin ang matanda ng dalawang itlog para sa hapunan. Naririnig ni Lea na TV Patrol ang pinanonood ng mga bantay at tambay sa grocery. Tinalasan niya ang pandinig.

Dalawang bus ng BLTBCo raw ang nagbanggaan sa South Luzon Espressway. 17 ang sugatan, 12 ang patay. Binasa ng reporter ang listahan ng mga nasawi’t nasugatan.

Napasigaw si Nanay Mameng. Hinagilap ang dalagita at umatungal. Wala na si Berting, anak, wala na ang kaibigan mo, hikbi at putol-putol na salaysay ng matanda. Napaupo sa gilid si Lea, naupuan pa ang basag na itlog na nabitawan ng matanda.

Sinuong ng dalawa ang ulan. Nanlulumo nilang binaybay ang daang papunta sa bahay nina Berting. Patuloy si Lea sa pagkapa ng dinadaanan gamit ang kanyang tungkod. Binabaybay ang mundo niyang lalong binalot ng kadiliman.

***************************

Makalipas ang ilang buwan. Sa paboritong tambayan nila ni Berting. Kumakantang mag-isa si Lea habang naggigitara.

“Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti

At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin.

Naalala niya ang homily ni Father Roy kanina.

“Katulad ni Bartimaeus, marami sa atin ang bulag sa katotohanang tanging Diyos lang ang dapat nating sandigan. Ang ating pananampalataya ang siyang nagdadala sa atin sa kagalingan ng napapagal na kaluluwa at nabibigatang katawan. Masdan mo ang iyong kapaligiran, lahat iyan ay patunay ng Kanyang kadakilaan. At araw-araw ay may himalang nagaganap. Mga pangyayaring nagpapayaman sa buhay at paglalakbay natin dito sa daigdig.”

Di mo man silip ang langit

Di mo man silip

Ito’y nandirito pa rin.

Isang malaking pagbabago ang nangyari sa buhay niya dulot ng malagim na aksidente. Ipinagkaloob ng pamilya ni Miss Cruz ang mga mata ng nasawing guro at inoperahan si Lea sa Maynila. Ginastusan iyun ng buong bayan ng Sta. Barbara sa pangunguna ni Don Simeon.

Kung ang lahat ay may katapusan

Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan

At sa iyong paglisan

Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.

Noong tanggalin ang benda sa kanyang mga mata, ipinakita ng mga magulang ni Berting ang isang itim na portfolio. Isa iyun sa mga una niyang nasilayan, ang mga guhit niya at ng kababata. Pero, may isang drowing si Berting na pinakanagustuhan niya.

Dalawang kabataan na nakatayo sa puno ng acacia sa burol. Hawig sa kanilang dalawa. Malalaki ang mga ngiti. At normal ang mga MATA.

 Sa pagbuhos ng ulan

Sa haplos ng hangin

Alaala mo ay nakaukit

Sa pisngi ng langit.

Kaya pala, magaan ang kalooban nila sa isa’t isa. Kaya pala, madalas silang tuksuhin kapag magkasama. Akala naman niya, idinadamay lang si Berting sa panunukso sa kanya. May kapansanan din pala sa mata si Berting. Duling pala ang kaibigan niya.


Di man umihip ang hangin

Di man umihip

Ika’y nandirito pa rin.

 Kung ang lahat ay may katapusan

Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan

At sa iyong paglisan

Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.”

At muling tumulo ang luha sa mga bagong bintana ng kanyang kaluluwa.

___________

Lahok na Maikling Kwento para sa Saranggola Blog Awards

Tag-araw (Repost)

Lagi kitang iuugnay sa tag-araw. Ang pamumulaklak ng mga halaman ay larawan ng kamay mong may hawak na rosas nang batiin mo ang iyong ina sa kanyang kaarawan. Ang halakhak ng mga batang naghahabulan ay ang iyong halakhak sa pangunguha natin ng mga prutas sa looban ng Ka Simo. Ang init ng araw, ang maaliwalas na kalangitan, ang mga ulap, ang Flores de Mayo, ang saranggola. Ang larawan ng tag-araw ay larawan ng aking bunso.

Puputok pa lang ang Mayo nang dumating ka sa buhay namin. Wala kaming pagsidlan ng kaligayahan sapagkat ikaw ang kasagutan ng sampung taong panalangin. Salamat na lamang at napapayag kami ng Ka Santi na  magsayaw sa Ubando. Ikaw ay talagang hulog ng Langit!

Isinunod kita sa aking pangalan. Roberto Jr. Ipinagyayabang kita sa lahat. Andun ako sa una mong pagdapa, pag- upo at paghakbang.  Gayundin, nang sambitin mo ang Mama at Papa na talagang musika sa aming pandinig. Mabilis ang iyong pag-unlad at lagi kong sinasabi sa lahat ng kahuntahan, ikaw ay lalaking matalino, mabait at makisig na bata.

Hindi naman ako nagkamali. Ikaw ay lumaking masiyahin at masiglang bata. Nasa kindergarten ka nang magsalita ka ng Ingles na  “A parrot can tot” at  “A bird kengkay”. Maraming natutuwa sa iyong kakulitan. Natatandaan ko rin nang maging Constantino ka  ng Flores de Mayo ng tag-araw na iyon. Ikaw ay aking anak!!

“Papa, Marunong ka hong gumawa ng saranggola? Gusto ko hong magpalipad ng saranggola, e.’ bungad mo sa akin isang umaga ng tag-araw.

“Aba, oo naman, anak. Sige, halika, gawa tayo ng saranggola. Tapos, samahan pa kitang magpalipad.” At pumunta tayo sa likod-bahay. Gamit ang papel, pisi, pandikit at patpat, naigawa kita ng saranggola sunod sa saranggolang ginagawa ko rin nung kasinggulang kita. Simula noon, magkasama tayong nagpapalipad ng saranggola. Tuwang tuwa ka kapag matayog ang lipad ngunit nayayamot kapag sumasabit sa puno ang ating saranggola. Ikaw ay ako noong walong taong gulang.

Naisip ko, ang pagpapalipad ng saranggola ay para ding pagpapalaki ng anak. Ang saranggola ay ang anak sa kanyang paglalayag sa malawak na mundo, ang kamay na humahawak ng pisi ay ang mga magulang na gumagabay sa mga anak kapag malakas ang hangin. Ang kamay na muling nagtataas sa saranggola upang muling lumipad sa kabila ng kabiguan. Kamay na umaagapay upang di makawala at maligaw sa kalawakan ng buhay.

Dalawang tag-araw pa ang lumipas, ilang saranggola na rin ang ating nasira at napalipad. Natuto ka  ring magpalipad nang hindi ako ang kasama kundi ang iyong mga kaibigan. Ayos  lang iyon sa akin, ikaw ay isang bata.

Ngunit may bagyo rin palang dumarating kahit sa tag-araw. Bagyong kailangang harapin nang buong tatag ng ating pamilya. Bagyong susubok sa pagkatao namin ng Mama mo. Bagyong huhulma ng kapalaran mo.

Nagsimula iyon nang minsang ginising mo kami dahil umiiyak ka sa sakit ng ulo. Inalo at pinainom ka ng gamot ng iyong ina. Nakatulog ka pa nga sa pagitan naming mag-asawa.

Ngunit ang pagsakit ng ulo ay naging madalas. Naging mas masakit dahil nakikita kita kung paano magligalig, magwala at magbato ng unan o laruan. Nag-iba ang iyong ugali, naging bugnutin at nawalan ng ganang maglaro at kumain. Naging ibang bata ka sa aking paningin.

Dinala ka namin sa doktor. Hindi niya maibigay sa amin ang saktong sagot at pinayuhang magpunta sa kalapit na bayan kung saan mas may kagamitan daw para malaman ang iyong lagay. Natakot ang iyong Mama at agad na umiyak. Ako naman ay nanghina kaagad. Nangamba kaming baka delikado ang iyong sakit dahil kailangan pa naming magpunta sa mas malaking hospital.

May dahilan ang aming takot. Agad akong kinausap ng doktor nang masinsinan. Hindi ko na narinig ang iba pa niyang paliwanag. Nanlumo na ako. Parang pinagsakluban ng langit at lupa. Paulit ulit sa aking pandinig ang tinuran niya. May brain tumor ang anak ninyo! May brain tumor ang anak ninyo!!!

Hindi ko alam kung paano sumikat-lumubog ang araw. Nakituloy tayo sa Tiyo Isko mo sa Maynila para kumunsulta sa iba pang dalubhasa. Pero gayon din ang resulta. At mas masakit pa, binigyan ka nila ng taning. Sino sila para bigyan ng taning ang aking bunso?

Pinilit kong magpakatatag. Para sa ating pamilya. Para sa iyong ina. Ngunit hindi mo alam, sa cr ako humahagulhol kasabay ang lagaslas ng tubig sa gripo. Parang dinudurog ang puso ko kapag namimilipit ka sa sakit lalo na kapag inuuntog mo ang iyong ulo sa pader. Gusto kong humiyaw nang nagsimulang malagas ang buhok mo epekto ng therapy. Nawala rin ang lupang pinaghirapan kong ipundar upang maipamana sa yo ngunit sa gamot mo nagasta. Lahat ay pinilit kong gawin para maisalba ka.

Nagtampo ako sa Diyos. Nagalit. Nagtanong. Bakit ka Niya ibinigay kung babawiin ka rin kaagad? Bakit ikaw pang musmos at madami bang tag-araw na mararanasan? Bakit ikaw pa na bago pa lang nangagarap? Bakit hindi na lang ako? Bakit ang bunso ko pa?

‘Pa, gusto ko magsaranggola,” paanas mong wika. Nagkatinginan kami ng Mama mo. Mahina na ang katawan mo. Ayaw ka naming mapagod.

“Pa, gusto ko magsaranggola,” muli mong usal. Wala akong magawa kundi kargahin ka kahit balot ka ng kumot. Pinakuha ko sa iyong ina ang huling saranggolang pinalipad mo. Pumunta tayo sa malawak na taniman ng tubo.

