Sa Mga Kapwa Ko Bagong Bayani,

Nasa night shift ka man ngayon bilang nurse diyan sa Amerika, nagtatrabaho ka man bilang factory worker diyan sa South Korea, entertainer sa Japan, engineer sa Saudi Arabia, Domestic Helper sa Hongkong, IT expert sa Singapore, caregiver man sa Canada o kahit saang sulok ka man ng mapa sa daigdig, isang mainit na “Kumusta, kabayan?” mula sa isang office worker dito sa Qatar. Panalangin ko ay maayos ang iyong kalagayan.

Kabayan, naalala mo pa ba ang unang tapak mo sa Ninoy Aquino International Airport, noong ihatid ka ng mga mahal mo sa buhay patungo sa paliparan? Ni ayaw mo silang lingunin dahil ayaw mo silang makitang umiiyak at ayaw mo ring makita ka nilang lumuluha. At kumusta naman ang unang sakay mo ng eroplano? Nanginig ka ba? Napapikit habang nagti-take off? Napausal ka ba ng dasal nang makaranas ng turbulence ang eroplanong iyong sinakyan? Namangha ka rin ba sa mga ulap na tila abot-kamay mo lang?

Halu-halong pakiramdam. Sari-saring emosyon. Kagaya rin ng mga ulap sa kalawakan. Nakalutang. Andun ang saya at pananabik sa bagong kabanata ng iyong buhay. Andun ang takot at kaba kung anong buhay ang naghihintay sa banyagang bansa. Andun ang lungkot dahil nasa eroplano pa lang, nami-miss mo na kaagad ang iyong pamilya. Paano pa kaya ang ilang buwan, ang ilang taon? Andun ang pag-aalala dahil hindi mo na maipaparamdam ang yakap at halik mo sa kanila. Ang panahong kapag nagkakasakit ang isang miyembro ng pamilya na wala ka sa kanilang tabi ay tunay na malaking isipin. Ang mga okasyon at karanasang hindi mo masasasaksihan tulad ng unang lakad ni bunso, pagtatapos ni Ate, kasal ni Kuya, ang Pasko at Bagong Taon.

Kabayan, ano nga ba ang dahilan mo para mag-abroad? Mapag-aral sa magandang eskuwelahan ang iyong mga anak o kapatid? Makabili ng sariling lupa at bahay? Makapagpundar ng kahit maliit na negosyo? Maipagamot ang kapamilyang maysakit? Makapagbayad ng utang? Makapag-ipon? Ang mga ito ay ilan lamang sa mga pangarap na inilagay natin sa ating mga bagahe. Mga pangarap na masakit mang tanggapin ay sa ibang bansa pa matatagpuan, kapalit ng sakripisyo at pagtitiis.

Subalit gaya rin ng mga ulap sa kalawakan, ikaw rin ang ulap na magdadala ng ulan sa tigang na lupa. Batid mong may dahilan ang iyong paglayo. Kaginhawaan ng buhay para sa pamilyang iniwan. Katuparan ng mga pangarap. Para sa pamilya. Para sa magandang kinabukasan.

Naalala mo pa rin ba ang unang tapak mo sa banyagang lupa? Heto na ang tunay na digmaan. Namangha ka rin ba sa mga pagkakaiba at pagkakapareho ng Pilipinas at ng bansang iyong pinuntahan? Kamusta naman ang klima, hindi ka ba nanibago? At ang kalituhan lalo na sa lengguwaheng ginagamit? Kung paano manamit at kumilos ang mga tao? At ang simoy ng hangin pati na rin ang amoy ng mga lokal? Kainaman. Nabanggit mo rin ba na, para ka ring nasa Pilipinas? O kaya para ka lang nasa mas malinis na Maynila? Sana ganito, sana ganyan din sa Pilipinas. Pero nasa ibang bansa na tayo at ang dapat nating gawin ay makibagay sa kultura, klima at tradisyon ng bansang maghahatid ng gatas at pulot-pukyutan sa ating buhay.

Paano nga ba makibagay?

Madali ang adjustment kung magkakaroon ng positibong pananaw. Alamin ang mga bawal at batas sa ating destinasyon. Dito sa Middle East (lalo na sa Saudi Arabia), bawal pa rin ang pagdadala ng baboy. Maigi rito sa Qatar at may pwedeng bilhan ng karneng baboy dangan nga lang at kailangan ng lisensya na nagsasaad na ang sweldo mo ay katumbas ng mga manager sa bangko sa Pilipinas. Kapag Ramadan, ang maiksing damit o pagkain at pag-inom sa publiko ay mahigpit na ipinagbabawal. Kaya nga, igalang natin ang kanilang mga batas kung ayaw nating ma-deport tayo at mauwi sa basurahan ang lahat ng sakripisyo natin. Maigi ring pag-aralan ang kanilang wika kahit yung mga basic na pagbati, pasasalamat at mga pagtatatanong.

Makisama o makilahok din sa mga gawain ng Filipino community sa inyong lugar. Isa ito sa pinaka-epektibong pang-alis homesickness. May mga club tulad ng photography, bloggers, cooking at baking at kung anu-ano pang organisasyon. Mayroon ding liga ng basketbol, volleyball, badminton, cycling at marathon race na pwede mong salihan. Nagkakaroon tayo ng mga bagong kaibigang makakausap at kaparehas ng mga pinagdadaanan. Dapat nga lang ay paka-piliin natin ang ating mga kakaibiganin dahil may mga taong ilalayo tayo sa ating tuwid na hangarin. Hindi maikakailang maraming tukso tayong kakaharapin. Mga kapwa OFW na naghahanap din ng kalinga at pagmamahal sa malayong bayan. Pero kabayan, kapag dumating yung ganitong sitwasyon, parati nating isipin ang pinaka-dahilan ng ating pangingibang-bayan. Yun ay ang pagmamahal natin sa ating pamilya.

At napag-uusapan na rin natin ang pamilya, kailan ka ba huling tumawag sa kanila? Magkano nga ba ang ating ipinapadala? Paalala lang, kabayan. Pakipaliwanagan natin ang ating mga pamilya na tayo ay hindi namumulot ng pera rito sa ibang bansa. Uulitin ko, hindi tayo ATM. Batid mo at batid ko kung ilang sigaw (o mura pa nga minsan) ang nakukuha natin mula sa ating mga amo, kung ilang pagsusungit ang nakukuha natin sa mga kustomer, katrabaho at sa mga banyagang may matindi pa ring diskriminasyon sa ating lahi. Ipaalala natin sa kanila na hindi biro ang ating tinitiis para lang makapagpadala ng sapat na pera sa kanila. Kung kaya, huwag nating sanayin sa maluhong pamumuhay ang iniwan natin sa Pilipinas. Hindi masamang magsabi ng HINDI lalo na kung alam mong inaabuso na ang kabaitan mo, lalo na ang mga kamag-anak na buwan-buwan ay nagsasabi sa iyo ng pautang o pahiram. Hindi masamang tumulong pero dapat ilagay natin sa lugar. Sa ating mga kapamilya, huwag ipadama sa kanila na kasing mahal ng gadget ang pagmamahal natin sa kanila. Dahil ang mga gadget at kung anu-ano pa, lilipas at malalaos. Ngunit ang bukas na pinapanday natin, ang kinabukasang masinop nating binubuo ang pinaka-magandang regalong maibibigay natin sa kanila.

