Dahil Hindi Lang Amerika Ang Kausap Ni Obama

mga bata... wag kayo magsiksikan diyan sa kabila, maluwag pa dito sa kaliwa

Gusto ko lang ibahagi sa inyo ang talumpati ni President Barack Obama sa pagsisimula ng klase sa Amerika.

Ito ang masarap na ipabaon sa mga batang muling makikipagsabayan sa traffic, assignments, polusyon, recess at oo nga pala, sa pakikipag-agawan ng upuan sa klaseng 70 ang bilang ng estudyante..

Anu’t anupaman, matuto sana tayong ipaalala sa mga batang ito ang kahalagahan ng edukasyon. Na ang tagumpay ay hindi ganun kadali dahil may kasama itong pagsisikap. At lalong dahil hindi lahat ay magiging artista at basketball player.

Ito ang kabuuan ng talumpati ni Pangulong Obama.
____________
**pic from thecaucus.blogs.nytimes.

‘Tol, Bomoto Ka

‘tol, bomoto ka. Ito ang isang magandang regalo sa atin ng demokrasya. Ito rin ang isa sa mga rare chances na maging pantay sa lipunan ang mayaman at mahirap. Dahil ang bilang ng boto ng isang tambay sa kanto ay katumbas ng isang boto ng isang abogado. Gamitin mo ito hindi lang bilang isang karapatan, kundi bilang isang tungkulin. Oo, dahil nasa kamay mo ang pagpili ng mas maayos na bukas. Yang isang boto mo ang pwedeng magdala sa Pinas sa mas maayos-ayos na kalagayan.

‘tol, bomoto ka. Election precinct lang ang allowed na magkaroon ng kodigo ngunit bawal ang mangopya sa katabi. Sa pag gawa mo ng kodigo, kausapin mo ang iyong konsensiya tulad ng ginagawa mo sa pagbili ng safeguard.Y ung konsensiya mo lang ang tanging makakatulong mo sa pagbuo ng desisyon base sa ibinigay sa iyong impormasyon ng media. Wag kang padala sa sulsol at lalong wag pabili sa suhol. Hindi nila alam ang isusulat mo sa balota kaya mag oo ka lang sa tatay mong nangungulit na iboto mo yung nagbigay sa barangay niyo ng bola ng bastketball o sa nanay mong nakakuha ng libreng bigas at sardinas sa barangay. Isipin mong ang tunay na pulitiko ay di sa panahon ng pangangampanya inaasahan ng mga mamamayan. Alalahanin mo ang nagawa o naiambag niya sa lipunan bago pa man siya magpamudbod ng grasya. Baka kasi galing din yan sa bulsa mo.. sa kaban ng bayan.

‘tol, bomoto ka. Wag kang magreklamo na wala kang pagpipilian. Marami kang choices. Kunsabagay naiintindihan kita kung bakit ka nahihirapang mamili. Sa tagal nga ng panahon ay halos magkakamukha na sila. Buwaya at paru-paro. Pero sinasabi ko sayo, maging matalino ka lang. Makikita mong mayroon pa rin namang pwedeng maging boses mo sa pamahalaan. Oo nga’t walang nakasaad sa konstitusyon na mataas na kwalipikasyon ng mga kandidato, dapat mong isipin na kahit ang isang janitor sa opisina ay hinahanapan ng biodata. Kung ikaw ay may negosyong ipapamahala sa isang tao, kanino mo ito ipagkakatiwala? Ganyan ang pagboto. Moralidad, edukasyon at kakayahan. Ito ang mga bagay na dapat mong isaalang-alang sa pagpili. Isipin mong ikaw ay isang bigating presidente na naghahahanap ng magagaling na taong magpapatakbo ng iyong kumpanya. Bomoto ka at ihalal mo ang sarili mo. Ihalal mo ang taong kaparehas mo ng pananaw at prinsipyo. Isipin mong ang pangalang isusulat mo sa balota ay pseudonym lang ng tunay mong pagkatao.

‘tol, bomoto ka. Kundi man para sa sarili mo, para sa henerasyong nasa likuran mo. Malaki ang epekto ng gagawin mong pagboto kahit sa mga batang hindi pa man naisisilang. kadugtong ng election ngayon ang mangyayari sa bukas. Bomoto ka. At ingatan mo ito. Hindi natatapos ang halalan sa loob ng election precinct. Magbantay ka at maging mapagmasid. Wag mong hayaang may manggulo o magnakaw sa mga balota. Hindi na lang siya simpleng ballot at ballot boxes. Kinabukasan, pag-asa at yaman na iyon na hindi mo dapat ipagwalang bahala.

‘tol, bomoto ka. Muli kang manalig. Muli kang magtiwala. Muli kang umasa. Malay mo, sa pagkakataong ito, marami na tayong naging gising at naging tama.