Karga ka sa likod, tumakbo ako upang umangat ang saranggola. Tangan ng mahina mong kamay ang pisi. Lumuluhang pinagmasdan tayo ng iyong ina.

Tumaas ang saranggola. Patuloy pa rin ako sa pagtakbo. Basang basa ako ng luha.

Humagulhol ako nang makita kong tuluyang nabitawan mo ang pisi. Dumating na ang panahon mo.

“Maglayag ka anak sa dapat mong puntahan. Tandaan mong mahal na mahal ka namin ng Mama mo. Mahal na Mahal kita.”

Tulad ng pagpapakawala mo sa saranggola, pinaubaya ka na namin ng Mama mo sa Panginoon. Masakit subalit kailangan naming tanggapin. Iyon ang iyong tadhana. Iyon ang huli mong tag-araw.

Palagi kitang iuugnay sa tag-araw. Ang iyong ngiti, ang halakhak, ang ulap, ang langit, ang magagandang bulaklak, ang banderitas, ang Flores de Mayo, ang saranggola sa malawak na kalawakan.

____________

gusto kong manalo sa pakontes ni gillboard.

P! (Repost)

Dahil wala akong oras para magsulat nang matino, heto muna ang unang kwentong naisulat ko noong estudyante pa ako sa PUP. At oo, isinali ko din to sa pakontes sa iskul namin.

____________________________________________________________________________________________

Putang-ina o walang pamagat!

Nabigla pa rin ako sa isinagot niya. Sa aming maikling pagkakakilala, nalaman kong talagang lagaan ng masasamang salita ang bibig ng mga tulad niya. Hindi na sana ako nagulat nang pabiro ko siyang tanungin na kung sakaling isulat ko ang buhay niya, ano yung gusto niyang pamagat. At ‘yun nga ang isinagot niya.

Alam mo, hindi pwede yung ganun, sabi ko, imposibleng maimprenta.

Bakit? dahil ba masyadong bulgar? Kaya nga pamagat e, para madaling malaman ang kabuuan, giit niya habang nagbibilang ng mga barya sa palad niya.

Pwede namang iba a. pagpipilit ko.

Gago ka pala e. Kaya nga, mabuti pang huwag mo na lang lagyan ng pamagat. Duwag ka pala e.

Sa totoo lang, madaling ipaliwanag kung bakit ang PUTANG-INA at iba pang katulad nito’y tila memoryadong bulaklak sa dila ng mga batang lansangan. Kasindaling intindihin kung bakit Oh my Gosh at iba pang ekspresyong sosyal ang kakabit sa pagsasalita ng mga pasosyal na mga kolehiyala. Ang PUTANG-INA ay isang paglalabas-galit, isang pagpapahayag kung sino ang batang kalsadang katulad ni Budot.

Nakilala ko si Budot ilang araw matapos kaming bigyan ng propesor namin sa Contemporary Social Problem ng special report tungkol sa mga problema ng bansa. Natawa tuloy ako sa bulong ng kaklase na sa dami raw ng problema ng lipunan, kahit tig-iisa kaming topic, kulang ang isang klase ng 30 mag-aaral. Oo nga naman!

Ang grupo ko ang nakakuha ng paksang problema sa mga batang lansangan. Napagkasunduan namin na hiwa-hiwalay kami sa pag-iinterview. May sa Cubao, sa Recto, sa Quiapo, napakaraming lugar. Kahit saan mo ibaling ang mga mata mo, ang mga batang lansangan ay tila bahagi na ng pang-araw-araw na tanawin sa Maynila. Mga batang sa murang edad ay delikado, tuso at mapanganib na mundo ang kinalakhan.

Sa Sta. Mesa ako natoka. Dito sa maingay at abalang lansangan ng Magsaysay, hindi mahirap hanapin ang mga tulad ni Budot. Sira-sira ang mga damit. Marurungis. Nanlilimahid ang katawan. Akala ko, madali lang makakakuha ng impormasyon sa kanila. Pero ang hirap pala. Masyado silang maiilap na tulad ng mga ilang na hayop sa gubat. Mahirap hulihin. Takot sa mga tao. Sa tuwing lalapit ako upang kausapin sila, isa-isa silang naglalayuan.

Dalawang araw pa ang lumipas. Sa wakas, mukhang may nakita na akong pwedeng kapanayamin. Matapos kong bigyan ng tinapay ang isang grupo ng mga streetchildren malapit sa Fernando’s, tinanong ko kung pwede silang kausapin sandali. Tulad ng dati, isa-isa silang naglalayuan maliban sa isang batang sa tantiya ko ay sampung taong gulang. Nakasuot siya ng napakaruming sando at shorts na sa karungisan ay di mo malaman kung anong kulay. Malamlam ang kanyang mga mata at may pilat sa kanang bahagi ng noo. Gusot at tila dikit-dikit ang mga buhok. Parang ilang araw nang hindi naliligo.

Putang-ina! sabi ko na nga ba’t may kapalit ang kupal na tinapay na to, parang walang anumang sinabi niya iyun habang kumakain ng tinapay. Natural ang dating.

Iyun ang una niyang Putang-ina na narinig ko. Hindi na sana ako nagulat dahil alam ko namang ganun ang likas nilang ugali. Pero iba pa rin yung narinig mo at isang bata pa ang nagmumura sa yo. Medyo napahiya ako sa sinabi niya. Ang kapal nga naman ng mukha ko, kunwa’y tutulong pero may hihingin palang pabor.

Hindi naman sa ganun, kaya lang… wala akong maisip na magandang dahilan. Sukol na kasi ako. Oo nga naman, di ko naman gagawin to kung hindi dahil sa reporting namin.

O, akala ko ba, may itatanong ka?

Iyun ang simula ng pagkakakilala namin ni Budot. Sa una, hindi ko alam kung paano ko ibabato sa kanya ang mga tanong. Dagdagan pa ng walang kasanayan sa mga ganung sitwasyon. At ang mas matindi, ang makipag-usap ka sa isang batang parang bulkan ang galit sa mundo. Nakakasakit sa tenga ang mga isinasabog na mga salita. Pero, mas masakit ang mga isinasabog niyang katotohanan sa lipunan.

Doon ko nalaman ang tunay niyang pangalan. Natural na itago ko iyun ngayon. At ang edad niyang sa tingin ko noong una na sampu, dangan kasi’y maliit siya para sa gulang na 12.

Doon ko nalaman kung paano niya pinuta lahat ng pasanin sa buhay. Kung paano nilintik ang kahirapan. Kung paano pinunyeta ang pambubugbog sa kanya ng tiyuhin. Kung paano niletse lahat-lahat. PUTANG-INA ANG BULAKLAK SA HARDIN NG KANYANG KAMUSMUSAN!!!

Maiksi ang aming naging pag-uusap dahil kailangan pa niyang makipag-unahan sa mga kapwa bata sa pagsalta sa mga nakatigil na dyip. Dala ang basahang puhunan ng buhay.

Kinagabihan, isinulat ko ang nalaman ko sa kanya.

Siya si BUDOT, wala siyang ama. Hindi niya alam kung bakit. Basta, sabi ng nanay niya nung nabubuhay pa ito, na ganun daw minsan ang buhay. Maraming tanong pero walang kasagutan. Di niya maintindihan ang nanay niya. Walong taong gulang siya nang mamatay ito sa sakit. Hindi niya alam kung anong sakit. Basta ramdam niya kung paano ito nahihirapan sa paghinga, sa salit-salit na pag-ubo at ang sakit ng katawan sa maghapong paglalaba. Parang sinasaksak siya sa likod kapag naririnig niya ang ubo ng mahal niyang ina. Hindi ito dumaraing ng kung anong sakit pero ewan kung bakit siya nabibingi. Mahal na mahal niya ang kanyang ina ngunit wala siyang magawa lalo nang mamatay ito kundi ang tumangis nang walang hangga. Ni hindi niya rin alam kung paano ito nailibing.

Nagising na lang siya kinabukasan na kinupkop ng tiyuhin daw niya. At nakakatawa, ang pagkupkop na iyun ang nagtulak sa kanya para mamalimos. Ang pagkupkop na nagdulot sa kanya ng palo, tadyak at mga bugbog. Pagkupkop na nag-iwan sa kanya ng markang di niya malilimutan, ang pilat niya sa noo noong bugbugin siya ng lasenggong tiyuhin nang wala siya maibigay na limos na barya. Pagkupkop na itinuring niya na ring pagkandili sa kanya ni Satanas.

Kinabukasan, pumunta uli ako sa tambayan ng mga batang lansangan. Andun ang mga paslit na nagbabatuhan ng basahan at lata. Naghahabulan na parang mauubusan ng oras. Maging sa paglalaro, andun ang puta. letse at lintik kasabay ng matutuling hakbang ng mga sugatin at galising mga paa. Maya-maya, may dalawang batang nagpapambuno sa isang tabi. Nag-uupakan. Nagbabanatan. Walang iniilagang parte ng katawan. Nakapalibot sa kanila ang ilang batang parang tuwang-tuwa pa sa nangyayari. Nagsisigawan na parang mga asong ulol. Laban, Adik! Upakan mo, Imben. Hahaha. Umiiyak na si Adik. Upak pa!!

Anong magagawa ko sa ganitong sitwasyon? Sisigaw ng tama na? Na masama ang mag-away? Baka tawanan pa nila ako. Sa ugali nila’y magagamot pa ba ng sigaw?

Buti na lang, tumigil na rin sila sa pag-aaway. Naghiwa-hiwalay na. May ilang nagpatuloy sa paglalaro. Muling nagbatuhan ng basahan at lata. Parang walang nangyari. Tama, ang mga eksenang ganun ay katulad na rin lang ng paglalaro.