Mas mapalad tayo kaysa sa mga naunang henerasyon ng OFW na umaasa lang sa mga snail mail, voice tape at mahabang pila sa payphone. Mapalad tayo dahil nasa panahon tayo ng Information Technology at saksi tayo ng nagsasalimbayang agos ng Social Media. Nakakasabay na rin tayo sa kwentuhan ng mga paboritong programa sa telebisyon, pelikula at artista, mapa-lokal man o banyaga. Gamitin natin ang mga biyayang ito upang punan ang mga panahong wala tayo sa bayang sinilangan. Isang pindot lang ay maaari na nating tawagan ang ating mga mahal sa buhay. Isang click lang ay updated na tayo sa kung anu-anong kaganapan sa ating lugar mula sa mga larawang na-upload sa Facebook. Kamustahin natin ang pag-aaral ng ating mga anak o kapatid, mga bagay na nahihirapan o pinagdaraanan ng asawa o magulang. Komunikasyon ang pinakamahalagang sandata para mapatibay ang relasyon natin sa ating pamilya. Maglaan tayo palagi ng oras para makibalita at makipagkuwentuhan sa kanila. Kaya nga, isang biyayang maituturing ang bungang ito ng teknolohiya. Gamitin natin ito upang pa-igsiin ang milya at layo ng bawat pamilya. Paglapitin ang distansyang nakapagitan sa atin at sa kanila.

Siyangapala, huwag na huwag mong kalimutan na mahalin ang iyong sarili. Alagaan mo lalo na ang iyong kalusugan. Kumain nang wasto, mag-ehersisyo at mag-Vitamins. Iwasan na rin ang mga bisyo. Pakatandaan mong iisa lang ang katawan at buhay mo at marami pa ang umaasa sa iyo.

Kabayan, matanong ko lang, ikaw ba ay may ipon na? Maging matalino ka sa paghawak ng iyong kita. Alam mo at alam kong pawis, luha at dugo ang pinuhunan natin para magkaroon ng perang lima, sampu o dalawampung beses na mas malaki sa kita natin noong tayo ay nasa Pilipinas pa. Matuto tayong mag-impok at magkaroon ng kamalayan sa wasto at tamang paggasta. Magkaroon tayo ng tamang pagpaplano. Alamin kung paano mag-invest. Marami na ngayong nagbibigay-kaalaman tungkol sa stocks, mutual funds at trust funds. Maglaan ng bahagi sa inyong kinikita kung may balak kang mag-negosyo, basta alamin muna ang pasikot-sikot ng industriyang papasukin mo. Baka kasi dumating ang araw na mauwi lang sa wala ang lahat ng pinagpaguran mo kaya mapipilitang maging TNT (Tago ng Tago).

Naku, kabayan, huwag mong isipin ang lumagay sa ganitong sitwasyon. Napakahirap at parating talo ang maging isang TNT. Inilalagay natin ang ating sarili sa napaka-delikadong sitwasyon. Pwede kasi tayong maabuso ng mga employer (kung may kukuha man sa atin). O kaya naman ay pwede tayong ma-black mail o pagkakakitaan ng iba nating kababayan dahil may mga bansa na kapag may naisuplong na TNT, may kapalit itong malaking halaga. Parati ka tuloy balisa, napa-praning at may agam-agam dahil hindi mo alam kung sino ang pagkakatiwalaan mo. At kapag nahuli ka, mahihirapan ka ng makapag-abroad ulit. Nadungisan na ang imahe mo, pati na rin ang bansa mo.

Kabayan, tayo ang tunay na ambassador ng ating bansa. Dala natin ang pangalang Pilipinas saan man o kung ano man ang ating ginagawa. Palagi nating tandaan ang tatak ng isang tunay na Pilipino – may galing sa bawat larangan, may respeto sa iba, may masiyahin at positibong pananaw. Ang marka ng gawa o trabahong Pinoy ay de-kalidad at tunay na kahanga-hanga. Alalahanin nating ang bawat kilos natin ay sumasalamin sa pagtingin ng ibang lahi sa ating pagka-Pilipino. Isaalang-alang natin ang mga iba nating kabayan sa ganitong larangan. Lalong isipin natin ang epekto nito sa mga susunod na manggagawang Pilipino.

Gayundin, ipagmalaki natin ang ating bansa. Hanggat maaari, iwasan nating magkuwento ng masama tungkol sa bayang ating pinanggalingan. Hindi na natin kailangang sabihing corrupt ang ating gobyerno, malala ang traffic, madaming mapagsamantala o madumi ang kapaligiran. Ang pagpapakilala mo sa ating bansa ay pagpapakilala mo sa iyong sarili. Ikaw ay Pilipino at tungkulin mong ipagmalaki ang Pilipinas. Tulungan natin ang ating pamahalaan na ipakilala ang kagandahan ng Pilipinas sa buong mundo. Ipagpalagay mong ikaw ang ipinadala ng Department of Tourism para iparating sa ibang lahi ang higit pitong libong dahilan upang bumisita sa ating bayan. Mas maigi rin kung tatanglikin muna natin ang mga magagandang pasyalan sa Pilipinas bago tayo magbakasyon sa ibang bansa.

Higit sa lahat, lalo tayong tumawag sa ating Panginoon. Ipagdasal natin lahat ng ating pangamba at alalahanin at maniwalang gagabayan Niya tayo sa ating mga balakin. Nakakatuwang malaman na may mga Tagalog na misa sa ibang bansa at mayroon ding mga Christian churches na pwede mong puntahan.

Bagong Bayani – ganyan nga ang tawag sa atin ngayon. Kaya isakatuparan natin na maiangat ang kalidad ng ating buhay. Tulad ng mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa kalayaan, tayo naman ay mga bayaning kayang ibigay ang lahat, matamasa lang ang kaginhawaan at kaunlaran.

Hangad ko ay maging inspirasyon ang iyong buhay, hindi lang sa mga kapwa OFW kundi sa lahat ng taong nakakakilala sa iyo. Isang halimbawa ng Pilipinong nag-abroad na naging matagumpay sa buhay. Yung tipong nakatulong sa pagtupad naman ng pangarap ng iba. Kapag umangat, parating magbigay ng bukas palad na pagtulong lalo na sa mga kababayan nating OFW na hindi pinalad sa kanilang pangingibang-bayan.