Of Crocodiles and Butterflies

“Kung ang isasalubong sa inyong pagdating ay maamong mukha at may pakitang giliw, lalong pag-ingatan kaaway na lihim.”
—-Pilosopo Tasyo

Crocodiles. Butterflies. Croco-flies. Butter-diles. Actually, they are of the same blood. Sila lang naman yung mga creatures sa political arena ng Pinas. Anak ng pitumput pitong puting pating naman, oo. Wala na bang iba?

When my tatay asked me kung boboto ako through absentee voting, napasinghal tuloy ako and uttered in disgust na “sus, wala rin naman e.” Alam mo kasi sa pamilya namin, medyo talagang nagdedebate kami kung sino yung mga isusulat namin sa balota. I remember last presidential election, yung tatay ko, ay sus, die-hard FPJ, yung isa kong kuya si roco, yung ate ko si villanueva at ako, anak ng tipaklong si eddie gil (joke joke joke), si GMA pala. Kasi lam ko, last election, dalawang tao lang naman talaga naglalaban. Si FPJ at si gloria. Naman, me utak naman ako. Ginamit ko lang. Only to find out na nandaya pala si gloria. Bad trip di ba. Boboto ka, aasa at muling magtitiwala pero sa huli, ano nga ba talaga ang napapala?

Etong election na to, marahil walang ipinagkaiba sa scores of election na nagdaan, na goons, guns and gold ang patakaran, na dirty tactics at black propaganda ang paraan, at personality and popularity pa rin ang laban. Idagdag na rin natin ang record of most number of butterflies. Naman, sino ba ang sino. Sino ba ang kakampi nino at sino ba ang kalaban nino. Naalala ko nga yung statement sa taas ni pilosopo tasyo ke crisostomo ibarra sa noli me tangere. Kakampi ko ba talaga yung pulitikong nakangiti sa poster or yung nakamayan ko kanina or yung namudbod ng gamot o bigas o gin o sigarilyo o sardinas sa barangay? Anak ng tipaklong talaga, nakakatawang isipin na mas pinakikinabangan natin ang mga politician sa panahon ng pangangampanya at hindi sa panahon ng panunungkulan. Kaya naman me reason rin sila para maging buwaya, kasi nga naman binabawi niya lang yung puhunan niya nung election. Somehow lumilikha rin tayo ng mga buwaya sa maduming ilog ng pulitika. At ang mga paru-paro, kakaibang metamorphosis ung dinadaanan ng mga ito dahil prinsipyo at integridad lang naman ang itinataya nila makakopo lang ng posisyon sa mas mabulaklak na hardin at partido.

Oo nga pala, masusubukan natin sa darating na Mayo ang modernong paraan ng pagboto. Totoong mas madali at mas mabilis ang proseso ngunit ang tanong na bayan, handa na nga ba tayo sa ganitong teknolohiya? Totoo kayang matatanggal nito ang katiwalian sa eleksiyon at bilangan? Naka krus ngayon ang daliri ko pati sa paa para ipanalangin ang isang mapayapang eleksyon sa bansa.

Tsk.. tsk.. tsk.. wala na ba talagang iba? Naalala ko tuloy ung corny na joke. Sabi, VOTE WISELY daw. E me nagtanong, sino daw ba si wisely at anong posisyon. Aba’y matagal tagal na rin etong nangangampanya e di pa nakakaupo. Corny talaga.

Parang ako. hehehe. Sayang wala ako sa pinas. Na miss ko tuloy ung argumento sa kanto.

Mga Tanaga Para Kay Cory

INA
Sa yong sinapupunan
Kalayaan ‘sinilang
Pinakikinabangan
Ng buong Sambayanan.

ROSARYO
Bawat butil ng buhay
Panalangin ang alay
Armas sa bawat laban
Maykapal ang sandigan.

MANDIRIGMA
Pinakita mong tapang
Sa lahat ng digmaan
Sa historya ng bayan
May ningning ang yong ngalan

DILAW
Ang kulay nitong araw
Ay tulad ng ‘yong puso
Pag-asa ka at ilaw
Sa gabing may siphayo.

Bayani
Ang tunay na bayani
Hindi sukat sa laki
Nasa puwesto o wala
Tumutulong sa kapwa

PAALAM
Tapos na ang yong laban
Dito sa sanlibutan
Sa Langit ay may ngiti
Si Ninoy ang babati.

Corazon Aquino Salamat, Cory!!!

A CORY Story

Nanonood kami kanina sa TFC nung burol ni Tita Cory. Nagtanong yung bunsong kapatid nung gf ko ng,,

BAKIT PO LOSER YUNG MGA KAMAY NUNG MGA TAO SA BUROL?

Tambling talaga ako dito.. HAHAHAHA

Kaya kung sakaling nagbabasa kayo, Angelina at Yaya. Kayo na ang sumagot…