Naghintay ako ng ilang oras pero walang Budot na dumating. Nagkasya na lang ako sa pagmamasid kung paano sila mag-unahan sa pagsalta sa mga dyip, magpunas ng mga sapatos at maglabas ng palad sa paghihintay sa pisong ibibigay. Mas masakit, marami ang nagbigay ng malilirip na mga tingin at ang sigaw ng drayber na parang nambubugaw ng aso. Pag-andar ng sasakyan, biglang lumundag ang isang bata at parang natapilok pagbagsak. Saka sumigaw sa papalayong dyipni, PUTANG-INA N’YO!!!!!

Umuwi akong walang nakausap pero maraming natuklasan. Pagdating ko sa bahay, may dalang tape ang mga kagrupo ko. GODZILLA daw. Tama, kailangan ko nga ng break. Masyado na akong kinakain ng report namin. Subalit, nagulat ako nang bumulaga sa screen ay di isang dambuhalang produkto ng industriya ng pelikula. Ang pinapanood ko ay documentary film na tunay na salamin ng lipunan. MINSAN LANG SILA BATA ang pamagat, naglalaman ng mga kaso ng child labor mula Luzon hanggang Mindanao. Minsan lang sila bata ngunit ang kabataan nila’y tila dugong sinisipsip ng linta ng kahirapan. Ito nga ang tunay ng Godzilla ng lipunan.

O ano, kumusta? Andito ako kahapon, hinintay kita, bungad ko sa kadarating na si Budot. Namamaga ang kaliwang mata. Iyun pa rin ang shorts. Nag-iba lang ng damit.

Putang-ina mo!! Isa ka pa, sino bang maysabing pumunta ka?

Galit ang tono niya. Ibang mata ang nakita ko sa kanya. Ang malamlam ng mga mata ay mabalasik. Ang mga kamay at paa ay puno ng mga pasa at sariwang sugat. Nakakaawang tingnan.

Hindi talaga ako sanay na murahin lalo pa’t ang mura niya ngayon ay mas masakit at mas may damdamin.

Pasensya ka na, bawi ko sabay abot ng tinapay. Hinablot niya agad iyun, dali-daling binuksan at kinain. Parang hayop na hayok na hayok sa kapirasong karne. Parang ilang araw nang hindi kumakain.

Maghapon akong binugbog ng demonyo, simula niya kahit may laman ang bibig. Putang-ina niya, e sa konti lang ang nadelihinsya ko e. Mamatay na siya. Putang-ina niya!! Sumabog na ang iyak niya, pati nga ang uhog niyang ayaw pakawalan. Singhot siya nang singhot. Punyeta, siya ang adik!

Tsaka sabi ng demonyo, mana daw ako sa rapist kong ama. Singhot pa rin siya sa uhog. Saka itinapon ang tinapay. Tumakbo. Pumulot ng lata at ibinato sa langit. Saka sumigaw, PUTANG-INAAAAAAAAA!!!!!!!

Naiwan akong parang gustong pumalahaw.

Ilang araw kong hindi nakita si Budot. Malapit na kasi ang reporting namin kaya gusto ko pa siyang tanungin ng ilang bagay. Subalit, walang Budot akong nakutaptapan. Dumating ang araw ng reporting namin. Naging maayos naman ang lahat at nakakuha ang grupo ng mataas na marka.

Pauwi na ko bitbit ang manila paper na ginamit naming visual aids nang mapansin kong nagkukumpulan ang mga tao malapit sa riles ng tren. Nakiusyoso ako at nagtanong. May bata daw na nakitang patay dun sa basurahan. Sinubukan kong sumilip na may matinding kaba sa dibdib. Nagdasal ako.

Kalunos lunos ang batang nakadilat pa ang mata. Bugbog-sarado. Naluha akong kinuha ang visual aids at itinakip sa habag na katawan. Naiyak ako. Napamura. PUTANG-INA! PUTANG-INA! PUTANG-INA!

______________________________________________________________________________________________________

Lahok para sa pakulo ni gillboard.

Bahay-Bahayan

Ilang minuto na si Anton sa labas ng inuupahang bahay ng Kuya niya. Pangatlong  istik na ng yosi ang hawak niya. Hithit-buga. Kakatok ba siya? Taragis na buhay ‘to, bulong niya sa sarili. Hithit-buga. Mabigat kasi sa loob niyang humingi ng tulong dito dahil sermon lang ang aabutin niya. At ipapamukha na naman sa kanya ang mga pinagdaanan niya. Na kesyo wala siyang magawang mabuti at puro problema ang dala. Saktong huling hithit niya sa yosi nang biglang bumukas ang pinto.

“Hoy, ano papasok ka ba? E, kanina pa kita nasisilip sa bintana, balak mo yatang sunugin yang baga mo, e. O, bakit may dala kang bag? Game-over na ba?” Sunod-sunod na dakdak ng kuya niya.

“Kasi Kuya,” nahihiya niyang simula tuloy pasok sa loob ng bahay.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa yong tukmol ka,” litanya pa rin habang nagtitimpla ng kape, “Ano, ha? Pinalayas ka?”

“Hindi a. Ako ang umalis dun, bahala siya sa buhay niya,” pagmamalaki niya kahit ang totoo, ibinabato sa kanya yung mga damit sa mukha niya kanina.

“O, e ano ngang nangyari? Ayawan na?” tanong ulit ng Kuya niya at inilapag ang kape sa lamesa.

Taragis, napaisip tuloy siya. Napabuntong-hininga.

Ano nga bang nangyari sa kanila ni Lyn?

Kababata niya si Lyn. Paboritong kalaro kahit wala naman talagang kakwenta-kwentang kalaro. Kung hindi pa siya magkukunyaring nadapa, hindi man lang mananalo sa karera sa takbuhan papunta sa tindahan ni Aling Simang. Parati ring talo sa teks at pogs. Kaya nga sa tumbang preso, pag talagang burot na si Lyn, nagpapataya na talaga siya. Yung tipong patatamaan lang ang lata pero hindi patutumbahin. Yun ang diskarte niya sabay kamot sa ulo.

Gayundin sa mga koponang laro, gusto niya parating kasama ang kababata. Pakiramdam niya, may Muse sa grupo dahil talaga namang si Lyn ang pinakamagandang bata sa Manggahan. Halos lahat silang mga bata doon ay sunog ang balat sa araw samantalang si Lyn ay medyo mapusyaw ang kulay at may biloy sa magkabilang pisngi kapag ngumingiti. Pagka-ganoon, lalo siyang nagpapasikat kay Lyn para maipanalo ang laro, patintero man o beysbol (na binilog na medyas ang bola). At siyempre, mag-aakapan silang grupo kahit matalo at gusto-gusto niyang naaamoy ang amoy-araw na buhok ng kababata. Masaya siya noon kahit madalas silang tuksuhin na kape’t gatas kapag magkapartner sa piko. Minsan, nagbabahay-bahayan din sila, partner-partner tapos pagandahan ng itatayong bahay. Naalala niya, sa kanila ni Lyn ang pinakamaganda kasi yung bahay nila, sa sanga ng puno. At bahay-bahayan lang talaga ang pinanalunan nilang laro.

Kahit parating sunog-bahay at kulelat, masaya naman dahil magkakampi sila.

Si Lyn rin yung itinuring niyang pinakamatalik na kaibigan. Andoon ito nung manalo sa basketbol ang koponan nila sa liga ng baranggay. Andoon din ito noong maghiwalay yung nanay at tatay niya. Ang sama-sama ng pakiramdam niya noon. Paano ba niya tatanggapin ang mga tukso ng ibang bata na iniwan siya ng tatay niya. Si Lyn lang yung batang hindi nanukso sa kanya.

Naghahanap siya ng dahilan kung bakit ba naghihiwalay ang mag-asawa. Sa murang isipan niya, nagtataka siya. Dumarating ba talaga sa punto na nagkakasawaan kahit mag-asawa na? Isang taon ang lumipas, yung nanay naman niya yung umalis. Inihabilin sila ng Kuya niya sa isang tiyahin.

Iyun ang pinakamasakit na nangyari sa kanya. Naglalaro sila noon ng patintero nang sunduin siya ng Kuya niya. Aalis daw kasi yung nanay nila. Pupunta ng Iloilo dahil maysakit ang lolo nila. Iyak siya nang iyak noon, gusto nga niya sumama kaya lang madali lang naman daw dun ang nanay niya.

Sampung taong gulang siya noon pero hindi siya nahiyang humabol sa traysikel na nagdala sa Nanay niya sa sakayan ng bus. Naiwan pa niya yung kaliwang tsinelas niya sa pagtakbo. Mahirap intindihin kung bakit sila iniiwan ng mga magulang. Kaya nangako siya noon, kung sakaling magkapamilya siya, hinding-hindi niya gagawin ang ganoon. Alam niya kasi kung gaano kasakit.

Pagbalik niya sa bahay nila, hawak ni Lyn yung naiwan niyang kaliwang tsinelas.

                                                    ******************************

Kanina pa umiiyak si Lyn. Namumugto na nga ang mata niya at halos ayaw niyang lumabas ng kuwarto. Nahihiya kasi siya sa Nanay niya. Baka sabihin na namang kumuha lang siya ng batong ipupukpok sa ulo. Si Anton naman kasi, parang hindi pa rin makawala sa buhay-binata. Nakikitira na nga lang sila at dagdag palamunin sa bahay, nakukuha pang makipag-inuman sa barkada. At heto nga, nasagad na yung pisi niya. Pagod na pagod siya sa pag-aalaga ng bata. Parang siya lang kasi ang nagsasakripisyo sa kanilang dalawa. Hindi naman siguro masamang maglabas ng sama ng loob. Napuno na lang talaga siya. At sa may-kwenta-walang-kwentang tungayaw nila, umabot sa puntong pinalayas niya si Anton.

Ano bang nangyari sa kanila? Napakalayo sa inaasam niyang buhay. Yung magkakampi sa lahat ng laro. Kahit talo, basta magkasama. Hindi pala simpleng buhay ang pinasok nila. Pinipilit niyang alalahanin. Asan na ang tag-team nilang dalawa?