Kabayan, alam mo ba yung kanta ni Gary Valenciano na “BABALIK KA RIN”?

Yung kantang iyun ang sumusuma kung ano ang ating mithiin bilang OFW. Na saan man tayo makarating, gaano man tayo katagumpay sa ibang bayan, hangad pa rin natin ang makabalik sa ating tahanan, iyun ang Pilipinas.

Isang makalangit na pakiramdam ang muling makabalik sa lupang pinagmulan. Lalo pa at ang sasalubong sa atin ay ang ating pamilya – buo at masaya. Tapos bubuksan mo uli yung bagahe mong dala – mapapangiti ka dahil natupad mo na lahat ng pangarap mo. At hindi na kailangan pang bumalik sa ibang bansa dahil aanihin mo na ang  bunga ng iyong mga sakripisyo.

Kabayan, ganyan din ba ang tagpong nais mo sa pagbabalik mo?

Anu’t anuman, patuloy akong nagbibigay-pugay at sumasaludo sa bawat OFW. Ipinagmamalaki kong kabilang ako sa mahigit dalawang milyong Pilipinong nasa iba’t ibang sulok ng mundo na patuloy na lumalaban sa buhay. Para sa pamilya. Para sa bansa.

Mabuhay ka, Kabayan!

Mula rito sa Qatar,

Lipadlaya

______________

Lahok para sa kategoryang Liham ng Saranggola Blog Awards 6.

Saranggola 336x280

Salamat din sa mga sponsors.

2dmci

tgeek

2kw

2peba2imove2dp

AKO ANG TINIG NG PILIPINO

Mabuhay! Ako ang Tinig ng Pilipino.

Ako ang Tinig ng Kasaysayan. Ang sigaw ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa Inang Bayan.  Ang taginting at ingaw ng tabak ni Bonifacio at ang ingay at talas ng panulat ni Rizal.

Ako ang Tinig ng Karangalan. Ang sigaw ng pagmamalaki ng mga atletang nagmarka ng mapa sa larangan ng palakasan. Ang tuwa ng mga alagad ng Sining at Siyensyang nag-ukit ng kasaysayan. Ang ngiti ng mga Pilipinang nag-uwi ng korona sa timpalak-kagandahan. Ako ang Tinig na pagmamay-ari ng lahing kayumanggi!

Ako ang Tinig ng Manggagawa. Ang usal ng mga OFW na construction worker, DH, inhinyero, nars at doktor saan mang panig ng mundo. Ang boses ng tindera sa palengke, call center agents, guro, magsasaka, mangingisda, maging ng mga de-kurbatang alipin ng mga dambuhalang kompanya. Ang tinig ng Pilipinong  nag-aalay ng dugo’t pawis para sa kinabukasan ng pamilya.

Ako ang Tinig ng Pakikibaka. Ang boses ng mga raliyista sa kalsada at tungayaw ng mga nagbabanggaang-puwersa. Ako ang Tinig ng mga walang Tinig, na inaapi, inaabuso at tinatapakan. Ako ang bulyaw – mula sa pinaghuhugutang hinagpis, daing at hikbi  sa tanikala ng kahirapan at kawalang –pag-asa.

Ako ang Tinig ng Pagbabago.  Ang Tinig ng EDSA na nagpatalsik ng mga mapang-abusong rehimen. Ang Tinig sa husgado na nagsakdal sa mga tiwaling pulitiko. Ang boses ng masang unti-unting nagigising sa usaping panlipunan. Ako ang text, video at blog, ang mata at tainga ng sambayanan laban sa sinumang lalabag at magsasamantala sa aking lahi, sa aking karapatan, sa aking pagkatao, sa aking pagka-Pilipino.

Ako ang TINIG ng PILIPINO. Dadaan ang araw, ako’y mamamalat, mamamaos, mababasag. Marahil, dulot  ng sakit at sakunang dulot ng kalikasan at gawa ng tao. Darating ang araw, ako’y sintunado at wala sa tono, marahil, dulot ng bulok na sistema, ng suliraning pulitikal at pang-ekonomiya. Magkagayunman, hindi ako mawawala. Mananahimik man pansamantala, sapagkat kailangan. Baka may bulong sa sariling hindi naririnig. At pagkatapos, saka muling manggigising.

Sapagkat. Ako ang TINIG ng PILIPINO. Malaya. May pagmamalaki. May pag-asa. Patuloy na aawit para sa Pagbabago tungo sa kaunlaran nitong Inang Bayan.

 _____________

Lahok para sa KM3 ni J. Kulisap.

DAMUHAN AT SINING: ISANG PARALELISMO

Bagsik ng panitik, sa diwang pinitik
Emosyong ‘dinilig, sa lilok at ukit
Tinig at Aliw-iw, hatid ay pag-ibig
Larawan ng buhay, sa ganda ay tigib.

Kaibigan, hayaan mong ipasyal kita sa damuhan na aking kinagisnan. Maghahabulan tayong parang mga paslit. Maglalaro. Maglilibang. At kapag napagod na’y, sabay nating isasalampak ang pagal na katawan sa bango at sensasyong dulot ng mga mumunting damo sa ating mga balat. Nakahiga, nakatingin sa kalawakan. Magbibilang ng ibong lumilipad, mag-uunahang bigyang ngalan ang mga ulap, at sisipol sa panaka-nakang saranggolang naglalayag.

Sasabihin ko sa iyo. Ang damuhan ay mistulang imahinasyong palaging luntian. Sa umaga ay isang mabining tula ng kabataan. Sa tanghaling tirik ang araw ay kwento ng pagkakaibigan. Sa hapon ay obrang ipininta ng dakilang gulang. At sa gabi ay musikang hatid ng kulisap sa parang.

Ganyan din ang SINING, kaibigan. Palaging may alay na kagandahan. May mutya ang panitikan, may rikit ang arkitektura, may galing ang teatro at pelikula, may ligaya sa musika, may ritmo ang pagsasayaw, may bunyi ang pagpipinta.

Tunay ngang ang Sining ay isang silid-aklatan ng karanasan ng tao mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan. Kagandahang hinding-hindi nauubusan ng rason. Kaligayahang hinding-hindi nasasaid ng panahon.

Pinilakang tabing, lakbay- balintataw
Lukso at indayog, tulang gumagalaw
Teatro, entablado, Sa lipuna’y halaw
Salamin ng buhay, sa mundong ibabaw.

Kaibigan, hayaan mong akayin kita sa damuhang aking kinagisnan. Subalit, huwag kang bibitaw sa aking mga kamay. May nakatagong misteryo ang damuhan. Ikaw ay aking pinaaalalahanan. Baka matisod ka sa batong nakatago sa luntiang damuhan. O masugatan sa bubog. O pupugin ng langgam. Subalit, kung papalarin naman, baka may mapulot kang pera, o hikaw o gintong kwintas kaya.

Uulitin ko sa iyo, ang damuhan ay isang baryang may dalawang mukha. Ang kahulugan nito’y nasa mismong tumitingin. Sa iba, ang damuhan ay masama – makati sa balat, masukal at mapanganib. Lansangan ng mga insekto, kulisap at ahas. Sa ilan, ang damuhan ay mabuti — pastulan ng alagang baka at kalabaw. O lugar ng piknik ng pamilya o magkakaibigan.

Ganyan din ang SINING, kaibigan. Palaging may hiwagang naghihintay sa bukas na isipan. May iba’t-ibang pagpapakahulugan ang mga pantas na utak-galunggong. May sari-saring pananaw ang mga pulubing isip-paham. Isang malaking kabalintuanan. May malignong nakasilip sa maamong mukha. May diwatang nakangiti sa likod ng buwaya. May hindi nakikita ang mata, kung kaya’t kailangang buksan ang diwa. Ano ang katotohanang nais niyang itago? Ano ang kasinungalingang nais isiwalat?

Ano ang iniisip ni Leonardo da Vinci nang iguhit niya ang pamosong ngiti ni Mona Lisa? Paano nailigaw ni Juan Luna sa kanyang Spolarium at ni Franciso Baltazar sa kanyang Florante at Laura  ang mapanuring mata ng mga Kastila? Bakit malaki ang kamay ng Our Lady of EDSA Shrine? Bakit hubo’t hubad, nakadipa at nakatingin sa kalangitan ang UP Oblation? Ano ang kwento sa likod ng Tinikling at Singkil? Sino ang babae sa kantang Huling El Bimbo ng Eraserheads? Anong misteryo ang nakatago sa mga Pyramid ng Egypt? Bakit nga ba nag-debate ang iba’t-ibang kagawaran ng pamahalaan tungkol sa Sining ni Madeo Cruz sa kanyang exhibit sa Cultural Center of the Philippines? Ang sining nga ba ay pagtatangkang pag-alagway sa karaniwang agos, pamantayan at kinalakhan?

Tunay ngang ang Sining ay parang pintuan na sa bawat bukas ay iba-ibang mundo ang bubungad. Bawat bukas ay may hatid na ibang karanasan. Bawat sara ay may handog na ibang kaisipan.

Musa nitong sining, ay damong makulit
Gapasin man ngayon, bukas ay uulit
Mabigyang laya lang, diwang di makipkip
Sisibol, tutubo, yabong di malirip.

Kaibigan, aayain kitang muli sa isang damuhan. Ngunit hindi na sa damuhang aking kinagisnan. Manapa’y samahan mo akong maglakbay sa isang lugar kung saan namumutiktik ang mga damong nagsasabog ng sangkaterbang kaalaman. Isang makabagong damuhan. Isang bagong tambayan sa Panahon ng Internet. Ang mundo ng blogosphere.

Ngunit, ang paglikha ng blog, ay tulad din ng pag-usbong ng makukulit na damo. Maya’t maya ay sumisibol. Harinawang ang mga binhing ito’y may hamog sa uhaw, at hindi tinik ang handog. Ang blogosphere, bilang makabagong damuhan at tambayan ay marami ring masamang damong dapat na iwasan. Maging bayani ka sa parang. Maghasik ng mabuting kaalaman.

Ibubulalas kong muli sa iyo. Ang Sining ay bunga ng malaya, malikot at malikhaing kamalayan. Ang blogosphere ay isang lansangan ng samu’t saring kaisipan. At ang dalawa’y kapagka nagtiyap, hindi baga isang malaking banyuhay. Parang bukang-liwayway. Isang dakilang sangandaan.

Linya, hugis, kulay, Edeng nireplika
Palasyo’t dambana, hinuhang ‘pinunla
Daigdig, hininga – Ang Diyos ang may likha
Sining at kultura – Tao ang may gawa.

Kaibigan, tayo ay mamasyal sa mga bagong tambayan. May mga WordPress blog para sa musika at pelikula, may mga Blogspot blog para sa panitikan at pagsasayaw, may mga blog sa Multiply tungkol sa arkitektura at pagpipinta, May mga naka-dot.com na mga makata, litratista, kwentista, iskultor at iba pang alagad ng sining. Lahat sila’y mumunting damo sa luntiang espasyo ng cyberspace. Sa mundo ng SINING ng BLOGGING. Sa daigdig ng BLOGGING ukol sa SINING.

At kung mangyaring ikaw naman ang dalawin ng iyong Musa, panahon na rin siguro upang lumikha ka ng sarili mong damuhan. At malay mo, yaon ay aking magiging paboritong tambayan.

______________

Lahok para sa “Bagsik ng Panitik” contest ng Damuhan.

Ikaw Nga, Pag-ibig! (Repost)

Nakita kita sa magkaibigang nag-unahang magbayad ng pamasahe sa jeep. Nalasahan kita sa lutong adobo ni Nanay. Narinig kita sa awiting ipinamalas ng choir sa simbahan. Naramdaman kita sa sugat na natamo ni Kuya sa pagliligtas sa alagang si Bantay. Naamoy kita sa rosas na ibinigay ng manliligaw ni Ate.

Kilig, pintig, kuryente, kidlat, tibok. Ikaw nga, Pag-ibig!

Saan man, kailan man, ang kapangyarihan mo ang bumabalot sa sanlibutan. Mula sa unang sinag ng araw hanggang sa pagngiti ng buwan, lahat ay sumisimbolo ng iyong kahulugan. Napakalawak ng impluwensya na di kayang ikahon maski ilang libong salita.

Upang ilahad ang kasaysayan. Bigyang katuwiran ang digmaan. Gawing makatotohanan ang pelikula. O ang pagbaba ng Bathala sa lupa.

Kung tutuusin, mahiwaga, malalim at sagrado ang tunay nitong kahulugan. Bawat isa ay may sariling interpretasyon batay sa karanasang idinulot nito. Ekspresyon o pagpaparamdam, hindi depinisyon ang mahalaga.

Sapagkat ang pag-ibig ay regalong ibinigay sa atin simula pa lang sa sinapupunan ng ating ina. Regalong dapat na ipinamamahagi sa mga taong nakapaligid sa atin. Ito ang tanging paraan para mas maunawaan natin ang tunay nitong kahulugan. Katulad niya’y isang di-natutuyong balon kung saan lahat ay may ga-patak na tubig para ipainom sa mga nauuhaw at napapagal.

Unang ibahagi mo ang pag-ibig sa iyong sarili, pagyamanin ang anumang kakayahang taglay mo. Walang limitasyon. Ipamudmod mo ito sa iyong pamilya upang balutin ng respeto at di-mapipigtal na ugnayan ang bawat miyembro nito. Walang kondisyon. Itanim mo ito sa iyong pamayanan, sa paaralan at simbahan upang maging daan ng pagkakaisa. Walang alinlangan. Isunod mo itong ipunla sa iyong bansa at ipangalandakan ang iyong pagmamahal saan mang panig ng mundo.Walang kapalit. Higit sa lahat, ibalik mo ito sa Dakilang Lumikha sapagkat siya ang pinakaugat ng ganitong damdamin. Walang katulad.