Tangi ang pagtingin niya kay Anton noong nag-aaral sila. Dangan kasi, si Anton ang tagapagtanggol niya kapag may umaaway sa kanya. Tagabuhat ng libro kapag pauwi at papasok sa eskwela. Noon pa man, humahanga na siya sa kakisigan nito lalo pag labas ang mapuputing ngipin. Mabait pa at maaasahan. Kinikilig-kilig pa siya nung minsang maglaro sila ng FLAMES ng mga kaklase niyang babae, Marriage yung lumabas sa pangalan nila ni Anton. Tinukso-tukso siya pero sabi niya, napakaimposible dahil wala pa sa isip niya ang mga ganun. Magiging titser pa siya gaya ng pangarap ng mga magulang. Magiging Ma’am Lyn siya sa iskul na pinapasukan nila.

Isang beses, nakita niyang may nakaipit na sulat sa isang libro niya. Lalo siyang kinilig nang malamang kay Anton galing. Loveletter. Sa murang edad, kakaibang saya ang dulot nito. Simula noon, lalong naging magiliw si Anton sa kanya. Kapag umuulan, okay lang na mabasa sila parehas basta magkasukob sa isang payong. Madalas din siya nitong bigyan ng rosas na origami na parating iniipit sa mga gamit niya.

Oo, Mahal na din kita, Anton. Iyun ang saktong linya kung paano niya sinagot si Anton. Talagang itinapat niya iyun sa JS Prom. Araw ng mga puso. Para mas espesyal. Mas makahulugan. Sa saliw ng kantang You Are My Song ni Martin Nievera, ipinagtapat nila sa isa’t isa na hindi na lang sila magkababata o magkaklase. Hindi lang sila magkaibigan. Magkasintahan na sila. Salitang nagdudulot sa kanya ng kakaibang kilig at pintig. Unang pag-ibig. Iyun siguro ang pinakamasayang karanasan ng buhay high school niya.

Ganoon pa man, mas matindi pa rin ang dating ng salitang Ma’am kaysa Marriage. Takot niya lang sa Nanay niya. Baka mapatay siya kapag nalamang may kasintahan na siya. Kaya, nanatiling lihim sa kanyang mga magulang ang pakikipagkasundo niya sa binata. Malamang paglayuin sila ng mga ito. At ayaw niyang mangyari yun.

Lihim na binaon nila hanggang sa kolehiyo. Masuwerte naman at isang kolehiyo lang ang pinasukan nila. Siya, kumuha ng kurso sa pagtuturo at si Anton, kumuha ng Management.

Ayos na ayos. Sabay silang bumubuo ng pangarap. Magkakampi na naman sila.

                                                     ***********************************

“E, paano si Junior? Ano yun? Iiwanan mo na lang dun? Hindi yun aso, Anton. Mag-isip ka nga,” banat pa rin ng Kuya niya. “Alam mo naman siguro ang pakiramdam ng iniiwan. Ilang araw ka ba dito?”

“Hindi ko pa alam. Magpapalamig lang siguro ako. Nasasakal ako kay Lyn pero hindi ko rin naman kayang tiisin si Junior.”

Oo, si Junior. Bunga ng pagmamahalan nila ni Lyn. Bunga ng isang sandali ng kapusukan.

Wala ang Kuya niya noon. Inaya niya si Lyn sa bahay tulad ng madalas nilang ginagawa kapag may mahirap na aralin. Dati na naman silang naiiwan doon pero iba ang sandaling iyun. Iba ang pakiramdam niya. Ano kaya kung subukan nilang gawin ang bagay na iyun? Subok lang naman. Agad niyang hinalikan si Lyn na tumatanggi noong una. Pagkatapos, naglakbay ang kanyang kamay sa mga lugar na si Lyn lang ang tanging nagsasabon. Umiiwas noong una ngunit nang maglaon, sumasabay na rin sa sayaw na likha. Ang halik ay naging mariin. Ang akap ay naging mahigpit. Unti-unti, nadarang sila sa init. Walang pakialam sa nangyayari sa paligid. Kahit ang hiyawan ng mga bata sa labas ng bahay. Noong panahong iyun, nagkaroon ng linya sa kanilang buhay. Tumawid sila sa mga guhit na itinakda ng matatanda.

Ganoon pala ang pakiramdam. Masarap pagsaluhan ang pagmamahal. Swabe ang bawat galaw. May sariling ritmo ang katawan. Umiindayog sa musikang hatid ng mga tibok ng puso.

Parang basketbol. Paulit-ulit na pagbuslo. Parang holen sa butas. Saktong-sakto. Parang habulan. Pinagpapawisan hanggang sa makarating sa tindahan ni Aling Simang. Parang perpektong pares. Ang kanya ay para kay Lyn. Ang kay Lyn ay para sa kanya.

Bakit kaya ipinagbawal yaon ng matatanda? Makasarili sila. Bakit kailangang sila lang ang maging maligaya at magsalo ng mga ganoong pagkakaton?

Ang mga tanong na iyon ay sinagot ni Lyn pagkatapos ng ilang buwan.

“Anton, kinakabahan ako. Dalawang buwan nang wala akong dalaw,” may pangamba sa mukha niya habang kumakain sila ng ice cream sa lagoon sa kolehiyo nila.

“Anong dalaw?” nakakunot si Anton sabay kagat sa malamig na ice cream.

“Anton, buntis yata ako. Natatakot ako,” nangingilid ang luha ni Lyn.

“HA??? Taragis, sigurado ka?” Naluwa ni Anton ang kinakain. Bad trip, bakit biglang pumait ang kinakain nilang ice cream?

                                                 **********************************

Sabay silang pumasok sa simbahan ng Quiapo pagkatapos ng klase. Magkatabing lumuhod. Mataimtim na nanalangin kung anong sunod nilang hakbangin. Humingi ng tulong. Humingi ng kaliwanagan. Humingi ng tawad.

Paglabas ng simbahan, ngayon lang nila napagtuunan ng pansin ang mga tao sa paligid. May mga babaeng nagtitinda ng kung anu-anong halaman. Pamparegla. Pampaputi. Pangontra sa ganito-ganyang sakit. Nakakatawang nasa labas lang ang mga ito ng simbahan. Hindi ba labag ito sa Kanyang kautusan?

Lumapit si Anton sa isang tindera. Lalong kinabahan si Lyn. Maiintindihan ba sila ng Diyos na kinausap nila kanina?

                                               *************************************

Nakatingin sa kisame si Lyn. Sumusunod ang diwa niya sa umiikot na electric fan. Hindi ba kasalanan ang gagawin nila? Buhay na yung nasa sinapupunan niya.

Nakahiga siya sa isang manipis na kutson, may nakatakip na kumot sa ibabang bahagi ng katawan. Nakabukaka. Napalingon siya sa lamesa. May bulak. May alcohol. May mga stainless na instrumento. Bumilis ang tibok ng puso niya. Mabilis na mabilis. Parang nagkakarera. Pintig ng puso niya at ng batang nasa sinapupunan niya.

Pumikit siya. Nabigla nang may dumamping kamay sa hita. Napaluha siya. Napailing. Nanginginig.

“Sigurado ka na ba?” tanong ng may edad na babaeng kausap ni Anton kanina. Nakakatakot ang hitsura ng matandang walang ngipin at parang hindi nagsusuklay.

“Siguradong-sigurado po.” At tuluyan na siyang humagulhol. Humagulhol nang humagulhol.

                                              ***********************************

“Putsa naman, Anton. Hindi ka ba nag-iisip? Tarantado ka, disi-syete pa lang kayo, a.” Namumula sa galit ang Kuya niya. “Putsa, ka naman, nagpapagod akong mapag-aral ka tapos ganito lang ang isusukli mo. Ang kapal naman ng mukha mo.”

Nanliit si Anton sa sarili niya. Kung nagiging suntok lang yung pagmumura, malamang bugbog-sarado na siya. Kunsabagay, ang kapal nga naman ng mukha niya. Sa ganitong paraan niya susuklian ang pagtayo bilang ama at ina ng Kuya niya.

Hindi makapagsalita si Anton. Anong sasabihin niya? Na hindi nila ginusto ang nangyari? Na pasensya? Ano bang magandang paliwanag?

“Sira-ulo ka, gago ka. Gago,” sabay sikmura sa kanya ng Kuya niya. Nagpaubaya na lang siya. Kung yun ang makakabayad sa sakit ng dinulot niya sa kapatid. Tatanggapin niya lahat.

“O, anong plano mo?”

                                             ************************************

Sari-saring emosyon ang naglalaro kay Lyn pagpasok sa bahay nila. Hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ng magulang niya. Tiningnan niya ang nakasabit na litrato nilang mag-anak. Nag-iisang anak. Puno ng kasiyahan. Pangarap ng buong pamilya niya ang makatapos siya at makapagturo sa eskwelahan ng baranggay. Hindi niya alam ngayon kung mabibigyan  pa iyun ng katuparan.

Kinagabihan, habang nanonood ang kanyang ina at ama ng paboritong teleserye, umupo siya sa gitna nila.

“Nay, Tay, may sasabihin po akong mahalaga,” simula niya na parang may nakabara sa lalamunan niya.

Pinatay ng tatay niya ang tv. Naghihintay naman ang nanay niya.

“Nay, huwag po kayong mabibigla a.”

“Lyn, ayaw ko ng ganyan, mukhang ayoko ng sasabihin mo,” nagdilim na ang mukha ng nanay niya.

“Bayaan mo siyang magsalita,” mahinahong wika ng tatay niya.

“Nay, bu— buntis po ako,” sabay tutop ng mga palad sa mukha niya. Umiyak na siya. “Pasensya na po, tay. Huhuhu. Inay, sori po… Binigo ko kayo”

Tumayo ang tatay niya. Galit na galit ang hitsura at pagkatapos ay sinuntok ang pinto nila. Nawasak ang pinto. Parang yung pangarap ng pamilya niya. Hindi ganitong bunga ang nais niya. Nagsugat ang kamay ng tatay niya. Pero, alam ni Lyn, mas nagdurugo ang puso nito. Noon lang niya narinig magmura ang tatay niya. Kung mura sa tadhana o mura para sa kanya, hindi niya alam.