Luha, tula, ngiti, awit. Buhay. Kamatayan. Simula  at wakas.

Nakita kita sa magkaibigang nag-away sa jeep kahapon dahil sa isang lalaki. Nalasahan kita sa luhang nasahog sa puto ni Nanay nang maghiwalay sila ni Tatay. Narinig kita sa hagulhol ni Kuya nang patayin nila si Bantay dahil naulol ito. Naamoy kita sa hininga ng bagong silang na sanggol ni Ate. Naramdaman kita kanina nang maranasan ko ang unang halik mula sa matagal nang iniibig.

Buhay ka, Pag-ibig!!!

____________
para sa pakontes ni gillboard.

Mga Aral Sa Mga Laruan

Nililikha sila mula sa bakal, plastik, kahoy at lata. Pinagyayaman ng pulotgata ng imahinasyon at kaisipan. Binubulungan ng alpabeto ayon sa pangangailangan. Binibinyagan sa pangalang LARUAN. At iniluluwal sa mundo ng kabataan. Sa panahon ng PAGLALARO at paglilibang.

Ano nga bang uri nila ang dumaan sa iyong mga kamay? De-tali. De-motor. De-baterya. De-gulong.

Ilan sa kanila ang nagmarka sa panahon ng iyong kamusmusan? Larong pang-isahan. Pangdalawahan. Pang-maramihan.

Alin sa kanila ang nag-iwan ng latay at aral pagkatapos? Ang bangkang papel sa baha? O ang laruang kotse sa baku-bakong kalsada? O kaya naman ay ang saranggola sa malawak ng papawirin?

Alin sa mga ito ang nagpakilala sa iyo ng salitang kaibigan at kakampi? Kaaway at kalaban?

Anong laro o laruan ang naghubog sa iyong pagkatao? Ng kalakasan at kahinaan. Ng kagalingan at kakulangan.

Aling pagkakataon ang nagpakilala sa iyo sa tunay na mundo? Taya. Burot. Star Player. Miron. Salingpusa. Bangko. Salingkit. Pikon.

Walang hindi sa atin ang naglaro noong panahon ng ating kabataan. Lahat ay nabasa ang likod sa pawis mula sa maghapong habulan. Ang ilan ay nadapa at umuwing bangas ang mukha at may sugat ang tuhod. Ang iba marahil ay napalo ng mga magulang dahil gabi na nang umuwi buhat sa pakikipaglaro sa ibang mga bata sa kalapit-baranggay. O kaya naman ay dahil sa hindi mapatigil na pag-iyak sa kasabikang magkaroon ng mamamahaling laruan. Ilan din ang naniwalang ang kuto at lisa ay dulot ng alikabok sa arawan at ang di pagtulog sa tanghali ay dahilan ng mabagal ng paglaki.

Lahat ng iyan ay kailangang maranasan. Upang maging bahagi ng kabuuan. Upang maging hakbang ng pagkatuto. Sa tunay na kalakaran at sistema ng lipunang ginagalawan. Sa malawak na palaruan ng buhay at totoong laro ng mundo.

Ang tao nga ang lumilikha ng mga laruan. Ang mga laruan naman ay tumutulong sa paghubog sa kanyang pagkatao.

Balikan natin ang mga aral sa bawat kulay, porma, hugis at anyo ng mga laruang ating nakagisnan. Muling sariwain sa kamalayan ang leksyong ibinunga ng paglalaro.

Sa larong bahay-bahayan, natuto tayong gampanang maigi ang papel na ginagampanan. Kung saan ang ama at ina ay mapagmahal at ang mga anak ay masunurin. Ni walang lugar ang pambubugbog at pagbubulyawan at mapapansin ang paggalang sa bawat miyembro. Ganoon din sa larong doktor-doktoran, walang lugar ang panlalamang. Sa larong pulis-pulisan, alam ng bata na hindi siya kawatan.

Ang mga guhit sa patintero at piko ay simbolo ng mga limitasyong dapat nating isaalang-alang. Dapat nating isaisip na lahat ay may hangganan. Mga batas na dapat sundin at igalang.

Sa mga laruang luwad, napagyaman ang ating kaisipan. Na kaya nating bumuo ng mga magagandang obra mula sa simpleng bagay. Gaya ng pagbuo ng pangarap mula sa kawalan. Ang likas na husay ay sinasangkapan ng sipag at tiyaga. Gayundin naman, ang taas ng luksong tinik at Chinese garter ay mga balakid na kaya din nating lusutan. Katulad ng mga hadlang sa mga layuning kailangang pagdaanan.

Nalaman natin sa chess at dama ang konsepto ng pagpaplano. Na kailangan ng maraming alternatibong balak kung sakaling di sumang-ayon ang tadhana. Na minsan, sa buhay at laro, kailangan nating magsakripisyo nang malaki tulad ng pagkawala ng reynang piyesa sa chess. O ang pagpain ng tatlong piyesa para makadama. Dahil alam nating may buti rin itong kapalit. Ang luha ay may tuwa ring kakabit.

Natuto tayong sumugal sa mga larong teks at holen. Walang nanalong hindi sumugal. Walang natalong hindi nakabawi. Doon tumimo sa atin ang lakas ng loob, marahil sa pagdedesisyon at pagsuong sa mga mahihirap na sitwasyon.

Natutunan natin sa basketbol ang konsepto ng teamwork. Lahat ng miyembro ay may talento at kasanayang pwedeng iambag sa tagumpay ng bawat laro. May magaling. May masinop. May mapera. May masipag. May maabilidad. Sa koponan, alam natin ang kaya nating iambag.

Sinong mag-aakalang ang isang piyesa ng Lego ay kailangan upang makabuo ng isang kahanga-hangang bagay? Kahit sa pagbuo ng puzzle, mahalagang sangkap kahit ang isang maliit na bahagi. Ang isang mabuting gawi ng isang mamamayan, gaano man kaliit o kalaki ay may epekto sa kabuuan ng  bansa at pamayanan.

Huwag maging tau-tauhan. Sila ang unang nakakaligtaan.

Lalong huwag hangaring maging robot o anumang de-susing laruan. Responsibilidad mong hawakan ang remote ng buhay mo at maghanap ng bateryang magpapaandar sa yo. Lumingon sa kaliwa, andyan ang kasintahan o asawa mo. Sa kanan, mga kaibigan.  Sa itaas, Ang dakilang Lumikha.

Sa pagpapalipad natin ng saranggola, nalaman natin na gaano man kataas ang narating ng guryon, may tali pa ring nagkokonekta sa kanya mula sa ibaba. Ang tali. Ang ugat. Ang pinanggalingan. Ang pusod. Ang pamilya.

Kung maging taya sa laro, sa trabaho o pamilya, nakasalalay sa sarili kung hanggang kailan mo bubunuin ang pagiging taya. Tatlong bagay ang maari mong gawin: gampanan mo nang mabuti ang pagiging taya, humingi ng tulong sa kapuwa o lumikha ng bagong taya.

Huwag kang mapipikon. Lalong huwag kang aayaw. Lahat ng laro ay kailangang tapusin. Mabigat sa puso kung hindi mo alam kung ano ang iskor sa isang bagay na pinagpapaguran. Kahit ang trumpong paikot-ikot lang, may tagal ng pag-ikot na siyang pamantayan. Dahil lahat ng bagay sa mundo ay may kaakibat na panukat. Ang pag-aaral, may grado. Ang trabaho, may sweldo. Kahit sa panliligaw. Basted ka ba o pasado? Ano bang lagay ng buhay mo ngayon? Panalo ba o talo?

Dito naman papasok ang pagtanggap sa mga hamon ng buhay. Itinatak sa atin ng paglalaro ang diwa ng sportsmanship. Ang maluwag na pagtanggap ng pagkatalo at pagiging maginoo ng nanalo.

Sa larong habulan at pagbibisikleta, nalaman nating mas masarap tapusin ang laro kahit na madapa o sumemplang sa kalsada. Hindi mahalaga kung ilang beses bumagsak, ang mahalaga ay ang pagbangon at pagkatutong maging mas maingat sa mga lubak na daan.

Hindi totoo ang salitang GAME OVER. Parang brick game lang yan. Pwede mong ulit-ulitin. Kahit anong level. Kahit anong oras. Ang kagandahan sa buhay, pwede kang magsimula at magbago ng laro. At mamili ng mga bagong kalaro. Yaong makakatulong sa pagkamit ng tagumpay. Parang larong tagu-taguan, iwasan mong magpahuli sa bisyo at masamang kalakaran.

Alalahanin natin ang aral ng bangkang papel sa paglalayag sa tubig. Maging maingat sa paglalakbay. May mga batong sasalpok na siyang magiging dahilan ng ating pagkalunod.

Alalahanin ang mga aral mula sa laruan. Kalayaan. Mayamang Kamalayan. Pagbuo ng pangarap. Huwag maging MISMONG laruan.

Alalahanin ang mga aral mula sa paglalaro. Isabuhay. Isapuso. Pagbibigayan. Pagkakaisa. Pagmamahalan.

Alalahanin ang mga ito habang naglalakbay.

Sapagkat tayo ay nililikha mula sa alikabok at salita. Pinagyayaman ng karanasan at kasaysayan. Binubulungan ng gabay at pangaral. Binibinyagan ng mabuting pangalan at karangalan. At iniluluwal sa mundo ng patuloy ng ebolusyon ng sangkatauhan.

 *************

Lahok na blog para sa Saranggola Blog Awards.

KM2: Daloy ng Diwa: Salin ng Gunita: Agos ng Kamalayan

Isasalaysay ko sa iyo ang daloy ng diwa.

May diwang iginuhit sa mga yungib sa Pransya. May kamalayang naglipad sa atin sa buwan. May diwang isinilang sa kalsada ng EDSA. May diwang adhika’y isumpa ang terorismo. May banal na ideyang nag-aakay sa kaligtasan ng mundo.

Nais kong ihambing ang daloy ng diwa sa agos ng tubig. Hindi mapipigil. Katulad nito’y liwanag na lulusot kahit sa munting siwang. Nagsusumiksik. Parang hanging nasa loob ng bula. Lalaya. Tila binhing ipinunla. Mamumunga.

Narinig mo na ba ang awit ng bansang lugami? O ang tula ng makatang nangangalumata? O ang balitang maitim ang kuyukot ng idolo mo? Nakita mo na ba ang obrang guhit na korales, dikya at isda ng isang mangingisdang pintor? O ang pelikula tungkol sa manananggal (ng salawal) sa kalaliman ng gabi? Lahat ng ito, tama ka, ay diwang dumaloy sa iba’t ibang behikulo.

Sapagkat ang diwa ay supling ng pulotgata. Ng mga salita. Ng mga tunog. Ng mga Kulay. Ng hiling at halinghing. Ng tuwa, hapis at luwalhati.

Iniluluwal ng damdaming hugot sa karanasan, sarili man o hiram. Dulot ng peklat ng kahapon o agam-agam ng ngayon. Ng panibugho at pamimintuho. Ng mga pako at pulot-pukyutan ng buhay. Ng alingawngaw sa ilang o bulong ng puso.

Mula ito sa malaya at malawak na imahinasyon. Ng TAO. Ang isip at damdamin ang bukal ng laksa-laksang diwa. Pabalik-balik. Paulit-ulit. Pasalin-salin sa bibig. May diwang nahihimbing ng ilang daang taon. Mayroon ding hindi nililipasan ng panahon.

Manapa’y ang diwa’y hindi basta dumadaloy lang. Mayroon itong dapat na puntahan, patunayan.

Rizal. Bonifacio. Cory. Nagpaliyab ng diwang makabayan.

Einstein. Newton. Nagpayabong sa diwa ng karunungan.

Bibliya. Koran. Nag-aanyaya ng maharlikang daan ng kabutihan.

Isasalaysay ko sa iyo ang daloy ng diwa.

Naglulundagan ito sa bawat tipa sa keyboard. Nagsasayaw sa mabuladas mong dila. Nakikipagpambuno sa lapis at papel. Nagliliparan sa isipan. Nag-uunahan. Lahat, nais makawala. Pakinggan mo sila, at bigyan ng laya.

Daloy ng diwa. Salin ng gunita. Agos ng kamalayan.

Isinalaysay ko na sa iyo ang daloy ng diwa. Ibig kong tanungin ka, anong DIWA ang nais mong padaluyin sa iba?

Kalayaan: Kamalayan At Pagkilos

Pinukaw tayo sa ganda ng kalikasan, pinatindig tayo ng apoy ng pag-asa, pinag-isip tayo ng diwang makabayan at ngayon ay pinakikilos tayo para sa Inang Bayan.

Maraming dahon ng panahon ang nalagas mula sa puno ng dantaon bago natin nakamit ang ating kalayaan. Kalayaang inihandog ng mga ninunong nagbuwis ng buhay makahilagpos lang sa tanikalang hatid ng mga dayuhan. Subalit, ano nga ba ang tunay na kahulugan ng kalayaan?

Ang kalayaan ay binhing ipinupunla sa matabang lupa upang mamunga para sa susunod na henerasyon.
Ang kalayaan ay pagkilos patungo sa kaunlaran. Aanhin mo ang kawalang-limitasyon ng bawat gawa at salita kung ikaw ay malulugmok lamang sa kawalang-paglago? Ang kalayaan ay binhing dapat ipinupunla sa matabang lupa, upang lumago, mamunga at bumusog sa susunod na henerasyon.