Hindi naman makapagsalita ang nanay niya. Pigil na pigil. Tumayo papunta sa kusina. Kumuha ng baso pero hindi pa nalalagyan ng tubig nang biglang bumagsak sa sahig. Nawalan ng malay.

Ang nangyaring iyon ang pinakamalaking teleserye na pinag-usapan sa Manggahan kinabukasan. Naghalo na ang kape at gatas. Tatay na si Totoy. Nanay na si Nene.

                                                       ****************************

Minsan lang sila sumubok gawin ang bagay na iyun pero ang laki pala ng epekto.

Nagkasundo ang dalawang partido na ayusin ang lahat. Ano pa nga bang magagawa? Hindi sila pwedeng ikasal dahil mga menor de edad pa. Tumigil sa pag-aaral si Lyn at si Anton naman ay kinailangan mag-working student para naman kahit paano, nag-aakyat rin siya ng pera para sa kanila ni Lyn. Tumira naman muna si Anton sa bahay nina Lyn.

Nahinto ang pagbuo nila ng pangarap para harapin ang katotohanan. Ang humarap sa sitwasyong huhusga sa pagiging tao nila. Mabuti na yung gayon kaysa sa ipalaglag nila. Kung may dapat silang ipagmalaki, marahil, iyun ay ang pagiging matapang nila. Ang isang pagkakamali ay hindi pwedeng takpan ng isa pang pagkakamali.

Sa kama ni Lyn, nakahiga silang dalawa.

“Mahal, natatandaan mo pa ba noong mga bata pa tayo?” si Lyn. “Noong naglalaro tayo ng bahay-bahayan?”

“Oo nga, no. Para lang ulit tayong mga bata. Yung nga lang, totoong bata na ang magiging beybi mo. Kaya mo kayang maging mabait na ina?”

“Ikaw? Kaya mo na kaming buhaying mag-ina? Hindi na pwedeng ilagay sa mesa yung dahon ng mga halaman,” nakangiting sagot ng kausap. “Alam mo ba, naglalaro kami dati ng FLAMES, Marriage yung lumabas sa pangalan nating dalawa. Parang ang bilis namang nangyari.”

“Hehehe. Nagsisisi ka ba?”

“Ginusto naman natin ‘to, e. Pero sana pala, naghintay tayo. Mas mauuna pa kong tawaging Mommy kesa sa Ma’am.”

“Oo nga, Sana naghintay tayo. Mahirap din pala yung ganitong sitwasyon.”

Dumaan ang mga buwan. Lumipas ang mga araw. Lumaki na ang tiyan ni Lyn at nakaw-tingin silang dalawa tuwing magpapatingin sa health center. Pinakabatang nakapila sa mga buntis na nagpapakonsulta. Mga menor de edad na hindi nag-isip para sa kanilang kinabukasan.

                                                      ***************************

Palakad-lakad si Anton habang nagdarasal sa labas ng delivery room “Lord, Ikaw na bahala sa mag-ina ko.”

Dalawang oras bago sila sumugod sa hospital, sumakit ang tiyan ni Lyn. Sinundo kaagad niya si Aling Simang na isang hilot. Kaya lang, dahil sa sobrang hirap, hindi yata makayanan ni Lyn. Sabi ni Aling Simang, bata pa raw kasi. Malaki ang takot sa dibdib.

Takot. Iyun din ang nararamdaman niya nang panahong iyun. Kasi nga bata pa si Lyn, paano kung hindi niya makayanan? Paano kung papiliin sila ng doktor tulad ng napapanood niya sa mga pelikula. Si Lyn o ang magiging anak niya? Napapikit uli siya,” Lord, ikaw na ang bahala sa mag-ina ko.”

Naging ligtas ang panganganak ni Lyn sa Junior nila. Hindi niya maipaliwanag na may anak na siya. Nakabuo sila ng tao. Galing sa laman niya at ni Lyn.

Masaya na may halong takot. Lalo na nang unang beses niyang kargahin ang sanggol. Napaluha siya. Nangako na bibigyan ng magandang bukas ang kargang bata. Kung paano. Hindi niya alam.

                                                     *****************************

Mahirap palang mag-alaga ng bata. Iyan ang nasa isip ni Lyn. Halos isang oras na lang yata siyang natutulog sa gabi dahil sa pag-iyak ng baby niya. Tapos, sa umaga, maglalaba pa siya ng mga damit nito, maglilinis ng tsupon, magtitimpla na ulit ng gatas, tapos mamayang konti gabi na naman. Nahihiya naman siyang magreklamo sa Nanay niya.

Kung tutuusin, pinagpala pa rin sila ng Diyos dahil may mga magulang silang hindi sila itinakwil noong madapa sila. Ganoon naman yata pag naging magulang. Parating nakasalalay sa mga anak. Tagabangon kapag nadadapa. Tagabigay ng lakas kapag nanghihina.

Hindi na niya maasikaso si Anton. Kulang na nga siya ng panahon sa sarili, pati ba naman ito aalagaan pa niya? Pero napansin niya medyo nangayayat. Nahihirapan din sigurong balansehin ang pag-aaral, pagtatrabaho at pagiging ama.

Buti nga si Anton, nag-aaral. Nakakalabas ng bahay. E siya, nakulong na sa pag-aalaga ng bata.

Iyun ang pinag-awayan nila kagabi. Hindi pa nga siya nakakabawi ng tulog mula sa puyat noong isang gabi tapos malaman niya, hindi pala ito sa trabaho galing kundi sa inuman ng kaklase. Debut yata. Sino ba naman ang hindi iinit ang ulo?

Pero aminado siya, napasobra nga yata ang pagmumura niya. Ibinato pa niya sa mukha nito ang mga damit at pinalayas.

Nagpapakulo siya ng tubig para sa gatas ni Junior nang may biglang kumatok sa pintuan nila. Pagbukas niya ng pinto, andun si Anton. Nakatayo. May dalang bulaklak.

“Mahal, pasensya na, a. Di bale, mas magiging responsable na ako sa inyong dalawa ni Junior,” sabay yakap sa kanya.

“Hmmp, pangako?”

“Oo, pangako.”

“O sige, sori na din. Medyo masungit ako nitong mga nakaraang araw. Sige na, bati na tayo.” At hinalikan niya sa pisngi si Anton.

Mahirap pumasok sa isang sitwasyong kagaya ng sa kanila ni Anton. Pero, gaya ng pagtatayo nila ng bahay-bahayan sa sanga ng puno, kakayanin nila para lang maging maganda ang kalabasan. Marami pa silang haharapin at pagdaraanan pero batid niya, makakaya nila. Dahil kahit parati silang kulelat at sunog-bahay sa mga laro, masaya pa rin dahil silang dalawa ang magkakampi. Kahit paano, naniniwala pa rin siyang sa suporta ng mga taong nasa paligid nila, kayang-kaya nilang bumuo ng mas maaliwalas na bukas.

 ____________________

Lahok para sa Maikling Kwento sa Saranggola Blog awards.

KIMCHI

Hunyo 15, 2008. Incheon Airport, South Korea. Isang oras pa at sasakay na ako sa eroplanong magbabalik sa akin sa bansang Pilipinas. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko. Pananabik, pasasalamat, pagkalungkot at pag-asa. Matagal-tagal rin naman akong hindi nakauwi sa bayang sinilangan at alam kong nasasabik na rin sa akin ang aking pamilya at ang aking kasintahan. Ano kaya ang una kong gagawin?

Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang may lumapit sa akin na matandang lalaki. Kagalang-galang ang hitsura niya sa suot na polo-barong.  Balikbayan din at marahil, naghihintay  ng parehong flight.

“Iho, atleta ka ba? Mukhang nag-uwi ka ng karangalan sa Pilipinas e,” bungad niyang tanong sa akin habang nakatingin sa aking hand carry. Paano ba naman, may dala akong maliit na trophy, may kalakihang stuff toy at plake na nakalagay sa paper bag.

“A, hindi po, Sir” sagot ko agad. “Hindi po sa akin lahat ito. Mga padala po ng mga dati kong kasamahan sa pabrikang pinagtrabahuhan ko. “

“Ganun ba? Kumusta ba naman ang naging buhay mo dito sa Korea? For good ka na ba? At anu-ano ba yang mga dala mo?”

“Masaya na malungkot, masalimuot din po pero sa huli masasabi ko pong napanalunan namin ang mga laban ng buhay dito sa Korea. Itong stuff toy, padala po ng kaibigan kong si Abet sa bunso niya, etong plake, padala ni Kuya Henry sa pamilya niya at eto pong trophy, pabaon po sa akin ng Filipino Community sa Gwangju. At opo, magpo- For Good na nga po.”

“Gusto ko yung ginamit mong salita, laban ng buhay.  O sige, iho tutal naman ay  matagal pa ang oras ng lipad natin. Gusto kong marinig ang kwento mo.”

Tiningnan ko ang relos ko. May oras pa nga para magkwento. Pampalipas-oras din habang naghihintay ng lipad namin. Si Sir naman ay mukhang mabait at naghahanap ng kakwentuhan. Isa pa, gaya ng sabi ko, masaya na malungkot na masalimuot ang naging pakikipagsapalaran namin sa bansa ng kimchi at bakal. Ito ang mga karanasang masarap ikwento sa mga umpukan. At si Sir ang aking unang kahuntahan.

___________________________________________________________

Hunyo 17, 2005. Guwangju. Umuulan ng snow nang dumating kami sa South Korea ni Abet. Tuwang-tuwa nga ako  kasi pangarap ko talagang makarating sa bansang may niyebe. At dahil Pinoy nga, dali-dali kaming nagpakuha ng litrato. Pang-upload sa Friendster.