Sapagkat ang kalayaan ay may kaakibat na responsibilidad. Kung ikaw ay kabataan, malaya kang maglayag at makipagsapalaran, alalahanin lang na ang destinasyon ay makatapos ng pag-aaral. Kung ikaw ay manggagawa, malaya kang gawin ang nais kung hindi nakatingin ang amo, ngunit sa paglubog ng araw, nagawa mo ba ang trabaho mo? Kung ikaw ay pulitiko, malaya ka sa pagbuo ng desisyon ngunit kalakip nito’y katungkulan sa bayang nagluklok sa kapangyarihan.

Kung ikaw ay Pilipino, mapalad ka dahil sa kabilang dako ng mundo, maraming tao ang walang kalayaang bomoto, magsalita laban sa gobyerno, mamili ng kasariang kabibilangan o ng relihiyong kaaaniban.

Ang kalayaan ay pagkilos nang may kamalayan.

Nasa kamay natin ang simula. Huwag tayong magpagapos sa mga limitasyon. Gapusin natin ang limitasyon, sunugin at pagningasin upang makabuo ng inspirasyon. Simulan mo iyan sa iyong buhay. Iangat mo ang kalidad ng iyong sarili. Susunod diyan ang bayan patungo sa kaunlaran.

Maging buhangin ka. Buhanging kasama sa pagbuo ng pangarap, hindi buhanging nagsisilbing puwing sa lipunan.

— Lipadlaya
_____________________
pic from deviantart.com

Dahil Hindi Lang Amerika Ang Kausap Ni Obama

mga bata... wag kayo magsiksikan diyan sa kabila, maluwag pa dito sa kaliwa

Gusto ko lang ibahagi sa inyo ang talumpati ni President Barack Obama sa pagsisimula ng klase sa Amerika.

Ito ang masarap na ipabaon sa mga batang muling makikipagsabayan sa traffic, assignments, polusyon, recess at oo nga pala, sa pakikipag-agawan ng upuan sa klaseng 70 ang bilang ng estudyante..

Anu’t anupaman, matuto sana tayong ipaalala sa mga batang ito ang kahalagahan ng edukasyon. Na ang tagumpay ay hindi ganun kadali dahil may kasama itong pagsisikap. At lalong dahil hindi lahat ay magiging artista at basketball player.

Ito ang kabuuan ng talumpati ni Pangulong Obama.
____________
**pic from thecaucus.blogs.nytimes.

Para Sa Mga Magsisipagtapos (Repost)

Graduation_by_jenneeKaybilis tumakbo ng panahon!  Parang kailan lamang nang una kong itapak ang aking mga paa dito sa Bigain at lalong parang kahapon lang nang ganitong panahon din nang magtalumpati ako sa aming pagtatapos.  At tulad ng nakasaad sa Class Prophecy namin ng JS Prom, magiging Guest Speaker ako ng  paaralang ito, mga kaibigan, dreams do come true. Nasa akin ngayon ang pagkakataon upang muli akong mapakinggan.

Una sa lahat, nais kong pasalamatan ang Bigain National High School sa mga narating ko ngayon. Ang siyang naging pandayan ngkung anong potensiyal meron ako. Ang pugad ng kasiyahan, kalungkutan, karanasan at kabataan. Maituturing  kong isa sa pinakamatagumpay kong mga taon ay dito nagkaroon ng kaganapan. Nakarating ako sa iba’t ibang lugar upang makipagtagisan sa iba’t ibang larangan. Nanalo. Natalo. Pero sa bandang huli, andun ang karangalang maging  kinatawan ng ating paaralan.  Sa Bigain, nahulma ang leadership skills ko.  Ang maging Student Council President for two consecutive  years at maging Little Mayor ng bayan ng San Jose ay mahirap pantayan. Mag-isip ng project, makipag-usap sa malalaking tao at humawak ng samahan ay parehong mahirap at masarap na karanasan. Hindi ko malilimutan ang Scouting, ang CAT drills, ang JS Prom, ang maghapong klase, ang unang crush, ang kalokohan, ang sermon, ang exams, ang pangongopya at pagpapakopya, panghihiram at pagpapahiram ng notebook hanggang sa hindi mo na alam kung asan na yung notebook mo, recitations at projects…… lahat ng masasaya at makukulay na sandali ng pagyabong.  Gayundin, salamat kay Sir Perez na una kong guro, kay Maam Agno na hanggang sa huli ay naniniwalang kaya kong gawin lahat, kay Maam Briones na siyang nagtulak sa akin upang magsulat, kay Maam Bagui sa computers, kay Maam Belela at Maam Pascua sa mga laro at sayaw, sa Physics  teacher na si Maam Castillo, kay Maam Liwag, kay Maam Remo at Maam Hernandez. Sa mga Inay at Tatay, utang ko sa inyo ang lahat. Sabi nga sa kanta, “You will always be a special part of me/ You will always be a special memory/ I will cherish every moment you have given me/ You are in my heart wherever I will be.

Success is measured not by what you have achieved but by the sacrifices you have made in achieving your goal. Ang tunay na tagumpay ay di nasusukat sa kung magkano ang nakalagay sa payslip mo. Mas malalim kaysa sa halaga ng bahay, lupa at sasakyan o negosyong naipundar mo. Manapa’y masusukat ito kung paano mo nalagpasan ang mga pagsubok sa pagkamit ng mga pangarap. Kung paano mo nakayang suungin lahat ng hirap at problema sa pagtahak ng buhay. Sino nga ba ang mas matagumpay?  Ang summa cum laude na anak ng mag asawang doktor at abogado o ang average student na siyang nagpaaral saa kanyang sarili?

Mga kaibigan, ako ay pang -anim sa labing isang anak ng isang sorbetero at isang simpleng maybahay. Mahirap at malaking pamilya. Sampung taon akong nagbaon ng itlog sa binalot. At ang mas nakakatuwa, pinag-aapat pa namin ang  isang itlog para  sa aming magkakapatid. Kelangan naming magkita ng ate ko tuwing recess para pagsamahin ang baon namin upang makabili ng turon o banana cue. Natatandaan ko pa na tuwing umuulan sa hapon, yung mga gamit lang namin yung me plastic samantalang kami’y maliligo sa  ulan. Ginagalugad namin ang buong baranggay at nakikihiram ng sapatos tuwing Field Day. Salamat at naging iskolar ako ni Mayor Umali, noon lang ako nakabili ng sarili kong sapatos. Kapos ang gamit, kulang ang baon. Pero sabi ko, walang award para sa may pinakamagandang bag o pinakamalaking baon. Ang karangalan ay para sa mga taong may tiyaga, sa nagsisikap at sa may pangarap. Kahirapan ang nagtulak sa akin upang mangarap at maglayag. Inspirasyon upang mapaganda ang buhay na kinalalagyan.

It’s not where you stand right now o kung anong kahapon meron ka. Ang mahalaga ay kung saan ka pupunta. Where will you go from here? Pag alam mo na kung saan ka pupunta, kumilos ka nang ayon sa daang nais mong tahakin. Wag kayong matakot mabigo. Wag kayong matakot madapa. Failure doesn’t mean you are a failure. It means you haven’t succeed  yet. It doesn’t mean you should give up but you should try harder. Ang lahat ay pwedeng magsimula ng panibago. Kung may sugat dahil sa kabiguan, alalahanin mo ang mga aral na napulot mo sa bawat pagkakamali. Only then, you will realize the value of perseverance and endurance. Never give up. Struggles and adversaries make a strong person.

Edison failed a hundred times before he had his inventions. Linlcoln lost his  parents when he was young, lost in elections several times before he became one of the most admired Presidents of the US.  Mula sa mahirap na pamilya si Oprah Winfrey, rape victim at the age of nine ngunit itinuturing siya ngayon bilang isa sa pinakamaimpluwensiyang tao saa mundo. Isama na rin natin sa listahan sina dating Pangulong Ramon Magsaysay, Manny Paqcuiao, at Manny Villar. Mahaba ang listahan kung kaya’t lagi nating isipin na “A beautiful butterfly came from a crawling moth before it learned to fly.”

Graduates, hindi pa tapos ang laban. Round 1 pa lang ito ng tunay na labanan. Kaya nga ito tinawag na Commencement e. It means, this is just a beginning of anther phase in the lifetime quest for learning. You will be facing the more delicate, sacred and gargantuan tasks of nation-building and your weapon will be your education.

Life is what we make it. Maliit na porsyento lang yung mga sitwasyong ibinibigay sa atin. Ito yung mga bagay na hindi natin kontrolado tulad ng kahirapan at paghinto sa pag-aaral. Yung malaking porsyento ay kung paano tayo kikilos at magdedesisyon sa mga sitwasyong ito. Masuwerte yung mga magpapatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo. Pagbutihin ninyo dahil hindi lahat ay may pagkakataong kagaya ng sa inyo. Yung iba, maghihintay lang magdisi-otso at magtatrabaho na. Praktikalidad at realidad. Kelangan e. Hinihingi ng pagkakataon. Ngunit magcollege man o hindi, maging matalino kayo sa mga bagay na ginagawa niyo. Gayundin naman, hindi lang talino at yaman ang sangkap sa pagluluto ng tagumpay. Kelangan ang diskarte. Be fair sa lahat ng laban. Nasa kamay ninyo ang buhay at kinabukasan. You are the master of your fate and the captain of your soul. At the end of the day, is your life worth looking back? Puwedeng hindi singtaas ng iba ang naabot ng saranggola mo at hindi ganun kalalim ang impact na nagawa mo sa komunidad, pero alam mong may nabago ka. Alam mong masaya ka sa ginawa at ginagawa mo. Masaya ka dahil may natutulungan ka kahit sa maliit na paraan. Simulan mo ito sa iyong sarili at sariling tahanan. Iyun ang mahalaga. Diyan nagsisimula ang tunay na pag-unlad.

Huwag kayong masyadong seryoso sa buhay. Take time to play and have fun. It is the secret of staying young. Enjoy life. Balansahen mo ang bawat aspeto ng buhay – ispiritwal, sosyal, emosyonal, pisikal at intelektuwal. Never stop learning. Never stop dreaming. Sabi nga nila, pangarap na lang ang libre kaya lakihan mo na. Subalit huwag kang makuntento doon. Ikaw ang inhinyerong magsasabuhay ng mga pangarap mo. Be thankful. Sa Dakilang Lumikha,sa mga magulang at sa lahat ng taong tumulong sa iyo. After all, they are the wind beneath your wings.

Mahaba ang gabi ngunit parating may naghihintay na bukang liwayway. Pagdating ng panahon, alam kong isa sa inyo ang tatayo dito upang siya namang magbigay ng pananalita sa harap ng mga bagong sibol ng kabataan.

Muli, Binabati ko kayo sa inyong tagumpay!!!!

Shokran….

Dahil lahat ng nagwagi ay kailangang mag-speech, heto ang mga taong dapat kong pasalamatan.

Una syempre, salamat kay Lord kasi nagdasal talaga ako na manalo. Ito lang kasi ang alam kong talento ko, at gusto kong gamitin niya ako gamit ang regalong bigay niya. Bobo ako sa isports, sa totoo lang. Hindi angat ang boses ko at parehong kaliwa ang mga paa. Wala rin akong talent sa drowing. Lalong wala akong mukhang pang-artista. Kaya Lord, salamat talaga.

Salamat din sa taong nagbibigay sa akin ng inspirasyon. Kahit hindi siya nagbabasa ng blog, (ayoko din kasi ipabasa, hehehehe) hindi niya alam na siya yung pinaghuhugutan ko ng emosyon…

Salamat kay Bernard at sa kanyang saranggola,,, nagising muli ang kagustuhan kong magsulat. Marami na akong nabalitaan na mga kontes pero eto ang isa sa pinakamaganda ang layunin. Natatawa pa nga ako dahil bago pa lang talaga ako sa blogging at nag-ym pa ko sa kanya kung paano mag link. Napagkamalan niya tuloy akong taga-bundok,,,hehehe.

Salamat din sa mga nasasalubong ko dito sa mga kanto ng blogosperyo. Sila talaga ang hinahanap ko saan man ako pumunta. Parang napakaliit na bahagi lang kasi ng populasyon ang may hilig sa literatura. Kapag nakakita ako ng ganung tao, parang nakakita na rin ako ng kayamanan. Yung mga taong pareho kayo ng hilig, hilig na pinipili ng iilan. Yung pagkukuwentuhan mo ng ginagawa mong obra na basura o wala lang sa nakakarami.

Salamat din sa mga hurado. Malaking tulong ang pagkilala nila sa mga gawa ko para magpatuloy magsulat. Akala ko kasi, kinakalawang na talaga ang kakayahan ko. Kelangan lang pala ng hasa.

At sa mga hinihiraman ko ng laptop, maraming salamat talaga. Dangan kasi, yung binili kong second-hand na laptop, bakal na lang talaga nang dalhin ko dito sa qatar. Di bale, mag-iipon talaga ako para masunod ko naman ang hilig ng katawan.

Syempre sa pamilya ko, pasasalamat din. Wala silang kaalam-alam na me ganito pala akong mundo. Sabagay, hindi rin naman kasi sila nakakakita ng computer. Pero ganun pa man, mahal ko sila at mga bida sila sa libro ng buhay ko.

Syempre, sa mga naliligaw dito sa aking bahay. Kahit matagal akong di magpost, hindi rin naman nawawalan ng bisita itong aking munting tahanan. Salamat.