Parehas kami ng recruitment agency sa Maynila na nagpapadala ng mga manggagawang kailangan ng bansang Korea. Taga-Laguna siya at ako naman ay taga-Batangas. Palibahasa’y parehong Tagalog,  kaya naman nagkapalagayan kaagad kami ng loob. Dati siyang drayber sa Liliw at ako naman ay isang guro sa isang pampublikong paaralan. Kumbaga, mas batak siya sa trabaho kaysa sa akin kaya mas madali siyang natuto sa trabahong sinuong namin. Bakal ang binubuhat namin at inilalagay sa hulmahan ng makinang tagagawa ng pinto ng sasakyan at ng refrigerator. Factory worker. Malayo sa trabahong iniwan ko sa Pilipinas.

May asawa si Abet at may tatlong anak. Hindi raw sapat ang kinikita niya sa pamamasada kaya naisipan niyang mangibang-bansa. Naiintindihan ko naman siya. Ako man ay talagang kinakapos sa pagba-budget ng sweldo. Kaya naman nagkasundo kami sa isang bagay. Iyun ay ang makaipon at makapagbigay ng magandang kinabukasan para sa aming pamilya.

Mabait si Abet. Mahusay magluto at matulungin, lalo na kapag kailangan ko ng tulong sa makinang nakatoka sa akin. Lumalapit naman siya sa akin kapag hindi niya naintindihan ang sinasabi ni Sajangnim namin. Mas marunong kasi ako sa Hanggul kaysa sa kanya. Isa lang ang ayaw ko, ang kanyang mga bisyo. Noong unang sweldo namin, bumili siya kaagad ng suplay ng sigarilyo at soju na gabi-gabi naman niyang tinutungga. Pampaalis-homesick daw.

Lumala pa iyun nang kumuha ng babaeng worker sa aming pabrika. Si Lina, asawa ng isang Koreano at tama lang na sabihin na may angking ganda ng isang Pilipina.  Madali naming nakapalagayang-loob si Lina, palibhasa ay palatawa at bihasa sa Hanggul. Malaking tulong siya sa amin lalo na kapag malalim na Hanggul na ang sinasabi sa amin ni Sajangnim.

Pero sa pagpapalit ng panahon mula sa tagsibol papuntang tag-init, sumibol din ang isang bawal na pag-ibig sa kanilang dalawa. Bagaman noong una’y ayaw nilang aminin, nahalata ko naman iyun sa kanilang tinginan at mga panakaw na usapan. Sinubukan kong kausapin si Abet, sapagkat lumiliban na siya sa pakikipag-chat sa pamilya at madalang na ring tumawag sa Pilipinas. Minsan nga’y narinig ko pa siyang sumigaw sa cellphone ng “WALA AKONG BABAE DITO. WAG KANG MAPAGHINALA”. Nang makita niya ako’y lumayo upang di ko marinig ang usapan nila ng asawa niya. Si Lina naman ay sinubukan ko ring paalalahanan, pero sagot niya, mahal niya si Abet at kaya niyang isakripisyo ang lahat. Naisip ko tuloy, aling sakripisyo ang tama, kaninong sakripisyo ang mali? Dapat ko ba talaga silang intindihin na lang?

**********

Tuluyang nawala si Abet sa landas na dapat niyang tahakin. Kinalimutan ang tanging layunin niya ng pangingibang-bansa. Ako naman, natutong gumala at mamangha sa ganda ng Korea. Sinubukan kong makipagkilala sa iba pang Pinoy sa Guwangju. Naghanap din ako ng simbahan. Kailangan ko kasi ng pagkukunan ng lakas.  Ang totoo kasi, nanghihinayang rin ako sa aking karera. Hindi naman ito ang buhay na gusto ko, dangan nga lang at ako lang talaga ang inaasahan sa pamilya. Labas-masok sa ospital ang nanay ko dahil sa sakit sa atay. May kapatid rin akong pinapaaral sa kolehiyo kaya kailangan talagang kumayod. Pati ang relasyon sa kasintahan, nasakripisyo.

Sa bus papuntang Geumnamno (kung saan makikita ang simbahan), doon ko nakilala si Kuya Henry. Medyo may edad na, pandak at sunog ang kulay. Palakwento si Kuya Henry. Humanga nga ako sa kanya sa dami ng dalang litrato ng pamilya. Puno ng pagmamalaki at pananabik. Marami siyang baong istorya. Kesyo sampung taon na siya dito, kesyo matanda na nakapag-asawa kaya sa edad na singkwenta ay may mga anak pa sa elementarya, kesyo naloko dati ng recruiter, kesyo  lahat ng kamag-anak ay nangungutang sa kanya, kesyo ganito sa Korea kaya maunlad, kesyo TNT siya kaya palipat-lipat ng trabaho, kesyo ganito, kesyo ganyan. Nakarating kami sa simbahan at kesyo nga matagal na, isa siya sa mga opisyal ng Filipino Community sa Gwangju.

Isa iyun sa magandang nangyari sa akin, ang makasapi sa isang samahang layunin ay pagbukludin ang mga Pilipino sa banyagang lugar. Nakakatuwa nga dahil mas naramdaman kong Pilipino ako dito sa malayong lugar. Paano ba naman, dito ako natututong magsayaw ng tinikling at pandanggo sa ilaw na parating patok sa mga paligsahan ng bansa sa International Community Day. Sumali rin ako sa choir ng simbahan. Sumama sa mga field trip at festival sa Korea. Lumahok sa mga komite ng Liga ng Palaro at mga seminar na ibinibigay ng simbahan. Kahit  paano, muling umangat ang tingin ko sa sarili sa kabila ng pagtalikod ko sa aking propesyon. Kahit paano, umandar pa rin ang utak ko, hindi puro katawan lang. Masarap ding ipagmalaki ang lahing kayumanggi sa mga hindi kalahi. Iyun kasi ang unang itinuro ng samahan. Ang maging Pilipino at ipakilala sa mga Koreano at iba pang lahi ang kagalingan at kabutihan ng Pinoy.

Magkaibang paglalayag na ang tinahak namin ni Abet. Nilamon na siya ng prinsipyong hindi ko maintindihan. Nakipaghiwalay na sa asawa. Nagpapadala na lang ng sustento sa mga anak. Ang nakakalungkot pa, si Lina, hindi na rin umuuwi sa kanila at tumira na rin sa accommodation namin. Hindi ko alam kung batid ni Sajangnim ang relasyon nila pero yung iba naming katrabahong Koreano, madalas akong tanungin tungkol sa kanila. Hindi na lang ako umiimik.

Ngunit  si Kuya Henry, nalaman niya agad sa unang araw pa lang niya sa pabrika namin. Inirekomenda ko kasi siya nang minsang marami kaming trabaho pero kulang ng tao. Nagtangka din siyang kausapin sina Abet at Lina pero wala ding nangyari. Nandoon ako noong paliwanagan niya at basahan ng Bibliya ang dalawa pero wala pa rin. Muntik pang magsuntukan si Kuya Henry at Abet kung hindi lang ako pumagitna.

Muling umulan ng niyebe. Muling sumibol ang mga punla. Muling namulaklak ang mga bulaklak at halaman. At muling nagtaglagas. Nakatapos sa Grade six na balediktoryan ang panganay na anak ni Kuya Henry. Umalis si Lina sa pabrika pero nagbalik din pagkatapos hanapin ni Abet at ni Sajangnim. Ako naman, halos gumuho ang pangarap nang malaman kong nakabuntis ang pinapaaral kong kapatid. Pero, gaya ng payo ni Kuya Henry, pinag-aral ko pa rin, tutal isang semestre na lang. Kami pa rin ng kasintahan ko, bagaman hindi maiwasan ang alitan ay patuloy na humahawak sa pangakong walang lokohan.  Salamat sa chat, tawag at e-mail. Nagpatuloy ang daloy ng buhay gaya ng pagkatututo namin ng pagkain ng kimchi. Naisip ko, ang buhay pala, parang kimchi. May anghang pero may sustansiya. Noong una, masama sa panlasa pero kapag nakasanayan, hinahanap na rin ng dila. Nasasama sa sistema, sa daloy, sa pintig, sa pulso, sa dugo. Maanghang pero magpapatibay ng sarili.

**********

Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Nasa kasagsagan kami ng pagtatrabaho. Lahat nakatutok sa kanya-kanyang makina. Halos hindi nga kami nagkakarinigan sa ingay ng bakal at bagsak ng mga makina. Subalit, natigagal ang lahat ng isang sigaw. Malakas at may sakit na sigaw. AAHHHH, ANG KAMAY  KOOOOO… Sigaw iyon ni Abet. Si Kuya Henry ang unang tumakbo sa pwesto niya. Nagloko pala ang makina niya. Nakita ko kung paano nagkulay-suka ang mukha ni Kuya Henry. Puno ng dugo ang kamay ni Abet. Mabilis niyang pinatay ang makina at agad itinakbo si Abet sa opisina na agad ding dinala sa ospital. Tiningnan ko ang makina ni Abet. ANDUN ANG ISANG DALIRI AT DUROG-DUROG NA LAMAN. MARAMING DUGO AT MAY PUNIT NA TELA NG GUWANTES.  Nanlambot ako. Nanghina. Napaupo sa isang tabi. Tumakbo ako sa likod ng pabrika. Nagsuka. Pagbalik ko sa loob, hinimatay naman daw si Lina. Nasa opisina at sinusubukang pabalikin ang diwa. Pinahinto na kami ng trabaho ng araw na iyon. Hindi ako makatulog kinagabihan. Bumabalik sa isip ko ang daliri. Ang sakit. Ang makina. Ang sigaw ni Abet. Hindi pala malayong mangyari sa amin ang nangyari sa kanya. Sakripisyo, buhay, kaligtasan. Malaki  talaga ang isinusugal namin kapalit ng inaasam na kaunlaran.

Natigil si Abet sa ospital. Noong dumalaw kami ni Kuya Henry, nakabenda pa ang kanang kamay. Putol na daw ang isa niyang daliri. Nakita ko sa mukha niya ang kaguluhan. Ang kawalang katiyakan. Blangko kung tumingin. Umiyak siya at paulit-ulit na inuusal na iyun daw ang karma niya. Pinaliwanagan namin siya na may plano sa kanya ang Diyos. Ayaw niyang tanggapin iyon. Malupit daw pala ang Diyos. Iba kung maningil. Ganoon pa man, binigyan namin siya ng Bibliya. Sabi ko, basahin niya kapag handa na ang puso niya at kung kailangan niya ng sagot sa mga tanong.

Nang bumalik kami sa pabrika, wala na si Lina. Nakonsensiya rin siguro. Kinausap naman namin ni Kuya Henry si Sajangnim tungkol sa bayad sa ospital, insurance at sweldo ni Abet habang nasa ospital. Walang matinong maisagot sa amin. Wala daw sweldo. Yung sa ospital lang daw ang sagot ng kumpanya. Itatanong pa daw nila ang tungkol sa insurance. Sinabihan pa si Kuya Henry na huwag makialam.

Kinagabihan, binulabog kami sa pagtulog ni Sajangnim. Pinapalayas si Kuya Henry. Ibinato pa sa kanya ang suweldo at nagbantang isusuplong sa Immigration. Nahabag ako sa hindi makataong pagtaboy kay Kuya Henry. Walang nagawa si Kuya. Ganoon naman daw talaga ang buhay ng TNT. Parang basahan kang itatapon kapag hindi kailangan. Umalis siya nang gabing iyun na hindi ko alam kung saan patutungo.

**********

Ilang linggo pa ang lumipas, pukpukan ang naging trabaho namin sa pabrika. May mga bagong tao sa kumpanya pero mga Koreano na. Sinubsob ko na lang ang sarili sa trabaho. Natakot din ako, baka kasi maulit yung nangyari kay Abet kaya naman doble-dasal ako sa pwesto ko. Nasa kalagitnaan ako ng trabaho nang makatanggap ako ng tawag sa Pilipinas. Si Tatay ang nasa kabilang linya, at para akong binuhusan ng malamig na tubig sa ibinalita niya. Patay na daw si Inay. Bakit ganun? Noong huling tawag ko sa Inay, sabi niya kami na lang daw ang walang problema. Iyun pala, parang paramdam niya na rin. Masakit isiping wala na ang taong isa sa dahilan ko ng pangingibang-bansa. Marami pa akong pangarap para sa kanya. Hindi ko pa nasusuklian ang kabutihan niya bilang ina. Ang sakit-sakit sa kalooban. Iyun na siguro ang pinakamapanglaw na araw para sa akin.

Hindi ako pinayagan ng kumpanya na makauwi kahit halos maglupasay ako sa pagmamakaawa. Ano pa daw magagawa ko e patay na nga? Gusto kong magmura. Gusto kong ipamukha sa kanila na gusto kong makita ang nanay ko kahit sa huling pagkakataon. Pero ako ay dayuhang tangan sa leeg ng aking amo. Wala akong magawa kundi ang magdasal. Magdasal na maunawaan ako ng pamilya ko. Ng Nanay ko. Nang gabing iyun, inialay ko lahat sa Panginoon lahat ng sakit na nararamdaman ko.

Marahil nang gabing iyun, nagdarasal din si Kuya Henry. Kung saang lupalop na naman siya mamamasukan para may maipadala sa Pilipinas. Kung saan muling magsisimula ng pagpapaalipin. Marahil,  nang gabing iyun, nagdarasal din si Abet. Kung paano siya babangon. Kung paano siya papatawarin ng pamilya niya. Kung paano niya haharapin ang mundo na putol ang isang daliri. Nang gabing iyun, bumaha marahil ng luha. Ng panalangin. Ng pagtitiwala. Ng hinanakit. Ng kahinaan. Ng kalakasan. Ng pag-asa.

**********

Mayo 20, 2008. Filipino Community Day. Isa ang araw na ito sa pinakamahalagang araw sa aming mga Pilipino sa Gwangju. Pista iyun upang itampok ang lutong Pinoy, kagalingan at talento, sining at kultura ng lahing kayumanggi. Araw din iyun ng pagpili ng Natatanging Pinoy sa Gwangju. At nagagalak ako dahil ang napili ay hindi iba sa akin. Si Kuya Henry, ang kauna-unahang TNT na pinarangalan ng Filipino Community. Lalo akong humanga sa kanya nang ikuwento ng tagapagpakilala ang kabayanihan ni Kuya Henry. Na si Kuya Henry ay may pusong handang tumulong. Siya lang ang TNT na matapang na pupunta sa Immigration para tulungan ang mga nahuling mga kababayan na TNT din. Katuwiran niya, hindi siya paghihinalaan dahil nga malakas ang loob niya na tumapak ng opisina nila. Na si Kuya Henry ang tumulong sa isang kababayan na binugbog ng mga kabataang Koreano. Na si Kuya Henry ang naglapit sa mga battered wives na Pinay na asawa ng mga Koreano sa tamang ahensya ng pamahalaan. Bumilib ako sa kanya sa kanyang talumpati na HINDI HADLANG ANG PAGIGING TNT PARA TUMULONG. PARA PATUNAYANG MAGALING ANG LAHING PILIPINO.

Si Abet nga pala, isa din sa natulungan ni Kuya Henry. Nakuha niya ang insurance at tamang bayad mula sa kumpanya namin. Nakabalik na rin siya sa kumpanya at nakapagtrabaho ulit. Nagkabalikan na rin sila ng asawa niya. At higit sa lahat, tinanggap niya sa puso niya na ang Panginoon ang siyang pinakamatibay na sandigan.

Naging guro din ang kapatid ko at may pamilya na. Kapag nakakaluwag, tumutulong din sa pinansyal na pangangailangan ng aming pamilya. May kaunti rin akong naipon, iniisip ko pa kung anong negosyo ang papasukin.  Balak ko sanang bumalik sa pagtuturo, iyun ay kung mabibigyan ng pagkakataon. Naaalala ko minsan ang Inay pero alam ko masaya na siya ngayon. Siyangapala, gugulatin ko ang kasintahan ko sa dala kong singsing kasabay ng pag-aya ng pagpapakasal. Sinong may sabing hindi nagtatagumpay ang long-distance relationship?

Hindi ko malilimutan ang huling gabi ng pagsasama-sama naming tatlo. Dangan kasi, ako lang ang uuwi sa Pilipinas. Si Abet kakauwi ng Pilipinas pagkatapos niyang lumabas ng hospital. Si Kuya Henry naman, TNT pa rin at sabi niya, dalawang taon pa siya sa Korea. Kaysarap isiping natikman man namin ang anghang ng buhay, naging malakas at matatag naman kami pagkatapos. Tatlong taon ng pagkakaibigan, pagdadamayan at paglalayag.

Sa gitna ng pagkain ng rameon at kimchi at pag-inom ng  soju, naluha ako nang basahin ni Kuya Henry ang talata mula sa Mangangaral ng Bibliya.

Ang lahat ng pangyayari ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos.

Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;

Ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbubunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
Ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.

Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
Ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.

Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
Ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.

Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
Ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.

Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
Ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.

Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
Ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.

________________________________________________________________________________

“Sir, Umiiyak po ba kayo?” tanong ko sa matandang lalaking katabi ko.

“Tama ka, napagtagumpayan ninyo nga ang laban ninyo sa Korea. Natutuwa akong nalaman ang iyong kuwento,” nagpapahid ng luha si Sir habang nakangiti.

“Salamat po sa pakikinig,”

“A, wala iyun. Ikinararangal kong nakasabay ka sa flight na ito, teka, ano nga bang pangalan mo?” sabay abot sa kamay ko at nakipagkamay.

“Sir, Luis po. Luis Licaros. Kayo po ba? Mukhang kagalang-galang po kayo e.”

“A, tawagin mo na lang akong Sir Ramon. O paano, oras na pala ng pagpasok sa eroplano natin. Mauna na ako sa iyo, Luis.” At naunang pumasok sa akin si Sir Ramon. Mukhang sa Business class siya e.

Tumayo na rin ako at kinuha ko ang mga dala ko, ang stuff toy na padala ni Abet, ang plake na padala ni Kuya Henry at ang trophy na pabaon ng Filipino Community.

“Pare, hindi mo ba kilala yung kausap mo?” tanong sa akin ng kasunod kong balikbayan.

“Hindi. Ngayon ko nga lang yun nakita e,” sagot ko naman na nakakunot ang noo. “Bakit sino ba yun?”

“Pare, siya yung Ambassador natin dito sa Korea.”

At naisip ko ang una kong gagawin paglapag sa airport. Iyun ay ang isalaysay kung paano ako napunta sa Business class ng eroplano.

___________________________________________________________________

Talasalitaan

Hanggul – wikang Koreano

Kimchi – maanghang na pagkain ng mga Koreano

Rameon – Noodles

Sajangnim – May-ari ng Kumpanya

Soju – alak sa Korea

_________________________________________

Para kay Kuya Henry, sa mga dating kasama sa Korea at sa lahat ng OFW sa buong mundo.

Bakit Si Maya Ang Napili?

Kakatapos lang pumili ng bagong hari ng kagubatan. Tapos na kasi ang panunungkulan ng malakas na si Leon at ng matalinong si Kuwago. Lahat ng hayop, kulisap at ibon sa gubat ay nagkaisa. Si Maya ang kanilang napiling mamumuno sa kanila sa kabila ng kanyang kaliitan. Nagtaka tuloy si Elepante, ang pinakamalaking hayop sa gubat at siya ring pinakamahigpit niyang kalaban.

Tinanong ni Elepante si Baboy Damo.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya kasi tinuruan niya ako ng kalinisan,” tugon naman ni Baboy Damo.

“Pero ikaw ay baboy, ayos lang sigurong magdumi ka,” pangungutyang dagdag ni Elepante.

“Hindi ko nga iniisip dati ang maglinis pero nang minsang kumakain ako ng aking pagkain, nakita niyang madumi ang lugar na aking pinagkainan, tinuka niya ang mga natapong pagkain, at nalinis pa ang aking tahanan. Simula noon, natuto na akong maglinis ng kapaligiran,” paliwanag ni Baboy Damo at si Elepante ay kanyang tinalikuran.

Pero nagtaka pa rin si Elepante. Sunod naman niyang tinanong si Unggoy.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya dahil tinuruan niya akong mag-isip na kahit basura ay may pakinabang pa.” sagot ni Unggoy na naglalambitin pa sa sanga ng isang puno.

“Basura, May pakinabang?” Nalilitong tanong ni Elepante.

“Iyan din ang nasa isip ko dati pero nang minsang sabay kaming kumain ni Maya, napansin kong iniipon niya ang mga patapong uhay ng palay. Gagamitin niya daw iyun sa pagbuo ng kanyang pugad. Siya ang nagsabi sa akin na ang balat ng saging ay pwede palang gawing pataba sa lupa kaya simula noon, ganoon na nga ang aking ginawa,” matalinong sagot ni Unggoy.

Pero nag-isip pa rin si Elepante kung bakit isang maliit na hayop ang kanilang napili. Sunod niyang tinanong si Tipaklong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Napili ko si Maya kasi mayroon siyang pagpapahalaga sa pag-aaral,” sagot ni Tipaklong.

“Bakit mag-aaral ka pa, sapat na sigurong maglibang ka na lang sa iyong paglundag-lundag sa damuhan,” sabi naman ni Elepante.

“Iyan nga din ang nasa isip ko. Pero minsang tanungin niya ako kung ilang oras ba ako dapat maglaro, hindi ko alam ang isasagot ko. Hindi kasi ako marunong magbilang. Noon ko nalaman na tama si Maya, dapat akong mag-aral upang matutong magbilang at ngayon, marunong na rin akong magsulat at magbasa,” paliwanag naman ni Tipaklong na muling lumundag sa isang damo.

Pero hindi pa rin makumbinse si Elepante. Tinanong niya naman ang matandang Kalabaw.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Si Maya ang aking napili dahil may paggalang siya sa matatanda. Dangan kasi, napikon ako kay Tagak dahil parati siyang kumakanta ng Kalabaw lang tumatanda, Kalabaw lang ang tumatanda. Sinabihan pa akong ang bagal ko na daw kumilos sa bukid. Nag-away kami ni Tagak at si Maya na ang sumakay sa likod ko para tukain ang mga insektong sa aking likod ay nananahan.”

Nag-uusap ang dalawa nang lumapit sa kanila si Tagak.

“Pasensya ka na, Kalabaw sa aking inasta noong isang araw. Kinausap na ako ni Maya at ipinaunawa sa akin ang aking kamalian. Simula ngayon, hindi na kita tutuksuhin sa iyong kalagayan.” Paliwanag ni Tagak.

At nagbati na ang dalawa. Agad sumakay si Tagak sa likod ni Kalabaw at lumakad palayo. Pero ayaw pa ring maniwala ni Elepante. Lumapit siya sa mag-inang usa. Binulungan niya si Usa at tinanong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?

“Napili ko si Maya kasi siya ay matulungin at mapamaraan.” Sagot ni Usa habang pinapatulog ang anak.

“Paano mo naman iyan nasabi?“ dugtong na tanong ni Elepante.

“Alam mo bang noong isang araw ay nilusob tayo ng mga mangangaso, takot na takot kami ng anak ko. Napansin kami ni Maya at ang ginawa niya, ginising niya ang mga natutulog na bubuyog at ipinahabol niya ang mga mangangasong nagkaripasan sa pagtakbo. Salamat talaga kay Maya. Marahil kung hindi dahil sa kanya, wala na kami sa kagubatang ito.”

Malapit nang bumilib si Elepante. Lumapit siya kay Paruparo at nagtanong.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

“Si Maya ang aking napili dahil tinuruan niya akong mahalin ang aking sarili,” sagot ni Paruparo habang palipat-lipat ng lipad sa mga bulaklak.

“Hindi kita maintindihan,” tanong na naman ni Elepante.

“Ganito kasi yun, noong ako ay uod pa lang, sinabi ko sa kanyang ako’y kainin na dahil wala akong silbi sa panget kong kalagayan. Pero hindi niya ako man lang tinuka at sa halip ay pinayuhan na maghintay ng tamang oras. Tingnan mo ako ngayon, isang magandang paruparo. Salamat kay Maya at ako’y kanyang iminulat”

Nagsisimula nang humanga si Elepante. Tinanong niya si Musang.

“Bakit si Maya ang iyong napili?”

Napili ko si Maya kasi may pagpapahalaga siya sa kalikasan,” sagot ni Musang habang nakahiga sa isang ugat ng puno.

“Pero lahat tayo ay nagpapahalaga sa kalikasan.” Sabi naman ni Elepante.

“Oo nga, pero mas nakita ko iyan kay Maya. Minsan kasing kumakain kami ng mangga, hiningi niya sa akin ang buto at inilipad niya ito sa matabang lupa. Sabi niya, kailangan daw itanim uli ang mga iyon upang maging puno ng kinabukasan,” paliwanag ni Musang.

At sa dami ng kanyang napagtanungan, nakumbinsi na rin si Elepante. Kaya naman, lumapit siya kay Maya at binati niya ito.

“Kaibigang Maya, binabati kita. Tunay na ikaw ay karapat-dapat na tularan sapagkat ikaw ay isang mabuting nilalang sa kagubatan.”

“Salamat, Kaibigang Elepante. Lahat tayo ay may magagawa. Kailangan nating magkaisa upang mas maging masaya ang buhay natin dito sa gubat. Hindi hadlang ang murang edad o laki ng katawan upang gumawa ng kabutihan.”

Lalong natuwa ang mga hayop, kulisap at ibon sa kagubatan. Hiningan nila ng isang awit si Maya na agad namang nagpaunlak.

“Twit, Twit, Twit, Twit.

Ako ay isang ibong marikit

Maliit ako pero mabait

Bata man ako’y may magagawa

Iyan ay ang tumulong sa aking kapwa.

Twit, Twit, Twit, Twit.

Mahalin natin ang ating paligid,

Mag-aral, maglaro at umawit.

Mas masaya ang buhay

Kung walang kaaway.

Twit, Twit, Twit, Twit.

At naging maligaya ang buong kagubatan.

Kikay

“Mahilig magpacute kahit kikay
Malambing pa sa kambing kahit kikay
Ang harot na maharot kahit kikay
Malandi kung ngumiti kahit kikay”


OMG!!! As in, OMG.. Me problema si Trixie.

Ganito kasi yun. She’s a super duper uber mega to the highest level kikay. Idol niya ang kanyang Ate Kris. As in, you know… Kelangan lahat pink ang kanyang gamit. Kumpleto din siya ng kanyang kikay kit na inilalabas niya before and after class. And lahat ng abubot na magpapakita ng kakikayan, kelangan meron siya bago pa man maging uso sa school. Sorta Fashionista. Kinda Trendsetter… Maarte din siya magsalita and she’s like that. Kahit nga sa recitation sa klase, she has to do it in kikay way of making taglish da answers.. So what?

But then, nainlab ang super duper uber mega to the highest level kikay na si Trixie. Nope, hindi dun sa heartthrob ng school nila na gwapo, varsity player, at me kotse. Nope, hindi rin dun sa student council president nila na super talino na every competition, winner. Nope, hindi rin dun sa choir member nila na total music man, na as in lahat ng musical instruments, master na master and the boses na so kakakilig. OMG.. as in OMG… she’s inlove with a human being… as in in love siya sa isang X, isang unknown figure sa school. Isang jologs, na galing probinsya, na me provincial accent, na ewww ang taste sa music at fashion. She doesn’t know why…She’s like stupid nga, e.. Basta, she likes that guy, as in super… It’s like super duper like na you want to be with him all the time.

Kaya ayun, ang ginawa ng super duper uber mega to the highest level kikay na si Trixie. She tried everything to befriend the jologs slash promdi slash ewww na guy and nagtagumpay naman siya. E, ano pa nga ba.. What Trixie wants, Trixie gets… And then, she started her mission.. Ala- Total Make Over episode. As in Total talaga. It’s not nice naman di ba, na she’s the Kikay Queen ng school and yung sweetie niya is like maglulupa di ba? So yun, she started with making this guy realize na cute siya, she means it, he’s cute naman talaga. And then, sumama siya dito sa pagbili ng gamit and damit. She even tried giving him t-shirt na pink and he’s hot naman talaga, hahaha. And then, she makes payo to this guy na mag-english na lang kasi di masyado halata yung accent niya pag English. He really can pass for a conyo guy slash call center guy from Makati. From Promdi to Hottie. And she loves it. And she loves him.

“Kani-kanina lang habang nasa gimikan
May nagtanong sa aking pangalan
Muntik ng mahulog ang puso ko
Nakita kong lumapit ay isang macho
Nagpakita ako, nag otso-otso
Akala niya tuloy, ako`y sira-ulo”


So ayun,, e ano pa nga ba, e di naging item as in Hot Item sila sa school. You know, Kikay Queen meets her Hottie Sweetie. Ang dating X na guy sa school nila e nagkaroon ng attention, ng popularity. It went well naman coz magkasundo sila sa lahat. Sa porma, kelangan sila ang bida, ang life of the party, so nice, so like,, hmmm it’s like they are artista in their school. Yung Promdi to Hottie naging consultant ng mga nerd na nanliligaw ng iba pang hot chicks sa school. Sa porma, ginagaya rin siya. And nirerecruit rin siya ng ibang mga orgs sa school. As in,,, OMG… hindi niya ma-imagine…

But wait, OMG,,, wait, me napapansin siya sa Hottie Sweetie niya. He’s like enjoying the company of boys,,, And may glow ang kanyang eyes. You know, yung glow na kakaiba. Like pakikay na glow? OMG,, as in, OMG,, don’t tell me,, please… KIKAY na rin nga ba si Hottie Promdi?

“Sorta, kinda, like a, parang may medyo pagka
Sayaw kikay, sayaw kikay
Sorta, kinda, like a, parang may pagka
Sayaw kikay, sayaw kikay
Lalalala Lalala
Lalalala Lalala”